Lunes, Disyembre 1, 2008

Nakabibinging Katahimikan

NAKABIBINGING KATAHIMIKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Kung kahulugan ng kapayapaan
Ay ang kawalan lamang ng digmaan
Ito'y walang anumang kahulugan
Sa mga gutom at may karamdaman.

Kung kahulugan ng kapayapaan
Ay pagkaroon ng katahimikan
Dahil armas ay di na nagputukan
Ito'y sadyang nakabibingi lamang.

Magkakaroon ng kapayapaan
Di dahil tahimik na ang digmaan
Kahit kumukulo ang kalooban
Kung makakamtan na ang katarungan.

Ang nakabibinging katahimikan
Ay di pa talaga kapayapaan.

- habang tumatahak sa Buliok Rd., Pikit, North Cotabato
Nobyembre 29, 2008
(Bagamat natapos ang Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008, patuloy pa ring lumikha ang makata ng tulang pangkapayapaan habang kasama ang ilang lumahok sa Peace Caravan.)

Walang komento: