Linggo, Agosto 31, 2014

Dahil isa kang diwata sa aking panagimpan

Dahil isa kang diwata sa aking panagimpan
Ikaw ang gintong aking natagpuan sa putikan
Tanging rosas na matinik sa buong kagubatan
Asahang mamahalin kita magpakailanman
Sana'y may pagtingin ka rin sa akin, sabihin mo
Ramdam mo sana ang pagsuyong iniluluhog ko
Espesyal kang bulaklak sa tulad kong paruparo
Pag-ibig ko sa iyo'y tanggapin nawang totoo
Utusan mo ako, sinta ko't tiyak kong gagawin
Yaong iyong nais pagkat ako'y iyong alipin
Aking sinta, ikaw lang ang tangi kong mamahalin
Nang pangarap na pag-ibig ay kapwa natin damhin

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 30, 2014

Maraming salamat, MMVA!


MARAMING SALAMAT, MMVA!
(alay sa ika-12 anibersaryo ng MMVA, Agosto 30, 2014)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa M.M.V.A., salamat ng marami
sa pakikibaka natin, kayo'y saksi
patuloy kayong sa masa'y nagsisilbi
kayo nga'y aming ipinagmamalaki

mga vendors man at mala-manggagawa
may silbi sa ekonomya nitong bansa
tayo’y nagkaisa sa prinsipyo't diwa
magkasama tayo sa dusa at tuwa

ngayon, labingdalawang taong singkad na
patuloy tayong matatag, magkasama
di lang isyu ng vendors ang binabaka
nais na nating baguhin ang sistema

O, vendors, magkaisa tayong tuluyan
ating adhika'y baguhin ang lipunan
tayong vendors ay mala-manggagawa man
tayo'y may lakas lalo't magtutulungan

* MMVA - Metro Manila Vendors Alliance

Miyerkules, Agosto 27, 2014

Dapat tayong magpatuloy, O, aking mahal

Dapat tayong magpatuloy, O, aking mahal
Ibig kong sa kalaunan tayo'y makasal
Tinatangi kita't pagsinta'y umiiral

Ang tulad mo'y isang diwatang sinasamba
Sapagkat balot ka ng hiwagang kayganda
Ramdam mo rin ba itong aking nadarama

Espesyal ka sa akin, espesyal sa puso
Pangarap kong kitang dalawa'y magkasuyo
Udyok ng damdami't huwag masisiphayo

Yapusin mo ako't ikulong mo sa bisig
At iyong hagkan ang kabuuan kong kisig
Namnamin ang sarap ng ating pagniniig

- gregbituinjr.

Linggo, Agosto 24, 2014

Sa anibersaryo ng aking kamatayan

SA ANIBERSARYO NG AKING KAMATAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

1
matagal na akong patay, alaala na'y wala
nananatiling buhay na lamang ay mga tula
habang sa papawirin ay lumilipad ang diwa
ng mga kathang kaytagal na panahong nalikha

2
di malirip ang kabaliwan ng sistemang hangal
na nagluwal ng kapitalistang animo'y banal
ngunit uring ulupong pala't ganid yaong asal
na sa manggagawa't bayan ay nanyurak ng dangal

3
at nang mamatay ako'y walang marangal na libing
tila ba makata'y natutulog lang ng mahimbing
mga babaeng inibig ay di na maglalambing
subalit may tulang mula sa kanila'y nagsupling

4
habang mga anak at apo ko'y nagpapatuloy
sa pakikibaka habang dinig bawat panaghoy
ng mga pinagsamantalahan, naging palaboy
habang dukha'y dinadapurak pa rin sa kumunoy

5
at sa anibersaryo niring iwing kamatayan
madla'y nakangiti, di magkamayaw ang tawanan
"mabuti't wala na ang makata", bulong ng ilan
"wala nang pupuna sa ating mga kabuhungan"

6
mapanglaw ang puntod, walang nagtirik ng kandila
bundat na sa pagsasaya yaong mga kuhila
mabuti na lang at may naiwang pulang bandila
simbolong sadyang lingkod ng uri ang namayapa

Pagdiga sa dalagang nayon

PAGDIGA SA DALAGANG NAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

nais kong dumiga / sa dalagang nayon
na animo'y Marya / Klara ng kahapon
maganda, mahinhin, / payak, mahinahon
at sa hirap, siya'y / aking iaahon

subalit ako rin / naman ay mahirap
ngunit isasama / siya sa pangarap
nang ginhawang asam / ay magiging ganap
upang buhay nami'y / di aandap-andap

ang iniisip ko'y / paano dumiga
nang matanggap ako / ng sintang dalaga
magsibak ng kahoy, / mag-igib, maglaba
haranahin siya / dala ang gitara

gagawin ang lahat / sa lakas ng bisig
diwa't pawis, sana'y / dinggin yaring tinig
iniluluhog ko'y / dakilang pag-ibig
ang iwi kong puso'y / sa kanya pumintig

Lunes, Agosto 18, 2014

Sa isang abogado ng kapitalismo

SA ISANG ABOGADO NG KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

* Hinggil sa 34 na minerong pinaslang sa Lonmin Mining
Property sa Marikana, South Africa, na nagwelga upang 
hilingin ang makatarungang pagtaas ng kanilang sweldo

* Tugon sa upak sa tula kong "Nais lang naman nila'y itaas 
ang sahod" sa isang thread sa isang facebook group

pinaslang na sa Marikana ang mga obrero
na ang tanging hiling lamang ay itaas ang sweldo
ngunit bakit bala ang tinanggap ng mga ito?
hindi ito makatwiran, saanmang tingnang libro

obrero'y nagwelga sa minahan sa Marikana
humihiling lamang na itaas ang sahod nila
imbes na sahod, isinagot sa kanila'y bala
pagpaslang ba'y patakaran sa mga nagwewelga?

tila naging maton ng kumpanya ang kapulisan
na sa mga nagwewelga'y namaril ngang tuluyan
batas ba ng kumpanyang patayin ang mga iyan
upang maging tahimik sa kumpanya ng minahan

pagpaslang pa'y tinutuwid ng isang abogado
malulugi kasi ang negosyo ng mga amo
dapat mawala ang mga nagwewelgang obrero
mababawasan ng tubò ang kanilang negosyo

buhay ng manggagawa laban sa negosyo't tubò?
pag lumiit ang tubò, liliit na rin ang luhò!
karapatan na'y balewala, una lagi'y tubò!
buhay ng tao'y balewala, pagkat una'y tubò!

anong sabi ng abogado ng kapitalismo?
malulugi ang kumpanya pag tumaas ang sweldo
malulugi ang kumpanya, patayin ang obrero
makatwiran ba ang ganyan para lang sa negosyo?

laksang tubò kapalit ng buhay ng manggagawà?
santong kapitalismo pala'y buwayang kuhilà!
sagpang ang dugo ng manggagawa, kapara'y lintâ!
para sa tubò, karapatang pantao na'y walâ!

Linggo, Agosto 17, 2014

Nais lang naman nila'y itaas ang sahod!

NAIS LANG NAMAN NILA'Y ITAAS ANG SAHOD!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit ang ibinigay sa kanila'y punglô?
nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit hiling nila'y binahiran ng dugô?
nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit asawa nila'y dapat pang mabalô?
nais lang naman nila'y itaas ang sahod!
bakit karapatan ng obrero’y sinugpô?

nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
bakit pinagbabaril ang mga minero?
nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
balewala na ba ang buhay ng obrero?
nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
kapitalista ba sa tubo'y sadyang tuso?
nais lang naman nilang tumaas ang sweldo!
ngunit bakit ang sistema'y nagkaganito?

hinihingi naman nila'y makatarungan
ngunit tila sila'y wala nang karapatan
mailap na hustisya kaya'y makakamtan?
may matamo pa kayâ silang katarungan?
sana'y masagot pa ang aming katanungan...
sana'y may sagot pa sa aming katanungan

* 16 August 2012, members of the South African Police Service opened fire on a group of strikers on the hills of Lonmin Mining Property in Marikana, South Africa. 34 mine workers were shot to death, and many strikers were wounded.

Sabado, Agosto 16, 2014

Hustisya sa 34 minerong pinaslang sa Marikana, South Africa

HUSTISYA SA 34 MINERONG PINASLANG SA MARIKANA, SOUTH AFRICA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tatlumpu't apat na manggagawa'y pinagbabaril
ng kapulisan, silang mga nagwelga'y kinitil

nais lang ng mga minerong sahod ay itaas
ibinigay sa kanila'y bala, sila'y inutas

sa bundok ng minahan ng Lonmin, sila'y nagwelga
doon sa Marikana, sa katimugang Aprika

Agosto labing-anim nang maganap ang masaker
tila mga kapulisan ay sundalo ni Hitler

hiling: sahod, itaas! ngunit ibinigay: punglo!
bakit ang simpleng hiling nila'y binubo ng dugo

katarungan! katarungan! sa lahat ng biktima
ng masaker ng mga minero sa Marikana

hustisya! hustisya! atin silang alalahanin!
gunitain sila ngayong Agosto labing-anim

16 Agosto 2014

* Marikana mine workers massacre, August 16, 2012

Biyernes, Agosto 15, 2014

Bawal nang manigarilyo sa lansangan

BAWAL NANG MANIGARILYO SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patakaran sa lansangan: bawal manigarilyo
kapag nahuli ka, multa mo'y limangdaang piso
huwag ka nang magyosi, para sa kalusugan mo
huwag magyosi, kundi'y kawawa ang katawan mo

kailangan pa bang ikaw ay paalalahanan
na sarili mong katawan ay dapat alagaan
na sarili mong baga ay iyo nang pangalagaan
paalala nama'y para sa iyong kaligtasan

usok, usok, nalalanghap na pati usok ng bus
paalala'y di lang para sa basura mong upos
malinis ang hangin, wala pang usok na tatapos
ng buhay, kaya paalala'y sundin mo ng taos

15 Agosto 2014
Kuha ang mga litrato sa tapat ng Robinsons Galleria sa Ortigas Center, EDSA, Mandaluyong, hapon ng Agosto 15, 2014, araw ng Biyernes.

Miyerkules, Agosto 13, 2014

Si Robin Williams, Idolo

SI ROBIN WILLIAMS, IDOLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

artista siya, sa marami'y ligaya ang dulot
artistang magaling, maraming award ang hinakot
sa pelikula, tao'y sa saya niya binalot
mukha'y masaya, ngunit ang loob pala’y may lungkot

sa kabila ng kasikatan ay tigib ng lumbay
ang maging sikat minsa'y wala ring ligayang tunay
artistang bantog man, sa problema'y di mapalagay
bagamat sa manonood, saya ang kanyang bigay

sa kanyang bawat pelikula, kayraming nalugod
binigyang inspirasyon niya yaong manonood
tila mga umiidolo’y kanyang hinahagod
upang guminhawa ang pakiramdam nila’t likod

kayraming tanong sa kanyang animo'y santong banal
anong sanhi? totoo bang siya'y nagpatiwakal?
ang lunas ba'y iyon sa suliranin niyang sakdal?
ang pagpapatiwakal ba sa pagkatao'y sampal?

siya ba’y masisisi natin sa kanyang desisyon?
siyang dumanas umano ng kaytinding depresyon
sa nangyari, anuman yaong kanyang naging rason
idolo pa rin siya ng maraming henerasyon

* Si Robin Williams (Hulyo 21, 1951 - Agosto 11, 2014) ay isang sikat na  artista sa pelikula, nakilala sa mga pelikulang Dead Poets Society, Jumanji, atbp.

Martes, Agosto 12, 2014

Paalam, Robin Williams ng Dead Poets Society

PAALAM, ROBIN WILLIAMS NG DEAD POETS SOCIETY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

* John Keating: We don't read and write poetry because it's cute. We read and write poetry because we are members of the human race. And the human race is filled with passion. And medicine, law, business, engineering, these are noble pursuits and necessary to sustain life. But poetry, beauty, romance, love, these are what we stay alive for. To quote from Whitman, "O me! O life?" Answer. That you are here - that life exists, and identity; that the powerful play goes on and you may contribute a verse. What will your verse be?

*  Robin Williams (July 21, 1951 - August 11, 2014)

bilib ako sa iyo bilang gurong si John Keating
sa pelikulang Dead Poet Society ay kaygaling
sa iyong mga estudyante'y guro kang magiting
lalo't sa kanila'y iyong sinabing naglalambing:

"di tayo nagbabasa at lumilikha ng tula
dahil ito'y kayganda, ito'y ating ginagawa
dahil bahagi tayo ng sangkatauhan, madla
at nitong sangkatauhang punong-puno ng sigla"

"medisina, batas, negosyo't iba pang larangan
ay kailangan upang magpatuloy itong buhay
ngunit pagtula, pag-ibig, romansa't kagandahan
ang dahilan upang sumaya't sumigla ang buhay"

pati itong makatang Whitman pa'y iyong binanggit
"ako! ang buhay!" buhay na di dapat ipagkait
na narito ka, tayo, humihinga bawat saglit
"ako! ang buhay!" may kasagutan ang bawat bakit

sa biglaan mong pagyao, Robin Williams, paalam
ikaw si John Keating na sa puso'y di mapaparam
habang kaming narito pa'y patuloy sa pag-asam
na makatula pa rin sa gitna ng gunam-gunam

Linggo, Agosto 10, 2014

Sistema sa produksyon

SISTEMA SA PRODUKSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa bawat moda ng produksyon, may bawat sistema
pwersa at relasyon ang bumubuo sa kanila
instrumento't paraan ang tinutukoy sa una
ugnayan naman ng isa't isa ang ikalawa

sa lipunang primitibo komunal ay tulungan
ng buong tribu sa umiral nilang pamayanan
walang amo, sa lahat pantay-pantay ang turingan
habang binubuhay ang kanilang kapwa't lipunan

sa lipunang alipin, ang pwersa'y mga alipin
na nilalatigo upang mga atas ay gawin
sa relasyon, ang amo'y panginoong may-alipin
na susundin nila't sa kanila'y nagpapakain

sa lipunang pyudal, ang pwersa'y lupa't pagsasaka
magsasaka'y tali sa lupa nilang sinasaka
sa relasyon, panginoong maylupa'y amo nila
mayorya ng ani'y sa amo't matira'y kanila

sa kapitalismo, pwersa'y makinarya't paggawa
ng mga manggagawang kolektibong lumilikha
sa relasyon, umiiral ang sahurang paggawa
sa obrerong ang amo'y kapitalistang kuhila

sa lipunang alipin, pyudal at kapitalismo
ang pribadong pag-aari'y isang pribilehiyo
may-ari ng kasangkapan sa produksyon ang amo
habang api yaong walang pag-aaring pribado

dapat nang baguhin ang sistemang mapangduhagi
lalo na't nakabatay sa pribadong pag-aari
na dapat pawiin upang wala nang maghahari
dapat pantay-pantay, wala nang iiral na uri

at upang matupad ang pagbabagong inaasam
magkaisa ang manggagawa't simulang humakbang
sistema ng produksyon ay gawing sa kagalingan
at ginhawa ng manggagawa't buong sambayanan

Sabado, Agosto 9, 2014

Malaking piitan ang Gaza

MALAKING PIITAN ANG GAZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

malaking piitan ang Gaza, oo, bilangguan
ang preso’y mga Palestinong walang kasalanan
kundi ang magnasang umuwi sa sariling bayan
ngunit ang pasalubong sa kanila’y kamatayan

mga preso silang binobomba ng nasa laya
ang di patas na gera’y sa kanila raw nagmula
ngunit nagaganap ay masaker, at hindi digma
sa kanilang buhay ay patuloy ang pagbabanta

ang pinalalaganap sa kanila'y dyenosidyo
lahi’y inuubos, pinapaslang ang kapwa tao
minamasaker ng makapangyarihang sundalo
dinuduro maging kanilang puri’t pagkatao

mga preso silang pinapaslang ng nasa laya
buhay sa bilangguan ay sadyang kaawa-awa
napakarami nang nasawing matatanda't bata
tayo bang wala roon ay magwawalang-bahala?

dapat umiral doon ang karapatang pantao
mabuwag ang pader sa pagitan ng kapwa tao
dapat tuluyan nang lumaya silang Palestino
at magandang bukas ay makamtan nilang totoo

* mga litrato mula sa facebook 

Awit ni Maria Clara - ni Jose Rizal

AWIT NI MARIA CLARA
ni Jose Rizal
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kaytamis ng mga oras sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang
Simoy yaong buhay na winawalis yaong parang
ang pagsinta’y magiliw, tahimik ay kamatayan.

Naglalaro sa mga labi'y mainit na halik
habang nakaharap sa aming ina kami'y gising
pinapangarap siyang yapusin ng mga bisig
mga mata'y ngumiti habang sila'y nakatitig

Kaytamis kung mamamatay sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang!
Simoy yaong kamatayan sa sinumang nilalang
na walang pag-ibig, walang ina, at walang bayan


Song of Maria Clara
Jose Rizal

Sweet the hours in the native country,
where friendly shines the sun above!
Life is the breeze that sweeps the meadows;
tranquil is death; most tender, love.

Warm kisses on the lips are playing
as we awake to mother's face:
the arms are seeking to embrace her,
the eyes are smiling as they gaze.

How sweet to die for the native country,
where friendly shines the sun above!
Death is the breeze for him who has
no country, no mother, and no love!

Pinag-isa tayo ng Cuba - ni Jose Marti

PINAG-ISA TAYO NG CUBA
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Pinag-isa tayo ng Cuba sa dayong lupa,
Banaag sa Cuba yaring awit ng pagsinta:
Cuba ang iyong puso, aking langit ang Cuba
Sa iyong aklat, ang Cuba ang aking salita.


CUBA UNITES US
Jose Marti

Cuba unites us in a foreign land,
Our love longs for Cuban dawns:
Cuba is your heart, Cuba is my sky,
In your book, Cuba is my word.


Cuba nos une
Jose Marti

Cuba nos une en extranjero suelo,
Auras de Cuba nuestro amor desea:
Cuba es tu corazón, Cuba es mi cielo,
Cuba en tu libro mi palabra sea.

Biyernes, Agosto 8, 2014

Pana-panahon

PANA-PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Poets are always taking the weather so personally." - J. D. Salinger, may-akda ng nobelang The Catcher in the Rye

panahon sa bansa'y pawang tag-ulan at tag-araw
walang taglamig at taglagas ditong dumadalaw
ngunit sadyang may panahong ikaw ay giniginaw
lalo't tagalungsod sa kabundukan ay naligaw

kaya bang magluto ng sinaing pag umaawit
o nagwawalis habang nagluluto ng malagkit
kaya bang magpastol ng guya na tangan ang karit
at pagsinta ng makata sa puso mo'y iukit

pana-panahon lang, dumadalaw din ang haraya
upang tanggalin ang agiw, linisin yaring diwa
at nagtotono ng kung anu-ano ang makata
upang maisatinig ng tama ang bawat katha

sinumang mananakop ay kaya nating madaig
pagkat hindi natin papayagang tayo'y malupig
lalo't bawat isa'y magtatanggol nang kapitbisig
kaya nating igpawan ang panahon ng ligalig

makata'y makalilikha panahon man ng bagyo
nagdurugo man yaring puso habang may delubyo
lalo na kung kanyang diwa'y gaya ng ipuipo
diwa't katawan ay matatag kahit binabayo

sa panahon ng tag-ani'y kaygaganda ng uhay
at panibagong yugto ang doon ay nasisilay
sa kubong payak, makata'y nagpahingang may lumbay
habang sa katabing puntod ang sinta'y nakahimlay

Nabuhay ako bagamat ako'y namatay (Tula 26) - ni Jose Marti

NABUHAY AKO BAGAMAT AKO'Y NAMATAY (Tula 26)
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Nabuhay ako bagamat ako'y namatay
Na nagpapahayag ng mahusay kong tuklas
Sapagkat kagabi'y aking naging patunay
Pagmamahal ang pinakamagandang lunas.

Kapag tinimbang sa kurus, ang isang tao
Ay resolbadong mamatay para sa wasto
Gagawin niya ang lahat ng kabutihan
At uuwing pinaliguan ng liwanag.


I Who Live Though I Have Died (Verse XXVI)
Jose Marti

I who live though I have died,
Claim a great discovery,
For last night I verified
Love is the best remedy.

When weighed by the cross, a man
Resolves to die for the right;
He does all the good he can,
And returns bathed in the light.

Dalawang bayan - ni Jose Marti

DALAWANG BAYAN
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

May dalawa akong bayan: ang Cuba't ang karimlan
O kaya pareho itong walang magandang paglisan
Araw ng kanyang kamahalang may mahabang belo
tahimik, sa kanyang kamay ay nagkatawang tao
nakita ko ang isang malungkot na biyuda
ang madugong pagkakatawang-tao'y aking talos
nanginginig ang mga kamay! Walang laman yaong
aking dibdib, na nawasak at ito'y walang laman
kung saan naroon ang puso, ito ang panahon
upang magpaalam. Ginambala nitong liwanag
ang pagsasalita ng tao. Sa pandaigdigan
ang mga lalaki'y nagsasalita ng kayhusay
Aling bandila
ang mag-aalok sa iyong lumaban, ang bolang apoy
ng may nakasinding kandila. Ang mga bintana'y
nakabukas, at kaylapit sa akin. Paglipat, umalis
bilang alapaap yaong nagkakatawang-tao
ng mga ulap sa langit. Cuba, balo, pasa


Dos Patrias
Jose Marti

Dos patrias tengo yo: Cuba y la noche.
¿O son una las dos? No bien retira
su majestad el sol, con largos velos
y un clavel en la mano, silenciosa
Cuba cual viuda triste me aparece.
¡Yo sé cuál es ese clavel sangriento
que en la mano le tiembla! Está vacío
mi pecho, destrozado está y vacío
en donde estaba el corazón. Ya es hora
de empezar a morir. La noche es buena
para decir adiós. La luz estorba
y la palabra humana. El universo
habla mejor que el hombre.
                          Cual bandera
que invita a batallar, la llama roja
de la vela flamea. Las ventanas
abro, ya estrecho en mí. Muda, rompiendo
las hojas del clavel, como una nube
que enturbia el cielo, Cuba, viuda, pasa..

Huwebes, Agosto 7, 2014

Habang tumatagas ang dugo sa Gaza

HABANG TUMATAGAS ANG DUGO SA GAZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

o, kay-agang nawala nilang mga walang malay
sumusumpa sa harap ng malamig nilang bangkay
ang maraming ina, kuya, ate, kanilang tatay
hustisya'y asam para sa kanilang nangamatay

patuloy pa roong tumatagas ang mga dugo
ilang dugo na ba ang nasakripisyo't nabubo?
ilan pa ang mamamatay, mawawasak na bungo?
paglayang nakalibing ay paano mahahango?

dugo'y tumatagas sa pinag-aagawang lupa
sa magkabilang pisngi'y nag-uunahan ang luha
lupaing yaon ba'y banal o sadyang isinumpa?
sa suliraning ito'y dapat tayong may magawa

habang mga dugo'y patuloy doong tumatagas
iba'y nakikinabang sa pagbebenta ng armas
pinagtutubuan ang digmaang di naman patas
sariling interes lang ang sa puso'y nag-aatas

dyenosidyo iyon, likha ng mga mapaniil
inahin ang dinadagit ng buwitreng may pangil
ang solusyon ba'y mata sa mata, baril sa baril?
pagtagas ng mga dugo'y kailan matitigil?

Pilipino, Palestino, karapatang pantao

PILIPINO, PALESTINO, KARAPATANG PANTAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Pilipino, Palestino, karapatang pantao
Palestino, karapatang pantao, Pilipino
karapatang pantao, Pilipino, Palestino
bawat isa'y may karapatang mabuhay sa mundo

Palestino'y dyenosidyo yaong nararanasan
sa lupang ninuno'y pinalalayas ng tuluyan
lahi nila'y inuubos, mga bata'y pinaslang!
mabuhay sa mundo'y di na ba nila karapatan?

laksang dugo ang tumagas, mga ina'y umiyak
kayraming karaniwang tao ang napapahamak
sa lupaing Palestino'y nangibabaw ang sindak
na kahit bata'y pinapaslang, bungo'y winawasak

mga taga-Israel lang ba ang anak ng Diyos?
kaya mga Palestino'y kanilang inuubos?
hindi pala makatarungan ang kanilang Diyos
kung ang iba'y winawalan ng dangal, inuubos!

iyang tao'y di kutong basta tinitiris nila
iyang tao'y di hayop na pinapatay lang basta
dapat magpahalaga sa buhay sinuman sila
at dapat kiling sa kapayapaang may hustisya

Palestino, katulad din ng mga Pilipino
nakikibaka upang kalayaan ay matamo
bawat isa’y may karapatang mabuhay sa mundo
Pilipino, Palestino, karapatang pantao

Miyerkules, Agosto 6, 2014

Pagninilay, Agosto 6, 2014

PAGNINILAY, AGOSTO 6, 2014
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

i
nais natin ay pandaigdigang pagkakaisa
at ayaw ng pandaigdigang pagsasamantala
manggagawa sa iba't ibang bansa, magkaisa
halina't palitan ang mapanupil na sistema
ii
sa anibersaryo ng pagbomba sa Hiroshima
na libu-libo’y namatay sa bomba atomika
panawagan namin, itigil na ang pambobomba
sa mamamayang Palestino sa malayong Gaza
iii
sa kintab nagniningning ang kanilang mga baril
habang pawisang obrero'y kanilang sinisiil
kailan ba lalaya sa kamay ng mga sutil
na lagi nang tangan sa kamay ay uzi at galil
iv
lupain ng Palestino'y binahiran ng dugo
kayraming inang nawalan ng anak, nasiphayo
binabayo ang dibdib ngunit hindi sumusuko
sa sinumang mapaniil ay hindi yumuyuko
v
tayong lahat ay may tungkulin sa kapayapaan
hindi tulad ng sa sementeryong katahimikan
nawa'y kapayapaang may hustisyang panlipunan
ang manaig sa mundo't sa lahat ng mamamayan

Martes, Agosto 5, 2014

Si Karl Marx, Makata

SI KARL MARX, MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

makata rin si Karl Marx, oo, makata rin siya
noong kanyang kabataan, pagtula'y hilig niya
may koleksyon ng tulang inalay sa kanyang ama
may tula rin kay Jenny na kanyang napangasawa

maindayog ang kanyang mga hikbi't talinghaga
ang nasasaloob niya'y matatanaw sa akda
sadyang may kaalaman siya sa sukat at tugma
na masisipat sa pagkaayos ng bawat tula

paglikha ng soneto'y tunay niyang kabisado
na karaniwang alay niya sa sintang totoo
may mga tulang inaawit ng limampung tao
may nobela ring marahil kinagiliwang todo

pagtula niya sapul magbinata'y paghahanda
upang kanyang panitik ay malinang sa pagkatha
ng mga sulating alay niya sa manggagawa
hanggang siya'y tanghaling tunay na henyo't dakila

Kayraming ahensya sa pabahay, kayraming walang bahay

KAYRAMING AHENSYA SA PABAHAY, KAYRAMING WALANG BAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa bansa'y kayraming ahensya sa pabahay
ngunit kayrami pang Pinoy ang walang bahay
ah, bakit ganoon, tayo'y dapat magnilay
mga ahensya ba sa masa'y anong ugnay?
paglilingkod ba nila'y gaano kahusay?

naririyan ang ahensyang H. U. D. C. C.,
nasa ilalim nito ang H. L. U. R. B.,
N. H. M. F. C., ang N. H. A., at H. G. C.,
ang H. D. M. F., at S. H. F. C. o "shapsi",
may pabahay na rin pati ang D. I. L. G.

kayrami na ring batas sa paninirahan
Abot Kaya Pabahay Fund Act ay nariyan
UDHA'y karaniwan sa dukhang mamamayan
at may Home Guaranty Act pang kasiguruhan
pati sa socialized housing, may patakaran

dapat may Local Housing Board na nakatayo
sa lungsod, munisipyo, at iba pang dako
ngunit ang batas para sa dukha'y kaylabo
bakit ang pabahay ay kaymahal, nakupo!
nakatira sa danger zone ay sinusugpo

ang pabahay sa bawat isa'y karapatan
kaya ahensya sa pabahay, nagdamihan
upang bayan daw ay kanilang paglingkuran
ngunit laganap pa rin ang katotohanang
kayrami ng iskwater sa sariling bayan

sa ilalim nga ng tulay, may nakatira
sa mga estero't ilog, naroon sila
sa tabi ng riles, tapunan ng basura
mula danger zone ay sa death zone dinadala
walang serbisyong maayos, laging gutom pa

ang pamahalaan ba ito'y natitiis?
gutóm na dukha'y nais nilang mapaalis
di para buhay umalwan, kundi matiris
ang mga iskwater kaya nagdedemolis
dukha'y parang kriminal nilang tinutugis

sa bansa'y kayraming ahensya sa pabahay
ngunit kayraming wala pang sariling bahay
sa bayan, ahensya'y naglilingkod bang tunay?
o tingin nila, negosyo itong pabahay?
at di karapata't serbisyo nilang alay?

mga kahulugan:
* HUDCC -Housing and Urban Development Coordinating Council
* NHA - National Housing Authority
* HGC - Home Guaranty Corporation
* HLURB - Housing and Land Use Regulatory Board
* NHMFC - National Home Mortgage Finance Corporation
* HDMF- Home Development Mutual Fund
* SHFC - Social Housing Finance Corporation
* DILG - Department of Interior and Local Government
* Abot Kaya Pabahay Fund Act - Social Housing Support Fund Act (RA 6846)
* UDHA - Urban Development and Housing Act - RA 7279
* Home Guaranty Act - R.A. 8763
* EO 184 – creating socialized housing one-stop processing centers
* Local Housing Board - Executive Order No. 708, Sec. 2 - PCUP

Lunes, Agosto 4, 2014

Ang makatâ - salin ng tula ni Alexander Pushkin

ANG MAKATA
tula ni Alexander Pushkin
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Bagamat hindi pa humihiling si Apollo
Ng makata sa isang sagradong sakripisyo
Sa mundong batuhan ng putik ang mga gulo
Ubod sama't walang awa niyang binalasa
Yaong banal niyang kudyaping laging payapa;
Nahihimbing ang kanyang diwa, at nanlalata
Sa gitna'y mga nuno sa mundo ng higante
Siya, marahil, ang pinakapandak na nuno.

Ngunit nang ang salita ng atas ng bathala
Sa kanyang tainga'y makarating, at listong lagi
Nagsimula na – ang puso ng makatang taal –
Tulad ng pagsisimula ng agilang gising.
Malungkot siya sa makamundong saya, tamad,
Iwas sa mga bulungang laging naglipana,
Nasa paanan ng iniidolo ng lahat
Di iniyuyukod ang ulo niyang palalo
Tumatakbo siya – yaong ilap, bagsik, gitla,
Puno ng kaguluhan, puno ng kaingayan –
Sa iniwanang katubigan ng mga pampang,
Sa kakahuyan, naglipana’t huni’y kaylakas.

* Isinalin ni Yevgeny Bonver mula sa wikang Ruso tungo sa wikang Ingles, Nobyembre, 2003


The Poet
by Alexander Pushkin

While still Apollo isn’t demanding
Bard at the sacred sacrifice,
Through troubles of the worldly muddling
He wretchedly and blindly shuffles;
His holly lyre is quite silent;
His soul’s in the sleeping, soft,
And mid the dwarves of the world-giant,
He, perhaps, is the shortest dwarf.

But when a word of god’s commands,
Touches his ear, always attentive,
It starts – the heart of the Bard native –
As a waked eagle ever starts.
He’s sad in earthly frolics, idle,
Avoids folks’ gossips, always spread,
At feet of the all-peoples’ idol
He does not bend his proud head;
He runs – the wild, severe, stunned,
Full of confusion, full of noise –
To the deserted waters’ shores,
To woods, widespread and humming loud…

O, musa ng mapula't mainit na pag-uyam - salin ng tula ni Alexander Pushkin

O, MUSA NG MAPULA'T MAINIT NA PAG-UYAM
tula ni Alexander Pushkin
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

O, musa ng mapula't mainit na pag-uyam
Lumitaw ka sa agaran kong pambibighani
Di ko kailangan ang garalgal ng kudyapi
Latigo ni Juvenal ay ibigay sa akin!
Hindi sa mga tagasaling sukdol ang lamig,
O sa mga manggagayang payat at matapang,
Hindi sa mga tupang lumilikha ng tugma,
Kasabihang panata’y aking ipadadala!
Kapayapaan mo'y damhin, o, makata't sawi,
Ang mga aliping dungo sa pagkapahiya!
Ngunit kayong 'mabubuti', kayong palamara --
Hakbang pasulong!! Lahat ng bantay ng lapian
Ay hahatulan ko sa tulos ng kahihiyan,
At kung sakaling malimutan ko ang pangalan
Ng sinuman, mangyaring ako'y pakitulungan!
Kayraming mukha, mga mapuputla't magaspang
Kayraming noo, malalapad at tila tanso
Nakahanda silang tanggapin mula sa akin
Ang tatak, iyon nga kung mayroon ngang ganoon.

* Isinalin ni Yevgeny Bonver mula sa wikang Ruso tungo sa wikang Ingles, Disyembre, 1999


Oh, Muse of the Red-Hot Satire
by Alexander Pushkin

Oh, Muse of the red-hot satire,
Appear at my urgent spell:
I've no need for rattling lyre,
Give me the whip of Juvenal!
Not to translators ever cold,
Or imitators gaunt and bold,
Not to the lambs, who make the rhymes,
I'll send the pledge of epigrams!
Enjoy your peace, oh, bard, despondent,
The journal's creature-correspondent,
The dull humiliated slaves!
But you, 'good' fellows, you, knaves --
Step forward! All your blackguards' party
I'll sentence to the stake of shame,
And, if I will forget the name
Of somebody, please help me smartly!
A lot of faces, pale and sassy,
A lot of brows, wide and brassy,
Are ready to receive from me
The brand, that ever must there be.

Linggo, Agosto 3, 2014

Alexander Pushkin, makatang Ruso sa Maynila

ALEXANDER PUSHKIN, MAKATANG RUSO SA MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang makatang si Pushkin, sa Maynila bumabâ
di ang anyong pisikal kundi kanyang gunitâ
bantayog ay naroon sapagkat ito'y tandâ
na Rusya't Pilipinas, magkaibigang bansâ

batikang manunulat si Alexander Pushkin
nobelistang maykatha nitong Eugene Onegin
Boris Godunov, Ruslan, tula't ibang sulatin
ay babasahing tiyak sa diwa nitong angkin

kinatha'y sari-sari, nagsabog ng liwanag
sa panitikan siya'y sadyang di matitinag
mga akdang may sinag tayong mababanaag
tula'y nagpapaningnging sa pagsintang kayrilag

nobelistang animo'y tandang kapag tumindig
ang mga katha'y punglong hindi matitigatig
ibang uring makatâ, di basta palulupig
ang tari'y pluma't baril na pawang magkasandig

dalawampu't siyam na duwelo'y nilabanan
di iyon balagtasan o anumang tulaan
nang baril na't di pluma ang kanyang tinanganan
punglo, di tula, yaong naghatid sa libingan

si Alexander Pushkin, pangunahing makatâ
sa Rusya'y itinuring na makatang pambansâ
sa daigdig, idolong dinarakilang sadyâ
wala ngang kamatayan ang ngalan niya't kathâ

Pasakit ang dilaw na kurus

PASAKIT ANG DILAW NA KURUS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dilawan ay kinilalang ang masa ang kanyang Boss
na panata'y pag-unlad mula sa paghihikahos
ngunit Boss pala'y kapitalistang mapambusabos
kontraktwalisasyon sa manggagawa'y nilulubos
tahanan ng maralitang lungsod ay inuubos
pasakit nga sa taumbayan ang dilaw na kurus

maraming batas ang iniikot, dinidistrungka
maraming butas ang lumapat sa mga programa
na labag sa Konstitusyon, anang Korte Suprema
yaong mga dilawan, namumutla, namumula
bakit biglang labag sa batas ang ginawa nila
mga laso'y muling nauso, dilaw, itim, pula

dilaw na parol ang inaasam ng taumbayan
na tanda ng pagtakas sa kanilang karukhaan
subalit dilaw na kurus ang hadlang at nakamtan
di pala maaasahang tunay iyang dilawan
pagkat sa uring kapitalista nangangamuhan
kauri nilang elitista'y pinaglilingkuran

ang dilaw na kurus sa taumbayan nga'y pasakit
sadyang di Boss ng dilawan ang masang nagigipit
dilawang agila'y iniwan na ang masang pipit
pag-unlad na pangako'y tuluyang ipinagkait
sinumang kawatan sa pugad ay dapat mapiit
o hihintayin pang ang masa'y tuluyang magalit?

Sabado, Agosto 2, 2014

Awit kay Bolivar - salin ng tula ni Pablo Neruda

AWIT KAY BOLIVAR
tula ni Pablo Neruda
salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ama Namin, sumasalangit ka,
sa tubig, sa hangin
sa lahat ng aming tahimik at malawak na agwat
lahat ay nagtataglay ng iyong ngalan, 
Ama sa aming tahanan:
ang ngalan mo'y nagpapatamis sa tubó
ang lata ni Bolivar ay may ningning ni Bolivar
lumilipad ang ibong Bolivar sa ibabaw ng bulkang Bolivar
ang patatas, ang salitre, ang mga aninong natatangi,
ang mga batis, ang mga ugat ng batong siklaban
ang lahat ay nagmula sa iyong pinuksang buhay
pamana mo ang mga ilog, kapatagan, batingaw sa moog
pamana mo ang aming kinakain sa araw-araw, O, Ama.


CHANT TO BOLIVAR
a poem by Pablo Neruda

Our Father thou art in Heaven,
in water, in air
in all our silent and broad latitude
everything bears your name,
Father in our dwelling:
your name raises sweetness in sugar cane
Bolivar tin has a Bolivar gleam
the Bolívar bird flies over the Bolivar volcano
the potato, the saltpeter, the special shadows,
the brooks, the phosphorous stone veins
everything comes from your extinguished life
your legacy was rivers, plains, bell towers
your legacy is our daily bread, oh Father.

Biyernes, Agosto 1, 2014

Sa iyong kamatayan, Ka Pablo Neruda

SA IYONG KAMATAYAN, KA PABLO NERUDA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilang araw matapos ang kudeta ni Pinochet
noong ikaw ay pumanaw sa panahon ng lupit
ikaw ba'y talagang namatay sa kanser mong sakit?
o kaaway mo'y pinaslang ka sa matinding galit?

apatnapung taon nang ikaw sa mundo'y lumisan
nang binulgar ng tsuper mo ang nangyaring pagpaslang
kaylaki ng iyong pamanang sa mundo'y iniwan
kaya pagpaslang sa iyo'y walang kapatawaran

nakabibigla, ito nga'y malaking kontrobersya
hanggang hinukay ang iyong labi, inawtopsiya
anang pamahalaan, di ka pinaslang, Neruda
labi'y walang bakas ng lason, ayon sa kanila

mabuhay ka at ang iyong pamana sa daigdig
tula mo'y patuloy na babasahin, maririnig

* Si Ka Pablo Neruda (Hulyo 12, 1904 - Setyembre 23, 1973) ay makata ng Chile, kasapi ng Partido Komunista ng Chile. Ginawaran siya ng Lenin Peace Prize noong 1953, at nakamit niya ang Nobel Prize for Literature noong 1971.