Miyerkules, Oktubre 31, 2018

Mga Asong Ulol

MGA ASONG ULOL

maraming tuwang-tuwang marami ang napapatay
tila sa buhay ng kanilang kapwa'y naglalaway
di na iginagalang ang karapatan sa buhay
kahit ang due process ay binabalewalang tunay

sa dugo ng kanilang kapwa'y parang mga linta
sarap na sarap sila pag may ibinubulagta
asong ulol silang siyang-siya sa ginagawa
paslang ng paslang kahit maraming ina'y lumuha

wala silang pakialam sa wastong paglilitis
dapat walang pinipili at dapat may due process
hulihin pag may ginawang krimen, dalhin sa huwes
pag napatunayan, ipiit, doon maghinagpis

mag-ingat, baka makagat ng mga asong ulol
sa mga kabaliwan nila'y kayhirap pumatol
pag sila'y naglalaway na'y iwasan mong mabundol
tumakbo kang mabilis at di iyan kumakahol

- tula ni gregbituinjr.
UNDAS 2018

Ang telebisyon

Minsan, pinatay ko ang telebisyong iyon
Pagkat pulos karahasan ang sinusunson
Animo'y walang magandang palabas doon
Na magsisilbi sanang isang inspirasyon.

Subalit telebisyon ay muling binuhay
Bakasakaling di na nagkalat ang patay
May maganda sanang palabas na matunghay
Na sa puso't diwa'y may inspirasyong taglay.

Muli kong pinatay ang telebisyon dahil
Ang mga palabas ay hinggil sa pagkitil
Ng buhay ng dukhang talagang sinisikil.
Ang mga karapatan nila'y sinusupil.

Ngunit nakababagot, naging mainipin
Walang mahagilap na iba pang gawain
Tinangkang telebisyon ay muling buhayin
Walang kuryente, di nagbayad ng bayarin.

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 30, 2018

Malapit na naman ang halalan

malapit na naman ang halalan
sinong ilalagay sa upuan
mayaman ba't makapangyarihan
o isang matinong pamunuan

BOTO - Buy One Take One - sabi nila
aba, ang BOTO'y huwag ibenta
pagkat kinabukasan ng masa
ang nakasalalay sa balota

suriin sinong pauupuin
may dangal ba o trapong uhugin
huwag sanang pulitikong sakim
na maglalaglag sa bayan natin

iboto kung sinong may dignidad
tapat sa bayan, may kapasidad
sa paglilingkod, bansa'y uusad
mga obrero't dukha'y uunlad

ibasura na ang trapong bugok
palitan na ang sistemang bulok
matinong kandidato'y iluklok
manggagawa'y ilagay sa tuktok

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 29, 2018

Ayokong mamingwit ng plastik

AYOKONG MAMINGWIT NG PLASTIK

Kung sa ilog o dagat kaya'y plastik ang mabingwit,
Matatanong natin, katubigan ba'y nasa bingit?
Mga isda ba'y wala na't plastik na ang pumalit?
Isda ba'y nagtampo't ang tahanan nila'y lumagkit?

Ayokong plastik ang mabingwit sa ilog o dagat
Isda ang nais mahuli, di plastik na nagkalat
Kaya sama-samang gawin kung anong nararapat
Tanggalin ang plastik sa tubig, tabang man o alat

Pag mundo'y nalunod sa plastik ay malaking banta
Di naman nakakain ang plastik, tao'y kawawa
Pag sa katubigan, naglipana'y plastik, di isda
Dama mo ang sakit ng daigdig na pinaluha

Magsuri tayo nang ating magawan ng solusyon
Ang kaplastikang di alam kung saan paroroon
Kaya tayo nga'y nahaharap sa malaking hamon
Ngunit ito'y dapat malutas sa takdang panahon.

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 28, 2018

Kung sandosena lang ang hanger

bilang isang mister ay natanto't napag-isip ko
ang lalabhan mo'y depende sa bilang ng hanger mo
lalo't dito sa lungsod na maliit ang espasyo
at walang mahabang sampayan, ganyan ang estilo

kung hanger mo'y sandosena, sandosena ring damit
saka ito patuyuin sa lugar na mainit,
medyo mainit, maaraw, sa ilalim ng langit,
o mahangin, ang labada'y i-hanger at isabit

pag ang sandosenang naka-hanger na ay natuyo
labhan ang sandosena pang damit, baka bumaho
natuyong damit ay itiklop mo nang may pagsuyo
ganito ang gawain upang pagsinta'y di maglaho

di na muna kumuha ng katulong, kasambahay,
o makinang panlaba, di sapat ang perang taglay
kung manalo sa lotto't makakaluwag nang tunay
tiyak di lang sandosenang damit ang masasampay

natuto na akong ganyan sa lungsod kung maglaba
na sa kakapusan ng hanger, mapapaisip ka
sandosenang damit muna't hanger ay sandosena
tila mamaluktot muna pag maliit ang kama

- gregbituinjr.

Pag-ibig sa kalikasan

Pumipintig din ang puso ng kalikasan.
At ito ba'y nadarama ng mamamayan?
Gising ang kalikasan, ang kapaligiran!
Isipin nating kalikasan ay may puso.
Bingi't bulag ba tayo sa kanyang pagsuyo?
Ibig ba nating tuluyan siyang maglaho?
Gasino lang ba ang munti nating magawa?
Sa kalikasang sakbibi ng luha't sigwa
Ang puno, dagat, lupa'y dapat maaruga!
Kailangan natin ang kalikasang ito!
At pag nawala'y saan patungo ang tao?
Luluha na lang ba't walang gagawin dito?
Isda ba'y wala na't dagat ay pulos plastik?
Kalikasan ba'y kanino kaya hihibik?
Anong mangyayari pag di tayo umimik?
Sa atin bang mga kamay nakasalalay
Ang palad ng kalikasang mahal na tunay?
Nawa ang nararapat ay ating ibigay!
- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 27, 2018

Retirado lang pag namatay

"Kailan ka magreretiro bilang aktibista?
Kailan mo titigilan ang pagtulong sa masa?
Kailan ka kaya titigil sa pakikibaka?
Kailan titigil upang tumutok sa pamilya?"

Mga malulupit nila itong tanong sa akin
Kailan titigil sa asam ng diwa't damdamin?
Kailan ko raw iiwan ang prinsipyo kong angkin?
Ang tugon ko'y pakinggan at inyong pakaisipin:

"Binabalak ko rin naman ang magpahingang tunay,
Ngunit pakikibakang ito'y tangan habambuhay!
Tuloy lang ang pagkilos upang kamtin ang tagumpay,
At magreretiro lang ako pag ako'y namatay!"

Patuloy akong kikilos, tugon sa nagtatanong.
Ako man ay makulong o malagay sa kabaong
Ngunit habang may hiningang sa akin nakadugtong,
Ayokong sa pagiging retirado lang hahantong!

- gregbituinjr.

Humayo ka sa napili mong landas

akala ko noon, nais mong maging abogado
pagkat matatag kang manindigan at may prinsipyo
maipagtatanggol ang dukhang ginawan ng kaso
at tinanggalan ng karapatan ng mga tuso

subalit ngayon, ikaw ay ganap nang aktibista
matatag pa ring manindigan at nakikibaka
ipinagtatanggol ang manggagawa't dukhang masa
pagkat karapatan ay inagaw na sa kanila

kaya sige't humayo ka sa napili mong landas
tuparin ang paniwalang isang lipunang patas
patuloy na magpakatao't bayan ay iligtas
laban sa sistemang ganid, hayok sa tubo, hudas

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 26, 2018

Ang pag-ibig ay asukal sa bagoong alamang

ang pag-ibig ay asukal sa bagoong alamang
ito ang nagpapatamis sa kabila ng anghang
at gumuguhit ang sarap gaano man katabang
magkasalubong man sa ilang ay di naiilang

duguan man sa digmaan, di bawal ang pag-ibig
sa kalayaan ng bayan nga'y nagkakapitbisig
kahit lahi man ay magkaiba'y pinagniniig
pagsulyap sa magagandang ngiti'y nakaaantig

halina't pairalin na ang pag-ibig sa lupa
lalo sa uring api, magsasaka, manggagawa
tayo'y magpakatao't bawat isa'y makalinga
punuin natin ng pag-ibig yaring puso't diwa

- gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 25, 2018

Ang Kabika

ANG KABIKA

paano pag nawala ang kabika ng tsinelas
di na matagpuan, wala na siyang kaparehas
wala nang asawa, paano ang pagsintang wagas
pagsasama ba nila'y patuloy na magwawakas

kabika ng tsinelas ko'y kailangang mahanap
upang mabuo muli silang magkasamang ganap
silang tinadhanang magkasama sa saya't hirap
ay dapat magkatagpong muli't ligaya'y malasap

kung nabatid ko lang paano kabika'y nawala
gagayahin ko si Rizal sa kanyang halimbawa
pagkat nang matangay ng agos ang isang kabika
natirang tsinelas ay inihagis niyang kusa

upang dalawang tsinelas ay muling magkasama
at kung may batang walang tsinelas, ito'y makita
dalawang magkabika'y magagamit agad niya
pagkat talagang sayang lang kung ito'y nag-iisa

- gregbituinjr.

Miyerkules, Oktubre 24, 2018

Mahalaga ang magsasaka

magsasaka'y mahalaga / tatlong beses bawat araw
pagkat pagkain ang likha / upang gutom ay matighaw
panay ang pag-aararo / na katulong ang kalabaw
ang pangarap niyang bukas / sa anak nawa'y tumanglaw

anak ay pinag-aaral / ng magsasakang kaysipag
upang ito'y makatapos / at sa bisyo'y di pabitag
pagkat ninanais niyang / anak ay maging panatag
sa mga unos ng buhay, / mananatiling matatag

sa bukid ay nagsisikap, / bawat pitak ay madilig
kahit nasa putikan man / sila'y nagkakapitbisig
mga paos nilang tinig / ay dapat lamang marinig
tulad nila'y kailangan / ng nag-iisang daigdig

- gregbituinjr.

Nang minsang sakay ako ng bus

nang minsang sakay ako ng bus patungong Quiapo
may namamalimos roong tila di ko makuro
palad niya'y may kung anong kurikong na dumapo
binigyan ko ng piso't iyon agad ay sapupo

mayroon naman riyang biglang tatayo sa harap
magandang manamit, napakatamis pang mangusap
pinangangako ang langit upang di raw maghirap
sabay labas ng sobre't lagyan daw ng barya't lingap

anang balita, tataas na'ng pamasahe sa bus
nasa isip, saan kukunin ang dagdag panggastos
kaytaas na rin ng bilihin kaya laging kapos
tila problema ng bayan ay di matapos-tapos

dapat mong itago ang tiket para sa inspeksyon
upang tiyaking nakabayad ka't di ka tatalon
usal mo sana'y makarating na sa destinasyon
pagkat bulate sa tiyan mo'y nag-aala-leyon

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 23, 2018

Huwag hayaang basta matibag

huwag hayaang basta matibag
ang sa bawat isa'y pinahayag
sa ating tindig maging matatag
sa tiwali'y di magpapatinag

halina't aalalayan kita
at aalayan din ng pagsinta
kung sa ating ugat may bumara
magtulungan tayo't magkaisa

di basta matibag ang semento
kung ang pundasyon ay sadyang bato
huwag kitang maging aspaltado
sa paninindigan at prinsipyo

sa layunin maging masigasig
at sa tiwali'y huwag palupig
kung pagsinta ang ipinipintig
kaysarap mabuhay sa daigdig

- gregbituinjr.

Halina't aalalayan kita

halina't aalalayan kita
at aalayan kita ng kanta
sintunado man itong musika
ay may mensaheng sa iyo dala

ibinubulong ng aking diwa
tatahakin ang ligaya't tuwa
kung minsan man ay may dusa't luha
mahalaga tayo'y pinagpala

kitang dalawa'y magkapitbisig
tanawin ang magandang daigdig
sa bawat isyu'y dapat tumindig
at sa tama lang tayo pumanig

di man tanaw ang langit-langitan
ginto ma'y naroon sa putikan
ang araw ma'y takpan ng karimlan
may liwanag ding matatagpuan

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 22, 2018

Pagpupugay sa ika-25 anibersaryo ng Sanlakas

MABUHAY ANG SANLAKAS!
(Tulang alay sa Silver Anniversary
ng Sanlakas sa Oktubre 29, 2018)

Isang pagpupugay sa pilak mong anibersaryo!
Sanlakas, matatag ka nang moog sa bansang ito
Pinanday ng pakikibaka't tangan mong prinsipyo
Patuloy mong itaas ang kaliwa mong kamao
Tandang patuloy ang laban tungo sa pagbabago

Lagi ka naming kasama sa bawat tamang landas
Lumalaban tungo sa isang lipunang parehas
Kaya sama-samang patuloy tayong magpalakas
Ibagsak ang sistemang di marunong maging patas
Taas-noong pagpupugay, mabuhay ka, Sanlakas!

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 21, 2018

Kumusta kayo, mga kauri, kamanggagawa!

Kumusta kayo, mga kauri, kamanggagawa!
Alam nyo bang manggagawa ang uring pinagpala?
Sila'y imortal, yaman ng lipunan ang nilikha
Ngunit sila pa ang api, sa lipunan kawawa.

Trabaho ng trabaho, talagang kayod-kalabaw
Nasa konstruksyon, pabrika, sa ilalim ng araw
Sa lipunang kapitalismo, sila ang lumitaw
Na katunggali ng kapital na tila balaraw

Sila ang higit na nakararami sa daigdig
Mababang sahod, kontraktwal, madalas walang tinig
Ngunit kung mga manggagawa'y magkakapitbisig
Mababaligtad ang tatsulok, sila'y maririnig.

Manggagawa, di tayo dapat laging mapagtiis
Halina't itayo na ang lipunang ating nais
Sosyalismo'y itatag, kapitalismo'y mawalis
Mabuhay ang uring manggagawang walang kaparis!

- gregbituinjr

si Benjo Basas, ang ating guro, unang nominado

si Benjo Basas, ang ating guro, unang nominado
ng Partido Lakas ng Masa, partylist natin ito
matalino, palaban, sa kanya'y maraming saludo
dapat lang maupo bilang kinatawan sa Kongreso

kakampi ng guro, kakampi ng uring manggagawa
boses ng masa, magsasaka, babae, bata, dukha
pag naupo sa Kongreso, marami ang magagawa
magiging kongresistang magaling sa harap ng madla

unang nominado ng P. L. M. partylist, tandaan
ang magiting nating guro, Benjo Basas ang pangalan
marangal, di basta matitibag sa balitaktakan
subok na sa laban, may matatag na paninindigan

sa mga isyu ng bayan, siya'y marunong, mabilis
maagap tumugon upang masa'y di agad matiris
si Benjo Basas, unang nominado, ang ating boses
kaya ipwesto sa Kongreso ang P. L. M. party list

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 20, 2018

Ilagay ang manggagawa bilang senador

manggagawa, maging bahagi ka ng kasaysayan
upang kauri natin ay manalo sa halalan
isang lider-manggagawa ang ating kinatawan
ipwesto sa Senado si Ka Leody de Guzman

lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
paupuin natin si Ka Leody sa Senado
pagkat sa Senado'y wala pang naupong obrero
kapitalista't elitista ang mayorya rito

kayraming naging Senador, kayrami pa ring dukha
mayorya'y pangkapitalismo ang batas na gawa
pangnegosyante't pang-elitista, di pangdalita
bihirang batas ang talagang kampi sa paggawa

si Ka Leody'y manggagawang talagang pinanday
ng paglilingkod sa obrero, buhay na'y inalay
at sa halalang darating, sa Senado'y ilagay
si Ka Leody de Guzman, maglilingkod na tunay

- gregbituinjr.

Nakatanghod man sa kawalan

nakatanghod man sa kawalan, naghihintay ng masisila
hindi iyon ang nakagisnan, naroroong natutulala
kahit mahal pa ang sinehan, laging gawin kung anong tama
upang mga nagmamahalan ay hindi naman magsiluha
kainaman ay di malaman, nawa'y huwag maging sugapa
di magluluwat ang takipan, magbayad ang umupasala
maraming isda'y matinik man, huwag angkinin ang di gawa
kakainin ay pagsikapan kaysa mga mata'y magmuta

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 19, 2018

Kababayan, halina't tayo'y mag-ecobrick

tambak ang basura, anong dapat magawa
paano tulungan ang mundong nasisira
kayrami nang plastik sa dagat kaysa isda
mga ito ba'y ililibing lang sa lupa

may mga pamamaraan upang tulungan
itong namumulikat nating kalikasan
mga plastik ay tipunin, huwag hayaan
na lupa'y lasunin, maglipana kung saan

kababayan, halina't tayo'y mag-ecobrick
gawan ng paraan ang naglipanang plastik
sa mga boteng plastik ay ating isiksik
ang ginupit na malambot at tuyong plastik

siksiking mabuti't dapat na parang bato
gamiting pader, upuan, o pasimano
magtulungan tayong pagandahin ang mundo
at isa ang ecobrick sa paraang ito

- gregbituinjr.
kuha ni gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 18, 2018

Ganito ang political dynasty

Ganito ang political dynasty
Aba'y pag hindi ka naman natae
Mapapailing ka talaga dine
Iyan ang sa bayan natin nangyari
Ang kandidato'y pawang mga tae

Tae nang buhay iyan, nasabi mo
Pulos mga kupal ang kandidato
Na ang mukha'y bagay sa inidoro
Nawa lahat silang trapo'y matalo
Kung manalo'y kawawa ang bayan ko

- gregbituinjr.

* ang litrato'y mula sa kawing na: https://www.facebook.com/375179605892585/photos/a.1188147164595821/1890323597711504/?type=3&theater

Miyerkules, Oktubre 17, 2018

Nasunog na Dalawang Bata dahil sa Lighter

2 BATA'Y NASUNOG DAHIL SA LIGHTER

apat na taon at dalawang taon, magkapatid
sa maagang yugto pa lang, buhay nila'y napatid
dahil sa pinaglaruang lighter, sila'y binulid
sa tiyak na kamatayan, nang di agad nabatid

wala ang mga magulang sa kanilang tahanan
ama'y nag-igib ng tubig, ang ina'y nasa bayan
panganay ay nakapagkwento pa sa pagamutan
kung paano napasindi ang lighter sa higaan

kumapit ang apoy sa banig, kumot at kulambo
hanggang kumalat sa buong bahay, sila'y napaso
hanggang tuluyang mamatay ang panganay at bunso
ah, pangyayaring ito'y sadyang makadurog-puso

tiyak, magulang nila'y labis-labis ang pagtangis
sino ang dapat sisihin sa kanilang hinagpis
kapabayaan nila'y nakapagsisising labis
anak na'y wala, mundo nila'y puno na ng hapis

- gregbituinjr.

(batay sa ulat sa pahayagang Remate na may pamagat na "2 Bata Nalitson sa Lighter", 16 Oktubre, 2018, pahina 3)

Pagkasawi ng 9-anyos na bata

PAGKASAWI NG 9-ANYOS NA BATA

nasawi'y isang siyam na taong gulang na Aeta
nang tumalon mula traysikel na sinakyan niya
naroon sa bubungan ng traysikel ang biktima
tumalon nang akalaing madidisgrasya sila

higit dalawampu ang lulan nitong pasahero
gayong lima lamang dapat ang nilululan nito
tumalon ang bata'y naunang bumagsak ang ulo
sa sementadong kalsada'y namatay agad ito

subalit bakit ang drayber pa itong makukulong
"reckless imprudence resulting in homicide" daw iyon
di naman niya kasalanang ang bata'y tumalon
sa nangyaring paglundag, ang bata ang nagdesisyon

nais niyang iligtas ang sarili sa panganib
ngunit pagbabakasakali'y di ikinasagip
sa pamilya, kamatayan niya'y dagok sa dibdib
pagkawala ng maaga sa mundo'y di malirip

- gregbituinjr.

(batay sa ulat sa pahayagang Remate na may pamagat na "9-anyos tumalon sa tricycle, patay" 16 Oktubre, 2018, pahina 3)

Martes, Oktubre 16, 2018

Kung may pera lang sa tula

KUNG MAY PERA LANG SA TULA

kung sampung piso bawat tula, yayaman ba ako?
kung bawat araw may tula, aabot bang magkano?
sa isang buwan lang, ako'y may tatlongdaang piso
paano kung isang taon na ang binubuno ko
tatlong libo, anim na raa't limang piso ito

paano kung sandaang piso naman bawat tula
may tatlong libong piso bawat buwan ang napala
at sa isang taon naman ng sipag sa paggawa
tatlumpu't anim na libong pisong higit ang katha
kung may pera lang sa tula, di na ako tulala

kung limangdaang piso bawat tula ang matanggap
kahit paano'y di ako ganitong naghihirap
ngunit walang pera sa tula, walang mahagilap
kaya buhay ng makatang ito'y sisinghap-singhap
di makain ang tula't magugutom ang lilingap

kung may pera sa tula, baka ako'y yumaman na
sa sipag ko araw-gabing kumatha't kumatha pa
buti pa ang basurero, may pera sa basura
pag tula'y binigay sa kanya'y baka maging kwarta
kung may pera lang sa tula, buhay na ang pamilya

- gregbituinjr.

Ang buhay-Spartan

ANG BUHAY-SPARTAN

Aking tinutungo na rin itong buhay-Spartan
Na tulad ng tatlongdaang kawal sa kasaysayan
Galing sa sparta, mga mandirigma ng bayan
Buong panahong nagsanay mula pa kabataan
Upang humusay at tumibay sa anumang laban

Hirap man ang buhay, sinanay bilang mandirigma
Ang gutom, lamig at hirap animo'y balewala
Yapos ang kulturang dugo at pawis ang katugma
Spartan silang di pagapi sa anumang sigwa
Palad na ito'y tinanggap ng buong puso't diwa

Ako'y aktibistang madalas walang maisaing
Rebolusyon kasi ang sa puso't utak tumining
Tulad ni Leonidas at kawal na magigiting
Ang Thermopylae ko'y pinaghahandaang magaling
Nakikibaka nang lipunang asam ay marating

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 15, 2018

Paglalakbay

naroong naglalakbay sa pusod ng kalunsuran
kasama ang sintang kaysarap makipagsuyuan
lumulutang sa hangin ang anghel sa panagimpan
bumubulong anumang unos ay makakayanan

habang naglalakad ay kayganda ng pangitain
di basta mauubos ang anumang kakainin
basta pagsikapang ang bawat buto'y babanatin
at mahuhukay din sa putik ang gintong mithiin

kayang harapin ang suliraning di masasawi
tulad ng ahedres ay gagawin ang pagsusuri
salamat sa mga tumulong sa pagpupunyagi
at maaabot din ang pangarap na hinahabi

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 14, 2018

Itigil ang pamamaslang

Isa-isa nilang inuubos ang maralita
Tila baga masakit sa mata ang mga dukha
Itinitimbuwang na lang ang mga walang-wala
Gipit na nga'y ginigipit, dukha'y isinusumpa
Iniisip bang krimen at droga'y di na lumala?
Laksa ang pinaslang, kayraming nasayang na buhay
Ang karapatang mabuhay ay hinayaang tunay
Naglipana sa komunidad ang maraming bangkay
Gamit ang kapangyarihan, dukha'y pinagbibistay
Pinurga ang dalita't pinasok sa bahay-bahay
Adik sa droga'y parang kuto lang na tinitiris
Mga tao'y naligo sa sariling dugo't pawis
Adik sa pagpatay na dulot ay lumbay at hapis
Mga taong tingin sa krimen ay dapat mawalis
Aktibong durugin ang mga naglipanang ipis
Sa mga nangyari, hustisya'y sigaw ng pamilya
Labag sa karapatan pagkat buhay ang kinuha
Ang paglilitis, tamang proseso'y balewala ba?
Na asam na katarungan kaya'y makakamtan pa?
Gumising ka, bayan, pigilan na ang pagdurusa!

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 13, 2018

Nangitim ang bayan-bayan sa alikabok

nangitim ang bayan-bayan sa alikabok
abot hanggang langit ang maitim na usok
nangangalisaw na ang mga trapong bugok
sa mundong ito'y sadyang nakasusulasok

animo ginawa nila'y isang buhawi
na nagtanim sa mundo ng masamang binhi
dapat walisin ang mga trapong tiwali
na dulot ay kayraming buhay na naputi

baguhin ang lipunang di kaibig-ibig
palitan ang sistemang dulot ay ligalig
walisin ang mga trapong dapat mausig
kilos na't pagandahin ang ating daigdig

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 12, 2018

Labanan ang mga hoarder ng bigas

bakit ba nais nilang itago't huwag ilabas?
yaong may apatnapung libong saku-sakong bigas
upang pag nagmahal ang presyo'y saka ilalabas?
talaga namang mga tulad nila'y mandurugas

nais nilang tumubò, tumubò lang ng tumubò
kahit bayan ay magutom, buhay nito'y maglahò
walang pakialam ang kapitalistang maluhò
walang pakiramdam basta limpak-limpak ang tubò

kahit mga lintang tulad nila'y dapat makulong
na bayan mismo'y nais lamunin ng mga buhong
di lang sila lintang maninipsip kundi ulupong
na baya'y sinasagpang pagkat sa tubò nalulong

huwag kayaang mawalan tayo ng isasaing
ang kapitalismo, di tayo, ang dapat malibing

- gregbituinjr.
(batay sa ulat sa pahayagang Tempo na may pamagat na "2 traders arrested for hoarding rice", Oktubre 12, 2018, p. 2, at nasa headline sa unang pahina na may pamagat na "2 rice traders nabbed")

Mylene Durante, Magiting na Guro, Bayani

MYLENE DURANTE, MAGITING NA GURO, BAYANI

kahanga-hanga ang gurong ngala'y Mylene Durante
sapagkat iniligtas ang dalawang estudyante
mula sa kamatayan, tinuring siyang bayani
ng ilang mga magulang at mga residente

isang guro sa Oringon Elementary School
si Mylene Durante'y magiting na ipinagtanggol
ang dalawang estudyante mula sa isang ulol
na agad nanaksak, at ang buhay niya'y pinupol

isang tunay na bayani ang magiting na guro
buhay ng estudyante'y di hinayaang mapugto
nais niyang kasamaan ay mapigil, masugpo
bagamat kapalit nito'y kanyang sariling dugo

nangyari sa guro'y kalapastanganang kaylupit
hustisya kay Mylene Durante, ito'ng aming sambit
dakpin ang mamamaslang, hatulan ito't ipiit
katarungan nawa'y kamtin ng gurong anong lupit!

- gregbituinjr.
(ang tula'y ibinatay sa ulat ng pahayagang Police Files Tonite, na may pamagat na "Napatay na Titser, Bayani sa Pagligtas sa 2 Estudyante", Oktubre 12, 2018, p. 12)

Huwebes, Oktubre 11, 2018

Di ka man nila dinig

mapalad tayong naririnig ang musika
lagaslas ng tubig, pag-angil ng agila
makipagtalastasan, debate't harana

ngunit yabag ba nila'y iyong naririnig
habang ang pagbusina mo'y nakatutulig
tanaw ka man sa pagdaan mo'y di ka dinig

may sariling buhay ang kanilang kataga
may sariling mundo ang kanilang salita
pag-uusap sa daliri'y kahanga-hanga

pagpapahalaga sa kanila'y ihatid
habang sa daigdig na ito'y tumatawid
bagamat di ka dinig ng mga kapatid

- gregbituinjr.

Miyerkules, Oktubre 10, 2018

Ang bago kong tibuyô

ANG BAGO KONG TIBUYÔ

nais kong muli ang mag-ipon sa tibuyô
kaya maraming barya'y muling binubunô
sa isang boteng plastik aking binubuô
puntiryang isang buwan lang ito'y mapunô

sadyang napakahalaga ng pag-iipon
barya-barya man, may malaking matitipon
mga anak ay matuturuan pa ngayon
gawin ang dapat sa harap ng bagong hamon

nagtataasan na ang presyo ng bilihin
kung walang pera'y paano makakakain
lalo sa lungsod kahit paso'y walang tanim
magpapalamon ka na lang ba sa panimdim

sa tingin man ng iba, ito'y gawang hamak
aba'y mag-ipon na't huwag putak ng putak
simula lamang ang paunti-unting patak
makakaani ka rin sa iyong nilagak

- gregbituinjr.
* ang "tibuyô" ay tagalog-Batangas sa salitang Kastilang "alkansya"

Martes, Oktubre 9, 2018

Ang Palatungayaw

nasira nga ba ang tiyan sa pagpuputang-ina
ang lumalabas ba sa bibig, sa tiyan nagmulâ
araw-gabi na lang yata'y labis ang pagmumura
tungayaw ng tungayaw sa harap ng batà't madlâ

nakasisira ba ng tiyan ang pagtutungayaw
baka namumuong tae lang kaya nagbuburis
ang tilamsik kasi ng salita'y tila balaraw
nang sumugat sa tiyan bunganga'y di makatiis

subalit natutuwa sa kanya'y kayrami pa rin
pagkat berdugo raw ng mga kriminal at adik
subalit lalong kayrami ng nagagalit man din
wala raw paggalang sa proseso't batas ang lintik

bastos kung magsalita sa masa't kababaihan
pagmumura ba niya'y binunga ng sirang tiyan

- gregbituinjr.
(batay sa ulat ng Inquirer, Possible ‘growth’ seen in Duterte’s digestive tract after test – Palace, October 5, 2018, mula sa https://newsinfo.inquirer.net/1039526/possible-growth-seen-in-dutertes-digestive-tract-after-test-palace)

Lunes, Oktubre 8, 2018

Pagkabasal

PAGKABASAL
(ibinatay mula sa kolum na Walang Bolahan ni Dra. Margarita Holmes, pahayagang Abante, Oktubre 8, 2018, p. 9)

minsan, nagtanong kay Doktora Holmes ang isang Marie
anya'y "Mahalaga po pa rin ba ang virginity
sa lalaki?" Parang sa gaya niyang binibini
o ginang, mahalaga ito upang di magsisi

nasa animnapung bahagdan daw yaong nagturing
mahalaga sa mag-asawang unang magsisiping,
bakit kaya, pag di ba virgin di na maglalambing?
ngunit iba'y ayos lang, makakatulog pang himbing

may lalaking talagang malalim ang pang-unawa
kung bakit di na birhen ang napangasawang sadya
iba ang nakaraan, ang panahon ng pagluha
ngayon ay may katapatang dapat na sinusumpa

lalo't ang babae'y nais maging ina ng anak
magkaroon ng pamilya ang landasing tinahak
pag sininta'y di na birhen, huwag kang manghahamak
kailangang mag-usap, huwag makitid ang utak

huwag laging nakaraan ang pakakaisipin
pagkat pagsasama'y di lang tungkol sa pagkabirhen
ito'y tungkol din sa pamilyang inyong bubuuin
magsamang maluwat, bawat isa'y pakaibigin

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 7, 2018

Lumitaw din ang mithi sa pawis ko't katas

lumitaw din ang mithi sa pawis ko't katas
habang kalooban ay patuloy ang ningas
bumarang plastik sa kanal ay di maagnas
kaya naligalig ang buryong sa kalatas

nang maitanim na ang mabubuting binhi
tumaba na rin ang dating butuhang binti
maiging paminsan-paminsan nagmamadali
ngunit huwag hayaang tuhod ay mabali

kayhirap bunutin sa lungga ang bayawak
aso't pusa man ay nagsisipaghalakhak
huwag pabayaang bahain ang pinitak
kahit na kamay ay punumpuno ng lipak

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 6, 2018

Halina't mag-ecobrick

HALINA'T MAG-ECOBRICK

lumaki na tayong kasama na natin ang plastik
tila ba ito na ang buhay, laging nasasabik
halos lahat ng gamit ay plastik, nakakaadik
pag nalunod na sa plastik, baka mata'y tumirik

huwag ilagay ang plastik sa ilalim ng araw
huwag itong sunugin, nakalalason ang singaw
huwag painitan, sa amoy ay tiyak aayaw
huwag hayaang sa init unti-unting malusaw

mga plastik sa ating bayan ay nakalalason
laking epekto sa bayan sa haba ng panahon
di man matunaw ng hangin, bagyo, ulan, o ambon
ngunit pag nainitan, para tayong nilalamon

ang plastik na itinapon ay pilit na bumabalik
anong dapat nating gawin pag ito na'y humalik
sa mga boteng plastik, mga plastik ay isiksik
upang tayo'y makatulong, halina't mag-ecobrick

- gregbituinjr.
- binasa sa harap ng mga dumalo, sa huling araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

12402 - Ang una kong ecobrick

“I hope the time should NOT come that plastics are rampant in the ocean than fish. Let’s go ecobrick!” - published at https://www.ecobricks.org/12402/

tunay na malaking hamon sa aking kakayahan
bilang mandirigma para sa ating kalikasan
upang luminis at gumanda ang kapaligiran
itong gawaing pageekobrik para sa bayan

dahil hindi dapat mapunta ang plastik sa laot
ngunit paano pipigilan ang ganitong salot
plastik na naglipana'y tunay na katakut-takot
ang ganitong pangyayari'y sadyang nakalulungkot

isang paraang naisip ng marami'y ecobrick
kung saan gugupitin sa maliliit ang plastik
na sa boteng plastik naman ay dapat maisiksik
ang di lang natin magupit ay mga taong plastik

daigdig nating ito'y huwag gawing basurahan
ito'y isang prinsipyong habambuhay tatanganan
mag-ambag tayo't mag-ekobrik din paminsan-minsan
o kung sinisipag ka'y gawin na itong arawan

- gregbituinjr.

Biyernes, Oktubre 5, 2018

Single-use plastic sa Pinoy Henyo

SINGLE-USE PLACTIC SA PINOY HENYO

nag-pinoyhenyo kami matapos ang aktibidad
hinati sa dalawang grupo, talino'y nalantad
kayraming di nakahula, iilan ang pinalad
ngunit kaysaya sa laro kahit iba'y sumadsad

tatlong araw na pagsasanay hinggil sa ecobrick
sa ikalawang gabi'y naglaro ang matitinik
subalit di ko nahulaan ang single-use plastic
nasabi ko lang ay plastik, di sapat ang saliksik

kahit sa pagi-ecobrick, mahalagang magnilay
paano bang mga plastik ay dumaraming tunay
plastik na di magamit, sa basura nilalagay
sa dagat man, kinakain ng isda't ibang buhay

hiling ko na'y huwag sanang dumating ang panahon
na sa tambak-tambak na plastik tayo'y mababaon
at isa itong ecobrick sa nakitang solusyon
halina't magkaisa't harapin ang bagong hamon

- gregbituinjr.
- nilikha sa ikalawang araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

Sa dagat ng basura

ang dagat bang puno ng basura'y nakita nyo na?
anong namasdan nyo, aba'y kayraming plastik, di ba?
nakakadiring pumunta sa dagat ng basura
hoy, baka magkasakit kayo, aba'y kayhirap na!

huwag sanang dumating ang araw na sobrang dami
ng basura sa dagat, wala nang isdang mahuli
tulungan natin ang dagat, mundo, bayan, sarili
gawin natin ang marapat, gaano man kasimple

- gregbituinjr.
- binigkas bilang bahagi ng Group 3 demonstration of modules sa palihan (workshop) sa ikalawang araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

Kaplastikan

kung galit kang tapunan tayo ng basura
lalo't ginawang basurahan ng Canada
dahil ba sariling bansa na'y mahalaga
gayong sa bahay mo basura'y nagkalat pa

di ba't nais nating malinis ang tahanan
bakit sa paligid ay walang pakialam
di ba't tahanan din natin ang kalikasan
di ba't kalikasa'y marunong ding magdamdam

ituring nating tahanan itong daigdig
lalo't tahanan ay binigkis ng pag-ibig
huwag nating hayaang plastik ang bumikig
sa mga kaplastikan ay huwag padaig

- gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 4, 2018

Pagpapakilala sa isang seminar

ako'y mandirigma para sa kalikasan
nakikibaka upang mapangalagaan
itong daigdig na dapat pakamahalin
ambag sa kinabukasan ng mundo natin

ako'y makata mula Sampaloc, Maynila
aktibista, manunulat, at manggagawa
ina ko'y Karay-a, ama ko'y Batangenyo
payo'y kalikasa'y alagaang totoo

tawag sa akin, makata ng Balic-Balic
na tula'y umuupak sa utak-tiwarik
Greg Bituin Jr. po, ako'y nagpupugay
sa lahat ng nariritong dumalong tunay

- gregbituinjr.
- binigkas sa pagpapakilanlanan ng mga dumalo sa unang araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

Martes, Oktubre 2, 2018

Ayoko ng cake sa kaarawan ko

AYOKO NG CAKE SA KAARAWAN KO

walang cake sa kaarawan ko, sabi ko kay misis
sapat na ang adobo't kanin, walang minatamis

o kaya'y anim na barbekyu't dalawang serbesa
tulad ng hiling ko pag ako'y pinatula nila

kaymahal ng cake upang gawin lang na panghimagas
kaysa mag-cake, aba'y ipambili na lang ng bigas

ang cake na presyo'y apatnaraan limampung piso
ay katumbas ng presyo ng bigas na sampung kilo

bukod pa roon, nakangingilo ang tamis ng cake
hayaang ako'y magdiwang na mag-isang babarik

- gregbituinjr.

Sa mga pinaslang sa Tlatelolco, Mexico

SA MGA PINASLANG SA TLATELOLCO, MEXICO
(OKTUBRE 2, 1968)

sa Tlatelolco'y kayraming estudyanteng pinaslang
naganap kasabay ng araw nang ako'y isilang
ang kanilang mga berdugo'y tila mga buwang
karahasan ang ibinigay, sila'y tinimbuwang

estudyanteng nais malayang makapagsalita
hangad na bilanggong pulitikal ay mapalaya
hangad na mga tiwaling opisyal ay mawala
hangad na matinong lipunan ang sinasagawa

estudyanteng nais magkaroon ng karapatan
estudyanteng nais isatinig ang kahilingan
estudyanteng nais magkaroon ng kalayaan
estudyanteng nais matanggal ang katiwalian

subalit sila pa yaong dinilig ng kilabot
pinagbabaril, lupa'y pumula, isang bangungot
limampung taon na yaong nakaraang hilakbot
hanggang ngayon ay dama pa rin ang lagim na dulot

pagkat estudyante'y di pa nabigyan ng hustisya
walang nakulong dahil sa nangyari sa kanila
hanggang ngayon, katarungan ang sigaw ng pamilya
hustisyang kay-ilap ba'y kailan kakamtin nila

- gregbituinjr. 10/02/2018

Hindi sapat

sa pag-aasawa'y aking nawatas
hindi sapat ang pag-ibig na wagas
kung wala namang pambili ng bigas

sa pag-aasawa'y aking nakuro
hindi sapat ang laging nakasuso
dapat kumayod, magbanat ng buto

sa pag-aasawa'y aking naarok
hindi sapat ang ari'y nakatusok
kung sa pitaka'y walang nakasuksok

sa yugtong ito'y aking naunawa
hindi laging kay misis nakadapa
dapat magbenta ng lakas-paggawa

sa pagpapamilya'y aking natalos
sandata'y hindi laging nakaulos
kung pamilya'y gutom, walang pantustos

sa pagpapamilya'y aking nabatid
hindi sapat ang pagsintang masugid
kung kay misis ay walang sweldong hatid

- gregbituinjr., 10/02/18

Lunes, Oktubre 1, 2018

Patalastas sa isang liwasan

sa isang malawak na liwasang pasyalan
kailangan pa nila tayong pagsabihan:
"Halina't protektahan ang kapaligiran.
Huwag nating sirain ang mga halaman.
At tayo'y magtapon sa tamang basurahan."

sa taumbayan ay talagang tagubilin
bilin itong kung diwa't puso'y aangkinin
ay magpapaganda nga ng paligid natin
panawagan itong dapat lang balikatin
upang makahingang may malinis na hangin

sa kakilala't kaibigang matitisod
bulungan natin sila sa harap o likod
makiisang buhayin ang gubat sa lungsod
ang gawaing ito kahit nakakapagod
ay gaganda ang paligid, nakalulugod

- gregbituinjr.