Biyernes, Hulyo 31, 2009

Pangarap na Handog

PANGARAP NA HANDOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pangarap nating kayganda't kaytayog
na nagbabagang diwa'y mailuhog
at ang nasang pagbabago'y mahinog
na sa sambayanan ay maihandog

ngunit sa hirap tayo nama'y lamog
habang tiyan ng trapo'y bumibintog

sa kurakutan ang gobyerno'y bantog
pati na mga pulitikong hambog
ulo nati'y kanilang binibilog
kawawa naman itong bayang irog

o, kailan ba tayo mauuntog
upang bulok na sistema'y ilubog

halina't kumilos tayong may libog
di lalamya-lamya't baka mabaog
sistemang bulok ay dapat madurog
nang bagong bukas ang ating mahubog

Kamatis na Bulok Para sa Trapo

KAMATIS NA BULOK PARA SA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nalalapit na naman ang sunod na halalan
at tatakbong muli ang mga trapong gahaman
mangangamoy bulok muli ang pamahalaan
pag mga trapong bulok ang nanalong tuluyan

bakit ba sa mga trapo tayo'y nagtitiis
di ba't sa katungkulan sila'y nagmamalabis
at inaatupag lagi'y sariling interes
aba'y batuhin sila ng bulok na kamatis

pag merong bulok na kamatis sa isang kaing
agad iyong tinatanggal baka makalalin
tulad sa gobyerno, pag nanalo'y bulok pa rin
aba'y kumilos agad tayo't sila'y tanggalin

bulok na kamatis pag binato sa kanila
ay simbolo ng galit ng masang nagprotesta
dahil bulok yaong palakad nila't sistema
trapo'y sadyang bulok na kamatis ang kapara

kaya kung nais nati'y totoong pagbabago
ay huwag nating paupuin ang mga trapo
bulok na kamatis sa mukha nila'y ibato
baka sakaling matauhan ang mga ito

* makalalin - tagalog-Batangas sa makahawa

Huwebes, Hulyo 30, 2009

Kung Bangkay Mo Akong Matatagpuan

KUNG BANGKAY MO AKONG MATATAGPUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod, 6 saknong

isang paa'y nasa hukay na sa bawat misyon
habang pinipilit na bayan nati'y ibangon
malagim man ang katotohanang yakap ngayon
dinidilig ng dugo ang bawat rebolusyon

kaya kaibigan, dapat tayo'y laging handa
lalo na't sa pakikibaka, dugo'y babaha
sa ati'y walang puwang ang pagmamakaawa
sa mga kaaway ng ating uri't ng bansa

kung sakaling bangkay mo akong matatagpuan
pagkat nalugmok ako sa matinding labanan
o dinukot at pinaslang ng mga gahaman
ay huwag kang malulumbay, aking kaibigan

pagkat mga tulad ko'y hindi iniiyakan
buhay na iwi'y sadyang inalay na sa bayan
marahil ay sadyang nais lang ni Kamatayan
na mga tulad ko'y tumula sa kalawakan

walang atrasan, kamatayan man ang harapin
nang magampanang husay ang ating simulain
titiyakin nating adhikain ay kakamtin
di tayo susuko, sa putik man ay malibing

tanging hiling ko lang na sa huli kong hantungan
na kahit papaano'y may hustisyang makamtan
di lamang ako kundi ang buong sambayanan
iyon ay pag lipunan ay nabagong tuluyan

Sa Mga Pumapatay ng Oras

SA MGA PUMAPATAY NG ORAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod, 6 saknong

sayang lamang ang oras na walang ginagawa
maghapon at magdamag silang nakatunganga
para bang ang buhay sa kanila'y balewala
ayaw kumilos at lagi nang nakatulala

ay, talaga ngang kayhirap magbilang ng poste
pagkat pagbibilang nito'y ano ba ang silbi
parang wala nang bukas ang tingin sa sarili
naiisipang magdroga at nananalbahe

sila ba'y nag-aabang lang ng mga biyaya
na para bang si Juan Tamad ay ginagaya
na naghihintay kung bayabas ay babagsak na
kaya sa tapat ng puno'y nakanganga sila

kasiya-siya ba ang pagpapatay ng oras
o ito'y gawa ng walang maasahang bukas
mahirap naman kung sila'y pulos alingasngas
nais magpatulog-tulog, bumbunan ay butas

hoy, magsigising kayong oras ay pinapatay
ayusin nyo naman ang inyong sariling buhay
at huwag pabayaang kayo'y mistulang bangkay
dahil kami sa inyo'y hindi makikiramay

halina't oras ay gamitin natin ng tama
isipin kung ano bang silbi natin sa bansa
halina't mag-isip ng anumang magagawa
para sa kinabukasan ng bayan at madla

Pasasalamat sa Inyo, Mga Kasama

PASASALAMAT SA INYO, MGA KASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

maraming salamat sa inyo, kasama
kung mga tula ko'y inyong binabasa
pagkat ito naman ay para sa masa
at ambag sa kanilang pagkakaisa

ninanais nyo bang kayo ay handugan
ng mga tulang para sa ating bayan
o nais nyo'y tula ng pag-iibigan
turan nyo nga't kayo'y aking pagbibigyan

tula'y gamit ko sa pag-oorganisa
lalo na sa ating pagpopropaganda
isyu'y inilapat sa sining at letra
taludtod at saknong ay para sa masa

naghahabi ako ng mga salita
pinagtutugma rin ang mga kataga
para pagkaisahin pati ang madla
tungo sa pagbabagong inaadhika

ito lang naman ang aking nagagawa
ang maghandog sa inyo ng abang tula
igagawa kayo ng tulang may luha
o kaya naman mga tulang may tuwa

tula ko'y handog sa lahat ng kasama
tula sa manggagawa at magsasaka
tula sa kababaihan at sa masa
tula ng pagbangon at pakikibaka

tula'y alay sa bansa't sa ibang nasyon
alay din sa susunod na henerasyon
tula'y panawagan ding magrebolusyon
habang sigaw natin: sosyalismo ngayon!

kung sakaling tula ko'y di nyo basahin
ay di problema kahit balewalain
at pag namatay, tula ko'y di na akin
dahil mundo na ang dito'y mag-aangkin

Salamisim sa Pagkatha

SALAMISIM SA PAGKATHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ako ang bahala sa aking mga tula
pagkat ito naman ay aking mga akda
at karamihan ditong aking tinutudla
ay yaong maling sistema sa ating bansa

ngunit kung dahil sa mga tulang nilikha
ay may magagalit at buhay ko'y mawala
aba, epektibo pala ang aking tula
kaya magpapatuloy ako sa pagkatha

kaya nga ngayon panay ang aking paggawa
ng mga tulang sa maraming isyu mula
at samutsari ring sa buhay ko'y adhika
ay akin nang kinakatha para sa madla

kung sakaling nakita mo akong tulala
ako'y naghahabi lang ng mga kataga
na ginagamit ko'y sarili nating wika
upang maipadama sa masa ang katha

kaya halina't samahan akong tumula
halina't ligawan din ang mga salita
damhin din natin ang mga luha at tuwa
ng mga aping kababayan nating dukha

Miyerkules, Hulyo 29, 2009

Ang Huling SONA ni Gloria

ANG HULING SONA NI GLORIA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

1
sadyang asar na asar itong taumbayan
sa huling SONA ni Arroyo sa Batasan
dahil pawa raw mga kasinungalingan
ang kanyang mga ulat sa harap ng bayan.
2
ang SONA ni Gloria'y parang isang konsyerto
na pinanood ng mga kampong demonyo
doon ay nagkumpulan itong mga trapo
tila nag-aabang lang ng pork barrel dito.
3
bayang nakinig ay maraming katanungan
bakit pawang kasinungalingan na naman
yaong kanyang iniulat sa taumbayan
at ang pagsasabi ng totoo'y kailan.
4
may ginawa ba siya para sa obrero
bakit marami ang nawalan ng trabaho
bakit yumayaman ay pawang mga trapo
at kaunlaran ay ramdam lang ni Arroyo.
5
sa trabaho'y sunod-sunod na ang tanggalan
at demolisyon ng aming mga tahanan
pinalalayas pa ang vendors sa lansangan
at ramdam pa rin ng masa ang kahirapan.
6
nagpapatuloy pa itong globalisasyon
na salot sa masa, manggagawa at nasyon
obrero'y biktima ng kontraktwalisasyon
maraming dukha'y biktima ng demolisyon.
7
sa huling SONA ni Gloria, anang obrero:
"ikaw yata'y isang walang kwentang pangulo
pinaikot-ikot mo lang ang aming ulo
at walang napala sa siyam na taon mo."
8
ang sabi naman ng maraming maralita:
"si Gloria'y magaling lang mangako sa dukha
wala pa ring bahay, kami pa ri'y tulala
at patuloy pang isang kahig, isang tuka."
9
ang huli niyang SONA'y pawang pambobola
habang trapo'y pumapalakpak pati tenga
yaong kaunlaran nga'y ramdam lang ni Gloria
habang patuloy pa rin ang hirap ng masa.
10
ang huling SONA ni Gloria sana nga'y huli
baka huling SONA lang bilang presidente
dahil kung bansa'y magiging parlyamentari
baka mag-Prime Minister na si Gloriang bwitre.

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 2, Taon 2009, p. 8.

Pera-pera Lang Pala Sila

PERA-PERA LANG PALA SILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

pera-pera lang daw itong mga trapo
at ginagawang negosyo ang serbisyo
anong gagawin ng bayan pag ganito
pera-pera lang ang serbisyo sa tao

akala ng trapo'y mabibili lahat
tingin sa sarili'y sila'y mga sikat
babayaran pati ang iyong dignidad
habang kabang bayan ay kinukulimbat

iboboto pa ba natin silang muli
o iba na ang dapat nating mapili
dapat yatang iboto'y ating kauri
at hindi yaong may dugong makapili

pera-pera lang itong trapong gahaman
dapat natin silang pigilang tuluyan
bago tuluyang malugmok sa putikan
ang kinabukasan natin at ng bayan

Huwebes, Hulyo 23, 2009

Kamatayan ng Isang Sistema

KAMATAYAN NG ISANG SISTEMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Nagbabaga ang takipsilim sa kanluran
Na para bang magdadala ng kamatayan
May nagbabadya ring unos sa mamamayan
Ngunit hindi natin malaman kung kailan.

Habang ang uring manggagawa'y nangangarap
Na mag-aklas nang maibsan ang paghihirap
Ng sambayanang hindi naman nililingap
Ng gobyernong inutil at aandap-andap.

Nais nilang matupok ang sunog na dala
Ng bulok na sistemang mapagsamantala
Nais nilang durugin ang mga balyena
Na naroon sa Kongreso't tatawa-tawa.

Ngunit sa pulitika, trapo'y naghahari
Sa ekonomya'y bayan ang dinuduhagi
Tila pinagtatawanan tayo palagi
Ng mga trapong sa ati'y umaaglahi.

Paano ba natin tuluyang dudurugin
Ang sistemang sa atin ay umaalipin?
Paano ba natin tuluyang haharapin
Ang mga problemang dumudurog sa atin?

Sakdal-tindi ang ating nakakamtang lumbay
Kung magpapabaya lang sa kanilang sungay
Kung tutunganga'y unti-unting mamamatay
Lalaban tayong bukas ang nakasalalay.

Kalayaan natin ay kanila nang inagaw
Kaya't kikilos tayo't di basta papanaw
At dito sa silangang sikatan ng araw
May pag-asa't bukas pa tayong natatanaw.

Adhika nati'y kamatayan ng sistema
At kamatayan rin sa mapagsamantala
Sa malalim na hukay ibabaon sila
Upang sila'y di na muling makabangon pa.

At sa kalupaan ay ihahasik natin
Yaong binhi ng paglayang sa puso'y angkin
Binhi ng kalayaan ay patutubuin
At walang anumang pribadong aariin.

Ngunit hindi tayo dapat na maghintay pa
Ang galit sa sistema'y ramdam na ramdam na
Patuloy tayong kumilos at magkaisa
Hanggang ang sistema'y kapusin ng hininga.

Panawagan ng mga Dukha

PANAWAGAN NG MGA DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Nais nami’y pabahay, pagkain, trabaho
Hindi Con Ass, hindi trapo, hindi martial law
Nais rin namin ng tunay na pagbabago
At isama sa pag-unlad ang mga tao

Kasalukuyang gobyerno’y walang magawa
Upang umunlad ang buhay ng mga dukha
Kami pa rin ay gutom at nagdaralita
Sa gobyernong ito’y wala kaming napala

Ayaw rin naming mag-Con Ass itong Kongreso
Pagkat dayuhan ang makikinabang dito
Lupa’y aariin ng sandaang porsyento
Aagawin na ito sa mga Pilipino

Dapat trapo rin ay mawala nang tuluyan
Dapat mawala ang naghahari-harian
Dapat madurog ang sumasakal sa bayan
Pati na ang mga bentador na gahaman

Ang mga bombahan ay dapat nang matigil
Pagkat maraming buhay na ang nakikitil
Mga may pakana nito’y dapat masupil
Silang nais ng martial law sa masa’y taksil

Nais namin ay isa nang bagong sistema
Isang sistemang walang pagsasamantala
Sistemang hindi pagtutubuan ang masa
Kaya tayong lahat ay dapat magkaisa

Nais nami’y pabahay, pagkain, trabaho
Hindi Con Ass, hindi trapo, hindi martial law
Nais rin namin ng tunay na pagbabago
At isama sa pag-unlad ang mga tao

Mahalin natin ang kalikasan

MAHALIN NATIN ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

mahalin natin ang kalikasan
pagkat isa lang ang ating mundo
kung ito'y ating pababayaan
tiyak magiging kawawa tayo

papayag na ba tayong mawala
ang mundong kinalakihan natin
papayag na ba tayong masira
itong daigdig na sadyang atin

hindi, huwag, pagkat kawawa lang
ang bukas ng ating mga anak
at huwag pabayaan sa hunghang
baka mundo'y lalong mapahamak

alagaan natin ang daigdig
ito'y huwag nating pabayaan
pagkat ito'y pugad ng pag-ibig
ng marami nating mamamayan

Martes, Hulyo 21, 2009

Butas na ang mga bangko sa Kongreso

BUTAS NA ANG MGA BANGKO SA KONGRESO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Sa Kongreso'y butas na ang mga bangko
Binutas nilang kongresistang hunyango
Na mga pangako sa masa'y pinako
Pagkat nasa isip, paano tumubo.

Butas na ang mga bangko sa Kongreso
Binutas na nitong mga pulitiko
Silang walang ginawa sa loob nito
Kundi maghintay lang ng pork barrel dito.

Binutas na nila yaong mga bangko
Upang susunod ay di na makaupo
Batas pa nilang ginawa'y kaylalabo
Kaya itong bayan ay natutuliro.

Ah, wala na yatang bangko sa Kongreso
Pagkat binutas na nitong mga trapo
Trapong walang ginagawa sa gobyerno
Kundi lokohin ang bayan at ang tao.

Upuan

UPUAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod, soneto

Nalalapit na ang paligsahan
Marami na ang mag-uunahan
At kanila nang pag-aagawan
Ang upuang mapagluluklukan.

Laro’y tila ba agawang buko
At upuan ang kanilang premyo.
Sino kaya yaong mananalo?
Sinong uupo doon sa trono?

Nais nilang kunin ang upuan
Na simbolo ng kapangyarihan
At makontrol ang kaban ng bayan
At magpasasa lang ay iilan.

Dapat sa upuan ang manalo
Ay yaong maglilingkod sa tao.

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 2, Taon 2009, p. 8.

Sabado, Hulyo 18, 2009

Puso'y Binagabag ng Dilag

PUSO'Y BINAGABAG NG DILAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

merong isang kaygandang dilag
na sa akin ay bumagabag
ang hiling ko siya'y mahabag
sa puso kong kanyang binihag.

siya ang aking pinangarap
at siya'y akin nang nahanap
kaya ako na'y nagsisikap
o, kaysarap niyang kausap!

ngunit di ko mapangakuan
na ialay ang kalawakan
ni ang ganda ng tala't buwan
dahil ako'y mahirap lamang.

ang tanging naipangako ko
magsisikap ako ng husto
upang pag nagsamang totoo
mabubuo'y pamilyang bago.

ngunit ako'y binabagabag
kaya nga nagpapakatatag,
mapapasagot ba ang dilag
na sa iwing puso'y bumihag?


Nakasiyam na Taon na Siya

NAKASIYAM NA TAON NA SIYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

O, bayan, may napala ba kayo
Sa siyam na taong pamumuno
Ng pamahalaan ni Arrovo
Di ba't sinuka na ninyo'y dugo

Nakasiyam na taon si Gloria
Bilang pangulo ng ating bansa
Ngunit siyam na taong disgrasya
Itong napala ng kapwa dukha

Wala ngang kwenta ang namumuno
Pagkat ang tanging inasikaso
Ay kung saan lang siya tutubo
At serbisyo'y ginawang negosyo

Aba'y sobra ang siyam na taon
Ng pagkawawa sa sambayanan
Dapat siya'y tuluyang ibaon
Sa kangkungan na ng kasaysayan

Halina't sa kanyang huling SONA
Ay lumabas tayo sa lansangan
At sa kanyang mukha'y ipakita
Bulok ang kanyang panunungkulan!

Ramdam ni Gloria ang Kaunlaran

RAMDAM NI GLORIA ANG KAUNLARAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig


Ramdam ni Gloria ang kaunlaran
Ngunit siya lang ang nakaramdam
Ramdam ng masa ang kahirapan
Kaya masama ang pakiramdam.

Ramdam ni Gloria ang kaunlaran
Pinarami niya ang daanan
Habang bahay, dinemolis naman
Pag-unlad pala ito ng ilan.

Kaunlaran para sa dayuhan
At pati rin sa mamumuhunan
Sinira rin pati kalikasan
Para lang kanilang pagtubuan.

Ramdam ng masa ang kahirapan
Pagkat patuloy ang kagutuman
Imbes tao'y pag-unlad ng daan
Ang ginawa ng pamahalaan.

Obrero'y biktima ng tanggalan
Maralita'y wala ng tahanan
Api rin pati kababaihan
Buhay nila'y lublob sa putikan.

Tanging si Gloria lang, di ang bayan
Ang nakaramdam ng kaunlaran!

May Namamatay Din Pala sa Kabusugan

MAY NAMAMATAY DIN PALA SA KABUSUGAN
ni Greg Bituin Jr.
15 pantig

may mga ilan na ang namatay sa kabusugan
ngunit mas maraming namamatay sa kagutuman

sa mundo'y kayraming naghihirap ang nalulumbay
dahil walang makain, para silang mga patay
kaytitindi ng gutom nila't di na makadighay
parang nauupos na kandilang nakalupasay
sa banig ng karukhaang tila di mabubuhay

may mayayaman namang namatay sa kabusugan
baka sa kasakiman nila'y doon nasobrahan
lamon ng lamon silang para bang butas ang tiyan
di maalalang magbahagi sa gutom na bayan
sana'y mabulunan sila't mamatay ng tuluyan

panahon nang naghihirap ay mag-aklas ng tunay
hanggang sistema'y malugmok at sila'y magtagumpay!

Biyernes, Hulyo 17, 2009

Wakasan ang Con Ass

WAKASAN ANG CON ASS
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

Con Ass ng mga Hudas
ay dapat nang magwakas

dapat tayong mag-aklas
labanan silang ungas

pagkat di pumarehas
ayaw nilang pumatas

nasa'y mabalasubas
itong Saligang Batas

dahil yata may basbas
ng banyaga ring hudas

tayo nang magpalakas
upang sila'y malagas

o ipiit sa rehas
bago tayo mautas

ng mga bwitre't ahas
na pawang talipandas

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 1, Taon 2009, p. 8.

Martes, Hulyo 14, 2009

Titigan Mo Ang Masa't Ang Trapo

TITIGAN MO ANG MASA’T ANG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

1
Puntahan nating sandali ang masa
Pakatitigan mo ang buhay nila
Tila ang masa'y nakakangiti pa
Ngunit ang loob nila'y galit pala
2
Titigan mo ang mga manggagawa
Mababakas mo ang sipag at tyaga
Gawa nila'y ekonomya ng bansa
Ngunit sila pa ang kinakawawa
3
Titigan mo ang maralitang lungsod
Sa mukha nila'y bakas na ang pagod
Sa buhay nila ikaw'y malulunod
Pagkat sa hirap di ka malulugod
4
Titigan mo rin ang kababaihan
Di ba't ina ang kanilang larawan
Ngunit bakit inapi ng lipunan
Laging tinitingnan ay kaseksihan
5
Titigan mo ang mga aktibista
Na taas-kamaong nakikibaka
Upang mabago bulok na sistema
Marami nang pinaslang sa kanila
6
Titigan mo ang mga estudyante
Sa kanila'y di ka ba nabibingi
Edukasyon ay ipinagbibili
Habang nakararami'y walang paki
7
Titigan ang pesante't mangingisda
Titigan mo rin ang pulubing dukha
Ikaw ba sa kanila'y nahihiya
Magaling ka ngunit walang magawa
8
Halina't tayo naman ay sumaglit
Sa nagdulot ng buhay na mapait
Titigan mo ang gobyernong kaylupit
At tiyak tutubuan ka ng galit
9
Titigan mo ang mukha ng pangulo
O kaya'y mukha ng sinumang trapo
Paniwala mo ba'y sila'y seryoso
Na naglilingkod nga sa mga tao
10
Titigan mo pati presidensyabol
Matino ba sila o mga ulol
Sa telebisyon ay panay ang tahol
Lingkod-bayan daw sila't hindi pulpol
11
Titigan mo sa mata ang nag-Con Ass
Tila ba nabuhay itong si Hudas
Kongreso ba'y pugad ng balasubas
Kung di'y bakit kayrami doong ungas
12
Titigan mo ang mga pulitiko
Titingnan ka ba nila ng diretso
O iiwasan nila ang mata mo
Pagkat alam na may sala sa tao
13
Makipagtitigan ka sa kanila
Titigan hanggang lumuwa ang mata
Sinong malulusaw: ikaw o sila
Baka silang ang mukha'y kaykapal na
14
Mga mata ko rin ay titigan mo
Sasama ka ba sa mga tulad ko
At handang yakapin ang aktibismo
Upang baguhin ang lipunang ito
15
Bakit may pinagsasamantalahan
At bakit may mahirap at mayaman
Bakit paggawa'y pinagtutubuan
Ngunit gumagawa'y api-apihan
16
Nasa iyong kamay ang kasagutan
Kung kikilos ka laban sa gahaman
Halina't pag-aralan ang lipunan
At huwag nang tumunganga pa riyan

Bahay Ko, Mahal Ko

BAHAY KO, MAHAL KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig


Masdan mo, kayrami ng walang tahanan
Natutulog lamang sa mga lansangan
Kasama'y pamilya, karton ang higaan
At nilalamig pa't wala ring bubungan.

Iba'y nakatira doon sa kariton
Sa hirap ng buhay ay walang malamon
Minsa'y naglalakad sa buong maghapon
Hanap ay pagkain, parito't paroon.

Sadyang lipunan ba'y hindi makatao?
Bakit walang bahay ang marami dito?
Sila ba'y biktima ng hirap sa mundo?
Wala bang magawa pati na gobyerno?

Di ba't lahat tayo'y dapat may tahanan?
Pagkat ito'y ganap nating karapatan
Bahay ang tahanan at di ang lansangan
Ito'y karapatang dapat ipaglaban.

Kami'y barung-barong ang tahahan ngayon
Buti'y may tirahan, kahit hindi mansyon
Kung mayroon silang tangkang demolisyon
Aming lalabanan kung magkakagayon.

Paano na tayo kung walang tahanan
Ang ating pamilya'y saan mananahan
Saan na ang pugad ng pagmamahalan
Parang hinila na tayo sa libingan.

Ang tahanan natin ay pakamahalin
Huwag itong basta babalewalain
Nang sa bandang huli, di tayo sisihin
Ng ating pamilyang minamahal natin.

Ang dukha'y di dapat upos na kandila
Na sa kalagayan ay walang magawa
Dapat may tahanan yaong mga wala
Dapat may trabaho yaong maralita.

Tulungan din natin ang idedemolis
Tinataboy silang parang mga ipis
Pag nangyari ito'y maraming tatangis
Mga ina't anak ay maghihinagpis.

Dapat magkaroon ng isang proyekto
Sa maraming dukha dito sa bayan ko
Ang mungkahi namin, "Bahay ko, mahal ko"
At ipaglalaban ang bahay ng tao.

Mga kababayan, tayo'y magkaisa
Dapat ito ngayong maumpisahan na
Karapatan natin at ng bawat isa
Na tayo'y may bahay para sa pamilya.

"Bahay ko, mahal ko" ay gawing proyekto
At palaganapin ang konseptong ito
Ito'y handog natin sa bayan at mundo
Tungo sa lipunang sadyang makatao.

Linggo, Hulyo 12, 2009

Di Ako Mamamalimos

DI AKO MAMAMALIMOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Ako yata'y patay na sa mundo
Kakapusan nga'y di na matapos

Nabubuhay na parang di tao
Pagkat ako ngayon ay busabos

Lagi nang gutom, lagi pang hilo
Dahil sa kalagayan kong kapos

Ngunit tangan ko pa ang prinsipyo
Kaya't patuloy na kumikilos

Ang kaawaan ako'y ayoko
Kahit na ako'y walang panggastos

Dukha man ay magpapakatao
Kahit ako na'y pulubing lubos

Kakanin ko'y tatrabahuhin ko
Kahit hirap basta makaraos

Mamamatay akong gutom dito
Ngunit di ako mamamalimos

Patuloy pa ring taas-kamao
Buhay ko ma'y tuluyang magtapos

Sabado, Hulyo 11, 2009

Huwag Patulog-tulog sa Pansitan

HUWAG PATULOG-TULOG SA PANSITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig

hoy, kaibigan, bakit ka patulog-tulog diyan
kawawa naman yaong nagtitinda sa pansitan
pagkat ang pansitan niya'y hindi mo pahingahan
bumangon ka na diyan bago ka niya dagukan.

tila nangangarap ka't panaginip ay kaytayog
mga mata mo'y may muta pa't tila ka nilamog
hoy, gumising ka diyan, huwag kang patulog-tulog
kung ayaw mong magkapasa't katawan ay mabugbog.

itong bayan ay pakasuriin mo't makiramdam
kung ikaw sa paligid mo'y sadyang may pakialam
tingnan mo nga't kayraming mga pulitikong paham
dahilan sila kaya pag-unlad ay nababalam.

sa pansitan kasi'y patulog-tulog ang marami
ang bansa'y napabayaan at di kinakandili
kaya tayong narito'y nasa karimlan ng gabi
at pinamumunuan ng mga trapong salbahe.

pinamugaran ang bayan ng maraming tiwali
na pulitikong sa mga dukha'y umaaglahi
namumugad din dito'y mga elitistang imbi
na kinakawawa'y ang sariling bayan at lipi.

hoy, huwag nga tayong patulog-tulog sa pansitan
halina't pakasuriin ang ating kalagayan
at pag-aralan din ang kinasadlakang lipunan
para sa kinabukasan ng masa at ng bayan.

patalsikin ang mga pulitikong pawang hambog
at mga elitistang kung magyabang ay kaytayog
ang rebolusyon ng bayan ay dapat nang mahinog
upang tayo na'y makaahon sa pagkakalubog.

Sa Iyo, Aking Liyag

SA IYO, AKING LIYAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig

ikaw ba sinta, ang matagal ko nang hinahanap
kung saan-saang lupalop pa kita hinagilap
kung makikilala na kita'y tiyak na kaysarap
pagkat masayang puso itong aking malalasap

ikaw na ba ang katuparan ng aking pangarap
kaya ba sa mundong ito ako nga'y nagsisikap
at kung sakali bang makikilala kita ng ganap
ako ba'y matatapunan mo ng iyong paglingap

hindi ko alam kung ikaw nga ang para sa akin
di pa nais ng tadhanang ito'y aking alamin
ngunit kung sakaling sa iyo ako nga'y palarin
titiyakin kong ikaw'y aking pakamamahalin

hanggang dito na lang muna, o, aking nililiyag
baka mapanagimpan kitang muli sa magdamag

Biyernes, Hulyo 10, 2009

Pangarap man ay lumulutang sa malayo

PANGARAP MAN AY LUMULUTANG SA MALAYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Pangarap man ay lumulutang sa malayo
Indayog ng guniguni'y di mapaglaho
Ang bawat ngiti ma'y di ngiwi ng pagsuyo

Makibaka pa rin tayo't magpapalakas
Obrero'y pagkaisahin sa tamang landas
Nang maitatag ang nasang sistemang patas

Tapusin na ang sistemang mapang-aglahi
At ibagsak ang mga tuso't naghahari
Lahat ng obrero'y buuin bilang uri

Buklurin nating tunay silang manggagawa
At itayo ang sistemang mapagpalaya
Nararapat lang ibagsak bawat kuhila

Huwebes, Hulyo 9, 2009

Ilang Laro sa Wika

ILANG LARO SA WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig

may tinda ang mga tindero
may bomba ang mga bumbero

may babae ang babaero
may pasahe ang pasahero

may mata ba ang matadero
may asin ba ang asindero

may alak ba ang alahero
may tore ba itong torero

nasa kusina'y kusinero
nasa bodega'y bodigero

nasa biyahe'y biyahero
nasa lakwatsa'y lakwatsero

nasa hardin ang hardinero
nasa kabin ba'y karpintero

nambobola itong bolero
namboboso itong bosero

namimintas ang pintasero
kumakaskas ang kaskasero

naglalasing ang lasenggero
tumatanggi ba ang tanggero

manganganta ba ang kantero
namamangka ba ang bangkero

may tubo na ba ang tubero
may mina na ba ang minero

palikpik ba'y sa palikero
at pating ba'y sa patintero

bara-bara ba ang barbero
paano naman ang kaldero

may abo ba ang abogado
may asin ba ang asintado

abono ba'y sa abonado
taranta ba ang tarantado

kung nagbobomba ang bumbera
ano ang gawa ng bandera

alam kong di kayo nalito
sa paglalaro nating ito

pinapatunayan lang dito
umuunlad ang wikang ito

wika nati'y umaasenso
nalilinang, napoproseso

kaya alagaang totoo
ang ating wikang Pilipino

Putang Ina

PUTANG INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsan ako sa puta'y nakatitig
habang hawak ang serbesang malamig
ano kaya ang pinahihiwatig
ng kanyang gumagaralgal na tinig

maya-maya'y kausap ko na siya
mayroon daw siyang anak na isa
naanakan ng isang may-asawa
at sa kanila'y di na nagpakita

wala siyang trabahong mapasukan
ang hanap kasi'y may pinag-aralan
may kursong tinapos sa paaralan
ngunit wala siyang diplomang tangan

dahil sa hirap, di nakapag-aral
dahil sa hirap, puri'y kinalakal
dahil sa hirap, nawalan ng dangal
dahil sa anak, di nagpatiwakal

putang ina'y gumapang na sa lusak
upang mapakain ang kanyang anak
sa harap ng marami'y umiindak
habang sa pisngi, luha'y pumapatak

putang ina'y pasan na ang daigdig
nagsakripisyo dahil sa pag-ibig
sa anak na laging nangangaligkig
sa gutom na sadyang nakakaantig

ang puta'y masama, ayon sa pari
ang puta'y aliwan, ayon sa hari
ang puta'y kalakal, ayon sa kiri
masama, aliwan, binenta'y puri

tanong ng puta'y kailan lalaya
sa kalagayang sila ang kawawa
sa kanyang tanong ako nga'y napatda
di agad ako nakapagsalita

dibdib niya'y ramdam kong nagngangalit
saan daw ba ibubunton ang galit
sa kapalaran bang sadyang kaylupit
o sa lipunang sadyang mapanlait

nang matauhan agad kong nasabi
habang lumalagok ako sa bote
na itong gobyerno'y bulag at bingi
sa hinaing nitong nakararami

pati lipunan ay dapat sisihin
dahil ang tingin sa dukha'y alipin
naghaharing uri'y dapat sambahin
dapat ang lipunang ito'y baguhin

may kasalanan ba ang putang ina
sa lipunang ito kaya nagputa
tila putang ina'y mas dakila pa
sa pulitikong bansa ang pinuta

kahit hilo pa ako'y nagpaalam
sa kanyang kung kumapit parang langgam
habang ang mata niya'y humihilam
lumuluha bagamat umaasam

nagputa ang ina dahil sa hirap
pinuta ng lipunang mapagpanggap
ina'y nagputa dahil nangangarap
na balang araw, ginhawa'y malasap

Puta

PUTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

I.

Gusto ba ng puta na maging puta?
Pagpuputa ba'y inambisyon niya?

Hindi, walang babaeng nanaisin
Na maging putang lalait-laitin

Ngunit siya'y nasadlak sa putikan
Dahil itinulak ng kahirapan

Pagpuputa'y di niya pinangarap
Ngunit kanyang pamilya'y naghihirap

Kaya kumapit siya sa patalim
Pagpuputa ma'y karima-rimarim

Kahirapan ng buhay ang nagtulak
Upang sa pagpuputa na'y masadlak

Puri't karangalan ay pinagpalit
Nang pamilya'y mabuhay niyang pilit

II.

Noon, magandang dalaga't sariwa
Kaya iniirog sila ng madla

Ngayon, sila'y mga bayarang puta
Para mabuhay, ginamit ang ganda

Puta'y nabuhay sa mundong ibabaw
Pagkat buhay ng pamilya'y mapanglaw

Kaysa naman sila'y agad pumanaw
Puri'y kinalakal na parang lugaw

Ah, para na silang nagpatiwakal
Dito sa mundong ang hari'y kapital

Umaasa pa rin ang mga puta
Na magbabago itong buhay nila

Hangad makaraos sa kahirapan
Di pahirapang maging parausan.

III.

Ano bang kinabukasan ng puta
Sa ganitong lipunang api sila

Pagkat sa lipunang kapitalismo
Ang babae'y tinatratong produkto

Tingin sa babae'y bagay, di tao
Tingin sa puta'y aliwan lang dito

Kaya't dapat pangarapin ng puta
Na mabago ang bulok na sistema

Kung saan walang magpuputa dahil
Sa kahirapan at mga hilahil

Kaya isama ang puta sa laban
Upang lipunang ito'y mapalitan

At ating itayo'y isang lipunang
Di kakalakalin ang karangalan.

Lipunan ang Dapat Mag-ari

LIPUNAN ANG DAPAT MAG-ARI
ni Matang Apoy
11 pantig

di dapat nag-aari ang iilan
ng ikinabubuhay ng lipunan

dapat lang ariin nitong lipunan
ang ikinabubuhay ng iilan

Miyerkules, Hulyo 8, 2009

Ilehitimong Utang, Kanselahin

ILEHITIMONG UTANG, KANSELAHIN
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Mga utang na ilehitimo
Dapat kanselahin na ng todo
Upang hindi na maging tuliro
Itong sambayanang Pilipino

(Biglaang naisip at agad isinigaw ng makata bilang islogan sa naganap na pagkilos sa harap ng tanggapan ng World Bank sa Makati, Hulyo 8, 2009, kasama ang FDC, Sanlakas, BMP, Jubillee South, atbp.)

Martes, Hulyo 7, 2009

Kapayapaan sa Mundo - tulawit :-)

I-align sa GitnaInspirasyon ko sa tulang ito ang "We are the world" na sinulat nina Michael Jackson at Lionel Richie. Ngunit habang isinusulat ko ito, ay kinakanta ko ito sa himig ng "I'll be there" ni Michael Jackson nuong bata pa siya. Kaya pwede ko itong tawaging tulawit (tula at awit).

KAPAYAPAAN SA MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I

Kapayapaan sa buong mundo
Ang hinihiling namin sa inyo

Iba-iba man ang kulay natin
Kapayapaang hiling ay dinggin

Payapang mundo'y ating regalo
Ito'y para sa lahat ng tao:

Tigilan na ang mga digmaan
Pati na ang mga pamamaslang

Tigilan na ang mga salpukan
At problema'y ating pag-usapan

Ayusin natin ang mga gulo
Lutasin natin ang puno't dulo

Ngunit dapat mahinahon tayo
Upang kapayapaa'y matamo

II

Maraming gutom dahil maraming ganid
Di nagbibigayan ang magkakapatid

Ang maraming problema't mga hilahil
Ay nais lutasin sa dulo ng baril

Ang iba'y nag-aari ng laksa-laksa
Ngunit barat sa sahod ng manggagawa

Ang iba nama'y maraming lupang angkin
Ekta-ektarya kasama pati bangin

Dahil sa angking pribadong pag-aari
Marami ang nawalan sa tao't lahi

Gayong maliit lang itong kailangan
Upang mapakain ang buong lipunan

III.

Lumaganap na itong kahirapan
At kagutuman sa maraming bayan

Nagpapatayan kahit sila-sila
Upang maibsan lang yaong problema

Habang ang ilan ay nagpapakabundat
Kahit maraming tao'y nagsasalat

Nagpapayabangan naman ang iba
Ng armas-nukleyar, mga panggera

Pera'y kung saan-saan ginagastos
Imbes sa pagkain, gamot, pantustos

Ang ginhawa ba'y para lang sa ilan
Di ba't ito'y dapat pangkalahatan

Matatamo lang ang kapayapaan
Kung mayroong hustisyang panlipunan

IV

Kayganda ng daigdig na payapa
Walang kaguluhan sa bawat bansa

Walang gutom ang tao, kahit bata,
Pagkat pag-ibig nasa puso't diwa

Kaya simulan nating iadhika
Ang pagsusulong ng mundong payapa

Upang maraming problema'y maibsan
At magkaroon ng kapayapaan

Ipalaganap natin ang pag-ibig
Sa bawat puso'y ito ang idilig

At sa hustisya tayo ay sumandig
Upang maging payapa ang daigdig

Ang Tunay na Hukbong Mapagpalaya

ANG TUNAY NA HUKBONG MAPAGPALAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

uring manggagawa, kayo pa ba'y tulog pa?
rebeldeng sundalo sa inyo'y papalit na

sila daw ang bagong hukbong mapagpalaya
payag ba kayo dito, mga manggagawa?

di na ba maaasahan itong obrero
kaya ipapalit ay rebeldeng sundalo

tila nagbago ang landas ng rebolusyon
rebeldeng sundalo'y pangunahin na ngayon

nagbago na ba ang inyong paniniwala
na uring manggagawa ang mapagpalaya?

hindi na ba ninyo pinaninindigan pa
na kayong obrero ang pag-asa ng masa

bakit tayo naghahanap ng ibang pwersa
kung sa manggagawa'y naniniwala ka pa

yayakapin ba nitong rebeldeng sundalo
ang sosyalismong nilalayon ng obrero

payag ba silang ang pag-aaring pribado
ay tanggalin sa kanila sa sosyalismo

natitiyak nyo bang magiging sosyalista
ang rebeldeng sundalo o sila'y pasista?

paano mo matitiyak na di pasismo
ang kanilang paiiralin pag nanalo

baka pag nangyaring sila ang nakapwesto
ay agad durugin ang kilusang obrero

nasaan na ba ang iyong sampalataya
sa rebeldeng sundalo ba o manggagawa?

alam mo bang magkaiba silang dalawa
sa kung paano palalayain ang masa?

mga rebeldeng sundalo'y nasyunalista
uring manggagawa'y internasyunalista

kalaban ng rebeldeng sundalo'y Arroyo
kalaban ng manggagawa'y kapitalismo

mga sundalo'y hanggang elektoralismo
pag napwesto'y baka mauwi sa pasismo

ang uring manggagawa'y hanggang sosyalismo
na kaganapan ng misyon nila sa mundo

iniisip ng rebeldeng sundalo'y bansa
at maglilingkod kahit buhay ay itaya

manggagawa'y walang kinikilalang bansa
pagkat lahat ng bansa'y dapat mapalaya

di misyon ng sundalo itong sosyalismo
pagkat ito'y dakilang misyon ng obrero

hinay-hinay lang, mga kasama't kapatid
baka iwing buhay nati'y agad mapatid

hindi ba't maraming aktibista'y pinaslang
ng mga ala-Palparang sundalong halang

kung di ka sang-ayon sa nangyayaring ito
aba'y organisahin ang kapwa obrero

maaasahan pa ba itong manggagawa
oo, pagkat sila'y hukbong mapagpalaya

gumising na manggagawa sa pagkaidlip
ating itatag ang lipunang nasa isip

huwag ipasa sa iba ang inyong misyon
palayain ang mundo ang sa inyo'y hamon

sintalim ng karit ang talas ng isipan
at sintigas ng maso ang paninindigan

ganyan dapat manggagawa'y mailarawan
pagkat sila ang magbabago ng lipunan

tanging ikaw lamang, o uring manggagawa
sa mundo'y tunay na hukbong mapagpalaya

kaya manggagawa, huwag mag-alinlangan
pagiging mapagpalaya'y pangatawanan

manggagawa sa buong mundo, magkaisa
halina't palitan ang bulok na sistema

walang mawawala kundi ang tanikala
ng pagkaalipin ng uring manggagawa

pasiklabin na ang rebolusyong obrero
at maghanda nang itatag ang sosyalismo

Linggo, Hulyo 5, 2009

Pamana ng Trapo’y Republikang Basahan

PAMANA NG TRAPO'Y REPUBLIKANG BASAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Ang bansa nating ito'y tinulad sa basahan
Ng mga trapong ganid na sa kapangyarihan
Sa kanila ang saya, sa masa'y kahirapan
Trapo'y palaging bundat habang gutom ang bayan.

Maging sa pulitika o kaya'y ekonomya
Sila'y naririyan na, pawang pami-pamilya
Relyebo ng mag-anak ang laging nakikita
Kahit sa Malakanyang ay naroroon sila.

Ekonomya, Kongreso't Senado'y kontrolado
Ng mayamang iilan, pati na pulitiko
Republikang basahan ang pamana ng trapo
Halina't ating tingnan ang kanilang epekto.

Pinatakaran nila'y itong globalisasyon
Na sadyang nagpahamak sa manggagawa't unyon
Serbisyo'y ninegosyo nitong pribatisasyon
Merkado ang bahala dahil deregulasyon.

Kalikasa'y sinira, yumaman ang banyaga
Pagkat pinagminahan ang ating mga lupa
Puno'y pinagpuputol kaya lagi ang baha
Pati kapaligiran ay binabalahura.

Ang dukha'y tinanggalan ng kanilang tirahan
Ang manggagawa nama'y biktima ng tanggalan
Magsasaka'y nawalan ng lupang sasakahan
Nag-ari'y ang kumpanya't kinapital ang bayan.

Katutubong kultura'y pilit ding tinatanggal
Pati ang katutubo'y aalisan ng dangal
Nais pang palayasin ng mga trapong hangal
Upang lupang ninuno'y makuha ng kapital.

Ang babae'y produkto sa mga palatastas
Sila'y pinagigiling sa maraming palabas
Alak, babae, sugal ang pinausong batas
Ganito ang sistema sa bayang dinarahas.

Karapata'y binili, edukasyon ay mahal
At mahal na rin kahit ang pagpapaospital
Ang lahat na'y may presyo at ginawang kapital
Tatawanan ka nila pag ikaw ay umangal.

Pulitikang binaboy, pulitikong gahaman
Ekonomyang winaldas, kapitalistang ilan
Wasak na kalikasan, kahirapan ng bayan
Na ang naging resulta'y republikang basahan.

Paghahari ng trapo'y dapat nating wakasan
At huwag ipanalo sa sunod na halalan
Ilibing sa pahina ng ating kasaysayan
Yaong pamilyang trapong walang silbi sa bayan.

Maralita, obrero, babae, magsasaka
Lahat ng aping sektor, halina't magkaisa
Republikang basahan ay ating palitan na
Ng gobyerno ng masa't matinong republika.

Pagbabaka-sakali

PAGBABAKASAKALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

I

Ako si Goriong Putik
Simple lang ngunit lintik
Kung bumili ng swipstik
Tila dito naadik

Kahit na tingi-tingi
Binili't hindi hingi
Nagbabaka-sakali
Upang di mapalungi

Pagkat aking pangarap
Buhay ko'y maging ganap
Ngayon ay nagsisikap
Swerte man ay kay-ilap

Umaasang tatama
Upang di na lumuha
Nakatulong ding pawa
Sa pagkakawanggawa

Paano naman kasi
Ang pinipintakasi
Nais nang maging kasi
Nang di ako magsisi

Dahil baka mawala
Ang sinisintang lubha
Siya'y aking diwata
Dito sa puso't diwa

At inaasahan ko
Sa swipstik ay manalo
At pag nangyari ito
Punta na sa kasal ko

II

Sa pamilya'y pangarap
Di na sila maghirap
Sana ako'y matanggap
Sa trabaho kong hanap

Ako'y bibili pa rin
Ng swipstik sa may amin
Lotto'y tatayaan din
Baka ako'y palarin

Nang makaahon naman
Sa dustang kalagayan
At pamilya'y umalwan
Sa aming kabuhayan

Dulot nito'y pag-asa
Sa marami ring masa
At sa kaunting pera
Pag tumama'y kaysaya

Kaya ako ma'y putik
Dangal ko'y walang batik
Ang lagi ko lang hibik
Mata'y huwag tumirik

Dahil sa kagutuman
At mga kahirapan
Kaya sana'y pagbigyan
Swipstik ko'y matamaan

Daan man ay matinik
Bibilhin ko ang swipstik
Nang buhay na tiwarik
Ay di na maging hindik.

Sabado, Hulyo 4, 2009

Agosto 21, 1983

AGOSTO 21, 1983
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Pinabagsak ka, Ninoy, sa may tarmak
Doon ka nilugmok at napahamak
Sa nangyari, marami ang nasindak
Habang diktadurya'y humahalakhak.

Pagkamatay mo'y naging isang mitsa
Sa nagngangalit na poot ng masa
Tatlong taon lamang ay bumagsak na
Itong mapang-aglahing diktadurya.

Maraming salamat sa iyo, Ninoy
Ginising mo ang bayang nananaghoy
Tuluyang napalayas ang nang-unggoy
Sa bayan nating ginawang palaboy.

Di nasayang ang iyong sakripisyo
Di nasayang ang buhay na alay mo
Isa kang bayani sa bayang ito
Na hinahanggan ng buong mundo.

Mayo 10, 1897

MAYO 10, 1897
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Ilang buwan pagkamatay ni Rizal
Nang ikaw ay kanilang isinakdal

Upang agawin ang pamumuno mo
At maghari ang mga ilustrado.

Si Heneral Aguinaldo'y nag-atas
Na iwing buhay nyo'y agad mautas.

Kapatid mong si Procopio at ikaw
Sa Bundok Buntis ay agad pumanaw.

Binaril ni Lazaro Macapagal
Kasama'y mga pili niyang kawal.

Mga bayaning Andres at Procopio
Kami rito'y nagpupugay sa inyo

Sakripisyo ninyo'y di masasayang
Pagkat kayo'y pawang bayaning hirang

Ngalang Bonifacio'y tumataginting
Sa kasaysayan ng bayang magiting.

Ang laban ninyo'y itutuloy namin
Pagkat bayan pa ri'y inaalipin.

Disyembre 30, 1896

DISYEMBRE 30, 1896
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Tanging ikaw lang yata ang nobelista
Sa buong mundo ang pinapatay nila
Dahil sa akda mong dalawang nobela
Ay iyong ginising ang diwa ng masa.

Maraming mamamahayag ang pinaslang
Dahil nagsiwalat ng katotohanan
Ngunit ikaw ay nobelista ng bayan
Na nagmulat laban sa mga gahaman.

Sadyang isa kang bayaning manunulat
Pagkat ginamit mo ang iyong panulat
Upang ang irog na bayan ay mamulat
At sala ng mananakop ay isumbat.

Aming bayani, pagpupugay sa iyo
O, Jose Rizal, dakila ka sa mundo.

Atas ng Damdamin

ATAS NG DAMDAMIN
ni Matang Apoy
10 pantig

(ginawan ko ng sequel ang tula ng isang magaling na makatang babae sa multiply)

Maari ba kitang rahuyuin.
Ngunit hindi kita lalandiin
Nakikiusap ang aking tinig.
Maari bang ako'y iyong dinggin.

Ngunit ako'y parang ligaw-tingin
Ikaw ba'y maari kong hilahin?
Di mo ako pasanin sa dibdib
Lalapit ako sa iniibig

Maaari ba kitang lapitan
Sa iyo pa rin ang kalayaan
Huwag mo lang akong talikuran
Kahit hindi tayo mag-aminan

O, hindi kita nginingisihan
Ikaw lamang ay nginingitian
Sana ako'y huwag kagalitan
Ito lang ang aking naramdaman

Biyernes, Hulyo 3, 2009

Walang Kamatayan si Michael Jackson

WALANG KAMATAYAN SI MICHAEL JACKSON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig

namamatay din pala ang tulad ni Michael Jackson
namamatay din pala ang inidolo ko noon

We are the World, Heal the World, Earth song, at iba pang kanta
mga mensahe para sa daigdig at sa masa

kaya awit niya'y di kailanman mamamatay
tulad ng awiting Bayan Ko na ngayon pa'y buhay

mga awiting nanunuot sa kaibuturan
dahil dama nating ito'y para sa mamamayan

si Susan Fernandez na magaling na mang-aawit
ay namatay sa kanser na sadyang kaytinding sakit

namatay si Elvis Presley na idolo ni nanay
ngunit mga awit niya'y nananatiling buhay

si John Lennon ng Beatles ay walang awang pinaslang
ngunit awit nila hanggang ngayo'y umiilanglang

pinaslang din si Cesar "Saro" Bañares ng Asin
ngunit kinalulugdan pa ang kanilang awitin

ang "My Way" ni Frank Sinatra ay buhay na buhay pa
kahit dahil sa "My Way" marami nang namahinga

marami pa silang kasabayang pawang idolo
ng maraming Pinoy sa panig na ito ng mundo

sila nga'y hinangaan sa kapanahunan nila
nagbigay inspirasyon ang kanilang mga kanta

sa mga awitin nila'y nais nating makinig
dahil sa mensahe, porma nila't ganda ng tinig

sila pa'y nasa alaala kahit nawala man
dahil sa iniambag nila sa sangkatauhan

tulad din ni Michael Jackson ng ating henerasyon
buhay pa siya sa henerasyon noon at ngayon

I want you back, I'll be there, mga walang kamatayan
Thriller, Billie Jean, Beat it, atin siyang hinangaan

magbabalik pa si Michael Jackson, magbabalik pa
di ang katawan kundi yaong mga awit niya

oo, may namamatay nga upang muling mabuhay
at ang ambag nila sa mundo'y hindi mamamatay

Miyerkules, Hulyo 1, 2009

Pulitikong Aso, Trapong Kabayo

PULITIKONG ASO, TRAPONG KABAYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

pulitikong aso, trapong kabayo
ganito ang sistema sa bayan ko
krisis ang nararanasan ng tao
dahil inutil yata ang pangulo

inaasikaso'y kapitalista
nais pa nilang sayawin ay ChaCha
sadya ngang pahirap sila sa masa
gobyerno pa bang ganito'y may kwenta?

krisis ng masa'y kanilang ginawa
nagsamantala rin sa manggagawa
con-ass ang kanilang inaadhika
buong bayan na ang kinakawawa

pulos sunud-sunuran sa pangulo
itong kayraming pulitikong aso
itinatahol na'y ang makapwesto
upang magkamal ng maraming buto

tatakbo ang mga trapong kabayo
makikipagkarera na sa Mayo
nagbabakasakaling mananalo
at tiyak maninipa pag natalo

ngunit bakit ang ganito ang sistema
wala muling pagpilian ang masa
pawang patakbo ng kapitalista
ang mga pulitikong pangarera

trapong kabayo, pulitikong aso
ang sistema sa bayan ko'y ganito
sa krisis makakaahon ba tayo
kung sila muli ang makakapwesto?

pulitikong aso, trapong kabayo
tiyak kawawa ka muli, bayan ko
pulitikong aso, trapong kabayo
di ako natatawa, hu hu hu hu!

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 2, Taon 2009, p. 8.