Linggo, Setyembre 28, 2008

Ako'y Paruparong Lungsod

AKO'Y PARUPARONG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig

Ako'y paruparong lungsod
Na sa baya'y naglilingkod
Ngunit mababa ang sahod
Kahit panay itong kayod.

Ako'y paruparong lungsod
Matindi raw kung humagod
Na malakas pa ang tuhod
Kayang lumundag sa bakod.

Pagninilay sa Isang Relokasyon

PAGNINILAY SA ISANG RELOKASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Sa relokasyon, problema pa rin
pagkat tadtad dito ng bayarin
yaong lupa'y di mo pa maangkin
kaya't para kang sising alipin.

Inilayo na sa hanapbuhay
at bibigyan daw ng bagong bahay
na di mo pa rin maangking tunay
kaya't di ka pa rin mapalagay.

Relokasyon nga ba itong lunas
sa pinapangarap nating bukas?
kaya ba ang bayaring kaytaas
o baka bigla pang mapalayas?

Tayo'y dinurog ng demolisyon
pati pa rin ba sa relokasyon?

Mga Pulitikong Pako

MGA PULITIKONG PAKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Tayo ba'y makikihalubilo
Sa mga pulitikong hunyango
Na ang laging panata sa tao
Ay pangakong laging napapako.

Nais lamang nila'y ating boto
Silang pulitikong asal-tuko
Sila'y talagang mga bolero
Na kayhahaba ng mga nguso

Ganyang tao'y dapat lang matalo
Kaysa sa bayan ay maging sugo
Itong baya'y ginawang negosyo
Nais sa bayan ay pawang tubo.

Tandaang hindi dapat manalo
Itong mga pulitikong pako.

Dalit sa Nawalan ng Trabaho

DALIT SA NAWALAN NG TRABAHO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Suot ko'y kayraming bulsa
wala namang lamang pera
pagkat ako'y natanggal na
sa pinasukang pabrika.

Tanaga sa Pulubing Musmos

TANAGA SA PULUBING MUSMOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayrami nilang musmos
sasampa sa dyip at bus
Doon magpapalimos
Nang sila'y may panggastos.

Soneto Sa May Anghit

SONETO SA MAY ANGHIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig

Pag ikaw'y may anghit
Walang lumalapit
Para kang kagalit
Ng maraming paslit.

Pag ikaw'y may anghit
Ikaw'y manliliit
Di makapangulit
Ngipi'y magngangalit.

Pag ikaw'y may anghit
Laging nilalait
Wala ka raw bait
Di makabunghalit.

Huwag nang humirit
Nang di mamilipit.

Biyernes, Setyembre 26, 2008

Di Dapat Angkinin ang Likas-Yaman

DI DAPAT ANGKININ ANG LIKAS-YAMAN
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig

lupa para sa walang lupa
tubig para sa walang tubig
hangin para sa walang hangin
apoy para sa walang apoy

huwag lamang itong ariin
bagkus dapat lang pagyamanin
ng lahat ng kapatid natin
dayo man o kabayan natin

lupa, apoy, tubig at hangin
ay mas nauna pa sa atin
kaya bakit kakalakalin
at pagtutubuan ng sakim

mga ito'y dapat gamitin
ng kapwa mamamayan natin
ito'y hindi dapat angkinin
nilang sa mundo'y lilipas din

pribadong pag-aari'y sanhi
ng kahirapan ng marami
kaya panahon nang iwaksi
itong pribadong pag-aari

di nga dapat gawing kalakal
ang anumang para sa lahat
apoy, hangin, lupa, at tubig
ay sadyang handog sa daigdig

ang sinumang dito'y mag-angkin
ang nagpapahirap sa atin
kaya't dapat lang latiguhin
dahil siya'y nagiging sakim

lupa'y di nila maaangkin
pati na tubig, apoy, hangin
pagkat lupa itong aangkin
sa kanilang katawang sakim

Ang Nagpapakahirap

ANG NAGPAPAKAHIRAP
(Tanaga para sa uring manggagawa)
ni Greg Bituin Jr.

Ang nagpapakakahirap
Di dapat pahirapan
Yaong nagpapahirap
Itong dapat talupan.

Lunes, Setyembre 22, 2008

Tuluy-tuloy Dapat Ang Pagkilos

TULUY-TULOY DAPAT ANG PAGKILOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Kung ang pinuno ng gobyerno'y bopol
Kalakara'y maasim pa sa santol
Lalo't ang bulsa'y laging bumubukol
Dahil sa pagtanggap ng mga suhol.

Yaong pinunong mapang-api'y ulol
Sa mukha'y putik ang nakakulapol
Gawai'y bulok at dapat iungol
Sistema nila'y dapat lang malipol.

Magtuloy-tuloy tayo sa pagtutol
Di tayo dapat lang pasipol-sipol
At tandaang puno'y di mapuputol
Sa isang taga lamang ng palakol.

Labanan ang mga Kurakot

LABANAN ANG MGA KURAKOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Wakasan ang mga pag-iimbot
Ng mga pulitikong kurakot
Kamay nila'y tila kaylilikot
At kabang-yama'y kinakalikot
Gawain nila'y pawang baluktot
At pati prinsipyo'y sadyang buktot.

Tayo ngayo'y napapasimangot
Pagkat sila'y nakabuburaot
Sa bayan sila'y talagang salot
Nakasusuka't sadyang mabantot
Gawain nila'y dapat malagot
Upang bagong umaga'y sumulpot.

Di tayo dapat palambot-lambot
At huwag lang magpainot-inot
Ayusin natin ang mga gusot
Pagbabago ma'y masalimuot
Labanan sila't huwag matakot
At durugin silang tila surot.

Biyernes, Setyembre 19, 2008

Si Genevieve, Crush ng Puso


SI GENEVIEVE, CRUSH NG PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

sa bus pa lang noon, nakita na kita
ikaw'y nakangiti sa mga kasama
nasa likod ako, minamasdan kita
o, kayganda-ganda, nakakahalina

kaya habang ang bus ay patungong Baguio
tungo sa Kongreso ng mga obrero
sinulyapan kitang palihim, sinta ko
iyong niligalig ang puso kong ito

dinig ko'y Genevieve ang ngalan mo, sinta
mula kang Maynila sa isang pabrika
ng mga produktong pawang pampaganda
panlinis ng kuko, katawa't iba pa

di kita nakita doon sa Kongreso
habang abala na sa pagmiminuto
natalaga ako doong minutero
tagatala niyong buong dokumento

ngunit sa Kongreso'y di ka nasulyapan
sa dami ng tao ikaw'y nalimutan
ng pansamantala hanggang mag-uwian
ngunit muli sa bus, kita'y namataan

o, sintang Genevieve, puso ko'y pumintig
tila nais kitang agad makaniig
kukulungin kita sa'king mga bisig
hahagkan ka pagkat ito nga'y pag-ibig

* sinulat isang araw matapos ang ikalimang pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino na ginanap sa Skyrise Hotel sa Lungsod ng Baguio

Huwebes, Setyembre 18, 2008

Alaala ng PECCO

ALAALA NG PECCO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

tatlong taong singkad, ako'y nagtrabaho
bilang makinista sa pabrikang PECCO
hawak ay makinang pambutas ng rolyo
sunod ay pangmolde at pagpoproseso
pyesa ng kompyuter ang aming produkto

kayrami ko ritong naging kaibigan
mula nang mag-aral doon pa sa Japan
at pagbalik dito'y kinuhang tuluyan
upang magtrabaho sa PECCOng gawaan
ng maraming pyesang sari-sari naman

sa bahay umalis, ako'y naglimayon
kwarto'y inupahan kong malapit doon
at habang sa PECCO'y nagsisipag noon
ninais kong maging pangulo ng unyon
pinigil ng tiyo kong gawin ko iyon

maraming salamat sa naging kasama
PECCO'y bahagi na nitong alaala
karanasan dito'y aral sa tuwina
tatlong taong singkad sa PECCOng pabrika
manggagawa ako't naging makinista

Martes, Setyembre 16, 2008

Kung Ako'y Maging Desaparesido, Inay

KUNG AKO'Y MAGING DESAPARESIDO, INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Kung ako'y maging isang desaparesido
Pilitin po ninyong hanapin ako, inay
Kung sakali mang tuluyang nawala ako
Ay makita man lang ang malamig kong bangkay.
Nawala man ako'y para sa pagbabago
Tangan ang prinsipyo't pangarap ko sa buhay
Isang marangal na libing po ang nais ko
At isang tula ko sa lapida'y ilagay.

Ikinararangal kong ako'y aktibista
Na prinsipyado itong sinuong na landas
Na ang tumatahak nama'y pawang bihira
At karaniwan, ang tulad ko'y dinarahas.
Aktibista'y may pag-ibig sa kanyang kapwa
Kaya't nilalabanan ang sinumang hudas
Na sa bayan natin ay nagsasamantala.
Panlipunang pagbabago ang tanging lunas.

Akong inyong anak ay alam nyong lalaban
Sa anumang sistemang mapagsamantala
Mahal kong inay, nais kong inyong malaman
Isa ka po sa pinakadakilang ina
Sa mundong itong kaytindi ng karahasan
At tulad ng maraming ina'y huwaran ka
Pagkat alay mo sa pagbago ng lipunan
Ang iyong anak upang lumaya ang iba.

(Desaparesido - ito yung mga aktibistang nangawala, marahil ay dinukot ng militar, at di pa nakikita kahit bangkay nila hanggang ngayon.)

Huwebes, Setyembre 11, 2008

Soneto ng Isang Bigo

SONETO NG ISANG BIGO
ni Matang Apoy (aka greg bituin jr)

12 pantig

kaypait uminom lalo't ikaw'y bigo
sa pag-ibig pagkat ako raw ay dungo
hanggang ngayon itong puso'y nagdurugo
kaya sa pagtungga, tula'y nalalango

kaysarap uminom kapag problemado
gagawa ng tula dahil inspirado
lalo na't ang tula'y para sa mahal mo
na inayawan na itong pag-ibig ko

nawa ang pag-ibig ay di maging biro
pagkat sa kawalan ako pa'y bilanggo
sa pagsusulat ko, tinta'y kulay dugo
pagkat tumutula'y wasak itong puso

kaylan magwawakas ang pagkatuliro
pag ang nagmamahal ay isa nang bungo?

Linggo, Setyembre 7, 2008

Huwag Iboto ang Mang-aapi

HUWAG IBOTO ANG MANG-AAPI
ni Greg Bituin Jr.
15 pantig

Huwag ipanalo ang mayayamang pulitiko
Lalo na yaong walang pagkalinga sa obrero
Sa kongreso man, senado o sa pagkapangulo
Sa halalang yao’y pamimiliin muli tayo
Kung sino ang mga bagong mang-aapi sa tao.

Salawikaing Tahimik

SALAWIKAING TAHIMIK
ni Greg Bituin Jr.
8 pantig

may bagay bang walang laman
o ito’y talinghaga lang?

o baka di lang malirip
ang ilan nating naisip

ano ba ang katuturan
o kaya ay kabuluhan

kung ating pag-iisipan
salawikaing may laman

ako naman ay nagtipon
nang may mabahagi ngayon

ang naritong halimbawa
ay pampatalim ng diwa

halina’t ating tunghayan
ang nasaliksik kong ilan:

napakaingay ng lata
kapag wala itong karga;

pag ang ilog ay magaslaw
tarukin mo at mababaw;

pag ang tubig ay tahimik
lipdin mo ma’y di malirip;

yaon daw taong maabla
karaniwa’y walang obra;

taong matipid mangusap
ay hindi nakakasugat;

kaygandang salawikain
na makakatulong na rin

sa ating kinabukasan
at sa kapwa kababayan

sadyang malasang namnamin
at kaysarap ding papakin

busog ang isipan natin
sa mga salawikain.

Sa Kaarawan ni Inay

SA KAARAWAN NI INAY
(Setyembre 6, 2008)

ni Greg Bituin Jr.
14 pantig

Maligayang kaarawan po, mahal kong inay
Taos-pusong pagbati nitong anak nyong tunay
Na hanggang ngayo'y hindi ninyo makaagapay
Pagkat inagaw ng rebolusyon yaring buhay.

Paumanhin po't matagal tayong di nagkita
Dahil sa mga gawain bilang aktibista
Ayokong magpakita sa inyong di ko dala
Yaong mamanugangin nyo't aking sinisinta.

Ako naman po, inay, kahit nahihirapan
Kahit pa nakakaranas nitong kagutuman
Di ako nanghahamak o nang-aapi naman
Ng aking kapwa-tao at mga kababayan.

Mga payo ninyo'y lagi kong tinatandaan
Na paniniwala ko'y dapat kong panindigan
At huwag ring ang kapwa'y pagsasamantalahan
At itong sarili ko'y huwag kong pabayaan.

Anumang mangyari mabugbog man ang katawan
Anumang ginawa'y dapat kong pangatawanan
Basta't laging nasa tama ang aking katwiran
Basta't sa paglilingkod, masa'y nasisiyahan.

Marami pong salamat sa mga payo ninyo
Kaya't sa marami'y lagi akong taas-noo
Ang payo ninyong dapat makipagkapwa-tao
Ang naging prinsipyo ng aktibistang tulad ko.

Pakikipagkapwa-tao't pagpapakatao
Ang siyang tatak ng pangarap kong sosyalismo
Maari pong ayaw ninyo sa salitang ito
Ngunit ito'y sistemang walang api sa mundo.

Patuloy po ako sa gawaing aktibista
Na alay ko sa bukas at sa lahat ng ina
Manggagawa't dukha'y aming inoorganisa
Upang itayo ang lipunan nila't sistema.

Tanggap kong buhay-aktibista'y kayraming banta
Ako'y maaring birahin kahit walang sala
Kaya kung sakaling daanan ako ng sigwa
Nawa kayo'y maging handa't huwag pong lumuha.

Ako man sa prinsipyo ko'y nagpapakahangal
At obrero't dukha'y dinadala sa pedestal
Sa pinili kong buhay, di ako mapapagal
At tandaan nyo po, inay, kayo'y aking mahal.

Sabado, Setyembre 6, 2008

Mahirap Ngunit Kaya

MAHIRAP NGUNIT KAYA
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig

"Kaya iyang gawin, pero mahirap"
Ang sabi ng negatibong mangusap.
"Mahirap iyang gawin, ngunit kaya"
Positibong sabi naman ng isa.

Biyernes, Setyembre 5, 2008

Sawikain sa Hayop at Kahayupan

SAWIKAIN SA HAYOP AT KAHAYUPAN
ni Greg Bituin Jr.
8 pantig

Sa aking pananaliksik
Mata'y napako sa titik
Ng sawikaing matarik
Na sa diwa ko'y bumikig.

Kaya't sa inyo'y pambungad
Itong sawikaing hangad
At ang aking ilalahad
Ay yaong sa hayop tulad.

Samo ko'y inyong basahin
At inyong pakasuriin
Itong mga sawikain
Na kaysarap ngang papakin.

Kung ang kabayo'y patay na
Ang kumpay ay aanhin pa?
Ang kalimitan sa isda
Nahuhuli sa bunganga.

Di mawiwili ang aso
Kung di bibigyan ng buto.
Ang kabayo pag tumakbo
Huwag pigili't hindi iyo.

Ang daga'y hindi iiyak
Pag di nahuli sa bitag.
Ang bulo mang anong ilap
Umaamo rin sa himas.

Kung matsing man ay marunong
Lalo't higit itong pagong.
Yaong hipong natutulog
Ang tinatangay ng agos.

Ang inahing mapagkupkop
Di man anak isusukop.
Ang buriko'y maganda rin
Kung buriko ang titingin.

Ang bahay na may asukal
Puntahan ng mga langgam.
Ang mag-alila ng uwak
Ang mata ang binubulag.

Bakit may pinunong ungas
At asal-hayop sa labas?
Kung bawat gubat, may ahas
Sa gobyerno ba'y may hudas?

Mag-ingat sa mga hangal
At makahayop na asal
Upang hindi ka mabuwal
At sa mundo ay magtagal.

Tayo'y may natututunan
Sa sawikain ng bayan
Na mula sinapupunan
Ng diwa't kinabukasan.

Pagmumuni sa Pangulo't Bansa

PAGMUMUNI SA PANGULO'T BANSA
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig

Nasa pwesto pa rin si Gloria
Na maraming sala sa masa
Nag-Hello Garci ng balota
Nagnais bilisan ang ChaCha
Nang sa termino'y tumagal pa.

Di baleng lahat ay magdusa
Basta't nakapwesto ang reyna
Bansa pa'y pilit binebenta
O kaya'y ipamimigay na
Sa dayuhang kapitalista.

Kahit daw bato ang iluha
Ng masang binabalewala
Kahit marami'y bumulagta
Di raw siya mapapababa
Ng masa't uring manggagawa.

Siyang-siya naman ang reyna
Nakangisi't tatawa-tawa
Wala raw magawa ang masa
Kaya't siya'y nasa trono pa.
Sa ganito ba'y papayag ka?

Magkaugnay

MAGKAUGNAY
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig

May isang paham na nagpapatunay
Na magkaugnay ang lahat ng bagay
May bagay na di maihihiwalay
Sa iba pang pangyayari at bagay.

Pag walang hangin, tao'y mamamatay
Pag walang saya, tayo'y malulumbay
Pag kaibiga'y nawalan ng buhay
Tayo'y tiyak agad makikiramay.

Sa tubig isda'y iyong ihiwalay
Pitasin mo ang bulaklak sa tangkay
Maralita'y tanggalan mo ng bahay
Isa-isa mo silang pinapatay.

Patunay itong sa ati’y may saysay
Na sa ating diwa ri'y gumagabay
Kaya't ating pakatandaang tunay
Ang lahat ng bagay ay magkaugnay.

Malay

MALAY
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig

Kung ikaw'y naniniwalang tama ka
Sa iyong mga pinaninindigan
Dapat lang ito'y iyong ipaglaban
Pagkat ito'y sadya mong karapatan.
Gawin mo ang lahat ng nalalaman
Sa iba't iba mong pamamaraan
Nang layuni'y maisakatuparan.
Kung hindi bukas ang iyong isipan
Yaong bibig mo'y huwag mo nang buksan.
Tanging mga patay na isda lamang
O yaong mga lumuksong alamang
Ang natatangay ng agos sa twina.

Ang Pumipigil sa Pagsulong

ANG PUMIPIGIL SA PAGSULONG
ni Greg Bituin Jr.
8 pantig

Baka kasi, baka, baka
E kasi, e kasi, kasi
Paano kung, paano kung
Sana naman, sana naman
Mga ito'y pumipigil
Sa ating ikasusulong
At tila mga hilahil
Na sa ati'y lumalason.

Di Dapat Magtiis

DI DAPAT MAGTIIS
(Nilikha sa text)
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig

Manggagawa'y di dapat magtiis
Sa ilalim ng sistemang burgis
Pagkilos ay dapat walang mintis
Hanggang kapitalismo'y matiris.

Ang Ibubulong Ko sa Iyo

ANG IBUBULONG KO SA IYO
ni Greg Bituin Jr.
14 pantig

Maari kong isigaw sa mundong mahal kita
Ngunit baka ako'y balewalain lang nila.
Ang pag-ibig ko'y ibubulong na lang sa iyo
Pagkat tiyak kong ako'y mauunawaan mo.

Miyerkules, Setyembre 3, 2008

Ako ang Bato

AKO ANG BATO
(Ako at ang bayaning Rusong sniper na si Vassily Zaitsev, mula sa pelikulang “Enemy at the Gates”)
ni Greg Bituin Jr.

Tangan ng Rusong sniper na si Vassily Zaitsev,
Habang nakasipat sa largabista,
Ang kanyang ripleng Mosin Nagnat.
At hinihintay ng ilang minuto,
Ilang oras, o marahil ilang araw
Na ang target na ulo’y lumitaw
Habang inuusal sa sarili:
“Ako’y bato, at di gumagalaw!
Dahan-dahan, isinusubo ko ang nyebe
upang di maamoy ng kaaway ang aking kinaroroonan.
Di ako nagmamadali, at pinalalapit ko siya.
May isa lamang akong bala.
Maginoo kong kinalabit ang gatilyo.
Di ako nanginginig. Di ako natatakot,
Dahil isa akong sniper,
Na naglilingkod ng tapat
Upang ipagtanggol ang bayan ko."

At tulad ni Vassily, target ng aking pluma
Ang mga diwang walang diwa upang magkadiwa
Inaasinta ng aking pluma ang mga
Diwang walang kaluluwa
Inaasinta ng matang apoy
Ang mga halang ang kaluluwa.
Tulad ni Vassily, isa rin akong bato
Di natitinag ng mga balikong prinsipyo.

Talinghaga ng Makata

TALINGHAGA NG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Bawat makata’y isang talinghaga
Sa mundong itong puno ng hiwaga
Sinasambit ay malalim na diwa
Na nagmula sa kanyang tuwa’t luha.

May mga makatang sadyang kaiba
Nililikha nila’y di nalalanta
Ang inihasik nila’y magaganda
Na pag tumubo’y ginto yaong bunga.

Makata yaong matalinong pantas
Na inaakda’y makabagong landas
Tungo sa sabanang puno ng peras
Na lunas sa tuso’t may diwang ungas.

Makata’y tulad ng matinong paham
Pananalinghaga’y may pang-uuyam
Ipinakikitang may pakialam
Sa lipunang sa dusa’y nilalanggam.

Nariyan si Balagtas na bayani
Na atin namang ipinagbubunyi
Florante at Laura’y kathang may silbi
Sa ating bansang pinipintakasi.

Nariyan din si Batuteng batikan
Na ang epiko’y walang kamatayan
Pinamagatang “Sa Dakong Silangan”
Na kwento nitong ating kasaysayan.

Magagandang tula’y nangaglipana
Sa mga aklat ng literatura
Tula ng modernistang Rio Alma
At ng “Ako ang Daigdig” ni Aga.

Sila’y ilan lamang sa manunula
Na humahabi ng ligaya’t tuwa
Sa bunying panitikan nitong bansa
At gumagabay sa diwa ng madla.

Nais kong sila’y aking matularan
Sa pagtula ko’y sila ang huwaran
Na ang itinanim sa panitikan
Ang binunga’y bagong diwa ng bayan.

Kaytindi ng kanilang ipinunla
Sa mayabong na bukid nitong diwa
Habang sa pagtula ko'y tinutudla
Ay pagbabago ng lipuna’t bansa.

Matagal Na Akong Patay

MATAGAL NA AKONG PATAY
ni Greg Bituin Jr.

Matagal na akong patay
Matagal na akong pinatay ng mga babaeng aking minahal
Kaylaon na nilang pinaslang ang puso kong nagmamahal
Bumangon lang akong muli sa hukay dahil sa pag-ibig sa iyo
Ngunit bakit ba tila nais mo ring pigtasin ang buhay ko
Bakit nais mong paslangin din ang puso kong nalulumbay
Hindi ka ba naaawa’t muli akong mamamatay?
Iisa na lang ang aking pangarap sa muli kong pagkabuhay
At ito’y sa kandungan mo sana ako tuluyang malagutan
Ng iwi kong buhay.

Lunes, Setyembre 1, 2008

Ang Makatang Walang Dila

ANG MAKATANG WALANG DILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod sa I at II
12 pantig bawat taludtod sa III

I
Sino ang iibig sa makatang walang dila
Kung ang laging kausap ay mga tula’t pluma?
Bulag ba’y iibig sa makatang walang dila
Gayong di nila mawatasan ang isa’t isa?
Kung bingi’y iibig sa makatang walang dila
Marahil nama'y magkakaunawaan sila.

II
Naputulan ng dila itong bunying makata
Pagkat tinortyur ng mga sundalo ng reyna
Reyna’y nainis sa pagtuligsa’t mga puna
Kaya’t pinahuli niya ang makatang aba.

Ayaw pala ng reynang siya’y tinutuligsa
Ng abang makatang tila siya sinusumpa
Sa mga mali’t palpak niyang pamamahala
Kaya’t ito’y pinaputulan niya ng dila.

III
Naputulan man ang makata ng dila
Di pa rin naman nabawasan ang diwa
Ng kanyang plumang patuloy sa tuligsa
Sa mga pinunong kapara ay linta.

Suliranin ngayon ng abang makata
Paano siya iibigin ng sinta
Naiisip niyang magpatiwakal na
Nang maibsan ang nararamdamang dusa.

Ngunit siya pa rin nama’y umaasa
Na siya’y iibigin ng mahal niya
Wala man ang dila’y nariyan ang pluma
Na mapagtitiisan ng kanyang sinta.

Si Danilov, ang Propagandista


SI DANILOV, ANG PROPAGANDISTA
(mula sa pelikulang “Enemy at the Gates”)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

1
Saksi siya sa pagpaslang sa limang Nazi
Ng kabayang Rusong asintado sa riple
Naisip niyang kaibiganin ang pobre
Pagkat pagkaasintado’y malaking silbi
Na labis naman niyang ipinagmamalaki
Ang asintadong Ruso'y tunay na bayani.

2
Ang lunsod ng Stalingrad ay pabagsak na
Dahil sa paglusob ng tropang Alemanya
Binali ni Hitler ang kasunduan nila
Sa pagitan ng bansang Alemanya’t Rusya
Kaya’y mga Ruso’y naghandang magdepensa
Laban sa mga Nazing kalaban na nila.

3
Dahil sa pangyayari’y nagdaos ng pulong
Itong hukbong Ruso, pamunuan at lupon
Si Heneral Krushev sa kanila’y nagtanong:
“Tayo’y nilusob ng mga Alemang buhong.
Nadudurog ang ating mga kawal ngayon.
Magmungkahi kayo’t huwag bubulong-bulong.”

4
Siya, si Danilov, isang propagandista
Isang beterano sa paggamit ng pluma
Ani Danilov: “Kailangan ay pag-asa!
Dapat bigyan natin ng pag-asa ang masa
Na sa labang ito, ang nananalo’y Rusya
At kaytindi ng ating depensa’t opensa.”

5
“Maglalabas tayo ng maraming polyeto
Nagbabalitang marami tayong panalo
At di nagwawagi ang Aleman sa Ruso
Na kayraming Alemang sumabog ang ulo
At pinaglaruan ng Rusong asintado
Na kalmado kung kumalabit ng gatilyo.”

6
Kaya’t ibinalita niya ang nangyari
Sa nasaksihang pagpaslang sa limang Nazi
Sa gerang iyon, may lumitaw na bayani
Si Vassily Zaitsev, maytangan ng riple
Kaya’t si Heneral Krushev ay napangisi
At ang atas kay Danilov ay pinursigi.

7
Sa bawat polyetong inilathala nila
Ang ginawa ng asintado’y pinakita
Kaya nagpalakpakan ang madla ng Rusya
Inabangan na kung ilan pang itutumba
Nitong asintadong kaysipag umasinta
Habang galit na galit itong Alemanya.

8
Kaygaling ng propagandistang si Danilov
At itong hukbong Ruso’y lumakas ang loob
Di nila hinayaang sila na’y makubkob
Ng mga kaaway na panay ang paglusob
Matindi ang aral sa atin ni Danilov
Na bawat propagandista’y dapat marubdob.

9
Si Vassily ay kinilala't inidolo
Dahil sa propa ni Danilov sa polyeto
Hanggang hukbong Aleman nagpadala rito
Ng pantapat kay Vassilyng puntirya nito
Si Major Konig ang Alemang asintado
Sa gera'y naghantingan ang dalawang ito.

10
Nag-isip si Danilov ng kanyang pangontra
Hanggang ginawa niya'y huling propaganda
Upang kalaban ni Vassily ay tumumba
Posisyon ng kalaban ilalantad niya
Ulo'y kanyang inilitaw, napatay siya
Ng Alemang isnayper na kalaban nila.

11
Posisyon ni Konig, batid na ni Vassily
Ngunit ang Aleman nama'y naging kampante
Akala'y si Vassily ang kanyang nakanti
Nang lumantad si Konig ay agad dinale
Ni Vassily't si Danilov ay iginanti
Sa kanya, si Danilov ay isang bayani.

12
Stalingrad ay di nakubkob ng kalaban
Pagkat ilang linggo’t buwan pa ang nagdaan
Mga mananakop sa Rusya'y nagsilisan
Dahil talo’t suko na ang hukbong Aleman
Natapos na ang milyun-milyong kamatayan
Noong Ikalawang Daigdigang Digmaan.

Banyaga Man ang Kaisipan

BANYAGA MAN ANG KAISIPAN
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig

Sosyalismo raw ay banyagang kaisipan
At bakit daw natin ito pag-aaralan
Ang marapat daw tayo’y maging makabayan
Imbes na kaisipa’y mula sa dayuhan.

Hindi ba’t kristyanismo’y banyaga rin naman
Ngunit natanggap na ngayon sa ating bayan
Espada’t kurus ang ginamit ng dayuhan
Upang magapi itong ating kababayan.

Ang dapat gawi’y pag-aralan ang lipunan
Kung bakit maraming mahirap at mayaman
Ang dahilan ba nito’y ito lang dayuhan
Di ba’t pati rin itong ating kababayan?

Kaya’t tigilan na ang dahilang dayuhan
Dayuhan ang nagdulot nitong kahirapan
Dayuhan itong nagpapahirap sa bayan
Gayong nagpapahirap din ay kababayan.

Umuunlad na itong ating kabihasnan
Ngunit kayrami pa rin ang nahihirapan
Sagot ba rito’y maging makabayan lamang
At dapat palayasin sinumang dayuhan?

Dahil nagkataong sila’y mga dayuhan
Na sumirang-puri sa ating kabihasnan
At nagsipagdambong ng ating likas-yaman
Kaya tugon dapat ay pagkamakabayan.

Pagsulpot ng uri ng tao sa lipunan
At pribadong pag-aari itong dahilan
Kung bakit mayroong mahirap at mayaman
Dapat na baguhin ang kalagayang iyan.

Kung pakasusuriin natin ang lipunan
Mababago lang natin itong kalagayan
Kung magrerebolusyon na ang taumbayan
Laban dito sa kapitalismong gahaman.

Nais nati’y pantay itong sangkatauhan
Di pribadong pag-aari ang kagamitan
Sa produksyon para makakain ang bayan
Sosyalismo ang ipalit nating lipunan

Kung kristyanismo’y natanggap sa ating bayan
Ang sosyalismo’y dapat matanggap din naman
Kahit sa proseso ng apoy ay dumaan
O kaya nama’y sa madugong himagsikan.

Di na mahalaga kung galing sa dayuhan
Itong makabagong kaisipan ng bayan
Ang mahalaga’y may prosesong dinaanan
At malaking tulong sa ating kababayan.

Itong sosyalismo ang ating bagong daan
Di lang pambayan kundi pangsangkatauhan
Ito ang handog natin sa kinabukasan
Sosyalismo’y pag-ibig ang alay sa bayan.

Dapat Laging Handa

DAPAT LAGING HANDA
ni Greg Bituin Jr.

Dapat lagi tayong handa sa papasuking anumang larangan.
Kapag pumasok ka sa kulungan ng leyon, dapat handa kang makagat.
Kapag pumasok ka sa pagsusugal, dapat handa kang mawalan ng salapi.
Kapag pumasok ka sa larangan ng pag-ibig, dapat handa kang mabigo.
Kapag pumasok ka sa pag-aasawa, dapat handa kang magsakripisyo’t magbigay.
Kapag pumasok ka sa pagrerebolusyon, dapat handa kang mamatay.