Biyernes, Marso 31, 2017

Tula: Break Free from Fossil Fuel

nalulunod na sa plastik ang karagatan
nangingitim na sa usok ang kalangitan
tinadtad na ng kemikal ang kailugan
daigdig natin ay nagtila basurahan

mga lungsod ay punumpuno ng polusyon
mga plantang coal ay nagsusunog ng karbon
dapat sama-sama nating tapusin ngayon
ang pagsira sa kalikasan at sa nasyon

ating labanan ang sinumang mga sutil
na matakaw sa paggamit ng fossil fuel
huwag maging demonyo kundi maging anghel
kaya ating sigaw: Break Free from Fossil Fuel!

nais natin: R.E., renewable energy
let's make this beautiful country fossil fuel free!

- gregbituinjr.

* kumatawan sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) at nagbasa ng tula sa Break Free 2017, Renewable Energy Fair and Concert sa Liwasang Aurora, Quezon Memorial Circle, Marso 31, 2017, araw ng Biyernes

Martes, Marso 21, 2017

Itinuring man akong baliw na makata

itinuring man akong baliw na makata
tirahin man ako ng matabil mong dila
harangan man ako ng rumagasang baha
ang pluma’t diwa ko'y di mo mapahuhupa

di man ako nabubuhay sa toreng garing
dukha man ang kausap at laging kapiling
naririto't patuloy sa piniling sining
kahit na wala man lang akong maisaing

baliw mang makata'y patuloy na titindig
di ako susuko sa mga manlulupig
taludtod at saknong ang sandata ko't kabig
nasa lungga ma'y patuloy na umiibig

kaliwa'y taas-kamao, sa kanan, pluma
tutula't tutula alang-alang sa masa

- gregbituinjr.

21 Marso 2017 (World Poetry Day)

* pasneya - sa salita ng mga sanggre ay hayop

Pagpupugay sa mga makata

HAPPY WORLD POETRY DAY 2017

PAGPUPUGAY SA MGA MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawa taludtod

habang kaysaya ng mga ibong nagliliparan
at nanginginain ang kalabaw sa araruhan
taos kong pagbati sa mga makata ng bayan
sa ngayong Pandaigdigang Araw ng Panulaan

isang tagay sa lahat ng makata sa daigdig
mga tula nyo'y di ko man nabasa o narinig
marahil taludtod nyo'y punumpuno ng pag-ibig
o mga saknong sa laman ko'y makapanginginig

di lahat ng tula'y hulog mula sa toreng garing
pagkat may mga tulang mula sa masa nanggaling
inilalarawan ang kulay ng trapo't balimbing
o sa manggagawa'y nananawagang magsigising

ngayong World Poetry Day, taos-pusong pagpupugay
habang sa aking lungga'y patuloy na nagninilay

21 Marso 2017

Lunes, Marso 20, 2017

Ang DOLEng sukaban

Ang DOLEng sukaban

sagad na sa buto't gulugod nitong manggagawa
ang laging panggagago sa kanila ng kuhila
nilegalisa na ng DOLEng taksil sa paggawa
ang kontraktwalisasyong tunay na kasumpa-sumpa

sadyang sukaban ang DOLEng makakapitalista
nakatanghod na'y nakaluhod pa sa tubo nila
di ba sila naduduling sa pagkapalamara
at sa obrerong kontraktwal ay ngingisi-ngisi pa

ang department order ay naging demolition order
ang karapatang maging regular ay minamarder
sa kapitalista, DOLE'y tutang sumusurender
at uring manggagawa'y patuloy na inaander

manggagawa, papayag pa ba kayong magpaloko
sa mga nagsasamantala sa  uring obrero
halina't sama-sama nating tanganan ang maso
at ihataw sa ulo ng mga ganid at gago!

- tula't litrato ni gregbituinjr.


Biyernes, Marso 17, 2017

Ilang Haiku sa Marso 17

Ilang Haiku sa Marso 17
(International Haiku Day)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I
Tayo'y bumangon
Pandaigdigang Araw
ng Haiku ngayon

2
Tayo'y mag-haiku
sa ikalabimpitong
araw ng Marso

3
Haynaku Haiku
habang tinatagay ay
katas ng buko

4
Haynaku bukol
sinong dapat humatol
sa mga ulol

5
Animo'y sigwa
ang uring manggagawa
pag sumagupa

6
Makatang taring
di man siya nanggaling
sa toreng garing

7
Tuloy ang tula
huwag lang matulala
sa minumutya

Huwebes, Marso 16, 2017

Pag tulog na silang lahat

PAG TULOG NA SILANG LAHAT

pag tulog na silang lahat saka ko titipain
ang marubdob kong kinatha't maanghang na sulatin
ang makinilyang gamit nila'y aking gagamitin
habang mga akda'y doon ko na dadalisayin

dahil ang mga kinatha sa kapirasong papel
ay dugo't pawis ng mandirigmang di papipigil
may tulang alay sa isang napakagandang anghel
habang sa langit nakatunganga't napapatigil

may mamumuhunang nagkakamot lamang ng tiyan
ngunit patuloy na tumutubo't nagsisiyaman
may masisipag na manggagawang tadtad ng utang
kayliit ng sahod, ngunit sa trabaho'y pawisan

maya-maya'y titipain na ang mga sinulat
pagkat madaling araw na't tulog na silang lahat
habang talukap ng mata'y di na makamulagat
habang ugat sa daliri animo'y nawawarat

- gregbituinjr.

Miyerkules, Marso 15, 2017

Nakikipagtitigan ako

NAKIKIPAGTITIGAN AKO

nakikipagtitigan ako sa mata ng bagyo
baka lumitaw doon ang diwatang inirog ko
bahaghari'y may ginto raw na lilitaw sa dulo
at ang ilang dukha'y nagsisikap makuha ito

nakikipagtitigan ako sa mata ng apoy
nang matisod ako't biglang lumubog sa kumunoy
wala nang paruparo't bubuyog, ako'y nanaghoy
pagkat rosas sa hardin ay unti-unting naluoy

nakikipagtitigan ako sa mata ng leyon
nang tinig ni Floranteng nakagapos ay matunton
ng Persyanong Aladin, inaalala'y kahapon
at ang magandang mutyang si Laura'y dumatal doon

nakikipagtitigan ako ng mata sa mata
sa magandang mutyang panagimpan ko't sinisinta
nais kong siilin ng halik ang sintang dalaga
nang sa kalauna'y iharap siya sa dambana

- gregbituinjr.

Martes, Marso 14, 2017

Nakikibaka rin ang mga langgam

NAKIKIBAKA RIN ANG MGA LANGGAM

tulad ng isang uri'y magkakasama ang langgam
tuloy ang trabaho sa dinapuan nilang parang
kolektibong nakatuon sa isang layon lamang
magtulong na pagkain ay dalhin sa kamaligan

sa ginagawa'y huwag mo silang aabalahin
dahil kapag naghiganti'y tiyak kang kakagatin
sa pakikibaka'y kolektibong kumikilos din
ngunit ang katakutan mo, kung ikaw na'y langgamin

nakikibaka ang langgam tulad ng manggagawa
ngunit obrero'y di pa nagkakaisa sa diwa
hiwa-hiwalay kahit uri nila'y iisa nga
kung kolektibong kikilos, kapara nila'y sigwa

milyun-milyong kolektibong manggagawa'y babago
sa mundong pinagpasasaan ng kapitalismo
ngunit sila pa'y dapat pagkaisahing totoo
upang sistemang bulok ay ibagsak nilang todo

- gregbituinjr.

Lunes, Marso 13, 2017

Ang magtanim daw ng hangin

ANG MAGTANIM DAW NG HANGIN

paalala ko, amang, huwag magtanim ng hangin
ayon nga sa matatanda'y bagyo ang aanihin
kung pawang yabang ang sa ulo mo'y payayabungin
wala kang madadagit na matinong adhikain

magpakumbaba ka tulad ng alon sa aplaya
sa payapang laot naroon ang mga balyena
pag buwan ay nawala, kinain ng bakunawa
at ang buntot ng pagi'y huwag mong mahila-hila

anong sarap din ng lasa ng bunga ng kalumpit
kaytamis ng hinog bagamat may ilang kaypait
laging makipagkapwa-tao't huwag magmalupit
kung yumaman ka, sa dalita'y huwag manlalait

matamang suriin bakit nagbabago ang klima
at anong kaugnayan ng naglalakihang planta
bansa'y dinanas na ang poot ng isang Yolanda
magtanim ng hangin ay walang salang di na kaya

- gregbituinjr.

Linggo, Marso 12, 2017

Kumukulo ang kulog sa pusod ng bahaghari

kumukulo ang kulog sa pusod ng bahaghari
hirap at dusa'y nakabalatay sa masang sawi
sawimpalad na di matuloy ng mga daliri
di batid kung kanino ang nakagapos na labi
pinuti'y laksa-laksang buhay sa atas ng hari

sino nang mananagot sa mga batang nadamay
wala pang nakulong sa di-sinasadyang pagpatay
pagkat collateral damage lang daw kahit nabistay
tuwang-tuwa raw ang masa't nawala silang tunay
tulad ng hari nilang sa pagpaslang naglalaway

walang paggalang sa buhay, binaboy ang hustisya
kagagawan nila'y higit pa sa mata sa mata
dahil mga utak nang lugmok ang pinupuntirya
imbes na pagamutan ay dala sa punerarya
tila tumitigpas lang ng manok na pantinola

sa mga tulad ba nila'y bugok ang katarungan
pagpapakatao'y wala't asal na'y nahuhubdan
umaalingasaw ang baha sa kaibuturan
kaya tigang na lupa'y ginawa nilang duguan
ang nabubo na'y mapupulang sabaw sa lansangan

- gregbituinjr.

Sabado, Marso 11, 2017

Ang maninila

ANG MANINILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

doon sa isang sabanang makitid
ay nag-aabang si Atong Alamid

sa gutom hanap niya'y masisila
bakasakaling may gumalang daga

ngunit may digma palang nagaganap
kaya pagtakas ay kanyang hagilap

palinga-linga at pakubli-kubli
nang maiwasan ang tama ng riple

nang humaging sa katawan ang punglo
anong tindi, di maampat ang dugo

habang naglalaway sa harap niya
ang isang dagang gutom na gutom na

nasa harapan na niya ang pagkain
ngunit siya pala ang sasagpangin

* alamid - Asian palm civet or the Philippine Civet Cat, na tinatawag ding toddy cat, may pangalang agham na Paradoxurus hermaphroditus. Ayon sa Tagalog Wikipedia, ang alamid o musang ay isang malaking pusang-bundok (https://tl.wikipedia.org/wiki/Alamid)

Biyernes, Marso 10, 2017

Daigdig ko'y nakasilid sa bunganga ng leyon

daigdig ko'y nakasilid sa bunganga ng leyon
manggagawa'y ikinahon sa kontraktwalisasyon
dalita’y pilit ginagapangan ng demolisyon
karapatan ng masa’y patuloy na nilalamon

binabalatan ng burgesya ang tulog na ahas
ngingisi-ngisi pa rin ang kapitalistang ungas
masa'y ibinenta ng tatlumpung pilak ng hudas
dito kaya'y paano pa tayo makaaalpas

ang inaakalang patapon ay binubulagta
tatawa-tawa ang mga don at trapong kuhila
wala silang pakialam sa nagdurusang madla
basta't tubo'y lumaki buhat sa lakas-paggawa

ang bunganga ng leyon animo'y kaylaking yungib
habang nakabungad sa dukha ang laksang panganib

- gregbituinjr.

Huwebes, Marso 9, 2017

Nalolobat din tayo

NALOLOBAT DIN TAYO

tulad din ng selpon, nalolobat din ako
nalolobat din ang masipag na obrero
nauubos din ang enerhiya ng tao
kailangan nang mag-charge nang lumakas tayo

nasa panahon tayong tao'y di na bida
panahon ng makabagong teknolohiya
ang tao'y mistula na ring isang makina
lalo na ang mga obrero sa pabrika

araw-gabi'y kayod-kalabaw, humihingal
sa pinapasukan ay laging nagpapagal
para sa tubo ng pabrika't ng kapital
gayong di naman maregular ang kontraktwal

magpalakas ka’t ugaliing magpahinga
kumain ng gulay, at ng may bitamina
huwag magpuyat o laging magpaumaga
alagaan ang diwa't katawan tuwina

nalolobat din kahit pagsuyo kong hatid
sa mutyang ang pagsinta niya'y di ko batid
pag lobat na aba'y mag-charge agad, kapatid
upang buhay ay di naman agad mapatid

- gregbituinjr.

* LOBAT - mula sa salitang "low battery", at naging lahok sa "Salita ng Taon" ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2006

Miyerkules, Marso 8, 2017

Mabuhay ang grupong Oriang!

Mabuhay ang grupong Oriang! Mabuhay kayo!
Mabuhay ang pagkilos n’yo ng Marso Otso
Katatagan n’yo'y ipinakitang totoo
Na kailangan sa tunay na pagbabago

Si Oriang ang Lakambini ng Katipunan
Kaya samahan n’yo'y dakila ang pangalan
Maybahay ng Supremo'y tunay na matapang
Na di nagpagapi sa kabuktuta’t halang

Mga ina, ate, tiya, ale, at lola
Mga nene, dalaginding, dalaga, iha
Kalahati ng mundo't tunay na kasama
May pantay na karapatang kinikilala

- gregbituinjr.

Babae, ipaglaban ang batayang karapatan

Babae, ipaglaban ang batayang karapatan
Di kontraktwal, kundi regular na trabaho naman
Repormang agraryo’t makataong pananahanan
Libreng edukasyon, reproductive health, ipaglaban

Samutsari pang mga isyu ng kababaihan
Na dapat lang suportahan din ng kalalakihan
Di lamang sa panaginip ating masusumpungan
Ang pagbabago’t nais nating malayang lipunan

Kayo'y kalahati ng mundong dapat makinabang
Sa yaman ng lipunang manggagawa ang luminang
Pakikibaka ninyo'y isinasaalang-alang
Isang taas-noong pagpupugay sa grupong Oriang

- gregbituinjr.

Mabuhay ang dakilang araw ng kababaihan

mabuhay ang dakilang araw ng kababaihan
mabuhay sina lola, inay, kapatid, biyenan
taospusong pagpupugay sa inyong kaarawan
pagkat kami'y nanggaling sa inyong sinapupunan

ngayon ang sentenaryo ng dakilang Marso Otso
na minitsahan noon ng kababaihang Ruso
napatalsik nila ang Tsar, nadurog ang Tsarismo
sa Rebolusyong Oktubre'y tagumpay ang obrero

napakarami ninyong isyung dapat kilalanin
di na lang kayo ang Maria Clarang napakahinhin
kundi Gabriela't Oriang na anong tatag man din
di umaatras, kahit panganib man ay suungin

di payag mapagsamantalahan, nasa’y hustisya
matatag kayong kaagapay sa pakikibaka
katuwang sa buhay, may sariling pagpapasiya
kayo'y kalahati ng daigdig, aming kasama

       - tula't litrato ni gregbituinjr.

Martes, Marso 7, 2017

Di sumusuko kaming mga mandirigma

ilang beses na bang muntikan nang magapi
ng mga katalo hinggil sa pag-aari
di umatras sa labanan ay nanatili
upang pribadong pag-aari na'y mapawi

ilang beses na bang nakatikim ng suntok
mula sa katalong ang ilong umuusok
na may ugaling sadyang nakasusulasok
katalong nasira na yata yaong tuktok

ilang beses ding muntik tutukan ng baril
dahil mga katalo'y talagang suwail
buti't mailap at ayaw na magpasupil
sa kaninumang katalong ugali'y sutil

ilang beses mang sa laban ay sumagupa
di sumusuko kaming mga mandirigma
handang mamatay kaharapin may ay sigwa
di pagagapi maibaon man sa lupa

- gregbituinjr.

Lunes, Marso 6, 2017

Ayuno ng dukha

AYUNO NG DUKHA

halina't tayo'y magsipag-ayuno
at sabayan ang ugaling Kristyano
nang sa pagkain makatipid tayo
lalo't sa bigas ay walang panggasto

pag-aayuno'y ating idahilan
kahit ito'y laging nararanasan
panay ayuno na sa karukhaan
tila dukha sa ayuno'y huwaran

halina't mag-ayuno, kapwa gutom
saka na kumain kung makasumpong
ng kanin, maigi kung may balatong
mag-ayuno habang hilong-talilong

nag-aayuno na lang habambuhay
at kapitalista'y ngingising tunay
baka sa ayuno'y ating mahintay
ang asam na ginhawa pag namatay

- gregbituinjr.

Ang abang makata

ANG ABANG MAKATA

sa akin palagi na lang silang naliliitan
"makata lang iyang hayup na iyan! makata lang!
huwag nyong pansinin, pagtula lang ang kaya niyan!"
tila ba sa kanila, ako'y batang walang alam
walang anumang dunong kaya hayaan na lamang

"huwag ninyong kausapin ang baliw tulad niya!
baka mahawa kayo sa kanyang lumbay at dusa!"
tila walang pinagdaraanang pakikibaka
iyang abang makatang lagi nilang nakikita
tula lamang daw ng tula para sa kanyang musa

nagpapatuloy pa rin ang kanilang panlalait
habang sinturon ko'y unti-unting pinahihigpit
sa pagtula ko'y papalakpak silang tila paslit
at ngingisi-ngisi habang dibdib ko'y napupunit
mamaya lang sa diwa nila ako'y mawawaglit

ganyan sa daigdig naming tila di masawata
ang mga umiidolo't dinaanan ng sigwa
puso ko'y marahang pinadurugo't hinihiwa
upang sa dulo'y matagpuan ang laksang kandila
habang sa parangal binigkas ang aba kong tula

- gregbituinjr.

Linggo, Marso 5, 2017

Kontraktwalisasyon ay lumalatay

Kontraktwalisasyon ay lumalatay
Tumatagos sa balat at kalansay
Pagkat walang kasiguruhang tunay
Kahit magtrabaho ka ng mahusay
Ilan buwan, wala nang hanapbuhay
Mahal mong pamilya'y muling aaray

- gregbituinjr.

Sabado, Marso 4, 2017

Hindi sa burgesya

HINDI SA BURGESYA

ang laksa-laksang tubo ng mga mamumuhunan
ay pinagpawisan ng obrerong nahihirapan
ang pera ng kapitalistang ginawang higaan
ay pera ng obrerong winalan ng karapatan

ang sari-saring luho ng mga nangangapital
ay galing sa pinaghirapan ng mga kontaktwal
ang niluwal na kwarta ng makinang pinaandar
ay pinaghirapan din ng manggagawang regular

mga delata sa groseri ay kinakalawang
gayong pinaghirapan ng obrerong kaysisipag
tiba-tiba sa tubo ang kapitalistang halang
ngunit sa sahod ng obrero'y walang maidagdag

ang libu-libong sapatos na walang gumagamit
ay iminumuseyo na lamang ng mga elit
na dapat sana'y maisusuot ng dukha't paslit
habang walang sapatos ang dalita't maliliit

ang bigas na nabulok sa kamalig ng burgesya
ay sa mga dukha't walang makaing magsasaka
ang di naubos na pagkain ng elit sa mesa
ay di maibahagi sa nagugutom na masa

di mula sa burgesya ang kanilang tinutubo
kundi sa obrerong nag-alay ng pawis at dugo
di buhat sa burgesya ang mga yaman at luho
kundi sa manggagawa nilang ipinagkanulo

- gregbituinjr.

Biyernes, Marso 3, 2017

Aba kong dalit

ABA KONG DALIT

huwag mong pakialaman yaring aba kong dalit
ayokong masabi mong ako pala'y sakdal lupit
inasawa ko'y huwag guluhin, huwag makulit
upang matipa ko naman ang aking mga hirit

mula sa pusalian ay kayrami ko nang hugot
malalim pa ang hukay na di ko masuot-suot
maghintay sa putikan ay sadyang masalimuot
animo’y dilis ako sa pating ng pagkabagot

sige, barilin ako nang mawala nang tuluyan
ang buryong ng inyong lingkod sa dagat ng kawalan
di ko pa batid saan dadalhin ng kapalaran
kung sa tahimik na gulo o payapang digmaan

matagal nang nilalapastangan yaring makata
nitong mga maton sa pulutong ng isinumpa
habang ninanasa’y agnasin na ako ng lupa
nang wala nang pumuna sa gaya nilang kuhila

- gregbituinjr.

Ang batang mautad

Isa sa mga kahilingan sa akin upang makapasok sa ibang sangay ng literatura ang pagsusulat ng mga tula, sanaysay at kwentong pambata. Bakasakaling may entrada rito upang malathala at magkaroon ng kaunting salapi sa isang magasin, o kaya'y maisaaklat. Nariyan ang Aklat Adarna, at ang Philippine Board on Books for Young People (PBBY). 

Kaya sinubukan ko muna ito sa tulang "Ang Batang Mautad". Ang mautad ay salitang Batangas sa batang nag-iinarte.

ANG BATANG MAUTAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Kautad ba ng batang are!" ang sabi ni insan
sa bugtong na anak na nag-iinarte na naman
habang inihahanda ang masarap na agahan
ngunit anak ay naghahanap ng ibang mauulam.

Tanong ko, "Ayaw maggulay, paano ka lulusog?"
bata'y mahilig maglaro, minsan kulang sa tulog
habang ang ama't ina sa kabukiran ay bugbog
"Halina't kumain na't mamaya tayo'y tutugtog."

Ngunit ang batang mautad ay panay pa ang iyak
marahil dahil bata pa't ang gusto'y di matiyak
ang hanap ay Chicken Joy, kaylayo pala ng utak
gayong ang laging kasama'y tutubi sa pinitak.

Naglulupagi sa silong, nadumihan ang damit
dahil di agad kamtin ang gusto'y namimilipit
tila baga may malignong nang-uuto sa paslit
na binubulong, iba'y mayroon, wala ka'y bakit

Sa malayong nayon ang mag-anak ay nakatira
nabubuhay ang buong pamilya sa pagsasaka
nagtatanim ng gulay, tulad ng talong at okra
sanay ang anak ngunit naghahanap pa ng iba.

Nais ng batang magkaroon kung ano ang wala
nais na ibili mo siya ng inaadhika
ang pag-iyak ay paraan lamang ng mga bata
nag--iinarte, ngunit tatahan din maya-maya

Marahil dahil sa patalastas sa telebisyon
na pinapakitang kaysarap ng pagkaing iyon
kaya nangangarap nito ang batang taganayon
na kahit minsan lamang ay makatikim din niyon

Kaya unawain din natin ang batang mautad
na nag-iinarte upang kamtin anumang hangad
minsan din tayong naging bata hanggang makitulad
sa kapwa't habang lumalaki'y nagsikap, umunlad.

Huwebes, Marso 2, 2017

Payo sa isang kasama

PAYO SA ISANG KASAMA

payo ko lang, magandang binibini
huwag kang basta umuwi ng gabi
baka pagtripan, tangayin ng peste
at humandusay ka na lang sa tabi

isipin din kaming nag-aalala
at lagi sa’yong nagpapaalala
kung hatinggabi na’t uuwi ka pa
huwag, dito ka na magpaumaga

kung uuwi ay agahan ang uwi
nang maingatan ang buhay at puri
baka mapagkamalan ka’t masawi
pamilya mo kaming mamimighati

bulong niring hangin sa iyo’y: INGAT!
habang kalapati’y lilipad-lipad

- gregbituinjr.

Pinagsasawaan kong hagkan ang kabuuan mo

pinagsasawaan kong hagkan ang kabuuan mo
kahima’t tulad ko’y kulangpalad, nagdidiliryo
ako baga ang ulupong na lilingkis sa iyo
aasawahin kita't pakakainin ng bato

lolobo ang tiyan mo ngunit ako'y magsisikap
bubuhayin kita, buhay ko ma'y aandap-andap
gagawin ang kaya, aabutin yaring pangarap
ililipad kita't maglalaro sa alapaap

patuloy man ang labanan, di kita palulupig
dalawa nating bubuuin ang ating daigdig
di man kita maikulong sa dalawa kong bisig
sa iwing prinsipyo't pagmamahal tayo sasandig

ayon sa matatanda, "kung di ukol, di bubukol"
kaya aking diwata, huwag ka sanang magmaktol

- gregbituinjr.

Miyerkules, Marso 1, 2017

Paano nga ba kumain ng alikabok

paano nga ba kumain ng alikabok
ang tulad kong malaya ngunit nakalugmok
naiwanan kasi sa parang ng binundok
nakakadale na'y di pa rin makatumbok

paano nga ba kung kinakain na'y latak
nasasam-id na'y wala pa rin ang panulak
maigi pa'y magpahinga muna sa amak
ngunit wala pang gatas ang mahal na anak

paano kung natira na lamang ay latik
ubos na ang palutang, mapapahagikhik
papakin ang latik kaysa mata'y tumirik
baka dahil sa gutom di na makaimik

kaytaas ng lagnat, makata'y nahihibang
habang sa musa'y patuloy na nag-aabang

- gregbituinjr.