Martes, Hunyo 24, 2014

Kilo-kilometro man ang nilalakad kong lagi

KILO-KILOMETRO MAN ANG NILALAKAD KONG LAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasanay na akong araw-araw na lang maglakad
pudpod na ang tsinelas, ang lakad ko na'y makupad
pagkat sa ginhawa't karangyaan, tulad ko'y hubad
ang karukhaan ko, sa aking kapwa'y nalalantad

lagi ko mang nilalakad ay kilo-kilometro
mabuti na kaysa di magbayad sa pagsakay ko
sa patutunguhan ay makararating din ako
kahit patang-pata, basta't walang inagrabyado

kinagiliwan ko na ang maglakad ng malayo
huwag lang mandaya sa kapwa sa aking pagtungo
sa isang pook ng taas-noo't di nakatungo
naglalakad ng may dangal kahit nasisiphayo

dapat listo sa paglalakad upang di mabangga
bagamat sa isip, patuloy pa rin ang pagkatha
may danas at nakikitang maaaring maakda
masaya, malungkot, lunggati, uyam, luha't tuwa

kilo-kilometro man ang nilalakad kong lagi
ito'y ayos lamang, pagod naman ay mapapawi
nakasanayan na, init ng araw ma'y mahapdi
ngunit may kwento, sanaysay at tulang nahahabi

Walang komento: