Biyernes, Setyembre 28, 2012

Tuloy ang Laban para sa Demokrasya sa Burma


TULOY ANG LABAN PARA SA DEMOKRASYA SA BURMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di pa tapos ang ating laban, mga kasama
di pa nakamtan yaong asam na demokrasya
tuloy ang laban natin sa paglaya ng Burma
pagkat tayong narito'y internasyunalista

sinong magtutulungan kundi tayo ngang tibak
kasama ang obrero't ang masang hinahamak
dinilig na ng dugo ang maraming pinitak
baguhin ang sistema't mapang-api'y ibagsak

halikayo, kasama, kumilos tayong sabay
organisahin pati mga anak ng lumbay
pagkat ang pagbabago'y di natin maaantay
ikampanya ang tama't lipunang pantay-pantay

di pa tapos ang laban natin, mga kasama
tuloy ang ating laban sa paglaya ng Burma

- Setyembre 27, 2012, sa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Lungsod Quezon

Pagbabalik sa Bayang Sarili


PAGBABALIK SA BAYANG SARILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ngayong nakabalik na sa sariling bayan
lilimutin ba ang nagdaang karanasan?
mababalewala ba yaong natutunan?
o nag-aalab pa ang diwa't kalooban?
upang tulad ni Che Guevara'y ipaglaban
ang kaytagal nang ninanasang kalayaan

aba'y hindi po titigil ang inyong lingkod
na magrebolusyon ay ikinalulugod
dito sa bansa'y di lang kami manonood
paglaya ng Burma'y aming itataguyod
ngunit masa niya mismo'y dapat kumayod
upang diktadurya'y kanilang mapaluhod

kaysarap mang bumalik sa bayang sarili
ngunit bilang tibak dapat kaming magsilbi
sa ngayon, makikibaka't kikilos kami
upang bukas ay wakasan ang mga imbi
lalo ang sistemang sa masa'y bumibigti
sa Burma't Pilipinas man, narito kami

tuloy ang laban, puno man ng sakripisyo
saanman maparoon ay kikilos tayo
ibagsak ang diktadurya't mga berdugo
ilagay sa pedestal ang masa't obrero
na pawang lumikha ng ekonomya't mundo
tuloy ang pakikibaka, mabuhay kayo!

- Setyembre 27, 2012, sa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Lungsod Quezon

Salamat, Mga Kasama

SALAMAT, MGA KASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matapos ang unos, tanaw mo'y bahaghari
na sa duluhan nito'y mayroon daw gusi
laman daw ay gintong magaganda ang uri
na di basta-basta makukuhang kaydali

tulad din ng mga Pinoy na nakasama
mga bagong kasamang ginto ang kagaya
doon sa Mae Sot, nagtulungan sa tuwina
habang nakiisa sa mga taga-Burma

turing sa isa't isa'y tila magkapatid
salamat sa inyo, Jehhan, Raniel, Sigrid
pagsasamahan nati'y di dapat mapatid
taas-noong pagpupugay ang aking hatid

maaring di sapat ang salitang "Salamat!"
ngunit dapat bigkasin kahit sa panulat
tandang minsan man, nagkasama tayong apat
doon sa Mae Sot upang sa iba'y magmulat

mahalagang unawain natin ang Burma
habang sa Pilipinas ay nakikibaka
mabuhay kayo’t salamat, mga kasama
salamat sa karanasan at alaala

- Setyembre 27, 2012, sa NAIA 2

Paglisan sa Bangkok


PAGLISAN SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lumisan kaming Bangkok, taglay ang pag-asa

na kahit paano'y may natutunan sila

sa amin at kami'y natuto sa kanila

pag-asang patuloy yaong pakikibaka

upang lumaya sa pagkaapi ang masa

upang tuluyang bumagsak ang diktadura

upang mapalitan ang bulok na sistema

upang maitayo na ang malayang Burma

- Setyembre 27, 2012, sakay ng PR 753 mula sa Suvarnabhumi International Airport, Bangkok, umaga

Huwebes, Setyembre 27, 2012

Tim Yam Goong


TIM YAM GOONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

masarap ang katawan, ang ulo'y tinatapon
ganyan lang pag kainin ang masarap na hipon
lumulutang sa sabaw ang inulam ko ngayon
maanghang man subalit malasa ang tim yam goong

limang uri ng ulam yaong aming kinuha
pinili ko'y tim yam goong pagkat baka malasa
ingles ang nasa menu't iyon lang ang naiba
sa litrato pa lamang ay katakam-takam na

yaong mga kasama'y umiwas na sa anghang
na sa Mae Sot ay laging panlasa sa kainan
ngunit ako sa anghang ay walang pakialam
anumang lasa'y kain pagkat hipon ang ulam

kaysarap din ng sabaw na halos maubos ko
ang katwiran ko lamang, minsan lang naman ito
at pagbalik sa bansa, sa utak ko'y plinano
susubukang magluto ng tim yam goong na ito

- sa kainang The Hub, Khao San Road, sa Bangkok, gabi ng Setyembre 26, 2012

* ang goong ay binibigkas ng isang pantig, o "gung" (tim yam gung)

Paglilimayon sa Khao San Road


PAGLILIMAYON SA KHAO SAN ROAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pagkagising, dama’y gutom, nagkayayaan
kumain muna’t maglibot sa daang Khao San

nananghalian sa McDo, tabi ng otel
ang large na Coke, halos kalahati ng pitsel

manok ngang doon, sa karaniwa’y malaki
pati na ang kanin nila’y sadyang kayrami

tinalunton namin ang maraming tindahan
sinuot ang mga eskinita’t lansangan

nagbasa-basa sa Book Sale ng tindang libro
mga kasama’y namili ng panregalo

Mae Sot, Burma, Bangkok, Khao San, isang gunita
na lamang ba’t babalikan na lang ng diwa?

mga karanasan itong nagbigay-buhay
para sa adhikaing nagbibigay-kulay

tungo sa pagbabago’t paglayang hangarin
na ngayo’y iniingatan sa puso namin

di sapat ang ilang araw na pagmamasid
upang makitang lahat tayo’y magkapatid

na nagnanais ng tunay na demokrasya
at pagbabago nitong bulok na sistema

- Bangkok, Setyembre 26, 2012

Di Sapat ang Demokrasya


DI SAPAT ANG DEMOKRASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

habang nasa otel at sa aircon ay nanginginig
napapaisip ako kung ano ang tamang tindig
sapat ba yaong demokrasya sa Burma'y makamtan?
pangulo'y mapalitan, gubyerno'y maging sibilyan?
di sapat ang mga ito, usal ko sa sarili
ngunit hakbang ito sa kanilang pagsasarili
dapat ang masa'y magkaisang bunutin ang tinik
upang unti-unti yaong demokrasya'y magbalik
may demokrasya kapalit ng bulok na sistema
may demokrasya ito ma'y lipunang sosyalista
demokrasya'y pag-iral sa madla ng kalayaan
kapitalismo't sosyalismo'y uri ng lipunan
demokrasya'y pamamaraan ng pamamahala
sa sosyalismo'y manggagawa ang mamamahala
kaya't sa pakikibaka'y ating pakaisipin
ang bawat pakikibaka ba'y ano ang tunguhin
demokrasya'y unang hakbang lamang, mga kasama
mahalaga'y paano babaguhin ang sistema
mas mahalaga'y anong lipunan ang itatayo
na obrero't di elitista yaong mamumuno

- sa Rm. 414 ng Khao San Palace Inn sa Khao San Road sa Bangkok, Setyembre 26, 2012

Miyerkules, Setyembre 26, 2012

Pagmasid sa mga Bituin

PAGMASID SA MGA BITUIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang Mae Sot nga ba’y isa na lang alaala
tulad ng dalagang sinuyo ko’t sininta
aking minahal sa sandaling pagbisita
ngayon gunita na lang yaong ngiti niya

habang nililisan ko siya’y minamasdan
kumikislap ang bituin sa kalangitan
tila may tanong itong sa diwa’y iniwan:
ako kaya sa Mae Sot ay may babalikan?

pakiramdam ko’y tila kayhaba ng gabi
dumuduyan sa pangarap ang guniguni
tila ayaw ko munang bumalik sa dati
habang masid ang bituin sa pagmumuni

sampung araw sa Mae Sot ay sadyang di sapat
mata ko’y bahagya ko pa lang namumulat
gayunman, may bagong pahinang masusulat
prinsipyo’t karanasang maisasaaklat

mga bituin ay ating muling pagmasdan
tila nagsasayaw sila sa kalangitan
ipinagdiriwang ang bagong karanasan
na maiuuwi sa nakagisnang bayan

isang tagumpay ang nangyaring paglalakbay
bagamat may ilang ang puso’y nangalumbay
sa paghihiwalay, may mga nagsisikhay
upang paglayang asam ay matamong tunay

- sa loob ng bus mula Mae Sot patungong Bangkok, Setyembre 25, 2012

Paalam, Mae Sot


PAALAM, MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sana'y patuloy na dumatal ang bukangliwayway
sa iyong kandungan at sa mga anak mong tunay
pati sa mga dayong pansamantalang dumantay
sa iyo, nawa pagkatao nila'y di maluray
ng sistemang kaylupit na paglaya'y pinapatay

kung sakaling sa iyo'y dumatal ang takipsilim
at masaksihan ang sistemang karima-rimarim
magpakatatag ka, O, Mae Sot, bagang mo'y itiim
sa pagharap sa delubyo't karahasang kaylagim
magbubukangliwayway din, laya mo'y masisimsim

pinaraya mo sa kandungan yaong nagsilikas
sa katabing bayang puno ng sakripisyo't dahas
pakiramdam ko ang paglaya nila'y isang atas
sa mga mamamayang nais ng lipunang patas
dapat sistemang mapang-api'y tuluyang mautas

paalam, Mae Sot, ako'y aalis pansamantala
ngunit di ka mawawaglit sa aking alaala
di ko alam kung sa kandungan mo'y makabalik pa
ngunit sa panulat, isa kang bayani't pag-asa
huwag mo sanang pabayaan silang taga-Burma

- sa himpilan ng bus sa Mae Sot, Setyembre 25, 2012

Sa Diwa ng Internasyunalismo


SA DIWA NG INTERNASYUNALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ika nga nila, lahat ng bagay ay magkaugnay
kaya internasyunalismo'y aking naninilay
magkaugnay bawat bayang api ang kalagayan
biktima ng bulok na sistema sa daigdigan
ang masa'y nagugutom, elitista'y naghahari
ang nasa tuktok ang sa masa'y yumurak ng puri
di sapat maging mabait at loob ay baguhin
dapat sistemang mapang-api'y palitan na natin
daigdigan ang pagsasamantala sa obrero
daigdigan ang pagkaapi ng masa sa mundo
pagkat magkakaugnay ang lahat ng kalagayan
pagkat kapitalismo ang sistemang daigdigan
marapat lang pairali'y internasyunalismo
magkakaibang bansa man ay magtulungan tayo
kaya dapat lang baklasin ang lahat ng balakid
mga api sa mundo'y tunay na magkakapatid
diwa ng internasyunalismo'y ating yakapin
internasyunalismo'y dapat nating pairalin
mga kapatid at kapwa internasyunalista
halina't baguhing sabay ang bulok na sistema

- Setyembre 25, 2012, Mae Sot

Jeyzube


JEYZUBE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

salamat sa inyo, mga kasama
salamat tayo'y nagkasama-sama
salamat at tayo'y nagkakaisa
na dapat baguhin na ang sistema
at tuluyang mapalaya ang Burma

sa bawat karanasan ay may aral
na sa diwa't puso na'y nakakintal
ang lumaban sa paglaya'y marangal
ibagsak na ang diktaduryang hangal
at ang masa'y ilagay sa pedestal

jeyzube sa inyo, mga kasama
jeyzube tayo'y nagkasama-sama
jeyzube at tayo'y nagkakaisa
na tuluyang palayain ang Burma
sa pagdagit ng mapagsamantala

kasama ninyo kami sa paglaban
dahil laban ninyo'y pandaigdigan
bawat bansa'y dapat lang magtulungan
nang wala nang bayang api-apihan
at laging pinagsasamantalahan

jeyzube, salamat sa pagkalinga
habang tayo nga'y nasa ibang bansa
tayo ngayo'y nagkakaisang diwa
lalabanan ang daratal na sigwa
tutunguhi'y kandungan ng paglaya

- Mae Sot, Setyembre 25, 2012

Pananaw sa Banlik ng Panatag


PANANAW SA BANLIK NG PANATAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

taga-Burma'y nagtanong habang kami'y kumakain
tindig ko sa Scarborough shoal, sa aki'y tinanong
dahil Tsina't Pilipinas dito'y nais umangkin
lalaban ba tayo o sa isyung ito'y uurong

Scarborough shoal, Hwangyin Island, Banlik ng Panatag
Panatag shoal ba'y kanino't dahilan ng alitan
kasundaluhan ng bawat bansa'y pinatatatag
at sa karagatan sila'y tila naggigirian

bakit pagresolba nito'y dadaanin sa digma
ang pagpapatayan ba sa isyu'y makalulutas
maaari namang mag-usap ang dalawang bansa
kaysa digmaang kayrami tiyak ang mauutas

dapat banlik na ito'y sabay nilang paunlarin
Tsina't Pilipinas ay magkayakap mangasiwa
pagkat walang sinumang sa banlik dapat mag-angkin
ang tama'y pagtulungan ito ng dalawang bansa

biktima lang ng digmaa'y obrero't masang hirap
payapang usapan dapat sa Banlik ng Panatag
sa isyung ito'y walang digmaang dapat maganap
iyan ang aking tindig sa usaping inihapag

- sa isang kainan sa aming huling gabi sa Mae Sot, Setyembre 25, 2012

Huling Hapunan sa Mae Sot


HULING HAPUNAN SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagkita-kita kami sa isang restawran
nagtambak ang pagkain, alak at pulutan
sa Mae Sot, ito ang huli naming hapunan
sapagkat uuwi na sa sariling bayan

ah, kaysarap gunitain ng sampung araw
ng paglagi roon, laya'y di pa matanaw
ng mga kasamang ang bansa'y nauuhaw
sa layang pangarap na sa puso'y pumukaw

huling hapunan lang sa Mae Sot ngayong taon
dahil maaaring magbalik kami roon
di pa nakamtan ang paglayang nilalayon
na maaring kamtin sa isang rebolusyon

bago lisanin ang Mae Sot upang maglakbay
mga taga-Burma'y may regalong binigay
nag-iwan ng mumunting alaalang tunay
habang paalala nila'y aming tinaglay

salamat sa patuloy na pakikibaka
patuloy kaming sa inyo'y makikiisa
taas kamaong pagbati, mga kasama
tayo'y lumaban hanggang lumaya ang Burma

- sa isang restawran sa Mae Sot, Setyembre 25, 2012

Bahaginan ng Karanasan at mga Aral


BAHAGINAN NG KARANASAN AT MGA ARAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

anong ibig sabihin ng diktadura sa masa
nawalan ng maayos na bukas yaong pamilya
nawalan ng kalayaan at buhay na masaya
marami nang nawalang mga taon sa kanila
maysala ba'y diktadurya o bulok na sistema?

kulang yaong sampung araw na pagtigil sa Mae Sot
upang maunawaang lubos ang lahat ng gusot
gayunman, maraming aral sa puso'y nagpakirot
nakasalamuha't karanasa'y di malilimot
sa aral, matingkad na ang laya'y dapat maabot

nagpatingkaran ng mga ideyang sosyalista
paano ibabagsak iyang bulok na sistema
paano dudurugin ng bayan ang diktadura
paano naman ang tamang pamumuno sa masa
isang aral dito'y maging internasyunalista

ah, maraming salamat sa aral at karanasan
pinatibay nito ang ating mga kalooban
pinatitigas nito ang ating paninindigan
hinihikayat tayong laya'y kamtin at lumaban
salamat sa talakayang kaysarap malasahan

- sa tanggapan ng DPNS, pagtatasa ng apat na Pilipino at pamunuan ng DPNS, hapon ng Setyembre 25, 2012

Hinggil sa Wika't Pagsasalin


HINGGIL SA WIKA’T PAGSASALIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

marunong mag-Ingles ang mga taga-Burma
kaya di ako hirap maunawa sila
ngunit nang mag-ulat ako'y isinalin pa
ng lider yaong sinabi ko sa kanila

sa talastasan, anong wikang gagamitin
pagkat maraming wika sa daigdig natin
kapwa nati'y paano ba uunawain
kung di alam ang wika ng kakausapin

sa buhay na ito'y mahalaga ang wika
upang ang ating kapwa'y agad maunawa
di sapat ang aksyon, galaw ng kamay, gawa
dapat wika'y alam nang matalos ang diwa

kaya di sapat alam lang ay wikang Ingles
dapat maunawaan din ang wikang Burmes
pag unawa mo ang wika, ramdam mo'y tamis
at sa pag-intindi'y di ka na maiinis

kung iyong di alam paano sasabihin
maghanap ng maalam upang maisalin
sa ibang wika iyang diwa mo't naisin
sa pagsasalin, mauunawa na natin

kaalaman sa wika'y sadyang mahalaga
lalo na sa ating laya ang ninanasa
kaya pag nag-usap ng ideolohiya
magkakaunawaan bawat aktibista

- Setyembre 25, 2012, sa tanggapan ng YCOWA, umaga, matapos mag-ulat hinggil sa sampung araw na inilagi sa Mae Sot

Pagtatasa at Pagbabahagi


PAGTATASA AT PAGBABAHAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

umagang-umaga’y hinanda ang sarili
at ngayon ngang umaga sila'y naging saksi
sa mga pagninilay ko't pagkaintindi
sa aking paglagi sa kanilang kandili

may powerpoint akong gawa't pinagpuyatan
inilatag ang aking mga nasaksihan
inihapag ko kung ano ang natutunan
tinasa ko ang sarili't nagbahaginan

pagkat ito ang huling araw ko sa Mae Sot
anong pagninilay ko sa pagkapalaot
pakikisalamuha nami't pag-iikot
lilisanin ba iyong sakbibi ng lungkot

nakaraang mga araw dito'y tinasa
naunawaan ko ba ang pakikibaka
at sakripisyo nilang mga taga-Burma
upang kamtin nila ang asam na hustisya

lahat ay nakatingin, ako'y kinakapa
mga sinabi ko'y tila inuunawa
ngunit nagkakaisa kami ng adhika
lalanguyin namin ang laot ng paglaya

sa huling araw ko sa Yaung Chi Oo, salamat
ang aking binigkas, kanilang nadalumat
na ang sampung araw ko doon ay di sapat
gayunpaman, salamat, salamat sa lahat

- sa tanggapan ngYaung Chi Oo, Setyembre 25, 2012; bago umalis ay naghandog sila ng isang regalong nakabalot, na naglalaman ng isang pulang telang pansabit sa dingding at may larawan ni Daw Aung San Suu Kyi, na ang nakasulat: "There will be change because all the military have are 

Martes, Setyembre 25, 2012

Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa

MANGGAGAWA SA LAHAT NG BANSA, MAGKAISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ikaw man ay Pilipinong manggagawang migrante
ikaw man ay taga-Burma't obrerong sinalbahe
lahat tayo'y kapwa sa elitista nagsisilbi
naglilingkod kayo sa amo, ganoon din kami
noong primitibo komunal, tayo'y mapayapa
nagsasalu-salo't magkakapantay sa paggawa
sa lipunang alipin, nilatigo't inandukha
pagkatao nati'y hinamak at inalimura
sa lipunang pyudal, tayo sa lupa'y itinali
ang panginoong maylupa ang among naghahari
ang lipunang kapitalismo'y yumurak sa puri
ng mga manggagawang walang mga pag-aari
kundi tanging yaon lang kanilang lakas-paggawa
ngunit kapitalista'y di nagbabayad ng tama
mapagsamantalang sistemang ito'y lumulubha
sa buong daigdig, manggagawa'y kinakawawa
manggagawa, wala kang bansa, magkaisa tayo
sa daigdig, kapatid mo ang lahat ng obrero
magkapitbisig at ibagsak ang kapitalismo
wakasan ang luma't itindig ang lipunang bago

- Setyembre 24, 2012, sa upuan sa ikatlong palapag, YCOWA

Inspirasyon ang YCOWA


INSPIRASYON ANG YCOWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

napanood namin ang bidyo ng Yaung Chi Oo
nakapagpapasigla ang pinakita dito
ang pagtulong nila sa inaping obrero
ang pag-iimbestiga nila ng mga kaso
laban ng obrero'y kanilang pinanalo

ang di ginawa ng iba'y ginawa nila
tangan yaong prinsipyong tulungan ang kapwa
may bahay-tuluyang pinatitira muna
ang mga obrerong tinanggal, may problema
matuwid ang direksyon ng gawain nila

ang pagtulong sa mga obrerong migrante
laban sa mga kapitalistang salbahe
ang sa migrante'y pagkalinga't pagsisilbi
ang kanilang edukasyon, mga komite
inspirasyon sila’t dapat ipagmalaki

ilang araw akong sa kanila'y nanahan
kayraming usapan hinggil sa karapatan
ang magagandang ideya'y nagsusulputan
ang Yaung Chi Oo ay ehemplo ng sambayanan
sila'y marapat lang inspirasyon ng bayan

- Setyembre 24, 2012, sa upuan sa ikatlong palapag, YCOWA

Sampung Araw ay Di Kawalan


SAMPUNG ARAW AY DI KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sampung araw sa Mae Sot ay  isa nang yaman
nagbigay ng di matawarang karanasan
nag-alay ng di matingkalang kaalaman
nagdulot ng matibay na paninindigan
upang yaong naghahangad ng kalayaan
ay matulungang ganap sa puso’t isipan
sampung araw lang dito, ngunit di kawalan
nadanas dito’y dala sa kaibuturan
kaya salamat, salamat sa karanasan

- Setyembre 24, 2012, higaan sa ikatlong palapag, YCOWA

Huling Gabi sa Yaung Chi Oo


HULING GABI SA YAUNG CHI OO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mahaba ang magdamag, bukas ay magtatalakay
anong napala sa sampung araw na paglalakbay
kailangan kong gumawa ngayong gabi ng gabay
kung ang naganap ba ng sampung araw ay tagumpay

ako’y di mapakali sa huli kong gabi roon
paano nga bang taga-Burma’y magrerebolusyon
tulad ko ba’y Che Guevarang sosyalismo ang layon
akong sa mga tibak ng Burma’y nasang tumulong

hanggang bansa nila’y tuluyang lumaya sa hawla
ng kahirapan, bulok na sistema’t diktadurya
sampung araw sa Mae Sot at isang oras sa Burma
ah, di ito sapat, kailangan kong magtagal pa

gayunman, aral at karanasang dito’y napulot
ay di masasayang, tanikala’y dapat malagot
upang paglaya ng Burma sa bayan ay magdulot
ng payapang bansa, habang  sa diktadurya’y poot

- Setyembre 24, 2012, higaan sa ikatlong palapag, YCOWA

Karapatan ng Migranteng Manggagawa

KARAPATAN NG MIGRANTENG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di ko inaasahang ako'y magtuturo
mabuti't saulado ko ang sasabihin
nang tinawag ako'y di ko sila binigo
sa karapatan nila'y nagbigay-aralin

karapatan ng manggagawang irespeto
at matanggap ang nakabubuhay na sahod
huwag yurakan ang kanilang pagkatao
at sa amo'y di sila dapat magsiluhod

tinalakay ko ang naganap sa Haymarket
na nagwelga't namatayan ng manggagawa
ngunit nagtagumpay sila sa iginiit
naipanalo'y walong oras na paggawa

sumigla ang mga manggagawang migrante
sa kasaysayan ng ganitong pagpanalo
ang paglaban daw pala'y mayroon ding silbi
kaya loob nila'y lumakas ngang totoo

karapatan ng migrante'y may kasunduan
sa pagitan niyong nagkakaisang bansa
basahing maigi ang nakasulat diyan
nang maipaglaban ang kapwa manggagawa

dapat nilang malaman ang mga usapin
upang karapata'y maipagtanggol nila
pag may alam sila'y baka di na gipitin
ngunit ingat, tuso iyang kapitalista

- matapos magtalakay sa mga manggagawang Burmes ng Labor Rights sa tanggapan ng DPNS, Setyembre 24, 2012

Indayog ng mga Pangarap

INDAYOG NG MGA PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matapos makapanggaling sa Payatas sa Mae Sot
na aming nilakad ng mga kasama't nilibot
gutom ay naramdaman, uhaw yaong naidulot
dahil tanghali na, sa restawran kami umabot
habang kumakain, pakiramdam ko'y nanlalambot

habang nasa hapag at kami'y nagkakatuwaan
di naiiwasan ang patuloy na talakayan
palibhasa'y nasa Mae Sot ng sampung araw lamang
kaya sa bawat sandali, kami'y nagkukwentuhan
at ganito humigit-kumulang yaong usapan:

maraming salamat, mga kasama, sa pagtanggap
patuloy kitang kumilos nang laya'y mahagilap
walang sinumang kay Kalayaa'y makahahanap
kundi yaong kumikilos na siya ang pangarap
Kalayaan, sa ami'y huwag kang maging mailap

kayrami nilang lumisan sa bansa nilang Burma
sa Mae Sot ay nanirahan silang pansamantala
dahil sa layang asam, sila'y naging aktibista
nakibaka, kumilos, nangangarap, umaasa
tulad din ng mga Pinoy noon laban sa diktadura

pagkatapos kumain, pakiramdam nami'y busog
di lang sa pagkain kundi sa ideyang malusog
sisikatan din ang masa ng araw na matayog
habang sa diktadura, ang araw nila'y lulubog
sadyang pangarap ng bawat isa'y umiindayog

- sa isang kainan malapit sa tanggapan ng DPNS, Setyembre 24, 2012; matapos ang kainan ay tumuloy kami sa tanggapan ng DPNS dahil may mga naghihintay na migranteng manggagawa sa amin

Ang Payatas sa Mae Sot


ANG PAYATAS SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

marami ring nangangalaykay ng basura
nagbabakasakaling maraming makuha
silang may pakinabang at maibebenta
nang malamnan naman ang kanilang sikmura

para ba itong isang Payatas sa Mae Sot
kayrami ring dukhang kung anu-ano'y dampot
kalagayan nila sa puso'y kumukurot
ngunit maayos doon pagkat di mabantot

di ito tulad sa Payatas na totoo
pagkat kaytatayog, tambak-tambak pa ito
di ba't nagkatrahedya't daan-daang tao
ang nalibing sa basura't namatay dito

ang Payatas sa Mae Sot nga'y aming inikot
di halu-halo ang basurang nahahakot
may maliit na lawa sa kanyang palibot
tila palaisdaang kayrumi't kaylungkot

katabi lang nito ang planta ng resiklo
basurang maaari pa'y dadalhin dito
tiyak laking tuwa ng mga basurero
pag kinalahig nila'y mabayarang todo

ang Payatas sa Mae Sot ay walang panama
kung ikukumpara sa layak ng Maynila
Payatas na ito'y mukhang kaylinis pa nga
marahil maayos din ang namamahala

- malapit sa Mobile Clinic ng Yaung Chi Oo at Sky Blue School, Setyembre 24, 2012

Sa Klinika't Eskwela


SA KLINIKA'T ESKWELA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa loob ng paaralan, may klinikang munti
tuwing Sabado't Myerkules bukas sa pasyente
inaaruga yaong maysakit na kalahi
habang estudyante'y pawang anak ng migrante

pawang magagandang proyektong pinagsikapan
ng mga migranteng sa Mae Sot na nananahan
tinutulungan ang maysakit na kababayan
tinitiyak mga anak nila'y maturuan

dayuhan man sila sa magandang bayang yaon
ayaw nilang maituring na parang patapon
sa Mae Sot tibak silang doon na nagkatipon
doon matiyagang nagsisikap makabangon

ang mga anak ang kanilang kinabukasan
mga anak nilang magpapatuloy ng laban
bibigyang lunas yaong may mga karamdaman
at lilikha ng kanilang bagong kasaysayan

- sa pagdalaw sa Yaung Chi Oo mobile clinic at sa Skyblue School noong Setyembre 24, 2012; ang dalawang ito'y pawang proyekto ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA)

Radyo ng Migrante


RADYO NG MIGRANTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tinatalakay sa radyo tuwing Miyerkules
ang iba't ibang isyu ng mamamayang Burmes
sa migrante ba kapitalista'y lumalabis
sa kaapihan manggagawa ba'y magtitiis

tatalakayin ang isyu ng mga migrante
pati karahasan sa manggagawang babae
sa plano nga nila, ang isyu’y napakarami
kaya tiyak pagtalakay sa radyo’y kaytindi

Lunes  ngayon, kinabukasan ako’y paalis
nasa Bangkok na sa umaga ng Miyerkules
di ko man unawa ang wika sa radyo’t Burmes
ang gawaing pagraradyo’y malaking interes

at sa dalawang emcee nitong pawang babae
ang hatid ko na lamang sa kanilang mensahe:
“mula sa Pilipinas, nakikiisa kami
sa pakikibaka ng manggagawang migrante”

- sa tanggapan ng YCOWA, Setyembre 24, 2012;  
(may radyong pangkomunidad ang Yaung Chi Oo)

Lunes, Setyembre 24, 2012

Tindahang Sari-Sari


TINDAHANG SARI-SARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ilang araw ko ring naging kakampi
ang tindahang sari-sari sa kanto
agahan ko'y doon ko binibili
mura na'y nakakabusog pang todo

sa tanggapan ng migrante'y may kape
sasaluhan ng biskwit na bili ko
pag nagdatingan ang mga migrante
sa almusal kami’y magkakasalo

tila Bumbay ang tinderang babae
nagitlang ako raw ay Inglesero
ang kasama ko sa kanya'y nagsabi
di ako Burmes kundi Pilipino

napangiti na lang yaong babae
at matamis na ngiti ang ganti ko
sa tindahang iyon ako nawili
ngayon ay alaala na lang ito

- Setyembre 24, 2012

Palaganapin ang Baybayin


PALAGANAPIN ANG BAYBAYIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may sariling panulat yaong taga-Burma
habang tayo'y di tinatangkilik ang atin
masdan mo't yaong panulat nila'y kayganda
habang di natin alam ang ating baybayin

sinulat noon ng bayaning Bonifacio
na bago pa dumating ang mga Kastila
sa bayan ay may sariling panulat tayo
na alam ng lahat, matanda man o bata

dahil sa pananakop ay nakalimutan
ang sariling panulat, pilit iwinaksi
ng mga mapang-api't gahamang dayuhan
kanila tayong hiniwalay sa sarili

panahon na't ating balikan ang baybayin
na baka nahiwalay na sarili'y mabalik
halina't kumilos pagkat sariling atin
itong baybaying dapat nating matangkilik

- Setyembre 23, 2012

Kaysarap ng Hangin sa Aking Tulugan



KAYSARAP NG HANGIN SA AKING TULUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tila okupado ko'y buong ikatlong palapag
gayong sa isang sulok lang, guniguni'y lagalag
habang nahihimbing, bungang tulog na'y nangalaglag
diwa'y pinipitas habang payapa ang magdamag

nasa malayo man, maaari bang makalimot?
bahagya nga bang nakaiwas sa maraming gusot?
nakakaisip ng paraan paano magamot
ang sugatang pusong tila sa masa'y isang dakot

ang ibon ay di pwedeng mamuno sa mga isda
iba ang kapitalista't iba ang manggagawa
ang magkalabang interes, magkaibang adhika
kahit tulog at nahihimbing ay nananariwa

hinehele ako ng hangin sa aking tulugan
tila dinuduyan sa alapaap ng kawalan
patas ba o taliwas itong ating kalagayan
bakit dukha'y laksa-laksa't karampot ang mayaman

nagmumuni sa panahong ang isip ay lagalag
nakapikit, nakatulog, ngunit napapapitlag
pag may naaalala’t salitang bumabagabag
ngunit napapayapa rin pag loob ay panatag

saan dapat hugutin ang lakas, sa inspirasyon?
sa maganda bang dilag o sa isang rebolusyon?
nais ko’y hustisya’t paglaya ng maraming nasyon
tama kaya ang aming tinatahak na direksyon?

- Setyembre 23, 2012, gabi

Tsinelas sa Labas, Malinis na Sahig


TSINELAS SA LABAS, MALINIS NA SAHIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kapansin-pansin ang kanilang disiplina
sapatos at tsinelas, hinuhubad nila
sa pagpasok sa bahay o sa opisina
kultura nilang ito'y asal na kayganda

pag inyong mamasdan ang gilid ng pintuan
sa loob o labas nito at sa hagdanan
sapatos at tsinelas ay nagkukumpulan
tila ba nagpupulong, nagtatalakayan

kataka-taka bang sa sahig manalamin
sa kintab nitong pinagpagurang linisin
kalinangang ganito'y ating unawain
at kung kinakailangan, tularan natin

- Setyembre 23, 2012, gabi, sa tulugan sa ikatlong palapag ng Yaung Chi Oo

Tagay-Tagay


TAGAY-TAGAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

paminsan-minsan, kita'y tumagay
halina't tumungga tayong sabay
habang buong gabi'y nagninilay
paano tayo magtatagumpay
lagi na lang tayong umaaray
pagkat karapata'y niluluray
ng rehimeng mapang-aping tunay
kalimutan muna iyan, tagay
habang isip at puso'y may lumbay
pagkat di laging gabi ang buhay
bawat bukas, may bukangliwayway
kakamtin din natin ang tagumpay

- kasama ang ilang kagawad ng Yaung Chi Oo, ininom namin ang nag-iisang Burmese wine na Grand Royal, na dala ng isang taga-Burma pagkat wala noon sa Mae Sot; sumunod ay Thailand wine na Blend 285, Setyembre 23, 2012, gabi

Tanghalian at Hapunan sa Bahay-Tuluyan

TANGHALIAN AT HAPUNAN SA BAHAY-TULUYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaybait ng isang dalagang taga-Burma
sa bahay-tuluyan ako’y pinaghanda pa
baka daw marahil ako’y nagugutom na
kaya’t nagtanghalian ako sa kanila

marahil isa itong kanilang paraan
kung paano ba makisama sa dayuhang
tulad ko, ginawa’y magandang kaasalan
pagtanggap sa kapwa’y isang kaugalian

tanghali, ako’y pinakain niyang pilit
nasa isip yata ako’y magkakasakit
ngunit hindi, siya lang ay sadyang mabait
alam niyang makisama’t di mapagkait

tila nasa isip, malungkot ang makata
di niya alam na kaya nakatunganga
ang makata’y patuloy sa kanyang paglikha
ng mga taludtod kaya nakatulala

gabi, matapos maglaro ng sepak takraw
sabay kaming kumain sa gabing maginaw
nag-alay pa ng tubig nang ako’y mauhaw
kumaing nakakamay matapos maghinaw

maraming salamat sa iyong pag-alala
kaya tulang ito sa iyo’y alaala
muli, salamat sa iyo, aming kasama
sana’y magkita tayo sa loob ng Burma

- Setyembre 23, 2012

Paglalaro ng Sipa

PAGLALARO NG SIPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

hapon ng Linggo nang maglaro kami
ng sepak-takraw sa bahay-tuluyan
doo'y di na ako nag-atubili
kaya di naman ako nahirapan

tila sanay pa rin akong sumipa
tulad ng panahong kabataan ko
kaytagal walang praktis, di nanghina
at matatag pa rin ang aking buto

minsan ang sipa ko'y napapalakas
minsan naman ang bola'y di masapol
sinipa'y hangin, bola'y lumalampas
bolang ito'y tila ba nagmamaktol

isang katuwaan lamang ang laro
kami roo'y tila magkakapatid
di inisip bawat isa'y igupo
pagkat kaisahan ang nasa't hatid

- sa bahay-tuluyan ng YCOWA 
Setyembre 23, 2012

Galaw ay Nauunawa, Di Man ang Wika


GALAW AY NAUUNAWA, DI MAN ANG WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sa bahay-tuluyan, Linggo, hapon
nanood kami ng telebisyon
ibang wika man ang gamit doon
nauunawaan ko ang aksyon

malalaman mo ang kwento nila
kaygagaling ng mga artista
kahit man ito’y isang pantasya
o isang maaksyong pelikula

gulat sila marahil sa akin
dahil nga sa TV’y nakatingin
iba kasi yaong salitain
tingin nila, ako’y inip na rin

“do you understand?”, anang kasama
“yes” naman ang tugon ko sa kanya
“not the words, but the action” dagdag pa
na ikinatuwa naman nila

kaiba man ang mga salita
sa galaw madaling maunawa
tulad din ng adhikang paglaya
mauunawa sa bawat bansa

iba man ang lahi’y madarama
sa puso’t diwa kung may pagsinta
sa bawat kilos ay makikita
kung inis ka, galit o masaya

- sa bahay-tuluyan ng YCOWA, Setyembre 23, 2012

Linggo, Setyembre 23, 2012

Bukangliwayway ng Paglaya


BUKANGLIWAYWAY NG PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bukangliwayway ng paglaya'y darating din
balang araw, makakamit din ang layunin
na minamahal na bansa'y palalayain
mula sa sistemang sadyang mapang-alipin

Pilipinas at Burma'y parehong nalagay
sa ilalim ng diktadurang mapanluray
ng dangal ng bayan, kayraming humandusay
pinahirapan ng rehimen at namatay

ang paglaya'y nagsisimula sa pangarap
anumang suliranin ay kinakaharap
maaalpasan natin ang pighati't hirap
balang araw, paglaya'y ating malalasap

ngunit malalasap ito kung may kikilos
panahon nang wakasan ang pagkabusabos
diktadura’y gawing bangkay, lagyan ng tulos
na kandilang tandang buhay nito’y natapos

daratal din yaong bagong bukang-liwayway
at ang sambayanan ay magsasamang tunay
upang bagong sistema sa lupa’y ialay
hanggang makamit yaong asam na tagumpay

- sa isang kainan at inuman kung saan nakakita kami ng maliit na elepante, gabi, Setyembre 22, 2012

Mga Kukong Mararahas


MGA KUKONG MARARAHAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang masang api'y kailan makakaalpas
sa pagkakasaklot sa kukong mararahas
sinong pipigil sa sistemang mapang-utas
ng pagkatao't karapatang dapat patas

diktaduryang marahas sa Burma'y sumaklot
lagim sa buong bayan ang duo'y bumalot
kayraming aktibistang pinaslang, dinukot
parang Pilipinas noong balot ng takot

sa sitwasyong ito, ako'y nananawagan
ang taga-Burma't Pilipino'y magtulungan
mag-organisa, organisahin ang bayan
ibagsak ang gahaman tungong kalayaan

kukong mararahas, di dapat manatili
tumitindi na ang tunggalian ng uri
dapat iwaksi ang pribadong pag-aari
na pribilehiyo ng mga naghahari

wakasan ang pandarahas sa taumbayan
ipaglaban natin ang ating karapatan
kunin natin ang marapat na katarungan
at ipagtagumpay ang ating kalayaan

- Setyembre 22, 2012, bandang hapon, sa DPNS School, doon muna kami bago maghapunan, matapos ang paglalakbay sa hangganan ng Burma’t Thailand; sa balkonahe ng DPNS School ay may isang makapal na aklat doong pinamagatang “Dying Alive: A Legal Assessment of Human Rights Violations in Burma” na sinulat ng isang Guy Burton; binasa ko ito’t ng kasama kong Pinay at marami kaming natutunan dito

Pagpapakain ng mga Isda


PAGPAPAKAIN NG MGA ISDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

i
malapit iyon sa pagodang tila nabagsakan
kayraming malalaking isda ang naglalanguyan
tila kaydaling mahuli basta't iyong painan
kaysarap ihawin nitong isdang nagtatabaan

babatuhan ng pagkain, ulo'y maglilitawan
mga matatabang isda'y sadyang nag-uunahan
sa pagpapakain, kami nga'y nagkakatuwaan
at nagsitigil lang ng pagkain na'y maubusan

ii
mabuti pa ang isda't di tulad ng pulitiko
nahuli na sa bibig, di pa aaming totoo
kaytatabang isda ngunit pawang mga bolero
nais laging iboto kahit na di nagseserbisyo

pinatataba ng masa ang mga isdang ito
habang laspag yaong lakas-paggawa ng obrero
tuwang-tuwa naman ang mga tarantadong trapo
lalo yaong kaytatabang kapitalistang tuso

- matapos pumasok sa ikalawang pagoda ng araw na iyon, katabi ang parihabang palaisdaan, Setyembre 22, 2012

Pagodang Tila Nabagsakan


PAGODANG TILA NABAGSAKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tila kaybigat ng dumagan sa pagoda
na nagpagandang lalo sa arkitektura
imbis na tuwid ay baliko ang itsura
pagoda itong dinalaw na pangalawa
ng Sabadong inilaan sa pagbisita

may  mongheng tila tanod sa unang palapag
tila sa manggugulo, siya ang uumbag
ngunit payapa doon, dambana’y kayrilag
lalo na roon sa ikalawang palapag
ang kalooban mo’y tiyak mapapanatag

- ikalawang pagodang aming dinalaw, Setyembre 22, 2012, bandang hapon

Pagodang Tinatanuran ng Manok


PAGODANG TINATANURAN NG MANOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kaylalaki ng mga manok na nagtatanod
istatwa lamang ngunit sa amin nakatanghod
tila nagbibigay-pugay, sila’y nalulugod
na sa pagodang iyon kami’y maninikluhod

sapatos ay kailangang hubarin at iwan
ito’y kultura’t tanda ng pagbibigay-galang
sa Buddha’t sa taga-Burmang aming kasamahan
nakiluhod din habang iba’y nagkokodakan

- unang pagodang aming dinalaw noong Setyembre 22, 2012, bandang hapon; iba ito sa napuntahan ko ng nakaraang araw

Sa Pamilihan


SA PAMILIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludto

matapos ang isang oras sa Burma’y nagpahinga
sa Mae Sot, naupo muna sa bangkô sa hangganan
mga kasamang Burmes at kami’y muling nagkita
at doo’y pinasok namin ang isang pamilihan
namili na ng pasalubong ang mga kasama
para sa pamilya, katrabaho, at kaibigan
malong, pulseras, bag, t-shirt, souvenir, at iba pa
tandang minsan man, dumatal kami sa Burma’t Thailand

- sa pamilihan sa Westernmost Point, Setyembre 22, 2012

Makasaysayang Tulay sa Pagitan ng Burma't Thailand

MAKASAYSAYANG TULAY SA PAGITAN NG BURMA'T THAILAND
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

maikli lang yaong tulay na aming nilakaran
tila tulay ng Quiapo, ito’y makasaysayan
maliit na ilog ang pagitan ng Burma’t Thailand
may Imigrasyon sa pagbaba nito, sa hangganan

pag galing ka sa Mae Sot, nasa bandang kaliwa ka
at sa kalagitnaan ng tulay, kakanan ka na
dahil kanan na ang linya ng kalsada sa Burma
di tulad ng Thailand, kaliwa ang pagpapasada

ang tulay daw na iyon ay sadyang makasaysayan
simbolo na ang dalawang bansa’y magkaibigan
nang wala pang tulay, daang yao’y pinagtakasan
ng mga lumalaban sa diktadurang gahaman

tinayo iyon para sa karapatang pantao
tandang dangal ng bawat isa’y dapat irespeto

- pagtahak sa Thai-Myanmar Friendship Bridge, sa hangganan ng Mae Sot sa Thailand at sa Myawaddi sa Burma, Setyembre 22, 2012

Isang Oras sa Burma


ISANG ORAS SA BURMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa hangganan ng Thailand at Burma sa Mae Sot
umaga pa lang doon kami pumalaot
sa Imigrasyon, pasaporte'y iniabot
nang tinanong, turista kaming maglilibot

hanggang ikalima ng hapon lang daw kami
at naglibot na kami doon sa Myawaddi
nabili ng kasama'y isang kahang yosi
habang kami nama'y di na nakapamili

nasok kami ng ikasampu ng umaga
di matao roon, tila kayhirap sa Burma
patay na oras, may tambay, pulos kalsada
pamiliha'y tila kaylayo, saan ka pa

saan kami patutungo, di namin alam
basta lakad, lakad, lakad, nag-aalangan
init ng araw ay sadyang di na mainam
at nagpasya kaming magsibalik na lamang

sa unang impresyon, tila walang pag-unlad
maraming tambay, sa kalsada'y nakababad
pinapatay ang oras, mukha'y maaaskad
tila kayrami nilang mga sawimpalad

ngunit teka, di pa iyon ang buong Burma
sa laylayan pa lang niyon kami napunta
baka sa sentro, may kaunlaran na sila
kahit pinamumunuan ng diktadura

alas-onse sa Mae Sot agad nang bumalik
nilakad ang tulay habang araw ay tirik
isang oras lang, namatay ang pananabik
di pa iyon ang Burma, sa isip sumiksik

- Setyembre 22, 2012, Myawaddi, sa loob ng Burma

Sabado, Setyembre 22, 2012

Kultyural na Pagtatanghal


KULTYURAL NA PAGTATANGHAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagpasya kanina ang guro't mag-aaral
na sila'y magdaos ng isang pagtatanghal
at mga kinatawan ng dalawang bansa
ang magtitiyak na ito'y maisagawa
nagkaroon kami ng kaunting programa
at ngayong gabi'y magtatanghal bawat isa
taga-Burma'y sumayaw ng pagliligawan
Pinoy ay tumula hinggil sa kabataan
taga-Burma'y naggitara't sila'y umawit
isang Pinoy ang nagtalumpating kay-init
ang Pinoy ay nagpalabas ng isang bidyo
na taga-Burma't Pinoy, nagkasama dito
hinggil sa nakaraan nilang aktibidad
kaninang umaga't sa seminar ay babad
ngunit syempre'y di mawawala ang pagkain
biskwit at inumi'y pinagsaluhan namin
anupa'y gabing ito'y tunay na kaysaya
na sadyang nagpahigpit ng pagkakaisa
yaong kultura nati'y magkakaiba man
mahalaga tayo'y nagkakaunawaan

- sa bulwagan ng DPNS School, Setyembre 21, 2012, gabi

Hinggil sa Gawaing Propaganda


HINGGIL SA GAWAING PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kahulugan ng propaganda'y pagbabahagi
ng paninindigan sa mga isyu ng uri
nang makaimpluwensya laban sa naghahari
at maipagtanggol ang mga naduduhagi

isyu ng laksang migrante'y paano malaman
ng mamamayan, isyu ba'y itatago lamang?
hindi! ito'y dapat ilantad sa buong bayan
di lang sa isang lunan, kundi sa daigdigan

nagkakatugma kaming aming nasa'y hustisya
mapawi ang pang-aapi't pagsasamantala
kaya kailangan natin ang magpropaganda
nang maipagtanggol at mapakilos ang masa

tayo na'y gagawa ng iba't ibang disenyo
ng ating kampanya't kakatha rin ng polyeto
ang ating batayan ay karapatang pantao
hustisyang panlipunan, matatag na prinsipyo

makibaka, manindigan tungong kalayaan
nasa bawat propaganda ang paninindigan
polyeto, pagpinta sa pader, pagdidikitan
ng mga papel na may sulat na panawagan

manggagawa, halina't maging propagandista
kaalamang ito'y gamitin para sa Burma
ipatagos yaong pagbabago ng sistema
at ng pangangailangan ng pagkakaisa

Pagtanaw sa Bundok at Maisan


PAGTANAW SA BUNDOK AT MAISAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paglampas ng dike, tabi ng pagoda'y maisan
kaylawak ng tanim ng mga obrerong dayuhan
at habang tinatanaw ang katabing kabundukan
lagay ng manggagawa't migrante'y napag-usapan

nabuo sa bukiring yao'y kayraming pangarap
bagamat manggagawa'y patuloy sa dusa't hirap
dinadalaw ng paglaya ang kanilang hinagap
pinaghahandaan ang bukas nila't hinaharap

sa kabila ng bundok, magsasaka'y mula Burma
nagtatrabaho na roon ng maagang-maaga
kayod kalabaw, ang tapos ng trabaho'y gabi na
tulad din ng mga manggagawang nasa pabrika

nababalot ng lungkot ang kanilang kasaysayan
lumayong pilit, nilisan ang bayang kinagisnan
nandarayuhan sa bundok na yaon at maisan
nagtiis upang gutom sa pamilya'y maiwasan

masdan mo ang bundok, dinggin ang lagaslas ng dahon
may pag-asa pa upang sa dusa tayo'y bumangon
sisilang ang bagong umaga sa dako pa roon
at manggagawa'y magtatagumpay sa rebolusyon

- Setyembre 21, 2012, hapon, habang nagpapahinga at nakikipagkwentuhan sa isang kagawad ng YCOWA sa isang bukid katabi ang isang pagoda

Pagdalaw sa Dalawang Pagoda

PAGDALAW SA DALAWANG PAGODA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

matapos ipaliwanag ang mga layunin
magpalitan ng kuro-kuro't mga sulatin
napagpasyahang sa hapon matapos kumain
ilang mga pagoda ang aming lilibutin

ang napuntahan namin ay dalawang pagoda
isang kaibigang Burmes yaong nakasama
una kaming dumako sa pagodang Aung Sia
na may kasaysayan ng digmaang Thai at Burma

ikalawa'y pagodang Mepa ang ngalang turing
minsan pagodang iyon ay Hunu kung tawagin
na sa dating pangulo ipinangalan mandin
ang bawat pagoda'y may kasaysayang malalim

pagkat minsan lang dumako sa lugar na ito
nanghiram na ng kamera't nang magkalitrato
katibayan na itong minsan man sa buhay ko
sa mga pagodang ito'y napadako ako

- Setyembre 21, 2012, paglalakbay sa Mae Sot

Karapatan ang Maghimagsik


KARAPATAN ANG MAGHIMAGSIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa buhay na ito'y di dapat maging dungo
pinahihirapan na'y tango pa ng tango
ang diwa ng paglaya'y atin nang ihango
at durugin yaong mga berdugong lango

yaong mga lango na sa kapangyarihan
yaong mapang-api sa kanyang mamamayan
dapat lamang silang ibagsak ng tuluyan
pagkat maghimagsik ay ating karapatan

- Setyembre 21, 2012, sa tanggapan ng Yaung Chi Oo

Uso ang A4 sa Mae Sot


USO ANG A4 SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mula roon sa tanggapan hanggang seroksan
tila isang sukat ang kanilang coupon bond
di kasi nagtanong sa mga kasamahan
akala ko'y tulad ng sa sariling bayan

kaiba sa kanila ang coupon bond natin
A4 yaong uso't mas mahaba sa atin
nagpapatunay itong magkakaiba rin
yaong kultura kahit sa bagay na angkin

simpleng bagay man, ito'y napakahalaga
magkakaibang sadya ang ating kultura
mahalaga'y pang-unawa sa bawat isa
bakit tayo'y ganito at ganoon sila

bawat pagkakaiba'y ating kilalanin
nang pagkakatulad ay maunawa natin

- Setyembre 21, 2012, nang magpa-xerox ng baligtaran matapos i-print ang isang sulating may dalawang pahina; kinakailangan pang gupitin ang papel upang magpantay

Talakayang Edsa Uno sa Mae Sot


TALAKAYANG EDSA UNO SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tinalakay ko sa mga kasamang Burmes
sa Mae Sot yaong naganap na Edsa Uno
inspirasyon daw ito na kanilang nais
na balang araw ay magawa nila ito

mangyayari iyon kung lahat ay kikilos
di ito makukuha sa pagtutunganga
kailangang wakasan ang pagkabusabos
ang pakikibaka'y daanin sa tiyaga

tatlong Edsa nga'y naganap sa Pilipinas
ang naunang dalawa'y malaking tagumpay
na inagaw nitong elitistang pangahas
ang huli'y bigo, nanguna'y ang masang tunay

ang bawat rebolusyon ng masa'y aralin
mahalagang balikan yaong kasaysayan
iwaksi yaong mali, ang maganda'y kunin
at subukan mong gawin sa sariling bayan

magkakaiba rin ang bawat rebolusyon
Edsa Uno'y iba sa Rebolusyong Saffron
bawat rebolusyon ay may tamang panahon
huwag padalus-dalos, magpakahinahon

wala ring rebolusyong sadyang kopyang-kopya
pagkat bawat sitwasyon ay magkakaiba
mahalaga'y ipanalo ito ng masa
at huwag ibigay sa mga elitista

- napag-usapan ang Edsa Uno sa pulong ng mga kagawad ng Yaung Chi Oo, Setyembre 21, 2012

Biyernes, Setyembre 21, 2012

Pagtuturo sa Iba ng Lakas ng Bayan

PAGTUTURO SA IBA NG LAKAS NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I

"People Power" ay kinilala ng marami
nang ibinagsak ng Pinoy ang diktadura
sa diktador ang bayan na'y nanggalaiti
kaya buong sambayanan ang nagkaisa

makasaysayan itong "People Power" natin
kinikilalang rebolusyong di madugo
ibinagsak yaong mapang-aping rehimen
nang pagsasamantala'y tuluyang maglaho

II

inspirasyong sa marami'y nagbigay-sigla
at dapat nating ituro sa ibang bansa

i-eksport natin ang "People Power" na ito
para sa pagpapalaya ng masa dito

ituro sa iba itong lakas ng bayan
saanmang panig na wala pang kalayaan

kung maari'y sumama tayo sa kanila
at tumulong sa kanilang pakikibaka

tulad ni Che Guevara, tayo'y makilahok
palayain ang mga bayang nakalugmok

masa'y pakilusin hanggang sila'y lumaya
sa kuko ng ganid na sistemang kuhila

Setyembre 21: Batas Militar at Kapayapaan

SETYEMBRE 21: BATAS MILITAR AT KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(para sa ika-40 anibersaryo ng batas militar sa Pilipinas, at ika-30 anibersaryo ng International Day of Peace)

ang Setyembre Bente Uno'y makasaysayan
sadyang kayrami na nitong pinagdaanan
martial law, apatnapung taon ang nagdaan
daigdigang araw din ng kapayapaan

sadyang kayraming natutulirong anino
bumabagabag sa kalooban ng tao
diktadurya'y yumanig sa puso ni lolo
at kayrami niya noon sa aking kwento

mag-ingat at huwag basta magsasalita
baka gobyerno'y magalit ikaw'y mawala
paglaki ko, kayrami ngang nawalang mukha
na nagbigay-takot sa puso nitong madla

sa buong mundo'y may bago nang kaganapan
Nagkakaisang Bansa'y pinasinayaan
Setyembre Bente Uno na'y kapayapaan
na kinikilala na ng sandaigdigan

iisang petsa'y may historyang nakatago
dinarang sa apoy bago pa naging ginto
unang petsa'y ligalig, may bahid ng dugo
sunod ay payapa, sa pag-ibig hinango

- sinulat sa tanggapan ng mga migranteng manggagawa sa Mae Sot

Sa ika-40 anibersaryo ng batas-militar

SA IKA-40 ANIBERSARYO NG BATAS-MILITAR 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

usapin ba ng karapatan o ekonomya
kung bakit batas-militar ay inaalala
ekonomya'y lumago kay Marcos, anang iba
kaya maganda raw ito't isang demokrasya

ngunit kayraming tutol sa ganyang panukala
sa batas-militar, kayraming taong nawala
diktadurya'y isang pamahalaang kuhila
kayraming pamilya ang talagang pinaluha

kaya sa ikaapatnapung anibersaryo
ng batas-militar, sa panahon ng berdugo
karapata'y wasak, kayraming sinakripisyo
kasaysayan nito'y madugo't di makatao

di na dapat maulit ang ganitong rehimen
di na dapat buhay ay basta na lang kikitlin
bagamat istorya nito'y dapat gunitain
kunin natin yaong aral at sa puso'y damhin

- Setyembre 21, 2012
sa tanggapan ng mga migranteng manggagawa sa Mae Sot

Gapiin ang Bundat na Lobo

GAPIIN ANG BUNDAT NA LOBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

migranteng obrero'y tinanggal sa trabaho
inalis ng walang dahilan o abiso
sila'y manggagawang kaybaba ng pagtrato
dahil ba dayuhan sila sa bansang ito?

manggagawa sila sa pabrika ng damit
nagtitiyaga silang mabuhay ng pilit
nang tinanggal sila, ang tanong nila'y bakit
karapatan nila'y bakit pinagkakait?

limpak na yaong tubo't bundat na ang lobo
nilalaro sa palad ang mga obrero
magkaisa lang ang mga obrerong ito
ang bundat na lobo'y kanilang matatalo

pag nabutas ang tiyan ng lobong gahaman
yaman kaya nito'y sa puwet maglabasan
magkaroon na kaya ng katiwasayan
tanaw na ba ng obrero ang katarungan

manggagawa silang walang gatas sa labi
kayang kuyugin ang kapitalistang imbi
pag sila na'y nagkaisa'y di magagapi
madudurog nila ang mapang-aping uri

- Setyembre 20, 2012, matapos kapanayamin ang dalawang manggagawang Burmes na natanggal sa trabaho, at tinutulungan ng isang organisasyon sa Mae Sot