Miyerkules, Hunyo 30, 2010

"Kayo ang Boss Ko" o Ubos Kayo?

"KAYO ANG BOSS KO" O UBOS KAYO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa kanyang pagkakaupo bilang pangulo
sa masa'y kanyang sinabi, "Kayo ang boss ko!"
tila baga ang bagong lingkod-bayang ito'y
isang pag-asang maglilingkod ng totoo

subukan natin siya kung boss niya tayo
simulan nang busisiin ang batas dito
at tanggalin ang mga kabulukan nito
tulad ng kontraktwalisasyon sa obrero

panlabas na utang, huwag munang bayaran
at itong pondo'y gamitin para sa bayan
edukasyon ay unahin munang pondohan
kaysa depensang lagi nang nasa unahan

kontraktwalisasyong salot, dapat tanggalin
tulungan yaong gumagawa ng pagkain
dating administrasyon ay papanagutin
sa mga nagawang sala sa bayan natin

itigil lahat ng klase ng demolisyon
at ayusin ang serbisyo sa relokasyon
pababain ang presyo ng bilihin ngayon
itigil ang pangungutang nang di mabaon

pagsikapan kaya niyang magawa ito
o bibiguin tayo ng bagong pangulo
boss niya tayo kung magawa niya ito
kung di magawa, baka tayo ubos dito

Martes, Hunyo 29, 2010

"Dukha, anong petsa na?"

"DUKHA, ANONG PETSA NA?"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

minsan, tinanong ang dukha
"ngayon ba'y anong petsa na?"
ang tugon ng maralita
"petsa'y di ko na kilala!"

"pareho ang araw-gabi
kayod ng kayod ng maghapon
pero hirap pa rin kami
anong kakainin ngayon?"

"nagbago lang yata'y petsa
pero pareho lang ito
parating gutom ang masa
wala pa ring nagbabago"

"hindi ako kalendaryo
kaya't petsa'y di ko alam
ang alam ko'y ang gutom ko
at labis na kahirapan"

"mamamatay na lang akong
nang di ko na nalalaman
pagkat tumatanda ritong
sakbibi ng kalumbayan"

Lunes, Hunyo 28, 2010

Karahasan sa Dukha

KARAHASAN SA DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

simple lang kung mangarap ang dukha
basta huwag lang mapariwara
sa kahirapang dulot ay luha
simpleng pangarap ngunit may banta

may banta sila ng demolisyon
may banta kahit sa relokasyon
banta rin ng kontraktwalisasyon
mararahas ang sistemang iyon

dinadahas na ang mga dukha
ng may mararahas na adhika
dinahas ang mga maralita
ng nagnanasang sila'y mawala

di binigyan ng pagkakataon
ang maralitang mabuhay ngayon
pagkat dinahas noon at ngayon
sa hirap sila ibinabaon

Pag-ahon sa Kumunoy

PAG-AHON SA KUMUNOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sinadlak nila sa kumunoy ang mga dukha
upang di na makaahon sa pagdaralita
elitista silang masa'y nilubog sa sigwa
sa hirap pinagtampisaw ang inaping madla

kaya mga tibak ay nanginginig sa poot
pagkat buhay ng masa sa hirap ay kaylungkot
dapat nang tapusin ang paghaharing kilabot
mga may kagagawan nito'y dapat managot

di lahat ng panahon ay panahon ng dusa
may panahon ding babagsak iyang elitista
aahon sa kumunoy ang inaliping masa
at ang lipunang ito'y babaligtarin nila

Linggo, Hunyo 27, 2010

Ang Pamamaalam

ANG PAMAMAALAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Never say goodbye, because goodbye means going away, and going away means forgetting. - Peter Pan

bakit ka magpapaalam, sinta
kung pag-alis mo'y saglit lang pala
turan mo kung saan ka pupunta
maaari bang samahan kita

huwag mong sabihin ang "Paalam"
ibig sabihin nito'y paglisan
paglisan ay nangangahulugan
na ako na'y kinakalimutan

sinta ko, huwag kang magpaalam
kung sa akin meron kang dinamdam
ito'y dapat nating pag-usapan
ang paglisan mo'y di kalutasan

mahal ko, puso ko'y humihibik
kelan ka ba sa akin babalik
at sa pagdating mo'y nasasabik
nang muli kang gawaran ng halik

Iba ang Mahal

IBA ANG MAHAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may isang dalagang umibig sa akin
ngunit siya nama'y di ko iniibig
umaasang siyang aking mamahalin
gayong ako nama'y may ibang pag-ibig

anong gagawin ko dito sa problema
ginigiit niyang ako'y kanyang mahal
gayong pintuho ko'y iba pang dalaga
sa pagpilit niya ako'y tila sakal

palay na raw siyang lumapit sa manok
kaygandang dalagang ayaw kong tukain
ngunit para siyang sa ulo ko'y dagok
gagawin daw lahat para ako'y angkinin

di ko sasabihin anumang masama
hinggil sa dalagang itong namimilit
tila pag-ibig nga ang dumadakila
sa kanya kaya nga sa akin lumapit

pagkat tulad ko rin, pinipilit ko rin
na ibigin ako ng dilag kong ibig
umaasang ako'y kanyang mamahalin
gayong siya nama'y may ibang pag-ibig

Sabado, Hunyo 26, 2010

Bayaran Kaming Tama

BAYARAN KAMING TAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ang kapitalistang trapo'y napatda
nang pagmasdan ang kanyang manggagawa
"bakit kayo'y parang laging tulala
gayong may trabaho't gawa ng gawa?

nangako ang kapitalistang trapo
sa nakatumpok na mga obrero:
"sadyang kailangang magsipag kayo
nang pataasin ko ang inyong sweldo!"

ngunit mga obrero'y di namangha
"matagal nyo na kaming dinadaya
kailan nyo babayaran ng tama
ang ginamit naming lakas-paggawa?"

"talagang kaybaba ng aming sahod
di makabuhay sa aming hilahod
trabaho nami'y di na makalugod
para kaming nabubuhay sa puntod"

"nang dahil sa amin, kayo'y tumubo
tulad nyo pala'y mapagbalatkayo
kaya buhay namin ngayo'y tuliro
pagkaapi'y kailan maglalaho?"

"sa amin kayo laging nakasandig
binigay na namin ang inyong hilig
pakinggan nyo naman ang aming tinig
bayaran kaming tama'y aming tindig!"

Pagbabago'y Dapat Malasahan ng Masa

PAGBABAGO'Y DAPAT MALASAHAN NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

umunlad na raw ang bayan, sabi ng gobyerno
habang pinakikita'y kaydaming numero
na tanda raw ng pag-unlad ng bansang ito
ngunit di ramdam ng masa ang pagbabago

ang ramdam ng taumbayan, niloloko sila
ng mga numerong di naman nila dama
lalo't pag nagsalita na'y iyang si Gloria
tiyak agad papatayin ang TV nila

sadyang masa'y kaytagal nang nasisiphayo
sa mga pangakong kay-alat parang toyo
di na aasa sa bagoong ng pangako
ng mga pulitikong kaytamis mang-uto

masa'y nauuyam pag trapo'y nagsalita
pagkat alam na nilang walang mapapala
sa mga trapong kung mangako'y talusira
lasa ng talumpati'y pawang kaypapakla

ang nais ng masa'y totoong pagbabago
hindi mga pangakong simpait ng apdo
ayaw na ng masang sila'y inaadobo
sa kataga ng mga gagong pulitiko

pagbabago'y dapat malasahan ng masa
pagbabagong di simpait ng luha't dusa
kaysarap malasap ng tamis ng hustisya
kaginhawahan sa isang bagong sistema

Biyernes, Hunyo 25, 2010

Pagtupad sa Nasimulan

PAGTUPAD SA NASIMULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kayganda mong mukha'y kaysarap titigan
puso'y nagdiriwang sa kaligayahan
ngunit kailangan ko munang lumisan
upang tupdin ang pangakong binitiwan

kaysarap manirahan sa kanayunan
sariwa pa ang hangin sa kabukiran
ngunit sa lungsod ako pa'y kailangan
upang tapusin ang trabahong naiwan

kaysarap damahin ang kapayapaan
ngunit mundo'y puno pa ng kaguluhan
kaya pakikibaka pa'y kailangan
upang mabago ang bulok na lipunan

paglubog ng araw ay kaygandang masdan
diwa ko'y sumasayaw sa kasiyahan
ngunit kailangan kong agad lumisan
upang gawin ang nararapat sa bayan

Kapeng Barako

KAPENG BARAKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

pag ako'y umuwi sa bayan ni ama
sa Batangas kahit di siya kasama
aba'y naaamoy ko na ang aroma
ng kapeng barakong kaysarap ng timpla

sa takure ilalagay ang barako
saka pakukuluan sa tubig ito
lalagyan ng asukal upang timplado
pag kumulo'y hahalimuyak ang bango

aniko, "ala, pagkasarap ga nare"
kahit tubong Maynila'y napa-"ala, eh"
pati mahal kong inang taga-Antique
sarap na sarap din sa barakong kape

sa pangalan pa lang, sadya nang kay-angas
barako ang kape ng mga matikas
barakong parang hinahabol ng tsikas
kapeng barako ngang sadyang pampalakas

kilala ang barako na Batangas Brew
iba't ibang tatak sa palengke nito
may tinatawag ngang Siete Barako
merong Kape Amadeo at Figaro

kaya pag sa Batangas umuwi kami
iniluluwas sa Maynila'y kaydami
bagoong, panutsa, sikad, binibili
at di malilimot ang barakong kape

Huwebes, Hunyo 24, 2010

Parada ng Litson sa Balayan

PARADA NG LITSON SA BALAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

basaan tuwing araw ni San Juan
nagbabasaan doon sa Balayan
tao'y nagsasaya sa kapistahan
mga litson ang bida sa kainan

nagsasaya ang mga naroroon
nanonood ng parada ng litson
sari-saring gayak ng mga iyon
mga litsong nakabihis pa doon

may litsong akala mo'y Cinderella
at meron din namang gayak-sagala
meron din namang akala mo'y santa
sa panonood masisiyahan ka

pagkatapos ng parada ng litson
mag-uuwian na ang maydala noon
babarik na silang pulutan litson
yayayain ang ibang makilamon

upang masaksihan mo ang parada
ng litson sa Balayan, maghanda ka
Hunyo dalawampu't apat ang petsa
ginaganap taun-taon ang pista

magdala ka lamang ng baong damit
pag binasa ka'y huwag kang magalit
tradisyon ito sa petsang nabanggit
isipin mong nagsasaya kang paslit

Sa Mga Pumaslang ng 58 Katao

SA MGA PUMASLANG NG 58 KATAO
(sa ikapitong buwan ng masaker sa Maguindanao)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

dahil sila'y pawang may amo
sunud-sunurang parang aso
anuman ang iatas dito
pumatay man, gagawin nito

inatas ngang mga biktima
ay tadtarin nila ng bala
sunud-sunuran kasi sila
sa among mapagsamantala

ganyan marahil ang nangyari
nang sa Ampatuan nagsilbi
mga kamay nila'y kayrumi
sa krimen, sila rin ang saksi

di sapat sila'y makulong lang
kundi ihatol ang bitayan
hustisya ang nais ng bayan
itong hiyaw ng sambayanan

Miyerkules, Hunyo 23, 2010

Gurangot (Gurang na Asungot)

GURANGOT (GURANG NA ASUNGOT)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lagi nang naghahanap ng butas
ang tulad nilang mga gurangot
akala mo kung mag-isip pantas
ngunit yaong utak pala'y bansot
minsan nag-aastang mambabatas
ngunit ang ugali'y nilulumot
kapara nila'y trapo't pamunas
silang kasintunog ng kulangot
ganyan silang matatandang ungas
na bininyagan nating gurangot
at kung tayo'y minamalas-malas
sila'y gurangot na sadyang salot
mga tulad ba nila'y may lunas
nang di nila tayo maburaot?

Martes, Hunyo 22, 2010

Dapat Math ang Iniisip Ko Ngayon

DAPAT MATH ANG INIISIP KO NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dapat math ang iniisip ko ngayon
at hindi itong pagrerebolusyon
sana’y pag-unlad na ng math ang layon
nang isip ko’y dito na nakatuon

bs mathematics na aking kurso
ay pansamantala nang nilimot ko
at ngayon kailangan pala ito
para sa minimithing pagbabago

dapat pag-aralan muli si Euclid
calculus at traygo’y muling mabatid
geometriya’y maganda ang hatid
pagkakalkula’y di dapat mapatid

paano ba sinukat ng mataman
ang layo ng araw sa daigdigan
ikot ng buntala sa kalawakan
pati paglikha ng pormulang Einstein

anong iskor ng nanalong pangulo
ilang dagdag-bawas ng mga trapo
pambayad-utang ng bayan magkano
gaano ang nakurakot sa pondo

balikan nga natin itong aldyebra
ang estadistika’t aritmetika
magsukat, magbilang at magkalkula
numero sa buhay nga’y mahalaga

alamin natin, galaw ng numero
mga bilihin, kaytaas ng presyo
may mga dagdag-bawas sa pagboto
badyet, utang ng bayan na’y magkano

ngunit dahil sa problema ng bayan
math ay pansamantalang nalimutan
ngayon math pala’y dapat kong balikan
at kailangan ito sa paglaban

Lunes, Hunyo 21, 2010

Sa Kaarawan ni Ate

SA KAARAWAN NI ATE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

mahal kong kapatid, maligayang kaarawan
nawa'y lagi kang nasa mabuting kalagayan
di nagkakasakit, maayos ang kalusugan
at nawa'y di ka magkaroon ng karamdaman

sa buhay mo sana'y di gaano ang balakid
magandang kapalaran sana sa iyo'y hatid
naririto lang kaming iyong mga kapatid
pag kami'y kailangan, iyo lang ipabatid

Sabado, Hunyo 19, 2010

Kina Rizal at Aung San Suu Kyi

KINA RIZAL AT AUNG SAN SUU KYI
ni Greg Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

(Para sa kaarawan nina Jose Rizal ng Pilipinas at Daw Aung San Suu Kyi ng bansang Burma.)


dalawang bayani sa puso ng mamamayan
na nagpakasakit para sa kinabukasan
ng bayang kanilang pilit ipinaglalaban
upang makamit ng bayan yaong kalayaan

ang una'y pinaslang noon ng mga Kastila
siyang bayaning lumaban sa mga kuhila
ang ikalawa'y ikinulong sa kanyang bansa
ng gobyernong diktador na tila walang awa

hunyo labingsiyam nang isilang kayong ganap
at para sa bayan, para kayong pinagtiyap
parehong bayaning pawang laya itong hanap
nawa laya ng bayan ay atin nang malasap

sa inyong dalawa, bayaning Rizal at Suu Kyi
maligayang kaarawan ang aming pagbati
nawa bayan nyo’y lumaya sa dusa’t pighati
at maling pamamahala'y di na manatili

Pinagpapakong Pangako

PINAGPAPAKONG PANGAKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming trapo riyan, lingkod daw ng bayan
ngunit lagi raw namang wala sa tanggapan
gayong kanyang pangako noong kampanyahan
siya'y totoong lingkod, kaydaling lapitan

doon nga sa iskwater, nilandas ang putik
walang pakialam kung anong tumilamsik
nangako sa maralitang siya'y babalik
upang totoong bahay ang doon itirik

napagpapako yaong pangako ng trapo
di na matandaan nang maupo sa pwesto
itataas daw ang sahod nitong obrero
at may trabaho para sa walang trabaho

lahat ay nangangako tuwing kampanyahan
nililigawan ang boto ng taumbayan
pag panahon ng halalan, ganyan ng ganyan
pangako dito't doon, walang katuparan

kada eleksyon, palit-palit yaong trapo
kada kampanyahan, nanliligaw ng boto
ang ganitong sistema'y kapara ng trumpo
laging binibilog ang ating mga ulo

upang ito'y di muling mangyari sa atin
pagbabago'y dapat lang nating adhikain
sistemang baluktot ay dapat nang baguhin
ang sistemang saliwa'y dapat lang tuwirin

Biyernes, Hunyo 18, 2010

Naghahanap ng Grupo ang Makata

NAGHAHANAP NG GRUPO ANG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ang makata'y naghahanap ng grupo
grupong magpopropagandang totoo
upang maisulong ang sosyalismo
nilikhang tula'y kakantahin nito

nais ng makatang mabuo'y banda
isang bandang tutugtog at kakanta
na tinig ng manggagawa ang dala
ng awit na may diwang sosyalista

tula'y di na lang dapat hanggang libro
pagkat konti ang nagbabasa nito
dapat itong iparinig sa tao
dapat nang tula'y malagyan ng tono

panahong nang makata'y matuto na
paano bang magtipa sa gitara
paano inilalapat ang nota
sa mga tulang naisulat niya

magagamit ng mabubuong grupo
tula ng makata'y higit sanlibo
makakapili naman sila rito
ng kakantahin nila sa tao

may mabuo na sanang isang banda
na dadalhin ay diwang sosyalista
sa lansangan at sa rali kakanta
ito ang ambag sa bagong kultura

Aktibismo sa Kompyuter

AKTIBISMO SA KOMPYUTER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang aktibismo'y di lang rali sa lansangan
pagkat kayrami pang larangan ng labanan
ang tunggalian sa parlyamento'y naririyan
pati mismong kompyuter ay maaasahan

gamitin ang facebook, twitter, yahoo't iba pa
upang ang iba't ibang isyu'y ikampanya
tulad ng karapatang pantao ng masa
nang maipagtanggol ang mga tulad nila

gamitin ang plurk, bit.ly, four square, qik, linkedin
sa mga isyung mahalagang talakayin
pati iba't ibang paninindigan natin
sa kinakaharap nating mga usapin

mahalagang arena ang komunikasyon
gamit na ang kompyuter sa labanan ngayon
dagdag nang armas sa arsenal natin noon
sa mga tibak isa itong bagong hamon

nilikha sa Digital Activism seminar sa Taal Vista Hotel sa Tagaytay City, Hunyo 17-18, 2010

Miyerkules, Hunyo 16, 2010

Palayain ang Burma

PALAYAIN ANG BURMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di dapat manatiling sakbibi ng takot
ang Burmang pinamumunuan ng kilabot
di dapat masang naroon, nangalulungkot
pagkat sa puso'y takot yaong nababalot

sa kanila'y marami na ang nasa rehas
at kayrami ring ang buhay ay nangautas
sa rebolusyong Saffron nga sila'y dinahas
kailangan nila'y tulong mula sa labas

tulungan natin sila sa pakikibaka
upang mapalaya ang bansa nilang Burma
tutulong na maitayo ang demokrasya
para sa kapakanan ng kanilang masa

karahasan sa kanila'y dapat pigilin
nandarahas sa kanila'y dapat durugin
halina't Burma'y tulungan at palayain
at masayang tagumpay ay kanilang kamtin


FREE BURMA!
by Gregorio V. Bituin Jr.
13 syllable poem in Tagalog

Burma headed by dictators
Should not be in the yoke of horror
The masses should not be in sorrow
Because in their hearts fears unfold

Many of them were jailed
And lot of them were murdered
In Saffron revolution many died
They need help from outside

Let’s help them in their struggle
For the benefit of their people
So Burma will become free
And help put up democracy

Repression should be stopped
The repressors should be crushed
Let’s help Burma to be free
So they can attain total victory

(This poem has been translated by the poet himself
for the benefit of Burmese people.)

Mag-Arthro at Flanax sa Halalan

MAG-ARTHRO AT FLANAX SA HALALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod, soneto

(para sa mga kakandidato sa darating
na halalang pambarangay sa Oktubre)

kayrami nilang tatakbo sa halalan
ngunit tatagal ba sila sa takbuhan
hindi kaya sila hingaling tuluyan
mahihinang tuhod ba'y makakayanan

kailangan nila ang flanax at arthro
upang makatagal sa labanang ito
at makasabit pa sila sa estribo
lalo na't kayraming kumakandidato

arthro at flanax ay huwag kalimutan
pampalakas ito ng tuhod sa laban
gaano man kalayo'y matatagalan
basta't arthro't flanax laging naririyan

tatakbo ka? mag-arthro't flanax ka muna
at baka sa halalan, manalo ka na

Martes, Hunyo 15, 2010

Kung Di Ukol

KUNG DI UKOL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

iyang buhay nila'y kaysahol
kung di ukol ay di bubukol
maganda man ang iyong kubol
obrero'y di dapat mag-awol
sa trabaho pagkat di ukol
huwag ipatong lang sa burol
kahit sindihan pa ang katol
tusok ng lamok di pupurol
ganda ng sulyap mo'y iukol
pati na ngiti mong may dimple
sa tulad kong hininga'y buhol
pag nakita ka'y nabubulol
sinumang sa iyo'y umismol
kahit malaki ako'y papatol
bibigyan ko siya ng sampol
baka tanggapin niya'y bukol
iyang puno'y di mapuputol
sa isang taga ng palakol
tanging iyan ang aking hatol
sa kasong di ko pa mauntol

Ilang Pananaw sa Halalan


ILANG PANANAW SA HALALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kaygagaling natin sa pigura
ngunit bakit bigo ang resulta
sa isang lugar, atin ang masa
ngunit natalo sa lugar nila
tayo pa naman ay umaasa

pagkat di pala organisado
lumabas din kung anong totoo
may kausap lang na ilang tao
akala boto na'y sigurado
paano nga ba tayo mananalo

ano kayang klaseng kampanyahan
ang ginawa ng mga samahan
sadya bang gitgitan yaong laban
nasa atin ang pwersa ng bayan
bakit talo tayo sa halalan

sa kampanyahan, utak sa utak
trapo'y tutuntong kahit sa burak
pera'y mudmod sa masang malawak
iyan ang di kaya nating hamak
pag natalo'y gagapang sa lusak

Lunes, Hunyo 14, 2010

Ang Dapat Na'y Abolisyon ng mga Uri

ANG DAPAT NA'Y ABOLISYON NG MGA URI
ni Greg Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di pagkakapantay-pantay ng mga uri
ang ninanais ng hukbong mapagpalaya
pagkat mga uri'y di dapat manatili
pagkat ito ang dahilan ng dusa't luha

kung pagpapantayin natin ang mga uri
na nais nitong kapitalistang kuhila
obrero'y patuloy lang sa buhay na sawi
sistema'y di nagbago't lalo lang sumama

uring elitista'y nagbabakasakali
upang maisalba ang uring walang awa
alam nilang sa manggagawa'y natatangi
ang dakilang misyong dapat nilang magawa

manggagawa'y may misyong dapat ipagwagi
palitan ang sistemang dahilan ng sigwa
sistemang kapitalismo'y dapat mapawi
pagkat dulot ay buhay na kaawa-awa

misyon nila'y abolisyon ng mga uri
ito ang adhika ng uring manggagawa
tatanggalin din ang pribadong pag-aari
upang maipanalo ang misyong dakila

walang uring dito'y dapat pang manatili
nang matayo na ang sosyalismong adhika
uring manggagawa’y siyang dapat maghari
silang kinilalang hukbong mapagpalaya

Tagapunas ng Puwet ng Banyaga

TAGAPUNAS NG PUWET NG BANYAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

maraming magagaling tayong mga manggagawa
tapos ng inhinyero, pagkaguro't dalubhasa
ngunit dahil ating gobyerno'y di mapagkalinga
dahil buhay dito'y madalas gutom at tulala
mga manggagawa natin ay walang napapala
kaya nangarap at umalis na't nangibang bansa
upang maging tagapunas ng puwet ng banyaga

Sabado, Hunyo 12, 2010

Kung Gusto Mo ng Pagbabago

KUNG GUSTO MO NG PAGBABAGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kung gusto mo ng pagbabago
tanungin mo ang sarili mo
bakit ba bulok ang gobyerno
kaya sistema'y aralin mo

kung gusto mo ng pagbabago
pagtunganga'y iwasan mo
sumali ka sa labang ito
makiisa na sa obrero

kung gusto mo ng pagbabago
itaas ang iyong kamao
gobyernong bulok pawiin mo
pati pag-aaring pribado

kung gusto mo ng pagbabago
rebolusyonaryo'y dinggin mo
ibagsak ang kapitalismo
at ipalit ang sosyalismo

Biyernes, Hunyo 11, 2010

Si Jejomar sa Panahon ng Jejemon

SI JEJOMAR SA PANAHON NG JEJEMON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nagngangalang jejomar ang nanalo
tinanghal sa panahon ng jejemon
kinilalang pangalawang pangulo
ang dating popular na meyor noon

tinalo yaong sa survey panalo
kaya maraming nagtatakang miron
hinanap nila kung anong sekreto
yaong alkaldeng kanilang hinamon

jejemon daw ay kaiba ng mundo
para bang tinatakwil ng lipunan
mahihina daw ang kanilang ulo
kaya di sila nauunawaan

talo ni jejomar ang mga trapo
sa panahon nitong mga jejemon
kaya trapo'y nahirapang manalo
dahil bumoto'y tambay, mga maton

si jejomar, simple lang ang sikreto
kung bakit itong masa'y nagdesisyon
na si jejomar ang kanilang boto
jejomar ay sintunog ng jejemon

si jejomar ay kakampi ng dukha
ito ang kanyang pinatutunayan
bilang meyor nga'y kasangga ng madla
lalo na't apektado'y sambayanan

Sakripisyo ni Mar

SAKRIPISYO NI MAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nais ni Mar na maging pangulo
ngunit kay Noynoy nagbigay siya
kaya siya'y agad kumandidato
sa pagkapangulong pangalawa

ngayon, sa halalan siya't talo
kaya ginawa niya'y magprotesta
sa kanya'y nakasisira ito
talo na nga'y nais matalo pa

noon, siya na'y nagsakripisyo
ito'y dapat ituloy-tuloy na
ngayon, muli nang magsakripisyo
pagpoprotesta'y itigil niya

nang maging martir siyang tuluyan
imahe niya'y gaganda naman
maiging kumandidato na lang
sa mga susunod pang halalan

Mar, magsakripisyo ka nang muli
sa protesta, ikaw na'y humindi
baka sa susunod na pagpili
ay ikaw na yaong magwawagi

dahil kung di ka magsakripisyo
at di matanggap ang pagkatalo
pilit igigiit ang nais mo
sa susunod di ka maboboto

Huwebes, Hunyo 10, 2010

tulatext - Ngayong Bago na ang Pangulo

NGAYONG BAGO NA ANG PANGULO (tulatext)
ni greg bituin jr.
9 pantig bawat taludtod

ngayong bago na ang pangulo
may bagong pag-asa ba tayo
meron na kayang pagbabago
sa kalagayan ng obrero
tataas na kaya ang sweldo
o tatanggapin pa ri'y mumo

Bakas sa Titig

BAKAS SA TITIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

urong-sulong daw ako sa diskarte
sa mahal kong magandang binibini
ang pag-ibig ko'y di agad masabi
kahit alam na ito ng babae

ramdam niya yaong pahiwatig
na siya ang nais kong makaniig
bakas niya sa aking mga titig
na kukulungin siya sa aking bisig

wala akong salitang maapuhap
pag ang dalaga nga'y aking kaharap
dati nga'y di ako kinakausap
ngunit ngayon may tanda ng paglingap

pasasaan baga't kaming dalawa
ay nagkakausap na sa tuwina
puso ko'y umaapaw sa ligaya
sana nga'y mapasagot ko na siya

Miyerkules, Hunyo 9, 2010

Paglaya sa Hawla ng Dusa

PAGLAYA SA HAWLA NG DUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

palayain lahat ng bilanggong pulitikal
na lumaban sa bulok na sistemang garapal
at sa hawla ng dusa'y tinuring na pusakal
palayain lahat ng aktibistang sinakmal
ng mga buwaya at bwitre sa gobyernong brutal
palayain silang may puso't adhikang banal

pagkat dahil sa pulitikang paniniwala
na lakas-paggawa'y dapat bayaran ng tama
na magbabago pa ang buhay ng maralita
sila'y hinuli't piniit sa hawla ng luha
bantay-sarado sila upang di makawala
sa isang dipang langit, piitang isinumpa

kanila nang inalay ang pawis nila't dugo
upang ang masa sa kahirapan ay mahango
upang sa sistemang bulok masa'y makalayo
upang bagong lipunan ay kanilang mabuo
ngunit nang dahil sa prinsipyo'y ibinilanggo
ng mga namumunong balimbing at hunyango

bilanggong pulitikal para sa pagbabago
aming panawagang sila'y palayain ninyo
di na dapat mapiit ang kanilang prinsipyo
di dapat mapiit ang puso nila't talino
kailangan pa sila ng masa't bayang ito
at sa hawla ng dusa'y palayaing totoo

Kaysarap na Pasta

KAYSARAP NA PASTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tinititigan ko ang pangarap na dalaga
araw -gabi na yata siyang pinapantasya
na siya sana'y buong buhay kong makasama
pagkat panaginip itong ikaliligaya

hanggang isang gabi'y nagluto siya ng pasta
minsan lang akong makatikim ng luto niya
at ng binigyan ako ng isang platong pasta
parang puso ko'y dinilig ng kanyang halina

talagang sa oras na iyon ako'y nabusog
tila nasa langit yaring pusong umiirog
puso'y dinuyan-duyan ng mga dahong hamog
nagtagumpay tawirin ang bundok na kaytayog

Martes, Hunyo 8, 2010

Nais Kong Dumalo, Ngunit...


NAIS KONG DUMALO, NGUNIT...
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Nais ko sanang pumunta
Sa ganitong kumperensya
Nitong kapwa sosyalista
Ngunit ako'y walang pera!

Saan ba ako kukuha
Ng kakaylanganing kwarta
Upang ako'y makapunta
Doon sa bansang Australia?

Socialist Ideas Conference- Towards Sustainability and Socialism
Oras ng Simula: Sabado, Hunyo 26, 2010, ng 10:00 AM
Oras ng Pagtatapos: Linggo, Hunyo 27, 2010, ng 4:00 PM
Lokasyon: State School Teachers Union Function Room, 150-152 Adelaide Terrace, East Perth, Australia

Lunes, Hunyo 7, 2010

Sa Nanalo sa Pinaglalawayang Upuan

SA NANALO SA PINAGLALAWAYANG UPUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa pinaglalawayang upuan, ikaw'y nanalo
sa pagkamatay ng ina'y pumutok ang ngalan mo
maraming naniwala sa iyong ina't sa iyo
ikaw na'y pangulo sa pinandirihang palasyo

may magagawa ka nga ba sa pag-upo sa trono
o katulad ka rin ng ibang gawa'y tarantado
na ginawang palabigasan at sariling bangko
ang kaban ng bayan, at tao'y binilog ang ulo

may tanong itong manggagawa sa bagong pangulo
anong magagawa sa kalagayan ng obrero
sa Mayo Unong darating ba'y tataas ang sweldo
ng mga manggagawang kayod doon, kayod dito

tanong naman ng bayan, bubuti ba ang gobyerno
korupsyon ba'y mawawala't gaganda ang serbisyo
serbisyo-publiko ba'y di na gagawing negosyo
di tulad ng ginagawa ng mga gagong trapo

maraming pulitikong naglaway sa upuan mo
lalo na't mga tinalo mo sa pagkapangulo
sisirain ka pag di binahaginan ng buto
ang mga trapong pulitikong ang ugali'y aso

huwag kang magpabola sa kapitalistang gago
turuan ang militar ng karapatang pantao
tiyakin ang hustisya sa mga pinaslang dito
sa bansa't ang mga salarin ay panagutin mo

dapat ang sistema sa gobyerno'y may pagbabago
pawang matino'y italaga sa gabinete mo
kung italaga mo man ay yaong matatalino
tiyaking sila'y di magnanakaw, di tarantado

ilan lang iyan sa bilin namin sa iyo, pangulo
ayusin ang pamamalakad sa iyong gobyerno
kung hindi'y magpoprotesta kami laban sa iyo
at ibabagsak kang kasama ng gabinete mo

Linggo, Hunyo 6, 2010

Paggamit ng Po at Opo

PAGGAMIT NG PO AT OPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

i

ang paggamit ng po at opo
ay maganda ang pakitungo

di lang paggalang sa matanda
kundi pagrespeto sa bata

ang po at opo'y pagrespeto
sa pagkatao ng kapwa mo

at hindi dahil siya'y gurang
kundi dahil kagalang-galang

yaong pag-uugali niya
at magaling ding makisama

ii

naiinis ang mga bata
pag nagpo-"po" yaong alila

gayong pagbibigay respeto
lang ito sa kanilang amo

huwag raw pupupuin sila
pagkat kabataan pa nila

ang "opo' raw ay pangmatanda
at di para sa mga bata

sa po't opo'y iba ang tingin
kaya merong dapat baguhin

iii

po't opo'y tanda ng paggalang
sa matatanda at magulang

turo'y ganyan sa paaralan
kaya tingin dito'y panggurang

imbes na ito'y pagrespeto
sa pagkatao ng kapwa mo

turong ganito'y baguhin na
para galangin bawat isa

po't opo'y di lang pangmatanda
kundi pagrespeto sa madla

Sabado, Hunyo 5, 2010

Hustisya sa mga Manggagawang Pinaslang

Labor leader gunned down in Laguna
http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/regions/view/20100603-273617/Labor-leader-gunned-down-in-Laguna

By Maricar Cinco, Inquirer Southern Luzon, 06/03/2010

SAN PEDRO, Laguna, Philippines – A trade union leader was gunned down in Sta. Rosa City late Wednesday afternoon, raising the number of slain labor activists in Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) region to nine under the term of outgoing President Gloria Macapagal-Arroyo.


HUSTISYA SA MGA MANGGAGAWANG PINASLANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

manggagawa na naman ang nasakripisyo
sa altar ng pakikibaka ng obrero
epekto na ba ito ng kapitalismo
kailan ba titigil ang mga ganito

kayrami nang mga manggagawang pinaslang
ng mapagsamantalang may bitukang halang
kamatayan ang sa inyo na'y idinukwang
parusa'y igawad sa mga salanggapang

ang panawagan ng manggagawa'y hustisya
biguin na lahat ng mapagsamantala
durugin na pati sistemang elitista
hustisya hanggang pagbabago ng sistema

Kongresong Pugad ng mga Buwaya

KONGRESONG PUGAD NG MGA BUWAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang kongreso nga ba'y pugad ng mga buwaya
para sa sariling interes ng kongresista
doon ba'y wala nga bang napapala ang masa
iyon ba'y kapihan lang ng mapagsamantala

bakit pawang pangmayaman ang naisabatas
ng kongresong itong tila ulo'y pulos butas
namumuno yata dito'y pawang mga ungas
na sa masa'y taun-taon na lang naghuhudas

walang napala sa kasalukuyang kongreso
ang taumbayan kaya't talagang bigo tayo
wala itong naibungang mabuti sa tao
kundi pawang luha't dusa ang napala rito

aba'y pawiin na ang kongresong walang bunga
upang ang masa'y hindi na tuluyang magdusa
durugin na ang kapihan ng mga buwaya
at palitan ito ng kongresong makamasa

Biyernes, Hunyo 4, 2010

Ang Pagpatay sa Kalayaan sa Impormasyon


ANG PAGPATAY SA KALAYAAN SA IMPORMASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

Absence of House members kills Freedom of Info bill
http://www.gmanews.tv/story/192676/absence-of-house-members-kills-freedom-of-info-bill

nakapanlulumo, tiim bagang na nakagagalit
ito ang reaksyon ng bayan sa Kongresong kaylupit

hindi dumalo sa sesyon yaong mga hinayupak
freedom of information bill ay kanilang pinahamak

tunay nga bang ang mga kongresista'y lingkod ng bayan
o ang kongreso'y ginagawa lamang nilang pansitan

napakamakasaysayan sana ng araw na ito
di lang sa dyornalista kundi sa mamamayan dito

ngunit dahil sa ginawa nilang pagliban sa sesyon
mga umaasa rito'y alikabok ang nilamon

lingkodbayang naturingan ngunit kanilang kinitil
walang awang pinaslang ang freedom of information bill

Kung Di Sana Kumurap, Di Sana Mahirap

KUNG DI SANA KUMURAP, DI SANA MAHIRAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayraming taong kaalwanan ang pangarap
maalwang buhay ang nais nilang malasap
ginawa ang lahat, sila'y nagsipagsikap
ilan ay yumaman, ang marami'y naghirap

akala ng iba'y sapat na ang pangarap
para sa pamilya nila kaya nagsikap
ngunit bakit ngayon di sila nililingap
ng pamahalaang kanilang hinahanap

sa kasaysayan, kayrami ng mapagpanggap
sinasalisihan ang sinumang kumurap
yumaman ang ilan, iba'y aandap-andap
iba'y nabaon sa limot, dusa'y nalasap

sa pyudalismo'y hati ng ani ang usap
kaya magsasaka noon ay nagsisikap
sa kapitalismo'y kayrami nang naghirap
manggagawang kaysipag, krisis ang kaharap

lumilikha ng yaman sa bayang pangarap
imbes yumaman, pabaya't kurap ng kurap
kaya naisahan ng mga mapagpanggap
kaya pawang mumo ang kanilang natanggap

wala sanang mahirap kung walang kumurap
nadurog sana ang sinumang mapagpanggap
na nagpayaman, ninakaw ang pagsisikap
ng maraming taong laging kukurap-kurap

kung di ka sana kumurap, di ka mahirap
naupakan agad sinumang mapagpanggap
ngunit kung ikaw ay laging kukurap-kurap
masasalisihan ka ng mapagpahirap

pagsikapan na nating tupdin ang pangarap
na bagong sistemang dapat nating malasap
lilipulin natin ang mga mapagpanggap
ngunit upang magwagi'y di tayo kukurap

Martes, Hunyo 1, 2010

Huwag lunukin ang isinuka na

HUWAG LUNUKIN ANG ISINUKA NA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

may tamis bang mararamdaman sa isinuka
o pawang asim lang ang iyong malalasahan
di ka ba mandidiri sa isinuka mo na
at kaya bang tanggapin ng iyong lalamunan

di kaya sasakit ng tuluyan ang tiyan mo
dahil iniluwa mo na'y isusubong muli
ano na bang pumasok diyan sa iyong ulo
at ang isinuka'y nais muling manatili

mahirap nang lunukin iyang isinuka mo
lalo't ang isinuka'y burgis mong pamumuhay
nagkamali ka ba ng niyakap na prinsipyo
kaya babalik ka sa pamumuhay mong patay

ang nanghudas na syota ba'y babalikan pa rin
gayong hinudas ka na nga't iba ang hinagad
nanghudas na kasama ba'y iyong susuyuin
gayong hinudas ka na't iba ang ginalugad

iyang mga trapo ba'y dapat naririyan pa
pababalikin pa ba ang iyong pinalayas
iyang pinatalsik mo na'y iboboto mo pa
aamuin bang muli ang sa iyo'y naghudas

ang isinuka mo na'y mahirap nang lunukin
pagkat tiyak sikmura mo'y agad babaligtad
parang trapong isinuka'y muling sisipsipin
gayong sa pagseserbisyo sila'y pawang huwad

humingi ng tawad ba'y hahayaang bumalik
at mangangako nang sa iyo'y magiging tapat
gayong dati'y katarantaduhan ang hinasik
pasya'y nasa iyo, gawin mo ang nararapat

ngunit anumang isinuka'y isinuka na
pag kinain muli'y baka ikaw pa'y magipit
kaya sila'y tanggalin na sa iyong sistema
kaysa bandang huli'y magsisi ka pa't magngalit