Miyerkules, Setyembre 3, 2008

Talinghaga ng Makata

TALINGHAGA NG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Bawat makata’y isang talinghaga
Sa mundong itong puno ng hiwaga
Sinasambit ay malalim na diwa
Na nagmula sa kanyang tuwa’t luha.

May mga makatang sadyang kaiba
Nililikha nila’y di nalalanta
Ang inihasik nila’y magaganda
Na pag tumubo’y ginto yaong bunga.

Makata yaong matalinong pantas
Na inaakda’y makabagong landas
Tungo sa sabanang puno ng peras
Na lunas sa tuso’t may diwang ungas.

Makata’y tulad ng matinong paham
Pananalinghaga’y may pang-uuyam
Ipinakikitang may pakialam
Sa lipunang sa dusa’y nilalanggam.

Nariyan si Balagtas na bayani
Na atin namang ipinagbubunyi
Florante at Laura’y kathang may silbi
Sa ating bansang pinipintakasi.

Nariyan din si Batuteng batikan
Na ang epiko’y walang kamatayan
Pinamagatang “Sa Dakong Silangan”
Na kwento nitong ating kasaysayan.

Magagandang tula’y nangaglipana
Sa mga aklat ng literatura
Tula ng modernistang Rio Alma
At ng “Ako ang Daigdig” ni Aga.

Sila’y ilan lamang sa manunula
Na humahabi ng ligaya’t tuwa
Sa bunying panitikan nitong bansa
At gumagabay sa diwa ng madla.

Nais kong sila’y aking matularan
Sa pagtula ko’y sila ang huwaran
Na ang itinanim sa panitikan
Ang binunga’y bagong diwa ng bayan.

Kaytindi ng kanilang ipinunla
Sa mayabong na bukid nitong diwa
Habang sa pagtula ko'y tinutudla
Ay pagbabago ng lipuna’t bansa.

Walang komento: