Martes, Agosto 31, 2010

Nasang Libangan, Naging Libingan

NASANG LIBANGAN, NAGING LIBINGAN
(hinggil sa trahedyang hostage-taking na ikinasawi ng walong Tsino, Agosto 23, 2010)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang ninanasa nila'y libangan
at magkaroon ng kasiyahan
dito sa maganda nating bayan
ngunit napuntahan ay libingan

ang hostage-taker ay isang pulis
dahil sa kotong siya'y nadismis
mabalik sa trabaho ang nais
simpleng hangaring di na matiis

walong inosenteng buhay dito'y
winasak nitong pulis na gago
tunay ngang ang trahedyang ganito'y
sa atin ay nakapanlulumo

maglibang ang nais ng turista
kaya sa bansa'y nagtungo sila
libangan ang pinuntahan nila
ngunit sa libingan na napunta

ginawa ng walang kahihiyan
ay kahiya-hiya nga sa bayan
nasang libangan, naging libingan
dapat sa kanila'y katarungan

Ang Mga Nangawala

ANG MGA NANGAWALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(The United Nations Human Rights Council, in its regular session in June this 2010, adopted a resolution officially declaring August 30 as International Day of the Disappeared (IDD). This resolution is expected to be acted upon by the UN General Assembly this coming December.)

Bakit dapat pang may mangawala?
Bakit pamilya'y dapat lumuha?
Di dapat, di dapat may mawala
Dahil sa kanyang paniniwala.

Bulok na sistema'y nararapat
Palitan ng magsisilbing tapat
Mga aktibista'y pawang mulat
Na dapat ang sistema'y panlahat

Walang mahirap, walang mayaman
Simpleng pangarap ng sambayanan
Lipunang bulok ay papalitan
Sistema'y babaguhing tuluyan

Kaya bakit dapat mawala pa
Kung banal ang adhikain nila?
Dahil tatamaan ba'y burgesya
Ng pagbabago nitong sistema?

Mali bang mangarap na mabago
Itong kinagisnan nating mundo?
Mali bang karapatang pantao
Ay tamasahin ng lahat dito?

Ang pagsusuri ba sa lipunan
Ay isang ganap na kasalanan?
Pagwawasto ba sa kamalian
Ay isang ganap na kasalanan?

Walang mayaman, walang mahirap
Masama bang ito ang pangarap?
Masama bang masa'y ililingap
Upang tibak pa'y dukuting ganap?

Hustisya sa mga nangawala
Di na dapat meron pang lumuha
Magsama-sama lahat ng bansa
Nang makamtan ang mundong payapa

Lunes, Agosto 30, 2010

Kapatid na Desaparesido

KAPATID NA DESAPARESIDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

buhay ng kapatid
ang mga pinatid
ng sinumang umid
walang awang ganid
sino sila'y lingid
at dapat mabatid

Linggo, Agosto 29, 2010

Makakaahon Din

MAKAKAAHON DIN
(Dugtong sa Awiting "Dukha" ng Asin)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ako'y isinilang na isang mahirap
na sa araw-gabi'y laging nagsisikap
nang matupad naman ang aking pangarap
na pagkatao ko'y inyo ring matanggap

mahirap lang ako ngunit may dignidad
na nangangarap din ng aking pag-unlad
ang maging mahirap ay di aking palad
kaya nagsisikap, di basta umusad

sa pagkakalugmok kami ay aahon
habang sinusuri bakit kami gayon
ang kahirapan ba'y ano yaong rason
ang tugon ba rito'y isang rebolusyon

hindi habang buhay na kami ay dukha
at hindi palaging sa gutom tulala
may magbabago rin at di pulos sigwa
kaya pagbabago ang aming adhika

nais nami'y tunay na pagbabago na
mapalitan yaong bulok na sistema
na siyang dahilan nitong pagdurusa
nang pag-unlad nama'y aming matamasa

Sabado, Agosto 28, 2010

Sunog Na Naman

SUNOG NA NAMAN
(hinggil sa naganap na sunog sa Brgy. Navotas West at Brgy. Sipac-Almacen sa Navotas, Agosto 26, 2010 ng 6:30 ng gabi)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

doon sa aming lugar, nagkasunog na naman
maraming maralita'y nawalan ng tahanan
tanging nasambit ng ating mga kababayan:
"mabuti nang manakawan kaysa masunugan"

kayraming tahanan yaong agad nangawala
kayraming inang nagawa na lang ay lumuha
kayraming kagamitang naglahong parang bula
para bagang ang tadhana sila'y isinumpa

nilamon ng apoy ang maraming bahay doon
sinadya kaya ito, tanong ng nangaroon
bahay kasi nila'y may banta ng demolisyon
ayaw nilang umalis, tahanan nila iyon

roadwidening at dike ang umano'y proyekto
kaya dapat umalis ang mga tao dito
eyesore sila sa dayuhan, ayon sa gobyerno
para mapilitang umalis, sinunog ito

usap-usapan ito ng ating kababayan
doon sa lugar nila na pawang nasunugan
sadya bang mahirap lalong pinahihirapan
kaybaba ng tingin, dukha'y walang karangalan

dukha'y walang karapatan, bahay pa'y sinunog
buhay na sangkahig sangtuka'y lalong nilubog
mag-isip na sila nang dibdib di kinakabog
upang sistemang bulok na'y kanilang madurog

Huwebes, Agosto 26, 2010

Hugo Chavez, Fidel Castro, at Evo Morales

HUGO CHAVEZ, FIDEL CASTRO, AT EVO MORALES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mabuhay ang mga lider ng sosyalismo
hugo chavez, evo morales, fidel castro
maraming salamat, sa inyo kami'y saludo
sa Latin Amerika'y kayo ang nagbago

tuloy ang laban at magpakatatag kayo
inspirasyon kayo para sa pagbabago
adhikain nyo ngang lipunang makatao
pinapangarap din namin sa bansang ito

hugo chavez, fidel castro, evo morales
sa pagkaapi, kami'y di na magtitiis
lalaban kami sa mga pagmamalabis
ng kapitalistang sistemang sadyang lihis

ipinakita nyo'y kaygandang halimbawa
na dapat matutunan naming mga dukha
mahalaga sa maralita't manggagawa
ang magkaisa sa sosyalismong adhika

hugo chavez, evo morales, fidel castro
maraming salamat sa halimbawa ninyo
bakbakin na natin itong kapitalismo
at hawanin ang landas tungong sosyalismo

kapitalismo'y di na dapat manatili
at wasakin na ang pribadong pag-aari
tanggalin na natin ang iba't ibang uri
nang uring manggagawa ang siyang maghari

Miyerkules, Agosto 25, 2010

Ipinasang Diyona sa Patimpalak sa Facebook

IPINASANG DIYONA SA PATIMPALAK SA FACEBOOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

TIMPALAK TULAAN SA FACEBOOK
http://panitikan.com.ph/newsarchive/monthly/august2010.htm#timpalaktulaan
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at ng ika-25 anibersaryo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), inihahandog ng grupo ang Tulaan sa Facebook. Ang Tulaan sa Facebook ay isang paligsahan ng mga tulang nasa katutubong anyo ng Filipinas. Sa paligsahang ito, itatampok ng mga lahok sa patimpalak ang anyong diyona – isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod.

Mga ipinasa ni Greg sa FB group ng Tulaan sa Facebook:
http://www.facebook.com/group.php?gid=138210462868601


KAPIT-TUKO

kayhigpit ng pagkapit
sa trono ang malupit
na punong walang bait

AHAS

lider na talipandas
ang nambabalasubas
sa masang dinadahas

TRAPO

nais maging marangya
kaya nagkandarapa
sa halalan nandaya

PUTA

sa putikan hinango
ang dyamanteng may dugo
kaya puso'y tuliro

DUKHA

ulilang nahihimbing
sa gutom gumigiling
pagkat wala ni kusing

TIBAK

nais nilang lumaya
ang uring manggagawa
sa sistemang kuhila

SUNDALONG KANIN

pumasok siyang kawal
upang may pang-almusal
imbes magpatiwakal

QUEEN SEON DEOK

reynang itinitibok
ni Bidam na mapusok
ngunit siya'y kayrupok

Martes, Agosto 24, 2010

Lihim na Iniibig

LIHIM NA INIIBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

alam mo na ang lihim kong pag-ibig
ikaw na sinisinta kong kaylambing
alam mong nais kitang makaniig
ikaw na diwata ko sa paghimbing

sadyang kaytamis ng mga ngiti mo
na tila dudurog sa aking puso
sadyang kayganda ng mga mata mo
na nagpapaangat sa aking dugo

ikaw ang babaeng aking pangarap
sa kapanglawan ay nagpapasaya
ikaw ang dahilan ng pagsisikap
upang ikaw'y aking mapaligaya

hanggang ngayon, inibig kitang lihim
nawa puso ko'y iyong maunawa
batid mo ang puso kong naninimdim
ikaw na sintang aking minumutya

sana di bumaha sa dakong ito
ng pagluha, lumbay at pagkabigo
sana iwi kong puso'y matanggap mo
na kung ilang beses na ring nagdugo

pagmamahal ko sa iyo'y kaytayog
mutya kang dadalhin ko sa pedestal
aking mutya, sa iyo'y aking handog
itong buo kong pagkatao't dangal

Ang Awiting IKAW PA RIN ni Ted Ito

ANG AWITING "IKAW PA RIN" NI TED ITO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

halos madurog ang puso ko sa himig
ng awiting itong aking naririnig
dahil punong-puno ito ng pag-ibig
tumagos sa puso't ako'y nalulupig

una kong narinig ang awit sa Japan
nang pinadala ako ng paaralan
at nagtagal doon ng anim na buwan
upang ang elektroniko'y pag-aralan

memorable para sa akin ang kanta
karanasan sa Japan naaalala
lalo ang mga Japayuking kaygaganda
na ang awiting ito ang kinakanta

ang awiting ito'y makadurog puso
tila ba lumuluha ako ng dugo
sa problema'y tila ba ako nahango
kahit sa pag-ibig minsang nabibigo

pasasalamat sa mga Japayuki
sa aking puso kayo'y mamamalagi
nagkakilala lang tayo ng sandali
ngunit ang alaala nyo'y nanatili

awit na ito'y handog sa mamahalin
handog sa sinta kong inibig ng lihim
sa'king kamatayan, ang tangi kong hiling
ang awiting ito ang patutugtugin

Sa magandang kasama

SA MAGANDANG KASAMA
ni greg

isang maalab na pagbati
paabot sa iyong may ngiti
nawa ikaw ay manatili
sa pakikibaka palagi

pagbati ng maligayang kaarawan
sana'y nasa mabuti kang kalagayan
at maganda pa rin ang pangangatawan
walang sakit, maayos ang kalusugan

sana'y magpatuloy tayo sa paglaban
upang bulok na sistema'y mapalitan
at sa pakikibaka'y walang iwanan
pangako sa iyo'y di kita iiwan

hangga't nariyan ka, narito ako
ipaglalaban kita, pangako ko
kasama mo ako hanggang sa dulo
iwi kong buhay ma'y kapalit nito

Kamatayan sa Dibdib ng Unos

KAMATAYAN SA DIBDIB NG UNOS
(hinggil sa hostage-taking ng isang tourist bus sa Maynila, Agosto 23, 2010, kung saan maraming turistang Tsinong hostages ang pinaslang, dating pulis ang nang-hostage)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

umaalon ang ngitngit ng masa
sa pangyayaring tigib ng dusa
kayraming bihag yaong kinitil
ng isang dating pulis na sutil
poot sa dibdib niya'y nilubos
at ang bala akala mo'y unos

sa telebisyon ay tensyonado
sa hostage-taking ang mga tao
sa loob ng kalahating araw
kayraming buhay yaong pumanaw
sadyang nagtataka itong madla
pulis ay wala agad nagawa

umuulan ng poot sa dibdib
ng masang sa pagkaawa'y tigib
sa mga bihag na walang malay
na dumalaw lang dito'y namatay
kamatayang ito'y kahihiyan
sa nakalugmok na nating bayan

Lunes, Agosto 23, 2010

Hostage-taking sa Maynila, 082310

HOSTAGE-TAKING SA MAYNILA, 082310
(hinggil sa hostage-taking ng isang tourist bus sa Maynila, Agosto 23, 2010, kung saan maraming turistang Tsinong hostages ang pinaslang, dating pulis ang nang-hostage)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sa demolisyon sa New Manila
aba'y pagkagaling-galing nila
nakatutok ang baril sa masa
nitong mga SWAT na kaypoporma

ngunit pagdating sa hostage-taking
aba'y akala mo rin magaling
hostage-taker na tila napraning
ay nagawang hostage pa'y barilin

nagawa nitong SWAT ay huli na
mga hostages ay napaslang na
ayon sa ulat, walong turista
sa ibang ulat ay pito sila

sa mundo muli'y kahiya-hiya
SWAT dito'y wala agad nagawa
huling napatay ang may pakana
kayrami nang buhay ang nawala

ang galing ng SWAT sa demolisyon
tutok ang baril sa masa doon
ngunit wala silang mga maton
sa hostage-taking sa bus na iyon

SWAT nga ba'y anong ibig sabihin
pag sa demolisyon, kaygagaling
at pagdating ba sa hostage-taking
ito'y "Sorry, Wala Akong Training"?

kahindik-hindik na pangyayari
na dapat pag-isipang mabuti
sa mga SWAT ba'y anong nangyari
ang training ba nila'y anong silbi

isa pang malaking kahihiyan
kung paano ito hinawakan
ng mga awtoridad ng bayan
na umabot pa sa kamatayan

Linggo, Agosto 22, 2010

Maralita'y Proletaryado

MARALITA'Y PROLETARYADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

reserbang hukbo raw ng paggawa
ang turing sa mga maralita
wala sa pabrika silang dukha
di tulad ng mga manggagawa

reserbang hukbo dahil papalit
pag obrero'y tinanggal ng pilit
ng kapitalistang anong lupit
dahil marami namang kapalit

reserba man pareho ang uri
sa dusa sila'y nananatili
wala ring pribadong pag-aari
ang dukhang sa hirap namalagi

sa pinagtrabahuhan lang iba
pagkat ang obrero'y sa pabrika
sariling kayod naman ang isa
ngunit pareho ring nasa dusa

kaya bakit pa pag-iibahin
dukha'y reserbang hukbo ang turing
gayong parehong mahirap pa rin
nagdidildil din kapwa ng asin

kaya ang dukha'y proletaryado
kagaya rin ng mga obrero
na walang pag-aaring pribado
kundi ang lakas-paggawang ito

maralita, proletaryado ka
sumama na sa pakikibaka
babaguhin natin ang sistema
na nagdulot sa inyo ng dusa

sumama sa laban ng obrero
na kapareho nyong proletaryo
lipunang bulok baguhin ninyo
at itatag na ang sosyalismo

Sabado, Agosto 21, 2010

Kamatayan ni Ninoy


KAMATAYAN NI NINOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nagtitiimbagang ang taumbayan
dahil malupit yaong diktadurya
nagtiis sa lagim ang sambayanan
pagdating niya'y hinintay ng masa

nais lagutin ang problemang tambak
at nagpasyang umuwi ng bansa
ngunit sa pagdatal doon sa tarmac
punglo'y lumipad, siya'y bumulagta

at naghalo ang luha, ngitngit, poot
nanginig ang bayan kaya't nag-aklas
nagsibalikwas, nawala ang takot
tapang sa dibdib nila'y mababakas

kamatayan niya'y nagsilbing mitsa
nang sa paglipas ng dalawang taon
diktadurya'y ibinagsak ng masa
sa isang mapayapang rebolusyon

Biyernes, Agosto 20, 2010

Diskarte ng Dukha

DISKARTE NG DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang dukha wala man sa pabrika
sa diskarte'y nabubuhay sila
may nabubuhay sa pagtitinda
may namumulot pa ng basura

marangal yaong trabaho nila
may nagwawalis din ng kalsada
may kung anu-anong binebenta
para maka-porsyento lang sila

ngunit di tulad nitong obrero
wala silang pirmihang trabaho
gayong kayod doon, kayod dito
para sa kakarampot na sweldo

sila pa'y karaniwang kontraktwal
kaya di sila makaatungal
baka mawalan ng pang-almusal
pag sa trabaho sila'y umangal

Huwebes, Agosto 19, 2010

Matematika'y Pandaigdigang Wika

MATEMATIKA'Y PANDAIGDIGANG WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang matematika'y pandaigdigang wika
ito'ng sinasabi ng mga matatanda
nagkaunawaan dito ang mga bansa
kaya itong math nga'y mahalaga sa madla

sa matematika'y kayrami ng simbolo
ngunit dito'y nagkakaunawaan tayo
iba'y mga banyaga man sa lupang ito
itong math yaong bibigkis sa atin dito

ang matematika'y atin ngang pag-aralan
huwag naman natin itong pangingilagan
pagkat mahalaga ito sa ating bayan
at mahalaga ito sa sandaigdigan

ang matematika'y pandaigdigang wika
ito nga'y dapat maunawaan ng madla

Miyerkules, Agosto 18, 2010

Ang Diwata Ko Sa Panaginip

ANG DIWATA KO SA PANAGINIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ikaw, diwata, ang nasa aking panaginip
lagi mo akong dinadalaw sa pagkaidlip
ako nga ba'y nasa iyong damdamin at isip
katugunan sa tanong ko'y di ko pa malirip

sino ka ba't nasaan ka, mahal kong diwata
kung panaginip ka lang, ako'y natutulala
ramdam kong pag ginising ako'y kinakawawa
pagkat nawawalay ka, ayaw kitang mawala

pag nasa panaginip kita, ako'y kayhimbing
pag nasa diwa kita, ayaw ko nang magising
pagkat sa kagandahan mo, ako'y nalalasing
nais kitang mayakap, diwata kong kaylambing

pag muling natulog, nais kitang makaniig
hahagkan kita't kukulungin sa aking bisig
sana'y maging totoo ka na't ako'y marinig
sa pagsamo't sa pagkabigo'y di palulupig

Martes, Agosto 17, 2010

Bolerong Panginoon

BOLERONG PANGINOON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lagi niya itong sinasabi
mapapalad kayong inaapi
kaya't huwag mag-aatubili
na sa mga amo nyo'y magsilbi

mapapalad kayong naghihirap
kaya huwag na kayong mangarap
na mga amo nyong mapagpanggap
ang sa tulad nyo'y dagling lilingap

pati na pinagsamantalahan
ay sadyang kaypapalad din naman
huwag nyo nang isiping lumaban
iyan na ang inyong kapalaran

dukha'y lagi na lang binobola
nitong mga mapagsamantala
basta't huwag lang silang mag-alsa
laban sa naghaharing problema

panginoon nga'y sadyang bolero
basta't huwag mag-alsa sa amo
inapi na nga ang mga tao
ay mapalad pa ang mga ito

dapat panginoon na'y alisin
silang may tuwang dukha'y apihin
mga panginoon na'y lipulin
bulok nilang sistema'y pawiin

Lunes, Agosto 16, 2010

Patatagin ang Kagawaran ng Depensa

PATATAGIN ANG KAGAWARAN NG DEPENSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dapat patatagin ang kagawaran ng depensa
upang may magtanggol sa kilusan ng aktibista
upang ipagtanggol ang mga inaaping masa
upang may ipandudurog sa bulok na sistema

misyon nilang depensahan ang uring manggagawa
tuluyang ipagtanggol itong mga maralita
depensahan ang uri ang pangunahing adhika
at sistema'y mapalitan upang wala nang dukha

ang kagawaran ng depensa'y dukha't manggagawa
sila ang bumubuo ng hukbong mapagpalaya
na dudurog sa mga kapitalistang kuhila
dahil sistema ng mga ito'y kasumpa-sumpa

ang kagawaran ng depensa'y di lang pandepensa
pagkat ito'y magiging kagawaran ng opensa
kung kinakailangan upang magtanggol sa masa
nang masa'y di manatiling nabubuhay sa dusa

Kontraktwalisasyon sa PAL

KONTRAKTWALISASYON SA PAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

gagawin nang kalahati ang sweldo
at kontraktwal ang mga empleyado
sa isang kumpanya ng eroplano
dahil sa kontraktwalisasyon dito

walang maganda itong idudulot
kundi ang buhay na sadyang kaylungkot
paano ba tayo makakalusot
sa kontraktwalisasyong sadyang salot

kaya halina't tayo'y magkaisa
durugin itong bulok na iskema
ng kontraktwalisasyong pawang dusa
ang dulot sa manggagawa't pamilya

organisahin ang mga piloto
pati lahat ng manggagawa dito
pakilusin na ang mga obrero
upang makiisa sa labang ito

Linggo, Agosto 15, 2010

Ang Rebolusyon ay Di Biro

ANG REBOLUSYON AY DI BIRO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

bakit dapat dumanak ang dugo
kung tanging nais mo'y pagbabago
rebolusyon ay di isang biro
pagkat aktibista'y di berdugo

ang aktibista'y nakikibaka
pagkat ayaw maapi ang madla
adhika nila'y bagong sistema
upang masa'y tuluyang lumaya

ang rebolusyon ay pagbabago
di ito agad isang digmaan
bagamat itong kapitalismo
ang ibabagsak nating tuluyan

maging seryoso sa ating misyon
pagkat di biro ang rebolusyon

Sabado, Agosto 14, 2010

Batuhan sa Demolisyon (Brgy. Mariana, New Manila)

BATUHAN SA DEMOLISYON
(Demolisyon sa Brgy. Mariana, New Manila
noong Agosto 11 at 12, 2010)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa telebisyon ay pinanood ng madla
ang pagngangalit ng bagang ng mga dukha
ang karapatan nila'y sadyang kinawawa
ang mga nagdemolis nga'y kasumpa-sumpa

nang winawasak na ang kanilang tahanan
ramdam nilang dangal nila'y niyuyurakan
tinatanggalan na sila ng karapatan
kaya sila na'y nagpasyang makipaglaban

sa dibdib nila'y sadyang sumiklab ang poot
mga noo nila'y talagang nakakunot
kahit ramdam nilang tuhod ay nanlalambot
ay nilabanan ang demolisyong bangungot

kaya demolition team ay pinagbabato
ng mga residenteng nakatira dito
tama lang naman ang pagtatanggol na ito
pagkat nayurak ang kanilang pagkatao

ang bahay ang tanging yaman ng maralita
giniba lang ng mga bayarang alila
kaya tama lamang ang kanilang ginawa
batuhin, paurungin ang kumakawawa

kaya nagkabatuhan at nagkagantihan
ang magkabilang panig ay nagdepensahan
isa'y nagtanggol sa kanilang karapatan
isa'y dahil sa atas ng mga gahaman

pansamantalang natigil ang demolisyon
pagkat kayrami nilang nasugatan doon
ngunit ang sheriff ay talagang nanghahamon
talagang nais nitong dukha'y maibaon

misyon nito'y wasakin ang bahay ng dukha
ngunit di papayag dito ang maralita
pagkat dangal na nila ang kinakawawa
ng demolition team na dapat lang isumpa

Huwebes, Agosto 12, 2010

Ginahasang Larawan

GINAHASANG LARAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

nakatambad sa pahayagan
ang isang hubad na larawan
ng isang tila walang muwang
na dalaga sa panagimpan
at sadyang pinaglalawayan
ng alipin ng kalibugan

silang mga pinagtubuan
ng kapitalistang gahaman
mga dalagang walang muwang
na biktima ng kahirapan
at kinalakal ang katawan
upang may panggastos man lamang

ginahasa ng taumbayan
ang nakahubad na larawan
ng dilag na tila may muwang
na alam na pinagpipyestahan
ang kanilang mga larawan
ng hubad nilang kabuuan

bakit mga kababaihan
ay di magrali sa lansangan
upang iprotestang tuluyan
ang ginagawang kabastusan
ng pag-aaring pahayagan
ng kapitalistang gahaman

pati na yata taumbayan
ay nararapat makialam
upang ganitong kalaswaan
ay tuluyan nang mapigilan
at di mababoy ang isipan
ng ating mga kabataan

Miyerkules, Agosto 11, 2010

Sa Liyab ng Libong Sulo

SA LIYAB NG LIBONG SULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

sa liyab ng libong sulo
aktibista'y nangangako
sistema'y maigugupo
ng ating lakas na buo

sa liyab ng libong sulo
aktibista'y nangangako
kapitalista'y susuko
kapitalismo'y guguho

sa liyab ng libong sulo
kami'y pawang nangangako
sosyalismo'y itatayo
ng walang danak na dugo

sakaling dugo'y mabubo
kaninuma'y di yuyuko
sa liyab ng libong sulo
tuloy pa ri't di susuko

Lagalag Man Ako

LAGALAG MAN AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ako'y lagalag sa ating bayan
kaya nakikita'y karaniwan
kayraming dukha ang namamasdan
karumal-dumal ang kalagayan

kaya di ko maubos-maisip
di rin sumagi sa panaginip
na mahihirap ay masasagip
bukas nga nila'y di ko masilip

iskwater na sa sariling bayan
walang trabaho, walang tahanan
trapo'y sadyang walang pakialam
pagkat sila'y di pagtutubuan

lagalag man ang isang tulad ko
hinahanap ko pa rin sa mundo
ang bagong bukas at pagbabago
ng kawawang bayan nating ito

Martes, Agosto 10, 2010

Nahihimbing na Karapatan

NAHIHIMBING NA KARAPATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludto

dapat gisingin mo ang mga diwa nila
na may karapatan kang dapat makilala
baka yaong diwa nila’y nahihimbing pa
habang sila nama’y winawalanghiya ka

karapatan ay huwag hayaang mahimbing
kaya dapat ang puso’t diwa’y laging gising

tandaang mong may karapatan bawat isa
na dapat maramdaman nila’t makilala
tandaang may karapatan ang bawat masa
na kaakibat na ng pagkatao nila

karapatan ay huwag hayaang mahimbing
kaya dapat ang puso’t diwa’y laging gising

huwag nyong hayaang kayo’y maagrabyado
ng mga mapagsamantalang pulitiko
at mga gahamang kapitalistang tuso
na ang laging adhika’y pagtubuan tayo

karapatan ay huwag hayaang mahimbing
kaya dapat ang puso’t diwa’y laging gising

karapatan natin ay dapat irespeto
dapat kilalanin ng sinumang gobyerno
at upang tunay nga nating manamnam ito
ay ibasura natin ang kapitalismo

Lunes, Agosto 9, 2010

Hinalughog na Diwa

HINALUGHOG NA DIWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

hinahalughog ko ang diwa
upang manamnam ang kataga

ng mga akdang bagong likha
at baka naroon ang tula

pagkat nagdeliryo ang madla
sa nakatagong talinghaga

tula'y mahanap ko pa kaya
kung tinago na ng diwata?

Pag-akda ng Bagong Bukas

PAG-AKDA NG BAGONG BUKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod, soneto

buhay na kasumpa-sumpa
ang paghihirap sa dampa
kaya dapat maging handa
kaming hampaslupa
imbes na maging kawawa
imbes laging lumuluha
kikilos kami't lilikha
bagong bukas iaakda
bagong mundo'y ikakatha
di lang sa'ming puso't diwa
kundi kasama ang madla
walang mahirap na gawa
kahit minsan namumutla
pag dinaan sa tiyaga

Linggo, Agosto 8, 2010

Kung Nais Manalo sa Pakikibaka

KUNG NAIS MANALO SA PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

organisahin ang manggagawa
pati magsasaka't maralita
ikalat ang sosyalistang diwa
at pagrebolusyonin ang madla

imumulat sa tamang prinsipyo
para sa tunay na pagbabago
ibabagsak ang kapitalismo
at isusulong ang sosyalismo

kung nais ng mga aktibista
na manalo sa pakikibaka
patuloy na magpo-propaganda
at magpapaliwanag sa masa

hinggil sa adhikang sosyalismo
na dapat nating maipanalo
misyong pagkaisahin ang tao
sa ilalim ng sistemang wasto

na wala nang magsasamantala
sa kapwa pagkat nagkakaisa
at nagmamahalan pa sa twina
kaya tayo'y may bagong umaga

Biyernes, Agosto 6, 2010

Dugong Bughaw at Dugong Pula

DUGONG BUGHAW AT DUGONG PULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dugong bughaw ang mga maharlika
ganito inilalarawan sila
ng ninuno, sa aklatan, historya
ngunit bakit bughaw ang dugo nila

kung ang dugo ng masa'y kulay pula
at bughaw ang dugo ng maharlika
isa'y tao, di tao ang isa pa
bathala kaya yaong ikalawa

dugong bughaw ba itong elitista
kaya parang bathala kung umasta
di makipagkapwa-tao sa masa
dahil tingin sa sarili'y dyos sila

dugong bughaw ba ang kapitalista
kaya tingin sa tao'y walang kwenta
bughaw rin ba ang dugo ng burgesya
kaya sa tao'y mapang-api sila

nauso ang katagang dugong bughaw
upang ang masa'y tuluyang iligaw
na tao rin ang burgesyang bakulaw
at mga elitistang asal-tungaw

kaytagal na pala tayong inuto
ng mga dugong bughaw na palalo
na nais lamang sa atin ay tubo
kaya tayo'y kanilang dinuduro

dugong pula ang uring manggagawa
silang mga taong kinakawawa
di tulad ng burgesyang walang awa
pula ang dugo ng lakas-paggawa

dugong pula ang karaniwang tao
na pakikipagkapwa'y taglay nito
di tulad ng mga dyos-dyosan dito
di marunong makipagkapwa-tao

Huwebes, Agosto 5, 2010

Mapalad Nga Ba ang Inaapi?

MAPALAD NGA BA ANG INAAPI?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

mapapalad kayong naghihirap
ang sabi ng mga mapagpanggap
pagkat langit inyong malalasap
kaya huwag na kayong mangarap

mapalad nga ba ang inaapi
relihiyoso'y ito ang sabi
kaya ang tanong kong nalilimi
relihiyon nga ba'y anong silbi

inaapi na nga, mapalad pa?
anong klase ba ang turo nila
mali-mali ang turo sa masa
inapi na, mapalad pa pala!

mapalad daw ang mga naapi
kaya tigilan nyo na ang rali
talaga ngang sila'y ibang klase
nais lang pala'y huwag nang magrali

niloloko pa nila ang dukha
silang wala namang ginagawa
sa paghihirap ng maralita
pangako nila'y panatang wala

Umuulan Na Naman

UMUULAN NA NAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

patuloy na lumuluha ang langit
para bang ulap ay lumalangitngit
dahil sa ulan ikaw'y nagagalit
imbes ginawin, ikaw'y nag-iinit

di ka nga ngayon makapagbunghalit
pakiramdam mo ikaw'y naiipit
sa nag-umpugang batong maliliit
kaya ang libido mo'y sumisirit

maligo ka na't sa ulan lumapit
at sa tungong kawayan ay kumapit
patuloy pa ang pag-ulang malupit
ayaw tumigil, ikaw'y ginigipit

nais pa yatang ikaw'y magkasakit
tumigil ka, ulan, ang aming hirit

Miyerkules, Agosto 4, 2010

Boses Natin ay Kinuha Pa Nila

BOSES NATIN AY KINUHA PA NILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sadyang kinakawawa tayo ng burgesya
boses na natin ay kanila pang kinuha
laging kaybaba ng tingin nila sa masa
at buhay nito'y pinaglalaruan nila

trapo sa kampanyahan ay parang hunyango
sa masa'y iba-iba ang pakikitungo
mga maralita'y di raw dapat manlumo
pagkat naririyan daw silang nangangako

kayganda raw naman ng kanilang adhika
sa problema'y tutulungan ang maralita
sa kongreso'y kakatawan sa manggagawa
basta't iboto't maipanalo ng madla

bakit boses natin ay kinuha pa nila
bakit kakatawan sa dukha'y elitista
hindi, di ang burgesya ang ating pag-asa
burgesya'y mapagkunwaring tinig ng masa

bawiin sa burgesya itong ating tinig
may boses ang masang dapat lang iparinig
tandaang tayong dukha'y may sariling tindig
ipaglaban natin itong magkapit-bisig

Pag Nakibaka ang Maralita

PAG NAKIBAKA ANG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

pag nakibaka ang maralita
kasama ang buong puso't diwa
upang mga dukha'y mapalaya
mula sistemang mapang-andukha

itinuring silang hampaslupa
ng mga elitistang kuhila
dukha raw silang dapat lumuha
pagkat sila'y di raw pinagpala

pag maralita ang nakibaka
buong puso't diwa ang kasama
tungo sa pagpalaya ng masa
na binulok ng gagong sistema

pag nakibaka ang maralita
sosyalismo ang inaadhika

Patatagin ang Kagawaran ng Panustos

PATATAGIN ANG KAGAWARAN NG PANUSTOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

patatagin na ang kagawaran ng panustos
pondo't kagamitan ay dapat maiayos
kagawarang ito'y makakatulong ng lubos
sa pakikibaka at paggampan ng pagkilos

tandaang matindi kung magpondo ang burgesya
mayaman ang kagawaran ng panustos nila
natutustusan nga pati pagsasamantala
basta't sistema nila'y kanilang mapreserba

nais nating itayo'y isang bagong lipunan
kaya pakikibaka'y dapat nating tustusan
buhay na ang ating itinaya sa labanan
kaya tiyakin ang pagpondo ng himagsikan

dapat asikasuhan ang kagawarang ito
kung sa pakikibaka'y nais nating manalo

Lunes, Agosto 2, 2010

Ang Mahihina at Maliliit

ANG MAHIHINA AT MALILIIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ito bang mahina't maliliit
ay wala nga bang laban sa langit
kaya di na makuhang magalit
doon sa mga nagmamalupit

ang langit ay dapat kapootan
kung ito'y walang silbi sa bayan
pagkat di ito naaasahan
ng nagdaralitang sambayanan

ang langit ay di dapat sambahin
pagkat ito'y langit na may piring
na walang pakialam sa atin
pagkat lagi itong nahihimbing

laging sa langit nakatunganga
ang marami-raming maralita
nag-aakalang may mapapala
sa kalangitan ang mga dukha

sadya bang walang laban sa langit
itong mahihina't maliliit
titigil lang ang pagmamalupit
kung hustisya'y ating igigiit

dapat wala nang mga mahina
at maliit na kinakawawa
dapat yaong sistemang kuhila
ay tuluyang palitan ng madla

Basta't Di Magutom ang Maralita

BASTA'T DI MAGUTOM ANG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaydali raw lokohin ng trapo ang masa
ang prinsipyo raw nila'y madalas ibenta
kapalit ng pantawid-gutom nila'y pera
na iminumudmod ng trapo sa kanila

sa gutom kailangan nilang makaraos
kahit nararamdaman ang pagkabusabos
kaya minsan prinsipyo'y nabebentang lubos
kahit ayaw nila't puso'y nahahambalos

ramdam ng dukha ang nangyayari sa kanya
ngunit may mga nagagawa kaya siya
tila ba ang gobyerno'y walang nadarama
sa kanilang hirap at mga pagdurusa

diskarte lang ba iyon bilang maralita
kahit na turing sa kanila'y hampaslupa
huwag lamang magutom ang pamilyang dukha
kaysa mamatay sila pagkat walang-wala

Linggo, Agosto 1, 2010

Samyo ng Amihan

SAMYO NG AMIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sumasamyo ang hanging amihan
tila ako'y kanyang hinahagkan
problema'y parang nalulunasan
para bang sagot sa kahirapan
ng natitigang na kalooban
dahil pulos pasakit ang ramdam
ng masang wala bang pakialam
sa mga nagaganap sa bayan

dumadampi ang hangin sa pisngi
habang ginugunita ang kasi
pati lipunan ay minumuni
bakit bayan ay walang masabi
bakit kapwa'y parang walang paki
sa sistemang dapat lang masisi
sapagkat ito'y bulag at bingi
tulad ng gobyernong walang silbi

Alon sa Aplaya

ALON SA APLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sasampal-sampal ang alon sa aplaya
tila kalupaa'y marahas na binibira
dili kaya naman buhangin ay sinisinta
ng along di malaman kung galit o kaysaya

tulad ng alon sa aplaya ang sambayanan
parang hinihiyaw sa madla'y pagbabago na
tila nilalaro ang buhangin ng kaysaya
o kaya'y nanggigigil sa poot sa aplaya

nangyuyugyog ang alon sa bulong ng amihan
at sa buhangin ay nais makipagyapusan
sinusuyo, ginagamot ang may karamdaman
nilulutas ang suliranin ng sambayanan