KAMATAYAN NI NINOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
nagtitiimbagang ang taumbayan
dahil malupit yaong diktadurya
nagtiis sa lagim ang sambayanan
pagdating niya'y hinintay ng masa
nais lagutin ang problemang tambak
at nagpasyang umuwi ng bansa
ngunit sa pagdatal doon sa tarmac
punglo'y lumipad, siya'y bumulagta
at naghalo ang luha, ngitngit, poot
nanginig ang bayan kaya't nag-aklas
nagsibalikwas, nawala ang takot
tapang sa dibdib nila'y mababakas
kamatayan niya'y nagsilbing mitsa
nang sa paglipas ng dalawang taon
diktadurya'y ibinagsak ng masa
sa isang mapayapang rebolusyon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento