KAYRAMING AHENSYA SA PABAHAY, KAYRAMING WALANG BAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
sa bansa'y kayraming ahensya sa pabahay
ngunit kayrami pang Pinoy ang walang bahay
ah, bakit ganoon, tayo'y dapat magnilay
mga ahensya ba sa masa'y anong ugnay?
paglilingkod ba nila'y gaano kahusay?
naririyan ang ahensyang H. U. D. C. C.,
nasa ilalim nito ang H. L. U. R. B.,
N. H. M. F. C., ang N. H. A., at H. G. C.,
ang H. D. M. F., at S. H. F. C. o "shapsi",
may pabahay na rin pati ang D. I. L. G.
kayrami na ring batas sa paninirahan
Abot Kaya Pabahay Fund Act ay nariyan
UDHA'y karaniwan sa dukhang mamamayan
at may Home Guaranty Act pang kasiguruhan
pati sa socialized housing, may patakaran
dapat may Local Housing Board na nakatayo
sa lungsod, munisipyo, at iba pang dako
ngunit ang batas para sa dukha'y kaylabo
bakit ang pabahay ay kaymahal, nakupo!
nakatira sa danger zone ay sinusugpo
ang pabahay sa bawat isa'y karapatan
kaya ahensya sa pabahay, nagdamihan
upang bayan daw ay kanilang paglingkuran
ngunit laganap pa rin ang katotohanang
kayrami ng iskwater sa sariling bayan
sa ilalim nga ng tulay, may nakatira
sa mga estero't ilog, naroon sila
sa tabi ng riles, tapunan ng basura
mula danger zone ay sa death zone dinadala
walang serbisyong maayos, laging gutom pa
ang pamahalaan ba ito'y natitiis?
gutóm na dukha'y nais nilang mapaalis
di para buhay umalwan, kundi matiris
ang mga iskwater kaya nagdedemolis
dukha'y parang kriminal nilang tinutugis
sa bansa'y kayraming ahensya sa pabahay
ngunit kayraming wala pang sariling bahay
sa bayan, ahensya'y naglilingkod bang tunay?
o tingin nila, negosyo itong pabahay?
at di karapata't serbisyo nilang alay?
mga kahulugan:
* HUDCC -Housing and Urban Development Coordinating Council
* NHA - National Housing Authority
* HGC - Home Guaranty Corporation
* HLURB - Housing and Land Use Regulatory Board
* NHMFC - National Home Mortgage Finance Corporation
* HDMF- Home Development Mutual Fund
* SHFC - Social Housing Finance Corporation
* DILG - Department of Interior and Local Government
* Abot Kaya Pabahay Fund Act - Social Housing Support Fund Act (RA 6846)
* UDHA - Urban Development and Housing Act - RA 7279
* Home Guaranty Act - R.A. 8763
* EO 184 – creating socialized housing one-stop processing centers
* Local Housing Board - Executive Order No. 708, Sec. 2 - PCUP
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento