Sabado, Hunyo 28, 2008

Palamunin ng Manggagawa

PALAMUNIN NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KAPITALISTA:
Ikaw, manggagawa, bilisan mo diyan
Iyang trabaho mo’y iyo ngang paspasan
H’wag tatamad-tamad pagkat kailangan
Ang tubo ko’y dapat lumaking tuluyan.

MANGGAGAWA:
Kinukuba na nga ako sa trabaho
Ay di naman sapat itong aking sweldo
Dahil lang sa tubo na tanging hangad mo
Sa pagtatrabaho’y papatayin ako.

KAPITALISTA:
Magtigil at baka sisantehin kita
Di ka pa regular dito sa pabrika
Huwag kang umangal, hala, trabaho na’t
Baka mamatay kang dilat ang ‘yong mata.

MANGGAGAWA:
Isip ay pamilya at kinabukasan
Mahigpit din itong pangangailangan
Nagtatrabaho ‘ko nang sagad-sagaran
Kaya’t h’wag ituring na ‘yong kasangkapan.

KAPITALISTA:
Ano bang gusto n’yong mga hampaslupa
Aangal pa’y akin ang buong pabrika
Pasalamat kayo’t merong trabaho pa
Paano kung ito sa inyo’y mawala?

MANGGAGAWA:
Simple lamang naman itong aming nasa
Kami’y bayaran mo ayon sa halaga
Ng lakas-paggawang aming binebenta
Nang aming pamilya nama’y guminhawa.

KAPITALISTA:
Ikaw, manggagawa, itong tandaan mo:
Di dapat bawasan, tutubuin dito
Sumunod ka na lang, pabrika ko ito
Kung ayaw mong ikaw ay sisantehin ko!

MANGGAGAWA:
Hoy, kung hindi dahil sa’ming manggagawa
Ay hindi tatakbo ang iyong pabrika
Pakatandaan mong palamunin kita!
Ang tubo mo’y galing sa lakas-paggawa!

KAPITALISTA:
Hangad ko ay tubo, lumaki ang kita
Kaya ko pinundar ang aking pabrika.

MANGGAGAWA:
Kaya’t dapat kami’y bayaran ng tama
Pagkat kung ayaw mo, kami’y magwewelga.

KAPITALISTA:
Tubo ang hangad ko’t akin ang pabrika
Kayong manggagawa’y walang magagawa!

MANGGAGAWA:
Sa’n ka pupulutin, kung kami ay wala?
Nang dahil sa amin kaya yumaman ka!

KAPITALISTA:
Ang gobyerno’t pulis, sa akin kakampi
Subukan n’yo’t sila’y di mag-atubili.

MANGGAGAWA:
Ang gobyerno’t pulis, dudurugin kami?
Di kataka-taka, kayo’y magkakampi.

KAPITALISTA:
Sige, subukan n’yong ako’y kalabanin
At malilintikan kayong lahat sa’kin.

MANGGAGAWA:
Palamunin ka lang naming manggagawa
Subukan mo kami’t ikaw ang kawawa!

pahayagang Obrero
Disyembre 2004

Martial Law sa Piketlayn

MARTIAL LAW SA PIKETLAYN

ni Greg Bituin Jr.


Bus Linggu-linggo’y Tuloy ang Biyahe

manggagawa’y kumakayod para sa pamilya, ngunit

Biglang Lumiko ang Tunguhin ng Bus.

Napagtanto ng mga manggagawa na sa

Bawat Lakbay, Talagang Bumubundat

itong kapitalista, dahil naiisip ng may-ari’y

Basta Lumaki ang Tubo sa Bulsa.

Sumama tayo sa mga manggagawa

nagpiket, ngunit tayo’y

Biglang Linapastangan, Tineargas, Binira.

Maraming nasaktan, ngunit

hindi tayo nanghina, dahil sa

Bawat Labanan, Tayo’y Bumabalikwas

upang ituloy ang laban

hanggang sa tagumpay.


(Sinulat ang tulang ito bandang 1997 habang nakapiket ang mga manggagawa ng Batangas, Laguna, Tayabas Bus Company o BLTB Co. sa Edsa, Lunsod ng Pasay)

Kababaihan, Makialam Ka!

KABABAIHAN, MAKIALAM KA
(alay sa sentenaryo ng peminismo sa Pilipinas, 2005)
tula ni Greg Bituin Jr.

Sakdal rahas itong kasalukuyang lipunan
Pagkat nangaglilipana pa itong kaapihan
Ng mga manggagawa’t maralitang kababaihan
Mula sa komunidad at mga pagawaan.
Mula pa noon hanggang sa kasalukuyan
Kababaiha’y biktima ng sistemang gahaman.

Kababaihan, minsan ka nang itinulad kay Maria Clara
Na anak ng isang paring walang kaluluwa
Na bukod sa mahinhin ay mahina, sakitin at lampa
Ikaw raw ay Maria Clarang modelo ng babaeng Pilipina.
Nararapat nang palitan ang mga makalumang pagkilala
Pinaglipasan na ng panahon ang mga Maria Clara.

Sampung dekada na ang nakararaan
Nang ang unang peministang samahan
Ng mga mapagpalayang kababaihan
Ay maitatag at kanilang mapagyaman.
Kasaysayan na ang nasimulan nilang pakikibaka
Panahon na ng panibagong Gabriela, Liliosa’t Lorena.

Mula sa bibliya hanggang sa nobela ni Rizal
Babae’y itinulad kay Maria Clara at Sisang hangal
Apat na sulok ng bahay ang kanilang naging lugal
Ikinulong doon na pawang pagkaapi ang dumaratal.
Baguhin na ang kultura ng kawalang pagkakapantay
Palayain ang babae sa apat na sulok ng bahay.

Hanggang sa panahong ito ng globalisasyon
Dumoble pa ang pasanin ng kababaihan ngayon
Mula sa apat na sulok ng bahay, meron pang ekstensyon
Sa pabrika’y nararanasan din nila ang represyon.
Humaba lamang ang kadena ng kaapihan
Mula sa bahay patungo sa pagawaan.

Sa komunidad ng maralita’y naghihinagpis ang mga ina
Pagkat winawasak ng mga berdugo ang mga bahay nila
Ang mga anak ay apektado, kalagayan nila’y kaawaawa
Anong aasahan nila sa gobyernong wala nang ginawa?
Hindi na panahon ngayon ng mga pagtitiis
Di na dapat manatili ang buhay na hapis.

Kapitalistang sistema’y larawan ng pagkamuhi
Sa mga manggagawa’t maralitang babae
Dapat nang durugin ang mga mapag-aglahi
Dapat nang pawiin ang sistemang mapang-api.
Sa dobleng pasanin, kababaiha’y dapat nang lumaya
Dapat nang matapos ang pagsasamantala.

Di habang panahon ay panahon ng kaapihan
Kababaihan, panahon nang ikaw ay lumaban
Igalang at itaguyod ang reproduktibong karapatan
At kalayaang magpasya sa sariling katawan.
Tapusin na ang pananahimik at kawalang pakiramdam
Kababaihan, panahon nang lumaya ka’t makialam.

pahayagang Obrero
Mayo 2005

Itayo ang TRG para sa pagbabago!

ITAYO ANG TRG PARA SA PAGBABAGO!
tula ni Greg Bituin Jr.

(binasa ni Greg sa unang taon ng pagkakatatag ng organisasyong Laban ng Masa o LnM noong Hunyo 2006)

Ilang pag-aalsang Edsa na ba ang nagdaan
Na nagsama-sama itong taumbayan
Kung saan ang pangulong gahaman
Ay pinababa ng masa kaya’t napalitan.

Ngunit sa Edsa’y ano ba ang napala
Nitong mga nagpakasakit na masa
Mga naupo’y wala namang ginawa
Upang matiyak na mabago ang sistema.

Inagaw pa ng mga elitista ang manibela
Nitong gobyernong ipinanalo ng masa
Ganito ang nangyari sa dalawang Edsa
Pagkat masa’y patuloy ang pagdurusa.

Simula ng maupo itong mga pulitiko
Pangako sa masa’y pulos naging bato
Napatunayang hangin itong kanilang ulo
Interes kasi nila’y hinugot sa kapitalismo.

Tayo’y pinaglalaruan lang nitong pulitiko
Pinapaikut-ikot tayong parang mga trumpo
Pangmasa daw sila pero pawang demonyo
Polisiya nila’y dinadala tayo sa impyerno.

Ah, hindi na dapat maulit itong dalawang Edsa
Na pagkatapos magsakripisyo nitong masa
Panalo’y inagaw na ng mga elitista’t kauri nila
Sakripisyo ng taumbayan ay nabalewala.

Kaya’t sa muling pagkakataong babaguhin na
Itong umiiral na ganid at bulok na sistema
Ay pag-ingatan natin itong panalo ng masa
Habang people power itinatayo, di lang sa Edsa.

Magpalakas tayo’t magpatuloy sa pag-oorganisa
Magtayo’t patatagin ang mga unyon sa pabrika
Armasan ng teorya ang uring manggagawa
Sa rebolusyonaryong papel, atin silang ihanda.

Transisyunal na rebolusyonaryong gobyerno’y tiyakin
Na maitatayo upang kalayaan ng uri’y ating kamtin
Mga demonyong elitista’y huwag dito papasukin
Huwag ibigay kaninuman ang magiging panalo natin.

Pawiin ang kahirapang dulot ng kapitalismo
Baguhin ang sistema’t ang bulok na gobyerno
Ito’ng pangako ng itatatag nating rebolusyonaryo
At transisyunal na gobyernong para sa mga tao.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 2, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).

Inimbento ng CIA sina Bin Laden at Abu Sayyaf

INIMBENTO NG CIA SI BIN LADEN AT ANG ABU SAYYAF
ni Greg Bituin Jr.

Si Bin Laden ay trineyning
Ng CIA na balimbing
Pero ngayo’y itinuring
Na ‘sang teroristang taring.

Abu Sayyaf ma’y imbento
Ng mga Amerikano
Kaya’t sila’y siguradong
Isponsor ng terorismo.

Kaya nga’t gawa ng Kano
Terosismo sa’ting mundo
Ngayon sila’y natuliro
Lupa’y dinilig ng dugo.

Kaya’t merong kasalanan
Ang Amerikang gahaman
Managot sila sa bayan
At sa buong santinakpan.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.

Hilakbot ng Anthrax

HILAKBOT NG ANTHRAX
ni Greg Bituin Jr.

Itong anthrax na nga’y kinatatakutan
Pero CIA daw ang nagkalat naman
Ibibintang kuno sa Gitnang Silangan
Arabo’y kanilang layuning siraan.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.

Biyernes, Hunyo 27, 2008

Nang madurog ang Amerikang hambog

NANG MADUROG ANG AMERIKANG HAMBOG
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Kaming maralita'y hindi kumakampi
Sa Amerika man o sinumang imbi
Itong buong tula'y isang pagmumuni
Sa naganap nuong Setyembre a-onse.

Maraming gusali'y bagsak sa kaaway
Mga inosente'y nabaon sa hukay
Kami rito'y taos pusong dumaramay
Sa mga pamilya ng mga namatay.

Ang trahedyang ito'y bakit ba nangyari?
Pinilit na sinuri itong insidente
Inugat ang rason nitong mga imbi
Sa pagsuri kami'y di nag-atubili

Sadyang malupit nga itong terorista
Dapat lang sa mundo sila'y mawala na
Pero dapat pa ring unawain sila
Terorismo'y bakit nagawa pa nila.

Sa nangyari'y kita ang malaking galit
Pagkat Amerika'y pilit na tinarget
Ang kawawang Tate biglang namilipit
Ito'y tinuluyan, dinurog na pilit.

Dapat na malaman ang ugat ng galit
Upang terorismo'y hindi na maulit
Bakit ba sa Tate sila'y nagmalupit
Ito'y katanungang sasaguting pilit.

Makapangyarihan itong Amerika
Pangunahing bansa ng imperyalista
Kontrolado nila mundong ekonomya
Marami ngang bansa'y sa leeg hawak na.

Pati na utak mo'y kinokontrol nila
Nakialam na rin pati sa kultura
Ang maraming bansa'y sunud-sunuran na
Sa nais ng US na imperyalista.

Kaya't ang kaaway tuluyang nagplano
Pagdurog sa Tate ay sinigurado
Bawat hakbang nila ay sopistikado
Talagang tiniyak na sila'y manalo.

Mga teroristang ito'y sumalakay
Yabang nitong Kano'y duduruging tunay
Pagpisak sa Tate tiyak nilang pakay
Amerika'y dalhin sa madugong hukay.

Ibabangga nila'y mga eroplano
Dudurugin nila ang mga simbolo
Gaya ng pinansyal at militarismo
US bibirahin, wawasaking todo.

Mga plano nila'y tuluyang nangyari
Walang patumangga't pag-aatubili
Tuluyang binangga ang kambal na tore
Winasak ang imbi nitong mga imbi.

Tate'y nanghilakbot, inabot ng takot
Nang ang World Trade Center, tuluyang nadurog
Dahil ang kaaway ay biglang lumusob
Inatake itong mga Kanong hambog.

Itong mga Kano'y sadyang natulala
Pati kaalyado'y tuluyang nabigla
Pagkat Pentagon din tinira't giniba
Hindi nakaporma ang hambog na bansa.

Nangyari sa Tate'y isa na ngang karma
Naghihiganti na ang kaaway nila
Sa sariling bansa sila'y ginigia
Dinudurog sila nitong terorista.

Sa nangyaring ito'y dapat nang madala
Matauhan sila't yabang ay mawala
Gayunman, kayrami ng masang nawala
Dapat lang managot ang mga maysala.

- ipinasa sa LIRA (Setyembre 15, 2001) bilang assigment, nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.

Martes, Hunyo 24, 2008

Tawag sa Inyo'y Hukbong Mapagpalaya

TAWAG SA INYO’Y HUKBONG MAPAGPALAYA

ni Greg Bituin Jr.


1

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Sapagkat kayo lang, uring manggagawa

Ang pinakarebolusyonaryong uri

Na magbubuwal sa mga mapang-api.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.


2

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Na dudurog sa mga kagahamanan

Ng sistemang para lamang sa iilan

At walang malasakit sa sambayanan.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.


3

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Sapagkat walang pribadong pag-aari

Na ginagamit sa mga pang-aapi

At pagsasamantala sa inyong uri.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.


4

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Na magpapalaya sa buong pabrika

Ang palakad dito’y tulad sa pasista

Sadyang sa pabrika’y walang demokrasya.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.


5

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Palad nyong agawin ang kapangyarihan

Sa gobyerno’t kapitalistang gahaman

Na dahilan nitong ating kahirapan.

Manggagawa, halina at magkaisa

Sangkatauhan ay iligtas sa dusa.


6

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Tungkulin ninyong itayo ang lipunan

Na ang lahat, di ilan, ang makinabang

Sa produkto na inyong pinagpawisan.

Manggagawa, halina at magkaisa

Sangkatauhan ay iligtas sa dusa.


7

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Pagkakapantay-pantay itong hangarin

Lahat ay titiyaking makakakain

Hustisya sa kapwa ang paiiralin.

Halina, manggagawa, at magkaisa

Sandaigdigan ay iligtas sa dusa.


8

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Sapagkat hindi na tubo ang batayan

Ng pag-unlad ng bawat isa’t ng bayan

Kundi pagkakaisa’t pagmamahalan.

Halina, manggagawa, at magkaisa

Sandaigdigan ay iligtas sa dusa.


9

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Kababayan o taga-ibang bansa man

Isang pamilya kayong nagdadamayan

Magkakapatid sa uri ang turingan.

Uring manggagawa sa lahat ng bayan

Nasa inyong kamay ang kinabukasan.


10

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Tagasulong ng tunay na demokrasya

Tagapagtaguyod ng bagong sistema

Itatatag ay lipunang sosyalista.

Uring manggagawa sa lahat ng bansa

Halina tungo sa landas ng paglaya.


Hunyo 22, 2008

Sampaloc, Maynila

Ang mga OFW sa gitna ng digmaan

ANG MGA OFW SA GITNA NG DIGMAAN
ni Greg Bituin Jr.

hindi sila umiimik at patuloy pa rin
ang kanilang mga kamay sa pagtatrabaho
upang matiyak na may ipambubuhay sila
sa kani-kanilang naiwang mga pamilya
di sila umiimik, patuloy sa paggawa
subalit ang puso nila’y sadyang nagngangalit
bakit ba may digmaan gayong di naman nito
nireresolba ang anumang mga alitan
patuloy na namamatay di lang mga kawal
kundi pati sibilyan, maraming naulila
ang patuloy na digmaang walang katuturan
na ang nakikinabang lamang ay mga ganid
sa kapangyarihan tulad nitong Amerikang
napakagahaman sa langis ng ibang bayan

(edited version ito ng nalathalang tula sa pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML, Hulyo-Setyembre 2002)

Basta Balbas-Sarado?

BASTA BALBAS-SARADO?
ni Greg Bituin Jr.

Pinaghinalaan nila’t
Dinetine ang isang tao
Dahil daw balbas-sarado.
Baka raw isang teroristang
Sa bansa’y manggugulo.
Balbas ba ang dahilan
Nitong terorismo?
Bakit terorista ang turing
Sa mga balbas-sarado?
Kung gayo’y terorista pala
Itong mga bumbay
At si Hesukristo!

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.

Bakit Digmaan?

BAKIT DIGMAAN
ni Greg Bituin Jr.
(may wawaluhing pantig bawat taludtod)

Manunula akong tangan
Ay hibik ng sambayanan
Ang gera’y dapat tigilan
Dulot nito’y kahirapan,
Kagutuman, kamatayan.

Si Pangulong Gloria’y nais
All-out support daw sa US
Target nila’y mapaalis
Si Saddam d’un sa Middle East
At ang Iraq ay matiris.

Itong si Pangulong George Bush
Nitong Estados Unidos
Pangaraw daw niyang lubos
Terorismo ay maubos
At Iraq ay mabusabos.

Ang tunay raw nilang rason
At tangi raw nilang layon
Ay duruging tila pison
Ang weapons of mass destruction
Ng Iraq na isang nasyon.

Terorismo nga ba’ng nais
Na wakasan nitong US?
O baka target ay langis
Na milyun-milyong bariles
Na yaman nitong Iraquis.

Meron akong nakikita
Kung bakit nais ng gera
Nitong bansang Amerika
Ito’y upang maresolba
Lugmok nilang ekonomya.

Di ba’t itong Amerika
Armas itong nangunguna
Sa mga produkto nila.
Pag di ito naibenta
Babagsak ang ekonomya.

Sa paghanap ng solusyon
Tusong Kano’y napalingon
Langis ng Iraq ang tugon
Agad naghanap ng rason
Dinigma ang Iraq ngayon.

Ah, bakit ba kailangan
Gerang walang katuturan
At sariling kapakanan
Lamang ang tinutugunan?
Gera’y gawa ng gahaman!

Kaya itong sambayanan
Sigaw ay kapayapaan!
Tigilan na ang digmaan
Na ugat ay kasibaan
Sa tubo’t kapangyarihan!

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.

Pagpupugay sa isang Bayani

PAGPUPUGAY SA ISANG BAYANI
ni Greg Bituin Jr.

(pitong pantig bawat taludtod)

Kami ay nagpupugay
Pagkat buhay mo’y alay
Para sa aking tatay
Na manggagawang tunay.

Iniisip kapakanan
Namin at karamihan
At hindi ng iilan
Dito sa aking bayan.

Ang tatay kong obrero
Sukat tinulungan mo
Tumaas ang suweldo
Sumaya ang nanay ko

Kami’y biglang nalumbay
Nang ikaw ay mapatay
Puso’y nagdugong tunay
Pagkat ikaw’y nawalay.

Binistay ka ng punglo
Nabasa ka ng dugo
Dinurog aming puso
Ngunit sila’y nabigo.

Pagkat kaming naiwan
Tuloy pa rin ang laban
Sistema’y papalitan
Duduruging tuluyan.

(nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML, Abril-Hunyo, 2001)

Dalit kay Ka Popoy

DALIT KAY KA POPOY
ni Greg Bituin Jr.

Bayani ka, kasama ko
Isang rebolusyonaryo
Na ang laging nasa ulo’y
Kapakanan ng obrero.

Buong kilusa’y nagbago
Simula nang itapon mo
Ang kaisipang Maoismo
Pati na Stalinismo.

Kaming naiwan mo rito’y
Tatandaan ang aral mo
At dadalisayin itong
Marxismo at Leninismo.

Ka Popoy, salamat sa’yo
Namatay man katawan mo
Di ka nawawala rito
At buhay ka sa’ming puso.

(nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML, Abril-Hunyo, 2001)

Sinong Nagpapatay kay Ka Popoy Lagman?

SINONG NAGPAPATAY KA KA POPOY LAGMAN?
ni Greg Bituin Jr.

Si Ka Popoy ay hinintay
Upang siya ay mapatay
Nang makita ay binistay
Sa UP ay nahandusay.

Manggagawa’y nanlupaypay
Sila’y totoong nalumbay
Kaya’t sa kanyang paghimlay
Parangal ay ibinigay.

Kilusan ay nakiramay
Sumpa’y ibaon sa hukay
Ang sinumang nagpapatay
Sa lider nilang mahusay.

Sino ba’ng magsasalaysay
Kung sinong mga pumatay
Kay Ka Popoy na dalisay
At lider obrerong tunay.

(nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML, Abril-Hunyo, 2001)

Martes, Hunyo 17, 2008

Pantasya ang 7.2% Growth ni Gloria

PANTASYA ANG 7.2% GROWTH NI GLORIA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano bang iyong nararamdaman
Pag napanood ang patalastas
Na ginawa ng pamahalaan
Bansa raw ay umunlad, tumaas
Ang porsyentong umano’y batayan
Ng pagsulong nitong Pilipinas.

Di ba’t ito’y kasinungalingan
Pagkat bilihin na ay tumaas
Paanong umunlad itong bayan
Kung sumirit ang presyo ng bigas
Kuryente, tubig, gaas sa kalan
Pasahe, matrikula’t sardinas.

Nabubuhay na silang bulaan
Hindi na naisip pumarehas
Basta’t silang nasa pamunuan
Mapuri lamang kahit maghudas
Kahit alam na gutom ang bayan
Walang paki’t nambabalasubas.

Nilalamon na tayo, O, bayan
Nitong sari-saring patalastas
Na pawa namang kabulaanan
Upang bulsa natin ay mabutas
Sistemang ito’y dapat wakasan
At isakdal ang sinumang hudas.

Baguhin na ang buong lipunan
Tahakin na nati’y bagong landas
Mga hudas ay ating labanan
At itayo ay sistemang patas.

Hunyo 12, 2008

Sampaloc, Maynila

Lunes, Hunyo 16, 2008

Bakal at Kalawang


BAKAL AT KALAWANG
ni greg bituin jr.
13 pantig

salawikain noong panahong kaytagal
na hanggang ngayon ito pa ri'y umiiral
hinggil ito sa kapwa't kabutihang asal:
"sariling kalawang ang sisira sa bakal"

kaya nga iyang bakal na sakdal mang tigas
sa munting basa'y unti-unting nabubutas
dahil sa kalawang na animo nga'y hudas
sa tagal ng panahon, maaring maagnas

tulad din sa kay-ayos na organisasyon
matapat ang pinuno't may mabuting layon
kasapi'y sa pagkakapatiran ang tuon
ngunit pwedeng mawasak ng sinumang kampon

kaya pag-ingatan ang balintunang mundo
di dapat kalawangin ang mga prinsipyo
tibay ng samahan, pangalagaang todo
huwag hayaang sirain lang ng kung sino

Linggo, Hunyo 15, 2008

Magsalita ka

MAGSALITA KA
ni Greg Bituin Jr.

ang pananahimik
ay isang krimen
isatinig ang mga
hinanakit, ilabas
ang lahat ng mga
tanong, ang magsalita'y
iyong karapatan

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8.

Kapayapaan

KAPAYAPAAN
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Kapayapaan ang nais namin
Ngunit hindi ang kapayapaan
Ng nakahimlay sa sementeryo
Kundi mula sa hustisya sosyal.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8.

Sa iyo, kaibigan

SA IYO, KAIBIGAN
ni Greg Bituin Jr.

Maging prinsipyado
Tahakin ang aktibismo!

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8.

Kay kasamang Javes, lider-maralita

KAY KASAMANG JAVES, LIDER-MARALITA
ni Greg Bituin Jr.

sa hirap ay matagal na silang nagtitiis
ngunit sila'y lalong nadala sa hapis
nang madurog itong komunidad ni Javes
sa utos umano ni PCUP Chairman Chavez

kasamang Javes, biktima ka ng mga palalo
tulad ng PCUP at nitong si Mayor Ouano
maaga mong kamataya'y di dapat magdulo
sa muling pagbubo ng panibagong dugo

pagkawala ng buhay mo ang naging bunga
nitong demolisyong handog sa bayang aba
kaya ang panawagan naming iyong kasama
dapat mong makamit ang asam na hustisya

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 4, Taon 2004, p.8.

Bakit, sinta?

BAKIT, SINTA?
ni Greg Bituin Jr.

Bakit mo sinasabing di ka nababagay saakin kung ang talagang nais mong sabihin ay ako ang di bagay sa iyo?

Bakit mo sinasabing nasasaktan ka sa paglayo sa akin kung ang talagang nais mong sabihin ay di mo na ako mahal?

Bakit mo sinasabi ang sari-saring dahilan kung ang talagang nais mong sabihin ay paalam?

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 4, Taon 2004, p.8.

Isnatser sa poder

ISNATSER SA PODER
ni Greg Bituin Jr.

Akala ko ba'y pawang sa kanto-kanto
at mga rugby boys ang nang-iisnats
ng kung anu-anong kanilang mapagtripan?
Iba na ngayon?
Pati na poder ng kapangyarihan ay iniisnats!
Kaya kawawa na naman
ng anim na taon ang taumbayan!
Hindi ba't ang mga isnatser ay hinuhuli
at kinasusuklaman ng taumbayan
dahil kinukuha nila ng sapilitan
ang di kanila?
Iba na ngayon!
Ang isnatser sa poder ay tinitingala pa!
Bakit pinapayagan ang isnatser sa poder?
Dahil iba na ngayon!
Pag isnatser ka na nasa poder,
ikaw pa ang sinasaluduhan!

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 2, Taon 2004, p.8.

Sa mga kabataan

SA MGA KABATAAN
ni Greg Bituin Jr.

Maging aktibista,
Huwag magdroga!


Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 2, Taon 2004, p.8.

Butaw

BUTAW
ni Greg Bituin Jr.

Magbayad ka ng butaw
Pagkat ito'y obligasyon
Ng isang tulad mo
Sa ating organisasyon
Hindi ito sapilitan.
Hiling lang namin sa iyo'y
Lawak ng pang-unawa.
Magbayad ka ng butaw
Magbayad, magbayad
Upang makatulong
Kahit bahagya man
Sa pagpapatuloy
Ng adhikain
Ng organisasyong
Ipinaglalaban ka
At ang iyong kinabukasan.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 2, Taon 2004, p.8.

Sabado, Hunyo 14, 2008

Salamisim

SALAMISIM
ni Greg Bituin Jr.

sana'y matagpuan ko na ang babaeng
makakasama ko sa habambuhay
upang may maglagay ng bulaklak
sa aking puntod pag namatay

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8.

Dalawang tanaga sa lipunan

DALAWANG TANAGA SA LIPUNAN
ni Greg Bituin Jr.

1

Ang pagpapaliwanag
Ng mundo ay di sapat,
Ang gawin natin dapat:
Baguhin ang lipunan!

2

Kapitalista'y poon
At hari sa panahon
Nitong globalisasyon.
Ibagsak sila! Ngayon!

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8.

Biyernes, Hunyo 13, 2008

Ang Photographer

ANG PHOTOGRAPHER
ni Greg Bituin Jr.

minsan sa isang rali
ako ay napagawi
nang biglang pinagpapalo
ng tila de-susing mga parak
ang mga nanunuligsa
sa mga maling patakaran
ng palpak na pamahalaan
marami silang nasaktan, marami

saksi ako sa pagdugo
ng kanilang katawan
saksi ako sa pagputok
ng noo nila’t tagiliran
pati na pagkalamog
ng kanilang kalamnan
ngunit wala akong nagawa, wala

kundi gamitin ang kamera
at kunan ng larawan
ang mga pangyayari, lalo na
ang mga mukha nilang may poot
may poot sa bulok na sistema

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8.

Ang Ibon, ang Isda, at ang Maralita

ANG IBON, ANG ISDA, AT ANG MARALITA
ni Greg Bituin Jr.

minsan, ang mga haring ibong
naglipana sa kalangitan
ay gumawa ng mga batas
para daw sa lahat;
umano’y upang maging maayos
ang pamumuhay ng lahat
sa sandaigdigan;
mapalupa man, mapalangit,
o mapasatubig man
ngunit di maiiwasang
marami ang magtaka
sa kanilang panukala.

nagtanong ang mga isda:
“bakit silang mga ibon
ang gagawa ng mga batas
para sa aming mga isda
gayong hindi naman nila alam
kung paano kami lumalangoy?”

tanong ng isang maralita,
“bakit ang gobyerno
na karamihan ng myembro
ay mga mayayaman
at representante ng kapital
ang gumagawa ng batas
para sa mga maralita,
gayong ni pagtuntong sa bahay
ng maralita o kaya’y makisalo
sa aming pagkain ay di nila magawa?
paano nila mauunawaan
ang aming kalagayan
gayong di nila kami kinakausap
at di muna nila inuugat
ang aming mga problema?
pinupuntahan lang kami
kapag mangangampanya sa halalan
maraming pangakong napapako
na pag napaupo na sa pwesto’y
di na kilala ang mga maralita!”

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8. 

Ang Ating Boto

ANG ATING BOTOni Greg Bituin Jr.

Boto nati’y mahalaga
Huwag po nating ibenta
Boto mula sa konsensya
Ang siyang ambag ng masa
Sa dakilang pagnanasa
Na mabago ang sistema
Bawat boto’y mahalaga
‘Wag sayangin, ‘wag ibenta

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8. 

Huwebes, Hunyo 12, 2008

ME-RAL-CO-RYEN-TE

ME-RAL-CO-RYEN-TEni Greg Bituin Jr.

mas malupit pa sila
kaysa mga terorista
pagkat hindi lamang isa,
lima, sampu, o dalawampu
ang kanilang binibiktima
kundi ang higit tatlo't
kalahating milyong consumers
na kanilang "siniserbisyuhan"!
sila ang dapat parusahan!
ngunit sino ang may lakas ng loob
na ikulong at parusahan sila

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8.

Ang makata

ANG MAKATA
ni Greg Bituin Jr.
animan ang pantig

Ayaw ng demonyo
ng mga makata
doon sa impyerno


nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8.

Ang katahimikan ng tupa

ANG KATAHIMIKAN NG TUPA
(THE SILENCE OF THE LAMB)

ni Greg Bituin Jr.

alin daw ang mas nakabibingi
ang ingay o ang katahimikan?
ah, siguro nga'y katahimikan
tulad ng laot ng karagatan
tahimik ngunit napakalalim
di gaya ng alon sa dalampasigan
mababaw kaya't napakaingay ng tabsing

tulad din ng tupang tahimik
mapagtimpi sa mga nangyayaring
pang-aapi ng uring kapitalista't elitista
na patuloy na nagpapahirap sa masa

balang araw ang masang ito'y hindi na
makapagtitiis sa kahirapang dinaranas
sila'y mag-aalsa't mananawagan
ng rebolusyon laban sa bulok na sistema

at ang tahimik na tupa'y dagling kikilos
tutulong sa masa upang siguraduhin
ang panalo ng uring anakpawis
laban sa uring mapagsamantala

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8.

Miyerkules, Hunyo 11, 2008

Kasaysayan ni Tukmol

KASAYSAYAN NI TUKMOL
ni Greg Bituin Jr.

si Tukmol ay wala raw pera
para pamasahe sa rali
at iba pang pagkilos
ngunit siya’y may pera
para sa yosi, alak at tong-its

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8.

Kapag Naglagablab ang Apoy sa Dibdib

KAPAG NAGLAGABLAB ANG APOY SA DIBDIB
ni Greg Bituin Jr.

sinlamig ng bangkay
ang pakikitungo nila sa masa
habang sa dibdib naman ng maralita’y
may apoy na naglulungga
laban sa kanilang mga naghahari-harian
sa lipunang binusabos ng puhunan

tayo’y busabos sa kanilang mga mata
kaya winawasak ang ating tahanan
at itinataboy tayong parang mga daga
habang sinusunog ang ating paninda
na pinagkukunan ng ikabubuhay
para sa nagugutom nating pamilya

maglalagablab ang apoy sa ating dibdib
kahit hindi natin sabihin kaninuman
ngunit ang apoy na ito’y di dapat matulad
sa ningas ng kugon na maminsang
masindihan ay agad namamatay

kapag naglagablab ang apoy sa dibdib
tiyakin nating ang unang sisilaban ng poot
ay ang mga mapagsamantala pagkat
sila ang dahilan ng ating mga kahirapan

dapat silang matupok sa nagbabagang apoy
hanggang sa maabo at di na manganak

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 2, Taon 2003, p.8.

Mga Patay na Letra

MGA PATAY NA LETRA
ni Greg Bituin Jr.

pawang mga guhit at patay na letra
lamang kung ituring itong monitoring
chart na nakapaskil sa pader
kung hindi bibigyang pansin
mga patay na letra din ang Noli Me Tangere
kung di binigyang-pansin ng masa noon
mga patay na letra din ang mga nakasulat
sa pader noong panahon ng martial law
ngunit ang Noli’t islogan sa pader
ay binigyang-pansin ng masa kaya’t sila’y
nag-alsa’t lumaya sa mga kastila’t sa diktadurya
ilan pang mga patay na letra ang kailangang
bigyang-pansin upang gumising sa atin?
MAGBASA, MAG-ANALISA, MAKIBAKA!

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8.

Martes, Hunyo 10, 2008

Ang Prinsipyo Naming mga Dyarista

ANG PRINSIPYO NAMING MGA DYARISTA
ni Greg Bituin Jr.

magpahayag ng katotohanan
ang sagrado naming katungkulan
kaya’t kung sakaling
sa mga sinulat namin
ay maraming manggalaiti
ay nakahanda kami
sa anumang mangyayari
pagkat para sa amin:
“mas mabuti pang patahimikin
kaysa maging tahimik!”


(its better to be silenced
than to be silent)

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, p.8. 

Sa isang maralitang kasapi sa demolisyon

SA ISANG MARALITANG KASAPI NG PANGKAT-DEMOLISYON
ni Greg Bituin Jr.

kamatayan ang dulot mo sa maralita
tinatanggalan mo kami ng dignidad
winawasak mo ang aming tahanan
gayong mahirap ka rin naman

pero nagpapagamit ka sa kanila
nang dahil sa kakaunting barya
mga hayup sila, mga walang awa
ganuon ka na rin kahit maralita ka

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg. 4, Taon 2004, p.8. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Paraiso sa Lupa

PARAISO SA LUPA
ni Greg Bituin Jr.

itong langit daw ay napuntahan na
ng mga nakakilala kong durugista
na sa tuwina’y pawang mga tulala

ngunit ibang langit ang ating puntahan
walang pang-aaping langit na lipunan
na ating dapat itayo sa hinaharap

gawin nating langit ang lupa
habang tayo’y nabubuhay
sa pamamagitan ng rebolusyon
laban sa bulok na sistema

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg. 4, Taon 2004, p.8. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Salarin

SALARIN
ni Greg Bituin Jr.

Mas masahol pa sila sa hayop
Walang pakialam sa kapwa
Demolis dito, demolis doon
Ang kanilang ginagawa.
Di bale nang may masaktan
Di bale nang marami ang umiyak
Di bale nang mawalan ng tahanan
Basta't makapagdemolis lamang.
Wala silang pakialam sa proseso
Wala silang pakialam sa maralita
Oo, wala silang pakialam
Pagkat wala silang pakiramdam.
Sila'y mga kawatang merong tsapa
Sila'y mga alagad ng payasong
Ayaw makipagnegosasyon
Oo, sila ang mga salarin ng maralita
At simple lang ang nais nila:
Urban poor genocide.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg 3, Taon 2004, p.8. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Lunes, Hunyo 9, 2008

Dalit para sa mga Duwag

DALIT PARA SA MGA DUWAG
ni Greg Bituin Jr.

akala ng mga duwag
ay makaliligtas sila
sa karit ni Kamatayan
kaya ayaw makibaka.

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8. 

Organisador

ORGANISADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(tigpipitong pantig)

mula sa adhikaing
mapalaya ang masa
sa pagsasamantala
nitong mga buwaya
na nagdulot ng gulo
sa buong sambayanan
ay ninais mong maging
kabahagi ng masa,
hinangad mong matuto’t
lipuna’y inunawa
kung bakit bulok itong
kinasadlakang mundo,
niyakap ang prinsipyo’t
mga sakripisyo ng
mga organisador
na nauna na sa’yo,
tinahak ang landasing
iniwasan ng iba,
inalay mo ang iyong
panahon, pagsisikap,
pawis, luha, at dugo
para pagkaisahin
ang uring manggagawa
at masang maralita,
lagi kang taas-noo
sa pagmulat sa masa
hinggil sa nangyayari
sa bayang punung-puno
ng kabalintunaan
at lipunang ang hari’y
ang tubo at kapital
na nagdulot ng hindi
pagkakapantay-pantay
ng kalagayan nitong
mahirap at mayaman.
bunying organisador:
saludo kami sa’yo
pagkat buong buhay mo’y
iyo nang inilaan
para sa kapakanan
ng uring manggagawa
at masang tagalikha
ng ating kasaysayan
nang walang hinihintay
na anumang kapalit
kundi ang isang bukas
na sagana’t payapa.
kasama, mabuhay ka!

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 2, Taon 2003, p.8.

Pagpag

PAGPAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

maraming natirang pagkain
doon sa Jollibee at McDo
na itinapon na lamang
sa mga basurahan
at dahil sa gutom
ng maraming kababayang
naghihirap dahil idinemolis
ang kanilang mga tahanan
ay matyagang naghahalungkat
sa basurahan, pinipili at kinukuha
ang mga tirang hita, pitso, pakpak
ng malasang pritong manok
at saka ito ipapagpag
upang lutuing muli
o di kaya’y agad kanin upang
ipantawid-gutom
anong klaseng lipunan ito
at pinapayagang magkaganito
ang ating mga kababayang
isang kahig, isang tuka
nang dahil walang makain
nagtatyaga na lang sa pagpag
na mga tira-tirahan
mula sa Jollibee at McDo

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 2, Taon 2003, p.8.

Pagsara ng Telon (Tula kay FPJ)

SA PAGSARA NG TELON (TULA KAY FPJ)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako noon, nakikita ko na siya
Iglap kung bumunot ng baril sa pelikula
Panday itong hinahangaan ng masa

Magdebate man lagi kaming mag-ama
Ngunit pagdating sa mga pelikula niya
Kaming mag-ama’y tiyak na nagkakaisa

Mula sa pagiging aktor ay hinikayat sa pulitika
Nitong masang totoong galit na sa sistema
At hindi niya binigo itong kahilingan nila

Bilang isang pangulo ang pagkandidato niya
Nang sa kahirapa’y iahon ang taong umaasa
Ngunit sa dulo’y pagkatalo ang nalasap niya

Ang karaniwang masa’y di maniwala
Tingin nila na ang idolo nila’y dinaya
Kaya’y siya’y naghain ng protesta

Nang isang araw, sa ospital ay isinugod siya
Nang makaramdam ng hilo’y siya’y na-koma
Ang buong nasyon ay agad ngang nag-alala
Ngunit sadya yatang dumating na ang oras niya

Kamatayan niya’y totoong ikinabigla
Ng masang sa kanya’y humahanga
Sarado na ang telon, si FPJ ay wala na
Ngunit buhay pa itong naghihirap na masa

Ngayo’y wala na ang simbolo’t pag-asa nila
Kaya’t naiwan ang laban sa kamay na ng masa
At sa patuloy na paggiya ng uring manggagawa
Tunay na gobyerno’y tiyak na matatamasa.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 4, Taon 2004, p.8.

Nobyembre 16, 2004

NOBYEMBRE 16, 2004
SA MGA MANGGAGAWANG PINASLANG SA HACIENDA LUISITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

hindi natutulog ang naiwan nyong mga kauri
mga sakripisyo nyo, sa wala’y di dapat mauwi
sa paghanap ng hustisya’y di kami mag-aatubili
at pagkakaisa ng manggagawa ang tanging susi.

mabuhay kayo, mga kapatid, kayo’y pumanaw man
isa kayong inspirasyon dito sa aming mga naiwan
alam naming hangga’t may kapitalistang gahaman
ang inyong halimbawa’y di mawawalan ng katuturan.

tanikala ng pagsasamantala’y dapat mapatid
harangan man ng kanyon o anumang balakid
tangan ang prinsipyo’y di kami magiging umid
itutuloy namin ang laban nyo, o, aming kapatid.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg 4, Taon 2004, p.8. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Linggo, Hunyo 8, 2008

Pacquiao versus Tyson

PACQUIAO VERSUS TYSON
ni Greg Bituin Jr.
(tulang may lalabindalawang pantig bawat taludtod)

Globalisasyon – landas daw ng progreso
Ito’ng sabi ng mga mangangalakal
Dapat daw pumaloob ang Pilipinas
Dito sa globalisadong kumpetisyon.
Pa’no makikipagkumpetensya itong
Maliit nating bansa sa malalaki
Samantalang nakikinabang lang dito’y
Ang mga korporasyong dayuhan lamang
Pagkat ito’y kumpetisyon ng kapital.
‘Pinas laban sa Europa’t Amerika?
Lalaban ang dilis sa mga balyena?
Parang si Pacquiao tayo laban kay Tyson!

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2002, p.8.

Huwag Maging Tarciano

HUWAG MAGING TARCIANO
ni Greg Bituin Jr.

Nangyari circa Setyembre-Oktubre, 1950
(tulang may lalabindalawang pantig bawat taludtod)

Hoy, kilala mo ba si Tarciano Rizal
Na Arthur ang alias, at apo raw nitong
Pambansang bayani na mulang Calamba?
Isang Huk kumander itong si Tarciano
Na kay Sekretaryo Magsaysay naglahad
Ng lahat ng kanyang mga nalalaman
Sa buong kilusan nitong rebeldeng Huk.
At dahil sa sumbong nitong si Tarciano,
Sandaan at limang kasamahan sa Huk
Pati matataas na pinuno nito
Ang pinaghuhuli’t agad ikinulong!
Ipinagkanulo nitong si Tarciano
Ang sarili niyang mga kasamahan!
Di dapat tularan si Tarcianong hudas
Na kasumpa-sumpa’t dapat lang mabitay!

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2002, p.8.

Kabataan, pumiglas ka

KABATAAN, PUMIGLAS KA
ni Greg Bituin Jr.

Kabataang maykaya at mahirap
Sa kalagayan ay di pantay
Ang isa'y nabubuhay sa sarap
Habang ang isa'y parang patay.

Paano pa makahihinga
At makaramdam ng ginhawa
Kung kabataa'y ginigiba
Ng sistemang palamara.

Edukasyo'y mataas ang presyo
Pagkat imbes na karapatan
Ay ginawa itong pribilehiyo
Ng kapitalista't pinagtutubuan.

Ah, hindi dapat ganito, hindi ganito
Kalagayan nati'y dapat mabago
Matagal na tayong iniinsulto
Nitong sistemang kapitalismo.

Kabataan, pumiglas ka
Sa higpit ng tanikalang
Iginapos ng sambayanan
Ng uring mapagsamantala.

"Tubo, tubo, tubo" ang siyang hiyaw
Nitong mga kapitalistang bangaw
"Baguhin ang sistema" ang sigaw
Nitong mga kabataang anga-angaw.

Dapat nang putulin ang kasamaan
Ng kapitalismong biniktima ay bayan
Hustisya sa lahat, hindi tubo sa iilan
Kaya sosyalismo'y ating ipaglaban.

Pagbabago ang landas
Sosyalismo ang lunas
Kabataan, ikaw ay puniglas
Sa kapitalismong posas.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 2, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sabado, Hunyo 7, 2008

Kuryente at Yelo


KURYENTE AT YELO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ano bang kaugnayan ng kuryente't yelo
bakit presyo ng kuryente'y naugnay dito
di ito maipaliwanag ng Meralco
pero si Juday, natalakay agad ito
pag sa tindahan daw, bumili ka ng yelo
kahit isang minuto lang may mababago
dahil matutunaw ang isang parte nito
bawas na ang yelo pagdating sa bahay nyo
ayon kay Juday, system's loss raw ay ganito
system's loss na di naman nagamit ng tao
pero binabayaran natin sa Meralco
binabayaran kahit di nagamit ito
mandaraya, mandaraya sila sa presyo
malakas managa, tinataga ang tao
di nagamit na kuryente'y babayaran mo
tulad daw ng binayarang tunaw na yelo
kuryenteng di na nga nagamit ay may presyo
taumbayan na ang ginagatasan nito
kaya pala tubo ng tubo ang Meralco
kawawa, kinakawawa na nila tayo
habang humahalakhak pa sila ng todo
ah, matagal na nila tayong niloloko
masang Pilipino'y kanilang ininsulto
ginamit pa si Juday na iniidolo
kaya nararapat lang magprotesta tayo
ibabad sa yelo silang taga-Meralco

Soneto sa Katotohanan

SONETO SA KATOTOHANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Payag ka bang pawang kasinungalingan
Ang mangaglipana sa ating lipunan?
Hindi ba’t maigi ay katotohanan
Itong pairalin sa kapaligiran?

Kasinungalinga’y siyang pumapatay
Sa katotohanang hangarin ay lantay
Pag baya’y nilugmok, sakbibi ng lumbay,
Pa’no pa gaganda itong iwing buhay?

Kasinungalinga’y simpait ng apdo
Kita nang hanapin ang bawat totoo
Harapin ma’y pawang mga sakripisyo
Kahit man banggain ay pader na bato.

Kapag totoo na’y ating nasumpungan
Pukyutang kaytamis ang malalasahan.

Hunyo 7, 2008
Sampaloc, Maynila

Ilang eksperimentasyon

ILANG EKSPERIMENTASYON
ni Greg Bituin Jr.

(Paunawa: Eksperimentasyon at pagkamalikhain ang naging saligan ng makata upang ang mga diona, tanaga at dalit na naririto ay pawang gumamit lamang ng patinig na "a" at walang patinig na "e", "i", "o", at "u",

APAT NA DIONA
(diona - tulang may tatlong taludtod at pitong pantig bawat taludtod)

Masa'y dapat mag-alsa
Kapag pamahalaan
Ay nagpapabaya na.

Ang mga manggagawa
Ang pag-asa ng masa
Na hangad ay paglaya.

Ang mapagsamantala
Ay dapat nang mawala
Nang lahat ay payapa.

Mapalad ang dalaga
Pagkat napangasawa
Ang tanyag na makata.


TATLONG TANAGA
(tanaga - tulang may apat na taludtod at pitong pantig bawat taludtod)

Ang mga mandaraya
At mga mangangamkam
At dapat lang mawala
Sa tahanan ng paham

Mababakas ng masa
Sa makata ang saya
Pagkat napangasawa
Ay magandang dalaga.

Mga daga sa parang
Magsasaka'y kaaway
Kaya kapag nadarang
Mangangatngat ng palay.


TATLONG DALIT
(dalit - tulang may apat na taludtod at walong pantig bawat taludtod)

Kapag naanyayahan ka
Ng pandak sa Malakanyang
Kaagad bang papayag ka
Sa mga atas ng hangal?

Kaya nadala sa bahay
Ng dalaga ang makata
Ay sapagkat mahal na nga
Ng makata ang dalaga

Manggagawa't magsasaka'y
Pawang malakas ang kamay
Magsasaka'y may kalabaw
Manggagawa'y nagpapanday

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 3, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Ang Komyun

ANG KOMYUN
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Paris Commune ay kasaysayan na
Sa manggagawa'y ating ibida
Aral tungo sa pagkakaisa
Ang halimbawa nilang maganda

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 4, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).

Biyernes, Hunyo 6, 2008

Political Prisoners, Palayain

POLITICAL PRISONERS, PALAYAIN
ni Greg Bituin Jr.

bulok pa rin ang sistema
gayong marami na ang nagbuwis
ng buhay sa pakikibaka
at ngayon, ikinulong ng estado
ang mga aktibistang naniniwala
sa pagbabago

sakbibi ng lumbay ang mga
nagmamahal kung kailan ka
lalaya sa kulungang inilaan
ng bulok na estado na siyang
dahilan kung bakit ka kumilos
noon at sumasama sa mga rali
habang isinisigaw ang pagbabago

dapat kang palayain
dahil hindi ka bagay diyan
dahil marami ka pang magagawa
dahil kasama ka sa pagbabago
dahil kasama ka
kasama


nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8. 

Hindi Natutulog ang Gabi

HINDI NATUTULOG ANG GABI
ni Greg Bituin Jr.

habang tayo’y nahihimbing
sa kailaliman ng gabi
ang mga bampira’y gising
nagpaplano ng maitim
sa paghahasik ng lagim
upang buhay ng masa’y
tuluyang kumulimlim
kaya makiramdam ka
hindi natutulog ang gabi
nagpaplano silang maigi
… kung paano ka mabibigti
… ng sanlaksang kahirapan
… kung paano madadapurak
… ang iyong dangal
… kung paano mababarat
… ang lakas-paggawa
… kung paano idedemolis
… ang tahanan ng maralita
kaya maghanda ka, kasama
hindi natutulog ang gabi
upang sa pagdatal ng umaga’y
plantsado na ang mga balak nila
magkaisa tayong durugin sila

Soneto sa Pangarap Kong Lipunan

Soneto sa Pangarap kong Lipunan
ni Greg Bituin Jr.
(15 pantig bawat taludtod)

Pinapangarap ko’y isang lipunang makatao
Isang lipunang mga manggagawa ang nagtayo
Ngunit tiyak punung-puno ito ng sakripisyo
Maraming maaalay na luha, pawis at dugo.

Pagkat ang kinakailangan dito’y rebolusyon
Layunin nito’y pagbabago ng mga relasyon
Sa pribadong pag-aari’t sa moda ng produksyon
At sistemang kapitalismo’y tuluyang ibaon.

Ako’y di naman nag-iisa sa aking pangarap
Kundi kasama ko’y yaong kaparehong mahirap
Na nabubuhay sa mundong punung-puno ng saklap
Isang lipunang pantay-pantay itong aming hanap.

Nais ko’y lipunang walang mahirap at mayaman
Sosyalismo’y ipunla sa mundong sinapupunan.

Hunyo 6, 2008
sa tanggapan ng BMP

Awitin: Ang Buhay Aktibista

AWITIN
ANG BUHAY AKTIBISTA
ni Greg Bituin Jr.


I
Ang buhay ng aktibista’y dapat unawain
Kumikilos siya upang lipunan ay baguhin
Bulok na sistema’y nais niyang durugin
Upang maayos na lipunan ay ating kamtin.

Refrain:
Matinding sakripisyo itong kinakaharap
Ng aktibistang punung puno ng pangarap
Upang tuluyang wakasan itong paghihirap
Kaya siya ay ating pag-ukulan ng lingap.

II
Di pa kumakain ang pobreng aktibista
Na upang mabusog ay nagyoyosi siya
Minsan ay kape ang laman ng tiyan niya
Gutom ang kalaban sa pag-oorganisa.
(Ulitin ang Refrain)

III
Minsan ay naroon siya sa eskwela
At nagtatalakay sa estudyante’t masa
Tapos ay pupunta rin siya sa pabrika
Upang kausapin ang mga manggagawa.
(Ulitin ang Refrain)

IV
Maralitang dinemolis sa mga komunidad
Ay agad niyang tinutulungan at hinaharap
Nais niyang mailigtas ang mga mahihirap
Sa kuko ng mga ganid at mapagpanggap.
(Ulitin ang Refrain)

V
Siya’y aktibistang may disiplinang bakal
At ayaw niyang mahihirap ay kinakalakal
Siya’y aktibistang sa mundo’y iniluwal
Upang sosyalismo’y maitatag at maitanghal.
(Ulitin ang Refrain)

Abril 7, 2007, Unrubbia St., Lunsod Quezon

Etsa-puwera

ETSA-PUWERA
ni Greg Bituin Jr.

siya’y hindi naman manhid
ngunit laging nauumid
pagkat pawang namamasid
sa kanyang pali-paligid
ay pulos mga balakid
sa kanyang mga kapatid

krisis, kahirapan, kagutuman, dusa,
ang nararanasan ng maraming masa
at siyang malakas at may panahon pa
sa mga pagkilos ay ayaw sumama
nais niyang iba na lang ang gumawa
sa mga pagbabagong pangarap niya

meron naman siyang pakiramdam
ngunit ayaw niyang makialam,
at ang tangi niyang inaasahan
ay yaong mga may pakialam
ah, bahala na lang daw ang iba
sa pag-ugit ng kinabukasan

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 1, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Huwebes, Hunyo 5, 2008

Walang Kamatayan

WALANG KAMATAYAN
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod


Namamatay itong mga aktibista
Ngunit hindi ang mga prinsipyo nila;
Namamatay rin itong mga makata
Ngunit hindi ang kanilang mga obra.

Katahimikan o Kapayapaan?

Katahimikan o Kapayapaan?
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

Ano raw bang kaibhan
Nitong katahimikan
At ng kapayapaan?
Agad turan ng paham
Sa payak na paraan:
“Una’y sa tainga lamang.
Ikalwa’y puso naman.”

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 1, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)


Pagkakaisa o Pang-iisa

Pagkakaisa o Pang-iisa?
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Pagkakaisa o pang-iisa?
Mga gahaman ay naglipana?
Ninanakawan mismo ang masa?
Gobyerno’y ano bang ginagawa?
At tayo’y tutunganga na lang ba?

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 1, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Demolisyon

DEMOLISYON
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

Winasak ng gahaman
Itong ating tahanan
Sila ba’y mga diyos
Na sa ati’y uubos?

Dulot nila’y kawalan
Ng ating karapatang
Mabuhay ng maayos
At mapayapang lubos.

Ngayong tayo’y nawalan
Nitong abang tahanan
Wala na ring pantustos
Wala nang magagastos.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 4, Taon 2004, p.8.

Legal na Raket (?)

LEGAL NA RAKET (?)
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Madalas mangyari, habang lulan ng bus
May magsasalita at mambabatikos
Una’y sa asal mo’t sa problemang lubos
Ikaw’y tatalakan ng aral daw ng D’yos.

Hinusgahan agad ang ‘yong pagkatao
Tingin nila’y tila isa kang berdugo
Makasalanan ka’t dapat nang magbago
Kundi’y pupunta ka doon sa impyerno.

Pero bandang huli, babanggitin nila
Sa sobre’y maglagay agad ng ‘yong pera
At generous ka raw, kaya’t mag-ambag na
Dagli silang alis kapag nagbigay ka.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg 3, Taon 2004, p.8. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Rebulto

REBULTO
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Sa kalunsuran ay kayraming
Naglipanang mga rebulto
Tulad ng imahen ni Rizal,
Ninoy, Bonifacio’t San Pedro,
Pati San Jose’t Hesukristo.

Ilan dito’y kinakausap
Ng mga taong problemado
Nagsusumbong pa sila rito
At nagbabakasakali ngang
Suliranin nila’y masagot.

Kadalasan pang nangyayari
Sila ay nanggagalaiti’t
Ang rebulto pa’y sinisisi
Pinagbubuntunan ng galit
Sa nangyayari sa sarili.

Hikbi nga ng isang luhaan:
“Hoy, ikaw diyan, nasaan ka
Nung kinakailangan kita
At bakit mo pinabayaan
Ako’t itong aking pamilya?”

Ngunit nahintakutan siya
Nang rebulto’y biglang sumagot:
“Tama bang mapikon sa iyo?
Bakit ako’y sisisihin mo?
Hindi ba’t rebulto nga ako

Maghapo’t magdamag narito
Nakatayo at nakabilad
Sa araw at di makalayo.”
Buti’t hindi siya nasipa
Ng rebultong hindi matinag.

Sa may di kalayuan naman
May taong tatawa-tawa lang
Iiling-iling ang eskultor:
“Kinausap na naman nila
Ang inukit kong mga obra.”

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Miyerkules, Hunyo 4, 2008

Aishitemasu, Ms. M.

Aishitemasu, Ms. M.
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod



Naukit na ang iyong larawan
Dito sa aking puso’t isipan
Asahan mo’ng aking katapatan
Ang puso ko’y iyung-iyo lamang.
Para ito’y aking patunayan
Puso ko’y dudulog sa sumpaan:
“Sa pag-ibig o rebolusyon man,
Ilalaban kita ng patayan!”

Text sa isang Dilag

Text sa isang Dilag
ni Greg Bituin Jr.

Sa tuwing lumulubog ang araw sa kanluran
Pag-ibig sa iyo’y dagling nasok sa isipan
Lagablab ng damdamin ay kayhirap iwasan
Tila buong ako sa apoy ay nadadarang.

Sa tuwing sumisikat ang araw sa silangan
Larawan mo’y agad sumasagi sa isipan
Pangarap kong ikaw’y maging aking paraluman
O, Dakilang Pag-ibig, dinggin ako’t tulungan!

Euthanasia

EUTHANASIA
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

oh, kaytamis piliin
nito ngang kamatayan
kaysa naman mabuhay
nang walang kabuluhan

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8. 

Hindi Alipin

HINDI ALIPIN
ni Greg Bituin Jr.
5 pantig bawat taludtod

Ang manggagawa’y
Hindi kalabaw
Na pag pinalo’y
Di magdaramdam.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8. 

Cheating President, Resign!

Cheating President, Resign!
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Dapat raw ay “No permit, no rally”
Ito’ng nais ng pangulong peke
Na lider nitong gobyernong bingi
At ng mga parak na butete
Pati makabagong Makapili.

Kaya pag nakita ka sa rali
Ng mga unipormadong pipi
Sila’y walang pag-aatubili
At hindi rin naman magtitimpi
Umilag ka’t baka magarote.

Karapatan mo namang magrali
Ay ikaw pa itong sinisisi
Kahit pumutok ang iyong labi
Sila sa’yo’y sadyang walang paki
Parang aso pa silang ngingisi.