Huwebes, Hulyo 31, 2008

Ang Nais ng Maestro'y Estratehista

ANG NAIS NG MAESTRO’Y ESTRATEHISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(14 pantig bawat taludtod)

Minsan isang hapon ay nakipagtalakayan
Ang isang alagad sa maestro ng digmaan
At ang kanyang tanong, “Maestro, halimbawa man
May tatlong kawal kayong inyong maaatasan
Sino sa kanila ang inyong pagpipilian?”

Itong bunying maestro’y agad pumakli naman
“Sinuman sa kanilang handang tigre’y ahitan
O susuong sa laban ng walang pakialam
Kung siya’y mabubuhay pa o hindi sa laban,
Ang gayong kawal ay ayokong maging tauhan.”

“Ang nais ko’y yaong bagamat nahihirapan
Sa mga hakbangin ay napakaingat naman,
Siyang nais magtagumpay sa pamamagitan
Ng estratehiyang pinag-isipang mataman.
Ang tulad niya ang dapat pagkatiwalaan.”

Ang Mga Mapanisi

ANG MGA MAPANISI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(12 pantig bawat taludtod)

1
Bakit ba may taong mahilig manisi
Na laging bukambibig pag may nangyari
“Hindi ako! Siya kasi! Ikaw kasi!”
At di muna tingnan ang kanyang sarili.
2
Kaytagal na ng ganitong kalagayan
Ang paninisi’y naging kaugalian
May isang kwentong alam ng karamihan
Na sa tinuran ko’y magsasalarawan.
3
Nang sa kasabikan si Eba’y pumitas
Ng sa Eden ay pinagbawal na prutas
Siya’y sinita sa kinaing mansanas
Agad na sinisi ni Eba’y ang ahas.
4
“Hindi ako! Wala akong kasalanan!
Yaong ahas ang siyang may kagagawan!”
Ngunit si Eba rin ang may kasalanan
Alam nang bawal ay nagpabuyo naman.
5
Sa malambing na pagsuyo ng katuwang
Pumayag rin si Adan sa kagustuhan
Sa takot marahil na siya’y iwanan
Ng magandang Ebang kanyang kinalugdan.
6
At si Bathala sila’y kinagalitan
Kaya nahubdan sina Eba at Adan
Sa paraiso sila’y pinagtabuyan
Habang ang ahas sa Eden ay naiwan.
7
Hindi ba’t pasiya ni Ebang pitasin
Ang prutas na ipinagbawal pa man din
Di ba niya alam yaong papalarin
Kung ang mansanas ay kanilang kukunin?
8
Kung itong si Eba’y sadyang masunurin
Di siya papayag siya ma’y pilitin
Ngunit nagpasiyang prutas ay kainin
Sa bandang huli’y iba ang sisisihin.
9
Tulad din ng tao sa kasalukuyan
Hahanap lagi ng mapapagbintangan
Nag-iisip kung paano malusutan
Ang mga ginawa niyang kasalanan.
10
Ang paninisi’y tinig ng karuwagan
Di kayang tumanggap ng katotohanan
Na kaya naman sila nagkakaganyan
Sa ibinunga ng gawa’y mabigatan.
11
Sila kung ganya’y atin bang masisisi
Na ibintang sa iba yaong nangyari
Sila ba’y titingin sa mga sarili
Kung alam nilang sila’y mapapalungi?
12
Yaong munting maling gawa naman natin
Ay huwag nang tumangging ating aminin
Huwag nang ang iba ang ating sisihin
Nang maibsan ang sakit ng saloobin.
13
Ngunit kung nanisi ka’t nais lumusot
Dahil matindi ang napasukang gusot
Ang problema mo’y sadyang masalimuot
Huwag kang umamin, ikaw’y pumalaot.
14
Sarili’y ipagtanggol kaysa mapiit
Iba ang maysala ay iyong igiit
Sayang ang buhay mo kapag nabilibid
Tiising ang budhi mo’y mayroong bahid.
15
Ngunit anuman ang iyong kasalanan
Sa bandang huli’y dapat mong pagsisihan
Kaysa habambuhay mong pagdurusahan
At dala ng budhi hanggang kamatayan.
16
Hingi ko sa inyo’y isang paumanhin
Kung di bagay ang halimbawang diniin
Ngunit kayo nama’y di ko sisisihin
Huwag lang ang tula ko’y lait-laiitin.

Miyerkules, Hulyo 30, 2008

Sa Paglalayag ni Lanyag

Sa Paglalayag ni Lanyag

tula mula sa panagimpan ni Matang Apoy

(labing-apat na pantig bawat taludtod, labing-apat na taludtod)


Pagbati ng “Magandang Araw” sa iyo, Lanyag

Bating simpula ng araw sa sangmaliwanag

Ikaw’y inspirasyon ko sa aking pagsisipag

Nais kong sabayan ka sa iyong paglalayag.


O, Lanyag, talastas mo na itong aking lihim

Ikaw’y laging naroon sa aking paninimdim

Ikaw ang aking bituin sa gabing madilim

Kung puso ko’y masawi, iyo bang maaatim?


Madurog man ng tupang pula ang mga linta

At itong parokya ni gorio man ay magiba

Akong si Matang Apoy, handa pa ring tumula

At magpapatuloy pa rin sa aking adhika


Na sa iyong paglalayag, sasamahan kita.

Ngunit sa aking paglalayag, sasama ka ba?

Lunes, Hulyo 21, 2008

Masa'y Pinepeste

MASA’Y PINEPESTE
ni greg bituin jr.

Ang masa ngayo’y natuturete
Pagkat nagtaas ang pamasahe
Tumaas din bigas at kuryente
Pati pangmatrikula sa klase

Presyo ng langis ay lalong grabe
Sadyang nakapanggagalaiti
Ang bayan ngayo’y di mapakali
Sa mga ganitong nangyayari.

Anong nagawa ni presidente?
Pa-impress sa mga insidente?
At sa telebisyo’y pulos ngisi
Pangako doon, pangako dine.

Gobyerno ba’y sadyang walang silbi
Sa mga problemang lumalaki?
Gobyerno ba’y bulag, pipi’t bingi
Sa hinaing ng nakararami?

Itong bayan nati’y humihikbi
At sa krisis ay napapangiwi
Halos di na tayo makangiti
At sa hirap ay napapalungi.

Tanong ng marami, “Pa’no kami
Kung itong gobyerno’y tila peste
Pulos dahilan at pulos arte?”
Ah, tara’t kumilos at magrali!

Ang solusyon ngayong nalalabi
Ay ang paghahasik na ng binhi
Nitong pagbabagong minimithi
Ng mga mapagpalayang uri.

Tayo’y hindi na maduduhagi
Nitong sistemang mapag-aglahi
Kung magkakaisa bilang uri
Ang obrero sa lahat ng lahi.

Nalathala sa pahayagang Taas-Kamao, Hulyo 21, 2008

Dapat Maghimagsik

DAPAT MAGHIMAGSIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(10 pantig bawat taludtod)

Karahasan ang inihahasik
Nitong kapitalismong mabagsik
Uring manggagawa’y humihibik,
“Obrero’y dapat nang maghimagsik!”

Tunay na Kulay ng Kano

TUNAY NA KULAY NG KANO

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Mga Kano’y tuwang-tuwang

Makipaglaro kay Kamatayan

Kung ilang mga inosenteng

Masa’y kanilang pinapaslang.

Huwag Pasaway

HUWAG PASAWAY

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Mahal na ina’y pinagkakautangan

Nitong taglay nating dignidad at buhay

Tayo’y galing sa kanyang sinapupunan

Kaya’t tayong anak ay huwag pasaway.

Silang Mga Paslit

SILANG MGA PASLIT

(Sa mga batang namatay sa bomba

ng Kano noong digmaan sa gulpo)

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Mahigit isang dekada na ang nakaraan

Walang muwang na naglalaro

Ang mga batang Iraqi

Sa kapwa nila bata

Masaya silang naglalaro

Masayang-masaya

At hindi alintana

Ang darating na panganib

Masaya silang naglalaro

Masayang-masaya

Hanggang sa ang kanilang palaruan

Ay tamaan ng isang

Laser-guided missile

Mula sa sasakyang pandigma ng Merika

Sa pag-aakalang ang kanilang lugar

Sa lugar na kanilang pinaglalaruan

Naroroon ang mga heneral ni Saddam

Ang mga batang kanina’y naglalaro

Masayang-masayang naglalaro

Ngayon ay duguan, wala nang buhay

Ah, patuloy pa rin silang naglalaro

Ngayo’y malungkot na naglalaro

Pagkat inagaw na ng mga Merkano

Ang kanilang buhay at kinabukasan

Ang mga bata’y malungkot na naglalaro

Doon sa kabilang buhay.

Hibik ni Dok

HIBIK NI DOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang hibik nitong doktor:
“Ang balak ko’y lumisan
Sa ating abang bayan
Kaya pawang dayuhan
Itong makikinabang
Sa aking kakayahan.
Ang mga pagamutan
Ngayo’y magsisiksikan.
O, kawawa ang bayan
Kapag ako’y lumisan.”

Pagbati kay Macario Sakay

PAGBATI KAY MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Macario Sakay, isa ka bang bayani o bandido?
Bayani ka para sa nakararaming Pilipino
Kahit itinuring kang bandido ng mga Amerikano
Kami sa kasaysayan at ginawa mo’y saludo.

3 maikling tula ng pag-ibig

3 maikling tula ng pag-ibig
ni Gregorio V. Bituin Jr.

DI UMUURONG

Mandirigma akong handa sa labanan
Di umuurong sa anumang larangan
Sa rebolusyon maging sa pag-ibig man
Hanggang sa dulo kita’y ipaglalaban
Pagkat dyosa ka ng puso ko’t isipan.

NAG-IISA LANG

Sa puso ko’y isa lang ang paraluman
Na aking mamahali’t aalagaan
Pag nalasap ko’y matinding kabiguan
Mabuti pang pasagpang kay Kamatayan.

DI LANG MAKATA

Bakit ako mangangamba
Na sabihing mahal kita
Ako’y di lang mandirigma
Ako’y isa ring makata.
O, pangarap kita, sinta
Ikaw ang tangi kong musa.

Sa Quiapo, Isang Pagtatanong

SA QUIAPO, ISANG PAGTATANONG

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Napakaraming tumatambay na pulubi sa simbahan ng Quiapo

Ngunit walang magawang tulong ang simbahan

Kundi limos na nanggagaling sa bulsa ng mga nagnonobena

Tila nais lamang ng simbahan ay mga ritwal

At mga baryang inihuhulog ng mga manong at manang

Manhid ba ang mga nagsisimba, pati madre’t pari

Sa kalagayan ng mga naglipanang pulubi

O ang iniisip lang nila’y ang kaligtasan ng sarili?

Lunes, Hulyo 14, 2008

Higanteng Tulog ang Uring Manggagawa

HIGANTENG TULOG ANG URING MANGGAGAWA

ni Gregorio V. Bituin Jr.

1

Itong manggagawa ang mapagpalaya

Kapara’y higanteng tulog pa ang diwa

Na pag nagising maliligtas ang madla

Mula sa paninipsip ng mga linta.

2

Manggagawa ang bumubuhay sa madla

Ngunit bakit sila ang nagdaralita

Laging binabarat ang lakas-paggawa

Ng tinawag na hukbong mapagpalaya.

3

Manggagawa ang sa lipuna’y nagpala

Ngunit nabubuhay sa dusa at luha

Ngayo’y tulog pa ang uring manggagawa

At nagmimistulang higanteng kawawa.

4

Uring manggagawa’y isang dambuhala

Na nagpapagalaw sa mundo at bansa

At kung magigising ay kayang sumila

Sa lipunan, gobyerno, mundo at bansa.

5

Atin ngang suriin itong kalagayan

Ng ating bayan at ng pamahalaan

Lantarang tayo’y sakal sa lalamunan

Nitong mga kapitalistang gahaman.

6

Inangkin na nila likas nating yaman

Pabrika’t lupai’y inari din naman

Pati kababaya’y wala nang matirhan

At maralita’y ipinagtatabuyan

7

Itong kapitalista’y hamig ng hamig

Ng tubo sa pabrika, kuryente’t tubig

Bigas, langis, itong presyo’y kinakabig

Sino ba ang sa kanila’y mang-uusig?

8

Pinairal nila ang patong at lagay

Kaya sa kurakot maraming nasanay

Itong baya’y unti-unting pinapatay

Kalagayan nati’y nagmistulang bangkay.

9

Sa lipunan ngayo’y tubo ang batayan

Ng pag-iral sa mundo at kabuhayan

Kung sinong may malaking tubo’t puhunan

Ay kikilalaning makapangyarihan.

10

Pribadong pag-aari ng kasangkapan

Sa paggawa ng produksyon sa lipunan

Ang siyang dahilan nitong kahirapan

At pagpapasasa ng mga gahaman.

11

At balewala ang mga naghihirap

Pagkat walang mga pag-aaring ganap

Pag maralita ka’y di katanggap-tanggap

Sadyang di ka pag-uukulan ng lingap.

12

Pagkat ito’y sistemang kapitalismo

Na siyang nagdulot ng pagkatuliro

Sa mga obrero’t karaniwang tao

Sadyang mapanlamang ang sistemang ito.

13

Kayhimbing matulog ng kapitalista

Kahit alam nilang obrero’y gutom na

Ngunit pag nabawasan ang tubo nila

Munti man ang bawas ay nababalisa.

14

Kaya obrero’y pinanatiling himbing

Ng kapitalistang sa tubo ay sakim

Pagkat alam nilang pag ito’y nagising

Sila’y tuluyan na nitong ililibing.

15

At ang globalisasyo’y ginawang salik

Ng kapitalista’t gobyernong nagtalik

Upang manggagawa’y di na makaimik

At madurog ang diwang naghihimagsik.

16

Welga’t pag-uunyon ay agad sinakal

Pinatakarang sa puhuna’y sagabal

Kontraktwalisasyo’y agad pinairal

Pag pumalag, ang obrero’y matatanggal

17

Dapat maghimagsik na ang manggagawa

Magkaisa ang hukbong mapagpalaya

At sila’y maghanda sa pamamahala

Ng mga pabrika at ng bawat bansa.

18

Ating tandaang may dakilang tungkulin

Ang mga obrerong dapat niyang gawin

Siya’y may misyong ang sistema’y baguhin

At ang tanikala’y tuluyang lagutin

19

Kaya manggagawa’y dapat nang gisingin

Humayo tayo’t sila’y pakilusin

Ipaunawa ang dakilang layunin

Magpatuloy na sila’y organisahin.

20

Baguhin na ang naghaharing sistema

Na iilan lamang ang nagpapasasa

Habang milyon-milyon itong nagdurusa

Halina’t maghanda sa pakikibaka.

21

Pag ang manggagawa’y tuluyang nagising

Ang buong burgesya’y kanyang lulusawin

Bulok na sistema’y kanyang dudurugin

At doon sa kangkungan ay ililibing.

22

O, manggagawang may tungkuling matayog

Sa lumang sistema’y kayo ang dudurog

Sa bagong lipunan kayo ang huhubog

Kaya magbangon na, O, higanteng tulog!

23

O, manggagawa, kami’y pakinggan ninyo

Tanggalin na ang pag-aaring pribado

Nitong gamit sa paggawa ng produkto

Upang makinabang ang lahat ng tao.

24

Kaya gumising na kayo at magbangon

Harapin nyo ang makasaysayang hamon

Bagong sistema’y paghandaan na ngayon

At gampanang mahusay ang inyong misyon

25

Nasa inyo ang landas ng pagbabago

Hawakan na ninyong mahigpit ang maso

Durugin ang bagsik ng kapitalismo

At itayo ang lipunang sosyalismo.

Ang Sepulturero

ANG SEPULTURERO

(8 pantig bawat taludtod)

ni Gregorio V. Bituin Jr.


kaming mga manggagawa

ang siyang sepulturero

ng uring kapitalista

sila’y aming ibabaon

sa lupang kailaliman

upang sila’y tuluyan nang

maglaho sa mundong ito

at di na magsamantala

Kapitalismo 101

KAPITALISMO 101
ni Gregorio V. Bituin Jr.

1

Ang kapitalismo pag yumakap
Tila nanggagahasa ng dilag
Lagi na lang tubo ang apuhap
Birhen sa paggawa’y nilalaspag.

2

Kapitalismo’y sistema ng mandarahas
Ng mga mapang-api’t mga talipandas
Mga kasama, hawanin natin ang landas
Upang bulok na sistema’y agad mautas.

3

Kapitalismo ay anong katuturan
Kung tingin nito sa babae’y laruan
Kapitalismo’y sadyang walang paggalang
Sa babaeng kalahati ng lipunan.

ang larawan ay mula sa http://seeingredradio.files.wordpress.com/2009/09/600px-capitalism_graffiti_luebeck1.jpg

Dapat Walang Panginoon

DAPAT WALANG PANGINOON

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Panginoong may-alipin

Nag-aari ng mga mahihina

At bihag na tribu

Sa panahong iyon nalikha

Ang Pyramide sa Ehipto

At ang Great Wall sa Tsina.


Panginoong maylupa

Ang magsasaka’y itinali

Sa sistemang pyudal

Sa panahong iyon lumakas

Ang simbahan, na malalawak

Na lupain ay kinakamkam.


Panginoong may kapital

Manggagawa’y kinakalakal

Pinasasahod ngunit binabarat

Ang lakas-paggawa

Sa panahong ito umiiral

Ang salot na globalisasyon.


Panahon namang ating dalhin

Sa mas mataas na antas

Ng pag-unlad itong lipunan

Kung saan

Walang panginoong may-alipin

Walang panginoong maylupa

Walang panginoong may-kapital

Kundi lipunang may paglaya

Ang bawat mamamayan.

Alamat ng Lugaw

ALAMAT NG LUGAW

ni Gregorio V. Bituin Jr.


nais ko’y kumain nang masasarap,

ng mga pagkaing masusustansya,

pritong manok, bangus, o porkchop

ngunit mga ito’y pagkamamahal,

di kaya ng bulsa, wala bang mura,

aba’y meron, may murang lugaw

may lugaw na limang piso sa kanto

lugaw na naman, magtatalo na

naman ba tayo? araw-araw na lang

nagtitiis pagkat lagi na lang lugaw,

oo, lugaw na naman, walang katapusang

lugaw, lugaw sa umaga, lugaw sa tanghali

pati sa gabi, lugaw, Lugaw, LUGAW,

wala na bang iba, aaaahhhhhhh!!!!

Ang Kwento ni Ako

ANG KWENTO NI AKO

(pasintabi sa ilang lider)

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Minsan, sa isang komunidad

Na may isyung inilalaban

Maraming pamilyang nakatira roon

Ang apektado ng demolisyon.

Ang bukambibig ng ilan:

“Si Ako ang tumulong diyan

Si Ako ang nag-taktiks niyan

Si Ako ang magpapanalo ng labang iyan

Si Ako ang nakipag-usap sa gobyerno

Kaya magtatagumpay ang laban.”

Ah, si Ako ang magaling na lider

Puring-puri nila si Ako

Ang Bahay ng Maralita

ANG BAHAY NG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang bahay ng maralita ay hindi kural
Pagkat hindi baboy ang nakatira,
Kundi may puso’t damdaming nasasaktan
At marunong sumigaw ng pagbabago.

Ang bahay ng maralita ay hindi hawla
Pagkat hindi hayop ang nakatira,
Kundi mga nilalang na may
kakayahang paunlarin ang lipunan
Kung mabibigyan lang ng pagkakataon.

Ang bahay ng maralita
ay tahanan ng tao
na ang mga nakatira’y
may dignidad na inaalagaan.

Ang Anak ng Lumbay

ANG ANAK NG LUMBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masarap ba ang pakiramdam
Kung kumukuha ka ng hindi sa iyo?
Masarap ba ang pakiramdam
Na kumukuha ka ng limpak na tubo
Habang pinahihirapan ang iba?
Masarap ba ang kumain sa Jollibee
At McDo habang nalalaman mong
Nagugutom ang iyong mga kapatid?
Masarap ba ang pakiramdam
Na hindi ka sumama sa rali
Habang nagpapabahaw ng sugat
Ang mga kasamang na-teargas
At napukpok ng batuta ng pulis?
Ngunit tiyak na masarap
Ang pakiramdam kung
Sa bawat karahasang dumaratal
Ay hindi tayo nabibitak.
Hindi tayo pinanghihinaan ng loob,
Bagkus lalo pang umiigting
Ang ating pagkakaisa
At nagpapatuloy.

Linggo, Hulyo 13, 2008

Hindi Saging ang Bata sa Video

HINDI SAGING ANG BATA SA VIDEO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Sa miting ng grupong Green Convergence sa Environmental Science Institute sa Miriam College sa Lunsod Quezon ay ipinalabas ni Ms. Lia Esquillo ang isang video hinggil sa isyung aerial spraying sa Davao. Si Ms. Lia ang executive director ng IDIS o Interface Development Interventions, Inc. Ang sumusunod na tula'y may tigsampung pantig bawat taludtod.)

Sa isang pinalabas na video
Ni Madam Lia na Davaoeño
Pinaulanan ng pestisidyo
Na binagsak mula eroplano
Ang mga saging at mga tao.

Rason ng namuhunan sa saging
Ang mga peste’y dapat patayin
Kaya gamit nila’y eryal isprey
Na tinamaa’y di lang pananim
Kundi pati tao sa paligid.

“Hindi ako saba o lakatan
Hindi ako saging na latundan
Bakit pati ako’y inambunan
Inispreyan ang aking katawan
Ng lason ng kumpanyang gahaman.”

Itong sabi ng bata sa video
Batang wala pang muwang sa mundo
Na biktima ng sakim sa tubo.
Nagkasakit na ang batang ito
Batang hindi saging, kundi tao.

Bukod sa kanya ay marami pa
Ang nagkasakit at nabiktima.
Lingkod-bayan ay agad nagpasa
Ng ginawa nilang ordinansa
Eryal isprey ay pinagbawal na.

Ngunit nakapalag ang kumpanya
Ito’y agad nakapag-apila
Kaya napigil ang ordinansa
Anim-na-buwang nagpatuloy pa
Ang eryal ispreying sa kanila.

Kaya ngayon ay inaabangan
Ang kahatulan nitong hukuman
Ang eryal isprey ba’y papayagan
O ito’y tuluyang pipigilan
Para sa kalusugan ng bayan?

At akin ding dito’y namamasdan
Kung ano ang dito’y nakasalang
Nakataya sa naglalabanan:
Dignidad ng mga lingkod bayan
Laban sa mga mamumuhunan.

Ang labanang ito’y kaytindi na
Tutubuin o ang ordinansa
Puhunan o kalusugan nila
Mga tao laban sa kumpanya
Lingkod-bayan o kapitalista.

Ang masasabi ko lang ay ito
Hindi saging ang bata sa video
Kaya sa Davao ma’y kaylayo ko
Panawaga’y sumuporta tayo
Sa laban ng mga Davaoeño.

Hulyo 12, 2008
Sampaloc, Maynila

JPEPA, Ibasura!

JPEPA, IBASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May mga balita doon sa Senado
Dapat JPEPA raw iratipika na
Sa muling pagbubukas nitong Kongreso
Dapat pirmahan na raw itong JPEPA.

May side agreement daw, ang sabi ni Miriam
Na ilalagay pag niratipikahan
Ngunit si Pimentel, di sang-ayon naman
Pagkat di ito ang batas na naturan.

Dahil may side agreement isasabatas
Itong JPEPAng kayrami namang butas
Maling ang JPEPA’y agad bigyang basbas
Kung makasasama na sa Pilipinas.

Kaya, mga senador, kami’y pakinggan
Itong JPEPA’y ibasurang tuluyan!

Hulyo 6, 2008
Sampaloc, Maynila

Iligtas Natin ang Kalikasan

ILIGTAS NATIN ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

kinakain nati’y mula sa kalikasan
bigas na pag naluto’y kaning malinamnam
iba’t ibang gulay na kaysarap ibulanglang
piritong isdang mula sa ilog at dagat
ano’t hindi natin aalagaan
itong ating likas-yaman
na siyang unang niyuyurakan
ng mga kompanyang dambuhala
tapon sa ilog ang tirang langis
tapon sa langit ang usok na mabangis
pati na usok ng tambutso ng dyip,
bus, trak, motorsiklo’t awtomobil
sino pa ang mangangalaga ng kalikasan
kundi tayo ring kanyang mga anak
kung hindi ngayon, kailan pa
kung hindi tayo, sino ba
sasagipin lang ba ang kalikasan
kapag ito’y tuluyang nasira na?

Pagkaluray ng Katauhan

PAGKALURAY NG KATAUHAN

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Napakataimtim ng kanyang kasibaan

Nag-aastang reyna ng Perlas ng Silangan

Namumutawi sa bunganga’y kayabangan

Upang mapanatili ang poder ng kapangyarihan.


Sinasambit-sambit ang nakasusukang salita

Siya raw ang tanging pinakamagaling

At kahanga-hangang puno ng bansa

Diyata’t ang taong ito’y tila napapraning.


Ito’y tahasang pagbubuhat ng bangko

Kalabisan na ito ng pangulong payaso

Sadyang panloloko sa masang tuliro

Sa kahirapan nilang di na mapagtanto.


Mga hirap na manggagawa’y tuloy naman sa trabaho

Nagsisipag, nagpapawis, naggigitata ang noo

Habang humahalakhak ang mga masiba sa tubo

Nagsasaya’t nagpapakabusog sa pawis ng obrero.


Maralita’t manggagawa’y sawa na sa kahirapan

Lalo na itong mga manggagawang kababaihan

Doble ang pasanin nila sa pabrika’t tahanan

Naluluray na ba ang kanilang mga katauhan?


Maraming dahilan kung bakit ganito’y nagpapatuloy

Isa ang globalisasyon sa agad na natukoy

Unti-unti tayong niluluray, pinapaso sa apoy

Nitong gobyernong naglulubog sa atin sa kumunoy


Panahon nang hubaran ng maskarang suot

Ang namumunong sadyang may pusong buktot

Pawiin ang mga patakara’t alituntuning baluktot

Itakwil ang masisiba’t ilibing sila ng ating poot.


Ang gobyernong taksil na sa taumbaya’y walang galang

Gobyerno’y pinamumunuan ng lider na hibang

Sa dagat ng ating mga poot doon natin siya ilutang

Hanggang siya’y malunod pati mga alyadong tampalasan.

O, Babae

O, BABAE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

huwag kang tumulad
kina Huli, Maria Clara
at Sisa na pawang likha
ng bayaning Jose Rizal

tularan mo’y mga babaeng
gaya nina Gabriela’t Liliosa
na mga tunay na bayaning
nakibaka para sa paglaya

Kay Nicole, Biktima ng Rape

KAY NICOLE, RAPE VICTIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Itinago ng isang announcer sa radyo sa pangalang Nicole ang Pinay na ginahasa ng apat na US Marines sa Subic noong Nobyembre 1, 2005)

Hindi mabubura ng luha
ang iyong sinapit
ngunit sige, lumuha ka

Hindi mapapawi ng hikbi
ang nangyari sa iyo
ngunit, sige, humikbi ka

Upang kahit bahagya man
ay gumaan-gaan
ang iyong dinadala

At pagkatapos ng
maraming hikbi
ay pagtitiim-bagang

Ang paghahanap
sa nagtatagong
katarungan

Tanggalin mo
ang tinik na sa dibdib
mo’y nakaharang

Ilabas mo ang galit
ilantad mo ang ginawa
ng mga buhong.

Sila’y mga asal-putik
at ugaling buktot
dapat nang putulin

ang sungay nila’t buntot
humayo ka’t ilibing
sila ng iyong poot

O, Nicole, naririto kami,
huwag nang malungkot
kami’y iyong kakampi,
kaya’t huwag matakot.

Ngunit pag di ka lumaban
Pag hinayaan lang sila
Patuloy silang hahalakhak

Lahi mo’y tatawanan nila
at pag di ka kakasa,
sino na ang isusunod?

Oda sa Babaeng Pinalo ng Pulis sa Rali

ODA SA BABAENG PINALO NG PULIS SA RALI

ni Gregorio V. Bituin Jr.


napapikit ako’t napailing

nang makita kitang

nadapa at nagkalatay

dulot ng hampas ng yantok

ng isang pulis sa Mendiola

duguan pati ang iyong mukha

pumutok ang noo mo

sa hampas ng palo

ahh, putang ina

ayaw ko sanang magmura

ngunit ang ginawa nila’y

hindi makatao

hindi makamasa

hindi makatarungan

kundi ito‘y makahayop

ahh, mas masahol pa sila

pagkat kahit hayop

ay baka di iyon gawin

sa kabila ng mga ganito

tayong naniniwala’t ipinaglalaban

kung ano ang tama at mali

ipinaglalaban ang hustisya sosyal

ay magpapatuloy pagkat

karapatan nating magpahayag

karapatan natin itong lahat

ngunit bakit tayo pinipigilan

bakit pati ikaw ay lalatayan

pasensya na’t di ako nakasaklolo

pagkat lahat sa rali ay nagkagulo

nawala nga pati aking sumbrero

na bigay pa ng dating irog ko

nais kitang saklolohan

ngunit nagkakahulihan

hinuhuli ang nagsasapraktika

ng kanilang abang karapatan

pero naaalala pa rin kita

ang iyong maamong mukha

na naging kulay pula

dahil sa dugong namasa

ahh, kung nililiyag lamang kita’y

hindi ko sila mapapatawad

ngunit kasama kita sa laban

kasama kita kaya dapat ipagsanggalang

laban sa kanilang pamamalo‘t

walang puknat na karahasan

ahh, wala silang pakialam

kahit babae ka pa

pagkat ang alam lang nila

itinuturing kang kalaban

dahil umaangal ka

laban sa kanilang

pinakamamahal na amo

kaya kahit mali

sila’y magbubulag-bulagan

tulad ng asong

bahag ang buntot

sa pekeng pangulo

Di Kailangan ng Permit sa Rali

DI KAILANGAN NG PERMIT SA RALI

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Sabi ng nagmamagaling na politiko

“No permit, no rally” daw ang polisiya nito

Kung magrarali’y kumuha muna ng permit

Iyan daw ay batas na dapat igiit.


Siya pala’y sandaang beses na ungas.

Di nagbabasa nitong Saligang Batas.

Di ba niya alam na isang karapatan

Itong pagrarali maging ng sinuman.


Sa Konstitusyon, ang Artikulo Tres

Ay tungkol sa ating Bill of Rights

Kung saan sa pang-apat na seksyon

Ay nagsasabing walang batas

Na dapat isagawa kung sasagka

Sa ating karapatan sa pananalita

O pagpapahayag, maging pagkilos


Ito’y maliwanag pa sa sikat ng araw

Na dapat nating maunawaan

At ng politikong naghahari-harian.

Kaya ang pagkuha ng permit sa rally

Ay kahunghangang sagka sa karapatan.


Ah, dapat lang nating ipaglaban

Ang ating mga karapatan

Ito’y di dapat ipagkait sa sinuman

Lalo na ang kalayaan sa pagpapahayag.

Sabado, Hulyo 5, 2008

Panulat sa Labas ng Mundo

PANULAT SA LABAS NG MUNDO
ni Greg Bituin Jr.

(“US scientists from NASA spend untold sums to develop a pen that could write in weightlessness in space. Russian solution: use pencil.” Ito ang sinipi ko mula sa isang magasin at itinala ko sa aking lumang notbuk, na nahalungkat kong muli, at ngayo’y ginawan ko ng tula.)

Minsan sa magasin ay aking nabasa:
Nagpilit lumikha ng ‘sang klaseng pluma
Itong mga Amerikanong syentista
Na pawang nagtatrabaho dun sa NASA.

Gumugol ng napakalaking halaga
Sa misyong ito ang bansang Amerika
Pagkat nais nilang maimbentong pluma
Makasulat sa labas ng atmospera.

Sa daigdig ay malakas ang grabidad
Anumang ipukol agad bumabagsak
Sa labas ng mundo’y kayhina ng hatak
Kaya ang pluma’y di agad makasulat.

Sa suliranin ang Ruso’y nanorpresa
Agad nilutas ang nasabing problema
Paggamit ng lapis ang solusyon nila
Maraming natuwa sa pagkaresolba.

Sa lapis ay di na problema ang tinta
Di gaya ng ninanais nilang pluma
Payo pag sila’y nasa kalawakan na
Ay tiyakin laging maydalang pantasa.

Pangyayaring ito pag pinagnilayan
May mabuting aral na pinatunguhan
Komplikadong problema’y malulunasan
Basta’t mataman nating pag-iisipan.

Sampaloc, Maynila
Hulyo 4, 2008

Nasaan ka, Kasamang Carlos Forte

NASAAN KA, KASAMANG CARLOS FORTE
ni Greg Bituin Jr.
(nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 18)

Ang dugo mong tumilamsik at natuyo sa tigang na lupa ay isang sakripisyong hindi mawawaglit sa aming isipan
At ngayon, kasamang Carlos Forte, nakikita ka namin sa karamihan ng naghihirap na naghahangad ng pagbabago sa lipunan
Nasa mga kuyom na kamao ka ng mga aktibistang nagrarali sa Mendiola
Nasa mga mata ka ng mga organisador na handang ilaan ang kanilang panahon at kakayanan para sa ikalalaya ng masa
Nasa mga sikmura ka ng mga maralitang inalisan ng bahay ng mga berdugo, kaya ngayo’y walang matirhan at nagugutom
Nasa mga nangangalog na tuhod ka ng mga vendors na nilalapastangang parang hayop sa lansangan
Nasa mga lalamunan ka ng mga magsasakang inagawan ng lupang sinasaka
Nasa mga dibdib ka ng mga kababaihang pinagsasamantalahan, at ngayo’y humihingi ng hustisya
Nasa mga payat na bisig ka ng mga manggagawang biktima ng kontraktwalisasyon
Nasa mga noo ka ng mga estudyanteng nagninilay kung bakit may kakaunting mayayaman habang laksa-laksa ang naghihirap
Nasa lmga uha ka ng mga magulang ng dalawang sanggol na namatay sa marahas na demolisyon sa Navotas
Nasa mga ugat ka ng mga aktibistang patuloy sa pagsisiwalat ng katotohanan hinggil sa kabalintunaan ng lipunan
Nasa mga dugo ka ng mga desaparesidos na sapilitang dinukot at ngayon ay hindi pa natatagpuan
Nasa mga buto ka ng mga bilanggong pulitikal na naghahanap ng katarungan at kalayaan
Nasa mga bungo ka ng mga maralita’t manggagawang pinaslang ng mga berdugo ng estado’t kapitalista
Kasamang Carlos Forte, hangga’t lugmok sa katinuan ang naghaharing iilan
Hangga’t nakatitigatig ang mga ngisi ng mapang-aping gahaman
Hangga’t nababagabag ang mga manggagawa’t maralitang nahihirapan
Hangga’t may takot na nananahan sa bawat pitlag ng puso ng karamihan
Hangga’t ang bawat hataw ng kapitalismo ay nakahihiwa ng laman
Naririto ka, kasamang Carlos Forte
Naririto ka sa bawat dalamhati ng masang lumalaban para sa kanilang karapatan
Naririto ka sa bawat pasa ng mga aktibistang nagnanais pumiglas sa higpit ng tanikala
Naririto ka sa bawat sugat ng mga manggagawang patuloy na nakikihamok sa lupit ng sistema
Naririto ka, kasamang Carlos Forte, at patuloy kang dumadaloy sa dugo ng mapagpalaya