Miyerkules, Marso 26, 2008

Desaparesidos

DESAPARESIDOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

(Desaparesidos – ang kahuluga’y “involuntary disappearances”. Sila ang mga sapilitang nawala na hanggang ngayo’y pinaghahanap pa rin ng kanilang mga pamilya. Karamihan sa kanila’y nangawala noon pang panahon ng martial law at di pa nakikita, kahit katawan nila, hanggang ngayon.)

Desaparesidos, nasaan kang dako
Nawala ka’t sukat at biglang naglaho
Tila ka tinangay ng kung sinong dyablo
Ang pagkawala mo ay isang misteryo.

Mga kaibiga’y pinaghahanap ka
Mga magulang mo ay nag-aalala
Nagmamahal sa ‘yo’y pumatak ang luha
At mga anak mo’y biglang naulila.

Marami na kayo na nawalang pilit
Di kilalang tao kayo’y ipinuslit
Baka katawan nyo’y tadtad ng hagupit
Di na rin narinig kahit inyong impit.

Di ba’t pagtatanggol sa’ting karapatan
Ay banal na gawa ng bawat nilalang
At bakit ba kayo ay nilapastangan
Kayo ay dinukot nilang mapanlinlang.

Ah… maraming anak ngayo’y malaki na
At mga kapatid ngayo’y matanda na
Napakarami na ng mga ulila
Ngayon, ating mahal ay nawawala pa.

Hoy, mga berdugo, itong ginawa nyo’y
Masakit, dapat ngang parusahan kayo
Ah, hindi ko alam kung magharap tayo’y
Gibain kong bigla iyang dibdib ninyo!

O aking kasama, mahal kong kapatid
Pagkawala ninyo’y sumabog sa dibdib
Hanap na hustisya’y aming igigiit
Di kami titigil kahit may balakid.

Dapat nang matigil itong pagkawala
Dapat nang puksain kriminal na gala
Sa mga ginawa’y parusahan sila
Himasin na nila ang rehas na hawla.

Di pa tapos itong aming paghahanap
Dito sa hustisyang sadya ngang mailap
Ang hiling lang namin ito’y mahagilap
Nang kapayapaan sa puso’y malasap.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p.8.

Walang komento: