Lunes, Abril 28, 2008

Soneto sa Pagkawala ni Jonas Burgos

SONETO SA PAGKAWALA
NI JONAS BURGOS, AKTIBISTA

Abril 28, 2008
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod


Parang kailan lang ay naririyan ka
Laging kaulayaw ng mga kasama
Ngunit halakhak mo’y di na narinig pa
Simula nang ikaw ay pilit kinuha.

Ilang taon na ba ang nakalilipas
Nang inagaw nila pati iyong bukas
Ano ang sala mo’t ikaw ay dinahas
Ng mga pilatong sa bayan ay hudas.

Sa nangyaring ito tanong ko ay bakit
Ikaw ay dinukot nilang malulupit
Dahil ba prinsipyo’t tangan ng mahigpit
Kasama ba ito sa pagpakasakit.

Nawa ang totoo’y malaman ng bayan
At hustisya nawa’y iyo nang makamtan.

Mag-alsa laban sa gutom

MAG-ALSA LABAN SA GUTOM
limang tanaga ni Greg Bituin Jr.

KILOS NA!
Patayin lahat silang
Mga kapitalista
Hanggang walang hiningang
Sa kanila'y matira.

Mga nagsamantala'y
Dapat lang ubusin na
Pagkat gutom ng masa'y
Ang dahilan ay sila.


PANGARAP
Makaahon sa hirap
Ang kanilang pangarap
Kaya nga't nagsisipag
Sa maghapo't magdamag.

Pero ganoon pa rin
Wala pa ring makain
Hanggang maging sakitin
Baka na bangungutin.


KAILANGANG MAGSIPAG
Bawat kahig, 'sang tuka
Di na makaugaga
Kumalam ang sikmura
Tuloy pa rin ang gawa.


DEMOLISYON


Marami ang nawalan
Nitong ating tahanan
Kinuha ng gahaman.
Kaya't tayo'y lalaban!


MARANGAL TAYO!


Tinuring nila tayong
Gaya ng mga baboy.
Papayag kang ganito?
Atin silang itaboy!

- ipinasa sa LIRA (Setyembre 15, 2001) bilang assigment, nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero-Marso 2001, p.8.

Biyernes, Abril 25, 2008

Soneto sa isang Pangarap na Paraluman

Soneto sa isang Pangarap na Paraluman
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Salamat kay Balagtas na hari sa tulaan
Pagkat pinakilala ang pag-ibig na tunay
Siya ang maestro ko’t maraming natutunan
Tulang matalinghaga, mahiwaga’t dalisay.

Ako yaong si Eros sa aking sinisinta
Nangakong ibibigay langit at kaluluwa
Ngunit di ko mapitas mga kwintas na tala
Na sa kanyang paanan ay ihahandog sana.

Mahal ko, aking sinta, ikaw’y lagi kong hanap
Kung saan-saang lugar sa ilalim ng ulap
Sa liwasa’t teatro, pati na sa hinagap
Pagkat ikaw ang nukaw sa aking pangangarap.

Ikaw ang pag-ibig ko, O, aking paraluman
Akong si Eros ngayo’y hilîg sa’yong kandungan.

Abril 24, 2008
(sinulat sa computer habang nag-e-emote sa pakikinig sa awiting Pag-ibig Ko’y Ikaw ni Regine Velasquez)

Sabado, Abril 12, 2008

Kapag Krisis ang Sumapit

KAPAG KRISIS ANG SUMAPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bayang Pilipinas ay sadyang marikit
Walang kagutuman ang mga paslit
Hindi naghihirap kahit maliliit
Hanggang sa manggulo ang mga nainggit.

Itong taumbayan ngayo’y nasa bingit
Ng matinding hirap na sadyang kaylupit
Bayan ay nagtila impyernong mainit
Pagkat namumuno ay talagang bwisit.

Sa kaban ng bayan sila’y nangungupit
Sa buwis ng bayan sila'y nang-uumit
Ang pera ng bayan ay ipinupuslit
Baka pati bangko’y laging sinusungkit.

Presyo ng bilihin ay biglang sumirit
Bigas, langis, buwis, krisis ay sumapit
Apektado lahat ng pamilya’t paslit
Paano ang bukas nating maliliit?

Itong kalingkingan kapagka sumakit
Ramdam na ng lahat itong panggigipit!
Ating sinturon ba’y dapat pang humigpit
Kahit hindi bagay sa suot na damit?

Sa nararanasa’y marami’y pumikit
Sa munting salapi’y agad naaakit
Kahit alam nilang sila’y ginagamit
Nitong pulitikong walang mga bait.

Kahit sa patalim doon ay kakapit
Upang maibsan lang ang pamimilipit.
Marami pang krisis itong sumasapit
Na sa sambayanan ay kumakalawit.

Tulad ng maraming nangawalang pilit
Dahil nagtatanggol sa mga maliit
Di na rin nadinig ang kanilang impit
Pagkawala nila’y sadya ngang masakit.

Karapatan natin ang tayo’y magalit
Di man sinasadya ngipi’y nagngangalit
Sa mga nakita tayo ba’y pipikit?
O singilin itong pangulong bulinggit?

Tila malalim na ang pagkakapagkit
Doon sa upuan nitong kanyang puwit
Di na makababa sa pagkakadikit
Para siyang tuko sa pagkakakapit.

Sa lipunang ito tanong ko ay bakit
Pati ang totoo’y tinatagong pilit
Nangyayaring ito’y walang kasimpait
At di kapalarang sadyang iginuhit.

Samo ko’y durugin ang mga malupit!
Nais mo ba’y baril ang iyong magamit?
At hahawakan ko’y maso o ang karit?
O plakard sa rali araw ma’y uminit?

Nahan ang hustisya, mahabaging langit?
Katarunga’y hanap, laging nasasambit
Ang may kagagawa’y isakdal, ipiit!
Huwag palabasin, magbayad mang pilit.

Sa prinsipyong tama tayo’y mangunyapit!
Ang sistemang wasto’y atin nang iukit!
Kung kamatayan man ang dito’y susulit
Itong balikat ko’y di na magkikibit.

Sa inyo, O, bayan, ako’y mangungulit
Inyo pong pakinggan ang samo ko’t hirit
Bagong kasaysaya’y atin nang iugit
Marami man itong pagpapakasakit.

Sa sistemang bulok hanapi’y kapalit
Adhikain nati’y di dapat mawaglit
Di dapat tumigil krisis ma’y sumapit
At ating tandaan, “Di sapat ang galit!”

Huwebes, Abril 10, 2008

Soneto sa Kurakot

Soneto sa Kurakot
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung itong gobyerno’y panay ang kurakot
Sa kaban ng bayan, laging dumudukot
Katwiran pa nila’y palusot, baluktot.
Ito pag minasdan ay nakalulungkot.

Mayaman ang bansa, ngunit kabang yaman
Ay inuubos lang ng lingkod ng bayan.
Tutunganga lang ba tayong mamamayan
O tayo’y kikilos at makikialam?

Ibalik sa bayan ang para sa bayan
At itong hustisya’y dapat nang makamtan
Tayo’y makiisa’t doon sa lansangan
Agad ibandilang, “Baguhin ang lipunan!”

Bawat mamamaya’y dapat magtamasa
Ng pagbabagong may totoong hustisya.


Sampaloc, Maynila
Abril 10, 2008

Linggo, Abril 6, 2008

Pinoy, Matiisin?

PINOY, LAGI BANG MATIISIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

Pilipino nga ba’y sadyang matiisin
Laging magtitiis, nahihirapan na?
Magtitiis pa rin, wala nang makain?
Magtitiis pa rin kahit nagdurusa?

Mali na ang batas, di pa lumalaban
Bulok ang sistema’y tiis pa ng tiis
Peke ang pangulo, walang pakialam
Lagi nang bahala, magtiis, magtiis.

Sinong sisisihin, ikaw o gobyerno
Ginugutom ka na’y di pa pumapalag!
Laging bukambibig, “Bahala po kayo.”
Hindi na natutong magsabi ng “huwag!”

Tigilan na itong pagkamatiisin
Silang mapang-api’y iyo nang tirisin!

Sampaloc, Maynila
Abril 6, 2008

Etsapwera

AKO’Y ETSAPWERA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lagi na lamang bang ako’y etsapwera
Sa lipunang itong pulos pagdurusa
Hindi na ba ako dito sasagana
At hindi na rin ba ako liligaya.

Laging etsapwera ang turing sa akin
Ng lipunang itong dapat na baguhin
Prinsipyo kong tangan nais pang gibain
Ang aktibismo ko’y ibig ding wasakin.

Ako ay lalaban, sino pa man sila
At magpapatuloy kahit estapwera
Prinsipyo ko’y hindi nila magigiba
At aktibismo ko’y hindi masisira.

Sige’t ituring na ako’y etsapwera
Mahahanap ko rin kung saan sasaya!

Soneto sa Batang Manggagawa

SONETO SA BATANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(nalikha ang tulang ito matapos ang isang talakayan hinggil sa batang manggagawa sa Child Rights Program ng KPML)

Kami ay batang manggagawa
Nangangalahig ng basura
Paputok din ay ginagawa
Sa dagat, nagpapasabog pa.

Mga gawaing delikado
Itong aming mga trabaho
Bata pa’y isa nang obrero
O lagi na lang bang ganito?

Ano bang aming karapatan
Nais namin itong malaman
Para sa’ming kinabukasan
Dinggin ang aming panawagan:

“Ayaw namin sa basurahan
Nais namin sa paaralan!”

Soneto sa Vendors

SONETO SA VENDORS
(alay sa mga taga-Metro Manila Vendors Alliance o MMVA)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marangal na vendors, kayo’y naglalako
Ng mga panindang pambuhay sa inyo
Ngunit mga tinda’y inagaw, tinago
Ng isang berdugong hindi makatao.

Tinda nyo’y pambuhay sa inyong pamilya
Pambayad sa tubig, kuryente at bahay
Pangkain na ninyo ay inaagaw pa
Nais yata niyang kayo ay mamatay.

Dusa, hirap, gutom, maysakit ang anak
Api, bulsang butas, maraming lumuha
Sunog na kalakal, karapata’y wasak
Ang berdugong hudas ang nagwalanghiya.

Vendors, magkaisa, berdugo’y tanggalin
Hustisya ay dapat lamang ninyong kamtin!

Sampaloc, Maynila
Abril 5, 2008

Biyernes, Abril 4, 2008

Soneto sa Prinsipyo

SONETO SA PRINSIPYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Itong prinsipyo daw ay di nakakain
Ang sabi ng isang kaibigang turing
May mapapala ba ang bayan sa akin
Kung may mga krisis na agad dumating.

Dapat daw unahin ang aking sarili
Kaya aktibismo'y akin daw iwanan
May mapapala ba ang masa sa rali?
Makabubusog ba prinsipyo kong tangan?

Paano daw naman ang aking pamilya
Kung walang makain, magutom, lumuha?
May mapapala ba kung manindigan pa?
Mga tanong itong gumulo sa diwa.

Tanging ito lamang ang naging tugon ko:
Mahirap kumain kung walang prinsipyo.

Sampaloc, Maynila
Abril 4, 2008

Huwebes, Abril 3, 2008

Minsan, sa isang pabrika

MINSAN, SA ISANG PABRIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KAPITALISTA:
Hoy, manggagawa, bilisan mo diyan
Produktong ginagawa'y iyong paspasan
Huwag tatamad-tamad, baka maapektuhan
Ang aking tutubuin na kinakailangan.

MANGGAGAWA:
Kinukuba nga nga ako sa katatrabaho
Ay di pa nakasasapat itong aking sweldo
Nang dahil sa minimithi mong tubo
Sa pagtatrabaho'y papatayin mo ako.

KAPITALISTA:
Hoy, ibig mo bang sisantehin kita
Hindi ka pa regular dito sa pabrika
Baka mamatay kang dilat ang mga mata
Kapag umangal ka sa'king ipinagagawa.

MANGGAGAWA:
Salapi'y kailangan kaya nagtatrabaho
Kinabukasan ng pamilya ang nasa isip ko
Hindi ako narito para lang alipinin mo
At kasangkapanin para ka tumubo.

KAPITALISTA:
Alalahanin mong akin itong pabrika
Lahat ng nais ko'y dapat na magawa
Paano na kung ang tubo ko'y mawawala
E, di, hindi na ako makapangingibang-bansa.

MANGGAGAWA:
Alam namin sa iyo nga itong pabrika
Pero sa amin naman ang lakas-paggawa
Kaya't mag-ingat ka sa pananalita
Dahil nga sa amin kaya yumaman ka.

KAPITALISTA:
Plano kong tumnungo sa iba't ibang bansa
magliwaliw doon sa Europa't Amerika
parelaks-relaks lang at pakanta-kanta
Tiyak na ang mundo kong ito ay sasaya.

Kaya't kung kahilingan mo'y pagbibigyan ko
Tyak na mababawasan itong aking tubo
Paano na kaya kung magkakaganito
Masisirang tiyak ang maganda kong plano.

MANGGAGAWA:

Aaah... kailangan na naming lumaya
Lumaya mula sa pagsasamantala
Pagsasamantalang itong dulot ng kapitalista
kapitalistang ito't dapat nang mawala.

Aaah... dapat na kaming makibaka
para itayo ang lipunang sosyalista
Dito'y lalaya ang uring manggagawa
Mula sa tanikala ng pagsasamantala.

ANG MAY-AKDA:

Kaya kung ganito ang nangyayari sa mga pabrika
Sadyang nakapanlulumo ang kahirapa't pagsasamantala
Kaya ang panawagan ko sa buong uring manggagawa
Makiisa't atin nang itayo ang lipunang sosyalista.

 - nalathala sa The Featinean folio, opisyal na publikasyong pampanitikan ng mga mag-aaral ng FEATI University, Summer 1997,at sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p. 8.

Kailangan Nati'y Paskong Mapagpalaya

KAILANGAN NATI'Y PASKONG MAPAGPALAYA
ni Greg Bituin Jr.

Kung totoong ang Pasko ay pagmamahalan
Bakit ang diwa nito'y para lang sa mayayaman
Hanggang ngayon ay laganap pa rin ang kahirapan
May Pasko nga ba para sa mga nahihirapan?

Mayayama'y nagpapalitan ng mamahaling mga regalo
Noche Buena nila'y hamon at masasarap na luto
Mga mahihirap nama'y salat, walang anumang luho
Walang mamahaling regalo at Pasko nila'y tuyo.

Ibang iba nga angPasko ng mga mahihirap
Sila na sa lipunan, sa iba'y di katanggap-tanggap
Niloloko pa nga sila nitong mga mapagpanggap
Pag malapit na ang eleksyon saka lang sila nililingap.

Ah, taun-taon na lang ay ipinagdiriwang
Itong kapaskuhang sadyang para lang sa mayayaman
Taun-taon laganap pa rin ang kahirapan
Ano nga ba ang diwa nitong kapaskuhan?

Ang Pasko'y hindi lang para sa mayayaman
Kundi ito'y para rin sa mga nahihirapan
Kung ang diwa ng Pasko ay totoong pagmamahalan
Tayo'y magrebolusyon, wasakin ang sistemang gahaman.

Ah, simulan nang baguhin ang mandarayang Pasko
Dahil pagkakapantay-pantay ang totoong layunin nito
Mahirap man o mayaman, magkakapatid tayo
Bulok na sistema'y baguhin na, alang-alang sa Pasko.

Kung atin nang maibabagsak ang mga kapitalista
Dahil nagkaisa na ang buong uring manggagawa
At tuluyang mawawasak ang mapang-aping sistema
Ito ang totoong Pasko, ang Paskong mapagpalaya.

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p. 8.

Ang Sakripisyo ng Dalawang Bata

ANG SAKRIPISYO NG DALAWANG BATA
ni Greg Bituin Jr.

(alay kina Jennifer Rebamontan, walong buwan, at Manuel Dorotan, Jr., isang buwan, na namatay matapos ang marahas na demolisyong nangyari sa kanilang tahanan sa C3 North Bay Boulevard South, Navotas, Oktubre 9, 2001, Martes)

O, kay-aga nitong inyong kamatayan
Itong mundo'y hindi n'yo na nasilayan
Dahil lang sa mga buwayang gahaman
Inilit na agad ang inyong tahanan.

Magulang n'yo'y pilit nilang ginigipit
Mawasak lamang ang tahanang kayliit
Sa kagustuhan na bahay n'yo'y mailit
Pati inyong buhay maagang inumit

Ni hindi dumaan sa tamang proseso
Itong demolisyong ginawa sa inyo
Sa batang gaya n'yo'y dapat isiguro
Ang kinabukasang dapat makatao.

O, sadyang kaylagim ng inyong sinapit
Sa magulang ninyo ay napakasakit
Hustisya ay dapat na inyong makamit
Dapat parusahan silang nagmalupit.

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p. 8.

Double-Talk (?)

DOUBLE-TALK (?)
TOTOO BA ANG IPINANGAKONG PABAHAY O DROWING LANG?

ni Greg Bituin Jr.
12 pantig

(Ipinangako niya'y 150,000 bahay noong SONA, pero bakit ginigiba ang mga bahay ng mga maralita kung kinakailangan palang magtayo ng bahay para sa mga maralita?)


Si Pangulong Gloria'y ating napakinggan
Sa una n'yang SONA'y kanya nang tinuran
Sandaan limampung libong kabahayan
Ang ipinangako ng pamahalaan
Upang mahihirap nating kababayan
Magkaroon nitong sariling tahanan.

Tanong nami'y bakit itong demolisyon
Ay patuloy pa rin, ano ba ang layon?
Pangako mong bahay, nasaan na ngayon?
Sa aming hinaing, nais nami'y tugon
Dapat nang itigil mga demolisyon
O baka nais mo'y isang rebolusyon?

Masa'y sadyang galit na sa kahirapan
Itaga sa bato ang aming tinuran!
Kung sadyang lingkod ka nitong sambayanan,
Pangako mo, Gloria'y iyong patunayan!
Hinaing ng masa'y agad mong pakinggan,
Kundi'y babagsak ka sa kinalalagyan!

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p. 8.

Soneto sa Bigas


SONETO SA BIGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bigas ay pagkain nating pangunahin
Ngunit presyo nito ngayon ay sumirit
Daming tila di na kakain ng kanin
Presyo’y di na abot nitong maliliit.

Itong bigas nga ba sa merkado’y kulang
Gayong bansa natin ay agrikultural?
O dahil maraming mga mapanlamang
Tinago ang bigas nang ito’y magmahal?

Kapos sa panggastos, mata'y nanlalabo
Mababa ang sweldo ng mga obrero
Sabi ng negosyo, “Mahalaga’y tubo
Kung mahal ang bigas, ay, magutom kayo!”

Kung pagtaas nito’y gawang balasubas
Huwag tumunganga’t halinang mag-aklas!

Sampaloc, Maynila
Abril 3, 2008

Miyerkules, Abril 2, 2008

Doon po sa amin

DOON PO SA AMIN
ni Greg Bituin Jr.

Doon po sa aming
Bayan ng Mapeke
Mga tao dine
Ay parang pulubi

Laganap ang hirap
Dusa’y nalalasap
Kaya aming hanap
Ay ginhawa’t lingap

Wala ditong tubig
Wala ring kuryente
Wala ring pagkain
Itong anak namin

Doon po sa aming
Bayan ng Mapeke
Palaka’t bubuli
Aming hinuhuli

Upang maibsan lang
Ang gutom na ramdam
Kaya aming sigaw
Tayo’y makialam.

Hindi na naumid
Kami na’y magmasid
At sa’ming paligid
Nakita ay ganid.

Mayaman ang bayan
Sa lupa’t taniman
Ngunit ari lamang
Ng ilang kawatan.

Pinag-aagawan
Upang pagtubuan
Sadyang sa’ming bayan
Maraming gahaman.

Mangingibang-bayan
Papasyal kung saan
Pera’y galing naman
Kurakot sa kaban.

Lider tanungin mo
Kung bakit ganito
Isasagot sa’yo
“Bahala na kayo!”

Kapitan ay bulag
Konsehal ay bingi
Ang tanod ay pilay
Ang meyor ay pipi.

Suhula’y marami
Gobernador hingi
At ang mas matindi
Pangulo ay peke.

Doon po sa aming
Bayan ng Mapeke
Dapat nang baguhin
Ang sistema dine

Kaya sigaw namin
Bulok ay tanggalin
Si Gloria’y sipain
Lipuna’y baguhin.

KPML ofc., Enero 11, 2008

Sa Iyo, Kasama

SA IYO, KASAMA
ni Greg Bituin Jr.

Tandaan mo
Kasama ko
Laban ko rin
Ang laban mo!

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2002, p.8.

Sa isang dilag

ONE-WOMAN MAN
ni Greg Bituin Jr.
(12 pantig bawat taludtod)

Sa puso ko’y isa lang ang paraluman
Na aking mamahali’t aalagaan
Pag nalasap ko’y matinding kabiguan
Mabuti pang pasagpang kay Kamatayan.

Taglagas (ukit sa lapida)

TAGLAGAS
ni Greg Bituin Jr.

Kung sakali’t ako’y lumutang
sa sariling dugo’t tuluyang
inangkin ng lupa, hiling kong
sa lapida’y maukit itong
soneto ko ng luha’t tuwa:
“Dito’y himbing na nahihimlay
ang makata ng rebolusyon,
at abalang iginagala
sa daigdig ng talinghaga
ang mapaglaro niyang diwa’t
masalimuot na haraya,
habang humahabi ng saknong
at mapagpalayang taludtod
para sa uring manggagawa
at sa masa ng sambayanan.
At sa pagdatal ng taglagas
siya’y babangon sa pag-idlip
upang ituloy ang paglikha
sa iba namang katauhan.

nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8. 

Kasaysayan ng Isang Duguang Plakard

KASAYSAYAN NG ISANG DUGUANG PLAKARD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i.
nadadamitan ka
ng pinturang pula
at naglilitanya
nitong adhikain
pati na layunin
ng may simulain
na nananawagan
sa mga gahamang
linta ng lipunan:
“dapat baguhin na
mga polisiyang
pahirap sa masa!”

ii.
habang nagmamartsa
patungong Mendiola
ay nabitawan ka
nang magkabiglaan
maraming nasaktan
ikaw’y naapakan
saksi ka sa pagdugo
ng kanilang katawan
saksi ka sa pagputok
ng mukha nila’t likod
pati na pagkalamog
ng kanilang kalamnan

iii.
pagkalipas naman
ng madugong hapon
napasama ka na
sa ibang basura
saka sinindihan
ng mga nagwalis
naging abo ka man
ay nakapag-ambag
ng makatarungan
at di malimutang
mensahe sa bayan
pati sa gahaman

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.

Sandekadang Pighati

SANDEKADANG PIGHATI
ni Greg Bituin Jr.

Mula sa probinsya, ako’y ipinadpad
Dito sa Maynilang aking pinangarap
Konting ginhawa lang ang tangi kong hangad
Di ko akalaing lalong maghihirap.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.

Ilang Haiku

Ilang Haiku
ni Greg Bituin Jr

(Ang haiku ay anyo ng tula
ng mga Hapones na may
pantigang 5-7-5 sa 3 taludtod)

i.
Globalisasyon
Kawalang katarungan
Ang dulot nito.
ii.
Tuta ng kano’y
Matindi raw ang rabis
Dapat iwasan.
iii
Anong gagawin
Sa bulok na lipunan?
Baguhin ito!
iv.
Ang kahirapa’y
Pribadong pag-aari
Ang siyang ugat.
v.
Ating isigaw
Sosyalismo ang lunas
Sa kahirapan.
vi.
Asawang hanap
Ng magandang dalaga’y
Isang makata.
vii.
Kapag pumula
Ang araw sa silangan,
Rebolusyon na!
viii.
Karapatan kong
Magpahayag ng nais
Sa mga rali.

Midwife

MIDWIFE
Kami sa iyo ay humahanga
Buntis ay iyong inaaruga
Lalabas sa mundo itong bata
Dahil sa kamay mong mapagpala
At maayos na pangangalaga.
O, ikaw itong umaalalay
Sa ina’t sanggol ay gumagabay
Tiniyak pagkadugtong ng buhay
Dangal mo sa kariktan ay lantay
Kaya’t kami rito’y nagpupugay.