Lunes, Pebrero 28, 2011

Sa 'Capitalism' Kapit sa Patalim

SA 'CAPITALISM' KAPIT SA PATALIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

i

nagtatakang tanong ng isang dayuhan
asking "Why poverty in your country rampant?"
ang agad tugon ko, "it's none of your business
you know Filipinos are just mapagtiis"

"laging nakangiti kahit naghihirap
its as if there's always meron namang lilingap"
tugon ng dayuhan, "your poverty it seems
came from injustices triggered by the system"

"and what systems is that?" agad aking tanong
"it's capitalism, a system that is wrong!"
"it's all about profit, a real system of greed"
kaya aking tugon, "ngayo'y aking batid"

ii

kaya minungkahi ng dayuhang iyon:
"maybe what we need is total revolution!"
"dapat magsibangon", ang agad kong tugon
"na bagong sistema itong nilalayon!"

kaya sinabayan ko siya sa ingles
kahit pa baluktot, upang basic masses
ay hindi na laging sakripisyo't tiis
sa lipunang itong dapat nang malinis

"sa capitalism, kapit sa patalim
the basic masses ay laging nasa dilim
katunayan itong di maililihim
sadyang this system is nakaririmarim"

Ang Tukso ng Kapital

ANG TUKSO NG KAPITAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kasalanan bang maging ganid
kung tubo naman ang kapalit
kahit madale pa'y kapatid
basta't tubo'y mahalukipkip

kasalanan bang maging sakim
kaysa buhay ay nasa dilim
anuma'y kanilang gagawin
basta't pagtutubuan pa rin

kasalanan bang maging hangal
sa bawat tukso ng kapital
basta't tumubo'y walang banal
kahit sinuman sinasakmal

tubo na'y pinipintakasi
kahit kapatid dinadale
tila dyablong ngingisi-ngisi
sa tubo ang puso ng imbi

Biyernes, Pebrero 25, 2011

Kapag Di Na Ako Tumula

KAPAG DI NA AKO TUMULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kapag inusad ko na itong pluma
tumagaktak ang pawis, walang tinta
pluma'y wala nang buhay, aking sinta
pagkat sa akin ay napawalay ka

bayan, kapag ako'y di na tumula
tandang inspirasyon ko na'y nawala
tandang ako'y di na nagmamakata
tandang pluma ko'y baon na sa lupa

binubuhay lang ng kanyang pag-ibig
ang aking panulat, tayutay, himig
indayog, diwa, dalumat at tindig
sana, sana, ako'y kanya pang dinig

di ko na pagtula'y pagpapaalam
sa sintang pag-ibig ko'y di maparam
hahayo ako doon sa di alam
marahil iyon nga ang mas mainam

Linggo, Pebrero 20, 2011

Itaas ang Kamao ng Protesta


ITAAS ANG KAMAO NG PROTESTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nanggagalaiti na sa galit yaong masa
isinisigaw nila'y "pagbabago, ngayon na!"
habang nakataas ang kamao ng protesta
"ibagsak na ang lahat ng mapagsamantala!
baguhin na natin ang bulok na sistema!"

kamao ng protesta versus kamay na bakal
manggagawa laban sa mga pasistang hangal
maralita laban sa sistemang sadyang brutal
sistemang ang karapatan ay isang kalakal
ang kamaong ito sa mapang-api'y ibuntal

ang kamao ng protesta'y atin nang itaas
tanda ng poot laban sa sistemang marahas
tanda ng galit sa pulitikong balasubas
tanda ng pagkilos nang kabuluka'y magwakas
tandang itatayo'y isang lipunang parehas

Sabado, Pebrero 19, 2011

Produkto, Benta, Tubo, Kapitalista

PRODUKTO, BENTA, TUBO, KAPITALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ginagawa ang maraming produkto
ng mga masisipag na obrero
araw-gabi sila'y nagtatrabaho
kamay nila'y pinuno na ng kalyo
ngunit kaybaba ng kanilang sweldo

produkto'y ilalabas ng pabrika
dahil sa atas ng kapitalista
mga likhang produkto'y ibebenta
sa pamilihan nang sila'y kumita
at saangmang sila lang ang kikita

sa isip lagi'y paano tumubo
ang mga nalikhang pantalon, baro
at iba pang produktong halu-halo
wawasakin din kahit mga puno
manggagawa pa nila'y dinuduro

pagkat ganyan silang kapitalista
na tanging layunin nila'y kumita
tubo lang, tubo lang ang nais nila
sa kapwa tao'y walang nadarama
sa obrero'y wala ring nadarama

Huwebes, Pebrero 17, 2011

Bisig, Pawis, Sahod, Manggagawa

BISIG, PAWIS, SAHOD, MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kailangan ng lakas ng bisig
upang sa pabrika'y makakahig
pagkat ang pamilya'y kanyang ibig
na mapakain, di ang mabikig

kaya nagpapatulo ng pawis
nagsisipag siyang labis-labis
sa trabaho siya'y nagtitiis
kahit sa kapitalista'y inis

ayaw niyang laging nakatanghod
sa kawalan gayong may gulugod
sa pabrika siya'y naglilingkod
kapalit ng karampot na sahod

ang tulad niya'y kahanga-hanga
hiling lang niya'y bayarang tama
ang inalay na lakas-paggawa
ng lahat ng kapwa manggagawa

Miyerkules, Pebrero 16, 2011

Bahay, Iskwater, Demolisyon, Maralita

BAHAY, ISKWATER, DEMOLISYON, MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pabahay ay karapatan ng bawat isa
mula pa ng isilang, dapat may bahay na
ito ang kailangan ng bawat pamilya
sa ama, ina't anak, bahay nga'y ligaya

bagamat doon binubuo ang pangarap
sila'y pawang dukha't tila di nililingap
iskwater sa sariling bayan, naghihirap
tila gobyerno nga'y totoong mapagpanggap

hanggang dumating ang araw ng demolisyon
idedemolis silang walang negosasyon
bara-bara't walang tiyak na relokasyon
kaya saan na sila pupulutin ngayon

may karapatan kahit mga maralita
ngunit bakit sa mundo'y panay ang pagluha
dapat kumilos sila kahit walang-wala
pagkakaisa ang dapat gawin ng dukha

Martes, Pebrero 15, 2011

Araw ng mga PU_O

ARAW NG MGA PU_O
ni Gregorio V. Bituin Jr.

araw ng mga puno
tiyakin nating tayo'y magtanim
upang magkaroon pa ng lilim
laban sa init nitong panimdim
nang makapag-isip ng malalim

araw ng mga puto
kaysarap tikman ng puto bumbong
habang nakaupo sa kamagong
at ang sinisinta'y nakakandong
sa tulad niyang paurong-sulong

araw ng mga pugo
naglulundag doon sa kulungan
ang mga pugong nag-aawitan
kayraming itlog na lilimliman
upang maging pugo ring tuluyan

araw ng mga puro
puro na lang ganyan ang hinampo
ng sinisintang ubo ng ubo
kaya uminom ng gamot ito
kahit walang halo't purong-puro

araw ng mga puyo
dahan-dahang sinuklay ang buhok
nang sumunod ang puyo sa tuktok
tandang ang may puyo'y naging tampok
nang kanyang marating yaong rurok

araw ng mga pulo
kayraming pulo sa karagatan
na lumubog na kamakailan
pagkat mga yelo'y nagtunawan
nang klima'y nagbago ng tuluyan

araw ng mga puso
sinisinta ko'y aking minahal
pagkat hangarin ko'y sadyang banal
ngunit ang puso ba niya'y bakal
at di pansin ang puso kong hangal

Lunes, Pebrero 14, 2011

Ang Diwata ng Makata

ANG DIWATA NG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

ikaw ang aking diwata
ako ang iyong makata
magkaiba man ng lungga
iisa ang ating diwa

ikaw ang aking pangarap
ako ang iyong kayakap
ating puso'y magkausap
bawat isa'y nililingap

Titibagin ko ang pader ng iyong mundo

TITIBAGIN KO ANG PADER NG IYONG MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaytagal ko nang sininta ang iyong puso
ngunit nakakulong ka pa sa iyong mundo
kaya pakiramdam ko ngayon ay tuliro
dahil mahal kita'y di ako manlulumo

iyang daigdig mo ba'y iba pa sa akin
o may mundo kang sa aki'y inililihim
ang pagsusumamo ko'y iyo namang dinggin
alam mo namang katapatan ko'y taimtim

malaya kang maglabas-masok sa mundo ko
ngunit bakit piitan mong mundo'y sarado
tibagin ko kaya ang pader ng mundo mo
upang doon din ay maglabas-masok ako

titibagin ko ang pader ng iyong mundo
gamit ang aking pag-ibig na taos-puso
iyan ang gagawin ko't ipinapangako
at sa mundo mo'y mamahalin kitang buo

Linggo, Pebrero 13, 2011

Prinsipyadong Manunulat

PRINSIPYADONG MANUNULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Prinsipyado akong manunulat
Tungkulin ko sa masa'y mag-ulat
Bawat komentaryo'y bumabanat
Inuupakan sinumang lekat

May nagbantang ako'y mararatrat
Ngunit di na ako maaawat
Magpapatuloy akong susulat
Ng maraming akdang mapagmulat

Totoo lang ang madadalumat
Sa bawat artikulong masulat
Katotohana'y di masusukat
Ngunit masa nama'y mamumulat

Kung may isyu't balitang masilat
Tiyak ito'y agad ikakalat
Hustisya ang aming kasapakat
Upang diwang tulog ay magulat

Huwebes, Pebrero 10, 2011

Kapitalista'y pako, Manggagawa'y martilyo

KAPITALISTA'Y PAKO, MANGGAGAWA'Y MARTILYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 na pantig bawat taludtod

ang kapitalista ang pako
ang manggagawa ang martilyo

napakatalas man ng pako
at napakatibay ng dulo

tiyak na di babaon ito
kung di pupukpukin sa ulo

kaya huwag ka nang mahiya
pukpukin mo na, manggagawa
ang kapitalismong kuhila

at ibaon itong tuluyan
sa kangkungan ng kasaysayan
nang mapalitan ang lipunan

dahil sistema'y mababago
mga kapatid na obrero
kung magsisikilos lang kayo

Miyerkules, Pebrero 9, 2011

Si Flora Tristan, Lider-Kababaihan

SI FLORA TRISTAN, LIDER-KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sahurang pang-aalipin, kung mawakasan
yao'y magpapalaya sa kababaihan
ito ang paniniwala ni Flora Tristan
Pranses, magaling na lider-kababaihan

aktibista't manunulat siyang kaygiting
na modernong peminismo'y tinaguyod din
"The Workers' Union" ang sinulat na magaling
pagtatayo ng unyon ang kanyang hangarin

manggagawa'y mapagkakaisa, aniya
kung solidong unyon ay maoorganisa
karapatan sa paggawa'y pinakilala
pati butaw ng obrero’y minahalaga

kanyang hangad na matipon ang manggagawa
sa tinawag niyang "Palasyo ng Paggawa"
na pagdidiinan ay gawaing pangmadla
sa larangang pulitikal ay maihanda

si Flora'y nabaril, buti't di napuruhan
nang isang Andre Chazal sa kanya'y tumambang
ngunit siya pa'y nagpatuloy sa paglaban
lider-kababaihan siyang anong tapang

ayon pa sa kanya, lalaya lang ang uri
kung babae'y lalaya't di maduduhagi
kaya sosyalismo'y dapat lang ipagwagi
upang bulok na sistema'y di manatili

ginagalawang lipunan ay maaayos
kung babae'y malaya't di binubusabos
babaeng obrero'y organisahing lubos
panawagan niyang ito sa puso'y taos

paglaya ng babae'y kukumpletong ganap
sa inasam niyang sosyalistang pangarap
Flora Tristan, lider na sadyang mapaglingap
istorya niya'y aral na dapat mayakap

* Flora Tristan (7 Abril 1803 sa Paris – 14 Nobyembre 1844 sa Bordeaux, France)

Martes, Pebrero 8, 2011

Si Gracchus Babeuf

SI GRACCHUS BABEUF
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Pranses siyang may paniwala sa komunismo
na ang pag-aari'y pantay-pantay sa tao
na siyang batayan ng paglaya sa mundo
isang lipunang magkapatid ang obrero

si Gracchus Babeuf man din ay nangangarap
ng isang lipunang malaya't may paglingap
ngunit nakikita niya'y napakalasap
pagkabigo ng bayan ay di niya matanggap

nais niyang mag-ari ng lupa ang bayan
at sa lupa'y walang mag-aaring sinuman
ani sa lupa'y pantay na pagbahaginan
tamasahin ng lahat ang pinagpaguran

kaya nang lumipas ang Rebolusyong Pranses
pag-organisa sa obrero'y di mabilis
natantong baka ideya niya'y magmintis
kaya diskarte'y binago't nang di magahis

agarang solusyon ang kanilang pinakay
solusyon nila'y Sabwatan ng Pantay-Pantay
layon nilang kapangyarihan ng kaaway
ay kanila nang makuha't mapasakamay

edukasyong diktaduryal ang itatayo
upang sa obrero, komunismo'y ituro
na magandang sistema, kung mapapagtanto
ngunit di natuloy, ang nangyari'y madugo

Sabwatan ng Pantay-Pantay ay inaresto
layon at plano nila'y nawasak ng todo
dinurog ng kaaway ang kanilang grupo
si Gracchus Babeuf, pinugutan ng ulo

pagkilos nila'y unang bugso ng paggawa
paglantad ng kakayahan ng manggagawa
na gobyerno’y maagaw sa mga kuhila
bigo man, saysay niya'y tumatak sa madla

* Sabwatan ng Pantay-Pantay - Conspiracy of Equals

Linggo, Pebrero 6, 2011

Pagbale

PAGBALE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

bale lagi ng bale
sila ba'y masisisi
pamilya'y nabibingi
sa gutom nawiwili
di pa rin makahuli
kahit isang kanduli

Biyernes, Pebrero 4, 2011

Ang Pagpapasya

ANG PAGPAPASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paano nga ba nagpasya ang isang aktibista
upang taluntunin ang landas ng pakikisangkot
paano ba tayong nagpasyang maging aktibista
at suungin ang pakikibaka ng walang takot

nagpasya akong makisangkot at maging kaisa
dahil sa maraming katanungang hindi masagot
tanong bakit api ang manggagawa't magsasaka
gayong kaysisipag, sa dusa sila'y nababalot

nagpasya akong makisangkot, naging aktibista
dahil sa gobyerno'y kayrami ng mga balakyot
dahil inadhika nating makatulong sa masa
dahil nais nating ituwid ang sistemang buktot

dahil walang pag-aaring lupa ang magsasaka
dahil pati sahod ng obrero'y kinukurakot
dahil maraming pulitikong sadyang walang kwenta
dahil sa labang ito'y di dapat palambot-lambot

ikaw naman, kasama ko, paano ka nagpasya
dahil ba sa isang rali'y isa ka sa hinakot
tambay lang, o nais mo ring baguhin ang sistema
nais naming marinig ang mga kwento mo't sagot

gayunman, salamat sa iyong tamang pagpapasya
makibaka na't magpatuloy sa pakikisangkot
walang iwanan, patuloy tayong mag-organisa
ituwid natin ang sistema't lipunang baluktot

Maralita, Mag-organisa

MARALITA, MAG-ORGANISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

maralita, tayo'y magkaisa
patuloy tayong mag-organisa
halina't mulatin na ang masa
patungo sa diwang sosyalista

dapat ibagsak ng mga dukha
ang kapitalistang walang awa
sa kanila'y walang mapapala
kundi pulos pasakit at luha

di na tayo dapat matuliro
adhika'y dapat masigurado
tara't magrebolusyon na tayo
ipagtagumpay ang sosyalismo!

Miyerkules, Pebrero 2, 2011

Saan natin iaalay ang ating mga poot?

SAAN NATIN IAALAY ANG ATING MGA POOT?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

napopoot tayo sa kahirapang danas
na pilit sumisira sa ating dignidad
napopoot tayo sa lipunang taliwas
na nagdulot ng karukhaang nakatambad

ngunit saan natin iaalay ang poot
kung hindi tayo magsusuri ng mataman
babaguhin natin ang sistemang baluktot
papalitan natin ang bulok na lipunan

hahasain natin ang ating mga tabak
aayusin pati mga sandata't punglo
ang poot na ito ang siyang magtutulak
nang bulok na sistema'y tuluyang gumuho

halina't ialay ang ating mga poot
sa lahat ng altar ng pagsasamantala

Martes, Pebrero 1, 2011

Ang Mangarap ng Gising

ANG MANGARAP NG GISING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di lang pag tulog tayo nangangarap
ng mga bagay na ating naisin
lalo na't danas nati'y pulos hirap
kaya maaring mangarap ng gising

pinapangarap nating magbago na
ang lipunang ating ginagalawan
pangarap nating mawala ang dusa
sa sistemang ating kinasadlakan

iba ang dating ng pikit mangarap
pantasya ang panaginip ng himbing
konting ginhawa lang ang malalasap
hirap pa rin ang danas pag nagising

mulat tayong mangarap ng lipunang
papalit na sa ating kinagisnan

Taas-Kamao

TAAS-KAMAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bumubulwak sa poot ang kanyang kalamnan
nanginginig sa galit pati mga laman
pulos "Bakit? Bakit?" ang kanyang katanungan
bakit ganito ang ating kinasadlakan?

dati'y hirap siyang itaas yaong kamay
kahit pa dapat niya itong iwagayway
ngayon, ang pagtaas-kamao niya'y tunay
anya, "Bulok na sistema'y dalhin sa hukay!"

ngunit di sapat ang taas-kamao niya
dapat matuto rin siyang mag-organisa
sistema'y suriin, talakayin sa iba
kung bakit dapat nang baguhin ang sistema

upang di lang siya ang magtaas-kamao
kundi marami pa at sabay-sabay tayo
ang poot natin ay gawing mitsang totoo
nang pinagsamantalahang mundo'y mabago