Miyerkules, Hunyo 25, 2014

Nang nagmahal ang bawang, nagsaya ang mga aswang

NANG NAGMAHAL ANG BAWANG,
NAGSAYA ANG MGA ASWANG

ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nang nagmahal ang bawang, nagsaya ang mga aswang
nakita ito nang bawang sa palengke'y nagkulang
presyo’y di lang nagtriple, tubong-tubo na sa bawang
aba'y mangangalakal pala iyang mga aswang

sa negosyanteng aswang, upang lumaki ang tubo
tone-toneladang bawang daw yaong itinago
naisipan nilang sipsipin ang sa masa'y dugo
sa lumolobong tubo, aswang silang langong-lango

negosyanteng aswang, produktong bawang ang nakita
alam nilang ang bawang ay kailangan ng masa
kaunting bawang, mahal na presyo, laki ng kita
nag-epektong domino, pati bigas nagmahal na

akala namin noon, takot sa bawang ang aswang
ngunit aswang pala silang nangalakal ng bawang
para sa tubo, kanilang bituka'y naging halang
munting kita ng dukha’y kanila pang sinasagpang

Walang komento: