Linggo, Setyembre 19, 2010

Ang Alay

ANG ALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wala siyang yamang maibigay sa mahal
walang yamang maiaalay sa pedestal
ngunit nais niyang tagumpay ang dumatal
sa kanyang pusong pagsinta ang iniluwal

ang maiaalay niya'y pawis at dugo
pagsisikapang silang dalawa'y mabuo
magkasama sa rebolusyong nagtuturo
ng tamang landas upang iayos ang mundo

kalumbayan ng sarili'y binabalewala
pag-ibig sa mahal at bayan yaong sumpa
ang bayang binusabos ay dapat lumaya
kasama'y mahal na pag-ibig ay dakila

alay ang buong katauhan niya't buhay
sa kanyang mahal at rebo'y di mawawalay

Walang komento: