Huwebes, Setyembre 30, 2010

Nakapiit sa Lansangan

NAKAPIIT SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taudtod

wala sa kulungan, ngunit di malaya
mga mahihirap na pagala-gala
at pawang hikahos silang hampaslupa
ang gobyerno nama'y walang ginagawa
ang sitwasyon nila'y binabalewala

nasa laya sila't lagi sa lansangan
ngunit nakapiit sila sa kawalan
para bang lansangan ay isang kulungan
pagkat wala silang pinatutunguhan
kundi kahirapang isang bilangguan

Di Pilitan, Kundi Pilian

DI PILITAN, KUNDI PILIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

di pilitan, kundi pilian
sa nalalapit na halalan

di dapat pilitin ang tao
na kandidato mo'y iboto

mangumbinsi kang nakangiti
upang pambato mo'y mapili

ganyan ang ginagawa natin
hindi ang tao'y pipilitin

kaya kung nais mong manalo
ay mangumbinsi ka ng todo

na matino ang iyong manok
upang masa'y di na malugmok

sa kalagayang pulos hirap
di na matupad ang pangarap

kaya sa boto'y maging tapat
ihalal mo ang nararapat

Miyerkules, Setyembre 29, 2010

Sino ang Uusig?

SINO ANG UUSIG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matagal nang ginagamit ang ating bisig
ng mga kapitalistang sakdal gahaman!
paano nga ba natin sila malulupig
at lakas-paggawa'y totoong mabayaran?
ngunit sino ba ang sa kanila'y uusig
kung lagi nang urong-sulong tayo sa laban?
simpleng tanong bang ito'y inyong naririnig
di ba masagot at nagbibingi-bingihan?

dapat manguna ang hukbong mapagpalaya
uring manggagawa'y dapat nang magkaisa
pagkat kayo yaong uusig, manggagawa
sa lupit nitong kapitalistang sistema
magpalakas kayo, durugin ang kuhila
tutulungan kayo ng mga aktibista
ating baguhin ang sistemang kumawawa
at nagdulot ng latay sa pusod ng masa

Lunes, Setyembre 27, 2010

Kitang Dalawa

KITANG DALAWA
ni greg bituin jr.
11 pantig bawat taludtod

kitang dalawa'y umibig ng lihim
di man magwika'y nakauunawa
pag-iibigan natin nga'y kaylalim
ngunit batid ng matalas na diwa
halina't mag-usap muli sa lilim
tititigan ang maganda mong mukha
hahagkan kita, bango mo'y masimsim
habambuhay ibigin ka'y panata
ng pusong itong dati'y naninimdim
ngunit nang dahil sa iyo'y nawala
kahit tumanda man tayo'y may asim
ang pag-ibig sa isa't isa'y sumpa
pagsinta sa iyo'y di magdidilim
pagsintang ilaw sa puso ng madla

(kay Ms. M.)

Ang Barberong si Mang Gusting

ANG BARBERONG SI MANG GUSTING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Alam mo bang iyang si Mang Gusting
Paggupit sa kanya'y isang sining
Habang buhok mo'y binubutinting
Ng kanyang may kapurulang gunting.

Siya'y naggugupit kahit lasing
Upang kumita't may maisaing
Ang pamilyang laging dumaraing
Lalo na ang kanyang dalaginding.

Huwag kang maasar kay Mang Gusting
Pag binibirong mukha kang matsing
Buti't di itinulad sa pating
Dahil di naligo pagkagising.

Kakwentuhan ay iiling-iling
Pag nagbibiro na si Mang Gusting
Palagi man siyang may pahaging
Siya lang naman ay naglalambing.

Swerte nga ba ang dumi?

SWERTE NGA BA ANG DUMI?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

huwag daw magwawalis sa gabi
ang lola ko noon ay nagsabi
pagkat winawalis daw ang swerte
aba'y swerte na pala ang dumi

ngunit nagalit ang aking lola
nang sa bahay ipinasok ko na
ang mga nangaipong basura
pati winalis noong umaga

bakit ko raw pinasok ang dumi
nang-asar daw ako gabing-gabi
aba'y binalik ko lang ang swerte
dahil iyon ang kanyang sinabi

sa gabi'y huwag na raw magwalis
pagkat swerte'y tiyak mapapalis
pamahiing di maalis-alis
sa bagong lipunan mapapanis

Linggo, Setyembre 26, 2010

Pagsunog sa Kalakal

PAGSUNOG SA KALAKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

imbes na pakinabangan ang mga sobra
produkto'y ipamigay sa gutom na masa
sinusunog na ng gagong kapitalista
ayos lang sunugin yaong di maibenta

kung ipamimigay yaong mga kalakal
ay lalo nang malulugi ang mga hangal
benta ng produkto nila'y lalong tutumal
dahil hangarin nila'y tubo ng kapital

gagawa ng produkto para pagtubuan
imbes ito'y para sa pangangailangan
imbes kumain ng sapat ang mamamayan
imbes na di magutom ang sangkatauhan

pag pinamigay, puso nila'y magdurugo
magutom ka man, di sila matutuliro
ginagawa ang produkto para tumubo
upang negosyo nila'y tuloy ang paglago

wala na silang paki sa karapatan mo
ano naman daw ang pakinabang sa iyo
bakit ka bibigyan ng kanilang produkto
ikaw ay hampaslupa lang dito sa mundo

mamatay ka sa gutom kung wala kang pera
pangunahin sa kanila'y tubo, di masa
mas nais pang sunugin ang kalakal nila
kung di pagtutubuan ng kapitalista

Sabado, Setyembre 25, 2010

Magkapitbisig na, manggagawa

MAGKAPITBISIG NA, MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sino ang tutulong sa manggagawa
kundi ang kanyang kapwa manggagawa
sino bang magbabago ng bansa
kundi kayong hukbong mapagpalaya

babaguhin ang sistemang kuhila
dahil ito ang dahilan ng luha
at dusa ng manggagawa't dalita
kapitalismo nga'y kasumpa-sumpa

hangga't nananatili ito ngayon
lalo tayong sa hukay binabaon
sistemang ito'y nakaka-kombulsyon
halina't tayo nang magrebolusyon

manggagawa, tayo'y magkapitbisig
panawagan ba'y inyong naririnig
sa sosyalismo, tayo nang sumandig
nang kapitalismo'y ating malupig

Huwebes, Setyembre 23, 2010

Bahay Naming Barungbarong

BAHAY NAMING BARUNGBARONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

bahay naming barung-barong
biktima ng demolisyon
kaya kami'y nasusuong
sa isang labanan ngayon

pinababaha ng luha
tayong anak ng dalita
madalas kinakawawa
dahil tayo raw ay dukha

tayo'y parang ibabaon
sa hinukay nilang balon
tayong dukha'y hinahamon
ng kapitalistang maton

akala mo'y pinagpala
silang nag-astang bathala
kung tayo na ba'y mawala
sasaya na ang kuhila

sila nama'y isang dakot
bakit tayo matatakot
rebolusyon ating sagot
sa gawa nilang baluktot

Miyerkules, Setyembre 22, 2010

Pusong Baldado

PUSONG BALDADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nababalda na rin ba ang puso
naghihirap na't natutuliro
sa sakit, tumatagas ang dugo
bakit ba kami'y di magkasundo

kayhirap kung ang puso'y baldado
isa lang ang nagsasakripisyo
habang ang isa'y iba ang mundo
at doon nakatuon ng todo

muling nakatitig sa kisame
hinaka'y pag-ibig ba'y salbahe
ang puso'y laging di mapakali
nasaan ang pinipintakasi

mahirap kung puso ang mabalda
hihilutin ba ito ng masa
o nitong panahong nag-iisa
baldadong puso ba'y paano na?

Pusong Bangag

PUSONG BANGAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

sa gabing ako'y nakapikit
ako'y tila ba nasa langit
ang mukha ng sintang kayrikit
sa iwing diwa'y gumigitgit

tila sa pagtuloy ay bangag
pikit ngunit napapapitlag
kadiliman ay binabasag
lalo't naalala ang dilag

bangag nga ba ang aking puso
sa sinta'y laging nalalango
pag siya sa diwa'y tumimo
bangag akong natutuliro

sa dilim ay di padadaig
sa liwanag puso'y pumintig
dapat nang siya'y makaniig
habang bangag pa sa pag-ibig

Martes, Setyembre 21, 2010

Aliw sa Ilaw

ALIW SA ILAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan habang hinahabi yaong pangarap
nitong mga gamugamong sisinghap-singhap
parang sila'y nakalutang sa alapaap
naaliw sa ilaw na hinahanap-hanap
para bang nadama nila'y ginhawang ganap

kapansin-pansing kahit na gabi'y maginaw
paikot-ikot na parang di magkamayaw
nagkakatuwaan at tila sumisigaw
"O, ilaw, ikaw'y kayganda't nakakapukaw
sa iwi kong puso kaya napapasayaw"

ngunit siya'y nahaharap sa kamatayan
lalo't di ilaw, kundi apoy sa harapan
sasayaw pa ba ang gamugamong naturan?
pagkasunog ba niya'y isang kaaliwan?
o iyang aliw sa ilaw ba'y kabaliwan?

Numero Uno o Estribo

NUMERO UNO O ESTRIBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(sa mga kakandidato sa darating na halalan
sa barangay sa Oktubre 25, 2010)


maraming nais kumandidato
sa halalang pambarangay dito
adhika'y maging numero uno
at ayaw sumabit sa estribo

kaya pagdating sa kampanyahan
ay nais gumawa ng pangalan
kahit anong gimik ay gagawan
basta't magtagumpay sa halalan

kung sakali mang siya'y sumabit
sa estribo't siya'y nakakapit
aba'y kumapit siyang mahigpit
baka masilat siya ng pangit

kaya ito lamang ang payo ko
magsikap maging numero uno
kung sakaling di mo kaya ito
pwede na ring sabit sa estribo

Linggo, Setyembre 19, 2010

Di Natin Kailangan ng Amo

DI NATIN KAILANGAN NG AMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"The boss needs you, you don't need him."
- graffiti of France 1968


hindi natin kailangan ang amo
ngunit ang amo kailangan tayo
walang amo dapat tayong obrero
di natin sila kailangan dito

dapat malaman natin ang totoo
kailangan tayo ng mga amo
sadyang ginagamit lang nila tayo
para tumubo lang sila ng todo

yumaman sila dahil sa obrero
di sila mabuhay kung wala tayo
limpak-limpak kung tumubo ang amo
ngunit kaybaba nitong ating sweldo

hindi natin kailangan ng amo
wala man sila'y mabubuhay tayo

Ang Alay

ANG ALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wala siyang yamang maibigay sa mahal
walang yamang maiaalay sa pedestal
ngunit nais niyang tagumpay ang dumatal
sa kanyang pusong pagsinta ang iniluwal

ang maiaalay niya'y pawis at dugo
pagsisikapang silang dalawa'y mabuo
magkasama sa rebolusyong nagtuturo
ng tamang landas upang iayos ang mundo

kalumbayan ng sarili'y binabalewala
pag-ibig sa mahal at bayan yaong sumpa
ang bayang binusabos ay dapat lumaya
kasama'y mahal na pag-ibig ay dakila

alay ang buong katauhan niya't buhay
sa kanyang mahal at rebo'y di mawawalay

Biyernes, Setyembre 17, 2010

Pagsulong at Pagmate

PAGSULONG AT PAGMATE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa bawat labanan may iba't ibang taktika
upang pasukuin ang tusong kapitalista
panalo sa isa, sa iba'y baka di ubra
kaya sa bawat sulong, dapat mag-analisa

sa bawat tunggalian, dapat tayong magsuri
lalo't ang labanan ay tunggalian ng uri
kaya dapat mamate ng obrero ang hari
nang mapang-aping sistema'y di na manatili

halina't hanapin natin ang magandang tira
sa sitwasyon, anong taktika yaong uubra
kung sa pagsusuri mo, may tira kang maganda
hintay muna, baka diyan may mas maganda pa

pinag-aaralan kung paano ba mamate
yaong katunggaling sa atin ay nanlalansi
paggapi sa katunggali'y di tsamba, di swerte
kundi ito'y dahil sa magaling na diskarte

bawat sulong ay pag-aralan nating lubusan
sulong mo'y suriin, pati sulong ng kalaban
suriin ang kinakaharap na kalagayan
nang sa gayon ay di nila tayo maisahan

Mga Among Magnanakaw

MGA AMONG MAGNANAKAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

banyaga'y dumatal sa dalampasigan
sinakop nila ang bansa't hinugasan
ng dugo ng ating mga kababayan
winasak nila ang ating kalikasan
ngunit bansa pa natin yaong may utang

kaya ngayon sila na ang bagong amo
kinawawa't binusabos nila tayo
ginahasa ang kababaihan dito
magsasaka'y kanilang nilalatigo
piniga ang braso ng mga obrero

tinanggal nila ang ating karapatan
pilit inagaw ang ating karangalan
ninakaw nila ang ating likas-yaman
kinulimbat nila ang yaman ng bayan
sadyang magnanakaw ang among dayuhan

kababayan ang nagmistulang palaboy
sa bayang itong nagtila na kumunoy
sa sariling bayan tayo'y naluluoy
kaya dibdib ng bayan ay nag-aapoy
among magnanakaw dapat nang itaboy

Huwebes, Setyembre 16, 2010

Ang Ganap na Paglaya

ANG GANAP NA PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod, soneto

hindi tayo magiging ganap na malaya
hangga't may natitira pang kapitalista
patuloy pa ang buhay na kaawaawa
hangga't may kapitalista pang humihinga

bitayin lahat ng kapitalistang ito
hanggang kanilang dugo'y tuluyang matuyo
at walang ititira sa kapitalismo
hanggang sistemang ito'y tuluyang maglaho

organisahin mo ang sarili mong uri
ikaw na manggagawang sa mundo'y nagsilbi
durugin mo ang elitista, hari, pari
pati kauri nilang pawang mang-aapi

makakamtan din ang paglayang pinangarap
pag ang kapitalismo'y naglaho nang ganap

Sa Panahon ng mga Hampaslupa

SA PANAHON NG MGA HAMPASLUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayrami na naman ng idinedemolis
sadyang buhay na ito'y pawang pagtitiis
walang hustisya sa buhay na itong amis
pagsasamantala na nila'y labis-labis
at ang mga dukha'y kanilang winawalis

di makatarungan ang kanilang ginawa
binubusabos tayo ng mga kuhila
tunggalian ng uri'y kailan huhupa
kailan mag-aaklas yaong kinawawa
darating din ang panahon ng hampaslupa

kung sakaling panahong iyo'y dumating
at lahat ng api'y tuluyan nang magising
mula sa matagal nating pagkakahimbing
puso't diwa natin sa hustisya'y ibaling
tuluyang lusawin itong burgesyang praning

di na matitiis ang pulos dusa't luha
ibabagsak itong sistemang walang awa
itatayo ang lipunan ng manggagawa
hanggang sa panahong wala nang hampaslupa
ito ang rebolusyon ng dukhang dakila

Martes, Setyembre 14, 2010

Sa Ika-17 Kaarawan ng BMP

SA IKA-17 KAARAWAN NG BMP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Bukluran ng Manggagawang Pilipino

pagbati itong ipinaaabot ko
sa ikalabingpitong anibersaryo
ng sosyalistang organisasyong ito

Bukluran ng Manggagawang Pilipino

mga kasama, ako'y taas-kamao
itong abang lingkod sa inyo'y saludo
pagkat naglilingkod kayo sa obrero

Bukluran ng Manggagawang Pilipino

nagkakaisang adhika'y sosyalismo
itatayo ang lipunang makatao
sa hangaring ito'y sama-sama tayo

mabuhay ang BMP! mabuhay kayo!

Adhikang Banal

ADHIKANG BANAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ibalik ang mga manggagawang tinanggal
lipunang umiiral ay dapat maaral
taglayin ng obrero ang adhikang banal
na palitan ang sistemang nakakasakal

Lunes, Setyembre 13, 2010

Huling hirit ni Macario Sakay

HULING HIRIT NI MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa bibitayan, inihiyaw ng bayani
sa harap ng bayan ay mariing sinabi:
"Tao'y mamamatay sa madali't malaon
kay Bathala'y haharap akong mahinahon.
Subalit aking nais sabihin sa inyo
di kami mga magnanakaw o bandido
na ibinintang ng mga Amerikano.
Bagkus kami'y tunay na rebolusyonaryo
na pinagtanggol ang mahal na bansang ito
ang Pilipinas, mahal nating Inang Bayan.
Mabuhay ang Republika! Nawa'y isilang
muli sa hinaharap itong kalayaan!
Mabuhay ang ating Inang Bayan! Paalam!"

Linggo, Setyembre 12, 2010

Kulungan Ba Ang Aking Kanlungan?

KULUNGAN BA ANG AKING KANLUNGAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

landas na matinik itong aking sinuong
pagkat sa pagkilos kayrami ng patibong
hanggang makasagupa ko ang mga buhong
aktibista akong nais nilang ikulong

mga ibinintang nila'y kung anu-ano
mapigilan lang nila itong pagkilos ko
pagkilos para palayain ang obrero
pagkilos para sa hangaring pagbabago

kulungan ba ang aking magiging kanlungan
gayong doon ako'y wala nang katiyakan
doon na ako mababaon sa kawalan
ang kulungan kong kanlungan ay kamatayan

mamamatay ako ngunit hindi susuko
pagkat prinsipyo ko'y may bahid na ng dugo
sa pakikibaka'y di ako manlulumo
tuloy ako basagin man ang aking bungo

Sabado, Setyembre 11, 2010

Sa Bitag ng Kawalang Katiyakan

SA BITAG NG KAWALANG KATIYAKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hindi tiyak ang bukas ng buhay kong iwi
tila ba nabubuhay akong isang sawi
dapat pa bang sa mundo ako'y manatili
gayong wala nang katinuang nalalabi

hindi tiyak ang bukas ng iwi kong buhay
tila ba sa mundo wala na akong saysay
pagkat diwa ko't pusong iwi'y nalulumbay
ako ba, aking mahal, ay isa nang patay

ako'y nabitag ng kawalang katiyakan
paano aalpas sa ganitong kulungan
ninais kong landasin ang tuwid na daan
ngunit ang nilalandas ko ba'y kamatayan

mahal ko, iniibig kita, tandaan mo
ikaw lang lagi ang laman ng pusong ito
inspirasyon kita't tanging kasiyahan ko
at sa pakikibaka'y magkasama tayo

Biyernes, Setyembre 10, 2010

Ngitngit sa Masiba

NGITNGIT SA MASIBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pagkawala ng trabaho’y nakapagngingitngit
masisibang kapitalista’y nakagagalit
kaya ating karapatan ay tamang igiit
labanan natin ang sistemang nakapalupit

Huwebes, Setyembre 9, 2010

Putulin ang Tanikala

PUTULIN ANG TANIKALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

iyang pagkakaisa ng mga manggagawa
ang siyang landas tungo sa kanilang paglaya
dapat na nilang putulin yaong tanikala
na iginapos ng kapitalistang kuhila

Tanggapin na lang ba ang pang-aapi?

TANGGAPIN NA LANG BA ANG PANG-AAPI?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

dapat bang basta tanggapin na lang
ang pang-aapi sa sambayanan
dapat bang magwalambahala lang
itong mamamayang nasasaktan

tanggapin lang ba ang pang-aapi
para gobyerno'y di makunsumi
para elitistang walang silbi
ay tuloy lamang sa pang-aapi

tulad ng kapitalistang tuso
tanggapin na lang daw ng obrero
yaong kanilang mababang sweldo
mapalad daw sila't may trabaho

tulad ng mga nagdedemolis
sa iskwater daw dukha'y umalis
kung ayaw na nilang maghinagpis
nang kalunsuran daw ay luminis

pang-aapi'y tanggapin na lang ba
at huwag na tayong magprotesta
aba'y ginagawa namang tanga
ng mga elitista ang masa

hindi, hindi dapat ang ganito
pang-aapi'y dapat labanan mo
tayo'y sumama sa pagbabago
at palitan ang sistemang ito

Miyerkules, Setyembre 8, 2010

Pawiin ang Pribadong Pag-aari

PAWIIN ANG PRIBADONG PAG-AARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

pribadong pag-aari ang ugat
ng dusa ng masang nagsasalat
pribadong pag-aaring bumundat
sa kapitalistang laging angat

kaytindi ng pagsasamantala
dahil inaari ang pabrika
lupain, materyales, makina
nitong mayayamang elitista

ang kapitalista'y umasenso
habang ang masang nagtatrabaho
hirap pa rin, kaybaba ng sweldo
dukha pa rin ang mga obrero

hangga't may pribadong pag-aari
kahirapan ay mananatili
hangga't may pribadong pag-aari
lipuna'y mahahati sa uri

uring manggagawa, magkaisa
baguhin ang bulok na sistema
lalo't sistemang kapitalista
at ibalik ang dangal ng masa

durugin: burgesya, hari't pari
pati na pribadong pag-aari
pawiin natin ang mga uri
nang magkapantay lahat ng lipi

Martes, Setyembre 7, 2010

Sa Kaarawan ni Ina

SA KAARAWAN NI INA
(Setyembre 6, 2010)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

maligayang kaarawan, ina
bati ng anak mong aktibista
nawa'y lagi po kayong masaya
at walang sakit na nadarama

maraming salamat, aking inay
dahil sa walang sawa mong gabay
kahit ako'y kaytagal nawalay
hangad mo pa ri'y aking tagumpay

alam kong ayaw nyong mapahamak
ang anak nyo't gumapang sa lusak
ngunit di ako payag malibak
at dangal ng masa'y niyuyurak

salamat, di nyo ako pinigil
na lutasin ang mga hilahil
na sa bayang ito'y naniniil
kaya dapat sa kanila'y masupil

salamat po, aking inang mahal
kasama ako sa nagpapagal
na palitan ang gobyernong hangal
lalo na ang sistemang pusakal

Lunes, Setyembre 6, 2010

Panata sa Kasamang Sinisinta

PANATA SA KASAMANG SINISINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ikaw ang bulaklak sa aking mata
habang patuloy na nakikibaka
nang mapalaya ang obrero't masa
mula sa pagkaapi sa sistema

ang panata ko sa iyo, aking sinta
hanggang kamatayan tayong dalawa
di natin iiwanan ang isa't isa
at hanggang dulo, kita'y magkasama

Linggo, Setyembre 5, 2010

Sa Pag-iisa

SA PAG-IISA
ni Greg Bituin Jr.

nag-iisa
nag-iinom mag-isa
nag-iisip
nag-iingay mag-isa
nag-iisa
nagsasaya

sa gitna ng lungkot

nakatunganga
sa kawalan
nag-iisip
kumakatha
ng bagong tula
para sa sinta

sa gitna ng lumbay

habang nag-iisa
nakatulala
sa kawalan
ng pag-asa
tumutula kahit
nag-iisa

alaala'y sinisinta

Sabado, Setyembre 4, 2010

Malatabak na Panitik

MALATABAK NA PANITIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nakasusugat ang talim ng mga kataga
ng may tangan ng panitik, kaytinding kumatha
patuloy na winawarat ang burgesyang diwa
upang mulatin, mag-alsang tuluyan ang dukha
laban sa kabulukang isinubo sa madla

nakahihiwa ng balat ang mga salita
para sa walang pakiramdam, nakatunganga
nasa trono, kaparian at trapong kuhila
mahilig mambola’t mapang-aping tila linta
hinasang panitik ay kaytalim na bunganga

nakabubutas ng bungo ang kanilang wika
para sa mga elitistang dapat mawala
malatabak ang panitik na bago lang hasa
upang mamulat yaong konserbatibong madla
at sumama na sa pakikibaka ng dukha

Huwebes, Setyembre 2, 2010

Para kang nasa malapit

PARA KANG NASA MALAPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

para kang nasa malapit, kahit malayo
nang dahil sa telepono
nang dahil sa cellphone
nang dahil sa email
nang dahil sa facebook

para kang nasa malapit, kahit malayo
dahil lagi kang nasa alaala
dahil lagi kitang ginugunita
dahil larawan mo'y nasa diwa
dahil kasama kita sa adhika

para kang nasa malapit, kahit malayo
alay ko'y pag-ibig ko't dugo
sana'y di tayo magkalayo, mahal ko
lalaban tayo hanggang dulo
magkasamang mamatay hanggang dulo

Masid sa Unos

MASID SA UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

kaylakas ng ulan
ragasa ang unos
sa mga daanan
patuloy sa buhos
ang batang lansangan
gutom pa ri't kapos
pulubi sa daan
tuloy sa paglimos
pati ang karimlan
ay nambubusabos

Miyerkules, Setyembre 1, 2010

Naburyong na Parak

NABURYONG NA PARAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

agad nang-hostage ng bus
ang naburyong na parak
hustisya raw ay kapos
tiwali ay talamak

ibalik sa trabaho
ang tangi niyang hiling
siya'y galit ng husto
buryong na't napapraning

nag-aapoy sa poot
di mapakiusapan
hanggang ito'y umabot
sa mga kamatayan

inosenteng sibilyan
na sa bansa'y dumalaw
ay turista sa bayan
na ngayon ay pumanaw