Linggo, Hulyo 31, 2016

Payo sa sarili kung ako'y magluluto

PAYO SA SARILI KUNG AKO'Y MAGLULUTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

sinaing mo'y iyong bantayan
baka tutong ang kalabasan
tiyaking may gaas ang kalan
mahirap biglang maubusan

pag kumulo na ang sinaing
apoy ay unting pahinain
at pag nagprito ka ng daing
sa kawali'y bantayan mo rin

mahalaga ang pagluluto
upang mayroong maisubo
huwag lang tiyan ang kumulo
at baka madama'y siphayo

sa piging, dapat laging handa
upang masarapan ang dila
ngunit kung bisita'y ngangawa
lalabas kang kahiya-hiya

Ang bawat karapatan ay mahalagahin

iyang paglabag sa karapatang pantao
ay parang paglabag sa sariling talino
di na ginagawa ang pagpapakatao
at dangal ng kapwa'y di na nirerespeto

kung karapatang pantao na'y nilalabag
at ang tagapagtanggol nito'y naduduwag
takot sa puso ng bayan ang nadaragdag
at animo sambayanan na ang binihag

karapatang pantao'y dapat respetuhin
para sa kinabukasan ng bayan natin
ang bawat karapatan ay mahalagahin
pakikipagkapwa itong talagang atin

- gregbituinjr.

Sabado, Hulyo 30, 2016

Kay Ms. _____

KAY MS. _____
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

parang minatamis na bao ang kanyang halakhak
ngunit parang pusang natatae pag nagtatalak
subalit kaiba na pag sa problema'y umiyak
luha niya'y ilog na aapaw hanggang pinitak

marami pang dapat tahaking talampas at lambak
kailangang ang paghahanda't hasain ang tabak
sakaling sa mga karibal ay mapapasabak
upang mapaibig siya't puso nama’y magalak

haharapin anumang pagsubok saanman tumahak
lulutasin ang mga palaisipang naimbak
tulad niring puso kung papasa o magnanaknak
habang pag-asa sa balintataw ko’y umiindak

diyosang kaysarap masdan kahit nakasalampak
kamay ba niya’y kakamtin o gagapang sa lusak?

Lipunang pangako

LIPUNANG PANGAKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantg bawat taludtod

nangarap ng pagbabago't di sumusuko
prinsipyadong tibak ay saan patutungo
kung turing sa Mindanao ay lupang pangako
sosyalismo naman ang lipunang pangako

halina't organisahin ang manggagawa
bilang isang uri't hukbong mapagpalaya
upang lipunang pangako'y kamtin ng dukha
na pamumunuan ng uring pinagpala


Biyernes, Hulyo 29, 2016

Huwag tulad ng rosas sa bubuyog

HUWAG TULAD NG ROSAS SA BUBUYOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

huwag mo akong mamahalin
tulad ng rosas sa bubuyog
sige't ako’y iyong murahin
pagkat iba’y aking pinupog

pagkat nilandas ko’y adhika
mula talampas tungong ulap
kasama'y uring manggagawa
sa landas na pinapangarap

naroroon sa himagsikan
binubuga'y sanlaksang saknong
yapos ang punglo't taludturan
tumutugon sa laksang tanong

ibig kong sa bawat himagsik
bulok na sistema'y tumirik

Huwebes, Hulyo 28, 2016

Panata sa pagkilos

PANATA SA PAGKILOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung ako lamang ay iyong uunawain
madarama ang kaibuturan kong angkin
wala mang pera, milya-milya'y lalakarin
bundok man o karagatan ay tatawirin
hirap man ay nakukuhang balewalain
nang magawa ang binalikat na tungkulin

Bilin ni Pingkian

BILIN NI PINGKIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mayroon daw ganitong klaseng tao
na malamang sa hindi ay totoo
matatapang sa kababayan dito
ay bahag ang buntot sa mga dayo

dahil ba iyan na'y kaugalian
o dahil sa sistema ng lipunan
maliit ang tingin sa kababayan
ay sinasamba ang mga dayuhan

saludo sa matatangos ang ilong
tingin sa mga pango'y may kurikong
pag mestisuhin, tingin na'y marunong
at pag kayumanggi'y amoy bagoong

si Emilio Jacinto'y nagsiwalat
sa Liwanag at Dilim ay nasulat:
"Iisa ang pagkatao ng lahat"
ito'y pakatandaan nating sukat

Miyerkules, Hulyo 27, 2016

Di ako Prince Charming na hanap mo

DI AKO PRINCE CHARMING NA HANAP MO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

mas iibigin ko'y amasona
kaysa sa tulad mong Cinderella
di ako Prince Charming na hanap mo
pagkat maglulupa lamang dito

Sleeping Beauty ma'y di ko ibig
buting pluma't papel ang kaniig
kaysa sambahin ang isang mutya
na kung magising laksa ang muta

Snow White ka mang gawad ay halik
sa iwing puso ko'y natititik
rosas kang sa tulad kong bubuyog
ay tinik, imbes nektar, ang handog

mabuting sa malayo’y lumipad
baka makita'y hanap na pugad

Martes, Hulyo 26, 2016

Tuyo na ba ang utak ko't walang maisip

TUYO NA BA ANG UTAK KO'T WALANG MAISIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tuyo na ba ang utak ko't walang maisip
di na maisulat ang nasa panaginip
talinghaga'y lumipad di na halukipkip
mabuti kaya'y balikan ko sa pag-idlip

mutyang apoy ba'y pagagapangin sa lusak
hanggang sa magdugo na itong aking utak
rumaragasa man ang mga hinayupak
natatanto pa naman ang mali sa tumpak

saranggolang papel akong pumaimbulog
pluma'y hawak kong nangangarap anong tayog
hanggang katawan ko'y sumakit, nabubugbog
mga pasa'y nangingitim, kayraming lamog

hanggang madama ko ang musang anong rikit
naroong umiindak sa gabing pusikit
sa isipan ko'y kanyang tanong: Bakit? Bakit?
may kinapang kung ano't palad ko'y lumagkit

Lunes, Hulyo 25, 2016

Bukod tangi kitang kasama sa pakikibaka

Bukod tangi kitang kasama sa pakikibaka
Aktibista tayong kumikilos para sa masa
Yanigin natin ang mapagsamantalang burgesya
At ang uring manggagawa'y ating iorganisa
Nawa'y patuloy na tanganan ang ptinsipyong dala
Itaas ang kaliwang kamao, aking kasama
Halina't durugin ang mga mapagsamantala
At wakasan natin ang paghahari ng burgesya
Nang tuluyang mapalitan ang bulok na sistema.

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 24, 2016

Pagsinta

PAGSINTA
ni Greg Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

sinusumbat-sumbatan ko ang puso kong magaspang
di na ba ako nagpapakatao't budhi'y halang
ano nang pinaggagawa sa iba't ibang larang
na kahit paa'y di na malinis, amoy masangsang

ang amot ko'y pagsinta mula ulo hanggang paa
angkin kong agimat ay nagmistulang alipunga
nakatingala sa buwan, naroong umaasa
na magbabago rin ang lahat kasama ng masa

magbubunong braso tayo, siya'y umaatungal
sa humahapding sikmura'y tila di na tatagal
itigil na raw ang digmaan, nagpapakabanal
dapat munang kumain ng tapsilog sa almusal

bigo na ba ang tulad kong napapraning sa iyo
pagsinta ko ba sa puso mo'y makakalaboso

- gregbituinjr.

Sabado, Hulyo 23, 2016

Ibasura ang mga trapo

IBASURA ANG MGA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ibasura ang mga maruruming trapo
basahan silang di luminis sa gobyerno
di magsilbi ang laman ng kanilang ulo
kundi ibenta ang bayan sa mga dayo
negosyo ng mga pulitikong dorobo

ibasura iyang pulitikong tiwali
marapat lang sila sa maruming pusali
pagkat putik din lang ang kanilang ugali
nasa utak ay tumubo't huwag malugi
sa gawa ng trapo'y di ka ba mamumuhi?

mukhang yagit daw kaming mga aktibista
ngunit trapo ang talagang mga basura
lalo't higit ang kapitalistang sistema
gayong wala namang napapala ang masa
kundi pawang karukhaan at pagdurusa

bansa'y ibinasura sa globalisasyon
sa kapitalismo'y wala nang nasyon-nasyon
mundo'y negosyo ng kapitalistang leyon
di ba't obrero'y dapat lang magrebolusyon
at kapitalismo'y tuluyan nang itapon

Ang di marunong lumingon sa ating kasaysayan

ang di marunong lumingon sa ating kasaysayan
ay animo talahib na ligaw sa kadawagan
di nakikilala ang mga bayani ng bayan
di alam bakit nakikibaka ang sambayanan
di tanto ang tunggalian ng uri sa lipunan

tuwid ang daan ay impyerno pala ang daratnan
di marating ang langit na pangarap mapuntahan
kumbaga sa unyon, tinungo'y taksil na dilawan
makakaahon o tuluyang masadlak ang bayan
doon sa malagim na kangkungan ng kasaysayan

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 22, 2016

Punuin ang tibuyô

paunti-unti, piso-piso lang ang binubunô
dagdagan pa ng limang piso't sampung pisong buô
ilang panahon lang ay mapupuno ang tibuyô
at matitikman na rin ang pulutang lutong-lutô

turuan nating mag-ipon ang ating mga anak
at tulad ng lego pag nabuo'y ikagagalak
mag-ipon upang may dignidad kang di hinahamak
at pag maraming ipon, di ka gagapang sa lusak

ang tibuyô mo'y halina't punuin ng salapi
makakatulong ang ipon upang kamtin ang mithi
panaho'y kaybilis, huwag sayangin ang sandali
sa kinabukasan, may madudukot kahit munti

- gregbituinjr.
* ang "tibuyô" ay tagalog-Batangas sa salitang Kastilang "alkansya"

Huwebes, Hulyo 21, 2016

Nilay habang nagkakape

NILAY HABANG NAGKAKAPE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kalayaan ang nasa isip habang nagkakape
paano nga bang iyang pulitiko’y nagsisilbi
bakit pulos negosyo ang kanilang sinasabi
habang sa daing ng mga dalita’y nabibingi
bayan na bang ito'y kanilang ipinagbibili

habang nagkakape, kayrami nang nasasaisip
nangangarap ng gising, di lang ito panaginip
di naman ito pansariling hangarin sa halip
kaginhawahan ng bayan ang nasa't halukipkip
simpleng pangarap na di naman mahirap malirip

paano nga bang sa pagbabago tayo'y lalahok
upang dukhang api naman ang malagay sa tuktok
ah, kayrami pang aakyating matarik na bundok
upang mapalaya ang dukha sa sistemang bulok
at tuluyang ibagsak ang uring sa tubo'y hayok

Miyerkules, Hulyo 20, 2016

Patuloy pa ba?

PATULOY PA BA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

patuloy pa bang pumapatak ang tubig sa gripo
o ito'y naiga na dahil na rin sa el niño
paano na ang tanimang dapat diligang todo
upang makaaning husay at kumita ng husto

patuloy pa bang dumadaloy ang tubig sa ilog
o ito'y dumumi dahil sa naglipanang libog
paano ang bulaklak kung walang mga bubuyog
ang kalunsuran kaya'y sa baha pa rin lulubog

patuloy pa bang babaha ng dugo sa lansangan
dahil naglipana'y sugapa, tiwali't kawatan
biktima ba'y laging dukha't kaybait sa gahaman
due process of law ba'y patuloy na iginagalang

Martes, Hulyo 19, 2016

Bakit ba salbahe ang 'salvage'

BAKIT BA SALBAHE ANG 'SALVAGE'
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

salitang 'salvage' ay di Ingles sa 'save' o pagsagip
ito'y Kastilang 'salbaje' at salbahe ang hagip
kayraming mga na-salvage, pinagkamalan, suspek
makikita na lang, bulagta't buhay na'y tiwarik

uso pa kasi ang bato, bato-bato sa langit
"Ding, ang bato", sabi lagi ni Darnang anong rikit
kaya mga nagbabato'y talaga ngang tagilid
mapapaagang sa kabaong sila'y maisilid

gayunman, isaalang-alang ang due process of law
pagkat ang bawat isa'y may karapatang pantao
kahit negosyanteng drug lord na siyang puno't dulo
kung bakit nagkalat ang drogang kanilang negosyo

naglipana ang 'na-salvage', kayraming sinalbahe
ngunit maliliit, pawang dukha ang nadadale
di batid kung ilan ang sinalbaheng inosente
nahan ang mga drug lord, ang mga may sinasabi

nawa'y masugpo ang mga droga, shabu't ecstasy
at dapat mapigil nang di kumalat sa marami
ngunit ang tamang proseso'y pairaling maigi
habang binubunot ang mga ugat na kaytindi

#NoToSalvagings #StopTheKillings
#EJKnotOK #RespectTheRightToLife

Lunes, Hulyo 18, 2016

Kami'y mga manghihimagsik

KAMI'Y MGA MANGHIHIMAGSIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kami'y mga manghihimagsik, di alilang kanin
tibak na tumutupad sa sinumpaang tungkulin
para sa uring manggagawang kabalikat natin
sa pag-unlad hanggang sa makamit ang simulain

bagamat walang salapi'y di kami nanlilimos
prinsipyo yaring tangan laban sa pambubusabos
ng kapitalismong nagdulot ng paghihikahos
sa laksa-laksang dukhang walang buhay na maayos

ang buhay sa daigdig na ito'y sadyang baligtad
ang kaysisipag sa pabrika ang di umuunlad
sa init ng araw, magsasaka'y lantad na lantad
madla'y di maramdaman ang buhay na may dignidad

lipunan ba'y sa demonyong matatangos ang ilong
habang sa mga kayumanggi'y lahat ng linggatong
nagtatamasa sa burgesya'y kayraming ulupong
habang sa tiyan ng dukha'y walang maipandugtong

kaya dapat makibaka't mapalitan ang bulok
na sistemang sa daigdig na ito'y umuuk-ok
dapat sa himagsikang ito, obrero'y lumahok
upang uring manggagawa ang malagay sa tuktok

Linggo, Hulyo 17, 2016

Malalim na hukay

MALALIM NA HUKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

naglalakad siya sa karimlang di maunawa
kung paanong nanalasa sa kanila ang digma
nagdulot iyon ng malalim na hukay sa lupa
bunga ng pagbagsak ng bomba sa nayong kawawa

nawala na ang pananim, saan na magsasaka
mapanganib ang hukay, baka may radyasong dala
ayon sa isang lingkod bayan, buting lisanin na
ang nayon bago salot na'y tuluyang manalanta

gunita'y mga nangabaon habang nakatitig
sa mata ng kandilang itinulos ng ligalig
na diwa habang balahibo'y ano't tumitindig
habang panaghoy ng lupa yaong nauulinig

Sabado, Hulyo 16, 2016

Himutok na naukit sa isang pader sa UP

HIMUTOK NA NAUKIT SA ISANG PADER SA UP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

himutok na naukit sa isang pader sa UP
anito: "patay na kami, wala pang nangyayari?"
kailan magkakahustisya ang mga dinale
masaker sa Maguindanao ay tunay ngang kaytindi
sa limampu't walong pinaslang, sinong nakasaksi
na katotohanan ay buong pusong masasabi
sa babanggaing pader, tiyak mag-aatubili
ang asam na katarungan pa kaya'y maaani
Kuha ng makata sa UP College of Mass Communication

Biyernes, Hulyo 15, 2016

Sa pagkatitig sa sahig

SA PAGKATITIG SA SAHIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagninilay ay nakatitig
imbes sa kisame'y sa sahig
ramdam ang sementadong lamig
diwa't puso'y kinakaligkig

habang baon ay pawang tutong
kasama'y ulam na balatong
may isang piritong galunggong
at may sinilihang bagoong

kaytagal pa ng hinihintay
na diwatang asam na tunay
nagsasabong ang saya't lumbay
mag-isa roong naglalamay

Huwebes, Hulyo 14, 2016

Palitada

PALITADA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dapat pa bang palitadahan ang lumang sistema
ng sementadong putik ng trapo’t tusong burgesya
habang nagtatampisaw lang sa luho ang minorya
kahit mayorya'y nalulunod sa hirap at dusa

o ang mas angkop ay baguhin natin ang lipunan
kung saan di na maglilipana ang karukhaan
ipapalitada’y pantay, wastong paninindigan
at sementadong prinsipyong alay sa uri’t bayan

Miyerkules, Hulyo 13, 2016

Bawat bato para sa bawat bayani

BAWAT BATO PARA SA BAWAT BAYANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

simbolo ang Libingan ng mga Bayani
ng dangal, ng tapang, ng giting ng marami
silang totoong nagpakasakit, nagsilbi
sariling buhay ang alay, bayan ang saksi

may isang pinunong malaon nang humimlay
na diktador sa bansa noong nabubuhay
nais ng mga kaanak nitong namatay
na doon ay ilagak na ang kanyang bangkay

ngunit kayraming nagprotesta, humihiyaw
di marapat doon ang taksil na nagpataw
ng martial law na sa bukas nila'y gumunaw
berdugong diktador na sa laya'y umagaw

bakit ang di bayani'y ililibing doon
bakit di na ilibing sa kanyang rehiyon
libingan ng bayani'y simbolo ng nasyon
ang di marapat ay huwag doon ibaon

bilang protesta'y nagsulat sa mga bato
ng ngalan ng mga biktima ng martial law
tinortyur, nangawala, desaparesido
sila ang mga bayani, di ang berdugo

bawat bato'y simbolo ng mga pinaslang
mga manggagawa't magsasakang nilinlang
masang dinahas, babaeng sinalanggapang
simbolong bangkay ng diktador ay maharang

Martes, Hulyo 12, 2016

Mga drug lord nga'y kapitalistang linta

MGA DRUG LORD NGA'Y KAPITALISTANG LINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mga drug lord nga’y tunay na kapitalistang linta
alam nilang ang produkto nila'y makasasama
dahil sa tubo, sinisipsip ang dugo ng madla
di mapigil, dapat maubos na silang kuhila
bago nila bilhin ang batas at sariling laya

sadyang walanghiyang mga kapitalista ito
at walang pakialam sa karapatang pantao
drug lord na nagkatawang tao subalit demonyo
na nabubuhay sa pagbebenta ng droga't shabu
ang ganitong hayop ba'y may karapatan sa mundo

tama lamang na kapitalistang linta’y birahin
negosyo nilang droga't shabu'y tuluyang durugin
panginoon ng droga silang dapat nang kalusin
habang maliliit ay huwag agad babarilin
pagkat dukha’y may due process na dapat igalang din

Lunes, Hulyo 11, 2016

Pamamaslang sa panahon ng bato

PAMAMASLANG SA PANAHON NG BATO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy ang pamamaslang sa mga nagbabato
kaya't di na mapipiit pa sa kulungang bato
kayrami nang pinerwisyo ng mga pusong bato
hanggang madama na ng biktima ang pagkabato
karapatang pantao nga'y nag-uumpugang bato
kung ipiit o paslangin ang pinuno ng bato
bato-bato sa langit, tinatahak na'y mabato
tulad na ng nililipad ng ibong bato-bato
sinong sa panginoon ng droga'y handang bumato
tigpasin ang ulo't ibaon sa puntod na bato

Durugin ang mga panginoon ng droga

DURUGIN ANG MGA PANGINOON NG DROGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dapat durugin ang mga panginoon ng droga
dapat sugpuin mula puno hanggang baba nila
paslangin ang ugat nang di pamarisan ng iba
tanggalan ng pakpak iyang kabig ng palamara
pugutan ng ulo't kayrami nilang biniktima

kaya di lamang dapat pulos mga maliliit
ang sa balita'y napaslang, nahan ang malulupit
at walang pusong amo ng durugistang makulit
kayraming buhay sinira nila, nakagagalit
mawala sila sa mundo'y pangarap na mahigpit

ngunit narito tayo sa mundong sibilisado
na winawasak ng panginoon ng drogang ito
ika nga, ang batas ay gamitin daw nating wasto
kaya huwag kalilimutan ang due process of law
at irespeto pa rin ang karapatang pantao

naniniwala ako sa pantaong karapatan
na dapat nating igalang at sadyang ipaglaban
ngunit sa karapatang pantao'y di gumagalang
ang mga drug lords na kapitalistang salanggapang
di sila tao, hayop silang dapat lang mapaslang

alang-alang sa mga biktima ng drogang ito
dapat nang durugin ang ugat, pugutin ang ulo
mga panginoon ng droga’y birahin nang todo
tayo naman, igalang pa rin ang wastong proseso
ipakitang di tulad nila, tayo'y makatao

* talasalitaan:
palamara - taksil, lilo, sukab
salanggapang - walanghiya

Linggo, Hulyo 10, 2016

Tula ang alay sa pakikibaka

TULA ANG ALAY SA PAKIKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

alay ko sa pakikibaka ang bawat kong tula
para sa pagbabago ng buhay ng kapwa dukha
sa karapatang pantao at uring manggagawa
bawat saknong ay para sa marangal na adhika

ngayong puno ng ligalig sa panahon ng bato
dapat lang durugin ang bawat pasimuno nito
sa isyung droga, dapat paslangin ang puno't dulo
habang di nililimot ang karapatang pantao

bawat hakbang, nilay, danas, at suri sa lipunan
tinatala't tinutula bawat isyu ng bayan
bagamat sa pamilya't pagsinta'y may tulang laan
kalakhan ng katha'y para sa buong sambayanan

sa muli, bawat tula ng pakikibaka'y alay
sa bawat pangarap ng masa't pagbabagong tunay
kaisa nyo ako sa bawat hirap, dusa't lumbay
at nawa'y makatulong ang tula hanggang tagumpay

Di ko nalilimutan ang bilin mo, anak

DI KO NALILIMUTAN ANG BILIN MO, ANAK

di ko nalilimutan ang bilin mo, anak
mahal ka ni tatay kaya huwag iiyak
basta't payo ko'y sundin nang di mapahamak
may pasalubong kang sukat mong ikagalak

araw-gabi ang kaulayaw ko'y makina
imbes na sa gabi'y kayo ng iyong ina
ngunit pag-uwi ko, anak, ikaw'y umasa
may pasalubong ako sa buong pamilya

kahit malayo ako dahil sa trabaho
kaharap man ay unos at mga delubyo
kayo ng iyong ina'y naaalala ko
upang sadyang itaguyod ang bukas ninyo

paghandaan mo ang pag-unlad ng sarili
at bukas mo pagkat ayaw kitang magsisi
hiling ko lang, anak, mag-aral kang maigi
edukasyon mo’y pasalubong na kaybuti

- gregbituinjr.

Sabado, Hulyo 9, 2016

Pagninilay sa panahon ng gipit

PAGNINILAY SA PANAHON NG GIPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

manggagawa, maralita
magsasaka, mangingisda
mga sektor ng dalita
isang kahig, isang tuka
iisang uri at dukha

nabuhay, sipag, tiyaga
danas ang hirap at tuwa
di papayag makawawa
pag naghimagsik ay handa
kahit buhay itataya

subalit kailan kaya
magsisikilos ng kusa
silang mga may adhika
upang tuluyang lumaya
itong uring manggagawa

Parang enigma ang rosas na nais makasama

PARANG ENIGMA ANG ROSAS NA NAIS MAKASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

parang enigma ang rosas, di agad matingkala
simbolo nga ba ng dilag ngunit di maunawa
ang ibigin siya’y tila pagdaluhong sa sigwa
o torpe ang bubuyog at di makapagsalita

di tulad ng regalong tsokolateng anong tamis
di makakain ang rosas maganda man ang umis
ng dalagang iniibig ngunit dapat magtiis
iwing rosas ba'y didiligan ng sanlaksang hapis

rosas kaya'y malungkot, bakit ito nakatungo
pumintuhong bubuyog ba'y sa iba narahuyo
bukangliwayway ba'y di pag-asa't isang siphayo
o isang takipsilim na puno ng panibugho

parang enigma ang rosas na nais makasama
sa hardin ng kawalan kaya'y doon mapupunta

Biyernes, Hulyo 8, 2016

Epekto ng kontraktwalisasyon sa buhay ng isang dukhang obrero

EPEKTO NG KONTRAKTWALISASYON SA BUHAY NG ISANG DUKHANG OBRERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

kaysipag niyang pumindot
ng makinang kinalikot
subalit masalimuot
pagkat buhay natutuyot
araw-araw nayayamot
sa buhay na laging ikot:

biling kanin, isang balot
ulam lang ay tuyong hawot
kaya hilo't umiikot
ang paningin, bumabalot
sa puso'y pagkabantulot
kapitalista'y kaydamot
at sa diwa'y sumusundot
kontraktwalisasyon, salot

Huwebes, Hulyo 7, 2016

Sa daigdig kong parisukat

SA DAIGDIG KONG PARISUKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

naririto akong nakabartolina sa kahon
ng munting daigdig na himagsik ang nakagatong
sapagkat inaaral ang sistemang lumalamon
sa dangal ng tao't dahilan ng laksang linggatong

kaunti man ang hangin sa kinapapalooban
maaalpasan din ang suliraning nakadagan
dito man sa daigdig ko’y laksa ang alinlangan
makaiigpaw din sa kabila ng alinsangan

isang dipang bartolinang tulad sa mga liblib
di naaarawan pagkat kaytaas ng talahib
dito'y buhay ang pag-asa't patibayan ng dibdib
mangingibabaw rin sa huli‘y pag-ibig na tigib

sa kabila ng pag-iisa'y buhay ang panulat
dito sa aking munting daigdig na parisukat
kinakatha ang bituing naroroon sa alat
habang munting kulisap sa akin ay nanunumbat

Kung saan pagsinta'y ititirik

KUNG SAAN PAGSINTA'Y ITITIRIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tulad ng katangi-tanging rosas ang dilag
na sa payapang hardin ay namamayagpag
paruparo't bubuyog ay nagsipagbabag
kung sinong sa rosas ang pagsinta'y mahayag

napitas na ang rosas, wala na sa hardin
naroon sa isang silid na walang hangin
animo’y ikinulong ng nais umangkin
diwa'y napalaot ano nang tutuklasin

tila naroong nagtatago sa malayo
ang pusong sa ginugunita’y nanlulumo
sino sa dalawa ang tapat sa pagsuyo
sa paruparo't bubuyog ba'y sinong bigo

may isa kayang nagtagumpay, ngayo'y sabik
na makaniig na ang rosas na matinik
rosas kaya'y may pag-asa pang makabalik
nang sa puso nito pagsinta'y maitirik

Sa isang mahilig magsulat ng "LOL" sa sariling wika

SA ISANG MAHILIG MAGSULAT NG "LOL" SA SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagulat ako sa isinulat mo sa aking LOL
kahit "Laughing Out Loud" iyon, tila sinabi'y ULOL
nang di magkasakitan, kung sa Ingles nauukol
mas wastong sa mga banyaga lang gamitin ang LOL

kaya ang agad tugon ko sa LOL mo ay LOL ka rin
na sa isip ko lang, "huwag mo akong mumurahin!"
ngunit dama mo rin ang tugon ko't nagalit ka rin
sa "LOL ka rin", sensitibo ka nang aking gamitin

akala kasi, mabuti ang namamanang Ingles
nang ibinalik ko sa iyo'y di ka nakatiis
dama sa usapan sa chat ang iyong pagkainis
habang noong una ay tila ka nakabungisngis

iyang "LOL" mo sa chat ay akin lamang tinugunan
ng "LOL ka rin", subalit masakit palang pakinggan
tagos sa buto, puso't diwa, kaya payo ko lang
huwag mag-"LOL" sa ating sariling wika't usapan

Hindi lahat ng gwapo't maganda

hindi lahat ng gwapo't maganda
ay nagiging sikat na artista
pagkat karamihan sa kanila
ay nagiging mga aktibista

may prinsipyong ipinaglalaban
babaguhin bulok na lipunan
upang kapitalismo't gahaman
ay mawala na sa aping bayan

sakaling maganda ka o gwapo
at mag-artista'y di para sa'yo
aba'y mag-aktibista na tayo
maging kaisa sa pagbabago

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hulyo 6, 2016

Kalawanging pang-ahit

KALAWANGING PANG-AHIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

kanina, huli ko nang ginamit
ang dalang kalawanging pang-ahit
iyon kasi ang aking nabitbit
ang pagbili ng bago'y nawaglit

sa palagay ko'y isang taon din
na ito'y nanilbihan sa akin
subalit ito na'y kalawangin
at sa basurahan na ilibing

inahit ko ang bigote't balbas
hindi upang magmukhang matikas
kundi ang mukha'y umaliwalas
maging kaaya-aya ang bukas

marahan, at baka masugatan
tetano na ang katapat niyan
unang gagawin kinabukasan
bibili ng bago sa tindahan

Nang magtalumpati si Kasamang Benny

NANG MAGTALUMPATI SI KASAMANG BENNY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nang magtalumpati si Ka Benny
sa galit ay nanggagalaiti
ang tinig niya'y nakaririndi
sapagkat ang sheriff daw ng DOLE
ay talagang inutil, walang silbi

ani Ka Bennie, panalo sila
sa kanilang laban sa pabrika
ngunit sheriff takot mangumpiska
ng mga iiliting makina
ayaw gumalaw, sayang ang tsapa

nagkakaisang mahigpit ngayon
ang Marketlink Asgard Labor Union
di patatalo sa labang iyon
kung hindi'y magpapartisipasyon
na sila sa isang rebolusyon


Ang bilin ng namayapang lider

ANG BILIN NG NAMAYAPANG LIDER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sistema'y baguhin, manggagawa'y organisahin
sa namayapang lider, iyan ang naiwang bilin
mabigat na tungkulin sa pagpapalakas natin
kaybigat man, pananagutan itong dapat gawin
kung nais magtagumpay sa ating mga layunin

pagkakaisahin natin ang uring manggagawa
oorganisahin silang hukbong mapagpalaya
gagampanan nila'y malaking papel at adhika
upang daluhungin na ang kapitalismong sigwa
bulok na sistema'y palitan, obrero'y lumaya

Martes, Hulyo 5, 2016

Sa bulok sumama

SA BULOK SUMAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

iniwan ka rin niya't sa bulok sumama
pagkat may prinsipyo ka ngunit walang pera
samantalang sa bulok siya'y parang reyna
na mga luho't layaw ay natatamasa

parang pulitika din minsan ang pag-ibig
hindi lamang puso ang iyong kinakabig
kundi may pambigas ba, pantiyan, pambibig
bago mo siya kulungin sa iyong bisig

Bulok ang sistema at trapo

BULOK ANG SISTEMA AT TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

huwag patulog-tulog sa pansitan
baka lumobo lang ang iyong tiyan
dapat magmasid-masid, makiramdam
kailangang magsuri, makialam

kapansin-pansin ang kayraming gulo
burgesya'y minamata ang obrero
mapagsamantala pa rin ang trapo
tao'y di nakikipagkapwa-tao

pag sa pagsusuri'y iyong nakita
umiiral ay bulok na sistema
aba'y huwag tumunganga, kilos na
mali’y iwasto, sagipin ang masa

ang tanong na lang, paano gagawin
ang tila kaylalaking suliranin
mahalaga'y huwag basta humimbing
kundi manatiling listo at gising

Lunes, Hulyo 4, 2016

Ningas-kugon silang mga salawá

NINGAS-KUGON SILANG MGA SALAWÁ
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaygaling sa pagpaplano ngunit salawá pala
ang pinamumunuan nila'y ito ang napuna
kayraming tungkulin sa balikat, kayraming tsapa
sa dulo'y di nagawa ang trabahong tangan nila

anang nagplano, diyan at doon akong bahala
pati na rito nang magandang resulta'y mapala
nang matapos ang taon, nakamit ba ang adhika
nang magtasa'y nakitang wala rin palang nagawa

anong nangyari sa proyekto, kayrami ng gastos
tila nalugi pa sila nang pinansya’y tinuos
di mabatid bakit asam na resulta'y kinapos
kasalanan bang umako nang di kayang matapos

iyan ang nangyayari pag salawá ang gumanap
ng mga tungkuling di pala magampanang ganap
sayang ang panahon, talino, pera, pagsisikap
saan na kaya patutungo ang pinapangarap

* SALAWÁ - may ugaling umaakò ng maraming tungkulin ngunit walang nagagawâ (mula sa UP Diksyunaryong Filipino, pahina 1086)
* NINGAS-KUGON - gawain o proyektong hindi nagtatagal; sa simula lamang masikhay o masipag o pagnanais na panandalian (UPDF, p. 821)

Bawal ang salawáy!

BAWAL ANG SALAWÁY!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

makuha ka sa tingin, bawal ang salawáy!
nakita nang punô, sisiksik pa't sasakay
dapat sa sasakyan ay lagi lang alalay
pagkat mapanganib pag napunô ngang tunay

Lunes na Lunes ay bakit nagmamadali
o nahirati nang laging tinatanghali
nakipagsiksikan na't nagbakasakali
na trabaho'y marating tuhod ma'y mabali

paano kung dahil siksikan ay pumutok
ang gulong at mga pasahero'y malugmok
paano kung isa sa kanila'y matigok
dahil sistema sa transportasyon ay bulok

dapat nating tandaan, HUWAG KANG PASAWÁY!
dahil pag nadisgrasya'y sinong aagapay
tandaang may nagmamahal na naghihintay
kaya mag-ingat pagkat BAWAL ANG SALAWÁY!

* SALAWÁY - ayon sa UP Diksyunaryong Filipino, pahina 1086, ang SALAWÁY ay 1: punung-puno ng sakay, 2: halos pumutok dahil sa labis na karga o laman

Linggo, Hulyo 3, 2016

Sa pulong ng Kamalaysayan, Hulyo 3, 2016

SA PULONG NG KAMALAYSAYAN, HULYO 3, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mahalaga sa atin ang bawat sandali
upang makalayo sa dadamhing pighati
mahalaga sa atin bawat nakalipas
upang maiwasto ang tatahaking landas

ginunita'y pagkawala ng pasimuno
at tagapagsalaysay ng ating ninuno
na pawang mga bayani ng himagsikan
ng mga mabubunying anak ng silangan

limang taon na lang at patungo na tayo
sa panglimandaang taong anibersaryo
ng pananakop ng dayo sa ating bayan
limang siglong piit sa kulturang kanluran

tayo'y dakilang lahi bago ang pagsakop
espada'y ginamit at tayo’y sinalikop
pinaluhod at pinapikit nila tayo
pagdilat, lupa'y pag-aari na ng dayo

ang libingan ng bayani'y saan hahantong
kung ililibing ang dahilan ng linggatong
at nangawala at nasaktan, may hinuli
nakibaka, nagsakripisyo hanggang huli

kayraming pook na sa ilog pinangalan
may tangkilikan, dugtungan ng kalooban
sa gagawing museyo'y magpapasinaya
sa anibersaryong pilak ay maghahanda

dapat ilathala anumang nasaliksik
kasaysayang paksa sa eskwela'y ibalik
ibabangon ng Kamalaysayan ang dangal
habang historya sa taumbayan ikintal

Hustisya para kay Ate Glo Capitan!

HUSTISYA PARA KAY ATE GLO CAPITAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nabasa ko ang balita, di ko siya kilala
ngunit nakaliligalig ang nangyari sa kanya
aktibo siyang kumilos para sa climate justice
coal stockpile sa lugar nila'y nais mapaalis

coal ay batid niyang isa sa mga pangunahing
malaking nakaambag sa pangkalikasang krimen
hustisya sa klima ang mayor nilang panawagan
hustisyang pangklima ang adhika nilang makamtan

hangarin ng pagkilos na pinangunahan niya
coal stockpile malapit sa nayon nila'y masara
marangal na adhika para sa kinabukasan
ng nayon nila, ng madla, para sa kalikasan

limampu't pito ang edad, walang awang binaril
ngunit sa kanyang adhika'y walang makapipigil
sa kinabagsakang lupang binahiran ng dugo
tiyak maraming susulpot na tulad ni Ate Glo

magpapatuloy ang laban sa coal, magpapatuloy
at kaisa akong ang laban niya'y itutuloy
ang hiyaw ngayon nitong aming diwa't kalooban
hustisya! hustisya para kay Ate Glo Capitan!

(ang tula ay batay sa ulat ng Philippine Movement for Climate Justice)

FILIPINA ANTI COAL ACTIVIST KILLED. Her name is Gloria Capitan, Ate Glo to people close to her. She was a very nice person, always with a smile. At 57 years old she was very active in the fight against coal, and led their village last year in a series of mass actions and petitions calling for a permanent closure of a coal stockpile near their village. Her life was cut short last night, July 1, by a bullet from motorcycle-riding gunmen. If this is an attempt to silence other anti-coal activists like her, then they are mistaken. On the ground where Ate Glo's body fell, where the blood from her body flowed, more anti-coal activists will sprout. Instead of silencing us, it will only strengthen our conviction that this evil menace which is coal must end. And we will persevere in this fight and see to it that our children and the children of our children will be free from it. ~ Philippine Movement for Climate Justice

Sabado, Hulyo 2, 2016

Mabuhay ka, O, aktibista, tunay kang dakila

Mabuhay ka, O, aktibista, tunay kang dakila
Ang mga sakripisyo't ambag mo'y di mawawala
Luha, pawis, dugo'y alay sa laban ng paggawa
At uring obrero'y ating pagkaisahing sadya
Sapagkat manggagawa ang hukbong mapagpalaya
Ang dakilang proletaryo'y panday ng puso't diwa
Kung magkakaisang tunay ang uring manggagawa
Itong uring kapitalista'y tiyak na luluha
Tunay na pagbabago'y sadyang kakamtin ng madla.

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 1, 2016

Napakapayak na hiling ng manggagawa

NAPAKAPAYAK NA HILING NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

gawing regular ang mga kontraktwal
hiling iyan ng mga manggagawa
sa bago nang gobyernong umiiral
upang trabaho nila'y di mawala

iyang kontraktwalisasyon ay salot
pagkat di maregular sa trabaho
walang kasiguraduhan ang dulot
kaya di rin maregular ang sweldo

tiyak maayos nang mapaaandar
ng obrero ang ekonomya ngayon
kung sandaang porsyento na'y regular
at kung wala nang kontraktwalisasyon

obrero'y napakapayak ng hiling
kontraktwalisasyon na'y tanggalin

(ang litrato'y kuha sa DOLE sa unang araw ng administrasyong Duterte)