BIHIRANG DALAWIN NI SANTA CLAUS ANG DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang bawat kapaskuhan ay isang pangarap
sa mga batang isa ang hinahagilap
si Santa Claus sana'y kanila nang mahanap
upang maibsan naman ang danas na hirap
inaabangang baka lumitaw sa ulap
ang mga batang ito'y lagi nang maputla
dahil sa hirap at gutom laging tulala
umaasahang dumalaw si Santang dakila
ngunit inaasahan nila'y laging wala
bihirang dalawin ni Santa Claus ang dukha
pagkat naroon si Santa sa mayayaman
mayayamang bata ang nireregaluhan
habang nakatanghod lang sa may tarangkahan
ang mga batang inangkin ng kahirapan
si Santa Claus pala'y para lang sa mayaman
napagtanto ng mga batang mahihirap
si Santa Claus pala'y totoong mapagpanggap
kaya sila'y nagpulong at nagpasyang ganap
sa susunod na taon di na mangangarap
na isang Santa Claus ay kanilang mahanap
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento