Miyerkules, Mayo 28, 2008
Walang Atrasan
ni Gregorio V. Bituin Jr.
kasama, sa malao’t madali’y
magkukulay pula ang silangan
upang wasakin ang mga talipandas
wala ditong makaiiwas
dapat kang maging handa
sa tunggalian ng uri sa lipunang
binaboy ng mga naghahari-harian
kaya ngayo’y ihanda mo na
ang lakas ng iyong bisig
ang talas ng iyong pakiramdam
ang talim ng iyong utak
ang sugat sa iyong pusong di pa
naghihilom hanggang ngayon
ang tanging hiling lamang sa iyo
sa pagsagupa mo sa unos
ay huwag kang aatras
kapag pumula na ang silangan
nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8.
Itigil ang mga Pamamaslang!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Ayon sa ulat, umaabot na sa mahigit pitundaang progresibo’t aktibista ang napapaslang simula nang maupo si Gng. Gloria Arroyo sa poder. Ang sumusunod na tula’y may labing-isang pantig bawat taludtod.)
Bang! Iyon ang agad na naulinig
Bang! Bang! Ang sumunod nilang narinig
Bang! Bang! Bang! Yaon nga'y nakatutulig
Kagimbal-gimbal at nakayayanig!
Umano’y pitundaan na ang bilang
Ng mga progresibong napapaslang
Tinadtad ng bala ng mga halang
Na alagad nitong sistemang hunghang.
Marami na ang natigmak ng dugo
Pawang binistay, binutas ang bungo
Tayo’y masisindak ba’t madudungo
O ang hustisya’y dadalhin ng punglo?
Sa krimeng ito’y dapat may managot
Maparusahan sinuman ang sangkot
Ngunit ang gawain bang ito’y dulot
Ng gobyernong kilala sa kurakot?
Mga pamamaslang na walang habas
Ay dapat nang matigil at magwakas
Halina’t magkaisa nang mag-aklas
Laban sa sistemang napakarahas!
Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 2, p.8.
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Linggo, Mayo 25, 2008
Bitamina A para sa mga Buntis at Ina
Huwebes, Mayo 22, 2008
Bahong Tinatakpan, Aalingasaw Din
Pulitikong Balat-Ahas
Silang mga Manggagawa
Lunes, Mayo 19, 2008
Dignidad
Hindi Nililimot ang mga Nabulid sa Dilim ng Gabi
Liham kay Inay
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(nalathala sa librong “Ningas-Bao” ni GBJ, p.65-67, at inilimbag ng Aklatang Obrero Publishing Collective)
minamahal kong inay,
alam kong ang mga pangarap
ninyo ni itay para sa akin
ay hindi natupad pagkat
iba ang landas kong tinahak
kaysa inyong kagustuhan
di ko kayo nais pasakitan, inay
ngunit anong magagawa ko
kung aking nakikitang
marami ang naghihirap
at maraming pinahihirapan,
mababa ang sweldo,
walang tiyak na trabaho,
lakas-paggawa’y binabarat,
patuloy ang demolisyon,
maraming walang tahanan,
di pantay na karapatan,
maraming walang trabaho,
napakarami ng nagugutom,
at masagana lang ay iilan,
ang masa’y pinagsasamantalahan,
gobyerno’y bulag, bingi’t manhid,
mga pinuno’y hanggang salita lamang
inay, nais kong maging bahagi
ng pagbabago at ayokong mabuhay
para lang sa pansariling
kaligtasan at kaligayahan
kaya, inay, manalo man o matalo
mabuhay man o mamatay
isinugal ko na ng buong buo
ang buhay ko’t kinabukasan
alang-alang sa rebolusyon upang
mabago itong bulok na sistema
ang mga sakripisyo ninyo’y
ramdam ko’t sakripisyo ko rin
ngunit alam ko, inay,
na ako’y inyong ikagagalak
pagkat nalalaman ninyong
ang inyong anak ay naging
bahagi ng pagbabago ng lipunan
kaya huwag kayong mag-alala, inay
pagkat hindi ko sinasayang
ang aking mga isinugal
maraming salamat, inay
sa inyong pagmamahal
at malalim na pang-unawa,
sana’y makapiling ko pa kayo
pag nanalo na ang rebolusyon
at nagtagumpay ang mga sosyalista
ngunit, inay, kung sakali mang
ako sa mundo ay mawala,
ang hiling ko lamang
ay huwag kayong luluha
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2002, p.8.
Panata sa Paglaya ng Uring Manggagawa
Salamat sa Akdang "Liwanag at Dilim" ni Jacinto
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
Maraming salamat, Emilio Jacinto
Sa maraming aral na binahagi mo
Ito’y tunay naming ikapapanuto
Sa lipunang itong dapat na mabago.
Ang ibinilin mong pagpapakatao
Ay dapat umiral ngayon sa’ting mundo
Tigilan ang away at mga perwisyo
Kundi magkaisa, maglingkod sa tao.
Liwanag at Dilim, malikot ang diwa
Sadyang nanggigising ang maraming paksa
Matalim, malalim ang iyong adhika
Na s’yang kailangan nitong ating bansa.
Maganda ang aral sa nakakabasa
Na nanaisin ngang maglingkod sa masa
Mga akda itong sa ami’y pamana
Isang pasalubong sa bagong umaga.
Mga sulatin mo ay napakahusay
Sa balat at diwa nami’y lumalatay
Mga aral itong dapat isabuhay
Tungo sa sistemang may pagkakapantay.
Maraming salamat sa iyong pamana
May liwanag ngayon kaming nakikita
Upang ating bayan ay mapagkaisa
At mabago itong bulok na sistema.
Salamat, salamat sa iyo, Jacinto
Pawang karangalan itong pamana mo
Pag-ibig, paglaya, pagpapakatao
Paggawa, katwiran, lahing Pilipino.
Nobyembre 7, 2007, Sampaloc, Maynila
(ang tulang ito'y nalathala sa librong “Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto” ni GBJ, p.45, at inilimbag ng Aklatang Obrero Publishing Collective)
Salamat, Doktor Che
Sabado, Mayo 17, 2008
Ang Lipunan
Anim na Dalit sa Katotohanan
Lovetexts
Kami ang mga Tupang Pula
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
kami’y mga tupang pula
mga pulang tupa kami
kaming mga aktibista
hindi kami tupang itim
na perwisyo sa magulang
at hindi rin tupang puti
na sunud-sunuran na lang
sa anumang kagustuhan
ng aming mga magulang
kami’y mga tupang pula
na palaging nakahanda
upang ipaglaban itong
kapakanan ng dalita
di kami nananahimik
sa bawat isyung dumatal
lalo na’t ito’y problemang
sambayanan ang kawawa
patuloy kaming kikilos
buhay man nami’y ialay
hanggang tuluyang mawasak
itong bulok na sistema
kami’y mga tupang pula
mga pulang tupa kami
kaming mga aktibista
nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8.
Kung Paano Gumawa ng Tula
ni Greg Bituin Jr.
Sa tuwina’y pinipiga ko ang aking utak
Upang makagawa ng mga bersong
Magpapaalimpuyo sa mga tulog
Na damdamin ng uring api.
Habang binabati ko ang aking utak
Ay nilalabasan ito ng mga lansa’t katas
Ng diwang di mapakali sa nangyayari
Sa kasalukuyang lipunan.
Paglaya
At sa rurok ng pinigang utak
Ay pumupulandit ang himagsik
Laban sa mga mapanupil
Na alagad ng tubo’t kapital.
Katarungan
Ngunit masarap salsalin ang utak
Upang sa pagbubuntis ng diwa
Ay manganak ito sa sangmaliwanag
Ng adhikaing pagbabago.
Rebolusyon.
Enero 21, 1924 - sa biglang pagpanaw ni V.I.Lenin
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.
Pebrero 6, 2001 - sa pagpaslang kay Ka Popoy
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.
Marso 14, 1883 - sa huling sandali ni Karl Marx
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.
Ilang Tula ng Pag-ibig
Miyerkules, Mayo 14, 2008
Kapag Nabuntis ang Tula
Miyerkules, Mayo 7, 2008
Bulaklak ng Mayo
ni Greg Bituin Jr.
(siyam na pantig bawat taludtod)
pag may bulaklak na nasamyo
agad tayong napapalinga
dagling hanap ang pinagmulan
ng samyong humahalimuyak
hanap ng dalaga’y pag-ibig
hanap ko nama’y kabaong
nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8.
Soneto sa Isang Sapilitang Nawala
Bakit May Iskwater?
BAKIT MAY ISKWATER?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bakit ka iskwater sa sariling bayan
Gayong ikaw nama’y dito isinilang?
Bakit ba wala kang sariling tahanan
At sa barung-barong nakatira lamang?
Bakit ba iskwater ay dinedemolis
Ng mga demonyong nagngingising-aso?
Bakit sila’y pilit na pinapaalis
Kahit na ng mga nasasa gobyerno?
Bakit dayo itong may sariling lupa
Dahil ba sila’y may pambiling salapi?
Bakit sila’ng hari sa bayang kawawa
Dahil may pribado silang pag-aari?
Sadya bang mahirap ang maging iskwater?
Pagkat di tantanan ng mga Lucifer?
Sampaloc, Maynila
Mayo 7, 2008
Soneto sa Iskwater
Dugo sa Kanilang Kamay
Martes, Mayo 6, 2008
Bata, Bata, Kay Aga Mong Tumanda
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
SCHNEIDER, Setyembre 13, 2005
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Ang manggagawang si Ka Teotimo Dante ng pabrikang Schneider sa Lungsod ng Kalookan ay napaslang umano ng mga gwardya ng kapitalista sa piketlayn.)
Piketlayn ng Schneider ay nahilahil
Binaboy nitong kapitalistang sutil
Kapatid nating manggagawa’y sinupil
Sila’y ginamitan ng dahas ng baril.
Obrero ng Schneider ay kinawawà
Natigmak ng dugo, hinagpis at luhà
Mga manggagawa’y tinadtad ng tinggâ
Walong sugatan at isa’y bumulagtâ.
Kaya sa obrero’y agad umukilkil
Gulong ng hustisya’y di dapat tumigil
At kaming naiwan dito’y di titigil
Hanggang sa managot yaong mga taksil.
Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 4, Taon 2005, p.8.
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Walang Amo
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(siyamang pantig bawat taludtod)
Hindi kailangang may hari
Hindi kailangang may amo
Hindi dapat may panginoon
Dapat walang kapitalista
O panginoong maylupa man.
Dapat pantay ang kalagayan
Walang mahirap o mayaman
Dahil ito ang nakasulat
D'un sa mapagpalayang aklat
Ng katarungang panlipunan.
Lahat tayo'y ipinanganak
Kung saan lahat tayo'y hubad
At lahat tayo'y mamamatay
At parehong malilibing sa hukay
Tayo ba'y pantay-pantay lamang
Sa pagkasilang sa daigdig
At paglisan dito sa mundo
Pero sa buo nating buhay
Pagkapantay ay di natamo.
Ah, ngunit kahit sa libingan
Ay di rin naman sadyang pantay
Sa mayaman ay musoleo.
Sa mahirap, isa lamang krus.
Ang maganda lang sa paglisan
Sa mundong ibabaw ay itong
Pantay na nilang kalagayan
Pagkat wala na silang amo.
Sa Iyo, Sitio Mendez
SA IYO, Sitio Mendez
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Ang Sitio Mendez ay isang komunidad sa Baesa, Quezon City, kung saan nagtagumpay silang makabalik sa kanilang lugar isang buwan matapos silang idemolis noong Hulyo 1997.)
Buhay mo’y sinira nila, sila na kaylupit
Para lang makuha, tahanan mong kayliit
Bahay mo’y winasak, kanila itong inilit.
Sinadya ka nilang isadlak sa hirap at pasakit
Hiniya ka nila kahit sa mata ng mga paslit
Ah, ito’y isang karanasang sadyang napakapait
Nilabanan mo sila’t di nagpadaig sa hagupit.
Di ba’t tama lamang naman ang iyong iginiit
Ngunit ikaw ay sadya nga nilang ginigipit
Doon sa lusak ay pinagapang ka nilang pilit
Kaya galit mo’y parang apoy na nagdirikit.
Tama lamang na karapatan mo’y iyong iginiit
Dinurog mo sila hanggang sila’y di na makahirit
Kaya nga’t mga tumbong nila’y parang pinilipit
Ang tagumpay mo, Sitio Mendez, ay iyong nakamit.
O, Sitio Mendez, nagbalik ka sa pinagmulan
Nagtagumpay ka mula sa matagal na labanan
Dahil sa pagkakaisa at tatag ng paninindigan
Nagbunga ng sigla ang matibay na kalooban.
Kalaban mo’y nagsiurong dahil sa pagkakaisa
Ng buong pamunuan at lahat ng mga kasama
Kaya’t ikaw ang totoong bayani, hindi ang iba
Hindi ang mga pulitikong nakikiagaw ng eksena.
Ang tagumpay mo’y di namin malilimutan
Halimbawa mo’y uukilkil lagi sa aming isipan
O, Sitio Mendez, inspirasyon ka na ng sambayanan
Kaya’t isinulat ka namin sa aklat ng kasaysayan.
Tagumpay mo’y tagumpay ng uring anakpawis
Ikaw ay huwarang bayani, O, Sitio Mendez
Huwag ng magpalamang sa sinumang Herodes
Dahil sa mata ng madla, ikaw pa rin ang Da Best.
Linggo, Mayo 4, 2008
Hibik ng isang ulila
ni Greg Bituin Jr.
waluhang pantig
itay, nahan ka na, itay
bakit mo kami iniwan
at pinili ang digmaan?
sabi sa akin ni inay
tungkulin mo raw depensahan
ang kalayaan ng bayan
ngunit ang digmaang iya'y
isang digmaang agresyon
at di ito pagtatanggol
inuto ka lamang nila
pagkat imbes ipagtanggol
at depensahan ang masa
ang ugat ng gerang iya'y
upang makuha ng Kano
ang langis ng bansang Iraq
langis na magreresolba
sa hingalong ekonomya
ng malaking bansa nila
ngunit ang pinakaugat
sa pakiwari ko, itay
ay ang kasibaan nila
sa tubo't kapangyarihan
at sinisisi ko sila
oo, sila, itay, sila
dahil sa iyong maagang
pagkawala, pagkawala
sa piling namin ni inay
ah, malupit ang digmaan
na maraming inulilang
pamilya at kabataan
ah, kailan ba darating
itong inaasam nating
tunay na kapayapaan?
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralit ng Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.
Laban
ni Greg Bituin Jr.
isang tanaga
Hindi sa panaginip
O patunga-tunganga
Tayo magtatagumpay.
Gumising at lumaban.
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.
Epidemya ng kahirapan
ni Greg Bituin Jr.
tigpipitong pantig
ngayo'y nagagamot na
nitong modernong syensya
sakit na malulubha
na dinanas ng madla
ngunit ang karaniwang
sakit nitong lipunan
- ito ngang kahirapan -
ay di pa malunasan
makapaglakbay na nga
itong tao sa buwan
naabot na ng tao
sapat na karunungan
at pati kaunlaran
nitong buong lipunan
upang mapaginhawa
itong sangkatauhan
maunlad na ang syensya
pati teknolohiya
pero hikahos pa rin
ang mayorya sa mundo
tila di umuusad
kahit isang pulgada
ang kalidad ng buhay
di ba'y walang kaparis
ang itinaas nitong
produksyon sa pagkain
pero milyun-milyon pa'y
namamatay sa gutom
maraming nagkasakit
dahil sa malnutrisyon
naglalakihan itong
mga gusali't mansyon
pero walang matirhan
ang daan-daang milyong
tao dito sa mundo
sobra-sobra ang yaman
na galing sa Paggawa
pati sa kalikasan
subalit ang problema
ang mga yamang ito'y
inaari lang nitong
minorya sa lipunan
kanilang inalipin
itong nakararaming
walang ari-arian
tunay na ang mikrobyo
ng ating kahirapan
ay itong sinasabing
pribadong pag-aari
ng mga kagamitan
sa produksyon na tulad
ng makina't lupain
pribadong pag-aari'y
siyang pinakaugat
ng mga paghihirap
ng tao sa daigdig
- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2002, p.8.
Biyernes, Mayo 2, 2008
Edsa Tres
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
ang dibdib ng dukha'y nagngangalit
nagsisulak ang kanilang dibdib
nang "kanilang" pangulo'y mapiit
kaya silang dukha'y naghimagsik
nilusob nila ang Malakanyang
pinagtaob ang mga sasakyan
maralita'y nakipagbatuhan
kayraming nangasaktang sibilyan
kasalanan ba nilang mangarap
na makaahon sa paghihirap
na siyang ipinangakong ganap
ng pangulong "para sa mahirap"
mapagpanggap man yaong pangulo
napaniwala man sila nito
ganap silang nag-ilusyon dito
na aahon sa hirap ang tao
sadyang epektibo ang islogang
"para sa mahirap" sa halalan
kahit pawang kabalintunaan
ang ginawa ng pangulong iyan
pangulong "mahirap", pangmayaman
nais pang tulungan si Lucio Tan
kaysa obrero sa paliparan
kaysa dukhang nawalang tahanan
pangulo'y bumagsak sa Edsa Dos
dahil sa hweteng, agad nalaos
pasensya ng bayan ay naubos
nang sobre'y pinagdamot ng lubos
ngunit nag-Edsa Tres nga ang dukha
ang Malakanyang nga'y nabulaga
hibik ng dukha'y dapat lumaya
ang pangulong sa bayan nandaya
ipinakita nila ang lakas
na kung mga dukha'y mag-aaklas
sa pwersa ng gobyerno'y tutumbas
ngunit di pa rin nakaparehas
dahil di sila organisado
tangay ng galit, di ng prinsipyo
ngunit kung muling gagawin ito
dapat paghandaan itong todo
Paunang Salita sa MASO 2
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod, soneto
(Inilathala ang MASO: Panitikan ng Uring Manggagawa, Ikalawang Aklat noong Disyembre 2007)
O, mga kaibigan, kasamang manggagawa,
Ang ikalawang aklat ng MASO’y narito na.
Katipunan ito ng mapagpalayang katha
Na pawang likha ng manggagawa’t aktibista
Na aming tinipon at dito’y inilathala.
Ito’y mga sulating pinagsikapan nila
Pinaghusay upang ihandog sa manggagawa.
Masasalamin sa mga akda ang adhika
Na tuluyang baguhin ang bulok na sistema
Upang itong bayan ay tuluyang mapalaya
Sa kuko ng mga buhong na kapitalista
At maitayo ang gobyerno ng manggagawa.
Sa MASO’y maraming aral tayong makukuha
Halina’t basahin ang kanilang mga akda.
Sampaloc, Maynila
Nobyembre 7, 2007
Huwebes, Mayo 1, 2008
Mayo 1, 1886, Haymarket Square, Chicago, Illinois
Haymarket Square, Chicago, Illinois
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig
(nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 4, Taon 2003)
Kinikilala na ng maraming tao
Sa maraming panig ng sandaigdigan
Araw ng Paggawa itong Mayo Uno
Ngunit alam mo ba ang pinagsimulan
Ng dakilang araw ng mga obrero?
Mahigit nang ilampung dekada ngayon
Itong nakalilipas nang itinakda
Ng American Federation of Labor
Na ang Mayo Uno ng taon ding yaon
Ay maging pambansang araw ng pagkilos
Ng mga obrero, pati mga unyon
Mula iba’t ibang mga pagawaan
Upang ang kanilang mga kahilingan
Patungkol sa walong oras na paggawa
Ay maganap at maisakatuparan.
Pagkat nang panahong iyo’y umaabot
Nang sampu hanggang labing-anim na oras
Ang ginugugol nilang lakas-paggawa
Nang kapitalista’y tumubo’t bumundat
Habang ang lakas-paggawa’y binabarat.
At ang sentro ng pagkilos nilang yao’y
Sa Haymarket Square, Chicago, Illinois
Upang itong walong oras na paggawa’y
Kanilang maipaglaban at makamtan
Ngunit ang estado’y biglaang nandahas.
Doo’y isang manggagawa ang nasawi
At mahigit pitumpu ang nasugatan
Limang lider nito’y kanilang hinuli’t
Kinasuhan ng iba’t ibang paratang
At hatol ay ‘execution by musketry’.
Ginawaran ng kamatayan ang apat
At ang isa’y naunang nagpatiwakal
Pati na ang tanggapan ng mga unyon
Ay nilusob at giniba ng pulisya
Pansamantalang natigil ang aklasan.
Ang pandarahas na iyon ng estado’y
Nakilalang ‘Haymarket Square massacre’
Pangyayaring yao’y hindi na nawaglit
Bagkus nagsilbing ningas na nagliliyab
Sa puso’t isip ng mga manggagawa.
Manggagawa’y hindi naging piping saksi
Pagkat tatlong taon pagkalipas niyon
Isang pandaigdigang pulong sa Paris
Ang idinaos ng iba’t ibang unyon
Pati na mga samahang manggagawa.
Dito’y kanilang ganap na kinilala
Manggagawang martir, dito’y dinakila
Pati isyung kinalagot ng hininga
- Ang hiling na walong oras na paggawa -
Sa pandaigdigang saklaw ay dinala.
At doo’y kanila ring idineklara
Ang susunod na Mayo Uno ng taon
At lahat pa ng Mayo Unong daratal
Bilang isang araw ng pandaigdigang
Opensiba nitong uring manggagawa.
At bago sumapit ang sunod na siglo
Hiling nilang walong oras na paggawa
At iba pang karapatan ng obrero
Ay napagtagumpayan ng manggagawa
Mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mabuhay ka, manggagawa, mabuhay ka
Ikaw na sa kasaysayan ay lumikha
Na tanging pag-aari’y lakas-paggawa’t
Bumubuhay ng ekonomya ng bansa
Ah, hindi pa tapos ang pakikibaka
Pagkat hanggang ngayo’y nagpapatuloy pa
Tunggalian ng kapital at paggawa
Kaya sa bawat Mayo Unong daratal
Isigaw natin ng buong puso’t sigla:
“Ating tahakin ang landas ng paglaya!”