Linggo, Nobyembre 30, 2008

Pagpapahalaga sa Salita

PAGPAPAHALAGA SA SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Kung nais mo ng buhay na payapa
Tuparin mo ang pangako't salita
Pagkat salita mo ang iyong mukha
At ang pangako mo ang iyong sumpa.

Kaya dapat lamang pahalagahan
Yaong may mabubuting kalooban.
Sapagkat sila'y tapat sa usapan
Salita'y binibigyang katuparan.

Kung minamahalaga ang salita
Ikaw ay tiyak na kahanga-hanga
Ang dumaan man ay anumang sigwa
Tiyak na tulad mo'y di magigiba.

Payapang mundo'y ating makakamtan
Kung salita'y pinahahalagahan.

- Iligan City
Nobyembre 27, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Mekanismo ng Usapan

MEKANISMO NG USAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig, soneto

Ang sabi ng gobernador, sa aking hinagap
Upang makamit ang kapayapaang pangarap
Dapat may bagong mekanismo sa pag-uusap
Ito ang dapat ayusin at mangyaring ganap.

Kung ang mga rebelde'y agad na papayagang
Bumalik na sa usapang pangkapayapaan
At magpalakas sila habang tigil-putukan
Ito'y pagbalewala sa mga namatayan.

Katarungan ang hanap ng mga apektado
Sino ang dapat sisihin sa digmaang ito
Ito ang dapat sagutin sa maraming tao
Pagkat nawasak na ang buhay nila sa gulo.

Pag-uusap dapat ay may bagong mekanismo
Pagkat ang dati raw ay di na uubra rito.

- Provincial Capitol, Lanao del Norte
Nobyembre 26, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Lumuluha ang Maraming Ina

LUMULUHA ANG MARAMING INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig, soneto

Lumuluha ang maraming ina
Pagkat pati mga anak nila
Ay nadamay at naging biktima
At sa gyerang ito'y nagdurusa.

Nasira ang maraming taniman
Nasunog ang kanilang tahanan
Nawala pati ang kabuhayan
At pati pamilya'y namatayan.

Ang digmaan ay tila berdugo
Na sumira sa kayraming tao
Lumaganap ang maraming gulo
Gyera'y sadyang nakatutuliro.

Mga ina'y patuloy ang luha
Hibik nila'y wakasan ang digma.

- Kauswagan, Lanao del Norte
Nobyembre 26, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Alitan ay Wakasan

ALITAN AY WAKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Kung sa ating puso't kaibuturan
Nagmumula yaong kapayapaan
Dapat palang masimulang linisan
Ang ating diwa, pati kalooban.

Kung malinis ang ating kalooban
Haharapin nati'y kapayapaan
Kaya kung may namumuong alitan
Gagawan ng paraang pag-usapan.

Ang isang daan sa kapayapaan
Ay paggamit ng payapang paraan
Ang anumang alitan ay wakasan
Pag-usapan ang mapagkasunduan.

Kaya't lagi nating pagsisikapan
Na bawat isa'y magkaunawaan.

- sinulat sa isang open awditoryum kasama ang mga estudyante at kabataan sa Kolambugan, Lanao del Norte, Nobyembre 26, 2008

Dapat Buhay ay Payapa

DAPAT BUHAY AY PAYAPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Dapat sa buhay nati'y walang banta
Walang anumang alitan at digma
Dapat tamasa rin natin ang laya
Mula sa krimen, alitan at luha.

Kung anuman ang dumating na sigwa
Ay patuloy tayong magpakumbaba
Ito'y napakatamis na adhika
Upang mamuhay tayo ng payapa.

Pangarapin nating wala nang digma
Na gugulo sa ating puso't diwa
Pangarapin nating wala nang luha
Na dadaloy dahil di umunawa.

Kung kapayapaan lagi ang wika
Tao sa mundong ito'y mapayapa.

- Iligan City
Nobyembre 26, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Dili Mi Peste

DILI MI PESTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Mula sa barko sa aming pagdating
Agad naglakbay hanggang sa mapansin
Rali sa korte sa ami'y gumising
Ang sigaw nila, "Hindi kami saging."

"Di kami pesteng dapat maispreyan
Pagkat kami'y taong may karangalan
Na dapat lang naman nilang igalang
Kami'y di mga peste sa sagingan."

Ang karabana'y agad sumuporta
Sa panawagan nila ng hustisya
Para sa mga nagkakasakit na
At sa patuloy nilang pagdurusa.

Ang mga tao'y dapat nang pakinggan
At hustisya'y igawad ng hukuman.

- sinulat ng makata sa harap ng gusali ng korte ng Cagayan de Oro habang nagrarali ang mga lumalaban sa aerial spraying sa Davao, habang ang mga ito'y nakasuot ng pulang tela sa ulo na nakasulat "Dili mi peste" na may bungo sa gitna, Nobyembre 26, 2008.

(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Ang Hiling ni Muchtar

ANG HILING NI MUCHTAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

(Si Muchtar ay 13-anyos na batang lalaki at isang bakwit, taga-Pagangan, Maguindanao. Kasama siya sa Peace Caravan mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Sa lugar nila nang magkadigmaan
Pati mga bata'y naapektuhan
Marami ang nawalan ng tahanan
At nakaranas din ng kagutuman.

Kabilang dito ang batang si Muchtar
Na napaalis sa kanilang lugar
Natigil na siya sa pag-aaral
Pamilya pa niya'y gutom at pagal.

Kaya si Muchtar nang kanyang malaman
Na may ilulunsad na Peace Caravan
Siya'y sumama upang manawagan
Na wakasan ang nangyaring digmaan.

At mula doon sa lugar ng digma
Sumama sa karabanang mahaba
At naging isang tagapagsalita
Na kapayapaan ang winiwika.

Ang Peace Caravan saanman magpunta
Hinihiling niyang matigil sana
Yaong digmaang nagbigay ng dusa
Nang pag-aaral ay matapos niya.

Simpleng kahilingan ng isang bata
Nais niyang matigil na ang digma
Tulad din ng hiling ng matatanda
Upang bayan nila'y maging payapa.

Hiling ni Muchtar ay ating pakinggan
Nang makapag-aral siyang tuluyan
Kasama ang iba pang kabataan
Pagkat sila itong bukas ng bayan.

- sinulat sa barko ng Negros Navigation at tinapos sa Cagayan de Oro, Nobyembre 26, 2008.

Miyerkules, Nobyembre 26, 2008

Kapayapaan, Ipaglaban!

KAPAYAPAAN, IPAGLABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Maraming kay-agang namayapa
Di nakilala ang mga mukha
Pagkat naging biktima ng digma
Habang naiwan ay lumuluha.

Paano kung ang luha’y maubos
At mapalitan ito ng poot
Tiyak digmaa’y di matatapos
Pagkat gantihan itong susulpot.

Ilan sa naiwan ay kakasa
At hahawak na rin ng sandata
Nang maipaghiganti ang ama
Ang ina at ang buong pamilya.

Ngunit kung gantihan ang maganap
Ang kapayapaan na’y kay-ilap
Marami ang lalong maghihirap
Kaya nararapat nang mag-usap.

Gyerang ito’y anong pinagmulan
Digmaan ba yaong kasagutan?
O gawin dapat ay pag-usapan
Yaong sa problema’y kalutasan?

Kaytindi man yaong sakripisyo
Basta’t kapayapaan ay matamo
Sadyang napakahalaga nito
Sa ating buhay at pagkatao.

Nasa’y di simpleng katahimikan
Kundi kamtin ang kapayapaan
Sa ating buhay, puso’t isipan
Kaya atin itong ipaglaban!

- sinimulan sa Bacolod City, tinapos sa barko ng Negros Navigation
papuntang Cagayan de Oro City
Nobyembre 25-26, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Minahal na Kita, Kapayapaan

MINAHAL NA KITA, KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Minahal na kita, kapayapaan
Tulad ng kapatid mong kalayaan
Nawa ikaw ay agad matagpuan
Ng nalulumbay kong puso’t isipan.

Nang makita kita’y tila nanginig
Ang puso kong itong nangangaligkig
O, ikaw ang nais kong makaniig
Pagkat kapayapaan ay pag-ibig.

Kapayapaan, ikaw na’y maglambing
Halika na rito sa aking piling
Pag nadama na kita ng taimtim
Ang pagtulog ko’y tiyak na mahimbing.

Ipagtatanggol kita kahit saan
Buhay ko’y alay hanggang kamatayan
Hiling ko lamang ako’y iyong hagkan
Pagkat mahal kita, kapayapaan.

- Bacolod City
Nobyembre 25, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Kayganda ng Kapayapaan

KAYGANDA NG KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig, soneto

Kayganda ng kapayapaan
Habang kita’y tinititigan
Ngiti mo’y isang kasiyahan
Sa aking puso at isipan.

Ngunit kung dahil na sa digma
Magandang ngiti mo’y mawala
Puso ko’y tiyak na luluha
At isip ko’y di na payapa.

Kapayapaan ay kayganda
Pag ang problema’y naresolba
Ngiti mo’y muling makikita
At mundong ito’y liligaya.

Ngayon, ako ay nalalango
Sa ngiting tumagos sa puso.

- Iloilo City
Nobyembre 24, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Kalapati'y Kailan Dadapo?

KALAPATI’Y KAILAN DADAPO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig, soneto

Kalapati’y kailan dadapo
Sa sanga ng ating diwa’t puso?
Kailan pa kaya maglalaho
Ang digmaang nakakatuliro?

Kung may di pagkakaunawaan
Ay mag-usap muna ng harapan
Ayusin ang problemang anuman
At huwag daanin sa patayan.

Kalapati’y dapat makiniig
Sa pagtatagpo ng bawat panig
At ang huning sa kanya’y marinig
Ay kapayapaan sa daigdig.

Kalapati’y dapat nang dumapo
Sa sanga ng bawat diwa’t puso.

- Iloilo City
Nobyembre 24, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Sa Bawat Digmaan

SA BAWAT DIGMAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Pinupulbos ng digmaang ito
Ang ating buhay at pagkatao
Na parang nagngingitngit na bagyo
At sibilyan ang dinidelubyo.

Ang digmaa’y simbigat ng bundok
Na di lahat ay kayang lumunok
Marami na ang dito’y nalugmok
Tila dumapo’y sanlibong dagok.

Ang bawat digmaan ay kay-alat
Para kang nilulunod sa dagat
Tila ka rin isdang ginagayat
Buhay natin ay puno ng sugat.

Dagat ng dugo ang sinisisid
Nitong digmaang sadyang balakid
Sa ating kapwa magkakapatid.
Digmaa’y paano mapapatid?

Bawat panig ay magtalakayan
At tiyaking magtigil-putukan
Na ang kanilang pag-uusapan
Ay usaping pangkapayapaan.

Pigilan ang anumang pagsiil
Nang mawala ang mga hilahil
Ang digmaan ay dapat matigil
Upang tagas ng dugo’y mapigil.

- Calapan, Oriental Mindoro
Nobyembre 23, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Sa Digmaan, Sibilyan ang Kawawa

SA DIGMAAN, SIBILYAN ANG KAWAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Nagulo na naman ang lupang pangako
At muling pumatak ang kayraming dugo
Marami na namang buhay na naglaho
Bilang ng namatay ay hindi na biro.

Di ba’t may usapang pangkapayapaan?
Sinong nagsimula at may kagagawan
Nitong nagaganap na bagong digmaan
Mga rebelde ba o pamahalaan?

Ang mga sibilyan ang siyang kawawa
Pag nagpatuloy pa itong mga digma
Nagulo ang buhay nitong matatanda
Pati pag-aaral nitong mga bata.

Kayrami na ngayon ng naghihikahos
At kanilang buhay ay kalunos-lunos.
Ang digmaang ito’y kaylan matatapos
Upang buhay nila’y kanilang maayos?

- sinimulan sa Batangas pier at tinapos sa barko patungong Calapan, Oriental Mindoro,
Nobyembre 22, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Bakit Magdidigmaan Tayo, Kapatid?

BAKIT MAGDIDIGMAAN TAYO, KAPATID?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig, soneto

Bakit ba tayo magdidigmaan, kapatid?
Kung buhay naman natin itong mapapatid
Pag-usapan natin ang problema’t balakid
Upang kapayapaan itong maihatid.

Bakit magdidigmaan kung mareresolba
Sa pag-uusap anumang ating problema
Sa kulay ma’t relihiyon ay magkaiba
Magkakapatid tayong di dapat magdusa.

Di ba’t kaysakit kung kapatid ay mapatay
Kaya buong panahon tayong malulumbay
Ang digmaan ba ang sukatan ng tagumpay
O sa digmaan pala’y pawang paglalamay.

Kapatid ko, halina’t pag-usapan natin
Anumang mga susulpot na suliranin.

- Maharlika Village, Taguig, Metro Manila
Nobyembre 22, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Di Normal ang Digmaan

DI NORMAL ANG DIGMAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig

Wala silang pakialam magkadigmaan man
Ang mga rebelde at itong pamahalaan
Dahil ito’y normal naman daw na kalagayan
Kahit ang nagbabalita’y pinagsasawaan.

Di normal ang digmaang laging nauulinig
Mortar, baril at bomba sa magkabilang panig
Kung sa gabi't araw ito'y laging naririnig
Apektado ang mga sibilyang nanginginig.

Nanginginig pagkat baka tamaan ng bomba
Ang kanilang bahay, kabuhayan at pamilya
Kaya bago mamatay ay nagsisilikas na
Pagkat naiipit na ng magkalabang pwersa.

Hindi normal ang digmaan pagkat nagugulo
Ang buhay ng sibilyan, ng karaniwang tao
Edukasyon at kabuhayan ay apektado
Napupunta sa bala ang pondo ng gobyerno.

Gyera’y normal ba dahil laging napapakinggan
Sa araw at gabi ang bombahan at ratratan?
Hindi maaaring maging normal ang digmaan
Dahil ang nakataya’y buhay ng mamamayan.

- Quezon Memorial Circle
Nobyembre 22, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Bigas, Hindi Bala

BIGAS, HINDI BALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig

Bigas, hindi bala
Pagkain, di gyera
Mundong mapayapa
Hindi pandirigma.

Trabaho at lupa
Di dusa at luha
Kalinga’t unawa
Di banta ng digma.

- Malolos, Bulacan
Nobyembre 21, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Hindi Dugo ang Dapat Bumaha

HINDI DUGO ANG DAPAT BUMAHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig, soneto

Hindi dugo ang dapat bumaha
Kundi itong ating pagkalinga
Hindi punglo sa parang ng digma
Kundi kapayapaan sa madla.

Hindi digmaan at pagbabanta
Kundi payapang puso at diwa
Hindi pagdaloy ng mga luha
Kundi pag-agos ng pang-unawa.

Hindi bala ang dapat tumagos
Sa katawan ng mga hikahos
Hindi dugo ang dapat umagos
Kundi pag-ibig sa pusong kapos.

Di ba’t mundo’y kay-ganda’t kay-ayos
Kung kapayapaa’y malulubos.

- Calumpit, Bulacan
Nobyembre 21, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Kapayapaan sa Bakwit

KAPAYAPAAN SA BAKWIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang kapayapaan sa bakwit
Ay kailan kaya sasapit?
Ang buhay nila’y nasa bingit
Dahil sa digmaang kaylupit.
O, aming mahabaging langit
Hiling naming nawa’y sumapit
Ang kapayapaan sa bakwit.

- San Fernando, Pampanga
Nobyembre 21, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Halika Rito, Kapayapaan


HALIKA RITO, KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig, soneto

Nais namin ng kapayapaan
Doon sa lupang ka-Mindanawan
Pagkat iyon ang makatarungan
Sa lahat doong naninirahan.

Hustisya’y nais ng mamamayan
At pagkain sa hapag-kainan
Kapayapaan, hindi digmaan,
Ang sagot at hindi karahasan.

O, nasaan ka, kapayapaan?
Tila kay-ilap mo’t di abutan
O ikaw ba’y naririyan lamang?
At abot-kamay ng mamamayan.

Halika rito, kapayapaan
At yakapin mo ang sambayanan.

- Baguio City, Nobyembre 20, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Miyerkules, Nobyembre 19, 2008

Anak ng Lumbay

ANAK NG LUMBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Tayong mga anak ng lumbay
Sa mundong itong binibistay
Ng maluluhong lumulustay
Ng yaman ng bayang hinalay.
Halina’t tayo nga’y magnilay
Paano gaganda ang buhay
Nating mga anak ng lumbay.

Martes, Nobyembre 18, 2008

Habilin

HABILIN
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Nawa'y itanim itong labi
Kaypait man buhay kong iwi
Upang diwa ko'y manatili
Sa mga kapatid sa uri.
Mamamatay akong may puri
Pagbigyan ang hiling kong iwi
Na itanim ang aking labi.

Usapang Isda

USAPANG ISDA
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Usapan ng isda sa dagat
Dapat daw sila na'y mamulat
Magpapahuli ba sa lambat?
O sa mga pain kakagat?
Pating ba ang dapat mabundat?
O taong sa buhay ay salat?
Ito ang usapan sa dagat.

Aking Lunggati

AKING LUNGGATI
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

May bahid ng diwa ng uri
Ang inihahasik na binhi
Sa tumanang linang ng lahi
Laban sa diwang naghahari.
Payak lang ang aking lunggati
Ang iparamdam itong hapdi
Sa diwa nitong naghahari.

Di Mapapaslang ang Prinsipyo

DI MAPAPASLANG ANG PRINSIPYO
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Kung ang aktibistang tulad ko
Ay papaslangin ng berdugo
Katawan lang at di prinsipyo
Ang madudurog na totoo.
Habang sakbibi ang mundo
Ng luho ng kapitalismo
Aktibista'y darami dito.

Aktibista'y Matatag

AKTIBISTA'Y MATATAG
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Aktibista kaming matatag
Kami man ay nasa lagalag
Sa prinsipyo'y di lumalabag
At di basta nababagabag.
Kung ang gobyerno nati'y bulag
Dapat palitan na't ilaglag
Ng aktibistang matatatag.

Salimuot ng Buhay

SALIMUOT NG BUHAY
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Buhay nati'y masalimuot
Na kaylalim tulad ng laot
May kasiyahan at may gusot
May mapagbigay, may madamot.
Saan pa ba tayo susuot
Kung tayo pa'y palambot-lambot
Sa buhay na masalimuot.

Parehas Bang Lumaban?

PAREHAS BANG LUMABAN?
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Ang di raw parehas lumaban
Ay duwag ngunit tuso naman
Wala raw ibang nalalaman
Kundi ang iba't malamangan.
At dapat niyang pagpasyahan
Kung lalamangan ang kalaban
O paparehas pa sa laban?

Ang Pahamak

ANG PAHAMAK
tulang siyampituhan
ni Greg Bituin Jr.

Kung sa kahinaan ng iba
Ikaw ay mapagsamantala
Talagang kasumpa-sumpa ka
Sa mundong itong pulos dusa.
Ang tulad mo'y nakamaskara
Nakangiti nga'y pahamak pa
Sa pinanghihinaang iba.

Linggo, Nobyembre 16, 2008

Dahilan at Paraan

DAHILAN AT PARAAN
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayraming paraa’t dahilan
Ng gawaing ginagampanan
Pati sa mga katungkulan
Natin sa kapwa at sa bayan.
Ang palasak na kasabihan:
Pag ayaw, kayraming dahilan
Pag gusto, kayraming paraan.

Sugat sa Kalamnan

SUGAT SA KALAMNAN
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May sugat ang ating kalamnan
Sa buod ng ating katawan
Ito raw ang sakit ng bayan
Nagwawasak sa katauhan.
Tangi raw nitong kalunasan
Ay pagbabago ng lipunan
Upang gumaling ang kalamnan.

Piging ng Isang Sandali

PIGING NG ISANG SANDALI
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako'y siyang-siya sa piging
Nang sandali kang makapiling
Puso ko'y tila nagniningning
Anong ngalan mo, miss malambing?
At nang umalis ka sa piling
Puso ko'y parang inilibing
At tila napaslang sa piging.

Ugnayan ng Salapi

UGNAYAN NG SALAPI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Tawag sa takbo't ugnayan ng kwarta
Kung susuriin ay magkakaiba
"Pamasahe" sa dyip na pamasada
"Sukli" naman sa salaping sumobra

"Sweldo" ang bayad ng kapitalista
"Bale" ang sahod na hiniram muna
"Utang" naman pag nanghiram ng pera
"Renta" ang bayad sa nagpapaupa

"Tip" naman sa magandang serbidora
Sa estudyante nama'y "matrikula"
Kinita naman ng naglako'y "benta"
O kaya'y simpleng "bayad" sa tindera.

"Pantaya" naman doon sa karera
Sa balasador ay "tong" sa baraha
Sa kanto nama'y "atik" at "datung" pa
"Lagay" pag sa ilalim na ng mesa.

Ganito ang takbo ng ating pera
Palipat-lipat sa kamay ng iba
Magkano man ang halaga ng kwarta
Mahalaga'y tama ang iyong kwenta.

Mga Salitang Kurakot

MGA SALITANG KURAKOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Ayon sa "Corruptionary" na libro
Maraming ambag sa bokabularyo
Ito umanong gobyernong Arroyo
Atin ngang alamin ang ilan dito:

"Lagay" upang maayos ang aberya
At ang nag-aayos nito'y "eskoba"
Kay Balagtas, sila ang palamara
Bibilhin kahit ang puri ng kapwa.

Ang tawag sa perang suhol ay "gobya"
O kaya'y "tong", tulad ng sa baraha
"Kalabit-hingi" ang tawag sa iba
At "Ninoy" ang paboritong hingin pa

Abogado mo'y ang nakalarawan
Sa perang nasa pitaka mong tangan
Si Roxas yaong nasa isangdaan
Si Macapagal sa dalawangdaan

At ang salapi namang kalakihan
Ay si Ninoy naman sa limandaan
Ngunit may mas matitindi pa riyan
Ito'y kung milyones na ang usapan.

Kurakutan ay di lang barya-barya
Dinarambong ay milyones na pala
Kaya kung bokabularyo'y kulang pa
Ay tanungin mo rin si Jun Lozada.

(Ang librong "Corruptionary" ay inilunsad noong Abril 7, 2008.)

Sambahin ang Pera Mo

SAMBAHIN ANG PERA MO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Sadyang makapangyarihan at hari
Itong tinatawag nating salapi
Kayang alipinin anumang lahi
At kawawain ang kalabang uri.

Bungkos lamang ito ng papel, di ba?
Ngunit naging makapangyarihan na
Mabibili man kahit kaluluwa
May bayad kahit puri ang ibenta.

Di ba't kawalan nito ang dahilan
Ng maraming sadlak sa kahirapan?
At kung walang salapi ang sinuman
Ay tiyak na aapihing tuluyan!

Kaya ito ngayon ang sinasamba
Ng mga pinuno, maging ng masa
Diyos ba ito ng kapitalista
At bathala ng mapagsamantala?

Dahilan din nitong kayraming gulo
Ay ang salaping diyos na sa mundo
Na bumubuhay sa kapitalismo
Pati sa mga tusong pulitiko.

Dahil sa salapi'y nagpapatayan
Magkapatid o magkamag-anak man
Basta't merong salapi'y tumatapang
Kongreso't husgado'y binabayaran.

Kung sakaling mabago na ang mundo
Kasama nating papawiin dito
Ay ang perang diyos-diyosang ito
Na mapang-api sa kayraming tao.

Kaibhan ng Bansa't Lipunan

KAIBHAN NG BANSA'T LIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

Magkatumbas at iisa lang
Ito raw bansa at lipunan
Pareho raw ng kahulugan
Pagkat turo sa paaralan.

Ngunit ang ganitong akala
Kung susurii'y mali pala
Silang dalawa'y magkaiba
Mali ang turo sa eskwela.

Kung pakasusuriin lamang
Matatalos mo ang kaibhan
Di pareho ang katangian
Nitong bansa't nitong lipunan.

Lipunan pag iyong nilimi
Bumuo'y iba-ibang uri
Habang ang bansa pag sinuri
Binubuo ng isang lahi.

Ang pagiging magkababayan
Ay sadyang walang kinalaman
Sa sistema nitong lipunan
At sa loob ng pagawaan.

Di matawag ang bansang ito
Na lipunang kapitalismo
Kundi bansa ng Pilipino
Ang siyang tawag natin dito.

Biyernes, Nobyembre 14, 2008

Herodes 38:45

HERODES 38:45
(Mula sa isang pelikula ni Eddie Garcia)
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Nang nakatutok sa kanyang ulo
Ang hawak na baril ng berdugo
Libro ang kinuha ng maestro
Upang basahin ang isang berso.

Sa libro ni Herodes umano
Ay nasusulat ang isang berso
Nasa kapitulo trenta'y otso
At bersikulo kwarenta'y singko

"Pag hinanap mo ang kamatayan
Ito'y tiyak mong matatagpuan."
Sabay bunot ng nakapalaman
Sa aklat kaya nagkaputukan.

Sa libro ay nakalagay pala
Ang kwarenta'y singkong baril niya
Iyon ay binunot pagkabasa
At ang berdugo'y agad tumumba.

Ang bersong iyon ay di nawala
Di nawaglit sa aking gunita
Kaya sa panahon ng paglikha
Ay ginawan ko iyon ng tula.

Pinepeste ng Mahal na Kuryente

PINEPESTE NG MAHAL NA KURYENTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Tubo ang laging nasa kukote
Ng namamahala sa kuryente
Iniisip lang nila'y sarili
At sa taumbaya'y walang paki.

Sa Meralco'y dapat nang masabi
Salamat at may ilaw sa gabi
At araw-araw ay may kuryente
Ngunit presyo nito'y sadyang grabe!

Ano kaya kung isabotahe?
Lider nito'y lagyan ng boltahe?
Di kaya magmura ang kuryente?
O tayo muna'y maghunos-dili?

Ang masa'y talagang pinepeste
Ng taas ng presyo ng kuryente.

Pamurahin ang Kuryente

PAMURAHIN ANG KURYENTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

O, sobrang mahal na ng kuryente
At kaming dukha ang nadadale
Gobyerno'y dapat tumulong dine
Pagkat tayo'y kanilang botante.

Sa kongresista, mga alkalde
Sa senador at sa presidente
Kayo pa ba sa baya'y may silbi?
Aba'y pamurahin ang kuryente!

Sa kababaihan, anluwagi
Manggagawa, magsasaka, sastre
Lahat ng sektor, at estudyante
Magkaisa't nang ating masabi:

Kung hindi ninyo diringgin kami
Kayo pala'y sadyang walang silbi!

Wasakin ang Tanikala

WASAKIN ANG TANIKALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Araw-araw kayong gumagawa
Ngunit bakit kayo pa'y kawawa
Laging di binabayarang tama
Yaong presyo ng lakas-paggawa.

Kayong sa ekonomya'y lumikha
Itong batbat ng hirap at luha
Ngunit turing sa inyo'y dakila
Pagkat kayo ang mapagpalaya.

Ngayon, kapitalismo'y may banta
Kaharap na krisis ay lalala
Tiyak tatamaan kayong lubha
Pipigaing lalo ang paggawa.

O kaya'y trabaho nyo'y mawala
Sa krisis na sila ang maysala
Labanan ang anumang pakana
Bago hirap sa inyo'y bumaha.

Manggagawa sa lahat ng bansa
Katubusa'y nasa kamay nyo nga
Magkaisa kayo't kumawala
Sa pagkagapos sa tanikala.

O, masisipag na manggagawa
Sa mundong itong nagdaralita
Wasakin na yaong tanikala
Upang uri'y tuluyang lumaya.

Huwebes, Nobyembre 13, 2008

Ang Binibini sa Taksi

ANG BINIBINI SA TAKSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
soneto, 9 pantig

Kaybini't nakabibighani
Ng nakita kong binibini
Kaya ako'y biglang nawili
Na pagmasdan siyang maigi.

Siya'y nakasakay sa taksi
Habang lulan ako ng dyipni
Nang ngitian ko ang mabini
Aba'y ngiti rin yaong ganti!

At tumibok ang pusong ire
Sa kayganda kong binibini
Siya'y nais kong maging kasi
Ngunit nawala na ang taksi.

O, humibik ang pusong saksi
Magkikita pa kaya kami?

Libog at Torero

LIBOG AT TORERO
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nais ba ng babaeng ito
Sa birhaws na pinuntahan ko
Na siya'y nakikipagtoro
Sa kapareha niyang brusko?
Anong klaseng sistema ito
Na kalibugan ang negosyo
Na babae'y nais matoro?

Negosyo ng Ago-go

NEGOSYO NG AGO-GO
(sa magandang agogo-dancer)
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nais ba ng mga ago-go
Na pinanonood ng tao
Habang sumasayaw ng todo
Kahit munti ang saplot nito?
Katawan ba'y ninenegosyo
Pagkat hirap silang totoo
Kaya't pinasok mag-ago-go?

Labanan ang Pang-aabuso

LABANAN ANG PANG-AABUSO
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Labanan ang pang-aabuso
Sa babae't sa kapwa tao
Ng bulok na sistemang ito
Na tubo ang laging motibo.
Pinagtutubuan ang tao
Sa mundong ginawang impyerno
Nitong mga mapang-abuso.

Anong Silbi ng Digmaan

ANONG SILBI NG DIGMAAN
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano bang silbi ng digmaan
Kundi maramihang patayan
Karahasan ba'y kasagutan
Sa mga problema ng bayan?
Kayraming pamilyang nawalan
Ng mahal nila't nag-iyakan
Dahil sa salot na digmaan!

Serbisyo'y Huwag Gawing Negosyo

SERBISYO'Y HUWAG GAWING NEGOSYO
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ating karapatang pantao
Ang bawat batayang serbisyo
Kaya dapat igalang ito
At ibigay sa mga tao.
Hindi dapat gawing negosyo
Pagkat lahat ito'y serbisyo
At karapatan din ng tao.

Wakasan ang Kapitalismo

WAKASAN ANG KAPITALISMO
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Di sistemang kapitalismo
Ang dapat manaig sa mundo
Ito'y lipunan lang ng tuso
At sa mandarayang negosyo.
Kung nais nati'y pagbabago
Halina't magsama-sama tayo
Wakasan ang kapitalismo!

Magkaibang Gusto

MAGKAIBANG GUSTO
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkamal ng tubo ang gusto
Nitong kapitalistang tuso
Habang itong mga obrero
Nais ay sahod sa trabaho.
Silang magkatunggaling ito
Ay magkaiba ang motibo
Upang makamit yaong gusto.

Martes, Nobyembre 11, 2008

Wala Pala Ako Kahit Katabi Mo

WALA PALA AKO KAHIT KATABI MO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig

Inamin mong ako'y wala
Kahit tayo'y magkasama
Sa aki'y walang mapala
Kundi pasakit at dusa.

Ikaw lamang ang adhika
Ng puso kong sumisinta
Kaya ako na'y lumuha
Katabi mo'y wala pala

Ramdam ko'y kaawa-awa
Walang silbi ang pagsinta
Puso't diwa ko'y nawala
Ako ngayo'y nasa dusa.

Ako'y wala nang magawa
Kung ang tingin mo'y ganyan na
Ikaw na'y pinalalaya
Nang may mapala ka, sinta.

O, ikaw man ay nawala
Tandaan mong mahal kita.

Sa Dibdib ng Lintik

SA DIBDIB NG LINTIK
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako'y itinuring na lintik
Ng ama ng mutyang katalik
Ngunit sinta ko'y laging sabik
Siyang kaysarap ngang humalik.
Ngayon ngang gabing kaytahimik
Sa dibdib ko siya humilik
Nahimbing katabi ang lintik.

Tatlong Uri ng Napiit

TATLONG URI NG NAPIIT
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong uri'y nasa piitan
Yaon daw walang kasalanan
Yaong may sala't hinatulan
At yaong takot mangatwiran.
Alin ka man sa tatlong iyan
Magpakabuti kang tuluyan
Nang makalaya sa piitan.

Diskriminasyon at Losyon

DISKRIMINASYON AT LOSYON
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaytindi ng diskriminasyon
Kahit sa patalastas doon
Sa dyaryo, radyo't telebisyon
Upang pumuti ka'y mag-losyon.
Maputi'y gumanda ang layon
At kayumanggi'y pangit doon.
Di ba't iya'y diskriminasyon?

Puno at Bunga

PUNO AT BUNGA
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang bunga'y ang iyong ginawa
At dahon lamang ang salita
Itong sanga yaong adhika
Habang ugat nama'y panata.
Ang buong puno'y siyang diwa
Kasama ng katas at dagta
Ng bungang nais mong mangata.

Sakit na Matindi

SAKIT NA MATINDI
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May sakit pa kayang titindi
Kung mawawala ka sa tabi
Sabik ako sa iyong pisngi
At labing ayaw kong iwaksi.
Hiling ko't nais kong mangyari
Lagi kang nasa aking tabi
Nang sakit ko'y di na tumindi.

Dayukdok sa Usok

DAYUKDOK SA USOK
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit sa bisyo ninyong usok
Ay tila kayo'y nadayukdok
Kapara nito'y hanging bulok
O tambutsong sumusulasok.
Kung tila titigil ang tibok
Ng puso't sumakit ang batok
Aba'y tigilan ang pausok.

Pagluhog

PAGLUHOG
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako ngayo'y yuko ang noo
Sa harap mo'y nagsusumamo
Naninikluhod na sa iyo
Hinaing ko nawa'y dinggin mo.
Hiling kong lingapin mo ako
Ikaw na sinta ng buhay ko
Nang ako'y muling taas-noo.

Sa Gulo Kikibo

SA GULO KIKIBO
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Yaon daw taong walang kibo
Ay nasa loob lang ang kulo
Kaya kung ako'y dinuduro
Ako'y di papayag yumuko.
Dahil ako na'y napasubo
Papalag na nga't di susuko
Akong di naman palakibo.

Luha'y Dugo

LUHA'Y DUGO
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dapat paluhain ng dugo
Ang sa atin ay magkanulo.
Buong samahan ay guguho
Kung merong mga maglililo.
Kaya sinumang balatkayo
Na sa atin ay magkanulo
Ay dapat lumuha ng dugo.

Kung Pumanig Sa Atin

KUNG PUMANIG SA ATIN
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dapat sa anumang digmaan
Makilala yaong kalaban
Sila'y dapat nating alisan
Nitong kakayahang lumaban.
Kung sakaling makuha naman
Sa ating panig ang kalaban
Yao'y panalo sa digmaan.

Kailan ang Kasalan

KAILAN ANG KASALAN
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kailan na ba ang kasalan
O, minumutyang kasintahan
Nais kitang makatuluyan
At magtayo na ang tahanan.
Bunga natin ng pag-ibigan
Ay tunay na kaligayahan
Nating dapat makasal naman.

Mainam Pa Sa Salapi

MAINAM PA SA SALAPI
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang kabutihan ng ugali
Mas mainam pa sa salapi
Tinitingnang kapuri-puri
Kung ugat sa buti ang lahi.
Ang lipi'y di ikamumuhi
Wala mang gaanong salapi
Basta't kaybuti ng ugali.

Hutukin Habang Bata

HUTUKIN HABANG BATAtulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang kahoy habang ito'y bata
Ituwid mong parang kandila
Pag ito'y lumaki't tumanda
Tuwirin mo at masisira.
Tulad din ng iyong alaga
Ang puso, ugali niya't diwa
Ay hutukin mo habang bata.

Upang Magkaanino

UPANG MAGKAANINO
tulang siyampituhan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Parang taong walang anino
Yaong mga walang katoto
Parang rosas na walang bango
Yaong mga walang trabaho.
Kaibiga'y hahanapin ko
Maghahanap din ng trabaho
Nang sa gayo'y magkaanino.

Linggo, Nobyembre 9, 2008

Nang si Hudas ay Madulas

NANG SI HUDAS AY MADULAS
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod, 13 saknong

Ilang ulit nang nadulas
Ang taong ngalan ay Hudas
Na sa mukha'y laging bakas
Ang sakit na dinaranas.

Kayraming kwentong marahas
Sa kanyang pagkadupilas
Tila laging minamalas
Itong palad niya't bukas.

Nang si Hudas ay madulas
Pilit inakyat ang taas
Nitong puno ng bayabas
Para sa dahong panglanggas.

Nang si Hudas ay madulas
Ang ilong niya'y napingas
Ngipin di'y agad nalagas
Nang tumama sa matigas.

Nang si Hudas ay madulas
Ninanakaw yaong prutas
Sa tindera ng mansanas,
Singkamas, peras at ubas.

Nang si Hudas ay madulas
Pumitlag siyang kaylakas
Nakapulupot na ahas
Ang nakita sa mansanas.

Nang si Hudas ay madulas
Natawa ang mga ungas
Pagkat salawal ay butas
At sira pa ang tsinelas.

Nang si Hudas ay madulas
Siya'y agad pinaghampas
Ng mga manang sa labas
Na ninakawan ng peras.

Nang si Hudas ay madulas
May batas na inilabas
Ang gagamit ng bolitas
Ay malalagay sa rehas.

Nang si Hudas ay madulas
Muntik na niyang mautas
Ang kasama niyang pantas
Na nais niyang madugas.

Buti't nadulas si Hudas
Habang hawak ang matalas
Na kanya sanang pang-utas
Sa namuntikanang pantas.

Lagi siyang nadudulas
Kapag di pumaparehas
Lalo na't nambalasubas
Ng kasama at kabakas.

Kawawa naman si Hudas
Pagkat laging nadudulas
Mas kawawa ang hinudas
Ng tulad niyang marahas.

Pagsinta at Lipunan

PAGSINTA AT LIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

O, kami'y di lang aktibista
Kundi tao ring sumisinta
Sa mga anak na dalaga
Ng senador o kongresista
O manggagawa yaong ina.

Pag-ibig ang aming usapan
Puso, diwa't kinabukasan
Pati pagmamahal sa bayan
At mahilig din magbiruan
Minsa'y seryoso ang huntahan.

Pag kami'y nagkatuluyan ba
Kami'y magpapatuloy pa ba
Sa aming pagtulong sa masa
Lalo na sa pakikibaka
Misis ma'y galing sa burgesya?

Aktibista'y nanumpa naman
Na sinumang makatuluyan
Ay tuloy pa rin yaong laban
Pag-aasawa'y di pag-iwan
Sa mga pinaninindigan.

Ang pangako ng aktibista
Napangasawa'y isasama
Sabay pang tutulong sa masa
Upang makamit ang hustisya
At mabago rin ang sistema.

Kasama iyan sa sumpaan
Ng dalawang nag-iibigan
Prinsipyo'y lagi pa ring tangan
Sa laban ay walang iwanan
Dumatal man ang kamatayan.

Bumagsak man ang ekonomya
Gumulo man ang pulitika
Anumang haraping problema
Pang-unawa ng bawat isa
Ang mahalaga sa kanila.

Isinulat sa kasaysayan
Nitong Che Guevarang palaban:
"Pag-ibig sa sangkatauhan
Ang siyang malaking dahilan
Upang palayain ang bayan."

Salamat, salamat, pagsinta
Sadyang makapangyarihan ka
Bunying pag-ibig itong dala
Sa tulad naming aktibista
Kaya kami nakikibaka.

Pagsintang makapangyarihan!
Mag-asawa'y magkaiba man
Ng kanilang pinanggalingan
Ay pinag-isa mong tuluyan
Ang puso, diwa't kalooban!

Apoy ng Pag-ibig

APOY NG PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ako'y apoy sa iniibig
Nandadarang ang aking bibig
Nangyayakap ang aking bisig
O, sadyang ako'y bigay-hilig.
Huwag lang buhusan ng tubig
Tiyak ako na'y manlalamig
Pagkat apoy akong nalupig.

Pag-ibig, Di Libog

PAG-IBIG, DI LIBOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Tunay na pag-ibig, di libog
Ang sa puso'y dapat humubog
Tulad din ng umagang hamog
Na sa puso'y nagpapalusog.
Kung sa pagkantot lang nabusog
Baka katawan mo'y mahulog
Pag walang ibig kundi libog.

Maganda Ang Pagsinta

MAGANDA ANG PAGSINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang babae'y di sinisinta
Dahil lamang siya'y maganda
Di lang sa balat nakikita
Ang kahulugan ng pagsinta.
Ngunit atin bang nahinuha
Yaong babae'y gumaganda
Sapagkat siya'y sinisinta?

Mensahe at Kalooban

MENSAHE AT KALOOBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kalooban ko'y gumagaan
Sa mensaheng makabuluhan
Katas ng diwa't karanasan
Na gumabay sa mamamayan.
Gawin nati'y makatuturan
Upang ang mensaheng maiwan
Makagaan ng kalooban.

Timba sa Baha

TIMBA SA BAHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kung ang tirahan mo'y mababa
Sa dakong yaon ng Maynila
Aba'y dapat kang maging handa
Pag langit na ang lumuluha.
Kailangan mo na ng timba
Upang limasin na ang baha
Sa basang tirahang kaybaba.

Dukha'y Di Pinagpala?

DUKHA'Y DI PINAGPALA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Mayayaman ba'y pinagpala?
At parusa ang pagkadukha?
Bakit hirap ang maralita?
Kaakibat pa'y dusa't luha?
Dahil ba sila'y walang kusa?
O walang halagang nilikha?
O sa dukha'y walang mapala?

Pag Sa Patalim Kumapit

PAG SA PATALIM KUMAPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Sa patalim ay kumakapit
Yaon daw taong nagigipit
Kaya kamay niya'y masakit
Tagas ang dugo't sumisirit.
Kahirapan yaong nagbingit
Sa kamatayang lumalapit
Kaya sa patalim kumapit.

Pag Naghirap ang Mayaman

PAG NAGHIRAP ANG MAYAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Sabi'y yaong taong mayaman
Ay kayrami raw kaibigan
Ngunit pag naghirap daw naman
Sila'y nawawalang tuluyan.
Kahit matagpuan sa daan
Ay di na mabati't matingnan
Yaong naghirap na mayaman.

Sabado, Nobyembre 8, 2008

Paunang Salita sa MASO 3

PAUNANG SALITA SA MASO 3
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nalathala sa aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Ikatlong Aklat

bawat titik sa plumang tangan ng manggagawa
ay diwang dumaloy sa nagbabagang adhika
na baguhin gamit ang mapagpalayang katha
ang sistemang yumurak sa dangal ng paggawa
dito sa aklat na MASO'y nagkatipong pawa
yaong katha nilang may sugat na iniinda
na ang sigaw ay tigpasin na ang tanikala.

habang nagnanaknak ang mga kathang narito
ay humihibik ang mapagpalayang obrero
tayo’y magkaisa sa hangad na pagbabago
bawat taludtod ng tula, bawat artikulo
ay may tapat na hangarin tungong sosyalismo
nawa’y magsilbing pag-asa't inspirasyon ito
sa inyo, sa masa, at sa lahat ng obrero.

Manggagawa'y Imortal

MANGGAGAWA'Y IMORTAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Uring manggagawa'y imortal
Pagkat tungkulin ay marangal
Lakas-paggawa nila'y bukal
Upang buhayin ang kinapal.
Halina't sila'y ikarangal
Iangat sila sa pedestal
Silang sa mundo ay imortal.

Kapitalista'y Imoral

KAPITALISTA'Y IMORAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang kapitalista'y imoral
Pagkat ang turing niya'y kural
Yaong pabrika ng kapital
At manggagawang nagpapagal.
Ang buhay man nila'y mapigtal
Walang pakialam ang hangal
Na kapitalistang imoral.

Kumilos Ka, Uring Manggagawa

KUMILOS KA, URING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Kumilos ka, uring manggagawa
Sa mundong punung-puno ng luha
Ikaw ang bumubuhay sa lupa
Sa buong daigdig at sa madla
Ngunit ikaw pa'y kinakawawa.

Bakit ba ikaw'y pumapayag pa
Alipinin ng kapitalista
Sa lakas-paggawa'y barat sila
Sa tubo'y busog ang tiyan nila
Habang ang tulad mo'y nasa dusa.

Tungkulin ba sa iyong balikat
Na ang kapitalista'y mabundat?
Ganito'y sadyang nakasusugat
Sa damdamin ko'y tila nagwarat
Pagkat tungkulin ninyo'y panlahat.

Narito na kayo nang kaytagal
Sa kayraming lipunang dumatal
Mula pa primitibo komunal
Lipunang alipin at sa pyudal
Hanggang ngayong lipunang kapital.

Saksi kami sa kabayanihan
At sakripisyo ninyong mataman
Kaya aming sinasaluduhan
Kayong imortal na ginampanan
Ay pagbuhay sa mga lipunan.

Ngunit kung kayo ang bumubuhay
Bakit buhay ninyo'y tila patay
Nagtatrabaho nang walang humpay
At kadalasan pa'y naglalamay
Ang sahod nama'y di makasabay.

Kayong imortal ay magkaisa
Huwag nang magpatumpik-tumpik pa
Pag-usapan na itong problema
Paksain ang bulok na sistema
Bakit ito'y dapat palitan na.

May kapangyarihan kayong taglay
Na nariyan lang sa inyong kamay
Kung magagamit sa tamang pakay
Lipunan ay mababagong tunay
Pati na ang ilang siglong lumbay.

Kumilos ka, uring manggagawa
Sa makasaysayan mong adhika
Ang mundong dinaanan ng sigwa
At lipunang binasa ng luha
Ay dapat mo nang baguhing sadya.

Halina't baguhin ang lipunan
Pairalin nati'y kapatiran
Ating lipulin ang kasakiman
Pribadong pag-aari ng yaman
Ay tanggalin na nating tuluyan.

Kaya manggagawa, humayo ka
Sakupin ang lahat ng pabrika
Pamahalaan ang ekonomya
Angkinin ang diwang sosyalista
Baguhin ang bulok na sistema.

Pag Nalagas ang Dahon

PAG NALAGAS ANG DAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig, soneto

Sabi'y atas na ng panahon
Pag nalagas na yaong dahon
Tulad din ng mga nagumon
Sa droga't krimen ay nabaon.

Napakarami riyang maton
Na kapwa tao'y hinahamon
Bira dito at bira doon
Ngunit nalugmok din paglaon.

Ang tulad nila'y naibaon
Sa hukay ng mga linggatong
At tulad ng dahong nalugon
Sila ba pa'y makakaahon?

Di na sila makakabangon
Pag nag-atas na ay panahon.

Kung Saan Nabubuhay

KUNG SAAN NABUBUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig, soneto

Kung saan ka nabubuhay,
Doon ka rin mamamatay.
Itong kasabihang tunay
Ay iyo bang naninilay?

Kung sa baril ka mahusay
O patalim yaong taglay
Dapat kang magbulay-bulay
Baka diyan ka mamatay.

Kung buhay mo'y nalalagay
Sa isang buhay na sinsay,
Pamilya'y baka madamay
Kaya't sila'y isiping tunay.

Maari ka namang magsikhay
Ng ibang ikabubuhay.

Ipunla Nati'y Pag-asa

IPUNLA NATI'Y PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Pag-asa ang dapat ipunla
Sa nalulugmok nating diwa
Ito ang ating magagawa
Sa bukas ng bayang may luha.
Upang bansa'y umaning pala
Payabungin natin ang diwa
At pag-asa'y ating ipunla.

Biyernes, Nobyembre 7, 2008

Pag Buhay ang Tinaya

PAG BUHAY ANG TINAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Pag buhay mo ang iyong taya
Dito sa tinubuang lupa
Ang itinatanim mo'y luha
Sa mga kalaban mong linta.
Aanihin mo'y pagpapala
Sa bukas na kinakalinga
Ng buhay na iyong tinaya.

Dilang Tabak

DILANG TABAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang dila ng tao'y di tabak
Ngunit ito'y nakasusugat
Wala mang dugong pumapatak
Ito'y nag-iiwan ng pilat.
Puso'y maaaring magnaknak
Kung wika'y walang pag-iingat
Dila'y nagmimistulang tabak.

Dila ng Dalahira

DILA NG DALAHIRA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kung di mo ibig mapahiya
Salita'y ibagay sa gawa
Kundi'y buhay mo'y magigiba
Ng mga nagsasangang dila.
Pag ikaw ay nagdalahira
Ikaw ay parang isinumpa
At dapat ka lang mapahiya.

Luksang Pag-ibig

LUKSANG PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Buhay kong iwi'y nagluluksa
Sa pagmamahal na nawala
Ang mukha ko'y parang tinaga
At dugo'y sinipsip ng linta.
Sa aking iibiging mutya
Ayokong ikaw di'y mawala
At di ko na ibig magluksa.

Huwebes, Nobyembre 6, 2008

Silang Mga Kababaihang Bayani

SILANG MGA KABABAIHANG BAYANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

(isang pag-aalay sa mga martir na sina Gabriela Silang, Liliosa Hilao, Lorena Barros, at iba pang martir na kababaihan)

Gabriela, Liliosa, Lorena
Sa kanila'y hanga ang masa
Pawang totoong tao sila
Na nagsakripisyo't nagdusa.

Di tulad nina Marya Klara
Pati sina Huling at Sisa
Pawang tauhan sa nobela
Mga martir, iyakin, lampa.

Gabriela, Liliosa, Lorena
Mga pangalang nakibaka
At naghatid din ng pag-asa
Para sa bayan at sa masa.

Sadyang mga bayani sila
Na nasa'y lumaya ang masa
Mula sa kuko ng agila
At pangil ng kapitalista.

Marya Klara, Huling at Sisa
Ay imbento lang ng nobela
Bakit naging huwaran sila
Nitong babaeng Pilipina?

Gayunman, may kasalanan ba
Si Rizal sa kanyang nobela
Mali ba ang ginawa niya
Na Pilipina'y gawing lampa?

Sino'ng huwarang Pilipina
Marya Klara, Huling, at Sisa?
O nararapat pala'y sina
Gabriela, Liliosa, Lorena?

Kung ako'ng tatanungin ninyo
Ang mga kikilalanin ko'y
Yaong mga nagsakripisyo
Para sa bayan at sa tao.

Marya Klara, Huling at Sisa
Ay di halimbawang maganda.
Pagkat di dapat mga lampa
Itong huwarang Pilipina.

Gabriela, Liliosa, Lorena
Ang dapat tularan ng iba
Pagkat talagang nakibaka
Laban sa bulok na sistema.

Miyerkules, Nobyembre 5, 2008

Pulitiko, Noon at Ngayon

PULITIKO, NOON AT NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

Noon, kung ayaw mong maghirap
Huwag magpulitikong ganap
Ngayon, kung nais mong yumaman
Magpulitiko kang tuluyan.

Linggo, Nobyembre 2, 2008

Napiit Ako sa Kawalan

NAPIIT AKO SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Napiit ako sa kawalan
Doong walang patutunguhan
Hindi alam ang nakaraan
At kung anong kinabukasan.
Ako pa ba'y nasa digmaan
O ito na'y kapayapaan?
Kawalan ba'y hanggang kailan?

Bilibid-Or-Not

BILIBID-OR-NOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Di ko ninais mabilibid
Sa kasalanang di ko batid
Nawa'y huwag namang ilingid
Kung buhay ko ma'y mapapatid.
Ang hiling ko lamang, kapatid
Nawa hustisya'y maihatid
Sa kapwa kong nasa bilibid.

Pagkaluoy

PAGKALUOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Sa batis ko nais lumangoy
Nang mawala ang pagkaluoy
Ng diwang tila nanguluntoy
Sa dawag na paliguy-ligoy.
Nang magparikit na ng apoy
Di pala batis ang nilangoy
Pagkat ako'y nasa kumunoy.

Mahal ang Gamot sa Bayan Ko

MAHAL ANG GAMOT SA BAYAN KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Sa bayan ko'y mahal ang gamot
At mahal din ang magpagamot
Pera sa bulsa'y kakarampot
At swerte na kung may madukot.
Ang sistemang ito'y maramot
Sa dukhang dapat lang mapoot
Sa lipunang mahal ang gamot.

Ibalik ang Dangal ng Bayan

IBALIK ANG DANGAL NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang baya'y nawalan ng dangal
Nang katiwalia'y sumakal
Pagkat naupo sa pedestal
Ay pawang di naman hinalal.
Naupong hangal ay garapal
At dapat lang nating matanggal
Sa baya'y ibalik ang dangal.

Alagaan Natin ang Buhay

ALAGAAN NATIN ANG BUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Alagaan natin ang buhay
Magkakain lagi ng gulay
Ang mga ito'y pampatibay
Nitong katawan, buto't atay.
Para saan pa ang tagumpay
Kung walang kalusugang tunay
Ang nag-iisa nating buhay.

Dapat Mawala Ang Pahirap

DAPAT MAWALA ANG PAHIRAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kurapsyon ay sadyang pahirap
Sa masang hindi nililingap
Nitong pangulong mapagpanggap
At taksil din sa mahihirap.
Karamihan ay nangangarap
Mapataksik ang mapagpanggap
Nang mawala na ang pahirap.

Ang Sinisisi

ANG SINISISI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

"Bakit ba ako'y sinisisi?
Sa kanila ba'y anong paki?"
Yaon ang sabi sa sarili
Ng pangulong ngingisi-ngisi.
"Sa poder, ako na'y nawili
Pag pinilit matanggal dine
Kayo ang aking masisisi!"

Bukuhin Ang Mga Pulitiko

BUKUHIN ANG MGA PULITIKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang sinuman sa pulitiko
Na nagnanakaw sa gobyerno
Ay nararapat lang mabuko
At tuluyang makalaboso.
Imbes na maglingkod sa tao
Kabang-bayan ang sinususo
Nitong ganid na pulitiko.

Nang Mawala Ang Susi

NANG MAWALA ANG SUSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ako'y nagbabaka-sakali
Na malaman kung anong sanhi
Ng pagkawala nitong susi
Baka may nais mang-aglahi.
Tangka bang kunin yaong ari
Kaya ninakaw itong susi
Ninumang nagbaka-sakali?

Huwag Magpapatiwakal

HUWAG MAGPAPATIWAKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Huwag kang magpapatiwakal
Sayang lang ang buhay mo, hangal
Ikaw ba ay kinakalakal
O ikaw'y di na niya mahal?
Kung sa iba siya nakasal
Pabayaan mo na si mahal
At huwag kang magpatiwakal!

Ako'y Palaboy, Hindi Playboy

AKO'Y PALABOY, HINDI PLAYBOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ako ay playboy kung turingan
Ng mga kaluluwang halang
Pagkat akin daw inaaswang
Ang balerinang mukhang manang.
Ngunit mali yaong paratang
Pagkat sa bayan nitong sakang
Palaboy akong tinuringan.

Bitin Pa Ako

BITIN PA AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Tuwing kabilugan ng buwan
Tumatayo ang aking kuwan
Pagkat yaong misis ng bayan
Kahubdan niya'y namamasdan.
Kaysarap tingnan ng kariktan
Ng ginigiliw nitong bayan
Pag buwan na ng kalibugan.

Byaheng Langit

BYAHENG LANGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Nakapunta na akong langit
Nang di ko mabilang na ulit
Minsan, katre'y lumalangitngit
Ang dilag ay napapakapit
Habang kinakamot ang singit
Sa shabu ma'y napapakipit
O, kaysarap ng byaheng langit.