Miyerkules, Marso 26, 2008

Mabuti na lang, may aktibista

MABUTI NA LANG, MAY AKTIBISTA
Tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narinig ko minsan ang isang malapit na kakilala
Huwag raw akong paniwalaan dahil isang aktibista
Sinabi pa niyang wala siyang mapapala
Mga gaya kong aktibista ay wala raw kwenta.

Kung anu-ano raw ang isinisigaw namin sa kalsada
Pag-aaral nami’y pinababayaan, ang sabi pa
Ni hindi na raw kami pumapasok sa eskwela
At pati kapwa mag-aaral ay aming ginugulo na.

Pinapasok daw namin ang mga pabrika
Kung saan hindi naman kami manggagawa
Mga obrero raw ay aming inoorganisa
Upang awayin itong mga kapitalista.

Siya’y nilapitan ko at aking tinanong
Bakit niya sinabing aktibista’y mga gunggong?
Siya’y napatda’t nagtangkang umurong
Sa mga isyu kong inilatag wala siyang maitugon.

Ang nasabi lang niya’y dapat kaming magsikap
Upang aming pamilya’y makaahon sa hirap
Huwag daw akong sumali sa mga mapagpanggap
Dahil pag nasakta’y di tatapunan ng lingap.

Sabi niya’y sarili daw namin ang pakaisipin
At kami’y magsumikap upang sarili’y paunlarin
Pinaniniwalaan daw ay huwag didibdibin
At baka raw sa kangkungan kami ay pulutin.

Mga isyu ng bayan ay dapat daw ipaubaya
Sa pamahalaang para sa kanya’y mapagkalinga
Huwag na raw kaming makialam at makibaka
At huwag guluhin itong pamahalaan ni Gloria.

Kaming aktibista’y magugulo’t walang kwenta?
Dito daw sa mundo’y dapat kaming mawala
Ay, anong sakit naman ng mga paratang niya
Para niya akong pinukpok ng maso sa mukha.

Siya ba’y walang muwang sa mundo’t bata pa?
Ngunit may isip na siya’y may edad na
Akin bang sasabihing dapat na patawarin siya
Dahil di niya alam ang kanyang ginagawa?

Kaibigan, may dahilan kung bakit may aktibista
Ipaliliwanag ko sa ‘yo ang kanilang mga simula
Sila’y mga aktibista dahil may dapat ipagbaka
Baguhin ang mga maling patakaran at panukala.

Sa kasaysayan ng bansa’y napakaraming aktibista
Gaya nina Rizal, Bonifacio, Ninoy Aquino’y Hen. Luna
Isama pa sina Ka Popoy Lagman, Edjop at Lorena
Sila’y nakibaka pagkakapantay-pantay ang adhika.

Ang diktaduryang Marcos pati pamahalaang Estrada
Mga administrasyon itong sa bayan ay kumawawa
Hindi ba’t sila’y ibinagsak sa tulong ng mga aktbista
Kung walang aktibista’y walang rebolusyong Edsa.

Tingnan mo pag langis ay biglang taas ng presyo
Di ba’t tataas ang mga bilihin, lahat tayo’y apektado?
Tiyak na maghihigpit ng sinturon itong mga obrero
Pati ulo ng karaniwang mamamaya’y tiyak na tuliro.

Hindi ba natin pupunahin kapalpakan ng gobyerno
Na nangakong maglilingkod sa sambayanang Pilipino
Lagi na lang bang sa kanila’y tango tayo ng tango
Ibinabaon na tayo sa hirap, di pa ba tayo kikibo.

Kaibigan, kaya may aktibista’y upang may makibaka
Mabago’t maitama mga baluktot na batas at panukala
Lalo na hinggil sa mga isyung sambayanan ang kawawa
Dapat lang kumilos, tayong lahat, ikaw, ako, sila.

Pagbabago sa lipunan ang siyang hibik ng mga aktibista
Tanggalin ang mga bulok, singili’t ikulong ang may-sala
Sigaw nila’y dapat nang baguhin ang bulok na sistema
Upang di lalong mahulog sa balon ang kawawang masa.

Di ba’t dapat lang punahin ang pamahalaang mabagal
Mga tila pagong, mga buwaya’t mga baboy sa kural
Karamihan sa kanila’y dapat lang na magpagal
At huwag magpatulog-tulog sapagkat ating hinalal.

Mga korap sa gobyerno’y isang dahilan ng pagdarahop
Ng mga mamamayang hindi talaga nila kinukupkop
Mga pasibo, halina’t huwag punuin ang salop
Sa aming aktibista, baka tuhod nyo ay tumiklop.

Ang nagsasabing magugulo ang mga aktibista
Ay mga taong walang pakialam sa paligid nila
Makasarili’t naiisip ay paano tutubo’y magkakapera
Silang nais magpasasa sa pinaghirapan ng iba.

Kaibigan, mabuti pang maging isang aktibista
Kaysa maging pasibo’t walang pakiramdam
Huwag tayong makibahagi sa bulok na sistema
Huwag maging manhid at tayo’y makialam.

Di ba’t pag nanalo pinaglalaban ng mga aktibista
Pati pasibo’y makikinabang at makikipagsaya
Makikipagsaya sila sa pinagpaguran ng iba
Ang panalong di sila bahagi’y aangkinin pa nila.

Mabuti na lang, kaibigan, at may aktibista
Sa mga gagong lider ay merong pumupuna
Kaysa ipaubaya ang lipunan sa mga lider na sira
Tama lang na pamahalaa’y yanigin ng aktibista.

Aktibista’y nanggigising ng mga utak-kalabasa
Na karamiha’y sa buwis ng tao nagpapasasa
Tama lamang na tao’y pumalag at makibaka
Lalo na’t mali ang patakaran at mga panukala.

Mabuti na lang at may aktibista, aking kaibigan
Silang ang nasa isipa’y kinabukasan ng sambayanan
Halina’t pag-aralan natin itong takbo ng lipunan
Tayo nang kumilos at sistemang bulok ay palitan.

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, isyu ng Abril-Hunyo 2001, p. 8)

Walang komento: