Linggo, Nobyembre 29, 2009

Sosyalista ang Pag-asa ng Bayan

SOSYALISTA ANG PAG-ASA NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang kabataan daw ang pag-asa ng bayan
itong sabi ng bayani ng Bagumbayan
dapat itanong: anong klaseng kabataan
ang pag-asa nitong bayang nahihirapan

maraming kabataan sa droga'y nalulong
kabataang kung magpasiya'y urong-sulong
sa sarili'y kung anong binubulong-bulong
at sa pamilya pa rin sila nagkakanlong

marami ang sa kasiyahan nahirati
sa party, ligawan, sayawan nawiwili
sila'y parelaks-relaks at pa-easy-easy
ngunit sa minsang pagkabigo'y nagbibigti

ngunit ang kailangan nating kabataan
ay ang mga may prinsipyo't paninindigan
silang ang mga isyu'y pinag-uusapan
at kumikilos din laban sa kahirapan

ang kabataang sosyalista ang pag-asa
nitong bayan sa pagbabago ng sistema
silang nasa isip kapakanan ng kapwa
na kahit buhay ay itataya na nila

wawasakin nila'y pribadong pag-aari
ng gamit sa produksyon ng kalabang uri
bulok na sistema'y hangad nilang mapawi
at sa bagong lipunan, obrero ang hari

Ituloy ang Laban ni Boni

ITULOY ANG LABAN NI BONI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ayos, pare, araw na naman ni Boni
si Gat Andres na tunay nating bayani
ang kanyang rebo'y ituloy natin kasi
ako sa gobyerno'y di na mapakali

e, paano naman, parang walang silbi
pulos kurakot doon, kurakot dine
e, ano pa bang ating masasabi
kung sa bansa'y walang magandang mangyari

sa gobyerno'y napakarami ng imbi
na sa kurakutan na nahihirati
silang mga trapong bisyo ay babae
alak at sugal, kaya namumulubi

ala, e, nais ko'y pagbabago dine
sa bansang hinuhuthutan araw-gabi
aba'y ituloy natin ang rebo, hane
kundi'y anak ang sa atin ay sisisi

Sabado, Nobyembre 28, 2009

Maging Mulat

MAGING MULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

maging mulat tayo sa kalagayan
ng mamamayan, bansa at lipunan
suriin din pati pamahalaan
kung para sa kagalingan ng bayan
pansariling interes ay labanan
at durugin din ang mga gahaman
mga naapi'y agad tutulungan
nang makamit nila ang katarungan

Aktibista Ako Noon at Ngayon

AKTIBISTA AKO NOON AT NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

aktibista ako noon hanggang ngayon
at humaharap sa mga bagong hamon
kumikilos akong pawang nilalayon
bulok na sistema'y mabago na ngayon

aktibista akong nag-oorganisa
ng kapwa mahirap, at maraming masa
silang nais naming maging sosyalista
upang mabago ang bulok na sistema

walang sinasanto ang aking panulat
iba't ibang isyu'y aking inuungkat
at nakikibakang sabay pagmumulat
diwang sosyalismo ang dala sa lahat

marunong umibig akong aktibista
lalo na't makita'y magandang kasama
na para sa akin ay isang diyosa
sa puso ko't diwa'y naroroon siya

aktibista akong ang pinapangarap
ay kaginhawaan ang ating malasap
at mapawi na ang ating paghihirap
kaya makibaka na tayo nang ganap

aktibista ako magpakailanman
laging nagsusuri ng isyu ng bayan
nasa'y mabago na ang ating lipunan
kung saan wala nang mahirap, mayaman

Tula at Rebolusyon

TULA AT REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." - Ho Chi Minh, rebolusyonaryong Vietnamese

i.

ano ang silbi ng tula sa rebolusyon
kung di ito nagmumulat ng masa ngayon

dapat ba tula'y ialay lang sa pedestal
ng malaking tubo't kapitalistang hangal

o tula'y pwersang gamit sa pakikibaka
upang mapalitan ang bulok na sistema

dapat ang bawat tula'y sintigas ng bakal
masasandigan, may prinsipyong nakakintal

tula'y malaking silbi sa pakikibaka
lalo sa pagmumulat ng aping masa

di basta-basta mahuhulog sa imburnal
pagkat bawat tula ng makata'y may dangal

tula'y may tindig, naghahangad ng paglaya
ng uring manggagawa at lahat ng dukha

ii.

dapat bawat makata'y alam sumalakay
laban sa mapang-api, sistema't kaaway

makata'y dapat agapay ng pagbabago
at tinig ng mga aping dukha't obrero

sila'y di dapat laging nasa toreng garing
kundi kasama ng dukha't masang magiting

sa laban dapat makata'y kayang tumagal
hindi agad natitinag o hinihingal

dapat alam nila paano umatake
nang matulungang manalo ang masang api

laban sa mga ganid, mapagsamantala
at kumakatawan sa bulok na sistema

makata'y dapat marunong ding umasinta
at kayang durugin ang lahat ng puntirya

Di kita gugutumin, aking sinta

DI KITA GUGUTUMIN, AKING SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

masisikmura ko bang magutom ka
gayong tayo na nga lamang dalawa
ay di masolusyonan ang problema
nang magtagal tayo sa pagsasama

di kita gugutumin, aking sinta
kaya nga ako'y nagsusumikap na
makaipon mula sa kinikita
kahit kakarampot o barya-barya

pagkat sa akin ay mahalaga ka
pagkat sadyang mahal na mahal kita
huwag mo lamang akong iwan, sinta
at huwag mong ipagpalit sa iba

pagkat kung sa akin mawawala ka
mabuti pang malagutan ng hininga

Nang una kitang masilayan

NANG UNA KITANG MASILAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

nuong una kitang masilayan
alam kong ikaw ang makakasama
hanggang sa kamatayan
hanggang sa walang hanggan
bagamat bantulot akong
batiin ka man lamang
ngunit ang iyong mga labi
ang matatamis mong ngiti
ang nagtatanggal ng mga alalahanin
ang nagpapasaya sa pusong angkin
ang nagpapalakas sa akin
ang gumigising sa aking kamalayan
upang maisulat ang mga tulang
mula sa puso, diwa't sikmura

Ilang beses man akong masaktan

ILANG BESES MAN AKONG MASAKTAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ilang beses man akong masaktan
nang dahil sa iyo'y di kita iiwan
kung may isandaan man akong dahilan
para iwan kita ng tuluyan
hahanapin ko ang isang dahilan
para ikaw ay ipaglaban
pagkat di kita maiiwan
pagkat ayaw kong mawala ka
pagkat di ako mabubuhay
ng wala ang iyong pagsinta
pagkat mahal na mahal kita

Lahing Pikutin

LAHING PIKUTIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

meron nga bang lahing pikutin
tulad nitong bintang sa amin
dahil ang tatay ko'y napikot
dahil ang tiyo ko'y napikot
dahil ang lolo ko'y napikot
ilan sa pinsan ko'y napikot
ako din kaya'y mapipikot

di naman ako kagwapuhan
mahiyain pa nga kung tingnan
sa pagporma'y marunong naman
kahit paano'y nag-aayos
lalo't pag kaharap ko nang lubos
ang babaeng sa puso ko'y tagos
ang buong pagsinta niyang lipos
kahit na ako'y kinakapos

kayrami ng mga napipikot
dahil sa babae sila'y malikot
kaybabata pa'y mapupusok
at pag babae'y naanakan
di alam kung paano lulusot
kaya agad pakakasalan
ang babaeng nakapikot

pagpikot daw ng babae sa iyo
ay tanda raw ng pagkamacho
ganoon nga ba pag napikot ako
kahit di makisig ay mukhang macho

ganunman, dapat pa ring mag-ingat
huwag masyadong mapusok
di lang puson ang gamitin, kundi puso
gamitin ng tama ang iyong ulo
sa taas, di lang ulo sa baba
upang pag babae'y naanakan mo
ay handa kang buhayin ang mga ito

ang lahing pikutin ay di tumatakbo
napikot lang naman siya, hindi bosero
may paninindigan, may prinsipyo
dapat handa ang isip at puso
sa anumang papasuking gulo

gayunman, hiling ko sa sarili
sana nga ako ay mapikot din
tulad ng mga kamag-anakan ko
upang may maipagmayabang din
sa aking mga magiging apo

Isa Kang Balani sa Puso Kong Uhaw

ISA KANG BALANI SA PUSO KONG UHAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

isa kang balani sa puso kong uhaw
isa kang dagitab sa akin ay tanglaw
isa kang liwanag upang di maligaw
isa kang bituin sa gabing mapanglaw

isa kang dalagang may ngiting kayganda
kaya iwing puso'y agad nahalina
isa kang diyosang kayganda ng mata
di ko maiwasang laging titigan ka

nais ng puso kong iyong mapagtanto
hangang-hanga ako sa kagandahan mo
isa kang diwatang nasa harapan ko
pag nawala ka'y mamamatay ako

isa kang balani sa puso kong uhaw
ikaw ang papatid sa puso kong tighaw

Biyernes, Nobyembre 27, 2009

Pula ang Kulay ng Silangan

PULA ANG KULAY NG SILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod, soneto

pula ang kulay ng silangan
tulad ng dugong dumadaloy
sa aking ugat at katawan
pulang kasimpula ng apoy
dapat nang duruging tuluyan
ang mga gahamang bumaboy
sa kinabukasan ng bayan
kaya marami ang palaboy
bawiin ang lahat ng yaman
mula sa mga trapong tukoy
at kapitalistang gahaman
na sa buhay nati'y bumaboy
durugin ang mga dahilan
kung bakit masa'y umaaruy

Huwag Ipagkait ang Pangarap

HUWAG IPAGKAIT ANG PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mga anak natin ay nangangarap
tulad din natin ng buhay na ganap
at makaalpas na sa dusa't hirap
kaya tayo'y nararapat magsikap

pangarap na ito'y dapat matupad
pagkat magandang bukas itong hangad
kahit na itong gobyerno'y kaykupad
sa serbisyong dapat nilang igawad

ngunit serbisyo'y ginawang negosyo
ng mga tampalasan sa gobyerno
mga karapatang para sa tao
ay may bayad na, may patong na presyo

kaya maraming mga nagsisikap
ang di matupad ang mga pangarap
sa gobyerno'y maraming mapangpanggap
imbes ang tao'y tapunan ng lingap

pangarap ng anak, ating igiit
pangarap nila'y huwag ipagkait
ipaglaban na natin itong pilit
kahit mahirap, ganid ay magalit

ito lang ang ating maihahandog
sa kanilang may pangarap na matayog
nais natin ay sistemang malusog
sa kinabukasan ay iluluhog

Kabulukan

KABULUKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagnanaknak sa kabulukan ang sistema
pagkat tila bangkay ang may hawak ng renda
dito'y nagtitiis pa ang maraming masa
kahit umaalingasaw ang bahong buga

parang isang ataul ang pamahalaan
labas ay makintab, bulok ang kalooban
dukha'y kanilang lalong pinahihirapan
habang lalong yumayaman ang mayayaman

kaya pamahalaan ay mistulang patay
kaibuturan ay inuuod na bangkay
marahang pinapatay ang nais mabuhay
upang dambuhalang tubo'y maangking tunay

tubo, tubo, pulos tubo ang dahilan
kaya sa mundo'y dumarami ang gahaman
tubo'y inspirasyon ng nais pang yumaman
tubong nagpapabulok sa pamahalaan

di na dapat mga mahirap ay lumaboy
sa mga bulok, gasolina na'y isaboy
mga inuuod ay sindihan ng apoy
upang bagong sistema'y maganap, matuloy

dapat lumang sistema'y tuluyang maabo
habang itinatanim ang sistemang bago
alagaan natin at palaguin ito
na ibubunga'y pagkakapantay ng tao

Miyerkules, Nobyembre 25, 2009

Tigbak

TIGBAK
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

maraming mamamayan ang dinedo
mga buhay nila'y agad naglaho
tumagas sa lupa'y kayraming dugo
at butas-butas ang maraming bungo

tinigbak sila ng mga berdugo
nang mapigilan ang pagkandidato
sa pagkagobernador sa gobyerno
ng mga karibal nila sa trono

nag-aagawan sila sa upuan
kaya mga biktima'y tinambangan
naulol kasi sa kapangyarihan
yaong mga halimaw at gahaman

dahil sa upuan, sila'y tinigbak
dahil sa trono, sila'y napahamak
at mga labi nila'y itinambak
agad ibinaon doon sa lusak

dugo'y pinatagas sa Magindanaw
ng mga salaring pawang halimaw
kaya't mamamayan na'y sumisigaw
katarungan ay dapat maipataw

Kaytinding Masaker

KAYTINDING MASAKER
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

karumal-dumal ang naganap na masaker
mahigit limampung bangkay ang narekober
pangyayaring ito'y tila gawa ni Hitler
dinurog na ang mga biktimang inander
talagang walang awa yaong nasa poder
na tingin sa sarili'y sila'y mga pader
mamamahayag pa't sibilyan ang minarder
tinadtad ng mahahabang baril, rebolber
may kagagawan nito'y dapat sumurender
o kaya'y itapon sa lungga ni Lucifer

Balaraw sa Pusod ng Tag-araw

BALARAW SA PUSOD NG TAG-ARAW
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

tinarakan ng balaraw
yaong pusod ng tag-araw
ng wari'y mga halimaw

marami ang nag-iyakan
nang pangyayari'y malaman
at di mapaniwalaan

nangyari nga ba ang gayon
sabi ng marami't miron
bakit ba sila nilamon

para bang di nagmamahal
yaong may salang pusakal
na dugo ang iniluwal

tag-araw sa lupang tigang
nang pusakal ay nanambang
at marami ang pinaslang

sala nila'y di masukat
nang binura ang kabalat
sadyang nagulat ang lahat

lahat ng tao'y nayanig
ang mga puso'y nanginig
wala na nga bang pag-ibig

sadyang karima-rimarim
ang likhang ito ng lagim
ito'y di maililihim

dapat pa nga bang isilang
silang kaluluwa'y halang
mundo nga'y nagulantang nang

tinarakan ng balaraw
sa bayan ng Maguindanao
yaong pusod ng tag-araw

Nagkulay Dugo ang Lupa sa Timog

NAGKULAY DUGO ANG LUPA SA TIMOG
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagkulay dugo ang kalupaan sa timog
nang biglang mag-amok ng namununong hambog
na may kontrol sa buo nilang lalawigan
na hinamon nitong karibal sa halalan
kaya kaaway sa pulitika'y dinumog
higit limampung tao'y pinaslang, dinurog

sa timog, nagkulay dugo ang kalupaan
ang totoo'y hindi nila kayang itago
lalabas at lalabas ang katotohanan
na lupa sa timog binahiran ng dugo
sadyang kakila-kilabot ang kamatayan
ng mga sibilyan sa lupang baku-bako

kalupaan sa timog ay nagkulay-dugo
pamilya ng karibal, inubos, pinatay
laksang mamamahayag, binasag ang bungo
katarungan nawa’y makamit nilang tunay
sadyang nagdurugo itong aming mga puso
mga berdugo'y dapat hatulan ng bitay

sa timog, ang lupa'y dugo na ang kakulay
doon nagkasayahan ang mga demonyo
na kayhahaba ng mga buntot at sungay
bansa't mundo'y nayanig sa balitang ito
na panawagan ay hustisya sa namatay
dapat mabitay ang may kagagawan nito

Maguindanao, Nobyembre 23, 2009

MAGUINDANAO, NOBYEMBRE 23, 2009
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga limang sasakyan noon ang tumahak
at nilalandas nila ang Shariff Aguak
nang sa Comelec kandidatura'y ilagak
ngunit sila'y tinambangan at napahamak

walang habag na tinadtad sila ng bala
hanggang walang isa mang buhay ang matira
ito'y karahasan ngang gumimbal talaga
sa mundo pagkat damay pati dyornalista

bakit kailangang patayin ang kalaban
sa pulitika gayong may eleksyon naman
upang makuha nila ang kapangyarihan
at tiyaking sila'y manalo sa halalan

sino mang maghari doon sa lalawigan
posisyong pinakamataas ang hawakan
siyang ituturing na makapangyarihan
at siyang karapat-dapat lamang igalang

ngunit kayraming dyornalista ang tinadtad
ng bala kasama abogado't may edad
mga babae'y di rin nila pinatawad
sabi pa sa ulat, meron pang nakahubad

ang araw na iyon ay araw nga ng lagim
panahon iyong dapat nating ipanimdim
ang pagkamatay nila'y nakaririmarim
at hindi madalumat ng aking sagimsim

mahigit limampung katao ang pinaslang
di na yata tao kundi halimaw lamang
ang nagpakana ng ganoon at lumalang
mga kaluluwa nila'y sadya ngang halang

ilang araw lang bansa'y muling kinilala
dahil kina Pacquiao, Efren Peñaflorida
ngayon ang bansa'y tapunan muli ng puna
dahil sa mga pinaslang sa pulitika

dapat hulihin na at sa hustisya'y dalhin
ang gumawa't utak nitong kaytinding krimen
ang ginawa nila'y di dapat palagpasin
at kung kinakailangan sila'y bitayin

sa nangyaring ito'y maraming natulala
dahil sa kapangyarihan, nagwalanghiya
dapat hulihin lahat ng mga may sala
dalhin sa hustisya ang mga may pakana

Martes, Nobyembre 24, 2009

Ako'y Isang Hampaslupang Makata

AKO'Y ISANG HAMPASLUPANG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto


ako’y isang makatang hampaslupa
na pagbabago ang inaadhika
pawang rebolusyon ang nasa diwa
at laging laman ng maraming tula

ang nais ko’y totoong pagbabago
upang wala nang maghirap tulad ko
dapat nating palitan ang gobyerno
pati ang sistemang kapitalismo

ako’y isang hampaslupang makata
hirap dahil walang pera sa tula
kakayahan ko lang ay ang pagkatha
ng maraming tulang laman ng diwa

hampaslupang makata nga lang ako
ngunit ang adhika ko’y pagbabago

Kung may pera lang sa tula

KUNG MAY PERA LANG SA TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

sinong kilala mong makata ang yumaman
dahil sa tulang likha

meron nga bang mayamang makata ng bayan
dagli kong sagot: wala!

dahil kung ang tula'y daan lang sa pagyaman
ah, di na ako dukha

isang makatang gutom kung ako'y turingan
sapagkat walang-wala

para bang nabubuhay na sa kamatayan
na dapat ipagluksa

kung sa tula lang kaya ko kayong tambakan
ng aking mga akda

baka ako'y isa nang makatang mayaman
kung may pera sa tula

mayaman lang ako sa mga karanasan
na isinasadiwa

ngunit ako'y pulubing makata ng bayan
na ang inaadhika

na bawat isyu ng masa'y mailarawan
sa aking bawat katha

ito'y tungkuling lagi kong ginagampanan
at tila itinakda

ngunit sadyang mapait ang katotohanang
walang pera sa tula

Alamat ng Aktibista

ALAMAT NG AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit daw ba maraming aktibista ngayon
gayong walang tibak noong unang panahon
bakit daw may tibak na akala mo'y maton
at pawang maiinit, hindi mahinahon

may mga aktibista dahil nagsusuri
kung bakit ang lipunan ay maraming uri
bakit may ilang mayayamang pinupuri
habang naghihirap naman ay sari-sari

hindi ba't pantay-pantay tayong isinilang
kaya pantay-pantay dapat ang karapatan
bakit maraming tao yaong nanlalamang
ng kapwa at marami ring nahihirapan

marami ngang katanungan ang umuukilkil
sa maraming nakaranas din ng hilahil
nais nilang pagsasamantala'y masupil
at mga panlalamang sa kapwa'y matigil

silang nag-iisip niyon ay aktibista
silang mga kumikilos para sa kapwa
para sa pagkakapantay sa pulitika
sa ekonomya, lipunan, buhay ng masa

noon, walang tibak dahil pantay-pantay pa
nang lipunan ay primitibo komunal pa
ngayon, nagkaroon ng mga aktibista
dahil maraming mga mapagsamantala

may mapagsamantala nang dahil sa tubo
na kahit buhay ng kapwa'y handang ibubo
may nang-aapi, pumapatay ng kadugo
upang mabuhay lamang sa kanilang luho

dahil ito na'y lipunang kapitalismo
nasa panahon ng kalagayang moderno
napaunlad na ito ng mga obrero
ngunit maraming dukha sa panahong ito

sa panahong ito'y marami nang nangarap
na sa pagdurusa'y makawala nang ganap
kumilos na upang makaahon sa hirap
lipulin ang mga gahamang mapagpanggap

dito isinilang ang mga aktibista
sa kalagayang api ang maraming masa
na nakikibaka't nang maitayo nila
yaong lipunang walang pagsasamantala

Dukhang Taas-Noo

DUKHANG TAAS-NOO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

simpleng tao ako't dukha,
na lagi nang walang-wala
isang kahig, isang tuka
kung ituring hampaslupa

ngunit nagsisikap ako
na laging magpakatao
makaharap man ay sino
ako'y laging taas-noo

Mga Sunog na Kilay

MGA SUNOG NA KILAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

maraming kabataan ang nangarap
na makaalpas na sa paghihirap
nagsunog sila ng kilay, nagsikap
nang pangarap ay matupad ng ganap

ang edukasyon ay kinabukasan
upang makawala sa kahirapan
sunog na kilay itong katunayan
kaya mag-aral kayo, kabataan

marami ngang dahil sa pagsusunog
ay kanilang naabot ang tugatog
ng tagumpay at naging mga bantog
at sa kasaysayan ay naging moog

kaya bilin ko habang nabubuhay
sa mga kabataang nagpapanday
ng kanilang kinabukasang tunay
halina't tayo'y magsunog ng kilay

Panunuluyan ng mga Dukha

PANUNULUYAN NG MGA DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tao po, tao po, kami po sana'y pagbuksan
kami po'y mga dukhang nawalan ng tahanan
pagkat dinemolis ng nasa kapangyarihan
itinuring kaming daga sa may kasukalan

tao po, tao po, kami po sana'y pagbuksan
kami'y mga dukhang biktima ng kahirapan
ngunit bakit nakasara ang inyong simbahan
para bang ang simbahan ay aming nanakawan

tao po, tao po, kami po sana'y pagbuksan
kumakatok po kami sa inyong tarangkahan
baka lang po may kaunting makakain diyan
sana po kahit kaning lamig kami'y mabigyan

tao po, hindi nyo po ba kami pagbubuksan
nagsusumamo kami sa inyong mayayaman
may puso ba kayo sa aming naninirahan
bakit ba kami'y agad nyong pinagtatabuyan

tao po, tao po, kami po sana'y pagbuksan
"tuloy po kayo sa iskwater naming tahanan
pagpasyensyahan po itong aming nakayanan
kaunting kaning lamig at tuyo lang ang ulam"

ah, mabuti pa ang kapwang sa buhay ay wala
at maluwag na tinanggap kaming maralita
ramdam naming sila'y mataas ang pang-unawa
at magtutulungan kaming sangkahig, santuka

Linggo, Nobyembre 22, 2009

Pamasahe na'y pitong piso

PAMASAHE NA'Y PITONG PISO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naabutan ko pang trenta sentimos
ang pamasahe doon sa dyip
Iyon ay nung ako'y isa lang musmos
nang di pa ito iniisip
Ngunit ngayon, ito na'y syete pesos
na lumaki ng ilang ulit
Kaymahal na sa may buhay na kapos
at isang kahig isang tuka
Nasa isip paano makaraos
ang tulad nilang walang wala

Sistemang Tabingi

SISTEMANG TABINGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

itinuturing kaming kaliwa
ng mga nag-aakalang kanan
ang tingin sa amin kami'y sigwa
laban sa hangaring kaunlaran
ng mga kapitalistang tuta
at mga pulitikong gahaman

ngunit kaya kami kumikilos
dahil ngayong sistema'y tabingi
buhay ng masa'y kalunus-lunos
iyon sa aming puso'y mahapdi
kaya nararapat nang matapos
ang kanilang mga pagkalungi

di naman sa atin nalilingid
na masa'y pawang hirap at salat
kaya huwag tayong maging manhid
dapat lang kumilos tayong lahat
ang sistemang tabingi'y ituwid
kaya pagkilos ay nararapat

Polyetula

POLYETULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kaharap ang kawalan lumilikha
nakatingin sa malayo’t tulala
pagkat naglalaro ang kanyang diwa
kung paano mapaganda ang tula

bawat kinatha’y nagpapaliwanag
ng mga diwang kanyang inaambag

ang nililikha niya’y polyetula
para sa manggagawa’t maralita
nakatitik sa polyeto ang tula
na makapagmulat yaong adhika

ang makata’y isang propagandista
bawat kataga’y pagmulat sa masa

ang bawat polyetula’y nagmimithi
maglinaw sa tunggalian ng uri
kaya polyetula’y ipamahagi
sa obrero’t dukhang ating kauri

makatang propagandista’y narito
sa likhang polyetula’y taas-noo

Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig

IPAGLALABAN KO ANG ATING PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ipaglalaban ko ang ating pag-ibig
ipagsisigawan ko pa sa daigdig
na sa pagsinta mo ako'y nakasandig
di kita iiwan, itong aking tindig

Nahuhuli Mo Akong Nakasulyap

NAHUHULI MO AKONG NAKASULYAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nahuhuli mo akong nakasulyap
tapunan mo naman ako ng lingap
ikaw'y laging nasa aking hinagap
ikaw ang kaytagal ko nang hinanap

halimuyak mo'y aking nalalanghap
mga ngiti mo'y kukuti-kutitap
sa ganda mo'y di ako kumukurap
dama kong pagmamahal mo'y kaysarap

sana'y di ako lambungan ng ulap
sana'y di kabiguan ang malasap
tapusin na ang aking paghihirap
sana pag-ibig ko'y iyong matanggap

ikaw lang ang aking pinapangarap
inspirasyon ka kaya nagsisikap

Makatang Kandakuba

MAKATANG KANDAKUBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig, soneto

siya ang makatang kayraming nililikha
mga sulating pagbabago ang adhika
pawang himagsik ang nilalaman ng tula
pagmumulat sa isyu'y kanyang itinakda
napakatabil daw hindi ng kanyang dila
kundi ng panitik na akala mo'y sigwa
mga gahaman ay kanyang isinusumpa
kapitalismo'y dinuduraan sa mukha
sa bawat tula'y ramdam mo ang kanyang sigla
mga pinatamaan ay natutulala
siya ang makatang sa berso'y kandakuba
upang maisatitik ang nasasadiwa
makata'y kinagiliwan ng tagahanga
at kinapootan ng mga trapong linta

Hangarin nilang harangin ka, hirang

HANGARIN NILANG HARANGIN KA, HIRANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kaysaya ko pag kasama ka, hirang
pagkat sa puso'y ikaw ang matimbang
puso ko'y lumulukso't nalilibang
dahil sa iyo tila ako'y hibang

nag-iisa ka sa puso ko, giliw
pag-ibig ko sa'yo'y di magmamaliw
ikaw lamang ang ligaya ko't aliw
sa pagmamahal di ako bibitiw

hinahangad kong kita'y pakasalan
ngunit ako'y tila pinipiringan
para bang ayaw akong masiyahan
ang nais nila ako'y malamangan

sinuman sila'y dapat pag-ingatan
pagkat ang kaluluwa nila'y halang
nasa'y huwag tayong magkatuluyan
hangarin nilang harangin ka, hirang

hindi ako papayag sa ganito
pilit ikukulong ang pusong ito
sa mainit at malayong impyerno
aking puso'y ilalayo sa iyo

pakinggan mo yaring puso ko't tinig
at malalaman mo ang aking tindig
ipaglaban natin itong pag-ibig
laban sa sinumang nais manlupig

harangan man nila ang pusong ito
ito'y lalaya ng dahil sa iyo
pagkat nag-iisa ka lamang dito
ipaglalaban kita hanggang dulo

kukulungin kita sa aking bisig
tayo'y di sa kanila padadaig
harangan man di tayo palulupig
sa sinuman sa ngalan ng pag-ibig

Sabado, Nobyembre 21, 2009

Ako'y Puyatero

AKO'Y PUYATERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sadyang nais kong matulog sa gabi
upang maipahinga ang katawan
kadalasan di ako mapakali
kaya di makatulog sa higaan

baka raw ako'y mayroong imsomnia
kaya dapat daw akong magpatingin
baka raw may malalim na problema
naghihirap, wala ni isang kusing

ako'y muli na namang mapupuyat
at haharap na naman sa kompyuter
nasa isip ay agad isusulat
isyu ng masa at laban sa pader

ngunit minsan nakakatulog agad
lalo't pagod na pagod ang katawan
kung saan-saan kasi napapadpad
upang makatulong sa taumbayan

kaya binansagan nang puyatero
yaong taong di agad makatulog
ngunit abala pa't nagtatrabaho
kaya ang katawan ay nalalamog

puyatero akong lubog ang mata
kaya madalas pipikit-didilat
puyatero'y dapat makatulog na
at huwag laging magpapakapuyat

Mga Tambak sa Lababo

MGA TAMBAK SA LABABO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

unang pinapansin sa mga opisina
ang kalinisan nito tulad ng kubeta
ngunit kapansin-pansin sa mga kasama
tambak sa lababo'y pinagkainan nila

doon sa lababo'y maraming naiiwan
na mga baso, kutsara, tinidor at pinggan
na yaong gumamit di man lang hinugasan
iaasa sa iba ang pinagkainan

ni hindi mahugasan ang sariling plato
at iba pang ginamit doon sa lababo
umaasa sa ibang mahugasan ito
para bang sila'y may mga alila rito

lagi na lang silang nagpapakiramdaman
kung sinong maghuhugas ng pinagkainan
gayong may tubig, pang-is-is at sabon naman
ngunit para pang ayaw makipagtulungan

di ba't simple lang namang maghugas ng plato
at ng anumang ginamit tulad ng baso
nakapandidiri ba ang nasa lababo
aba'y huwag kumain kung ikaw'y ganito

tayo lang ang sa sarili'y didisiplina
kaya dapat mag-usap ang mga kasama
paano ang kalinisan sa opisina
paano magtutulungan ang bawat isa

Mga Yosi sa Kompyuter

MGA YOSI SA KOMPYUTER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

maraming nagyoyosing kompyuter ang kaharap
na pagkatapos magkompyuter iiwan na lang
ang mga upos sa astrey na lalagyan nito
kawawa naman ang sunod na gagamit dito

kayrumi ng paligid nitong kompyuter namin
ang mga gumamit di maalalang linisin
at ang maglilinis nito'y yaon pang kasunod
habang ang dating gumamit ay tagapanood

mabuti't may astrey sa kompyuter na naroon
ngunit upos ay saan-saan nagkalat doon
may astrey na nga'y di pa gamitin nang maayos
imbes ilagay sa astrey, nagkalat ang upos

mga abo pa ng yosi'y sa keyboard nagkalat
gayong bilin: "di makalat ang kasamang mulat"
kaya yata ang kompyuter ay nagkaka-virus
dahil ang gumagamit, sa disiplina'y kapos

Bawat Tagaktak ng Pawis

BAWAT TAGAKTAK NG PAWIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bawat tagaktak ng pawis ay tanda
ng sipag at tyaga ng manggagawa
bawat tagaktak ng pawis ng dukha
tanda ng isang kahig isang tuka

ngunit ang pawis ng kapitalista
ay tanda ng tusong tatawa-tawa
muli na naman siyang nakaisa
at dumaming muli ang kanyang pera

may dahil bawat tagaktak ng pawis
merong api, merong bumubungisngis
merong salat, merong kabig ay labis
nasang ang problema nila'y mapalis

ngunit kung pawis ay may halong dugo
habang binubuhay ang maluluho
mag-aaklas na silang laging yuko
upang sa dusa sila na'y mahango

Ang Kasamang Mulat, Hindi Makalat

ANG KASAMANG MULAT, HINDI MAKALAT
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig

i.

nakapaskel sa isang opisina
ang isang maayos na paalala
na pag ito'y ating agad nabasa
ay sadyang bilin sa mga kasama

sa paalalang iyon nasusulat:
"ang kasamang mulat, hindi makalat"
paskel na ito'y tandaan ng lahat
dahil kung hindi'y baka makalingat

baka hugasin dumami na naman
baka mapuno yaong basurahan
baka madumi na pati basahan
ating sundin yaong paskel na iyan

ang kasamang makalat, hindi mulat
kahit mata niya'y dilat na dilat
kahit kita na ang maraming kalat
ay wala pang ginagawa ang lekat

anumang kalat ay ating tanggalin
ang sahig ay atin nang lampasuhin
alikabok ay atin ding walisin
ang kalat sa mesa'y ating imisin

ii.

hindi makalat ang kasamang mulat
malaking tiyan ang kasamang bundat
tinitigyawat ang kasamang puyat
at kuripot ang kasamang makunat

Huwebes, Nobyembre 19, 2009

Idemolis Natin ang nasa Malakanyang

IDEMOLIS NATIN ANG NASA MALAKANYANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

mas dapat idemolis ang nasa malakanyang
di ang mga dukhang biktima ng kahirapan
mas dapat idemolis ang nasa pamunuan
na walang ginawa kundi pulos kurakutan

pagdemolis ng bahay ay inaatas nila
dahil dukha'y masasakit sa kanilang mata
sa kanila, mga maralita'y walang kwenta
di pagtutubuan ng mga kapitalista

hindi ba't kapitalista'y nabubuhay na nga
sa ambag na lakas-paggawa ng manggagawa
na pawang naghihirap dahil sa kapipiga
sa lakas-paggawang di binayaran ng tama

idedemolis ang bahay para pagtayuan
ng anumang naisip na pagkakakitaan
bahay ng maralita'y kanilang papalitan
ng paradahan, palengke o kaya'y libingan

di ba't mas dapat idemolis ang namumuno
na pulos kurakot ang alam at di matino
milyong piso kung kumain, sadyang kayluluho
pahirap sa bayang tulad ng berdugong bungo

idemolis na ang mandaraya sa eleksyon
di naman binoto pero namumuno ngayon
na ang hilig pa'y sa ibang bansa maglimayon
imbes na gampanan ang sa bansa niya'y misyon

idemolis yaong tubo'y laging nasa ulo
imbes na kapakanan ng bayan at ng tao
idemolis ang namumunong ninenegosyo
at pinagtutubuan ang serbisyo-publiko

sila ang dahilan bakit lumobo ang utang
ng bayan pagkat mga namumuno na'y hunghang
ah, idemolis natin ang nasa malakanyang
silang namumunong pawang mga salanggapang

Nagdedemolis, Mga Walang Awa

NAGDEDEMOLIS, MGA WALANG AWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bakit tila turing sa dukha'y daga
kasalanan bang nilang maging dukha
sila na'y isang kahig isang tuka
at ang bahay pa nila'y mawawala

bakit ba bahay sila'y tatanggalan
bakit ba winawasak ang tahanan
saan sila lilipat ng tirahan
gayong sila'y sadlak sa kahirapan

wala nang maayos na negosasyon
sapilitan pa itong demolisyon
walang pagkamakatao ang gayon
at ganito na ba ang batas ngayon

maraming pamilya ang nag-iiyakan
nang dinemolis na silang tuluyan
lalo na nang hinakot ang mga upuan
damit, kalan, higaan, kasangkapan

pati batas ay sadyang binaluktot
mapalayas lamang ng mga balakyot
ang mga dukhang kanilang tinakot
at ginaya sa basurang hinakot

ang mga nagdemolis ay demonyo
parang walang bahay ang mga ito
mga walang awa sa kapwa tao
basta mabayaran lang silang todo

ang batas na alam nila'y salapi
kahit buhay pa ng dukha'y masawi
kahit pa kapwa nila'y maduhagi
basta may pera silang mahihingi

misyon nila'y gawin ang demolisyon
pawang bayaran sa gawaing iyon
walang awa't ayaw ng negosasyon
basta matupad ang kanilang misyon

Miyerkules, Nobyembre 18, 2009

Relokasyon: Tahanan o Basurang Libingan

RELOKASYON: TAHANAN O BASURANG LIBINGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dumating ang demolisyon ng bigla-bigla
dinedemolis ang bahay ng mga dukha
itatapon sa malayo ang maralita
tinataboy sa malayo tulad ng daga

nasa tabing ilog, riles, estero sila
mapanganib na lugar ang bahay nila
at doon daw ay dapat silang lumayas na
pinangakuang may relokasyon daw pala

ngunit relokasyon ng dukha karaniwan
ay sa malayong lugar, sa may talahiban
masukal yaong kanilang pinagtapunan
walang tubig, walang bahay, tila libingan

pulos pangako ng bagong buhay sa dukha
iyon pala'y buhay ng dukha'y mas lumala
sa relokasyong puno ng hirap at luha
tingin sa dukha'y di na tao kundi daga

inilayo sila sa kanilang trabaho
nagugutom ang kanilang pamilya rito
itinapon na sila doon ng gobyerno
pagkat masakit sa mata ng mga ito

dahil sa relokasyon walang kabuhayan
kaya dukha'y babalik sa pinanggalingan
kayang tiiising barung-barong ang tahanan
ngunit di nila matiis ang kagutuman

ibebenta ang bahay dahil di makain
ang napagbentahan ang siyang gagamitin
upang yaong pamilya nila'y makakain
bahay, di ang gutom, ay kaya pang tiisin

kaya huwag magtaka kung dukha'y bumalik
sa pinanggalingan, sila'y sabik na sabik
barung-barong titiisin na't di iimik
relokasyon kasi'y kulang-kulang ang salik

mas nanaisin pa nila sa pinagmulan
kaysa relokasyong tila isang libingan
gusto nila'y mabuhay, hindi kamatayan
sa relokasyong nais ng pamahalaan

dapat yata'y palitan ang sistemang bulok
lalo na yaong malasadong nasa tuktok
upang bayan ay di pamunuan ng bugok
at nang mga dukha'y di nila madayukdok

Di Masisira ang Taong Tapat

DI MASISIRA ANG TAONG TAPAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Slander cannot destroy an honest man –
when the flood recedes the rock is there – Chinese Proverb


di mawawasak ng anumang paninira
ang dangal ng taong tapat at may tiwala
tulad ng bahang kaylakas na sa paghupa
batong binaha'y nakatindig di nauga

halina't kilalanin yaong taong tapat
ang pagkatao niya'y sa dangal nasukat
pagkat anumang paninirang isiwalat
ay mabibistong walang kwenta ang bumanat

di siya mayayanig na tulad ng bato
pagkat siya'y taong tapat at may prinsipyo
matindi kung manindigan at taas-noo
bihira ang tulad niyang taong totoo

isang taas-kamao'y handog ko sa kanya
at ang bilin ko pa'y mag-ingat lagi siya
pagkat binabato yaong punong mabunga
kaya dapat lang siyang magpakatatag pa

Pagsisikhay

PAGSISIKHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig

patuloy tayong magsikhay
nang makamit ang tagumpay

anuman ang ating lagay
kumilos tayo ng husay

huwag agad maglupasay
kung tayo man ay sumablay

ang prinsipyong "never say die"
ang tanganan nating tunay

Tulugan Nila'y Putikang Bangketa


TULUGAN NILA'Y PUTIKANG BANGKETA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bangenge na naman ang mga batang lansangan
baka muling nag-rugby nang gutom ay maibsan
gegewang-gewang na sila’t tulala na naman
pati putikang bangketa’y ginawang tulugan
kartong sapin lang ang pansamantalang tahanan

silang natutulog sa bangketa’y buto’t balat
sila’y tulog na ngunit mata’y mistulang dilat
mapupula, bilog na bilog, nakamulagat
kayhimbing ng tulog kahit araw na’y sumikat
gigising ng gutom kahit ramdam nila’y bundat

sadyang kaytagal na nilang laman ng lansangan
mula pagkasilang doon na pinabayaan
sa kanila’y inutil itong pamahalaan
at walang magawa sa kanilang kalagayan
salot nga ba sila o biktima sa lipunan?

Linggo, Nobyembre 15, 2009

Ako at si Goebbels, Propagandista

AKO AT SI GOEBBELS, PROPAGANDISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr
15 pantig bawat taludtod

tunay ngang wala pa ako sa kalingkingan niya
sa kasaysayan ng mundo, siya’y nakamarka na
bilang mahusay at matalinong propagandista
na kontrolado lahat ng pahayagan at media
noong panahong ministro siya sa Alemanya

siya si Joseph Goebbels, isang propagandista
yumanig sa buong mundo ang kanyang propaganda

ako’y makata’t manunulat, kanyang tagahanga
binasa ko ang kanyang mga talumpati’t gawa
at maraming natutunan sa kanyang mga akda
bilang propagandistang masipag at mapanlikha
bagamat ayaw ko sa kanyang prinsipyo’t adhika

mga polyeto, dyaryo’t aklat ang aking nagawa
na misyong sa aming prinsipyo mulatin ang madla

marami pa akong kakulangan upang maabot
ang propaganda ni Goebbels sa epektong dulot
ngunit di ko gagawin kung saan siya nasangkot
pagkat di namin prinsipyo ang racismong baluktot
adhika namin ay baguhin ang sistemang buktot

propagandista akong di dapat lalambot-lambot
kasama ang masang pagbabago ang inuungot

ako at si Goebbels ay pawang propagandista
hanga ako sa kanyang epektibong propaganda
di ko man maabot ang pagkaepektibo niya
na yumanig na sa buong mundo, bayan at masa
ako’y nagpapakahusay sa pagpopropaganda

ako sa lahat ay taas-noong propagandista
nang mapakilos tungo sa pagbabago ang masa

Kanang Kamay

KANANG KAMAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

di ako magaling na lider
dahil di ako lider
ngunit mabuti akong kanang kamay
sa aking mga lider

at ilan sa aking mga tungkulin ay:
tagagawa ng mga dirty jobs para sa lider
tagasaliksik ng mga datos na kailangan ng lider
isinasagawa ng husay ang mga atas ng lider
nangangalaga sa seguridad ng lider
nagtitiyak na masunod ang hangarin ng lider
pinupunan ang anumang kahinaan ng lider
tumatayong tainga at mata ng lider
minsan ay tagapayo ng lider
minsan, tirador para sa lider
minsan, tagapagsalita ng lider
at kadalasan, bodyguard ng lider

ngunit di ko gawain ang:
ipagtimpla ng kape ang lider

kanang kamay ako
ngunit hindi bulag na tagasunod
kanang kamay ako
ngunit tagapayo kung tama ba o hindi
ang mga gagawin
kanang kamay ako
dahil di ginagampanan
ng lider ang mga dirty jobs

dirty jobs ang mga gawain
tulad ng pag-aayos ng papeles
pag-aayos ng mga speeches
pag-aayos ng anumang materyales
pag-aayos para di lumabis

pag-aayos ng iba pang kailangan ng lider

minsan ang kanang kamay
ay tinatawag na
assistant
sidekick
bodyguard

bilang kanang kamay
iniaambag niya ang kanyang kakayahan
panahon at talino para isakatuparan
ang mithiin ng lider
bilang kanang kamay
iniaambag niya'y sakripisyo
pawis at dugo para sa kanyang lider
bilang kanang kamay
kalaban niya ang kalaban ng lider

kung walang kanang kamay ang lider
mahihirapan siyang matupad ang mga plano
kung wala siyang katulong
kung wala siyang katuwang
kung wala siyang bodyguard
kung wala siyang utusan

ngunit bawat kanang kamay
ay dapat may prinsipyo
matatag sa paninindigan
propesyunal
madiskarte
may tapang
mapagsuri
matapat sa lider
pinagtitiwalaan ng lider
kahit buhay ay itataya para sa kanyang lider
handang mamatay at pumatay para sa lider
lagi lang nasa background
laging behind-the-scenes
wala sa limelight
tahimik
may isang salita
higit sa lahat, may dangal

ayoko nga bang maging lider
dahil di ako naniniwalang ako'y lider
kundi tagasunod lamang ng lider
at kanang kamay ng lider
gayong may kasabihan nga:
"a good leader is a good follower"

ang gawain ko bilang kanang kamay
ay gawaing pulitikal
at hindi gawaing personal

kung ikaw ang lider
na tulad ni Caesar
tiyakin mo lamang
na ang kanang kamay mo
ay hindi si Brutus

Sabado, Nobyembre 14, 2009

Mag-ingat sa Sunog

MAG-INGAT SA SUNOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

mayroon ngang kasabihan
maigi pang manakawan
kaysa tayo'y masunugan
aba'y totoo nga iyan
at di dapat kalimutan

milyong piso ang nawala
bahay at buhay ang giba
pag sunog na ay nalikha
nasunugan ay kawawa
at laging nakatulala

kaya nangyayari ito
at bahay ay naaabo
ay walang ingat ng tao
sa pagtapon ng posporo
o upos ng sigarilyo

di maayos ang lampara
may tago pang gasolina
mga kalan at tsimneya
nagkalat yaong basura
na maaaring magbaga

minsan sa buhay ng dukha
lalo't hindi kinukusa
naiiwan ang kandila
lungga'y dikit-dikit na nga
masusunugan pang bigla

ang plantsa'y huwag iwanan
alsin agad sa kabitan
ang iba pang kasangkapan
bago tayo magsilisan
ng ating mga tahanan

tsekin lagi ang kuryente
lahat ayusing maigi
nang mabuhay ng mabuti
at tayo'y di maturete
at di magsisi sa huli

buhay nati'y pag-ingatan
pati ang ating tirahan
nang di tayo masunugan
at di maabong tuluyan
ang tangi nating tahanan

Huwag Mang-uumit

HUWAG MANG-UUMIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kayhirap ng gawaing pang-uumit
dahil dangal mo'y nakatayang pilit
pag nahuli ka't ikaw ay sumabit
tiyak marami sa iyong lalait

di ka makatingin ng taas-noo
kundi nakatungo lagi ang ulo
habambuhay na parusa sa iyo
at kawawa ang iyong pagkatao

halimbawang ikaw'y isang kawani
sa tindahan at nangupit ka dine
maliit man ay magiging malaki
dahil tiyak ikaw na'y mawiwili

mabuti nang ikaw'y maging matapat
kaysa turingan kang mangungulimbat
pagkat pagkatao mo'y nasusukat
sa dangal, asal at gawa mong lahat

O, Laiban

O, LAIBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ikaw ang tahanan ng mga lumad
kaytagal na, hanggang doon mapadpad
ang ibang ang iyong lupa ang hangad
upang tayuan ng malaking saplad

aagawin ang lupaing ninuno
na tahanan ng iyong katutubo
lalaban kami upang di matayo
ang saplad kahit dugo pa'y mabubo

O, Laiban, kayraming madadamay
nananahan sa maraming baranggay
pati kultura nila'y maluluray
maging sila'y maaaring mamatay

panahon nang ikaw ay ipagtanggol
di kami papayag, kami'y tututol

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Huwag itayo ang saplad ng Laiban

HUWAG ITAYO ANG SAPLAD NG LAIBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang mga naghaharing uri'y naghahangad
itayo sa Laiban ang malaking saplad
subalit katutubo'y saan mapapadpad
kung itataboy silang nananahang lumad

saan patungo pag saplad ay naitayo
tiyak mawawala ang lupaing ninuno
saan susuling, magbububo ba ng dugo
gayong mga payapa silang walang hukbo

sa buhay nila ngayon ay ibinubungad
apektado'y maraming barangay ng lumad
pag natuloy iyang pagtatayo ng saplad
dapat na inhustisyang ito'y mailantad

di na mababakas ang magandang kahapon
pag katutubong kultura nila'y mabaon
sa limot pagkat saplad na'y natayo roon
laban sa proyekto'y magkapitbisig ngayon

* SAPLAD - salin ng DAM sa wikang Filipino
- mula sa English-Tagalog Dictionary, by Fr. Leo English, p. 223 - dam (1) n. a wall built to hold back the water of a stream or any flowing water: Prinsa (Sp. presa). Saplád

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Huwebes, Nobyembre 12, 2009

Yosi Kadiri

YOSI KADIRI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

tambutso'y nasa mukha
hinagkan ng bunganga
umusok hanggang luga
hangin man ay kawawa
mukha mang isinumpa
damdamin na'y humupa

Walang Patawad ang Kalikasan

WALANG PATAWAD ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

si Bathala raw ay nakakapagpatawad
kahit tao rin ay nakakapagpatawad
ngunit pag kalikasan ang iyong hinangad
dahil sa tubo'y sinira mo't binaligtad
niyurakan pa buhay ng tao't dignidad
ang ginawa mo'y tiyak di mapapatawad
at tiyak bukas natin ay di na uusad
pagkat ang kalikasan ay walang patawad

Mga Manunubos ng Kalikasan

MGA MANUNUBOS NG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sino ang tutubos sa ganitong kalagayan
na sagarang sinusugatan ang kalikasan
salanta ng global warming ang ating tahanan
kaya tiyak kawawa ang mga mamamayan

yaon lang mayayamang bansa'y nakakaraos
sila sa likas-yaman ng mundo'y lumalapnos
upang yumaman at tumubo ng lubos-lubos
habang ang mahihirap na bansa'y kinakapos

marurumi na ang mga ilog sa paligid
maruruming hangin na ang inihahatid
tila sa kamatayan tayo na'y binubulid
kaya lahat ng ito'y dapat nating mabatid

kailangan din ng kalikasan ng hustisya
pagkat biktima siya ng bulok na sistema
na pulos tubo ang usapin hindi ang masa
kaya kalikasan ang ginagahasa nila

oras na upang bulok na sistema'y matapos
kung nais nating sugat ay magamot ng lubos
sa kalikasang ito'y walang ibang tutubos
kundi tayong nabubuhay dito kahit kapos

Mga Mananabas ng Kalikasan

MGA MANANABAS NG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

unti-unting winawasak ang daigdig
ng maraming sa tubo ay mahihilig
sila'y dapat lamang agad na malupig
bago lalong dumumi pa yaong tubig

at tuluyang mawasak ang kalikasan
dahil na sa kanilang pagkagahaman
na pulos tubo yaong nasa isipan
at walang pakialam sa mamamayan

sa disgrasya na tayo ibinubulid
ng mga gahamang sa buhay papatid
nangyayaring ito'y di dapat malingid
halina at tayo'y lagi nang magmasid

ang hinahangad natin ay katarungan
laban sa mananabas ng kalikasan
labang ito'y para sa kinabukasan
ng sunod na salinlahi't mamamayan

Ilang Pagninilay sa Pagtatapos ng Martsa

ILANG PAGNINILAY SA PAGTATAPOS NG MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

simbigat ng bundok ang kanilang mithiin
ayaw nilang mamatay ang sariwang hangin
dangal na nayurakan ay ayaw lasapin
buhay nila yaong tinubuang lupain

ang paglalakad na iyon ay pagtitiis
upang luha ng ninuno'y di magbabatis
mithi ng katutubo'y di dapat magahis
layunin ng kaaway di dapat magbuntis

tulad ng malarya ang mga mananakop
ng kanilang lupaing nais masalikop
sakit yaong dala ng mga asal-hayop
na walang pandama't di sila pakukupkop

patuloy ang paglalakad tulad ng alon
hinahampas ng hangin parito't paroon
patuloy na haharapin ang bawat hamon
hangga't di nakakamtan yaong nilalayon

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Pagtanggap sa mga tutulugan

PAGTANGGAP SA MGA TUTULUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

saan kami matutulog ay inayos na nila
minsan sa simbahan o kaya nama'y sa eskwela
doon na rin kami pansamantalang maglalaba
hanggang makarating ng lungsod ay di kami aba

maraming salamat sa pagtanggap ninyo sa amin
maraming salamat sa anumang inyong inihain
maraming salamat pagkat kayo'y kaisa namin
sa pakikibakang dapat pagtagumpayan natin

di man mahimbing ang tulog, may pahinga ang diwa
nanauli ang lakas ng katawang nanlalata
habang sa puso'y dama ang mga yanig at banta
ang tahanang Sierra Madre ang nasa gunita

inaapuyan ng ligalig kahit panaginip
pagkawasak ng Sierra Madre'y di na malirip
ngunit sa paglalakad, may pag-asang halukipkip
dapat tagumpay nito ang nakaukit sa isip

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Revicon sa Mahabang Martsa

REVICON SA MAHABANG MARTSA
(think positive, walang aayaw)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig pantig bawat taludtod

sabi nga ni robin, aming idolo
'think positive, walang aayaw' dito
kaya tuloy ang martsa namin ngayon
walang ayawan pagkat nag-revicon
upang malagpasan ang mga pagsubok
nang sa lakaran di agad malugmok
positibong isip, walang aayaw
magpatuloy tayo sa ating galaw
di titigil hangga't di sumasapit
sa palasyong ang pinuno'y kaylupit
nagre-revicon kami nang lumakas
at nang maitumba ang balasubas
na nais wasakin ang kalikasan
at agawin ang aming kalupaan
silang nais magtayo ng laiban dam
silang sa ami'y walang pakiramdam

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Pagnganganga

PAGNGANGANGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dala-dala nila ang mga nganga
hahatiin nila ito sa gitna
maya-maya'y pupula ang bunganga
tila may init at kurot sa diwa

anting-anting ba itong panagupa
laban sa nais gumalaw ng lupa
upang tayuan ng dam na masama
na idudulot sa kanila'y luha

pagkat pag lupa nila ay nawala
kinabukasan nila ang sinira
kabuhayan pa nila ang giniba
lupaing ninuno ang sinansala

nganga yaong kanilang nginunguya
na sa pakiwari ko'y tsampoy yata
dapat tumagal sa laban ang diwa
at puso, pagnganganga'y paghahanda

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ang CADT

ANG CADT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may titulo na rin para sa katutubo
lalo na sa kanilang lupaing ninuno
kinilala na ito't di na maglalaho
patunay na kanila ang lupang pangako

ang Certificate of Ancestral Domain Title
ay tila baga regalo ng mga anghel
di na basta maaagaw ng mapaniil
di na kayang angkinin pa ng mapanupil

maraming salamat sa mga nagbalangkas
upang ito'y maging isang ganap na batas
ang katutubo'y marapat lang na pumatas
sa mismong lupa nilang kayraming nautas

katutubo'y di dapat maapi ninuman
lalo't ngayon sila'y may pinanghahawakan
titulo ng lupa'y dapat nilang ingatan
para sa kanilang tribu't kinabukasan

* Kahulugan ng Certificate of Ancestral Domain Title, ayon sa Batas Republika 8371, Tsapter 2, Seksyon 3, titik c, - refers to a title formally recognizing the rights of possession and ownership of ICCs/IPs over their ancestral domains identified and delineated in accordance with this law.

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Isda sa Alat at Tabang

ISDA SA ALAT AT TABANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang gobernador ng katutubo'y nagsabi
na lupain nila'y di ipinagbibili
dahil ito'y lupa ng kanilang ninuno
na binahiran ng kanilang mga dugo
sila'y laban kung laban hanggang kamatayan
pagkat sagad na't wala nang mauurungan
sa kasaysayan, tinaboy ng malulupit
kaya sa puso na'y may natatagong ngitngit
paano mabubuhay silang nasa gubat
sa lunsod, kung kumpara isda sa alat
silang isda'y hindi mabubuhay sa tabang
pagkat sa alat sanay mula pagkasilang
kamatayan pa'y kanilang ikalulugod
kaysa pilitin silang ilipat sa lungsod

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Tagpaltos

TAGPALTOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nagpaltos kahit nakatsinelas
habang kaylayo ng nilalandas
gayundin yaong nakasapatos
paa'y masakit pagkat may paltos
ngunit dapat tapusin ang misyon
at maapuhap ang nilalayon
ipaglaban yaong karapatang
di masira ang buhay, tahanan
ang gobyerno, sila'y sinusuyo
malaking saplad ang itatayo
mawawalan sila ng lupain
pati dangal nila'y aagawin
lupa'y tunay na ipagtatanggol
pagyurak sa bayan sila'y tutol
ang paltos gaano man kadalas
balewala kung para sa bukas

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Marami nang Pigtal na Tsinelas

MARAMI NANG PIGTAL NA TSINELAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig, soneto

maraming tsinelas ang nakatuhog sa patpat
na sa durasyon ng martsa'y pawang nangapigtal
habang dalawang tao naman ang nagbubuhat
ng mga tsinelas pagkatapos mag-almusal

nagpatuloy ang martsa habang nasa unahan
ang dalawang maybuhat noong mga tsinelas
upang ipakita sa mamamayan sa daan
ang kanilang paninindigan at dinaranas

napigtal na tsinelas ay tanda ng paglaban
na di sila susuko sa mga mandarahas
na pawang mga dayuhang sa tubo'y gahaman
na yumuyurak sa karangalan nila't bukas

mapigtal man yaong tsinelas ay balewala
basta't maipagtanggol lang ang kanilang lupa

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Huwag Payagan ang Laiban Dam

HUWAG PAYAGAN ANG LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

payag ba tayong matayo ang Laiban Dam
ng mga gahamang sabik sa tubong asam
sa kapwa tao’y wala silang pakialam
sila’y tila talagang walang pakiramdam

hindi, hindi tayo papayag sa ganito
dahil tiyak kayraming masasakripisyo
buhay mo, buhay ko, buhay ng kapwa tao
kultura, kabuhayan, lahat apektado

paano kung iyang dam ay matayong lubos
di lang isang henerasyon ang mauubos
buhay nati’y parang pinatangay sa agos
pati na kinabukasan ng bayang lipos

pagtayo ng dam ay huwag nating payagan
tayo na’y lumaban kung kinakailangan
upang sagipin itong ating kalikasan
ating pamayanan, ating kinabukasan

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Linggo, Nobyembre 8, 2009

Kumakain kami sa bao, di sa plato

KUMAKAIN KAMI SA BAO, DI SA PLATO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matapos ang mahabang lakad ay pahinga
sa liblib na pook titigil kapagdaka
mauupo habang nagnganganga ang iba
at pag kainan na, agad kaming pipila
upang mabigyan ng pagkain isa-isa

kumakain kami sa bao, di sa plato
habang iba'y may baong platong totoo
sa bao'y kakain ng kanin at adobo
may gulay ding nilaga't isdang pinirito
pag nauhaw, may tubig at sabaw ng buko

kita sa mukha ng mga kasama'y uhaw
di lang sa tubig, sa pag-asang tinatanaw
tanging hustisya lamang ang makatitighaw
upang lupa nila'y'y di tuluyang maagaw
sa kwento nga nila'y kayraming mahahalaw

mahirap magutom, kailangan ng lakas
kaya pag-asa sa kanila'y mababakas
lalakarin masalimuot man ang landas
upang ipaglaban ang maayos na bukas
at buhay na ang kalakaran ay parehas

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ipaglaban ang Lupang Ninuno

IPAGLABAN ANG LUPANG NINUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

karapatan ng kalikasan at ng katutubo
pati dangal ng bawat isa'y huwag isusuko
at huwag nating payagang tumagas pa ang dugo
subalit dapat ipagtanggol ang lupang ninuno
kaya kung kinakailangan ang dugo'y ibubo

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Dalawang Bahaghari sa Martsa

DALAWANG BAHAGHARI SA MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

anila, may ginto raw sa dulo ng bahaghari
tila ba sa ipinaglalaban ay magwawagi
ngunit dalawang bahaghari yaong nagpangiti
sa mga nakakita'y salamat ang namutawi

umulan ng nagdaang gabi, ang lupa'y mahamog
nagtitiis abutin ang pangarap na kaytayog
na itong Laiban ay di na tuluyang madurog
ng mga hayok sa tubo, mga palalo't hambog

sinagisag ng dalawang iyon ay anong ganda
sa layon ng katutubo'y nagbibigay pag-asa
nawa pagsapit ng Maynila'y makamtan na nila
na pagtatayo ng dam ay tuluyang mapigil na

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Mga Katutubo'y Kapatid Natin

MGA KATUTUBO'Y KAPATID NATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mga katutubo'y kapatid natin
pagkat sila'y pawang pilipino rin
sila'y mga kapwa tao rin natin
na dapat nating mahalin, yakapin

dahil tayo rin nama'y katutubo
pagkat sa bansang ito tayo tubo
isa ang nananalaytay na dugo
iisa tayo sa lahat ng dako

kaya huwag payagang may balakid
pakikitungo'y di dapat mapatid
pakikipagkapwa ang ating hatid
sa katutubong atin ngang kapatid

katutubo'y kapatid nating turing
pagkat lahat sila'y kadugo natin

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ilang Sakripisyo sa Martsa

ILANG SAKRIPISYO SA MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

napigtal ang tsinelas, nagkapaltos sa paa
napagod ang katawan, ang iba'y nirayuma
iyan ay kaunti lang sa sakripisyo nila
ngunit ang mga iyan, sa totoo'y wala pa
kumpara sa Laiban Dam pag naitayo na

sapagkat libong buhay ang magiging kapalit
pag natayo yaong dam na sa tao'y hagupit
yaong may utak ng dam ay sadyang kaylulupit
sa kapwa tao nila'y wala ngang malasakit
kaya dapat lang silang buntunan nitong ngitngit

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Sagipin ang Sierra Madre

SAGIPIN ANG SIERRA MADRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(alay sa grupong Save sierra Madre Network, at sa lahat ng grupong nais sagipin ang Sierra Madre)

pinagbabantaan ang Sierra Madre ng tao
unti-unti'y winawasak ang bulubundukin nito
sinisira ang kagubatang dapat protektado
mula sa pagkasirang di lang dahil sa delubyo

nakakaganda ng Sierra Madre kung pagmasdan
ang lupain, ang kapaligiran, ang kalikasan
mayaman sa puno, bulaklak, prutas, hayop, anuman
tunay itong biyaya sa tao't sandaigdigan

nais itong pagkakitaan ng mga kuhila
kaya nililigalig ang katutubong payapa
kailan ba kasakiman ng tao'y mawawala
kailan mapapawi ang anumang dito'y sumpa

huwag hayaang ito'y gibain ng mga ganid
salaulain ng kasakimang dapat mapatid
Sierra Madre'y sagipin natin, mga kapatid
kapayapaan sa katutubo'y ating ihatid

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Lakad Pa Rin Umulan Man o Umaraw

LAKAD PA RIN UMULAN MAN O UMARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dapat marating ang pupuntahan batay sa plano
umulan man o umaraw, lakad pa rin ang tao
silang ipinaglalaban yaong lupa't pinsipyo
upang lupain nila'y di mawasak na totoo

hakbang, hakbang pa, kaliwa, kanan, kaliwa, kanan
magpatuloy sa paglakad, kanan, kaliwa, kanan
kailangang marating ang Maynila, kaliwa, kanan
hiling sa Pangulo'y huwag galawin ang Laiban

halina't humakbang, patuloy na magkapitbisig
ipagtanggol ang lupang tahanan at inibig
magkaisang kumilos ang lahat ng ating kabig
at tiyaking mga demonyo'y di tayo madaig

ang bawat hakbang ay sagisag ng pawis at dugo
pagkat katutubo'y di papayag na masiphayo
ayaw nilang basta maitaboy lang sa malayo
kung kinakailangan, sariling dugo'y ibubo

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ang Lubid

ANG LUBID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

pinalilibutan ng mahabang lubid
kaming nagmamartsa nang aming mabatid
sa martsa'y kasama at nang di mapatid
ang aming linyang mga magkakapatid

habang sa lubid ay pawang nakasabit
ang mga streamer na aming binitbit
nakasulat ang aming pinababatid
upang sa laiban dam tayo'y di mabulid

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Tatlo-tatlo

TATLO-TATLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

tatlo-tatlo lang sa bawat linya
itong siyang gabay sa martsa
laban sa dam na dala'y dusa

ang katabi'y dapat kilala
huwag papasukin sa linya
ang sinumang hindi kasama

pag sila sa atin nanggulo
sa pagmamartsa nating ito
ay tiyak, tayo'y apektado

tiyaking linya'y tatlo-tatlo
para magandang tingnan ito
nang di magkahiwalay tayo

bawat hanay ay alagaan
upang tayo'y di mapasukan
ng nais manggulong sinuman

dapat lang tayong magtulungan
nang tayo'y may kapayapaan
sa mahaba nating lakaran

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ehersisyo Muna Bago Martsa

EHERSISYO MUNA BAGO MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

halina't tayo nang mag-ehersisyo
bago lumakad pampagana ito
upang ma-tsek din ang tatag ng buto
at baka naman may pilay na tayo

bawat isa ay pawang nakapila
may tao sa harap at likod nila
pawang nakahanda na sa pagmartsa
ngunit mag-eehersisyo na muna

kanan, kaliwa, at kaliwa, kanan
ang paa sa gitna'y ating ihakbang
halina't tayo nang magtalunan
kung kaya pa ang mahabang lakaran

bago at matapos ang ating martsa
lahat tayo'y mag-ehersisyo muna
sabay-sabay itong kamay at paa
upang kahit pagod tayo'y masaya

pagkatapos nito at napawisan
ay handa na sa mahabang lakaran
at pagdating doon sa paroroonan
mag-eehersisyo muli ang kawan

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Malamig ang Gabi sa Llavac

MALAMIG ANG GABI SA LLAVAC
(Brgy. Llavac, Real, Quezon)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kaylamig ng gabi doon sa Llavac
at tila nanunuot sa kalamnan
kaydilim ngunit di nakakasindak
pagkat payapa yaong kalooban

ikapito pa lang, wala nang ilaw
kaya laganap ang katahimikan
tila dumamay sa gabing mapanglaw
habang nagtatago naman ang buwan

kanina lamang ng ako'y naglakbay
upang humabol doon sa lakaran
mahabang lakaran para sa buhay
ng maraming tao sa kanayunan

pagkat may banta sa kanilang nayon
bantang pagtatayuan ng laiban dam
laiban dam na sa kanila'y humamon
humamong magkaisa't makialam

makikialam ako sa kanila
at sasama rin sa kanilang laban
pagmartsang ito pa lang ang umpisa
ng kinakaharap nilang labanan

kaylamig ng gabi doon sa Llavac
ngunit kay-init ng pinapangarap
na sana'y di na sila mapahamak
sa dam na dapat na mawalang ganap

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Lakad Laban sa Laiban Dam


LAKAD LABAN SA LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

tiyak lulubog ng tuluyan
ang maraming bahay at bayan
pag natuloy ang Laiban Dam
kaya dapat itong tutulan

marami'y agad nakialam
nagmartsa laban sa Laiban Dam
upang ito'y maipaalam
sa kapwa't buong sambayanan

na ito'y di makatarungan
sa buhay nitong mamamayan
sisirain ang kalikasan
pati buhay at kabuhayan

siyam na araw ang lakaran
mula Quezon pa-Malacañang
upang iprotestang tuluyan
ng pasakit na Laiban Dam

mga katutubo at masa
ay sama-samang nagprotesta
kayhaba ng nilakad nila
kapitbisig na nagkaisa

Laiban Dam para sa tubo
ng mga taong walang puso
Laiban Dam dapat maglaho
at maglaho ng buong-buo

nawa sila nga'y magtagumpay
na maipagtanggol ang buhay
ng tao't ng wala pang malay
nawa'y manaig silang tunay

salamat sa mga nagmartsa
pagkat kayo'y naging kaisa
at kita'y nagkasama-sama
laban dito sa dam ng dusa

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Huwebes, Nobyembre 5, 2009

Pagkakaisa Laban sa Laiban Dam

PAGKAKAISA LABAN SA LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di ba't tama lamang magkaisa ang taumbayan
laban sa panganib sa kanilang kinabukasan
nagbabanta ang malaking dam sa kanilang bayan
at sila'y mapapalayas sa lupang tinubuan

magkagalit at magkaribal ay nagkakaisa
upang labanan ang mga wawasak sa kanila
nakataya'y buhay at bukas ng pami-pamilya
pagkakapitbisig ng bawat isa'y mahalaga

tulad ng ahas o buwaya ang bantang panganib
nakaumang ang pangil upang sila'y masibasib
bahag ba ang buntot nila't magtatago sa yungib
aba'y ayaw nilang itaboy sa pinakaliblib

sama-sama silang lalaban, mag-aanyong leyon
kaysa masagpang ng buwayang sa salapi'y gumon


* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Simula ng martsa

SIMULA NG MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di ako nakasama nang magsimula ng martsa
humabol lamang ako nang ikalawang araw na
bumiyahe ako patungo roon nang mag-isa
upang isang organisasyon ay i-representa

kinatawan ako ng Freedom from Debt Coalition
sa Lakad Laban sa Laiban Dam umaga't hapon
tungong Maynila mula Heneral Nakar sa Quezon
kasama'y katutubo't iba pang organisasyon

tingin nila'y kakayanin ko ang mahabang lakad
tingin ko naman ito marahil ang aking palad
tagabalita ng proyektong dapat nang malantad
dahil bundok ay gagawin nitong giba at hubad

isang araw mang nahuli sa mahabang lakaran
basta't nais ay tiyak makakahabol din naman
bukal sa pusong tinanggap kahit ako'y dayo lang
tagalunsod ma'y naging karamay sa kabundukan


* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Miyerkules, Nobyembre 4, 2009

Bawal ang Nakasimangot

BAWAL ANG NAKASIMANGOT
ni gbj
8 pantig bawat taludtod

bawal ang nakasimangot
pagkat nakakaburaot
ang mukhang tila kaylungkot
sadyang nakakapanlambot

parang mukha'y nilulumot
na tila isang bangungot
kahit maganda ang suot
pangit ang nakasimangot

kahit mata mo'y ikusot
kaydaming muta't kulangot
madali kang malilimot
pagkat laging nakamurot

baka naman ikaw'y supot
at di na makabarurot
pinasok mo'y di kumirot
tyaga na lang sa pagpindot

ii

yun ngang mga mapag-imbot
nakatawa nga'y maharot
akala mo'y haliparot
yun pala'y mga kurakot

ang kanilang kinalikot
kabang bayan ang hinablot
mukha silang mga sapot
kunwari'y mga pakipot

dahil kapag sumimangot
mahahalata ang gusot
kung saan sila na'y sangkot
kaya di na makasundot

tayo ba'y may napupulot
na aralin sa asungot?
at agad bang nabubugnot
dahil ito'y walang gamot?

Damuhong Dam

DAMUHONG DAM
ni gbj
11 pantig bawat taludtod

kung sa kapwa, ikaw'y may pakialam
at sa buhay nila'y nakikiramdam
matatanto mong sadyang di mainam
na gumawa pa ng dambuhalang dam

Martes, Nobyembre 3, 2009

Ang Cellphone, Isang Pagmumuni

ANG CELLPHONE, ISANG PAGMUMUNI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

itong cellphone ay gamit panghanapan lamang
at di gamit sa pakikipagkaibigan
ito'y nakakainis na katotohanan
pag hinahanap ka, cellphone ang kailangan

para bang wala nang pakialam sa iyo
ang nais makausap at taong hanap mo
asar ka't ayaw agad sumagot sa iyo
gayong lobat, walang load o signal yung tao

ang buhay cellphone ay sadyang nakakalungkot
panghanap lang ng kalabaw, di rin pangsutsot
ang buhay cellphone ay di na nakalulugod
imbes na umayos, buhay pa'y nagugusot

ang cellphone ay pinaunlad na telegrama
produkto ng makabagong teknolohiya
sa anumang tanggapan di ka na pupunta
mensage'y saglit lang, mapapaabot mo na

Musika sa Pandinig

MUSIKA SA PANDINIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

musika sa aking pandinig
ang napakalamyos mong tinig
puso't diwa'y natitigatig
habang sa iyo'y nakatitig

hindi ka naman mang-aawit
minsan pa nga ikaw'y masungit
ngunit ako'y dala mong pilit
sa tinig mong kaakit-akit

o, sadyang kaysarap pakinggan
ng tinig mong kaylambing naman
parang ako'y napalibutan
ng mga anghel ng kariktan

ikaw'y talagang iniibig
tibok niring puso ko'y dinig
ako nga'y labis pang tumitig
sa iyong ngiti, ganda't tindig

Oda sa Magandang Aktibista

ODA SA MAGANDANG AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ako'y namalikmata nang masulyapan kita
tila ba isang diwata ang aking nakita
sa kagandahan mo'y tunay kang isang diyosa
ngunit ang totoo'y maganda kang aktibista

panakaw na lang palagi kung kita'y titigan
lagi nang sumusulyap sa iyong kagandahan
nais ko nang magtapat sa iyo ng tuluyan
ngunit nangangambang matamo ko'y kabiguan

marahil dahil wala pang maipagmalaki
ako ngayon sa iyo, o, aking kinakasi
ngunit iniibig kita, aking binibini
sa puso't isip ko'y di kita iwinawaksi

tayo'y kapwa aktibista ng bagong panahon
at ako'y nagsisikap ikaw ang inspirasyon
sa aking pagkilos sa magdamag at maghapon
panay ang aking diskarte upang makaipon

sana'y di ka mawala sa aking buhay, sinta
tila ba ako'y mamamatay pag nawala ka
nais kitang sa habambuhay ay makasama
buhay ko ma'y iaalay pagkat mahal kita

tanggapin mo sana itong alay kong pag-ibig
ikaw lang ang mamahalin ang siya kong tindig
makaaasa kang sa aki'y makakasandig
maging sa kamatayan di ako palulupig

Kalapati Kontra Buwitre

KALAPATI KONTRA BUWITRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

itong manggagawa ang mga kalapati
sa mundong ito ng kapitalistang buwitre
manggagawa ang higit na nakararami
ngunit sila pa ang mistulang mga api

gayong mga kapitalista'y kakaunti
at sila'y bilang mo lang sa mga daliri
ngunit sila pa ang sa mundo'y naghahari
dahil sa kanilang pribadong pag-aari

dapat lang mawala itong mga buwitre
na mga sakim sa tubo't makasarili
na sa obrero'y patuloy ang panlalansi
at nagpapasasa sa ating buhay dine

sa mga buwitre'y dapat tayong mamuhi
at mapoot din sa makasariling uri
mga sakim sa mundo'y dapat nang mapawi
pati ang kanilang pribadong pag-aari

Poproteksyunan ko ang iyong biyuda

Panata sa puntod ng isang bayani:
POPROTEKSYUNAN KO ANG IYONG BIYUDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pangatlo siya sa iyong naging asawa
dahil naunang namatay ang iyong una
habang hiwalay ka naman sa ikalawa
nang mapaslang ka, pangatlo ang nabiyuda

marahil nagkita na kayo ng iyong una
doon sa malayo ang inyong alaala
at masaya kayo sa muling pagkikita
at tiyak biyuda'y di na maaalala

o, kasama, sa iyo kami'y taas-noo
sa pakikibaka para sa pagbabago
sa harap ng puntod mo'y nangangako ako
poproteksyunan ko ang biyuda mo rito

ang panata ko'y ipagtatanggol ko siya
sa sinumang taong aaglahi sa kanya
hihingiin ko rin ang basbas mo, kasama
na siya'y makasama ko't mapaligaya

tutal ay kasama mo na ang iyong una
at tiyak diyan kayo na'y pawang masaya
di ko pababayaan ang iyong biyuda
buhay ko man itataya para sa kanya

pinapanata ko sa harap ng puntod mo
na poproteksyunan siya't iibigin ko
pagkat siya sa puso ko't diwa'y narito
larawan niya'y naukit na sa puso ko

sa mundong ito'y wala na akong ninasa
kundi makasama ang babae kong sinta
kaya pasasalamat sa iyo, kasama
kung makakasama ko ang iyong biyuda

kasama, umasa kang masakatuparan
ang panatang sa iyo'y aking binitiwan
ang winika ko'y katumbas ng karangalan
tutupdin ang panata, buhay ialay man

Di Ako Tahimik na Mamamatay

DI AKO TAHIMIK NA MAMAMATAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa kilusang mapagpalaya ako nabuhay
sa kilusang ito na rin ako mamamatay
ako'y sinanay maging propagandistang tunay
prinsipyo't paninindigan ko'y naging matibay

ngunit kung malalagutan ako ng hininga
nais kong di lang ako maging estadistika
pagkat pagpanaw ko'y magiging isang enigma
para sa naghahari sa bulok na sistema

hanggang kamatayan ako'y magpopropaganda
mababalita ang pagkapaslang sa makata
makatang tanging nasa'y mabago ang sistema
mamulat sa sosyalismo ang maraming masa

kaya nga di ako tahimik na mamamatay
pagkat pag-uusapan ang aking paghandusay
ngunit ang mas nais kong kanilang isalaysay
ay kung paano ba ako sa mundo nabuhay

kahit sa huling hantungan ako'y mangyayanig
kahit sa mga pahayagan ay maririnig
patuloy na isisiwalat ang ating panig
sa mga aklat, dyaryo, panitik nakasandig

ako'y propagandista na noon hanggang ngayon
ngunit kung yayao akong wala sa panahon
sana'y nagampanan kong husay ang aking misyon
at nakasama na ang dalagang nilalayon

Lunes, Nobyembre 2, 2009

Lumaban Ka, Maralita

LUMABAN KA, MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

dapat kang lumaban, maralita
kahit isang kahig, isang tuka
katubusan mo'y isang adhika
na dapat patunayan sa madla

lumaban ka at huwag pagapi
sa lipunang dito'y naghahari
at durugin ang kanilang uri
hanggang walang sinumang malabi

ang paglaban ay karapatan mo
at ng lahat ng tao sa mundo
kung nais palitan ang gobyerno
ay pagsumikapang gawin ito

kaya lumaban ka, maralita
di kayo dapat mistulang daga
ipaglaban ang buhay ng dukha
di kayo dapat laging may luha

maralita, dapat lumaban ka
pagkat wala kang aasahang iba
kapwa dukha'y organisahin na
dapat lahat kayo'y magkaisa

upang palitan na ang lipunang
pinaghaharian ng gahaman
upang di na kayo pagtubuan
ng mga kapitalistang halang

Linggo, Nobyembre 1, 2009

Pusong Patay

PUSONG PATAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

tunay ngang patay ang puso ng mga manhid
pagkat walang paki sa kanilang kapatid
parang wala silang anumang nababatid
anumang nangyayari, sa kanila'y lingid

kahit may alam sila'y ayaw makialam
pinapakitang sila'y walang pakiramdam
patay ang kanilang puso't kasuklam-suklam
kaya hiningi nating tulong ay nabalam

silang may mga pusong patay ay patay na
kahit nabubuhay pa'y walang kaluluwa
sinasayang nila ang kanilang hininga
pagkat walang pakialam sa kapwa nila

mga tulad ba nila'y dapat pang mabuhay
sino tayong manghuhusga sa ganyang bagay
ngunit pag nanakit silang may pusong patay
baka sila'y biglang mahatulan ng bitay

Paggunita sa Namayapa

PAGGUNITA SA NAMAYAPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

inaalala natin silang nangawala
tayo man ay matagal nang naulila
tuwing undas nga'y nagtitirik ng kandila
ginugunita natin yaong namayapa
inaalala ang mabuti nilang gawa
damdamin ay parang along rumaragasa
para bagang sa dusa'y muling nagbabaha
sa pagmumuni'y muling aagos ang luha