Lunes, Disyembre 1, 2008

Maraming Salamat, Duyog Mindanao

MARAMING SALAMAT, DUYOG MINDANAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Maraming salamat sa Duyog Mindanao
Pagkat nakasama ako't nakadalaw
Sa maraming lugar na isinisigaw
Ay kapayapaan sa buong Mindanao.

Maraming salamat, ako'y nakasama
Sa lakbayang itong layon ay kayganda
Nawa'y magpatuloy ang mga sumama
Sa tungkuling itong hatid ay ligaya.

Ligaya sa puso ng mga kaduyog
Saya sa damdamin ang umiindayog
Ang pangarap natin bagamat matayog
Ito'y isang misyong dapat mailuhog.

O, maraming salamat, Duyog Mindanao
Lilisan man ako sa iyong ibabaw
Pakatandaan pong isip ko'y napukaw
Sa Mindanao nawa'y muling makadalaw.

Ako'y babalik na doon sa Maynila
Taglay ang pag-asang may luha at tuwa
Nawa'y maihatid ang diwang payapa
At mensaheng ito sa mga dalita.

Napakarami pa ng mga digmaan
Na dulot ng bulok na pamahalaan
Nawa'y baguhin na pati ang lipunan
Upang magkaroon ng kapayapaan.

Kailangang sadya nitong pagbabago
At tiyakin nating magamit ang pondo
Di sa bala't kanyon, gyerang agresibo
Kundi sa pagbuti ng lagay ng tao.

Nagpapatuloy pa ang mga digmaan
Sa iba pang panig ng sandaigdigan
Ihatid din natin ang mensaheng iyan
Sa kanilang nais ng kapayapaan.

- sinimulan sa Davao International Airport, tinapos sa eroplano ng Cebu Pacific
Nobyembre 30, 2008

(Bagamat natapos ang Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008. Patuloy pa ring lumikha ang makata ng tulang pangkapayapaan bagamat nag-iisa na lang siyang umuwi papuntang Maynila.)

Walang komento: