Martes, Agosto 17, 2010

Bolerong Panginoon

BOLERONG PANGINOON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lagi niya itong sinasabi
mapapalad kayong inaapi
kaya't huwag mag-aatubili
na sa mga amo nyo'y magsilbi

mapapalad kayong naghihirap
kaya huwag na kayong mangarap
na mga amo nyong mapagpanggap
ang sa tulad nyo'y dagling lilingap

pati na pinagsamantalahan
ay sadyang kaypapalad din naman
huwag nyo nang isiping lumaban
iyan na ang inyong kapalaran

dukha'y lagi na lang binobola
nitong mga mapagsamantala
basta't huwag lang silang mag-alsa
laban sa naghaharing problema

panginoon nga'y sadyang bolero
basta't huwag mag-alsa sa amo
inapi na nga ang mga tao
ay mapalad pa ang mga ito

dapat panginoon na'y alisin
silang may tuwang dukha'y apihin
mga panginoon na'y lipulin
bulok nilang sistema'y pawiin

Walang komento: