Biyernes, Setyembre 5, 2008

Sawikain sa Hayop at Kahayupan

SAWIKAIN SA HAYOP AT KAHAYUPAN
ni Greg Bituin Jr.
8 pantig

Sa aking pananaliksik
Mata'y napako sa titik
Ng sawikaing matarik
Na sa diwa ko'y bumikig.

Kaya't sa inyo'y pambungad
Itong sawikaing hangad
At ang aking ilalahad
Ay yaong sa hayop tulad.

Samo ko'y inyong basahin
At inyong pakasuriin
Itong mga sawikain
Na kaysarap ngang papakin.

Kung ang kabayo'y patay na
Ang kumpay ay aanhin pa?
Ang kalimitan sa isda
Nahuhuli sa bunganga.

Di mawiwili ang aso
Kung di bibigyan ng buto.
Ang kabayo pag tumakbo
Huwag pigili't hindi iyo.

Ang daga'y hindi iiyak
Pag di nahuli sa bitag.
Ang bulo mang anong ilap
Umaamo rin sa himas.

Kung matsing man ay marunong
Lalo't higit itong pagong.
Yaong hipong natutulog
Ang tinatangay ng agos.

Ang inahing mapagkupkop
Di man anak isusukop.
Ang buriko'y maganda rin
Kung buriko ang titingin.

Ang bahay na may asukal
Puntahan ng mga langgam.
Ang mag-alila ng uwak
Ang mata ang binubulag.

Bakit may pinunong ungas
At asal-hayop sa labas?
Kung bawat gubat, may ahas
Sa gobyerno ba'y may hudas?

Mag-ingat sa mga hangal
At makahayop na asal
Upang hindi ka mabuwal
At sa mundo ay magtagal.

Tayo'y may natututunan
Sa sawikain ng bayan
Na mula sinapupunan
Ng diwa't kinabukasan.

Walang komento: