Lunes, Abril 28, 2008

Soneto sa Pagkawala ni Jonas Burgos

SONETO SA PAGKAWALA
NI JONAS BURGOS, AKTIBISTA

Abril 28, 2008
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod


Parang kailan lang ay naririyan ka
Laging kaulayaw ng mga kasama
Ngunit halakhak mo’y di na narinig pa
Simula nang ikaw ay pilit kinuha.

Ilang taon na ba ang nakalilipas
Nang inagaw nila pati iyong bukas
Ano ang sala mo’t ikaw ay dinahas
Ng mga pilatong sa bayan ay hudas.

Sa nangyaring ito tanong ko ay bakit
Ikaw ay dinukot nilang malulupit
Dahil ba prinsipyo’t tangan ng mahigpit
Kasama ba ito sa pagpakasakit.

Nawa ang totoo’y malaman ng bayan
At hustisya nawa’y iyo nang makamtan.

Walang komento: