Huwebes, Hunyo 26, 2014

Tutulong daw sa kalabaw ang agilang pilantod

TUTULONG DAW SA KALABAW ANG AGILANG PILANTOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

* Ito'y isang makabagong pabula sa anyong patula. Ang pabula ay anyo ng kwentong pampanitikan na ang mga tauhan ay hayop.

bukid ng mahinahong kalabaw, anang balita
ay hangad daw na sakupin ng osong dambuhala
ang agila naman sa kalabaw ay namanata
siya'y tutulong sa pagtataboy sa osong gala
ngunit sa likod nito, ang agila'y natutuwa

sasakupin daw ng oso ang bukid ng kalabaw
habang sa likod ng kalabaw, nagyabang ang langaw
agila'y magkakapugad sa bukiring mapanglaw
kung maitataboy yaong dambuhalang halimaw
banta ng oso'y tila nakatarak na balaraw

sa oso'y lalaban ang kalabaw pag nagkagurlis
kahit kayang indahin ang mga tamang dumaplis
ipinagmayabang ng agila ang angking bagwis
kaya kalabaw daw sa banta'y di dapat magtiis
lalabanan nilang sabay sinumang magmalabis

malakas man yaong bagwis, ang agila'y pilantod
pagkat sa isang labanan, nabalian ng tuhod
pag di lumilipad sa gubat siya'y tila'y tuod
sa kalabaw at oso'y lagi na lang nakatanghod
di malaman kung kailan sa laban na'y susugod

teritoryo ng oso'y isang malawak na isla
agila'y himpapawid naman ang sinakop niya
sa maliit na bukid ang kalabaw nakatira
bukid na pinag-aagawan ng oso't agila
ngunit kalabaw ay lahing di papayagan sila

kalabaw sa bukid na iyon ay lahing bayani
bukid nilang pinagtanggol laban sa pang-aapi
pinalayas nila’y mga nanakop na buwitre
ngunit agilang nanakop din ngayon ang katabi
tutulong daw sa kalabaw habang ngingisi-ngisi

Walang komento: