Sabado, Agosto 14, 2010

Batuhan sa Demolisyon (Brgy. Mariana, New Manila)

BATUHAN SA DEMOLISYON
(Demolisyon sa Brgy. Mariana, New Manila
noong Agosto 11 at 12, 2010)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa telebisyon ay pinanood ng madla
ang pagngangalit ng bagang ng mga dukha
ang karapatan nila'y sadyang kinawawa
ang mga nagdemolis nga'y kasumpa-sumpa

nang winawasak na ang kanilang tahanan
ramdam nilang dangal nila'y niyuyurakan
tinatanggalan na sila ng karapatan
kaya sila na'y nagpasyang makipaglaban

sa dibdib nila'y sadyang sumiklab ang poot
mga noo nila'y talagang nakakunot
kahit ramdam nilang tuhod ay nanlalambot
ay nilabanan ang demolisyong bangungot

kaya demolition team ay pinagbabato
ng mga residenteng nakatira dito
tama lang naman ang pagtatanggol na ito
pagkat nayurak ang kanilang pagkatao

ang bahay ang tanging yaman ng maralita
giniba lang ng mga bayarang alila
kaya tama lamang ang kanilang ginawa
batuhin, paurungin ang kumakawawa

kaya nagkabatuhan at nagkagantihan
ang magkabilang panig ay nagdepensahan
isa'y nagtanggol sa kanilang karapatan
isa'y dahil sa atas ng mga gahaman

pansamantalang natigil ang demolisyon
pagkat kayrami nilang nasugatan doon
ngunit ang sheriff ay talagang nanghahamon
talagang nais nitong dukha'y maibaon

misyon nito'y wasakin ang bahay ng dukha
ngunit di papayag dito ang maralita
pagkat dangal na nila ang kinakawawa
ng demolition team na dapat lang isumpa

Walang komento: