SA KAARAWAN NI INAY
(Setyembre 6, 2008)
ni Greg Bituin Jr.
14 pantig
Maligayang kaarawan po, mahal kong inay
Taos-pusong pagbati nitong anak nyong tunay
Na hanggang ngayo'y hindi ninyo makaagapay
Pagkat inagaw ng rebolusyon yaring buhay.
Paumanhin po't matagal tayong di nagkita
Dahil sa mga gawain bilang aktibista
Ayokong magpakita sa inyong di ko dala
Yaong mamanugangin nyo't aking sinisinta.
Ako naman po, inay, kahit nahihirapan
Kahit pa nakakaranas nitong kagutuman
Di ako nanghahamak o nang-aapi naman
Ng aking kapwa-tao at mga kababayan.
Mga payo ninyo'y lagi kong tinatandaan
Na paniniwala ko'y dapat kong panindigan
At huwag ring ang kapwa'y pagsasamantalahan
At itong sarili ko'y huwag kong pabayaan.
Anumang mangyari mabugbog man ang katawan
Anumang ginawa'y dapat kong pangatawanan
Basta't laging nasa tama ang aking katwiran
Basta't sa paglilingkod, masa'y nasisiyahan.
Marami pong salamat sa mga payo ninyo
Kaya't sa marami'y lagi akong taas-noo
Ang payo ninyong dapat makipagkapwa-tao
Ang naging prinsipyo ng aktibistang tulad ko.
Pakikipagkapwa-tao't pagpapakatao
Ang siyang tatak ng pangarap kong sosyalismo
Maari pong ayaw ninyo sa salitang ito
Ngunit ito'y sistemang walang api sa mundo.
Patuloy po ako sa gawaing aktibista
Na alay ko sa bukas at sa lahat ng ina
Manggagawa't dukha'y aming inoorganisa
Upang itayo ang lipunan nila't sistema.
Tanggap kong buhay-aktibista'y kayraming banta
Ako'y maaring birahin kahit walang sala
Kaya kung sakaling daanan ako ng sigwa
Nawa kayo'y maging handa't huwag pong lumuha.
Ako man sa prinsipyo ko'y nagpapakahangal
At obrero't dukha'y dinadala sa pedestal
Sa pinili kong buhay, di ako mapapagal
At tandaan nyo po, inay, kayo'y aking mahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento