Linggo, Nobyembre 9, 2008

Nang si Hudas ay Madulas

NANG SI HUDAS AY MADULAS
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod, 13 saknong

Ilang ulit nang nadulas
Ang taong ngalan ay Hudas
Na sa mukha'y laging bakas
Ang sakit na dinaranas.

Kayraming kwentong marahas
Sa kanyang pagkadupilas
Tila laging minamalas
Itong palad niya't bukas.

Nang si Hudas ay madulas
Pilit inakyat ang taas
Nitong puno ng bayabas
Para sa dahong panglanggas.

Nang si Hudas ay madulas
Ang ilong niya'y napingas
Ngipin di'y agad nalagas
Nang tumama sa matigas.

Nang si Hudas ay madulas
Ninanakaw yaong prutas
Sa tindera ng mansanas,
Singkamas, peras at ubas.

Nang si Hudas ay madulas
Pumitlag siyang kaylakas
Nakapulupot na ahas
Ang nakita sa mansanas.

Nang si Hudas ay madulas
Natawa ang mga ungas
Pagkat salawal ay butas
At sira pa ang tsinelas.

Nang si Hudas ay madulas
Siya'y agad pinaghampas
Ng mga manang sa labas
Na ninakawan ng peras.

Nang si Hudas ay madulas
May batas na inilabas
Ang gagamit ng bolitas
Ay malalagay sa rehas.

Nang si Hudas ay madulas
Muntik na niyang mautas
Ang kasama niyang pantas
Na nais niyang madugas.

Buti't nadulas si Hudas
Habang hawak ang matalas
Na kanya sanang pang-utas
Sa namuntikanang pantas.

Lagi siyang nadudulas
Kapag di pumaparehas
Lalo na't nambalasubas
Ng kasama at kabakas.

Kawawa naman si Hudas
Pagkat laging nadudulas
Mas kawawa ang hinudas
Ng tulad niyang marahas.

Walang komento: