TITIG NG BUWITREni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
mga matang mapagbintang, mapagbanta
sila ba ang papaslang sa angking diwa?
kahit na wala kang nagagawang sala
ang ugali nila'y pawang mapanira
mga matang nanunubok, nagbabanta
tulad ng angkin ng buwitre't kuhila
nais nilang sagpangin ang angking diwa
aayaw gumitna, nais kumaliwa
paano titigil ang walang magawa?
mapagkanulo ang mata ng kuhila
buto'y maiitim, mukha’y tila suka
buwitre ba silang mga isinumpa?
napakahahaba ng kanilang dila
laging hinahasa ang kanilang tuka
na sa pagtuklaw ay laging nakahanda
tila kulang na lang, sagpangin ang madla
sa bawat kilos mo, tuka nila'y handa
mag-ingat ka kahit sila ang maysala
nangyari sa iyo'y sila ang maylikha
isang piyon ka lang na kanilang gawa
piyon ka lang ng tulad nilang kuhila
isa ka lang piyon, sila'y tuwang-tuwa
* piyon - isang piyesa sa ahedres, sa ingles ay "pawn"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento