Miyerkules, Pebrero 9, 2011

Si Flora Tristan, Lider-Kababaihan

SI FLORA TRISTAN, LIDER-KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sahurang pang-aalipin, kung mawakasan
yao'y magpapalaya sa kababaihan
ito ang paniniwala ni Flora Tristan
Pranses, magaling na lider-kababaihan

aktibista't manunulat siyang kaygiting
na modernong peminismo'y tinaguyod din
"The Workers' Union" ang sinulat na magaling
pagtatayo ng unyon ang kanyang hangarin

manggagawa'y mapagkakaisa, aniya
kung solidong unyon ay maoorganisa
karapatan sa paggawa'y pinakilala
pati butaw ng obrero’y minahalaga

kanyang hangad na matipon ang manggagawa
sa tinawag niyang "Palasyo ng Paggawa"
na pagdidiinan ay gawaing pangmadla
sa larangang pulitikal ay maihanda

si Flora'y nabaril, buti't di napuruhan
nang isang Andre Chazal sa kanya'y tumambang
ngunit siya pa'y nagpatuloy sa paglaban
lider-kababaihan siyang anong tapang

ayon pa sa kanya, lalaya lang ang uri
kung babae'y lalaya't di maduduhagi
kaya sosyalismo'y dapat lang ipagwagi
upang bulok na sistema'y di manatili

ginagalawang lipunan ay maaayos
kung babae'y malaya't di binubusabos
babaeng obrero'y organisahing lubos
panawagan niyang ito sa puso'y taos

paglaya ng babae'y kukumpletong ganap
sa inasam niyang sosyalistang pangarap
Flora Tristan, lider na sadyang mapaglingap
istorya niya'y aral na dapat mayakap

* Flora Tristan (7 Abril 1803 sa Paris – 14 Nobyembre 1844 sa Bordeaux, France)

Walang komento: