Miyerkules, Marso 26, 2008

Mga Teargas ni Hudas

MGA TEARGAS NI HUDAS
tula ni Greg

Sa bawat pagbagsak ng teargas sa lupa
Napapaluha’t nasasaktan ang maraming masa
Sila’y itinataboy ng mga unipormadong buwaya
Tini-teargas ng mga doble-kara’t mukhang pera.

Hinihilam nitong teargas yaong mga mata
Ng mamamayang taas-noong nagpo-protesta
Mga masang ito’y ang layunin ay makibaka
Upang makamit ang panlipunang hustisya.

Katarunga’t kabutihan ang kanilang minimithi
Makukuha kaya nila ito sa mga maiitim ang budhi?
Pagsasamantala’t kasakiman, ayaw na nilang manatili
Lalo na ang pagkaganid ng iilan sa ginto’t salapi.

Teargas ay hinahagis sa mga nagpo-protesta
Ng mga walang budhing tuta’t alipin ng kapitalista
Pag nasabihan ng “That’s an order!”, tatalima agad sila
Para silang mga asong-ulol, talagang utak-kalabasa.

Kaya nga’t nakakahiya itong mga unipormado
Na nanumpa pa manding ipagtatanggol ang tao
Dahil sa tatlumpung pirasong pilak, puso’y naging bato
Tumalima agad sa utos ng mga payaso sa gobyerno.

Paano kung ang masa’y bumawi’t gamitan din ng teargas
Ang mga unipormadong “maginoo” pero balat-ahas?
Ah, tiyak na uusok ang ilong nitong angkan ni Hudas
Manggagalaiti sa poot ang mga unipormadong ungas.

Subukan din nating teargasin ang mga ito!
Baka sakaling pumuti ang maiitim nilang buto!!!
Tiyak manggigigil din sila’t masasaktan din ng todo
Gaya ng ginagawa nila sa mga karaniwang tao.

Saan kaya ang imbakan nitong mga teargas
Upang ating madurog ang kanilang mga armas?

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Abril-Hunyo 2001, p.8.

Walang komento: