Miyerkules, Marso 26, 2008

Pag-ibig sa Sangkatauhan

PAG-IBIG SA SANGKATAUHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sagot sa 28 saknong na tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ni Gat Andres Bonifacio.

(Tulad ng tula ni Bonifacio, ang sumusunod na tula ay may lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod.)

1
May pag-ibig pa bang higit pa sa bayan
Higit pa sa ating lupang tinubuan
Ay, meron, meron pang higit pa nga riyan
Ito’y ang pag-ibig sa sangkatauhan.

2
Ah, tunay ngang dapat na pakamahalin
Ang bugtong na lupang sinilangan natin
Lalabanan itong bawat maniniil
Pupuksain itong mga maninikil.

3
Ngunit kaiba na ang labanan ngayon
Pagkat nagbago na ihip ng panahon
Di na pananakop ng nasyon sa nasyon
Kundi narito na ang globalisasyon.

4
Mga manggagawa’y inaaping tunay
Mababa ang sahod na ibinibigay
Marami’y nawalan nitong hanapbuhay
Ang dignidad nila ay sadyang niluray.

5
Kaunlaran nga raw ang siyang dahilan
Upang pagandahin ang mga lansangan
Ngunit maralita itong tinamaan
Tinanggalan sila ng mga tahanan

6
Sa globalisasyon, tayo’y nasa hukay
Ng karalitaang sadya nitong pakay
Tayo’y itinuring na buhay na bangkay
At dinadala ta sa ikamamatay.

7
Ang sistemang bulok ang siyang dahilan
Kung bakit patuloy itong kahirapan
May mga mahirap at mga mayaman
Halina’t balikan itong kasaysayan.

8
Mula primitibo komunal na lagay
Nitong pamayanan noo’y nabubuhay
Sa sistemang tao’y pawang magkapantay
Bawat kakainin lahat nabibigay.

9
Hanggang malalakas na tribu’y nangwasak
Pawang nang-alipin ng tribung bulagsak
Nag-ari'y malakas, mahina’y hinamak
Ito ang lipunang alipin sa lusak.

10
Hanggang sa alipin ay nagsipag-aklas
At dinurog nila ang mga malakas
Inari ang lupa, di na pumarehas
Naging panginoong maylupang marahas.

11
Mga magsasakang natali sa lupa
Ay nag-aklasan din, binago’y sistema
Di na pinairal hatian sa lupa
Kundi naging ganap na kapitalista.

12
Ang pabrika’y agad na tinayo nila
Inangkin ang tubo at nagsamantala
Sila’y yumayaman dahil sa pagpiga
Sa lakas-paggawa nitong manggagawa

13
Sa mga sistemang ating inilahad
Mula sa komunal tayo’y ipinadpad
Sa kapitalismong inari ang lahat
Nilalaro tayo sa kanilang palad.

14
Ngayon nga’y kapital itong umiiral
Ang sistemang ito’y hindi rin tatagal
Mga manggagawa ang siyang bubuwal
Sa sistemang ito ng mangangalakal.

15
Umiral na itong maraming lipunan
Na tao’y inari’t naging kasangkapan
Nahan ang pag-ibig sa sangkatauhan
Kung hinahamak na itong kapwa’t bayan.

16
Ay, hindi nga sapat maging makabayan
Kundi tayo’y maging pansandaigdigan
Wala ngang pag-ibig sa ating lipunan
Hangga’t ang sistema’y di napapalitan.

17
Maraming maysakit at nangangamatay
Lahat ay may bayad, pagkain, ospital
Ang mga serbisyo ay naging kalakal
Paano pa tayo nito mabubuhay?

18
Globalisasyon na itong umiiral
Na sa bawat bansa’y siyang dumaratal
Sagot daw sa krisis ng nangangapital
At bagong sistema sa pangangalakal.

19
Tiyak apektado itong manggagawa
Ang lakas-paggawa’y lalong mapipiga
Kaya dapat na ngang sila’y magkaisa
At baguhin itong bulok na sistema.

20
Magkaisa ngayo’t tayo’y magpatuloy
Ang sistemang bulok, dalhin sa kumunoy
Ng pagkakawasak hanggang sa maluoy
Palitan na itong gobyerno ng baboy.

21
Kailan pa tayo dapat magkaisa
Kundi tayo ngayon ay mag-organisa
Ang kinabukasa’y ugitin ng madla
Kasama ang buong uring manggagawa.

22
Relasyong pribadong pag-ari ng yaman
Ay ating wakasan, duruging tuluyan
Ito ang tatapos sa mga gahaman
Upang ating mundo’y mabagong tuluyan.

23
Ito’y dahil na rin sa pagsintang tunay
Sa kinabukasan, patuloy na buhay
Pagpapakatao itong naninilay
Pagrerebolusyon sa ati’y gagabay.

24
Tandaang di sapat lumaya ang bayan
Kung karatig bayan ay api rin naman
Sa mundo’y itigil itong karahasan
Sagot ay pag-ibig sa sangkatauhan.

Walang komento: