Biyernes, Disyembre 31, 2010

Hangga't Buhay Ako, Ms. M.

HANGGA'T BUHAY AKO, MS. M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

poproteksyunan kita, Ms. M., hangga't buhay ako
panata itong kakabit ng aking pagkatao
poproteksyunan kita ng buhay ko hanggang dulo
dahil pag-ibig kita, ikaw ang minamahal ko

isa ka sa pinakamamabait kong kasama
ikaw ang aking inspirasyon sa pakikibaka
kaya magpatuloy tayo sa pag-oorganisa
lalo sa panawagang manggagawa'y magkaisa

panata kong sa bawat laban, di kita iiwan
buhay ko man ang kapalit, ikaw'y ipaglalaban
sa bawat pagkilos, di ka mawala sa isipan
sa bawat labanan, kasama ka at kagampan

kaya poproteksyunan kita hangga't buhay ako
panata itong kakabit ng aking pagkatao
sa bawat pakikibaka, magpapatuloy tayo
dahil kasama kita, kasama't minamahal ko

Huwebes, Disyembre 30, 2010

Buti kung daliri'y may kapalit

BUTI KUNG DALIRI'Y MAY KAPALIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

pak, pak, bum, bum, pak, pak, boom
sabay-sabay ang putok
para sa bagong taon
yanig ang buong nayon

pak, pak, bum, bum, pak, pak, boom
magdamag ay nilindol
iba'y sisipol-sipol
ang iba'y humagulgol

sinugod sa ospital
ang mga naputukan
sa daliri't paanan
sa braso't sa ulunan

ang lima'y naging tatlo
natanggal pati kuko
dugo'y sirit sa noo
sa tama ng piccolo

taun-taon na lamang
daming napuputulan
di naman mapalitan
ang bahaging nawalan

sino pa ang hihirit
buti kung may kapalit
ang daliring naligpit
sa tradisyong kaylupit

Habang...

HABANG...
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang patuloy na tumataas
Ang presyo ng isang kilong bigas
Habang patuloy na bumababa
Ang kalidad ng buhay ng madla
Habang itong sistema'y kayrahas
Binababoy ng trapo ang batas
Habang patuloy na lumuluha
Ang mga dukhang nagdaralita
Habang patuloy na namamalas
Ang buhay nilang di naman patas
Habang patuloy na bumabaha
Ang pinagtubuan ng paggawa
Habang aba ang obrerong lakas
Dahil sa kapitalistang ungas
Habang patuloy na nililikha
Yaring danas na dusa at luha

narito tayo
nakikibaka
nagpapatuloy
sa adhikaing
para sa masa
at manggagawa

Martes, Disyembre 28, 2010

Dinudurog ng Gutom

DINUDUROG NG GUTOM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang masa'y dinudurog ng gutom
pansin ko habang naglilimayon
walang pagkain, walang mainom
tila tulad nila'y alimuom

dinudurog ng gutom ang tiyan
kaya nanghihina ang katawan
bakit ba nangyayari ang ganyan
sila'y biktima ng kahirapan

nagutom ang marami sa atin
kahit laksa-laksa ang pagkain
dahil sistema'y mapang-alipin
na dapat palitan at wasakin

Linggo, Disyembre 26, 2010

Bihirang Dalawin ni Santa Claus ang Dukha

BIHIRANG DALAWIN NI SANTA CLAUS ANG DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang bawat kapaskuhan ay isang pangarap
sa mga batang isa ang hinahagilap
si Santa Claus sana'y kanila nang mahanap
upang maibsan naman ang danas na hirap
inaabangang baka lumitaw sa ulap

ang mga batang ito'y lagi nang maputla
dahil sa hirap at gutom laging tulala
umaasahang dumalaw si Santang dakila
ngunit inaasahan nila'y laging wala
bihirang dalawin ni Santa Claus ang dukha

pagkat naroon si Santa sa mayayaman
mayayamang bata ang nireregaluhan
habang nakatanghod lang sa may tarangkahan
ang mga batang inangkin ng kahirapan
si Santa Claus pala'y para lang sa mayaman

napagtanto ng mga batang mahihirap
si Santa Claus pala'y totoong mapagpanggap
kaya sila'y nagpulong at nagpasyang ganap
sa susunod na taon di na mangangarap
na isang Santa Claus ay kanilang mahanap

Sabado, Disyembre 25, 2010

Ang rebolusyon ay di tulad ng bayabas

ANG REBOLUSYON AY DI TULAD NG BAYABAS
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang rebolusyon ay di tulad ng bayabas
na babagsak ng kusa pag ito'y hinog na
dapat kang kumilos upang ito'y mapitas
huwag tumulad kay juan tamad na tanga

Miyerkules, Disyembre 22, 2010

Pagtulog sa Lansangan

PAGTULOG SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

karton ay aayusing maigi
upang pahingahin ang sarili
langit ang bubong nila't kisame
ilaw nila'y bituin sa gabi
gutom yaong pinipintakasi
upang bukas muli'y dumiskarte

Kung Tayo'y Malulugmok

KUNG TAYO'Y MALULUGMOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di na mahaba-haba ang pakikibaka
kakaunti na lang ang nalalabing oras
maaring takipsilim ay mabanaag na
at ilang taon na lang tayo ri'y lilipas
at sa mundong ito'y magiging alaala
ngunit adhikain nati'y di maaagnas

kaya bago pa sumapit ang takipsilim
ay ialay na natin ang ating sarili
upang bigyang liwanag ang danas na dilim
upang ang sistemang sa ati'y bumibigti
upang kapitalismong nagdulot ng lagim
sa uring manggagawa'y tuluyang iwaksi

patuloy tayong kumilos, mga kasama
laban sa epidemya ng globalisasyon
laban sa yumuyurak sa dangal ng masa
laban din sa salot na kontraktwalisasyon
at laban din sa lipunang kapitalista
di tayo titigil sa pagrerebolusyon

iwawaksi natin ang bulok na sistema
pati lahat ng tipo ng diskriminasyon
patuloy na ipaglalaban ang hustisya
pati na rin karapatang pantao ngayon
huwag nang tumigil sa pag-oorganisa
palakasin natin ang ating mga unyon

kahit paminsan-minsan, nagsasaya tayo
lalo't sumapit ang panahong kapaskuhan
nang problema sa pamilya, unyon, gobyerno
ay ating pansumandaling makalimutan
mapapasabak muli pagkatapos nito
tila parang anestisya ang kapaskuhan

sasapit at sasapit itong takipsilim
upang tayo'y maging alaala na lamang
patuloy tayong kumilos kahit palihim
para sa sosyalismong adhika sa bayan
upang kung tayo'y malulugmok na sa dilim
ay mabanaag ang bagong kinabukasan

Martes, Disyembre 21, 2010

Ugaling Kapitalista

UGALING KAPITALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pag nalugi, ang kapitalista'y nabubuwang
pag tumubo, sa obrero'y walang pakialam
pag nalugi, akala mo sila'y namatayan
pag tumubo, obrero'y di man lang bahaginan

pag nalugi, tanong nila'y saan nagkamali
pag tumubo, magagaling daw silang magsuri
pag nalugi, sa manggagawa pa namumuhi
pag tumubo, manggagawa nila'y di mapuri

pag nalugi, obrero'y sinisisi pa nito
pag tumubo, magaling daw ang kapitalismo
pag nalugi, nais nilang magtanggal ng tao
pag tumubo, di mai-regular ang obrero

pag nalugi, namali lang sila ng diskarte
pag tumubo, manggagawa'y kontraktwal daw kasi
pag nalugi, manggagawa pa ang walang silbi
pag tumubo, kapitalista ang tanging saksi

sadya bang ganito silang asal-tampalasan
pag nalugi, manggagawa ang may kasalanan
pag tumubo, obrero'y di man lang parangalan
pinupuri ng kapitalista’y sarili lang

Lunes, Disyembre 20, 2010

Latay ng Kabulukan

LATAY NG KABULUKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lumalatay sa puso't isipan
ng mga dukha ang kabulukan
ng sistemang dulot ng gahaman
tumatagos sa kaibuturan

kaytindi ng bulok kung lumatay
buhay ka pa ngunit inaanay
binatak tayo nito sa hukay
upang sa putik mangalupasay

ganyan ang dulot ng kabulukan
ng sistema sa kasalukuyan
at kung di tayo ngayon lalaban
pupulutin tayo sa kangkungan

lumalatay sa bawat pamilya
ang bangis ng bulok na sistema
at kung di tayo makikibaka
dami pa nitong mabibiktima

Linggo, Disyembre 19, 2010

Ang Tatlong Kuliglig

ANG TATLONG KULIGLIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I

maingay tuwing gabi ang mga kuliglig
na kulisap na kamag-anak ng tipaklong
tila buong nayon sa ingay nila'y yanig
sa gabing payapa ang bulong nila'y ugong

II

ang kuliglig yaong sasakyang pang-araro
sadyang palasak sa kayraming lalawigan
pinaaandar ng gasolina o krudo
nang lumago ang tanim, tubuhan, palayan

III

mga kuliglig sa Maynila'y hatid-sundo
pedikab na ang gamit ay motor ng bangka
kay-ingay sa lansangan, nakakatuliro
paboritong sakyan ng pasaherong madla

IV

iba't iba man itong uri ng kuliglig
kulisap, pang-araro't hari ng lansangan
bahagi na ng buhay, laging maririnig
gaano man kaingay, kinagigiliwan

Halina't Parangalan ang mga Manggagawa

HALINA'T PARANGALAN ANG MGA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nalikha ang lipunan dahil sa manggagawa
kung wala sila, lipunan ay di malilikha
dahil sa bisig nila, mundo'y pinagpapala
dahil sa kanila, umunlad ang mga bansa

lipunan ay di nilikha ng kapitalista
ngunit naghahari-harian pa dito'y sila
utang na loob daw ng obrero sa kanila
kaya mga ito'y may trabaho sa pabrika

aba, aba, aba, sila pa ang nagmayabang
kung di raw sa kanila, obrero'y walang puwang
subukan kaya nilang walang obrero riyan
tutubo ba ng limpak silang mga gahaman

dapat matanto ng kapitalistang kuhila
ang katotohanang kung wala ang manggagawa
pabrika'y sarado, tutubuin nila'y wala
kailangang kalakal ay di na malilikha

mula pa ng panahong primitibong lipunan
mga tao'y nangangaso at nagbibigayan
mga nakukuha nila'y pinaghahatian
walang gutom, bawat isa'y lalamnan ang tiyan

ngunit nang dumatal na ang lipunang alipin
mga alipin ang tagakuha ng pagkain
para sa panginoong sa kanila'y nag-angkin
sila'y walang karapatan, madaling patayin

nang umunlad na ang kagamitan sa produksyon
tao'y inari ng mga naghahari noon
hanggang sa dumating ang maylupang panginoon
sa lipunang pyudal, magsasaka'y di malingon

hanggang ang sistemang sahuran ay maimbento
ang pangunahin sa kapitalista'y negosyo
nagtayo ng pabrika, nangalap ng obrero
tubo ang una, kahit obrero'y ginagago

ngunit lipunang ito'y di sa kapitalista
di sa sinupamang nang-aalipin sa masa
di sa sinupamang mayayamang elitista
lalo't di sa gahaman sa tutubuin nila

lipunang ito'y para sa nagpagal, nagpala
upang umunlad ang ekonomya nitong bansa
lipunang ito'y nilikha ng lakas-paggawa
halina't parangalan ang mga manggagawa

Nilay ng Dukha

NILAY NG DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kumatok ang dukha sa mansyon ng mayaman
ngunit ang dukha'y agad ipinagtabuyan
bakit daw siya naroon sa tarangkahan
mabuti pang siya raw ay umuwi na lang

ngunit ang dukhang iyon kaya naroroon
ay nag-aabang ng pagkaing itatapon
ilang araw nang di kumain, nagugutom
nagbabakasakali kahit daw bagoong

at lumipat ng mansyon ang nasabing dukha
ngunit sadya ngang siya'y binabalewala
ang tingin sa kanya'y pusakal, hampaslupa
tingin niya sa sarili'y kaawa-awa

o, bakit ba sa mundo ang dukha'y kayrami
maraming nagugutom, kumain dili
ano ba ang misyon nila sa mundong bingi
bakit ba mundo sa kanila'y napipipi

kung masasagot lang ang katanungang iyon
tiyak itong mga dukha'y magsisibangon
mga mapang-api'y kanilang ibabaon
at sama-sama nilang iibsan ang gutom

Sabado, Disyembre 18, 2010

Sa First Date Natin

SA FIRST DATE NATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

nagkakasama lagi tayo
sa mga pagkilos ng masa
sa panawagang pagbabago
sa bawat pag-oorganisa
sa welga ng mga obrero
sa mga rali sa kalsada
at mahal kita, kasama ko
ngunit first date nati'y wala pa

lagi mo akong dinadalaw
sa aking mga panaginip
ang puso ko'y iyong pinukaw
kaya lagi kang nasa isip
hanggang lagi kang natatanaw
hanggang diwa't puso'y malirip
na ang iniibig ko'y ikaw
puso ko'y iyong halukipkip

patuloy tayong makibaka
lumang sistema'y bubuwagin
di na ako mawawalay pa
sa pagbabagong adhikain
nais kong mapangiti kita
nang wala kang alalahanin
nais kitang mapaligaya
pag natupad ang first date natin

first date ng mapupulang rosas
kahit nagrerebolusyon tayo
first date ng pag-ibig na wagas
ang buhay ko'y ikaw, sinta ko
first date na di malilimutan
inspirasyon kitang totoo
sa buhay kong ito'y minsan lang
dumating ang mga tulad mo

habang kasaliw ang musika
damhin mo ang aking pag-ibig
pangarap kong mahagkan kita
habang kulong kita sa bisig
puso ko'y pakinggan mo, sinta
at kaydami mong maririnig
rebolusyon, pakikibaka
tayo'y pinag-isang pag-ibig

prinsesa kang napakaganda
at ako'y kabalyerong lintik
ipagtatanggol lagi kita
sa anumang gulong humibik
sa first date natin, aking sinta
puso ko't diwa'y nasasabik
ikaw na lagi kong kasama
ay gagawaran ko ng halik

Biyernes, Disyembre 17, 2010

Binhi ng Rebo

BINHI NG REBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bulok na sistema'y nakamumuhi
na nagdulot ng hirap na masidhi
pribadong pag-aari itong sanhi
kaya palayain natin ang lahi
laban sa elitistang asal-panghi
halina't ating itanim ang binhi
ng rebolusyong kaytagal nang mithi

ihasik natin sa matabang lupa
ang hangarin ng uring manggagawa
rebolusyong nasa ng mga dukha
ang sosyalismong kanilang adhika
kapitalista'y itulad sa daga
itaboy sila sa labas ng lungga
o sa noo nila'y lagyan ng tingga

Huwebes, Disyembre 16, 2010

Asin at Pangarap

ASIN AT PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

minsan isang ginang ang kinapanayam
sa kanyang tahanan, anong inuulam
lalo't magpapasko, masarap ba naman
sa kanyang asawa'y ano ang pulutan

ngunit itong ginang na isang mahirap
ay agad tumugon, walang pagpapanggap
di kaya ng bulsa yaong masasarap
na mga pagkaing kanilang pangarap

ilang pasko na raw, noche buena'y tuyo
ang puto bumbong daw ay isa nang luho
tinda nilang isaw, paa, pakpak, dugo
ang kanilang ulam, kahit hinahapo

di raw masustansya, anang nagpanayam
yaong kinakain ng nasabing ginang
wala raw ba siyang pangarap man lamang
na kumain kahit sa mga restawran

tumugon ang ginang kahit nahihirin,
"di sapat ang kita sa luhong pagkain
ayokong dagdagan ang alalahanin
masaya na akong magdildil ng asin"

nagpanayam naman ay agad tumugon
"nawalan na kayo ng imahinasyon
ayaw nyong tumikim kahit man lang litson
parang kayo'y ayaw mangarap na ngayon?"

ang tugon ng ginang, "may bukas pa nga ba
sa lipunang itong pawang luha't dusa
tingnan mo ang aking anak at asawa
pawa nang maysakit, may bukas ba sila?"

"may pag-asa pa po," payo ng kausap
"ngayon po'y simulang muli ang mangarap
huwag makuntentong asin ang malasap
isang bagong bukas ang likhaing ganap"

Miyerkules, Disyembre 15, 2010

Milyun-milyong Kontraktwal

MILYUN-MILYONG KONTRAKTWAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kailangan ng trabaho, nagpaalipin
kahit maging kontraktwal, basta may makain

kaysa raw magutom ang kanilang pamilya
kaysa raw mamatay silang dilat ang mata

basta may makain, kahit maging kontraktwal
nagpapaalipin kahit di maregular

sa lipunang itong walang kinabukasan
ang kinabukasan ay alipin ng gahaman

kinabukasang inukit na ng kapital
upang pagtubuan iyang mga kontraktwal

kontraktwalisasyong walang benepisyo
di tao kung ituring ang mga obrero

kundi makina, makinang walang pamilya
obrerong pinagsasamantalahan nila

ilan ba, ilan pa silang dapat maapi
sa buhay na itong hirap ay tumitindi

nasa milyon na ang tulad nilang kontraktwal
panay ang trabaho, nananatiling kaswal

milyun-milyong kontraktwal, magkaisa kayo
ang bulok na sistema'y baguhin na ninyo

katiyakan sa trabaho'y dapat tiyakin
pagiging regular ay dapat nyong maangkin

lakas-paggawa'y dapat mabayarang tama
benepisyo'y dapat kamtin ng manggagawa

kaya obrero, wakasan  ang kabulukan
ugitin nyo na ang bagong kinabukasan

manggagawa, dapat na kayong magkaisa
kontraktwalisasyong salot, tapusin nyo na

Lunes, Disyembre 13, 2010

Aktibista'y Propesyunal

AKTIBISTA'Y PROPESYUNAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kaming aktibista'y pawang propesyunal
sa mga trabaho'y di basta aangal
upang pagbabagong nais ay dumatal
at bagong sistema ang siyang umiral

maagang dumating sa takdang tipanan
tungkulin namin ay nauunawaan
di tinetengga ang gawaing nariyan
propesyunal kami sa aming paggampan

aktibista'y pawa ngang disiplinado
dahil adhikain nami'y pagbabago
dahil nais namin ay bagong gobyerno
dahil nasa diwa nami'y sosyalismo

ang tungkuling atang, pinaghuhusayan
disiplinado sa aming kaasalan
at propesyunal sa aming katungkulan
kaming mga tibak ay maaasahan

Linggo, Disyembre 12, 2010

Awit ng Tibak

AWIT NG TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming nagugutom, wala nang makain
maraming dinemolis, wala nang tahanan
maraming mahirap, walang kasaganaan
maraming pulitiko, walang kabusugan

maraming nagtrabaho, mababa ang sweldo
maraming nagsasaka, kalawang ang araro
maraming pabrika, tumutubo ang aso
maraming lupa, kinamkam ng pulitiko

kaya anong dapat nating gawin, bayan ko
upang lipunang ito'y maging makatao
bakit ba sa mundo'y kayraming dusa't gulo
kulang ba sa suri sa lagay na kongkreto

pagbabago'y hangaring inaasam-asam
nang mapawi ang sistema ng kabulukan
kongkretong suri sa kongkretong kalagayan
sa mga aktibista, ito'y panuntunan

Sabado, Disyembre 11, 2010

Manggagawa'y Kapanalig

MANGGAGAWA'Y KAPANALIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

masang manggagawa'y gawing kabig
at dalhin sila sa ating panig
upang kapitalismo'y malupig
at mga kaaway ay madaig

organisahin ang ating tinig
na pagbabago ang ating himig
at sosyalismo ang maririnig
pagkat dito tayo nakasandig

tayo dito'y di dapat manlamig
rebolusyon ang ating inibig
dito ang puso'y nangangaligkig
dito'y tumitipuno ang bisig

manggagawa'y ating kapanalig
halina't tayo'y magkapitbisig

Karapatan ng Dukha

KARAPATAN NG DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sino ang maysabing ang may karapatan lang
sa mundong ito'y pawang mayayaman lamang
tila ba wala sa sariling katinuan
ang nagsabing itong palagay ko'y mayaman

mayaman ang pwede sa mamahaling resto
ang mahihirap nama'y hanggang turo-turo
mayama'y pasakay-sakay ng eroplano
ang mahihirap nama'y tiis sa estribo

mayaman, tatlong beses kumain maghapon
mahirap, swerte na kung sila'y may malamon
mayayaman, natutulog sa Hotel Hilton
mahihirap, natutulog kahit kariton

mayama'y kayang tumakbong pagkapangulo
mahirap ay nuisance pag kumandidato
mayama'y kayang magbayad ng abogado
mahirap nama'y kulong agad pag may kaso

batang mayaman, nakatira na sa mansyon
batang mahirap, kaharap ay demolisyon
mayayama'y walang problemang maglimayon
mahihirap, swerte na kung may relokasyon

kaya may karapatan nga ba itong dukha
marahil kung ang bulok na sistema'y wala
may karapatan din ang mga maralita
sa bagong sistemang sosyalista ang diwa

Biyernes, Disyembre 10, 2010

Mga Taong Pagong


MGA TAONG PAGONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dahil sa karalitaan, kawalan ng tahanan
naglipana ang mga taong pagong sa lansangan
usong-usong yaong karitong nagsilbing tirahan
bawat kariton, isang pamilya ang nananahan

usong-usong ang bahay saan man sila magpunta
modernong pagong nitong lungsod kung tawagin sila
saang panig man ng kalunsuran ay makikita
sa gobyerno't mayayaman, sila'y puwing sa mata

bakit sa kabila ng laksang kaunlaran ngayon
marami pa ring naghihirap, naging taong pagong
sila ba'y dinemolis kaya bahay nila'y usong?
laging tinataboy dahil bahay nila'y kariton

dukha ka man, karapatan natin ang magkabahay
di tulad ng usong na karitong gigiray-giray
nais nati'y bahay na mapapaghingahang tunay
di tulad ng karitong di naman totoong bahay


Huwebes, Disyembre 9, 2010

Mga Taong Paniki (Bat People)

MGA TAONG PANIKI (BAT PEOPLE)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan natutulog silang dukha
umulan ma't umaraw, napapariwara

lagi pang giniginaw sa lamig ng gabi
lagi pang nanginginig sa lagim ng gabi

walang katiyakan ang iwi nilang buhay
hanggang gawing bubong ang ilalim ng tulay

ilalim ng tulay ang ginawang tahanan
akala mo'y paniking doo'y nananahan

ilalim ng tulay na ang dala'y panganib
ang kaylalim na tubig ang naninibasib

minsan may mga bata ngang muntik malunod
minsan may anak silang muntik nang malunod

mabuti't maagap yaong naninirahan
mabuti't ganap nila itong namalayan

tulay na daraanan ng malalaking trak
tulay na tahanan ng mga hinahamak

di nila ginustong maging taong paniki
ngunit doon pinadpad ng lipunang imbi

sa ilalim ng tulay pa ri'y nangangarap
na magbabago ang buhay sa hinaharap

kikilos sila kasama ang ibang dukha
upang baguhin itong lipunang kaysama

dapat taong paniki'y mawalang tuluyan
dahil totoong bahay na ang tinitirhan

Miyerkules, Disyembre 8, 2010

Mga Taong Grasa

MGA TAONG GRASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lagi silang palabuy-laboy sa lansangan
walang tahanan, marumi ang kasuotan

madalas pang nakapaa, walang tsinelas
kayhaba ng buhok na alambre sa tigas

maraming sabit na basura sa katawan
kadalasang di tiyak ang patutunguhan

subukan mong kausapin, tawa ng tawa
baka sabihan kang ikaw ang may problema

ilang poste na kaya ang kanyang nabilang?
ilang lugar na ba ang kanyang napuntahan?

wala silang kamag-anak na kumukupkop
o marahil walang kapamilyang kukupkop

dahil ba salot sa pinagmulang pamilya?
dahil isip ba'y apektado ng problema?

dapat bang ituring silang salot sa bayan?
o sila'y biktima ng bulok na lipunan?

may kinabukasan pa ba ang tulad nila?
saan na patutungo silang taong grasa?

Martes, Disyembre 7, 2010

Dukhang Basahan


DUKHANG BASAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig, soneto

Hamak man yaong basahan
May panahong kailangan.
Tulad na lang sa halalan
Dukha'y agad lalapitan
Ng mga trapong mayaman
Na nangakong tutulungan
Sa kanilang kalagayan
Nang hirap daw ay maibsan
Basta't ipanalo lamang
Pulitikong trapong iyan.
Ngunit pag nanalo naman
Dukha'y kinakalimutan
Sila muli ay basahan
Sa mga trapong sukaban.

mga tula sa liham-pagbati ng PLM-NCRR

mga tula sa liham-pagbati ng PLM-NCRR ngayong kapaskuhan
ni Greg Bituin Jr.
(nahilingan ang makata na magsulat ng tula para sa ipamamahaging liham-pagbati mula sa mga kasama sa organisasyong Partido Lakas ng Masa-National Capital Region-Rizal o PLM-NCRR)

SA PANAHON NG KAPASKUHAN
13 pantig bawat taludtod

maligayang pasko'y aming bati sa masa
manigong bagong taon sa lumang sistema
mula sa puso, Partido Lakas ng Masa
kapaskuhan man, tuloy ang pakikibaka
tungo sa hangad na sistemang sosyalista

taun-taon, ipinagdiriwang ang pasko
taun-taon din namang lumilipas ito
ano bang dala nito sa dukha't obrero
dala ba nito'y pag-asa ng pagbabago
o pasko'y pampamanhid sa buhay ng tao

tangan ba ng pasko ang sosyalistang diwa
na lahat pantay-pantay ang lagay ng madla
na lahat sa pagsasamantala'y malaya
wala nang pang-aapi ng kapwa sa kapwa
wala nang pribadong pag-aaring kuhila

walang bago sa pasko ng kapitalismo
nananalasa lang itong komersyalismo
pinahahalagahan lang ay tubo't negosyo
walang pagpapahalaga sa kapwa-tao
kaya dapat lang kumilos sa pagbabago


HILING NG PAGSUPORTA

sa bawat larangan, kailangan ng pondo
nang ating pakikibaka'y maipanalo
kaya kami rito'y dumudulog sa inyo
mag-ambag sa rebolusyon kahit magkano
lalo't bukal sa puso ang ambag na ito
ngayon pa lang, maraming salamat sa inyo

Lunes, Disyembre 6, 2010

Ang Rosas sa Panagimpan

ANG ROSAS SA PANAGIMPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ikaw ang dilag sa panagimpan
kaysarap ng iyong halaklak
sumusuot sa aking kaibuturan

kaysarap mong pagmasdan
di kasasawaang titigan
dinadalirot ang aking puso

ngunit rosas kang di mapitas
pa sa ngayon, dahil kita'y
iniingatan, minamahal

patuloy na dinidiligan
patuloy na tinititigan
patuloy na pinapangarap maangkin

darating ang araw
rosas kang aking pipitasin
upang tuluyan kang maging akin

Linggo, Disyembre 5, 2010

Ang Bangag

ANG BANGAG
ni Greg Bituin Jr.


lumuluha sa kawalan
ang bangag


wala pa sa katinuan


ngunit pagkatapos humitit


tatawa-tawa naman
ang bangag


wala pa rin sa katinuan


ngunit kung minsan
tumitino rin siya


kung minsan lamang


lalo't siya'y di na
bangag

Pag-aagaw-dilim

PAG-AAGAW-DILIM
ni Greg Bituin Jr.


pinilit kainin ng dragon
ang araw doon sa kanluran
kaya nagdilim ang langit


ang mga tao'y gininaw
sa lamig ng gabi
ang mga tao'y natakot
sa lagim ng gabi


pinilit kainin ng dragon
ang araw doon sa kanluran
upang muling iluwa
kinabukasan


ganito araw-gabi
ang pawang nangyayari

Biyernes, Disyembre 3, 2010

Lunggati

LUNGGATI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

sa madilim na sulok
maagiw na kisame
hinahabi ang pangarap
na saklaw ng isip
marubdob na hangaring
umalpas sa poot
sa bulok na kalakaran

habang umiiyak ang nakaraang
nais lumunod sa kasalukuyan
upang pumailanlang sa hinaharap
ng mga lunggating nakalatay
sa puso'y diwa ng aktibista
hanggang magtagumpay
sa nasang pagbabago

nakalulunod sa di marunong
sumisid sa adhikain
ng nakikibakang poot
laban sa mga waldas
na umano'y lingkod
na dapat ipinapako
sa kurus ng kasiphayuan

sa madilim na sulok
maagiw na kisame
patuloy ang paghabi sa pangarap
na di masaklaw ng mapang-api
marubdob na hangaring
paalpasin ang poot
laban sa bulok na sistema

Huwebes, Disyembre 2, 2010

Pangakong Pako

PANGAKONG PAKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

nakapako ang pangako ng trapo
lagi na lang ganito

marahil mas mainam

ang trapong pulos pangako
tuluyang ipinapako

Ako'y Saksi

AKO'Y SAKSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ako'y saksi sa paghihirap ng sambayanan
ako'y saksi sa maraming dinemolis na kabahayan ng maralita
alam kong kaytindi ng welga ng mga manggagawa ng Goldilocks, Victoria, Imarflex, at iba pa
at sila'y nanalo sa kanilang laban sa kapitalista, kahit man lang pansamantala

ako'y saksi sa ilang kaganapan sa kasaysayan
bata pa ako'y naisama ako ng aking ama sa Edsa Uno
labinglimang taon makalipas ay naroon ako ng Edsa Dos
at habang nangangampanya sa eleksyon ay naganap ang Edsa Tres

ako'y saksi sa napakaraming raling aking dinaluhan mula nang maging aktibista
patunay ang mga pasang aking natanggap ng ilang beses dahil sa bugbog at hampas ng mga tuta ng estado
ilang beses ko na bang nasaksihan ang pagyurak sa dignidad at kinabukasan ng maraming maralita't manggagawa
ah, di ko na mabilang

at bilang saksi'y ako ba'y dapat nakatunganga lang
habang ang iba'y pinahihirapan
habang ang iba'y inuuto ng bulok na sistema
habang ang iba'y .... ah

saksi akong dapat kumilos
saksi akong dapat sumama sa pagkilos
saksi akong nais makamit ang pagbabagong inaasam
at magiging saksi ako sa pagbabago ng sistema