Sabado, Agosto 28, 2010

Sunog Na Naman

SUNOG NA NAMAN
(hinggil sa naganap na sunog sa Brgy. Navotas West at Brgy. Sipac-Almacen sa Navotas, Agosto 26, 2010 ng 6:30 ng gabi)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

doon sa aming lugar, nagkasunog na naman
maraming maralita'y nawalan ng tahanan
tanging nasambit ng ating mga kababayan:
"mabuti nang manakawan kaysa masunugan"

kayraming tahanan yaong agad nangawala
kayraming inang nagawa na lang ay lumuha
kayraming kagamitang naglahong parang bula
para bagang ang tadhana sila'y isinumpa

nilamon ng apoy ang maraming bahay doon
sinadya kaya ito, tanong ng nangaroon
bahay kasi nila'y may banta ng demolisyon
ayaw nilang umalis, tahanan nila iyon

roadwidening at dike ang umano'y proyekto
kaya dapat umalis ang mga tao dito
eyesore sila sa dayuhan, ayon sa gobyerno
para mapilitang umalis, sinunog ito

usap-usapan ito ng ating kababayan
doon sa lugar nila na pawang nasunugan
sadya bang mahirap lalong pinahihirapan
kaybaba ng tingin, dukha'y walang karangalan

dukha'y walang karapatan, bahay pa'y sinunog
buhay na sangkahig sangtuka'y lalong nilubog
mag-isip na sila nang dibdib di kinakabog
upang sistemang bulok na'y kanilang madurog

Walang komento: