Miyerkules, Agosto 6, 2014

Pagninilay, Agosto 6, 2014

PAGNINILAY, AGOSTO 6, 2014
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

i
nais natin ay pandaigdigang pagkakaisa
at ayaw ng pandaigdigang pagsasamantala
manggagawa sa iba't ibang bansa, magkaisa
halina't palitan ang mapanupil na sistema
ii
sa anibersaryo ng pagbomba sa Hiroshima
na libu-libo’y namatay sa bomba atomika
panawagan namin, itigil na ang pambobomba
sa mamamayang Palestino sa malayong Gaza
iii
sa kintab nagniningning ang kanilang mga baril
habang pawisang obrero'y kanilang sinisiil
kailan ba lalaya sa kamay ng mga sutil
na lagi nang tangan sa kamay ay uzi at galil
iv
lupain ng Palestino'y binahiran ng dugo
kayraming inang nawalan ng anak, nasiphayo
binabayo ang dibdib ngunit hindi sumusuko
sa sinumang mapaniil ay hindi yumuyuko
v
tayong lahat ay may tungkulin sa kapayapaan
hindi tulad ng sa sementeryong katahimikan
nawa'y kapayapaang may hustisyang panlipunan
ang manaig sa mundo't sa lahat ng mamamayan

Walang komento: