Sabado, Abril 30, 2016

Isa lang akong alabok

ISA LANG AKONG ALABOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

isa lang akong alabok sa makintab na sahig
isang maliit na uod sa halamang dinilig
isa rin lang akong banil sa matipunong bisig
isang hamak na tuldok sa malawak na daigdig

ngunit kayrami naming nariritong hampaslupa
alipin ng puhunan, barat ang lakas-paggawa
isa mang alabok ang tulad naming kulangpala
nangangarap ding makaalpas sa danas na sigwa

Biyernes, Abril 29, 2016

Kung ako'y di karapat-dapat sa kanyang pagsinta

KUNG AKO'Y DI KARAPAT-DAPAT SA KANYANG PAGSINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kung ako'y di karapat-dapat sa kanyang pagsinta
hindi ba't marapat lamang na ako'y mawala na
sa mundong ibabaw pagkat nasa kailaliman
ang natamo kong pag-ibig at sukdol kapalaran
siya lamang ang mutyang sinasamba ng buhay ko
ngunit puso ko'y kabiguan ang tanging natamo

o, rosas kong mutya, tila di ako ang bubuyog
na nais mong isama sa pangarap mong kaytayog
o marahil paruparong martir akong masugid
na sumasamba sa tulad mong may ngiting kaytipid

o, dilag na inaawitan ko ng kathang tula
di ko madalumat ang kasawian kong napala
sa iyo bang puso't gunita'y wala akong puwang
ngunit bakit sa iyong puso'y kayrami pang patlang

Huwebes, Abril 28, 2016

Ang sabi ng pantas

ANG SABI NG PANTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang sabi ng pantas, magpakabuting sadya
ituring na kapatid bawat manggagawa
na sa buhay ay nangunguna sa paglikha
ng samutsaring bagay sa balat ng lupa

likha ng manggagawa anumang pag-unlad
sa ekonomya man, pulitika't katulad
pag-unlad ay di likha ng burgesyang tamad
kundi ng manggagawang may lipak ang palad

silang mga manggagawa ang puno't dulo
ng mga nalikhang yaman sa buong mundo
kung walang manggagawa, nasaan na tayo
baka naroon pa sa panahon ng bato

Miyerkules, Abril 27, 2016

Nahan ang tinig ng dukha

NAHAN ANG TINIG NG DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nahan ang tinig ng dukha
sa lipunang kinawawa
sa burgesyang bingi'y wala

daing na nakatutulig
hinaing ng puso't bibig
halalan na’y di pa rinig

ah, ganito ang lipunang
dapat na nating palitan
halina't kumilos, bayan

Huwag kang malungkot, dukhang api

HUWAG KANG MALUNGKOT, DUKHANG API
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

huwag kang malungkot, dukhang api
kung lipunan laging sinisisi
basta't magkaisa nang iwaksi
ang sistemang bulok, walang silbi

di lahat ay panahon ng luha
lalo na't maghimagsik ang madla
lipunang bago'y ibabandila
sa pangunguna ng manggagawa

ang pagkaapi'y magwawakas din
di buong taon, tayo'y alipin
tatlong beses din tayong kakain
sa bagong sistemang mithi natin

Martes, Abril 26, 2016

Sinong tutubos o sama-samang pagkilos?

SINONG TUTUBOS O SAMA-SAMANG PAGKILOS?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa lipunan ngayon ay sobra-sobra ang hikahos
ang manggagawa ang karaniwang binubusabos
ang magsasakang naglilinang sa bukid ang kapos
ang maralita sa kalunsuran ay inuubos
ang dignidad ng karaniwang tao'y inuulos
ang buhay ng mga dukha'y sadyang kalunos-lunos
habang mga elitista'y may buhay na maayos
mamigay man ang burgesya'y namimigay ng limos
makaaasa ba tayo sa isang manunubos?
o aasahan natin ay sama-samang pagkilos?

Lunes, Abril 25, 2016

Tiyak ding babaluktot ang mga trapong buktot

TIYAK DING BABALUKTOT ANG MGA TRAPONG BUKTOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

tiyak ding babaluktot
ang mga trapong buktot
na ang gawang kurakot
ay kakila-kilabot

dapat mawala sila
ang mapagsamantala
at mabigyang hustisya
ang naaaping masa

tama lang maghimagsik
laban sa mga lintik
ang magpatumpik-tumpik
nalulublob sa putik

iyang mapang-alipin
ay dapat nang digmain

Linggo, Abril 24, 2016

Wala akong ni baul ng anumang yaman

WALA AKONG NI BAUL NG ANUMANG YAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wala akong ni baul ng anumang yaman
pagkat tulad kong makata'y mahirap lamang
mayaman sa tula, ngunit buhay-tulisan
binabaril ng tula ang mga gahaman

nilililok ko sa gatilyo ng salita
ang dusa't hirap nitong mga manggagawa
inuukit ko sa kaluban niring wika
yaong kalunus-lunos na buhay ng dukha

wala ako niyang pribadong pag-aari
na gamit sa pang-aapi ng isang uri
yaring mga katha itong yaman kong iwi
mga tulang sa gutom at uhaw pamawi

Sabado, Abril 23, 2016

Walang maisip kundi pawang kabiguan

WALANG MAISIP KUNDI PAWANG KABIGUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

walang maisip kundi pawang kabiguan
buhay niya'y ano kayang kahahantungan
matatamo ba niya ang kaligayahan
o isang kahindik-hindik na kasawian

paano nga ba iisiping may pag-asa
kung bawat danas ay pagkabigo tuwina
tinalaga ba siyang mabuhay sa dusa
at di na kakamtin ang inaasam niya

magandang isiping may bagong umaga rin
na sa bawat araw ay kakasalubungin
diwa'y di dapat basta lumipad sa hangin
kundi kakaharaping bukas na’y planuhin

maging positibo sa pagharap sa buhay
at tiyak na makakamtan din ang tagumpay

Biyernes, Abril 22, 2016

Itigil ang pagmimina sa Zambales

ITIGIL ANG PAGMIMINA SA ZAMBALES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang masa'y nagdurusang labis-labis
dahil sa pagmimina sa Zambales
nawasak ang kalikasang kaylinis
at ang pagkasira'y walang kaparis

pagmimina, itigil, hiyaw nila
tubig at sakahan, apektado na
salot sa bayan iyang pagmimina
winawasak ang buhay, bukas nila

sila ba sa ganito'y magtitiis
kung habambuhay silang mananangis
bagang ng Zambaleño'y nagtatagis
pagmimina'y itigil sa Zambales

Kaylinis ng lungsod

KAYLINIS NG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kaylinis ng lungsod, kaylinis
naglipana ang makikinis
at malaporlesanang kutis
walang pulubing nananangis
nakangiti kahit nagtitiis
sa hirap ay bumubungisngis
kahit na dusa'y labis-labis
dusang sadyang nakaiinis
ganyan nga sa lungsod, kaylinis

Huwebes, Abril 21, 2016

Pagkalas sa martsa

PAGKALAS SA MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kailangan na ring umuwi
paglisan nga'y pananatili
gamutin ang pusong may hapdi
ituloy ang naiwang gawi
balikan ang iniwang lahi
harapin ang mga tunggali
gawin ang silyang bali-bali
habulin ang mga butiki
at dalawin ang naglilihi

magpatuloy sa pagsusuri
ng lipunang kayraming imbi
ng kasaysayang dinuhagi
alipin ay dinggin ng pari
pesante'y suwayin ang hari
obrero'y unahin ang uri
imperyalismo'y mapahikbi
kapitalismo'y mangalugi
ah, kailangan nang umuwi

* kinatha sa DAR ng Abril 21, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Huwad na daan?

HUWAD NA DAAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit baga bumaluktot itong tuwid na daan
repormang agraryo'y di natin totoong nagisnan
CLOA ng magsasaka'y mawawala bang tuluyan
sila ba'y mapapaalis sa lupang tinubuan

hanggang silang magsasaka'y nagpasiyang magmartsa
mula Sariaya'y tinungo ang Korte Suprema
tumungo na rin sa DAR upang magkalinawan na
tuwid na daan ba'y unat o baluktot talaga

nagkaisa't naglakad nang umaga hanggang hapon
mahigit isanlinggong lakad nang kamtin ang layon
sa kanilang kakayahan, ito'y tunay na hamon
upang problema sa lupa'y magkaroon ng tugon

sa mga kasamang naglakad, maraming salamat
at nawa lakad na ito'y magtagumpay na sukat
naglakad tayo nang sambayanan din ay mamulat
na ang laban ng magsasaka'y laban din ng lahat

* binasa sa pagtatapos ng pagtatasa ng nakaraang martsa at pakikipagpulong ng mga magsasaka sa mga opisyales ng DAR, Abril 21, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Di namamatay ang pag-asa

DI NAMAMATAY ANG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

di namamatay ang pag-asa
kaya tuloy tayo sa martsa
kahit magsimba sa umaga
asam na mayroong hustisya
para sa mga magsasaka

di namamatay ang pangarap
maging handa sa hinaharap
di laging panahon ng hirap
may panahon ding lalaganap
ang hustisyang ating hagilap

di namamatay ang prinsipyo
nasa loob na natin ito
manduro man ang pulitiko
gaano man siya katuso
di matibag ang prinsipyado

di namamatay ang pag-ibig
sa pamilyang tunay na kabig
kaninuma'y di padadaig
di magahis ng manlulupig
lalo na't sila'y kapitbisig

* kinatha matapos ang pagtatasa ng nakaraang martsa at pakikipagpulong ng mga magsasaka sa mga opisyales ng DAR, Abril 21, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Miyerkules, Abril 20, 2016

Demokrasya't sosyalismo'y ipaglaban

DEMOKRASYA'T SOSYALISMO'Y IPAGLABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

anang kasamang Ric Reyes ng grupong Katarungan
ang demokrasya't sosyalismo'y ating ipaglaban
sa mga naroo'y tinalakay ang kalagayan
ng magsasaka sa kinapaloobang lipunan

mga prime agricultural land ay ibinebenta
naging lupang industriyal na ng kapitalista
coco levy'y dapat ibigay na sa magsasaka
ngunit huwag bawiin ang natanggap nilang CLOA

sa demokrasya'y kinikilala ang bawat boto
dukha man o elit, pinagsisilbihang totoo
nakikinabang dapat sa serbisyo ng gobyerno
ang karapatan ng bawat isa'y nirerespeto

sa pag-aaring pribado'y di na dapat sumandig
kapitalismong bulok ay dapat ngang nilulupig
sosyalismo'y sistema ng may makataong tindig
at lipunan ng obrero't pesanteng kapitbisig

* kinatha sa DAR matapos ganapin ang isang solidarity night at film showing, Abril 20, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Sa kasamang namatayan ng anak dahil sa sakit

SA KASAMANG NAMATAYAN NG ANAK DAHIL SA SAKIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dagling umuwi ang isang kasama sa lakbayan
ang maysakit niyang anak ay namatay, biglaan
panahon ng pighati't amin siyang dinamayan
habang kami'y nagpatuloy sa mahabang lakaran

nang mailibing ang anak, nagbalik ang kasama
ipinakitang bagamat dumatal ang problema
sa martsa ng magsasaka'y tunay siyang kaisa
at nagpatuloy pa rin sa aming pakikibaka

sa iyo, kasama, taos-kamaong pagpupugay
sa buong pamilya'y taos-pusong nakikiramay
manatili nawang matatag sa laban ng buhay
at nawa'y kamtin ng martsa ang asam na tagumpay

* kinatha sa kubol na itinayo ng mga magsasaka sa DAR, Abril 21, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Martes, Abril 19, 2016

Proseso ng batas ay dapat alam natin

PROSESO NG BATAS AY DAPAT ALAM NATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

madalas, binababoy ng mga nakatataas
at ginagamit laban sa maliliit ang batas
para bang mata ng karayom ay kanilang atas
kaya sa batas ang agad nakikita'y ang butas

ngunit proseso ng batas ay dapat nating batid
pag di alam, sa butas nila tayo binubulid
tingin ba nila, dukha'y di kikibo't pawang manhid?
aba'y alamin natin ang batas, mga kapatid

mula sa pagsasampa ng kaso at anong korte
anong kaso, nagsakdal, sinakdal, ang aasiste
gaano katagal, magkanong gastos, ilang gabi
ilang araw, buwan, taon ba'y bibilangin dine

pag may kaso'y handa kayang gumastos sa papeles
dapat mo ring makilala ang hahawak na huwes
kalaban ba'y gaano kayaman, kinikilatis
ang ugali ba'y mapangmata, balat ba'y makinis

aralin anong dapat na batas pati proseso
alamin ang paligid, kaliwa, kanan, diretso
pasikot-sikot ng batas ay dapat maaral mo
paanong dukha'y di talaga maaagrabyado

- kinatha sa QC Memorial Circle matapos ang rali sa harap ng Korte Suprema, Abril 19, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Pagdatal ng magsasaka sa Korte Suprema

PAGDATAL NG MAGSASAKA SA KORTE SUPREMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mula simbahan ng Baclaran ay naglakad muli
sa tindi ng sikat ng araw, magtiyaga'y susi
makararating din upang kamtin ang minimithi
para sa sakahan, sa bayan, sa kapwa't sa lahi

tanghaling tapat nang dumatal sa Korte Suprema
sa harapan nito'y nagrali kami't nagprograma
dito'y ibinuhos ang hinaing ng magsasaka
dito'y inilatag ang kanilang dusa't problema

kay-init ng singaw sa kalupaang aspaltado
habang tumatagaktak ang pawis sa mga noo
may mga nakabinbing pala silang kaso dito
hinggil sa lupa nilang dapat tugunang totoo

nawa Korte Suprema na'y dinggin ang kanilang daing
upang hustisya't hanap na ginhawa'y kamtin na rin

- kinatha sa Luneta habang nagpapahinga matapos ang rali sa harap ng Korte Suprema, Abril 19, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Pagtulog sa D.A.R.

PAGTULOG SA D.A.R.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa bahaging iyon ng Elliptical Road,
sa gilid ng daan tila hinahagod
ang katawang pata't dama'y pagkapagod
sa pakikibakang di kalugod-lugod

tambutso'y mausok ng nagdaraang dyip
tila ba babahing kapag nakaidlip
hanap ang hustisya habang nililirip
tagumpay nawa'y di hanggang panaginip

sa makipot na daan ay sumisiksik
habang kubol doon nila itinirik
kahit lupa roo'y tunay ngang maputik
nakakatulog di't nagsisipaghilik

layon ng nakikibakang magsasaka'y
pawang sagisag ng pag-asa't hustisya

* kinatha sa DAR ng Abril 19, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Lunes, Abril 18, 2016

Martsa'y hinarang ng kapulisan

MARTSA'Y HINARANG NG KAPULISAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa mga kasama'y tila umiigting ang poot
sa sistema sa lupang inaagaw ng balakyot
ngayon mga pulis itong nangharang na nagdulot
ng galit bakit ganito't sistema'y nananakot

payapa ang kanilang martsa, payapang-payapa
bagamat sumisigaw ng hustisya sa palupa
nang hinarang ng pulis, tila sila sinagupa
gayong nais lang isatinig ang danas na banta

nakipag-usap, isang oras din ang itinagal
at ipinakita pa rin ang kabutihang asal
maya-maya'y nagmartsa muli kahit na mabagal
habang ang tsinelas ng isang kasama'y napigtal

dapat handa't panatilihing malinaw ang isip
upang di magningas ang poot na kahalukipkip
sa gayon ngang pangyayari'y mahinahong malirip
ang tamang pasya't direksyon upang martsa'y masagip

* hinarang ng mga kapulisan ang Martsa ng Magsasaka sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Brgy. Tambo sa Parañaque, tapat ng Meralco, at malapit sa kanto ng Kabesang Cillo St., umaga ng Abril 18, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Determinasyon sa kanilang mata

DETERMINASYON SA KANILANG MATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

habang pinagmamasdan ko ang mga magsasaka
mula sa maghapong paglalakad, namamahinga
kita ko ang determinasyon sa kanilang mata
habang hinihiyaw ng kanilang loob: hustisya!

mahigit isandaang kilometrong paglalakad
mula lalawigan tungong lungsod upang ilahad
ang kawalang katarungang nais nilang malantad
upang sa puso'y kamtin ang kapayapaang hangad

kabuhayan ng magsasaka'y tila papalubog
ngayon naglalakad, paa man nila'y nalalamog
napakapayak lamang ng hiling, di anong tayog:
na coco levy fund na'y ibalik sa magniniyog!

* kinatha sa tinigilan namin sa Baclaran church noong Abril 18, 2016; ito ang ikalawang tulang binasa sa solidarity night sa DAR sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, Abril 20, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Repormang agraryo laban sa kapitalismo

REPORMANG AGRARYO LABAN SA KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

hindi lamang bukal ng pagkain at kabuhayan
ng magbubukid ang lupang kanilang binubungkal
ito'y bukal ng kultura nila't kinabukasan
mga pangarap nila'y dito nabuo't kumintal

kaya kung lupa nila sa dayuhan ibinenta
tatayuan ng komersyo at mga industriya
nawalan na ng lupa, saan na sila pupunta
gayong mula't sapul ay nabuhay sa pagsasaka

sa kapitalismo, balewala ang karapatan
klasipikasyon ng lupa'y tiyak nang papalitan
alang-alang sa tubo ng mga mamumuhunan
ang lupaing agrikultural ay di na sakahan

dati'y palayan, pag-aari na ng korporasyon
magbubukid ay nawalan ng karapatan doon
kaya ipinaglalaban ng magsasaka ngayon
ay ang repormang agraryong may natatanging layon

layunin ng repormang maayos na matugunan
ang hindi makatarungang ugnayan sa pagitan
ng panginoong maylupa't magsasaka kung saan
pagsasamantala'y di na iiral nang tuluyan

ngunit kapitalismo ang sistemang umiiral
na tanging tubo lamang ang nais sa magbubungkal
nasaan ang dignidad kung ganito ang nakakintal
lalo na't lupa'y inuri na bilang industriyal

kung sinong nagbubungkal ay silang naghihikahos
masipag na magsasaka'y para pa ring busabos
magsasaka'y dapat lang maghanda sa pagtutuos
laban sa kapitalismong tunay ngang mapang-ulos

ang lupa'y buhay, aralin ang repormang agraryo
di na ito dapat ariin pa ng asendero
ang kontrol ng magsasaka sa lupa'y ipanalo
dapat pa bang sa rebolusyon makakamit ito?

- sinulat sa mahabang pamamahinga sa loob ng Our Lady of Perpetual Help sa Baclaran (na kilala ring Baclaran church), Abril 18, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Linggo, Abril 17, 2016

Lambanog at huntahan

LAMBANOG AT HUNTAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nangangagat ang kulisap buti't nakapantalon
mabuti't mga kasama'y may lambanog na baon
bago kami magpahinga't magsitulog sa karton
lambanog ay karamay sa aming huntahan doon

napag-uusapan hindi ang sakit ng kalamnan
kundi marangal na layon ng mahabang lakaran
nagsimartsa'y ilang araw na sakaha'y iniwan
upang dalhin ang hinaing sa kinauukulan

huntahan habang nagsisipagbarik ng lambanog
lalaugan ma'y nilulumot hanggang sa mayugyog
na kahit pangit ang tulugan, maganda ang tulog
at napapanagimpan ang diwatang iniirog

saanman, ang pakikisama'y di maiiwasan
sa marangal na layon, may lambanog at huntahan

- kinatha sa Pamplona 1 Sports Complex sa Brgy. Pamplona Uno, Las Piñas noong Abril 17, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Sigaw ng kanayunan: Katarungan!

SIGAW NG KANAYUNAN: KATARUNGAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa bawat paglalakad sa mainit na lansangan
sigaw namin: "Sigaw ng kanayunan: Katarungan!"
islogang umaalingawngaw sa aming lakaran
matatag, tagos sa puso, buo ang kalooban

diringgin kaya ng bayan ang kanilang hinaing?
upang sa isyu ng magbubukid, madla'y mabaling
upang magsasaka'y di mawalan ng isasaing
upang panginoong maylupa'y sakaling magising

basta na lang ba ililibing ang tinig na bahaw?
sa hanging amihan na lang ba'y agad malulusaw?
lumalagkit ang aming pawis sa sikat ng araw
kaya hustisya nawa sa magsasaka'y dumungaw

"Sigaw ng kanayunan: Katarungan!", dapat dinggin
sigaw ng magsasaka'y dapat nating unawain
lalo na ang pamahalaang dapat makinig din
sa bawat bahaw na tinig, puso'y papag-alabin

- kinatha sa Pamplona 1 Sports Complex sa Brgy. Pamplona Uno, Las Piñas noong Abril 17, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Higaang semento, tarpolin at banig na karton

HIGAANG SEMENTO, BANIG NA KARTON AT TARPOLIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaylayong lakarin, pagod, hihimlay sa semento
kisame'y langit, habang nakatitig ang kuwago
magmumulat, iinat, ang puso'y lulukso-lukso
habang masid ang lilipad-lipad na paruparo

ang magsitulog sa banig na karton at tarpolin
ay di nila sukat maranasan, di akalain
subalit dahil sa ipinaglalabang usapin
kaiba't bagong danas ay kanilang kakayanin

bakit kailangang sa ganito kami matulog
tulad ng Katipunerong pangarap ay kaytayog
tila ba sa rosas humahabol kaming bubuyog
upang kamtin ang katarunga't sa bayan ihandog

higaang semento, tarpolin at banig na karton
ay saksi sa panganib, danas, sakripisyo't hamon
nawa'y kamtin ang hustisya't ginhawang nilalayon
upang sa pagbabalik ay amin itong matunton

- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Pagkain, unahin! No to land conversion!

PAGKAIN, UNAHIN! NO TO LAND CONVERSION!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

panawagan ng magsasaka: No to Land Conversion!
mga palayan nama'y huwag gawing subdibisyon
pagkain ay unahin upang madla'y di magutom
dinggin natin ang hibik nila, ito'y isang hamon

bakit gagawing industriyal ang agrikultural
bakit tatanggalan ng lupa silang nagbubungkal
bakit niyuyurakan ang sa magsasaka'y dangal
bakit mga nangangamkam ng lupa'y sadyang hangal

tulad ng ibong nahahapo rin sa kalilipad
magsasaka'y hapo rin sa mahabang paglalakad
ngunit kailangang labanan ang maling pag-unlad
na imbes tao ay negosyo ang pinatitingkad

unahin dapat ang kapakanan ng taumbayan
at hindi yaong kagustuhan ng mga gahaman
magsasaka, magkaisa, baguhin ang lipunan
daigdig na ito'y sa inyo, hindi sa iilan

* binasa sa pulong ng mga magsasaka sa ikaapat na palapag ng Our Lady of the Abandoned Diocesan Shrine sa Putatan, Muntinlupa, Abril 17, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Balita ng Martsa ng Magsasaka sa Inquirer, Abril 17, 2016

BALITA NG MARTSA NG MAGSASAKA SA INQUIRER, ABRIL 17, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nalathala sa Inquirer ang balita sa martsa
kita ko ang ngiti at saya sa mga kasama
kahit paano'y pansin ang martsa ng magsasaka
at naiparating din sa madla ang hibik nila

- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016



Sabado, Abril 16, 2016

Adobo't kanin ang handog sa amin

ADOBO'T KANIN ANG HANDOG SA AMIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tunay ngang itong adobo'y sikat nating pagkain
pagkat sa tinitigilan ay karaniwang hain
ng mga simbahan at ibang kumupkop sa amin
malasang adobo'y sadyang kaybilis lang lutuin

buti't sa unang araw, may sinaing na tulingan
aba'y kaysarap naman ng aming pananghalian
adobo'y kaysarap din, huwag lamang palagian
baka mapurga sa adobo't ito'y kaayawan

gayunman, maraming salamat, dahil may adobo
pampadagdag lakas sa aming tuhod at prinsipyo
sapagkat nakapanghihina ang gutom sa tao
kaya salamat po sa taospusong handog ninyo

- kinatha sa Cabuyao Town Plaza, madaling araw, Abril 16, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Kung walang tiyaga ay walang nilaga

KUNG WALANG TIYAGA AY WALANG NILAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"kung walang tiyaga ay walang nilaga", anila
salawikaing nagpapalakas sa magsasaka
upang lakarin ang Maynila mula Sariaya
sandaang kilometrong higit na lakarin nila

habang dumadaloy sa ugat ng kanilang binti
ang dugong bayani'y dama ang pagod nila't mithi
upang kasakiman ay di na makapaghahari
upang mabago na ang sistemang mapang-aglahi

kailangang magtiyaga upang kamtin ang tagumpay
sa pakikibaka, bawat isa'y magkaagapay
madarama mong adhika nila sa puso'y lantay
sa pagtitiyaga ay may nilagang naghihintay

nangyayari sa lupain nila'y nakagagalit
kanila na ang lupa'y tila may nais mang-ilit
kaya sa bawat hakbang nitong magsasaka'y bitbit
asam na nilaga nawa'y tunay nilang makamit

- sinulat sa munting bulwagan ng Sta. Rosa de Lima Parish sa Sta. Rosa, Laguna, Abril 16, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Salamat sa mga simbahang tumulong sa amin

SALAMAT SA MGA SIMBAHANG TUMULONG SA AMIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

salamat sa mga simbahang tumulong sa amin
silang nagpatuloy, nagpatulog, at nagpakain
tunay ngang mga handog ninyo'y kaysarap namnamin
di lang ng dila't tiyan kundi ng diwa't damdamin

salamat po sa inyong mga lingkod ng simbahan
laban ng magsasaka'y inyong nauunawaan
dalangin po ninyo para sa aming kaligtasan
sa lakbaying ito'y di po namin malilimutan

kami'y dumadalo sa misa kasama ang madla
magtagumpay sa adhika ang hiling kay Bathala
huwag mapaalis sa aming tinubuang lupa
at matiyak na buhay namin ay maging payapa

nawa sa lakbaying ito bayan ay mamumulat
nawa'y magtagumpay kami't makinabang ang lahat
kung sakaling pasasalamat na ito'y di sapat
ay muli't muling sasambitin: Salamat! Salamat!

- kinatha sa isang bulwagan na pinagpahingahan ng mga magsasaka sa Santa Rosa de Lima Parish, sa Santa Rosa, Laguna, Abril 16, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Biyernes, Abril 15, 2016

Pakikibaka ang mahabang martsa

PAKIKIBAKA ANG MAHABANG MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mahigit sandaang kilometro'y handang lakarin
upang sa kinauukulan dalhin ang layunin
may CLOA na, bakit sa kanila pa'y babawiin
panawagan sa coco levy'y isyung dapat dinggin

sinong mamamayan ang maglalakad ng kaylayo
upang ipakita sa madla ang pagkasiphayo
ng magsasakang pilit tinahak ang baku-bako
puno ng sakripisyo sa landasing liku-liko

tunay sadyang pakikibaka ang mahabang martsa
sa kainitan ng araw, nagsakripisyo sila
danas ma'y katakut-takot, nanindigang talaga
upang kanilang kamtin ang asam nilang hustisya

tuloy ang mahabang martsa ng mga magbubukid
paninindigang tangan nila'y di mapatid-patid
lumaban upang lupa't buhay nila'y di mabulid
sa kaliluha't banta sa ating mga kapatid

- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Pagtulog sa karton

PAGTULOG SA KARTON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di akalaing makakatulog sila sa karton
sa kanila'y pulubi lamang ang gagawa niyon
pati mga baklas-bahay at buhay na'y patapon
ngunit para sa prinsipyo'y ginawa nila iyon

sa basketball court, sa mga pasilyo ng simbahan
naglalatag ng karton sa kanilang tinuluyan
minsan kisame nila'y bituin sa kalawakan
maigsi ang kumot kaya namamaluktot minsan

di sa kama kundi sa karton muna nagsitulog
inihimlay katawang pata't sa lakad bugbog
mga sakripisyong sa kapwa magsasaka'y handog
nang maipanalo lang ang adhikaing matayog

para sa ipinaglalaban, naglalakad sila
tunay na sakripisyo ang martsa ng magsasaka
patungong lungsod, lalakarin mula sa probinsya
nang iparating ang daing sa gobyerno't sa masa

- sinulat sa sementadong pasilyo ng Cabuyao Town Plaza, katabi ng simbahan, Abril 15, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Kanselasyon ng CLOA, ipatigil

KANSELASYON NG CLOA, IPATIGIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

certificate of land ownership award, binigay na
sa mga magsasaka, at bakit babawiin pa
para ba ito sa negosyo't di para sa masa
ano't binigay na'y babawiin sa magsasaka

sa kanila'y napakahalaga ng lupang iyon
na kasugpong ng kaluluwa, puso't nilalayon
ngunit karapatan nila'y pilit ibinabaon
sa kangkungan ng kasaysayan ng kutya't linggatong

lupa'y karapatan, buhay na di dapat makitil
ng panginoong maylupang sadya ngang mapaniil
kanselasyon ng CLOA'y dapat lamang ipatigil
ang karapatan natin ay di dapat sinisikil

* kinatha sa St. John the Baptist Church sa Calamba, Laguna, Abril 15, 2016; binasa sa rali sa Korte Suprema, Daang Padre Faura, Maynila, kasama ng mga nagmartsang magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 19, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Huwebes, Abril 14, 2016

Kami'y magsasaka

KAMI'Y MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kami'y magsasaka, sa lupa'y iyong kaagapay
na tuwinang inihahasik ay butil ng buhay
ngunit paano kung sa pagsasaka na'y manamlay
tiyak na ang mundong ito'y magugutom na tunay

ang bawat pag-aararo'y katas ng aming pawis
tulad noong dagat na daloy ay mula sa batis
sa lupa, binhi ng buhay itong inihahagis
pagkawala ng butil tiyak naming itatangis

kami'y magsasaka, kaagapay nitong lipunan
ang kinakain mo'y tumubo sa aming sakahan
palay, bigas, kanin, pang-agahan hanggang hapunan
mga sari-saring prutas, niyog, saging, gulayan

kami'y magsasaka, kasama mo sa pagbabago
iyong kaagapay, dumatal man iyang delubyo
tulad mo, magsasaka'y may karapatang pantao
na dapat ay batid ng lahat at nirerespeto

* kinatha noong madaling araw ng Abril 14, 2016 sa Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna; ito ang unang tulang binasa sa solidarity night sa DAR sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, Abril 20, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Kung ano ang itinanim

KUNG ANO ANG ITINANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kung ano ang itinanim, siya ring aanihin
kasabihang Pilipino at pangmagsasaka rin
kung anong ginawa sa kapwa'y siya ring gagawin
kumbaga'y ito ang "Golden Rule" o gintong tuntunin
na gabay-paalala sa bawat isa sa atin

kung halimbawang pinya'y tinanim ng magsasaka
hindi ito magbubunga ng santol kundi pinya
kung palay ang iyong tanim, palay ang ibubunga
magiging bigas, pag iniluto'y kanin sa mesa
kumbaga'y ito ang Gintong Palay para sa masa

kaya sa mga magsasakang kasama sa lakad
nagkakaisa tayo sa ating layon at hangad
upang sa bayan bulok na sistema'y mailantad
ipinaglalaban ng magsasaka ang dignidad
para sa kinabukasan ng pamilya't pag-unlad

itinatanim natin ngayon ay mga prinsipyo
simulain, adhikain, para sa bansang ito
at maitatag ang isang lipunang makatao
para sa magsasaka, kalikasan, at obrero
para sa hustisya't karapatan ng kapwa tao

- sinulat sa tapat ng Liceo de Los Baños (dating Immaculate Academy) na aming tinigilan ng gabi, Abril 14, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Lupa, Lupa para sa Magsasaka!

LUPA, LUPA PARA SA MAGSASAKA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kanilang sinasalubong ang magandang umaga
ang araw na tila baga sagana sa biyaya
kay-aga nilang magsipag at kaysisipag nila
sa pagputok ng bukangliwayway ay nagsasaka

bibisita sa bukid, kumusta ang mga tanim
sa mga bulaklak ba'y may bago nang masisimsim
mga puno ba'y nakapagbibigay na ng lilim
ang inahin ba sa mga itlog na'y lumilimlim

habang nasa bukid bigla silang napatigagal
prime agricultural land, ginawa nang industriyal
sa kanayunan, mga kapitalista'y dumatal
lupa'y inaagaw sa magsasakang nagbubungkal

ang maayang umaga'y nabalutan ng karimlan
inaagaw na pala ang lupa nilang sakahan
banta na ang mga korporasyon sa bayan-bayan
subalit magsasaka'y huwag itong papayagan

"Lupa, lupa, para sa magsasaka!" yaong sigaw
kanilang mga panawagan ay sadyang kaylinaw
lupa para sa magsasaka'y di lamang ihiyaw
kundi sa bawat nayon, ito'y ipaalingawngaw

- kinatha habang nagpapahinga ang martsa sa San Isidro Labrador Parish sa Calauan, Laguna, tanghali ng Abril 14, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Ipot ng ibon sa aking pantalon

IPOT NG IBON SA AKING PANTALON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantg bawat taludtod

nasa loob ako ng simbahang iyon
nang aking mapansin sa aking pantalon
nadumihang tila may ipot ng ibon
nang mapatingala, mayro'ng humahapon

at aking tinanggal ng paunti-unti
ang ipot ng ibong yaong tila sawi
kung sa akin iyon ang kanyang pagbati
sa kalumbayan ko animo'y pampawi

habang nagsisimba itong magsasaka
bago magsimula ang mahabang martsa
marahil ang ibon ay nagbasbas muna
ipot ba'y babala o isang biyaya

ipot ay kapara ng maruming putik
sa mga sakahang basa sa tikatik
ng ulan, marumi ngunit natititik
ibon ay may alay na sanlibong halik

- kinatha gabi matapos ang misa sa Immaculate Concepcion Parish ng Los Baños, Laguna, Abril 14, 2016

Pakikiisa ng kaparian sa mga magsasaka

PAKIKIISA NG KAPARIAN SA MGA MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagsermon yaong pari hinggil sa pakikiisa
sa laban ng magsasaka't tila saulo niya
ang coco levy fund at isyu nitong magsasaka
dapat raw sa agraryo'y magkaroon ng reporma

isang grupo roon ay inihandog ngang totoo
ang pagkaing laan sa kanilang anibersaryo
ngunit sabi ng pari, may laan naman sa dayo
na dumaan sa parokya nila't nagsimba rito

sa inyo pong pakikiisa'y maraming salamat
tunay nga pong layunin ng magsasaka'y kaybigat
naglalakad ng kaylayo upang madala ngang sukat
ang daing nila sa gobyernong dapat kabalikat

salamat po sa pakikiisa ng kaparian
nang hinaing nila'y magkaroon ng kalutasan

- kinatha matapos ang misa sa Immaculate Concepcion Parish ng Los Baños, Laguna, Abril 14, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Coco Levy Fund, ibalik sa magsasaka

COCO LEVY FUND, IBALIK SA MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

coco levy fund ay pondo para sa magsasaka
may karapatan sila sa pinaghirapan nila
ngunit ito'y inagaw sa kanila ng burgesya
lalo't ng panginoong maylupa't kapitalista
aba'y tama ba naman ito, nahan ang hustisya

ating dinggin ang magsasaka sa kanilang hibik
silang sa lupa'y dugo't pawis na ang inihasik
halina't ipakitang tayo'y hindi tatahimik
dapat coco levy fund sa magsasaka'y ibalik
at panginoong maylupa'y ibiting patiwarik

* binasa sa Calamba Crossing habang nagpoprograma roon ang mga nagmamartsang magsasaka, Abril 14, 2016, bandang ikatlo ng hapon
- kinatha ang tulang ito ng umaga ng araw ding iyon sa San Isidro Labrador Parish na aming pinagpahingahan at pinagtanghalian
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Miyerkules, Abril 13, 2016

Sa mga kabataang bulag na nagpasaya sa magsasaka

SA MGA KABATAANG BULAG NA NAGPASAYA SA MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasa dilim man ang buhay sila'y nasa liwanag
sa magsasaka'y awit ang kanilang pagpahayag
tumugtog ng piyano, gitara't tambol, kaytatag
ngalang Babylyn Palma ang guro ng mga bulag

salamat po sa inyo, kahit kayo'y nasa dilim
ay pinasaya kami sa kabila ng panimdim
pag-asa ang sa puso nami'y inyong itinanim
anumang tindi ng init ay daratal ang lilim

sa pag-awit nila'y dama mo sa puso ang init
makahulugan at kaygaganda ng mga hirit
dalawang kasamang magsasaka ang nakiawit
na lalo namang nagpasaya sa gabing pusikit

- kinatha sa gymnasium ng Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna, Abril 13, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

At nadaanan namin ang Kampo Heneral Macario Sakay

AT NADAANAN NAMIN ANG KAMPO HENERAL MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

martsang sinalihan ay tunay ngang makasaysayan
habang tinatahak ang Los Baños ay namataan
Kampo Heneral Macario Sakay ang nadaanan
gunita'y aklat, naalalang may dapat gampanan

ilang taon nang nakalilipas nang malathala
ang aklat na "Sakay: Bayani" na aking ginawa
sentenaryo ng kamatayan, nilunsad sa madla
buong buhay niya'y tigib ng sakripisyo't luha

habang naglalakad kami'y aking napagninilay
na buong bayan na ang kumikilala kay Sakay
sila man ng kasamang Lucio De Vega'y binitay
ang kanilang sakripisyo'y di nawalan ng saysay

di pinayagan ng kasaysayang siya'y mabaon
sa limot at siya'y kinikilala na ng nasyon
malaking patunay ang nakatayong kampong iyon
si Sakay ay bayani't di iniwan ng panahon

Kampo Heneral Macario Sakay, kampong totoo
paalalang ang heneral ay di isang bandido
si Sakay ay tunay na kawal-rebolusyonaryo
bayaning nakipaglaban upang lumaya tayo

- kinatha sa gymnasium ng Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna, Abril 13, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Paglalakad sa gabok

PAGLALAKAD SA GABOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pumapaspas yaong mga paa doon sa gabok
sanlaksang magsasaka sa lakbayan ay kalahok
paang tila pakpak sa bawat bayan kumakatok
na may kawalang hustisya sa sakahan, sa bundok

pumapaspas yaong paa ng mga magsasaka
damhin mo't tila may poot ang bawat yabag nila
nananaghoy, nananangis, hibik nila'y hustisya
mga lupa nila'y di dapat maangkin ng iba

tingni ang sipag sa kalamnan ng kanilang bisig
mga karapatan nila'y tingni sa bawat tindig
sa kanilang lupa'y dugo't pawis na ang nadilig
silang nagsaka nang tayo'y may isubo sa bibig

pumapaspas ang paa nilang mga magbubukid
silang hindi man kilala'y ating mga kapatid
sa lakbaying ito nawa'y walang mga balakid
at mga usaping dulog nila'y dapat mabatid

- kinatha sa gymnasium ng Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna, Abril 13, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Martes, Abril 12, 2016

Paraan ng pamumuhay ang pagsasaka

PARAAN NG PAMUMUHAY ANG PAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagsasaka'y hindi lamang isang simpleng trabaho
kundi paraan ng pamumuhay ng magbubukid
ang kinakain ng pamilya'y kinukuha dito
basta't masipag, sariwang gulay sa iyo'y hatid

buhay nila'y lupa, nasa lupa ang buhay nila
hahawanin, lilinangin nila ang lupang tigang
lupa'y pinagpapala ng kamay ng magsasaka
sasakahin, tatamnan ng gulayin, nililinang

ang paglilinang ng lupa'y may sambot na pag-ibig
sa pagsasaka natagpuan ang buhay na iwi
naroroong gulayin at pagsinta'y dinidilig
at sa dulo ng buhay ay sa lupa din uuwi

pinakakain nila ang lipunan kahit dukha
ngunit silang bumubuhay ang laging walang-wala

- kinatha sa basketball court na nagsilbi naming tulugan sa Brgy. Lusacan, sa Tiaong, Quezon, Abril 12, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Sinaing na Tulingan

SINAING NA TULINGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaysarap na pasalubong iyon sa aming martsa
sinaing na tulingang malinamnam sa panlasa
tamang-tama sa pagal naming katawan at paa
lalo sa gutom na't nakikibakang magsasaka
na layon sa martsa'y kamtin ang asam na hustisya

higit isangdaang magsasaka ang nagsikain
mayroong tuyong kalamyas na kaysarap papakin
kaylinamnam din ng patis ng tulingan sa kanin
nakabubusog sa bawat isa't walang nabitin
tiyak ang dalagang nagluto'y iyong iibigin

iyon ang sa martsa'y una naming pananghalian
na pinasasarap pang lalo ng aming kwentuhan
sadyang inihandog ng dinaanan naming bayan
tunay na pasasalamatan sa aming paglisan
upang maglakad muli sa gitna ng kainitan

- kinatha habang nagpapahinga sa isang open-air auditorium sa Candelaria, Quezon, Abril 12, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Paglalakad sa katanghaliang tapat

PAGLALAKAD SA KATANGHALIANG TAPAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang saya sa mukha ng magsasaka'y mababakas
tila natagpuan nila ang panibagong lakas
sa nagkakaisang adhikaing handog sa bukas
ng pamilya nila't bayang naghahanap ng lunas
sa tambak na mga suliraning dapat malutas

nagkakaisang lakas ang baon sa mga bisig
sa puso't diwa nila, bawat isa'y nananalig
na katuparan ng pangarap nila'y mananaig
di sila papayag na pawang luha ang dumilig
sa lupang kinalakhan nila, oh, nakaaantig

patuloy ang aming lakad, katanghaliang tapat
dama mong nanunuot ang init sa iyong balat
di kaya sa init ay may mawalan ng ulirat
mabuti nama't wala, habang ako'y nagsusulat
ang masasabi ko lang ngayon sa kanila: INGAT!

- kinatha sa isang open air auditorium sa Candelaria, Quezon na aming pinagpahingahan, katabi ng isang simbahan, Abril 12, 2016 makapananghali
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Martsa ng magsasaka mula Sariaya

MARTSA NG MAGSASAKA MULA SARIAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sasama ako sa higit sandaang kilometro
mula bayan ng Sariaya patungong Maynila
upang makiisa't magsasaka'y damayang todo
sa kanilang paglaban para sa hustisya't lupa

di ako magsasaka, di ako laki sa bukid
ngunit ang aking lolo't lola'y sa bukid nabuhay
lumaki sa sementado't aspaltadong paligid
ngunit sa laban ng magsasaka'y kaisang tunay

sasama ako sa kanila tangan ang adhika
na maiparating sa kalunsuran ang hinaing
ng mga magsasakang ang puso'y tigib ng luha
dahil sa kaharap nilang malalang suliranin

nawa sa lakbaying ito'y magkakaisang lahat
upang layunin at tagumpay ay makamtang sukat

- sinulat sa tapat ng simbahan ng Sariaya, Quezon, umaga ng Abril 12, 2016 bago magsimula ang martsa
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Linggo, Abril 10, 2016

Ang mga trapo't basahan

ANG MGA TRAPO'T BASAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ang mga trapo't basahan
ay pareho rin lang naman
panlinis sa karumihan
marumi pag hinawakan

iyang elitistang trapo
nag-aral ay walang modo
tingin nila mundong ito
ay kanilang paraiso

habang mga dukha naman
itinuring na basahan
etsapuwera, kung di man
salingpusa sa lipunan

trapo't basahan, tunggali
ng magkaiba ng uri
ang isa'y nais maghari
isa'y lumaya't magwagi

Sabado, Abril 9, 2016

Kayhirap dibdibin ang paglisan

KAYHIRAP DIBDIBIN NG PAGLISAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ah, kayhirap dibdibin ang paglisan
ng minumutya, aalis, biglaan
sadya bang di siya mapipigilan
sa tuluyang paglayo at pag-iwan

sadya bang ang paglisan ay paglaya
sa marupok na relasyon at diwa
ang pagsinta ba'y tuluyang nawala
ang lahat na ba'y mababalewala

nasa isip ang bukas ng pamilya
di ang pag-ibig o tagong pagsinta
daratnan ba sa paglayo ay ay dusa
o nasa paglisan ba ang ligaya

marahil, paglisan ay paghagilap
sa bangin ng dinuduyang pangarap
ng bagong puso, landasin at kislap
bagong karanasang maaapuhap

Biyernes, Abril 8, 2016

Pangangalampag laban sa gutom

PANGANGALAMPAG LABAN SA GUTOM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kalampagin iyang mga bingi sa kalagayan
ng mga magsasaka nating bayani ng bayan
halina't mangalampag na laban sa kagutuman
dahil sa epekto ng El Niño sa kalikasan

ngunit bakit nila pinaslang yaong magsasaka
na dahil sa gutom ay kumilos at nagprotesta
hingi nito'y bigas, bigay sa mga ito'y bala
ganito ba'y makatao, nasaan ang hustisya?

kagutuman ay masalimuot, sala-salabid
ngunit dapat unawain ang gutom na kapatid
dapat nang lutasin ang problema't mga balakid
katarungan nawa'y kamtin ng mga magbubukid

Sigaw ng magsasaka: Bigas, Hindi Dahas!

BIGAS, HINDI DAHAS

matitino bang tao silang mga mararahas
dahas ang tugon nila sa nanghingi lang ng bigas
nasa kapangyarihan ba'y sadyang talipandas
at mga puso't utak nila'y tila namamanas

unawaing mabuti ang epekto ng el niño
na dapat pangunahing ginagawa ng gobyerno
upang maiparating nilang maayos sa tao
ang agarang paglilingkod at tunay na serbisyo

sinong di kikilos kung sa gutom na'y mamamatay
ang iyong pamilya, sino ang totoong karamay
gobyerno bang dapat sandigan ng serbisyong tunay
ang nangunang sumikil sa karapatan at buhay

di ba nila ramdam iyang sigaw ng magsasaka?
bigas ang hinihingi, hindi dahas, hindi bala!
managot ang nagkasala! sigaw nami'y HUSTISYA!
panahon nang magkaisa't baguhin ang sistema!

- tula at litrato ni gregbituinjr./040816

Kalampagin ang inutil na pamahalaan

KALAMPAGIN ANG INUTIL NA PAMAHALAAN

paano ba kakalampagin ang isang inutil?
inutil nga, eh! ang damdamin kaya nito'y siil?
walang pakiramdam sa nangyayari sa paligid
walang pakialam sa nangyayari sa kapatid!

ang hinihingi lang ng mga magsasaka'y bigas
bakit agad tugon ng pamahalaan ay dahas
ah, dapat ngang kalampagin itong pamahalaan
pagkat siya'y tulog, bingi, ungas, di ko malaman

pangangalampag na ito'y pagbabakasakali
na ang walang pakiramdam ay maging taong muli
at damhing ang mga magsasaka ang pinagpala
nang tayo’y may isaing buhat sa sipag sa lupa

bayan ay nagbabakasakaling maisatinig
nangangalampag upang hinaing nila'y marinig
ngunit kung pamahalaan nga'y sadyang bingi’t bulag
ibagsak na sila’t di sapat ang pangangalampag

- tula at litrato ni gregbituinjr./040816

Huwebes, Abril 7, 2016

Nasa sementong malamig ang mga batang lansangan

NASA SEMENTONG MALAMIG ANG MGA BATANG LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tulog na tulog ang mga batang lansangan
sa sementong malamig, walang sapin man lang
sadya bang larawan ito ng karukhaan
o kapabayaan ng kanilang magulang

walang tulugan, talagang kalunos-lunos
ang kalagayan nilang batang maaamos
ang gobyerno ba'y may ginagawang maayos
upang sila'y di tuluyang maging busabos


Lunes, Abril 4, 2016

Kabataan, pag-asa ka nga ba ng bayan?

KABATAAN, PAG-ASA KA NGA BA NG BAYAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

pag-asa ka nga ba ng bayan?
alam ang isyu sa lipunan?
bulok na sistema'y kalaban?
bukas ba’y pinaghahandaan?

para sa bayan o sarili?
kanino ka ba magsisilbi?
sa masa o burgesyang bingi?
sa obrero o nang-aapi?

kabataan, pag-asa ka ba?
nino? ng dukha nating masa?
ipakita kung kanino ka
pumiglas ka na sa sistema!

Sabado, Abril 2, 2016

Hindi dugo ang pandilig sa lupang tigang

HINDI DUGO ANG PANDILIG SA LUPANG TIGANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga magsasaka ang sa bukid naglinang
subalit gutom ang nanalasa sa parang
nagrali laban sa gutom subalit hinarang
pinagraratrat sila ng may utak-halang
ang tugon na ba sa gutom ay pamamaslang?
hindi dugo ang pandilig sa lupang tigang!

unang araw ng Abril nang sila'y binira
tila uhaw sa dugo ang mga pasista
masama na bang kumilos at magkaisa
upang di magutom ang kanilang pamilya
araro't tinig ang armas ng magsasaka
ngunit punglo ang ganti ng kawal-pasista

* kinatha matapos ang condemnation rally ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa tapat ng Kampo Crame, Lungsod Quezon, Abril 2, 2016, kaarawan ni Balagtas

Dahas ng punglo sa Kidapawan

DAHAS NG PUNGLO SA KIDAPAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

naligalig ang diwa sa nabalitaan
dinahas ang magsasaka sa Kidapawan
may ilang nasawi at kayraming sugatan
muling ginambala ng dahas itong bayan

El Niño ang dahilan, wala nang makain
bitak na yaong lupa't wala nang pananim
mga tao'y gutom na't sadyang naninimdim
nagprotesta sila nang nangyari'y mapansin

napakapayak ng kanilang hiling: bigas
ngunit ang sinalubong sa kanila'y dahas
binira ng kapulisan, dalawa'y utas
bala ang binigay ng mga talipandas

kagutumang yaon nga'y nakasisiphayo
ngunit isinalubong pa'y dahas ng punglo
panagutin ang mga berdugong palalo!
katarungan sa mga nagbubo ng dugo!

* binasa sa condemnation rally sa tapat ng Kampo Crame, Lungsod Quezon, ika-2 ng Abril, 2016, kaarawan ni Balagtas

Biyernes, Abril 1, 2016

Abril 1, 2016

ABRIL 1, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa unang araw pa lang ng buwan ng panitikan
nasunog ang Faculty Center ng U. P. Diliman
habang may isang namatay at tatlumpung sugatan
nang mamaril daw ang kapulisan sa Kidapawan

mahahalagang papeles ay naabong tuluyan
pinugto ang buhay ng magsasaka't karapatan
ah, dalawang trahedyang bumungad sa kamalayan
sa unang araw pa lang ng buwan ng panitikan

Payo sa isang makata

PAYO SA ISANG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kathain kung anong nasa loob mo
at totoo'y madarama ng tao
tiyak di sasalang mag-iibayo
ang tinig mong nasa ilang ng todo

pagmasdang mabuti ang daigdigan
maayos pa ba ang kapaligiran?
pag-aralang maigi ang lipunan
anong nangyayari sa sambayanan?

pakinggan mo ang hinaing ng dukha,
mga babae, bata, mangingisda
dinggin mo ang hibik ng manggagawa
anong nasa likod ng dusa't luha

itula mo kung anong nasa puso
kahit iyan pa'y may bahid ng dugo

(pambungad sa Abril, ang pambansang buwan ng panitikan)