Miyerkules, Setyembre 30, 2009

Kapitalismo'y Laban sa Kalikasan

KAPITALISMO'Y LABAN SA KALIKASANni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ang kapitalismo'y laban sa kalikasan
Ito ang sistemang sumira ng sagaran
Sa ating mundo, pagkatao, karangalan
At sa buhay ng karaniwang mamamayan

Nang dahil sa tubo, unti-unting sinira
Ng kapital ang kalikasang lumuluha
Ang nagpapasasa dito't kumakawawa
Ay mga kumpanya at tao sa hilaga

Nang dahil sa tubo, kung saan-saan sila
Nagtatapon ng kanilang mga basura
Ginagawang tambakan ang kalapit nila
Walang pakialam kung makakasira na

Sa tubo nabubuhay ang kapitalismo
Na isang sistemang sadyang salot sa mundo
Pinapatay nitong unti-unti ang tao
Ito'y walang pakialam kahit kanino

Sinakop ang mga bansa upang nakawin
Ang likas na yaman ng mga bayan natin
Ginahasa nila ang kalikasang angkin
At mamamayan pa'y kanilang inalipin

Kaya ibagsak natin ang kapitalismo
Na yumurak na sa dangal ng bawat tao
At sumira pa sa daigdig nating ito
Magkaisa na ang mamamayan ng mundo

October 14 Memorial Hall, Bangkok, Thailand
Setyembre 28, 2009

Sa Malamig na Silid ng KT Hotel

SA MALAMIG NA SILID NG KT HOTEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Malamig sa silid na kinalalagyan
Tila kasinlamig ng bagyong nagdaan
Habang may pangamba sa aking isipan
Pagkat nasalanta'y mga kababayan

Bagamat sa amin, di naman gaano
Ang pananalasa ng nagdaang bagyo
Hanggang tuhod lamang, at di hanggang ulo
Ngunit mas marami yaong apektado

Dahil sa nangyari'y maraming tulala
Mga bahay nila'y nilamon ng baha
Sadyang sila ngayon ay kaawa-awa
Habang ako nama'y nasa ibang bansa

Ngunit ito nama'y mahalagang gawa
Pagkat patungkol sa climate change ang paksa
Na may kaugnayan sa nangyaring sigwa
Na sa ating bansa'y kaytinding tumama

Sa Pagdatal sa Bangkok

SA PAGDATAL SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ito'ng ikalawa kong pangingibang-bayan
Ilang taon na rin yaong nakararaan
Nang maging technical trainee ako sa Japan
Ako'y nagtagal doon ng anim na buwan.

Ngayon ako'y nasa malayang bansang Thailand
At tatagal dito ng walong araw lamang
Upang climate change ay aming mapag-usapan
Paano ba mga bansa'y magtutulungan.

sinulat sa Bangkok International Airport,
tinapos sa taksing may numerong 0-6401
Setyembre 29, 2009, alauna ng umaga

Pagninilay sa Himpapawid

PAGNINILAY SA HIMPAPAWID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Habang nasa eroplano
Ay pinagnilayan ko
Itong nanalasang bagyo
Ano bang dahilan nito

Karaniwan na ang ulan
Sa ating magandang bayan
Ngunit hindi karaniwan
Yaong unos na nagdaan

Lumubog ng lampas bubong
Yaong nasa subdibisyon
Mansyon nila ay nilamon
Sila'y di pa makabangon

Kahit na barung-barong man
Ay inanod nang tuluyan
Mahirap din ay nawalan
Ng kanilang matitirhan

Climate change ba'ng humagupit
Kung bakit ito sinapit
Kalikasan ay nagngalit
At sa tao'y nagmalupit

Sana sa pagbalik namin
Kami'y makatulong pa rin
At ang matututuhan din
Ay maibahagi namin

Habang nakasakay sa Cebu Pacific Flight 5J 931
patungong Bangkok, Thailand
Setyembre 28, 2009

Pagninilay sa Pag-alis

PAGNINILAY SA PAG-ALIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Bago umalis ng tahanan
At habang nasa paliparan
Aking napagnilay-nilayan
Yaong kaganapang nagdaan

Bagyong Ondoy ay nanalasa
Noon lamang kamakalawa
Kayrami ritong nasalanta
At kababayan ay nagdusa

Bumaha ang Kamaynilaan
Pati mga kanugnog-bayan
Nasira'ng mga kasangkapan
At iba pang ari-arian

Lumubog ang mga tahanan
Sa tubig habang nagsampahan
Ang mga tao sa bubungan
Umaasang masaklolohan

Sa isip ko'y sa guniguni
Lang itong maaring mangyari
At ang tangi ko lang nasabi
Ano't sinong dapat masisi

Climate change ba yaong dahilan
Ng anim na oras na ulan
Ito ang paksa ng usapan
Doon sa aming dadaluhan

Kami ma'y walong araw lang
Sa kalapit na bansang Thailand
Ngunit yaong nasa isipan
Ay ating mga kababayan

Ito ang aking nalilimi
Habang papaalis na kami
Na sa kalooba'y nasabi
Ang nangyari'y sadyang kaytindi

Inakda sa Gate 112, NAIA Terminal 3
Setyembre 28, 2009

Martes, Setyembre 29, 2009

Tita Odette Alcantara, para sa kalikasan

TITA ODETTE ALCANTARA, PARA SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

si Tita Odette Alcantara, makakalikasan
magaling siyang guro para sa kapaligiran
matalino, mapanuri, aktibista, palaban
bawat bitaw ng kanyang salita'y may katuturan

bilin nga niya, ibukod ang mga nabubulok
na basura sa mga basurang di nabubulok
huwag na nating gawing basura'y magtila bundok
uriin, pagbuklurin, huwag ipaglahok-lahok

payo pa niya, maging bahagi ka ng solusyon
upang luminis ang hangin, mawala ang polusyon
Lupa, Araw, Hangin, Ako, Tubig (LAHAT) ng ngayon
ay dapat nating unawa, tiyaking may proteksyon

sa iyo, Tita Odette Alcantara, pagpupugay
ang lahat ng itinuro mo sa amin ay gabay
para sa kalikasan, mga payo mo'y patnubay
sa muli, kami'y saludo, mabuhay ka, mabuhay!

Linggo, Setyembre 27, 2009

Halina't Sumaklolo

HALINA'T SUMAKLOLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

malala na ang nangyaring ulan
pagkat marami sa kababayan
yaong lumubog na ang tahanan
kailangan nilang matulungan

halina't tayo nang sumaklolo
sa mga sinalanta ng bagyo
kailangan nila ng tulong mo
tulong ko, magtulung-tulong tayo

halina't atin nang tulungan
yaong nasalantang kababayan
sa abot nitong makakayanan
para sa kanilang kaligtasan

sana'y makasaklolo nang sapat
hangga't hindi pa huli ang lahat

tulatext - Ondoy


ONDOY
tulatext ni greg bituin jr.
6 pantig bawat taludtod

kaylakas ng ulan
baha ang lansangan
tagbagyo na naman
walang mapuntahan
nasa tanggapan lang
o kaytagal namang
tumila ng ulan
di na mapuntahan
ang pinag-usapan

Kaytindi ng Bagyong Ondoy

KAYTINDI NG BAGYONG ONDOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lubog ang buong Kamaynilaan
sa rumagasang kaytinding ulan
kawawa ang mga mamamayan
sa bubong ng bahay nagsampahan

mga tao'y wala nang masakyan
pagkat talagang baha sa daan
biglang lubog ng mga tahanan
sa ulang dumating ng biglaan

tingin nila ito'y katapusan
kaya marami ang nagdasalan
nananalangin ng kaligtasan
pati na mga makasalanan

sa ganitong mga kalagayan
marami ang agad nagtulungan
lumabas yaong bayanihan
upang bawat isa'y saklolohan

lubog ang buong Kamaynilaan
dahil sa bagsik ng kalikasan
maraming nawalan ng tahanan
may mga namatay ding iilan

anong nangyari sa kalupaan
bakit nagalit ang kalangitan
dahil ba ating pinabayaan
itong kalikasang naririyan

climate change nga raw ang tawag diyan
global warming din daw ang dahilan
di pa huli upang solusyunan
ang pagkasira ng kalikasan

o, halina, mga kababayan
alagaan na ang kalikasan
nang di naman mawalang tuluyan
ang nag-iisa nating tahanan

* sa pagragasa ng Bagyong Ondoy, Setyembre 26, 2009

Sabado, Setyembre 26, 2009

Mag-usap Kung May Alitan

MAG-USAP KUNG MAY ALITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dapat lang na huwag nating hayaang
maghalo ang balat sa tinalupan
daanin natin sa mga usapan
ang anumang ating mga alitan

bakit kailangang magkaduguan
kung maari namang magtalakayan
sa pag-uusap magkakaigihan
at hindi diyan sa paggagantihan

kaya halinang mag-usap, kabayan
suriin natin ang pinagsimulan
ng mga bumagabag sa isipan
huwag daanin sa paglalabanan

irespeto ang bawat karapatan
igalang din ang kapwa mamamayan
ang anumang problema'y pag-usapan
nang magkaroon ng kapayapaan

Sa Munting Bahay Kubo


SA MUNTING BAHAY KUBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

bahay kubo kahit na munti man
masarap itong pagpahingahan
sa tanghaling tapat o gabi man
hihiga sa papag na kawayan
habang ang narito'y dinuduyan
ng malamig na hanging amihan

merong tanim sa paligid nito
na pawang pampalakas ng buto
basta't magsisipag lamang dito
ay tiyak may makakain kayo
sadyang kaaya-aya sa tao
magdamagan mang magmuni rito

bahay kubo ang aming tahanan
hinihigan ng hapong katawan
at ito rin ang aming takbuhan
kung nais ng payapang isipan
bahay kubo'y may katiwasayan
sadyang pugad ng pagmamahalan

nais ko rito sa bahay kubo
pagkat ramdam kong malaya ako
simpleng buhay, nagpapakatao
kahit dukha'y tangan ang prinsipyo
kaya halina sa bahay kubo
at mamuhay ng payapa rito

Biyernes, Setyembre 25, 2009

Di Dapat Mayurakan Ang Dangal

DI DAPAT MAYURAKAN ANG DANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang dangal ay kaakibat ng katauhan
na dapat na lagi nating pangalagaan
dahil sa dangal taas-noo kaninuman
pagkat payapa ang ating puso't isipan

hindi ito dapat masaling ng sinuman
dahil pag nangyari ito tayo'y lalaban
saligan ito ng buhay at kamatayan
kaya huwag nating payagang mayurakan

ingatan ang dangal upang tayo'y igalang
ito'y dapat lagi nating pahalagahan
sinumang yuyurak sa ating karangalan
ay dapat lang nating ilagay sa kangkungan

Matuto Tayong Lumaban

MATUTO TAYONG LUMABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tayo'y hindi dapat magpaapi na lamang
sa sinumang taong pawang mga gahaman
dapat matuto ngang sa kanila'y lumaban
pagkat mga tulad nila'y pawang iilan

lahat ng tao sa mundo'y may karapatan
na mabuhay sa mundo ng may kalayaan
di niya karapatang maapi ninuman
at di rin karapatang pagsamantalahan

ngunit karapatan niyang makipaglaban
at huwag mabuhay sa takot kaninuman
kaya nga maraming bayaning nagsulputan
para sa paglaya'y nakikipagpatayan

sa sama-sama'y may lakas tayo, kabayan
ipakita natin ang ating kalakasan
ating babaguhin ang bulok na lipunan
at ating dudurugin ang ating kalaban

Huwebes, Setyembre 24, 2009

Mabuhay ang Kongreso ng Masa

MABUHAY ANG KONGRESO NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(para sa darating na Kongreso ng Masa sa Bahay ng Alumni
sa UP sa Setyembre 30, 2009)


Bumabati kaming taas-noo
Sa darating na masang Kongreso
Sabay-sabay na taas-kamao
Sa pagsusulong ng pagbabago

Patuloy tayong mag-organisa
Upang magkaisa na ang masa
Tungo sa panibagong pag-asa
Upang magbago na ang sistema

Sa pakikibaka'y tuloy tayo
Para sa kapakanan ng tao
Ibagsak natin ang mga trapo
Pati na ang bulok na gobyerno

Ibabagsak pati walang silbi
At mga pinunong bulag, bingi
Kaya huwag nang mag-atubili
Tayo'y mananalo rin sa huli

Mabuhay tayo, mga kasama
Mabuhay ang mga sosyalista
Mabuhay ang bagong aktibista
Mabuhay ang Kongreso ng Masa

- kinatha sa PLM ofc., Setyembre 24, 2009

Makibaka para kay Inang Kalikasan

MAKIBAKA PARA KAY INANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

halina't inyong pakinggan ang panawagang
makibaka para kay Inang Kalikasan
magsama-sama ang lahat ng mamamayan
upang maapula ang mga kasiraan

nararamdaman natin ang sakit ni ina
nadadamay rin tayong mga anak niya
dahil pag si ina'y nawalan ng hininga
tayong naririto pa'y tiyak magdurusa

ating durugin lahat ng may kagagawan
ng pagkasira ng likas nating tahanan
makibaka para kay Inang Kalikasan
siya'y ating patuloy na pangalagaan

pag ang kalikasan ay tuluyang nasira
at si Inang Kalikasan na ay nawala
paano na tayong narito pa sa lupa
tiyak tayong lahat dito'y kaawa-awa

kaya ngayon pa lang atin nang alagaan
itong ating nag-iisa't tanging tahanan
at suriing mabuti ang mga dahilan
nang sa gayon ito'y ating masolusyunan

gibain natin ang anumang mekanismo
na unti-unting sumira sa ating mundo
maraming nagsasabing dahilan daw nito
ay ang bulok na sistemang kapitalismo

dahil sistemang ito'y walang pakialam
sa kapwa tao kundi sa tutubuin lang
kalikasan ay sinira ng mga gahaman
na iniisip lang ay pawang karangyaan

kaya nga dapat mabago na ang sistema
upang sistemang bulok ay mapalitan na
kung di tayo kikilos ngayon, kailan pa
halina't magpatuloy sa pakikibaka

Miyerkules, Setyembre 23, 2009

Sa Mga Mahilig Mampula

SA MGA MAHILIG MAMPULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

bakit ba may taong mahilig mampula
tila iyon na ang kasiyahan niya
para bang kaysayang merong lumuluha
tila nais niya'y maraming magdusa
pag may naaapi, siya'y tuwang-tuwa
sadyang abot ngiti siya hanggang tenga

natutuwa siyang may napapahamak
walang pakialam kahit makasakit
maligaya siyang merong hinahamak
at ang simpleng masa'y nilalait-lait
siya'y mapang-api kahit umiindak
mapagsamantala kahit umaawit

paniwala niyang siya na'y magaling
at ang ibang tao'y pawang walang kwenta
siya ang malinis, ang kapwa'y marusing
siya'y maharlika, masa'y etsa-pwera
sa sarili niya'y kaytaas ng tingin
at ang pang-aapi'y kaligayahan na

mga tulad niya'y anong klaseng tao
tao nga ba siya, o baka demonyo
una ang sarili sa kaniyang ulo
at nasasarapang iba'y maperwisyo
sa katulad niya'y kawawa nga tayo
dapat lamang siyang iwasan ng todo

Bata pa si Sabel

BATA PA SI SABEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

bata pa itong ni Sabel
na kayganda't mukhang anghel
ngunit puno ng hilahil
asin lagi'y dinidildil

ngunit siya'y may pangarap
na makaalpas sa hirap
na dinaranas ng ganap
at matapunan ng lingap

may kapuri-puring asal
at pangarap pang mag-aral
nais na inang nagluwal
ay hindi na magpapagal

pangarap niyang magtapos
nang di na maging busabos
ngunit walang pantutustos
sa edukasyong magastos

ayaw na niyang magdusa
ang maysakit niyang ina
panay nga ang dasal niya
sana'y matulungan sila

kaya siya'y nagsumikap
upang mahawi ang ulap
kaya trabaho'y naghanap
ngunit wala pang tumanggap

pagkat si Sabel pa'y bata
ngunit nais nang magtyaga
upang mapawi ang luha
sa buhay nilang dalita

siya nga'y ating tulungan
upang kanyang maramdaman
ang nasang kapayapaan
ng kanyang puso't isipan

at matupad din ng ganap
ang kanyang pinapangarap
na maibsan na ang hirap
at ginhawa na'y malasap

bata man itong si Sabel
na kayganda't mukhang anghel
ngunit di siya tumigil
na maibsan ang hilahil

Pangarap ng Batang Lansangan

PANGARAP NG BATANG LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

araw-araw nakikita'y mga bata
sa lansangan na palagi nang asiwa
na para bang sila'y wala nang tiwala
sa lipunan pagkat walang napapala

pag sumampa sa mga dyip nanghihingi
ng anumang malilimos kahit konti
kadalasan pasahero'y humihindi
pagkat sila'y naabala na lang lagi

ngunit bakit may ganitong mga bata
dahilan ba ang magulang ay pabaya
sila'y bakit tila hindi pinagpala
kalagayang ito'y saan ba nagmula

pawang hirap, kagutuman, ang dinanas
kaya iba ang kanilang nilalandas
kahit gusto pa ring nilang pumarehas
di magawa pagkat mundo ay kayrahas

sila'y pawang sa lansangan na nabuhay
silang nais na buhay ay pantay-pantay
silang batang may pangarap namang tunay
na mabago ang kanilang pamumuhay

naiisip bakit sila isinilang
sa mundo na kayrami ng nanlalamang
nangangarap silang sana'y patas lamang
itong buhay at wala nang nanlilinlang

nais nilang magtapos ng pag-aaral
ngunit walang ipambayad pagkat mahal
matrikula't edukasyon na'y kalakal
ayaw nilang habambuhay maging hangal

halina at bigyan natin ng pag-asa
at turuan sila kahit pagbabasa
pagkat sila'y batang ayaw nang magdusa
sa buhay na nais nilang mapaganda

Minsan, sa isang Birhaws

MINSAN, SA ISANG BIRHAWS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan sa isang birhaws ako'y napagawi
para bang doon ako'y nagbabakasakali
na ang hinahanap kong may magandang ngiti
ay makita roon at baka manatili

aba'y nakita ko nga ang kaygandang mukha
ng isang dilag na akala mo'y may luha
napakaamo ng mukha niyang tulala
kaygandang masdan ng mukha niyang payapa

ngunit bakit sa birhaws ay naroon siya
dahil ba sa kahirapang dinanas nila
at wala na bang magandang magagawa pa
upang maiahon sa putik ang dalaga

habang siya'y palagi kong tinititigan
siya'y gumaganda sa mapusyaw na ilawan
sadya ngang inosente ang kanyang larawan
na parang di mahipo kahit talampakan

habang tumatagay nililingon ko siya
at sinusulyapan yaong mukhang kayganda
na para bang nais ko nang angkinin siya
ngunit ayoko nang gumawa ng eksena

sapat na sa aking siya'y makaulayaw
at sapat na ring siya'y aking natatanaw
makausap kahit patay-buhay ang ilaw
tititigan siya hanggang siya'y matunaw

ako ma'y putik ngunit nais kong iahon
sa putik din ang magandang dalagang iyon
ayoko kasing siya'y sa birhaws ikahon
may pag-asa pa siya upang makabangon

nais kong tulungan yaong magandang dilag
dahil iring puso ko'y kanyang pinapitlag
gagawin ko lahat nang di dahil sa habag
hanggang sa pagsamo ko siya'y mapapayag

"ngunit bakit galing birhaws" ang mga tanong
para bang sila sa mundong ito'y kaydunong
hinuhusgahan agad kahit walang sumbong
akala mo nama'y santo ang mga buhong

sagot ko'y karapatan din nilang mabuhay
naroon sa birhaws para maghanapbuhay
kaysa naman nakatanghod sila't may lumbay
kaya dapat lang silang sa mundo'y umugnay

Lunes, Setyembre 21, 2009

Ang Bilin ni Lenin

ANG BILIN NI LENIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

minsan ay ibinilin ni Lenin sa obrero:
"babagsak lang itong sistemang kapitalismo
kung may panlipunang pwersang magbabagsak nito
at ang may misyon nito'y kayong proletaryado!"

ang kapitalismo ang sistemang pumipiga
sa lakas-paggawa nitong bawat manggagawa
kapitalismo rin ang lipunang kumawawa
sa kayraming naghihirap sa maraming bansa

masaganang buhay ay pinagkakait nito
lalo sa mayorya ng mga tao sa mundo
binabagsak rin nito ang dignidad ng tao
pati nga serbisyo'y ginawa nitong negosyo

hinahasik nito'y pawang mga kahirapan
pati na rin karahasan sa sangkatauhan
unti-unti ring sumisira sa kalikasan
at tayong mamamayan ang pinagtutubuan

sistemang kapitalismo ay talagang salot
nagpapasasa lang dito'y pawang mga buktot
dahil sa tubo pati batas binabaluktot
tayo'y dapat lang sa sistemang ito'y mapoot

kaya dapat nating pag-aralan ang lipunan
nang malaman kung paano ito papalitan
bilin ni Lenin ay mahusay nating gampanan
nang kapitalismo'y maibagsak ng tuluyan

Tangkang Martial Law ay Tutulan

TANGKANG MARTIAL LAW AY TUTULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

labanan natin ang anumang tangka nila
na ang martial law ay muling bubuhayin pa
alam nating maraming kinawawang masa
ang marahas na batas na ito noon pa

anong magandang idinulot ng martial law
sa trabaho't buhay ng karaniwang tao
di ba't pawang takot ang pinairal nito
di ba't kayrami nga ng desaparesido

desaparesido yaong mga dinukot
dahil nilabanan nila ang mga buktot
ngunit sila itong ang buhay ay nagusot
mga sakripisyo nila'y di malilimot

kahit sabihing gumanda ang ekonomya
at estabilisado na ang pulitika
ngunit kung nabubuhay sa takot ang masa
itong martial law'y wala rin at di maganda

ngunit may mga bali-balitang umugong
na nais manatili ng administrasyon
niluluto raw di matuloy ang eleksyon
at maglunsad ng martial law ang mga iyon

noon, sistemang ito'y maraming pinaslang
lalo na yaong sa pangulo'y kumalaban
ngayon, nais manatili ng pamunuan
kaya martial law itong pinanggigigilan

papayag ba tayong muling magka-martial law
huwag, hindi, bayan, huwag payagan ito
ito'y balakid sa karapatang pantao
ito'y di rin sagot sa kahirapan dito

ang anumang tangka nila'y pigilan natin
manatili pa sila'y huwag ring tanggapin
ipaglaban natin ang karapatan natin
silang nais manatili'y dapat supilin

hangad ng taumbayan sistemang malinis
at matanggal ang sinumang mapagmalabis
kapayapaan ng puso't isip ang nais
at mga tiwaling pulitiko'y malitis

halina, bayan ko, tayo'y magkapit-bisig
ating ipakita ang ating mga tindig
na gusto'y payapa't may hustisyang daigdig
at di martial law na nakapagpapanginig

Linggo, Setyembre 20, 2009

Tuloy pa ang laban

TULOY PA ANG LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tuloy ang laban para sa hustisya
palitan na ang bulok na sistema
tuloy pa ang ating pakikibaka
hanggang tuluyang magwagi ang masa

burgesya'y nagmistula pa ring hari
tinanggal sa masa'y dangal at puri
walang nagawa kahit mga pari
pati babae'y pilit ding inari

maraming bansang nagpapatalbugan
kung sino ang mas makapangyarihan
habang sa bansang mahihirap naman
ay inaalipin ang mamamayan

pribadong pag-aari'y nanatili
gayong kahirapan, ito ang sanhi
pinagtutubuan kahit kalahi
pag-aaring ito'y dapat mapawi

lakas-paggawa'y laging pinipiga
nilalait-lait ang mga dukha
maralita'y laging kinakawawa
walang patawad kahit na sa bata

sa bansa'y kayraming naging pangulo
ngunit nanatiling hirap ang tao
ang bansa'y ginawa nilang impyerno
sa masa'y wala pa silang respeto

kaya tama lang na tayo'y bumangon
upang ilunsad na ang rebolusyon
para sa susunod na henerasyon
bukas nila'y ilalaban na ngayon

ibagsak itong mga elitista
atin ding ibagsak itong burgesya
pati ang sistemang kapitalista
nang mapawi ang pagsasamantala

taas ang noong tuloy ang laban
para sa prinsipyo at katarungan
babaguhin natin itong lipunan
masa'y dadalhin sa kaliwanagan

lipunang walang pag-aring pribado
ng anumang yaman dito sa mundo
tuloy ang laban ng taas-kamao
taas-noo para sa pagbabago

Hindi puta ang ating mga ina

HINDI PUTA ANG ATING MGA INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

bakit pag ang isang tao'y nagmumura
laging sinasabi niya'y "Putang ina!"
puta ba ang ina ng kagalit niya
o ang murang iyon ay bukambibig na

sa bugso ng galit, "Putang ina" agad
ang dangal ni ina ang kinakaladkad
ina'y dinadamay, puri'y nalalantad
walang karangalan, pagkatao'y hubad

parang walang ina, di rumerespeto
yaong nagmumurang sadya yatang gago
parang isinilang ng labas sa mundo
sila'y pinalaking tila walang modo

kailan ba ito nila titigilan
upang di madamay ang inang nagsilang
tigilan na ito't kaypangit pakinggan
at di nararapat sabihin ninuman

bukambibig na rin sa kapitalismo
pati na sa galit sa ating gobyerno
isisigaw bigla, "Tang inang pangulo
wala nang ginawa kundi mamerwisyo"

bukambibig kahit makita ay seksi
sasabihin agad, "putang ina, pare"
sabay tititigan yaong binibini
kaylagkit ng tingin akala mo'y bwitre

aba, aba, aba, bukambibig na nga
ngunit ito'y isa ring pagkakasala
sa lahat ng ating inang nag-alaga
anong kasalanan ni ina't kawawa

saan ba nagmulang madamay si ina?
dahil ba paglaki ay katuwang siya
humubog ng asal nitong anak niya
kaya nadadamay si ina sa mura?

pagmumurang ito'y dapat nang baguhin
ating mga ina'y ipagtanggol natin
"Di puta si ina!" ang ating sabihin
dahil mga ina'y di nila alipin

kung nagagalit na sa gobyerno't kapwa
sana huwag namang ina'y idamay pa
iba ang isigaw kung nais magmura
ngunit huwag nyo lang isama si ina

Sabado, Setyembre 19, 2009

Tao'y Mahalin, Huwag Gamitin

TAO'Y MAHALIN, HUWAG GAMITIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

mahalin ang tao, at hindi ang bagay
itong dapat maging panuntunang tunay
na sa araw-araw maging ating gabay
nang maging maayos itong ating buhay

gamitin ang bagay, at hindi ang tao
itong nararapat na maging prinsipyo
ng taong marangal, nagpapakatao
kaya huwag tayong pagamit sa trapo

may mga taong mas mahal pa ang bagay
yaman sa kanila'y ligaya nang tunay
akala'y narito ang bawat tagumpay
manggagamit sila kahit makamatay

ganyan yaong asta nitong pulitiko
masa'y gagamitin para lang maboto
gagamitin nila kahit sinong tao
at babayaran pa basta lang manalo

pag ang minahal mo'y pawang bagay lamang
ang puso mo'y puno niyang kasakiman
ang namamayani ay kapalaluan
pakikipagkapwa'y nawalang tuluyan

habang yaong dukha'y nagsasakripisyo
laging namumulot ng kung anu-ano
titipunin saka ibebenta ito
nang may maibili ng lugaw o goto

kahit dukha'y hindi mapagsamantala
pagkat dangal na lang yaong natitira
na kanilang laging katwiran sa kapwa
pag puriý kinanti ay lalaban sila

sadyang dapat nating mahalin ang kapwa
upang ating mundo'y tuluyang gumanda
wala ang alitan, magkasundo sila
kaya mundong ito'y magiging masaya

Biyernes, Setyembre 18, 2009

Sa Kinakasi

SA KINAKASI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

ngayon na'y nagkakaedad
ang babaeng aking hangad
ako sa kanya'y naglahad
at naniningalang-pugad

ang pag-ibig ko'y malalim
sa babaeng nililihim
iniibig kong taimtim
ang dilag ko sa panindim

meron ngang salawikain
na dapat ko raw isipin
walang matimtimang birhen
sa matyagang manalangin

kaya ako'y nagsasabi
sa mahal kong binibini
puso itong aking saksi
sa dilag kong kinakasi

walang mahirap na diga
kapag dinaan sa tyaga
sana aming puso't diwa
ay magkaisa nang sadya

ngunit pag ako'y winaksi
ako'y lalayas na dine
walang matyagang lalaki
pag pihikan ang babae

Tanong sa Pulubi

TANONG SA PULUBI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

minsan, isang maestro'y nagtanong:
pulubi, bakit ka nagugutom?

dahil ba ikaw'y walang trabaho?
o dahil inutil ang gobyerno?

ang pangulo nyo ba'y walang silbi?
sino ba ang sa iyo'y umapi?

bakit ka mukhang kaawa-awa?
bakit ba isa kang hampaslupa?

bakit ba tulad mo'y naghihirap?
dahil ba gobyerno'y mapagpanggap?

kapalaran mo bang maging dukha?
bakit puno ka ng dusa't luha?

sadya bang bulok itong sistema?
at pinuno'y mapagsamantala?

anong tingin mo sa pagbabago?
ano bang lipunan ang nais mo?

napatunganga lang ang pulubi
at sa tanong ay walang masabi

pagkat ang naiisip lang niya
ay saan kaya siya kukuha

ng ilalaman sa kanyang tiyan
upang maibsan ang kagutuman

at mapakain pati ang anak
na sa gutom ay panay ang iyak

Huwebes, Setyembre 17, 2009

Tao, Di Trapo

TAO, DI TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Tulungan ang tao, hindi ang trapo
Ibagsak ang trapo, hindi ang tao
Ganito ang dapat maging prinsipyo
Ng sinumang nais ng pagbabago.

Tulungan natin yaong mga dukha
Pagkat sila'y laging kinakawawa
Ang buhay nila'y puno ng dalita
Kaya't madalas napapariwara.

Sila'y lagi nang pinangangakuan
Ng mga trapo kapag kampanyahan
Gayong boto lang nila ang kailangan
Di sila kasama sa kaunlaran.

Kaya ibagsak itong mga trapo
Sa kanila'y tiyak kawawa tayo
Tulungan ang tao, hindi ang trapo
Ibagsak ang trapo, hindi ang tao.

Daloy ng Kamalayan

DALOY NG KAMALAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

dumadaloy sa kamalayan
na laging dapat pag-aralan
ang takbo ng ating lipunan
at kung paano maalpasan
ang lumalalang kahirapan

dumadaloy sa kamalayan
na kikilos lagi saanman
kung para sa kinabukasan
ng ating bayang tinubuan
at ng kapwa ko mamamayan

dumadaloy sa kamalayan
na patuloy na manindigan
sa pagbabago ng lipunan
at wala na itong atrasan
kaharap man si Kamatayan

Nang Matibo ng Bubog

NANG MATIBO NG BUBOGni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Minsan doon sa palaruan
Dahil sa aking kalikutan
Mga bubog ay natapakan
Kaya paa ko'y nasugatan.

Kayhapding tanggalin ng bubog
Na sa aking paa'y lumubog
Tila ba puso ko'y nadurog
At ako'y nagkalasug-lasog.

Mula noon ako'y nagtino
Akin nang susundin ang payo
Na mag-ingat sa paglalaro
Nang ako'y di na matitibo.

Miyerkules, Setyembre 16, 2009

Turuang Mangisda

TURUANG MANGISDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig, soneto

sadyang kayganda ng payo ng isang matanda
na pag sinuri'y salita ng isang dakila
kung ang isang tao'y binigyan mo lang ng isda
pinakaing isang beses ang taong kawawa
turuan natin kung paano sila mangisda
at di sila habambuhay na lang tutunganga

di kasi dapat pairalin ang katamaran
dahil sa trabaho sila'y walang kaalaman
kaya ang tao'y dapat lang nating maturuan
kung paano magtrabaho ng may kaganapan
kaya siya na ang didiskarte ng tuluyan
sa mga trabaho niyang pinagkakitaan

turuan ang tao kung paano magtrabaho
upang siya nama'y di na mamalimos dito

Magsimula sa Unang Hakbang

MAGSIMULA SA UNANG HAKBANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I

may isang matandang nagpayo ng ganito:
unahin muna yaong madadaling gawin

habang madali pang gawin ang mga ito
umpisahan ang mga dakilang layunin

habang kaya pa nating magampanan ito
dahil ang malayo't milya-milyang lakbayin

ay nagsisimula lagi sa unang hakbang mo
kaya ang payo ng matandang ito'y sundin

upang kahit paano'y magtagumpay tayo
na makamit anumang ating adhikain

II

basahin sa nobela'y unang kabanata
pagkat ang kwento'y doon muna nagsimula

yaong lalagyan ng tubig ay napupuno
kahit tikatik basta't tuloy ang pagtulo

di mo kayang punuin ang iyong alkansya
kung di mo tuwinang huhulugan ng barya

di magkakaroon ng mga aanihin
kung di sisimulang ang lupa'y araruhin

di mapapasagot ang nililigawang dilag
pag ang laman ng puso'y di ipinahayag

III

di ka makakarating sa paroroonan
kung di ka magsisimula sa isang hakbang

ngunit bago tayo humakbang ng pasulong
pag-isipang ilang ulit ang ating layon

upang matiyak na di tayo magkamali
sa mga gagawing pagbabakasakali

hakbang pasulong ay maiging planuhin
mga pasikut-sikot ay ating alamin

kaya umpisahan ang ating mga hakbang
ng may plano't layuning pagtatagumpayan

Martes, Setyembre 15, 2009

Maraming Salamat, BMP

MARAMING SALAMAT, BMP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

(handog sa ika-16 anibersaryo ng BMP, Setyembre 14, 2009)

Pinaaabot namin ay isang pagpupugay
sa BMP na samahan ng obrerong tunay

Sa kanyang ikalabing-anim na kaarawan
na bata man ngunit marami nang nagampanan

Upang mapagkaisa ang uring manggagawa
mapag-alab ang kanilang sosyalistang diwa

Halina't magpatuloy tayo sa ating hangad
na lipunang tatsulok ay ating mabaligtad

Pagpupugay at pasalamat ang aming handog
pagkat sosyalistang lipunan ang hinuhubog

Nitong Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Na hinahangad ay pagbabago't sosyalismo

Salamat, Ka Popoy, dating lider ng BMP
sa mga pamana mo, dakila kang bayani

Kinikilala ka nitong uring manggagawa
dahil sa binahagi mong sosyalistang diwa

Salamat, Ka Leody, sa iyong liderato
pagkat pinagkaisa itong mga obrero

Salamat, Ka Ronnie, matalas manalumpati
na bilin ay magsipag, laban ay ipagwagi

Salamat, Ka Egay, sa transport ay siyang lider
inoorganisa'y piloto, marino't tsuper

Salamat, Ka Pedring, lider ng obrero't dukha
dahil pinaglalaban ang kapwa maralita

Salamat, Teody, sa patuloy na kampanya
pagkat pagmumulat ito't pag-oorganisa

Salamat, Ka Gem, magaling na editor namin
gabay ka sa pagsulat ng matalim, malalim

Salamat, Michelle, pagkat isa kang inspirasyon
sa mga tulad kong kumikilos pa rin ngayon

Salamat, Ka Sonny, sa akda mong mabibigat
na habang binabasa, maraming namumulat

Salamat, Ka Romy, sa malalalim mong diwa
na minsan di ko maarok pagkat talinghaga

Salamat, Nitz, sa paggabay mo sa opisina
kaya ang tanggapan ng BMP'y patuloy pa

Salamat, Wowie, sa kasipagan mo sa rali
at pagwawagayway ng bandila ng BMP

Salamat sa publikasyong Obrero't Tambuli
at sa mga manunulat na kampi ng uri

Pasasalamat din sa dalawang tsuper ng kab
nahahatid saanman ang diwang nag-aalab

Pasasalamat din sa iba pang istap nito
at sa magigiting nitong kasaping obrero

Pasasalamat din sa Gelmart, Novelty, Fortune
Super, MELF, Goldilocks, URC, iba pang unyon

Salamat sa mga lider nito sa probinsya
dahil nagpapalawak at nag-oorganisa

Pasasalamat din sa lahat ng manggagawa
sa patuloy nyong pagkilos tungo sa paglaya

At salamat din sa mga kasamang patuloy
na kumikilos, na puso't diwa'y nag-aapoy

Upang ibagsak itong kapitalismong salot
at itaguyod ang sosyalismong ating sagot

Sa lumalalang krisis ng bayan at daigdig
kaya patuloy tayong sa prinsipyo'y tumindig

Di tayo titigil hangga't di pa nakakamit
ang sosyalismong pangarap na dapat igiit

Di tayo titigil hangga't di pa nababago
ang sistemang bulok lalo ang kapitalismo

Di tayo titigil hangga't di pa nagwawagi
ang hukbong mapagpalaya, itong ating uri

Mabuhay ang BMP! Tuloy ang ating laban!
Hanggang maitayo ang sosyalistang lipunan!

Lunes, Setyembre 14, 2009

Taga-Laiban, Ipaglaban

TAGA-LAIBAN, IPAGLABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

dapat nang lumaban ang taga-Laiban
kung aagawin na ang lupang tahanan
para pagtayuan ng dambuhalang dam
ng sinumang kapitalistang gahaman

pitong barangay ang tiyak lulubog
pag natuloy na ang dam ng mga hambog
buhay ng mga tao'y tiyak sasabog
tiyak dusa't hirap dito'y mahuhubog

at pag naagaw na ang kanilang lupa
aagos tiyak ang maraming luha
pati buhay nila'y tiyak magigiba
baka pati dugo'y tuluyang bumaha

payag ba tayong walang kalaban-laban
aagawing basta ang ating tahanan
hindi, tiyak dito'y magkakasakitan
may magbubuwis ng buhay at lalaban

itong laban nila'y di lang panglokal
pagkat ito'y isang isyung pangnasyunal
dam ay pinatatayo ng mga hangal
at gusto nila tayong magpatiwakal

huwag payagang matuloy ang proyekto
halina't tulungan natin sila rito
pagkat di lang kanila ang labang ito
laban nila'y angkinin din nating todo

Tumindig, Huwag Lumuhod

TUMINDIG, HUWAG LUMUHOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(Better to die on your feet than to live on your knees.
- Saul Alinsky on Rules for Radicals)


mabuti pang ang mga paa'y nasa hukay
kaysa mabuhay nang nauuna ang tuhod
mabuti pang sa prinsipyong tangan mamatay
kaysa kung kani-kanino pa nakaluhod

kung talagang pagbabago ang nais natin
dapat una lagi sa atin ang prinsipyo
di baleng may nakatutok sa ulong angkin
kaysa buhay nga'y may takot sa puso't ulo

di tayo maninikluhod sa mga hari
kundi ang ating mga paa'y nakatindig
di natin papayagang malugso ang puri
ng sambayanang di rin naman palulupig

may dangal na ang bawat tao pagkasilang
ipaglaban ito bahiran man ng dugo
kaya nga di dapat lumuhod kaninuman
at sa pakikibaka'y di dapat sumuko

Linggo, Setyembre 13, 2009

Munting Hiling sa mga Guro

MUNTING HILING SA MGA GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

mabuhay kayong mga dakilang guro
dahil sa makabuluhan ninyong turo

ngunt nais naming sa inyo'y makiusap
upang matupad ang katarungang hanap

alang-alang sa ating kinabukasan
pagkat nabubuhay tayo sa lipunan

kami ngayon ay nagbabakasakali
mapakiusapan kayo kahit munti

kayo ang tagahubog ng bagong lider
kung paano tatanganan ang poder

di lang para gumanda ang ekonomya
higit sa lahat may hustisya ang masa

bahagi kayo ng nasang pagbabago
kaya sana'y makasama namin kayo

huwag nyong ituro ang kapitalismo
pagkat negosyo ang turing sa serbisyo

pawang tubo ang pangunahing layunin
pati karapatan ay negosyo na rin

huwag nyong iturong ang lakas-paggawa
ng mga manggagawa'y dapat mapiga

kalakal ang turing sa mga obrero
dito tumutubo ang kapitalismo

huwag nyong iturong dapat matanggalan
ang mga dukha ng kanilang tahanan

huwag nyong iturong dapat gahasain
ang ekonomyang sa gobyerno'y habilin

di dapat nakawin ang kaban ng bayan
at di dapat babuyin ang karapatan

ituro nyong dapat nang magpakatao
ang mga lingkod bayang nasa gobyerno

dapat tigilan na ang katiwalian
dapat pigilin ang mga kurakutan

ituro nyo ang karapatang pantao
lahat tayo'y dapat magtamasa nito

ituro nyo ang pagkakapantay-pantay
ng lahat ng tao anuman ang kulay

ituro nyo ang hustisyang panlipunan
na dapat tamasahin ng mamamayan

ituro nyong dapat walang naghahari
nang di magahasa ang sa bayang puri

ilan lamang po ito sa aming hiling
na inaasam naming inyong diringgin

para sa katarungan at demokrasya
at para sa pagkakaisa ng masa

Sabado, Setyembre 12, 2009

Hidwaan

HIDWAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Kayhirap ng may hidwaan
Kayraming nakakalaban
Mabuti pa'y pag-usapan
Ang di pagkakaunawaan

Hidwaang dama'y kaysakit
Malaki man o maliit
Dama mo ang magkagalit
Sa gerang paulit-ulit

Ang sakit ng kalingkingan
Dama ng buong katawan
Sasakyan pag nagbanggaan
Kayrami ng nasasaktan

Parang bombang pag sumabog
Marami ang nadudurog
Para ring paang nalubog
Sa matatalas na bubog

Parang pangit na larawan
Na ayaw nating matingnan
Para bang si Kamatayan
Niyayapos itong bayan

Pawang pagkamatay lagi
Ang dulot sa naduhagi
Dapat magbakasakali
Sa kapangyarihang mithi

Hidwaan sana'y tigilan
Para sa kapayapaan
Tiyaking may katarungan
Itong bawat mamamayan

Resolbahin ang problema
Huwag daanin sa gera
Pag-usapan ang diprensya
Unawain bawat isa.

Ang Sagot sa Salot

ANG SAGOT SA SALOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

trapong laging bantulot
gobyernong panay gusot
lipunang nilulumot
kapitalismong salot

dapat tayong mapoot
sa trapong mababantot
pagkat pawang kurakot
ang sa bayan ay dulot

dapat lamang malagot
ang sistemang baluktot
at ang bayang binuktot
ay dapat lang magamot

huwag lalambot-lambot
huwag ding mababagot
halina't pumalaot
sosyalismo ang sagot

Biyernes, Setyembre 11, 2009

Huwag daanin sa init ng ulo

HUWAG DAANIN SA INIT NG ULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

huwag daanin sa init ng ulo
yaong lahat ng mga problema mo

mag-isip ka muna ng ilang ulit
kung paano ibubunton ang galit

tiyak apektado ang iyong puso
kaya sa tulad mo'y may ilang payo

isulat mo sa papel ang poot
at idetalye roon ang sigalot

ngunit huwag ipadala ang sulat
sa kagalit mo lalo na't kabalat

pag sa galit mo bato'y sinipa mo
paa mo lang ang masasaktan dito

ngunit kung ikaw ay nasa katwiran
huwag matulog, ito'y ipaglaban

ngunit pahupain muna ang galit
upang ikaw nama'y di makasakit

huwag kang tumulad sa mga nakulong
dahil sa init ng ulo'y naburyong

di na nakapag-isip ng matino
kaya galit ay di agad nasugpo

kaya nga huwag mo laging daanin
sa init ng ulo ang suliranin

sundin mo sana ang payo ko ngayon
dapat ka laging magpakahinahon

Buti pa ang pera, may tao

BUTI PA ANG PERA, MAY TAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

buti pa ang pera may tao
pero ang tao walang pera
nagkakasya na lang magkwento
kahit ang kwento'y walang kwenta

kayod doon at kayod dito
para magkaroon ng pera
laging naiisip paano
lalamnan ang mga sikmura

ganito ang buhay sa mundo
kadalasan nang may problema
basta't ang mahalaga rito
sikmura yaong inuuna

kakayod lagi ang obrero
upang magkaroon ng kwarta
patuloy ding nag-aararo
ang ating mga magsasaka

marami ang nagtatrabaho
sa magkakaibang pabrika
kahit mababa pa ang sweldo
basta't sila'y may kinikita

handa laging magsakripisyo
kitain ma'y kaunting barya
gagawa ng paraan tayo
nang maresolba ang problema

ngunit dapat nating matanto
nararapat nang magkaisa
tungo sa nasang pagbabago
ng inuuod na sistema

kaya dapat kumilos tayo
patuloy na mag-organisa
kahit pera man ay may tao
kahit ang tao'y walang pera

Huwebes, Setyembre 10, 2009

Asal at Pagkatao

ASAL AT PAGKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod (dalit)

Mahilig sa kasabihan
Itong ating kababayan
May aral na kainaman
Para sa kinabukasan.

Mga kasabihang ito
Ay gabay ng bawat tao
Sa buhay at bukas dito
Sa ginagalawang mundo.

Ang taong lagi nang gipit
Di maapuhap ang langit
Pag nawalan na ng bait
Sa patalim kumakapit

Ang taong wala raw pilak
Parang ibong walang pakpak
Buhay niya'y di matiyak
Tingin sa sarili'y hamak.

Ang tao kapag mayaman
Marami pang kaibigan
Ngunit pag naghirap naman
Siya na'y nilalayuan.

Ang taong laging inggitin
Sumaya man ay sawi rin
At kung di siya palarin
Ang sa iba'y aagawin.

Ang taong wala raw kibo
Nasa loob yaong kulo
Kaya minsan siya'y dungo
At ang puso'y nagdurugo

Malalaman sa gawa mo
Ang tunay mong pagkatao
Kaya puri't dangal ito
Na pag-ingatang totoo.

Miyerkules, Setyembre 9, 2009

Minumutya kita, O, diwata ng kagandahan

MINUMUTYA KITA, O DIWATA NG KAGANDAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Minumutya kita, O, diwata ng kagandahan
Ikaw ang nagpasigla sa buo kong katauhan
Kahit ako ma'y isang karaniwang mamamayan
Ang tulad ko'y binibigyan mo ng pag-asa, hirang!
Espesyal ka sa buhay kong napuno ng kasawian
Lagi kang nasa guniguni't aking panagimpan
Aalayan kita ng pagsintang saksi ang buwan
Gunawin man ang mundo'y narito ka sa isipan.
Ayokong mawalay ka sa piling ko, aking hirang
Nawa ating puso'y maging isa't tayo'y magdiwang
Darating ang araw, iisa na tayo ng hakbang
At tayo'y magniniig, bagong araw ang sisilang.

Martes, Setyembre 8, 2009

Oda kay Miss Maganda

ODA KAY MISS MAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ikaw ang diyosa ng kagandahan
diwata ng puso kong may kawalan
lagi kang nasa aking panagimpan
nawa'y mahalin mo akong tuluyan

bata ka pa'y pinangarap na kita
sa iwing puso kita'y inukit na
at sana lagi kitang makasama
sa totoong buhay, O, Miss Maganda

salamat sa alay mong inspirasyon
na maganda pa rin ang buhay ngayon
inspirasyon ka sa buong maghapon
at magdamag sa tula ng pagbangon

sana nga'y lagi kitang makasama
upang puso ko'y di na nagdurusa
ako sa iyo ngayo'y umaasa
nawa'y dinggin mo ang puso ko, sinta

O, Dilag

O, DILAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod (dalit)

O, dilag kong iniibig
Nais kitang makaniig
Upang lagi kong marinig
Ang iyong kaygandang tinig.

O, dilag kong sinasamba
Pinakamamahal kita
Pagkat ikaw ang diyosa
Ng puso kong naaaba.

O, sinisinta kong dilag
Ikaw sana ay mahabag
Sa puso kong lumiliyag
Nang ako na'y mapanatag.

O, dilag ng aking puso
Dahil sa iyo'y tumino
Ako kaya nangangako
Pagsinta'y di maglalaho

O, dilag kong minamahal
Nais kong tayo'y makasal
Nang sa umagang dadatal
May kasabay sa almusal.

Sino Bang May-ari ng Pilipinas?

SINO BANG MAY-ARI NG PILIPINAS?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

1
Sino bang may-ari ng Pilipinas?
Ang mga kapitalista bang ungas?
O mga pulitikong mapagwaldas
Na sa kabang bayan ay balasubas?
2
Lupain ng ating ninuno dito
Mas matagal pa kaysa mga tao
Ngunit nang dokumento'y maimbento
Lupa'y agad nang inangkin ng dayo
3
Ang ating mga ninuno'y lumaban
Sa mga mananakop na dayuhan
Inilunsad ang mga himagsikan
Upang dayo'y lumayas nang tuluyan
4
Nang manalo ang mga Pilipino
Sa himagsikan nina Bonifacio
Biglang umentra ang Kano dito
Umastang tagapagtanggol ng tao
5
Binili ng Kano ang Pilipinas
Sa halagang dalawampung milyong kas
Na dolyares sa Espanyang marahas
Kaya Kano na ang dito'y bumasbas
6
Marami pang dayo yaong dumating
Dinigma rin tayo't tinalo natin
Nagka-martial law sa ating lupain
Sa Edsa Uno, masa'y nanalo rin
7
Lumipas pa yaong maraming taon
Ay di lubusang lumaya ang nasyon
Pagkat tayo pa rin ay nilalamon
Ng kabulukan ng globalisasyon
8
Nais pang mag-ChaCha ng pulitiko
Nag-Con Ass sila doon sa Kongreso
Saligang Batas ay nais mabago
Lalo ang pag-ari ng lupa dito
9
Sandaang porsyento nang mag-aari
Ng lupa natin yaong dayong hari
Ito'ng nais ng mga trapong kiri
Nasa'y sirain ang sa bayang puri
10
Pag nagbago na ang Saligang Batas
At nilaspag ng mga trapong ungas
Sa bayang sarili'y mapapalayas
Tayong Pinoy na kanilang hinudas
11
Sila'y dapat lang nating patalsikin
Huwag tayong pumayag na angkinin
Ng mga dayo't taksil ang lupain
Na sinilangan ng ninuno't natin
12
Sa sariling bayan tayo sumibol
At buong buhay na'y dito ginugol
Kaya bayan ay ating ipagtanggol
Laban sa mga dayo't trapong nauulol.

Huwag Mong Tikman ang Aking Kamao

HUWAG MONG TIKMAN ANG AKING KAMAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ako'y hindi naman isang boksingero
ngunit kumakasa ang isang tulad ko
lalo na't ramdam ko'y inaagrabyado
makakaharap mo'y ang aking kamao

ako'y hindi taal na basagulero
di nagpapadala sa init ng ulo
nakakaunawa sa katwiran ninyo
magaling makisama sa kapwa tao

pandepensa lamang ang aking kamao
matatag ito kahit di praktisado
binabanatan lang nito'y mga gago
umuupak din sa may utak pundido

kaya huwag kang mang-api ng kapwa mo
at huwag kang basta mag-aalburuto
karaniwang masa'y iyong irespeto
nang maging payapa tayong naririto

ngunit kung personal ang galit sa ulo
mag-isip ka muna sa bawat hakbang mo
isipin ng ilang ulit, pito, walo
baka mapiit ka'y di mo naman gusto

ngunit pag ang nakatapat mo na'y ako
di kita hahayaang mag-alburuto
di sa akin pwede ang pagwawala mo
babanatan kita, isa ka mang gago

huwag mong tikman pa itong kamao ko
ayaw ko rin namang gamitin pa ito
para mapanuto ang mga tulad mo
kaya dapat lang kayong magpakatao

di ako nangingimi sa basag-ulo
maging mapayapa lamang tayo dito
ngunit kung talagang nais mo ng gulo
halina't tikman mo ang aking kamao

Batang Lansangan

BATANG LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

batang lansangan kami
na laging atubili
laging gutom sa tabi
kahit manlimos dine

di makapagmalaki
kaming mga pulubi
pagkat walang pambili
ng kanin, ulam, karne

di kami nawiwili
na sa aming paglaki
ay mabuhay nang api
sa mga tabi-tabi

ngunit nananaghili
sa mayamang kumpare
na sadyang sinuswerte
at may pera parati

iba'y ngingisi-ngisi
pag nakikita kami
gayong walang masabi
sa kalagayang api

sino kayang babae
sa ami'y mawiwili
gayong buhay pulubi
kaming walang sinabi

mahirap ay kaydami
para ring mga kami
limos doon at dine
trabaho din sa gabi

pag kami na'y lumaki
nais naming may silbi
upang di maturete
at di rin naaapi

Linggo, Setyembre 6, 2009

Hapi Bertdey kay Ermat

HAPI BERTDEY KAY ERMAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(alay sa aking ina sa kanyang ika-63 kaarawan, Setyembre 6, 2009)

hapi bertdey muli sa aking ermat
pagbati mula sa anak na tapat
na nung bata pa ako'y sadyang payat
palagi pang napapalo ng patpat

dahil sa aking kakulitan noon
palibhasa'y laging naglilimayon
para raw akong wala nang ambisyon
ngunit sa akin ito'y naging hamon

ang payo ni ermat ako'y magsipag
buhay ko'y dapat hindi maging hungkag
may sinabi siyang aking nilabag
pagkat naging aktibistang matatag

ako'y mapalad siya'y aking ina
kahit di siya utak-aktibista
desisyon ko'y naunawaan niya
pagkat ngayon ako'y lingkod ng masa

hapi bertdey sa iyo, aking ermat
sa iyo'y maraming pasasalamat
ang samahan nati'y di nagkalamat
kahit ako sa kilusan mas tapat

pagkat ang hangad ko'y pangkalahatan
para sa pagbabago ng lipunan
si ermat nga ako'y pinapayuhan
sa nilalandas ko'y mag-ingat naman

kikilos ako kasama ng dukha
ng kapwa tibak, at ng manggagawa
pagkat pagbabago'y aming adhika
upang bayang ito'y maging malaya

dito na ako nagpapakahusay
kikilos ako kahit na mamatay
salamat sa mga suporta, inay
sana sa huli kami'y magtagumpay

Ang Matandang Sawimpalad

ANG MATANDANG SAWIMPALAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

isang matanda'y nagtutulak ng kariton
upang maghanapbuhay kay agang bumangon
habang anak inuuk-ok ng malnutrisyon
tila sila'y nabubuhay pa sa kahapon

tila ba panahon matapos ang digmaan
laban sa mga Hapon at ibang dayuhan
ang tulad nilang dukha'y kapos kapalaran
nagugutom sa kabila ng kaunlaran

pagsapit ng gabi'y magsusuklob ng kumot
sa kariton ay magtitiis mamaluktot
kahit walang kinain at lalambot-lambot
kahit nabusog lamang sa ragbi at gamot

sila'y api pagkat laging inaasikan
ng kanilang nakakasalubong sa daan
parang sila'y di tao't isang bagay lamang
tila mabuhay ay di nila karapatan

sila'y maagang gigising muling lalayas
tulak ang karitong bahay ay nilalandas
ang anumang pook sa mundong di parehas
at pinaghaharian ng mga balasubas

yaong matanda'y nagtutulak ng kariton
upang maghanapbuhay kay agang bumangon
habang anak inuuk-ok ng malnutrisyon
nabubuhay ng dukha ang pamilyang iyon

sa paglalakad, mamumulot ng basura
iipunin ang mga ito't ibebenta
nang makabili sila ng pagkaing mura
nang maibsan naman ang kagutuman nila

ang kalagayan nilang sawing kapalaran
tila di nakikita ng pamahalaan
katulad din ng iba nating kababayan
silang mga dukha'y agad pandidirihan

patuloy siyang naglalakad, nangangarap
kahit sa pamumulot, siya'y nagsisikap
nag-iisip ding kahit na sila'y mahirap
ay mapapawi rin yaong lambong ng ulap

maiibsan lang ang kanilang kahirapan
kung tuluyang babaguhin itong lipunan
kung saan lahat ng tao'y nagbibigayan
at iginagalang ang lahat ng karapatan

Akala mo'y katropa, iyon pala'y trapo

AKALA MO'Y KATROPA, IYON PALA'Y TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag-ingatan mo, bayan, itong mga trapo
pagkat nag-aasta nang sila'y katropa mo

ngayon nga'y kay-aga nang nangangampanya
sa telebisyon agad nang nagpapakita

infomercials itong pinagkaabalahan
nang mga tao'y agad silang matandaan

imbes na sila'y magtrabaho ng maayos
oras nila'y sa infomercials nauubos

pangako nila'y tutulong sa problema
nitong bayan at naghihikahos na masa

ngunit sa bawat halalang ipinangako
ay di natutupad at madalas mapako

ang kahirapan ng masa'y ramdam daw nila
kaya ipagtatanggol daw nila ang masa

katropa raw silang dapat ipagmalaki
ng masa't sa lunsod nila'y lahat ay libre

ngunit sadyang kay-aga nilang nangampanya
akala mo'y katropa ngunit trapo pala

sila raw nama'y marapat maging pangulo
pagkat adhika raw nila'y para sa tao

kunwari sila'y walang kaibi-kaibigan
ngunit interes pala'y ang kaban ng bayan

pawang sariling interes ang nasa utak
kaya mga tao'y laging napapahamak

ilang mga trapo nang nagpapalit-palit
pare-pareho lang sila't nakagagalit

kaya ang masa'y di na dapat magpabola
sa mga pulitikong sadyang walang kwenta

tanging hangad nila'y mga boto ng tao
nang sila'y maihalal at maging pangulo

mga trapo'y dapat lang mawalang tuluyan
masa'y magkaisang baguhin ang lipunan

Sabado, Setyembre 5, 2009

Ang kilusan ay isang pamilya

ANG KILUSAN AY ISANG PAMILYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

dapat ngang ituring na isang pamilya
itong kilusang kinapapalooban
na kumukupkop sa bawat aktibista
at gumagabay sa adhikang lipunan

iba ang pamilya ko nang isinilang
na mula sa sinapupunan ni ina
ngunit ngayon ako'y muling isinilang
sa sinapupunan ng pakikibaka

isang pamilyang sadyang mapagpalaya
itong kinapapaloobang kilusan
habang kasama ko'y dukha't manggagawa
na aking pamilya hanggang kamatayan

hanggang sa kahulihang patak ng dugo
itatayo ang lipunang makatao
aktibistang tulad ko'y hindi susuko
at magpapatuloy hanggang sosyalismo

Utangin na nila

UTANGIN NA NILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Tarantado ang burgesya't elitista
Sadyang sila'y mga pahirap sa masa
Sila ang dahilan ng maraming dusa
Dapat nga talagang sila'y palitan na.

Kaya itong masa'y kapos kapalaran
Kaya mga dukha'y baon na sa utang
Kaya nangangarap na ang mamamayan
Paano baguhing itong kalagayan.

Lagi silang kapos sa mga panggasta
Laging nag-iisip kung saan kukuha
Ng ikabubuhay ng pamilya nila
Palaging solusyon, mangungutang muna.

Utang ng utang ang naging kalakaran
Ng maraming hirap nating kababayan
Pagbakasakaling tiyan ay malamnan
Upang maibsan na yaong kagutuman.

Kung may mauutang, uutangin nila
Nang may mapakain sa pami-pamilya
Kung ano ang meron, utangin na nila
Saka na bayaran pag meron nang pera.

Biyernes, Setyembre 4, 2009

Mabuhay ka, babaeng makata

MABUHAY KA, BABAENG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

(alay sa isang babaeng makata sa multiply)

babaeng makata, mabuhay ka
na humimlay sa luntiang kama

kaygaganda ng mga salita
na pinawalan sa iyong diwa

kaya ako nga'y hanga sa iyo
sa pagtula'y sadyang kaygaling mo

ang mga tula'y pakikibaka
tungo sa pagbago ng sistema

kaya inspirasyon sa tulad ko
ang mga tulang nililikha mo

pasalamat sa iyo, makata
sa tulang alay sa magsasaka

sana'y di ka daanan ng sigwa
lalo na ang iyong mga tula

nang di mawala ang inspirasyon
sa kaygandang tula ng pagbangon

Pabahay ay Serbisyo, Di Negosyo

PABAHAY AY SERBISYO, DI NEGOSYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Pabahay ay serbisyo, di negosyo
Dapat alam ito ng mga tao
At karapatang dapat irespeto
Ng sinuman kahit na ng gobyerno

Pinalayas na sa bahay ang masa
Tahanan nila’y pinagwawasak pa
Dukha’y tila walang pagkakaisa
Naisahan ng mapagsamantala

Serbisyo itong pabahay sa madla
Ito ang nakasulat sa pahina
Nitong mga karapatang adhika
Dito at sa iba pang mga bansa

Kaya pag ito na'y ninenegosyo
Ito'y di na karapatan ng tao
Kundi pinagtutubuan na ito
Ng sinumang nagpapayamang loko

Bakit negosyo na ang karapatan?
Dahil kapitalismo ang lipunan.
Kaya ang dapat nating ipaglaban
Lipunan ay baguhin nang tuluyan.

Si Erap Pahirap

SI ERAP PAHIRAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Nasubukan na ng bayan si Erap
Di talaga siya makamahirap
Dati siyang pangulong naging kurap
At tunay siyang isang mapagpanggap.

Ang mga dukha'y kanya lang ginamit
Nang siya'y maboto ng mga gipit
Dukha nga'y kanyang nilalait-lait
Akala mo siya'y sadyang kaybait

Si Erap ay subok na nitong bayan
Di makamahirap ang taong iyan
Ang dukha'y ginamit lang sa gimikan
Ang totoo siya'y makamayaman

Martes, Setyembre 1, 2009

Diligin Man ng Malapot na Dugo

DILIGIN MAN NG MALAPOT NA DUGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halina't magpatuloy tayo sa pakikibaka
at nang loob mo'y huwag panghinaan
pagkat kailangan nating baguhin ang sistema
nitong lipunang pinaghaharian
ng burgesya't ng mga kasaping kapitalista
na mga elitista ngang gahaman.

Nagkakaisa tayong baguhin itong sistema
kaya sa laban tayo'y di susuko
nakatalagang ito na ang huli nating laban
diligin man ng malapot na dugo
itong bansa't lupa ng ating kapwa mamamayan
sariling dugo man ang mabubo

Nilalandas natin ay panibagong pag-asa
para sa mamamayang naghihirap,
nagugutom at pinagsasamantalahang masa
ipaglaban natin yaong pangarap
na baguhin ang lipunan at bulok na sistema
upang kaginhawaan na'y malasap.

Ang mga nasa kapangyarihan ay kayluluho
kaban ng bayan itong ninanakawan
ninakaw din nila ang ating dangal, diwa't dugo
para lang sa kanilang kapakanan
diligan man ang bayan ng malapot nating dugo
ay ibagsak natin silang tuluyan.

Ibuhos Mo ang Galit sa Sistema

IBUHOS MO ANG GALIT SA SISTEMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Panahon nang baguhin itong gobyerno
At ibagsak ang paghahari ng trapo
Ang galit mo sa kanila'y ibuhos mo
Kung iyan ang ambag mo sa pagbabago.

Kaytaas ng presyo ng mga bilihin
Ang taumbayan pa'y kaytinding gipitin
Itong pangulo pa'y milyon ang kinain
Sa isang hapunan sa dayong lupain.

Tuloy ang pagpiga sa lakas-paggawa
Nitong kapital sa mga manggagawa
Dinedemolis pa ang bahay ng dukha
Sadyang itong bayan ang kinakawawa.

Sinisira nila pati kalikasan
Lupa, tubig, dagat at mga tirahan
Ng hayop at isda'y nagkakaguluhan
Kalikasan nati'y nagbagong tuluyan.

Sistemang kapital itong sumisira
Sa buhay na likas at buhay ng madla
Dapat ang sistema'y atin nang magiba
Palitan ng bago't sistemang sariwa.

Ibuhos natin ang galit sa sistema
Upang mapalaya ang masa sa dusa
Lagyan ng direksyon ang pakikibaka
Upang magtagumpay ang layon ng masa.