mga tula sa liham-pagbati ng PLM-NCRR ngayong kapaskuhan
ni Greg Bituin Jr.
ni Greg Bituin Jr.
(nahilingan ang makata na magsulat ng tula para sa ipamamahaging liham-pagbati mula sa mga kasama sa organisasyong Partido Lakas ng Masa-National Capital Region-Rizal o PLM-NCRR)
SA PANAHON NG KAPASKUHAN
13 pantig bawat taludtod
maligayang pasko'y aming bati sa masa
manigong bagong taon sa lumang sistema
mula sa puso, Partido Lakas ng Masa
kapaskuhan man, tuloy ang pakikibaka
tungo sa hangad na sistemang sosyalista
taun-taon, ipinagdiriwang ang pasko
taun-taon din namang lumilipas ito
ano bang dala nito sa dukha't obrero
dala ba nito'y pag-asa ng pagbabago
o pasko'y pampamanhid sa buhay ng tao
tangan ba ng pasko ang sosyalistang diwa
na lahat pantay-pantay ang lagay ng madla
na lahat sa pagsasamantala'y malaya
wala nang pang-aapi ng kapwa sa kapwa
wala nang pribadong pag-aaring kuhila
walang bago sa pasko ng kapitalismo
nananalasa lang itong komersyalismo
pinahahalagahan lang ay tubo't negosyo
walang pagpapahalaga sa kapwa-tao
kaya dapat lang kumilos sa pagbabago
HILING NG PAGSUPORTA
sa bawat larangan, kailangan ng pondo
nang ating pakikibaka'y maipanalo
kaya kami rito'y dumudulog sa inyo
mag-ambag sa rebolusyon kahit magkano
lalo't bukal sa puso ang ambag na ito
ngayon pa lang, maraming salamat sa inyo
2 komento:
magandang araw po....nagsusulat po ako ng textbook para sa hayskul sa filipino...nagustuhan ko po ang salin ninyo sa soneto 18 ni shakespeare at plano ko pong gawin itong halimbawa ng soneto sa kasaysayan ng panulaang tagalog. nawa'y maging positibo po ang inyong tugon dito kung yaon ay kukunin ko.. salamat...alam kong kaisa ko po kayo sa pagpapayaman ng ating wika at panitikan.
sige lang po, at ikinagagalak kong nagustuhan nyo ang pagkakasalin, kung gagamitin mo ay walang problema, mabuhay ka
Mag-post ng isang Komento