Lunes, Agosto 31, 2015

Halina't magkamalaysayan

HALINA'T MAGKAMALAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

halina't muling magkamalaysayan
hanapin ang saysay ng bayan-bayan
magsaliksik, magsulat, magpanayam
tipunin ang kwento ng taumbayan
ilathala ang bawat kasaysayan

magkamalaysayan nang manatili
sa puso ang kasaysayan ng lipi
saysay ng diwang dapat ibahagi
pamana sa sunod na salinlahi
upang ang bukas ay di maduhagi

maraming salamat, mga kasama
pagkaunawa sa saysay ang bunga
ng pagkakamalaysayan tuwina
patuloy tayong magsuri, magbasa
bawat kwento'y ibahagi sa masa

Sabado, Agosto 29, 2015

Makata'y isa ring mandirigma

MAKATA’Y ISA RING MANDIRIGMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Today we should make poems including iron and steel, And the poet also should know to lead an attack." ~ sinulat ni Ho Chi Minh, rebolusyonaryong Vietnames, habang binabasa ang ‘Anthology of a Thousand Poets’

di lang bala't baril ang armas ng mapagpalaya
di lang sundang at kanyon ang kanilang panagupa
dapat kasintigas din ng bakal ang bawat tula
at marunong sumalakay ang makata sa digma

maaaring maging palaso ang bawat kataga
maaaring bala ng kanyon ang bawat salita
maaaring saknong at taludtod ay tila sigwa
at bawat pangungusap ay kasintalas ng pana

maaaring isang batalyon ang buong talata
na lumiligalig sa mga kalabang kuhila
pagkat di lang pulos pag-ibig ang laman ng tula
pagkat mandirigma rin ang sumisintang makata

Biyernes, Agosto 28, 2015

Ang magtinda ay di biro

ANG MAGTINDA AY DI BIRO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

ang magtinda ay di biro
sa bangketa nakayuko
pag walang benta ay bigo
maghapong nakatalungko

ang magtinda ay di sapat
upang bulsa ay mabundat
ngunit silang nagsasalat
kokotongan pa ng alat

ang magtinda ay trabaho
kahit ito'y hindi sweldo
benta doon, benta dito
kaunti man ang kita mo

ang magtinda ay marangal
tingi man yaong kalakal
aasa kahit matumal
nang sa gutom di mangatal

litrato mula sa google


Kalooban ng Diyos o kalooban ng kapitalista?

KALOOBAN NG DIYOS O KALOOBAN NG KAPITALISTA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

natanggal sa trabaho, kalooban daw ng Diyos
kontraktwalisasyon at pamumuhay na kapos
naaksidente sa makina, ang pambubusabos
pag nangyari'y di masuri't di mawawaang lubos
ang naisasagot na lang, kalooban 'yan ng Diyos

nais ba ng Diyos na mawalan ka ng trabaho
nais ba ng Diyos na maging kontraktwal ka rito
nais ba ng Diyos na naghihirap ka ng todo
nais ba ng Diyos na mababa ang iyong sweldo
nais ba ng Diyos na magutom ang pamilya mo

ang Diyos ba ang dahilan ng bulok na sistema
di ba't iyan ay kalooban ng kapitalista
at walang kinalaman ang Diyos sa nais nila
kontraktwalisasyon ang nais ng kapitalista
ang magbawas ng manggagawa'y kalooban nila

sa kulturang Pinoy ay napakaraming alibay
pag di nagsusuri, kung anu-anong naninilay
sisisihin ang Diyos sa problemang lumalatay
baka sipain ka ng nasa krus nakabayubay
nakapako nga siya'y sisisihin mo pang tunay

Banana Kyu

BANANA KYU
11 pantig bawat taludtod

kaysarap magtinda ng banana kyu
ayon sa vendor na kaibigan ko
pampalakas daw ng katawan ito
kayraming protinang makakamit mo

banana kyu'y pritong saging na saba
na nilagyan ng asukal na pula
tinuhog sa patpat ang bawat isa
upang ibenta sa sabik na masa

tindang banana kyu'y nakakatulong
upang pamilya'y di naman magutom
pangmiryenda rin sa umaga't hapon
habang buko naman ang iniinom

malalasahan mo rito ang tamis
na tila ba pinapawi ang amis
panlimot sa problemang tinitiis
kahit saglit at madarama’y umis

- gregbituinjr


talasalitaan:
amis - alipusta
umis - mahinhing ngiti

Huwebes, Agosto 27, 2015

Hungkag pa rin ang buhay ng dukha

HUNGKAG PA RIN ANG BUHAY NG DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sadyang kaybilis ng pag-usad ng panahon
ngunit buhay ng dukha’y hungkag pa rin ngayon
kaybilis nitong kaunlarang nakakahon
sa globalisadong mundong patalon-talon

umuunlad man, may kawalan pa rin ngayon
may nagdidildil ng asin sa barungbarong
habang tila pista naman doon sa mansyon
nguso'y nagkikintaban sa hamón at litson

para kanino ba ang pag-unlad na iyon
bakit dukha'y di kasama, sinong aahon
pag-unlad ba'y para lang sa mayayamang don
na sa Forbes Magazine nakatala doon

sa atin, ito nga'y napakalaking hámon
suriin ang lipunan, hanapin ang tugon
aralin natin ang tinahak ng kahapon
kahungkagan ay alpasan na natin ngayon

Miyerkules, Agosto 26, 2015

Nilay sa danas

NILAY SA DANAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sirang relo'y tumatama rin ng dalawang ulit
sa bawat araw, kahit mayroon itong palugit
may mga bugtong na kailangan mo ring sumirit
may mga salawikaing dapat lagi mong bitbit

tinutungkab ng budhi ang maraming kasalanan
bakasakaling balikan sila ng katinuan
mga trapo'y nakikitang higit pa sa basahan
nananagpang at naliligo sa katiwalian

di makapagpahinga sa maraming suliranin
manggagawang may sahod ngunit maralita pa rin
dukha'y di malaman saan kukuha ng pagkain
patuloy ang inog ng bayang tila nahihimbing

kung tayo'y susukob sa kubo ng pagdaralita
pagkat  unos ng kabaliwan ang rumaragasa
nasa iilan lang ang yamang likha ng paggawa
nakasisiphayong pagmasdan ang mukha ng dukha

malupit ang danas na ang sinasakbibi'y lumbay
may rosas nga'y tinik naman ang sasabitang tunay
makatatahak kaya tayo sa mahabang tulay
ng di matingkalang bukas na ating hinihintay

Pagdidili

PAGDIDILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

luluhod ba ang mga tala sa iyong paanan
mapapahamak ba kung magwalis ka sa kadimlan
pusang itim ba'y bahala sa iyong kapalaran
makipag-usap sa baliw ba'y isang kabaliwan

lumulusob ang mga tikatik, nagiging unos
binabalot ng baha ang kalahati ng tulos
umulan ng mga balang, pananim ay naubos
hanggang di na makagulapay sa buhay na kapos

lingid sa atin ang ginagawa ng bawat taksil
ngunit dapat mabatid bakit tayo'y sinisiil
bakit may kapangyarihan ang mga manunupil
binigkis ba ng kung anong palad ang mga sutil

di maaring mauna sa kabayo ang kalesa
di rin maaring mauna ang kalabaw sa kangga
ganyan din natin inuunawa bawat problema
dumaraan ito sa proseso, diyalektika

Martes, Agosto 25, 2015

Ang bata sa basurahan

ANG BATA SA BASURAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nakita ko'y kahindik-hindik na larawan
matang kaylungkot ng bata sa basurahan
tila ininom niya'y nahalungkat lamang
nanay ng gusgusing bata kaya'y nasaan

gutom ng batang dukha'y nakapanlulumo
di matanto bakit may puwang ang ganito?
turing ba sa tulad niya'y tao o ano?
di matingkalang guwang sa pusod ng mundo

marapat nga lamang pangarapin ng bata
palitan ang sistemang tunay na kuhila
sa balisbisan ng patapon nangulila
pusong tuod ang di mangingilid sa luha

Kuha ni Christian Palma ng AP sa Bordo Poniente landfill, Mexico.

Ang litrato ay mula sa http://mic.com/articles/123988/13-mind-blowing-images-of-landfills-around-the-world-show-the-true-cost-of-our-waste

Lunes, Agosto 24, 2015

Kwento ng isang balikbayan box

KWENTO NG ISANG BALIKBAYAN BOX
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bawat isa'y butil ng pawis mula ibang bansa
nang pamilya'y madama kahit kaunting ginhawa
ama’y pagsisikap habang nangingilid ang luha
nasa malayo halik man at yakap ay mawala
para sa bukas ng anak nang di maging kawawa

pagtatrabaho niya’y bumilang ng buwan, taon
hanggang maisipang magpadala ng pasalubong
mga regalo'y naroon sa balikbayang kahon
bago mapunta sa anak, sinuri muna iyon
subalit nawala ang para sa anak na bugtong
kinuha ng buhong na sa batas ay nagkakanlong

pasalubong ng obrero'y pinaghirapan niya
upang pamilya'y damhin ang pagmamahal ng ama
kahit na amoy-disyerto ang kanyang pinadala
bawat isa'y butil ng pawis, dugo, alaala
na may amang bumubuhay sa iniwang pamilya

Sabado, Agosto 22, 2015

Kaylakas ni Ineng

KAYLAKAS NI INENG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ineng ang iyong pangalan, minamaliit
akala nila'y ineng ka pa lang, malinggit
subalit kaytindi't kaylakas humagupit
tila dinidistrungka ang bahay sa haplit
ibinubunton sa amin ang iyong galit

tila ba musikang umiihip ang hangin
umiindak ang mga dahon sa paningin
ang poot mo ba, Ineng, ay dahil sa amin
kami'y hinahampas mo nang kami'y magising
pagkat pawang pabaya sa paligid namin

kinikilala ko, Ineng, ang iyong lakas
na ang bawat tilamsik ay nanghahalibas
tila ba poot mo'y iyong inilalabas
upang maghiganti sa taong mararahas
sa kalikasan, amin itong nawawatas

sige, lumuha ka pa, Ineng, iluha mo
nang angkin mong poot ay madama ng tao
na sira na ang kalikasan at ang mundo
na tungkulin naming pangalagaan ito
baka dahil sa iyo, tao na'y matuto

- habang nananalasa ang bagyong Ineng sa ating bansa, 22 Agosto,2015

Sa pag-inom ng kapeng barako

SA PAG-INOM NG KAPENG BARAKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa umaga, kapeng barako'y iniinom lagi
habang pinagninilayan ang bawat niyang mithi
pag kape'y naubos sa kaiisip ay madali
niyang ilalaga pa ang batangal sa takure

marubdob niyang nasa'y tila baga dumadalaw
sa kanyang puso'y hinehele ng inuulayaw
habang panay ang lagok ng barakong tumitighaw
sa animo’y di-matingkala niyang pagkauhaw

nakatalungko siyang nakatingala sa ulap
tila baga naroroon napapunta ang hanap
makikita kaya sa itaas ng alapaap
yaong pagkasabik na sa loob niya'y hagilap

buhay na buhay pa ang alindog ng minumuni
nagdiriwang na sa haraya’y di pa mapakali
subalit napapangiti sa paglagok ng kape
pagkat kaysarap ng lasa't siya’y di nagsisisi

Talasalitaan:
* alindóg - kariktan
* batángal - latak ng kapeng barako
* harayà - imahinasyon
* hinehéle - dinuduyan
* lagók - inom
* talungkô - isang estilo ng pag-upo
* tigháw - napawi ang uhaw

Biyernes, Agosto 21, 2015

Pagkapaslang sa agilang si Pamana


PAGKAPASLANG SA AGILANG SI PAMANA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

agilang si Pamana'y pamana ng lahi
pagkapaslang sa kanya’y kawalan ng budhi
ang nangyari sa agila’y di ko mawari
sa mga tulad niya'y sinong namumuhi

ah, kayraming Pamana na ang pinapaslang
sa ngalan ng globalisasyon nilang hirang
di lang agila ang nawawalan ng puwang
sa daigdig na puno ng may pusong halang

pinapaslang nila pati sariling wika
sa paaralan nga'y binubura nang paksa
pagkat Ingles daw dapat ang sinasalita
baka paksang kasaysayan din ay mawala

pinapaslang pati na ang ating kultura
tayo raw dapat ay makipagsabayan na
sa pag-unlad ng kapitalistang sistema
katutubong ugali’y pilit binubura

ang mga dukha'y tinatapon sa malayo
lupa’y inaagaw sa mga katutubo
kayrami ng lupaing miniminang ginto
ang nawalang Pamana'y makadurog-puso

di dapat nangyaring napaslang si Pamana
di dapat mangyaring mapaslang ang pamana
ng lahi, ipagtanggol ang ating kultura,
ang kalikasan, espesye, wika, historya

* Ayon sa mga ulat, ang agilang si Pamana, 3 tatlong gulang, ay natagpuang wala nang buhay at may tama ng bala, pinaslang siya sa kagubatan ng Davao Oriental, Agosto 19, 2015.

Miyerkules, Agosto 19, 2015

Sa entablado ng protesta

SA ENTABLADO NG PROTESTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

marubdob, maiinit ang mga pananalita
nilang mga nagpoprotestang dukha’t manggagawa
tumataginting ang galit sa tinig nila't mukha
dahil wala pa ring nagbago sa buhay ng madla

sa kabila ng mga pangako ng daang tuwid
na tumatahak sa daang baku-bako't makitid
mga namumuno'y di ka inaaring kapatid
kundi animo'y dayuhan ka't sa bayan ay sampid

tama lang magprotesta, magpahayag at magtanong
at may banat pa sa pamahalaang anong dunong
na promotor ng patakarang kontraktwalisasyong
di masawata dahil sa tiwali't mandarambong

patuloy ang maaanghang na salitang may poot
kung uunawaing mabuti'y di ka mababagot
nananalasa na pala’y imperyalistang salot
na dapat labanan, pati globalisasyong buktot

may nagrarali, ibig ay lipunang makatao
di tulad ng salot na lipunang kapitalismo
na mapangwasak, pakialam ay tubò, di tao
may nagpoprotesta dahil nais ng pagbabago

sa entablado ng protesta'y halina't makinig
ang mga hinaing mo'y iyo na ring isatinig
sa nagkakaisang diwa, tayo'y magkapitbisig
bulok na sistema’y palitan, iya’y ating tindig

Martes, Agosto 18, 2015

Nahan ang paglaya't liwanag

NAHAN ANG PAGLAYA'T LIWANAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

dama ko sa paglalagalag
tila buhay sa mundo'y hungkag
hinahanap ko ang liwanag
subalit di ko maaninag

paglaya'y di ko maapuhap
saan ito mahahagilap
tila ba nasa alapaap
at lihis ang lumalaganap

nasa labas nga'y nakapiit
pagkat puso'y puno ng galit
sa sistemang mapagmaliit
at walang pagmamalasakit

lipunang tila isinumpa
ay bayan ang kinakawawa
tao ba'y paano lalaya
sa lumukob na dusa't luha

Lunes, Agosto 17, 2015

Agos 'to ng kasaysayan

AGOS 'TO NG KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

panay ang agos ng batis ng kasaysayan
habang ginugunita ang kabayanihan
ng mga ninunong nagtanggol nitong bayan
ng mga pinunong dangal ng Katipunan
ng mga lumaban para sa kalayaan

buong Agosto ngayon na'y itinuturing
buwan ng kasaysayang dapat gunitain
kayraming pangyayaring dapat batid natin
halina't kasaysayan ay muling basahin
suriin, pagnilayan at baliktanawin

pagsilang ng bansa'y naganap ng Agosto
nang sedula'y punitin ng Katipunero
magkasabay din ang pagkagapi't panalo
sa Pinaglabanan ang unang pagkatalo
sa Pasig nama'y tagumpay ng Nagsabado

ginugunita rin sa Agosto'y pagbomba
sa mga bayang Nagazaki't Hiroshima
sa atin, may pagbomba sa Plaza Miranda
at pagpaslang doon sa tarmak ang isa pa
buwang kayraming nangyari sa pulitika

mga nabanggit na pangyayari’y ilan lang
na kayraming aral na dapat paghalawan
pagkat may mga saysay sa kasalukuyan
bawat kasaysayan ay huwag kaligtaan
agos ng saysay nito’y damhin ng tuluyan

Linggo, Agosto 16, 2015

Protektahan natin ang kagubatan

POTEKTAHAN NATIN ANG KAGUBATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Ang kagubatan ay yaman ng bayan
Dapat natin itong pangalagaan.
Huwag payagang maging basurahan
O kaya’y gagawing isang minahan.
Dahil pag nasira itong tuluyan
Saribúhay ay maaapektuhan.
Ibon, hayop, ilahas na nilalang
At marami pa'y dito nananahan.
Magpasya tayo, mga kababayan
Huwag hayaang itong kagubatan
Ay mabiktima rin ng kasakiman
Ng iilan para pagkakitaan.
Dinggin itong payak na panawagan:
Protektahan natin ang kagubatan!

Sabado, Agosto 15, 2015

Tangkilikin ang mga akdang sariling atin

TANGKILIN ANG MGA AKDANG SARILING ATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tangkilikin itong akdang sariling atin
mga katha ng kababayan ay basahin
makata’t manunulat nati’y kilalanin
sanaysay hinggil sa mga tao'y alamin
mitolohiya't kasaysayan ay nguyain
mga kwento't alamat ay ating papakin
sa kariktan ng mga akda'y bubundatin
sa maraming kaalaman ay bubusugin
ganyan pag sariling atin ang ngangatain
subalit may katanungang dapat sagutin:
kung sariling akda'y di kayang tangkilikin,
bayan pa kaya’y paano pa iibigin?

Biyernes, Agosto 14, 2015

Ang daang matuwid



ANG DAANG MATUWID
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I.

HUWAG MONG ITANONG KUNG ANO ANG TUWID NA DAAN
15 pantig bawat taludtod

1
huwag mong itanong kung ano ang tuwid na daan
pagkat itutugon sa iyo ng pamahalaan
ay kung anong isusubo’t nais lang ipaalam
at di sa iyong pagkaunawa sa kahulugan
sa terminong mga trapo ang nagpauso lamang

2
di tuwid ang daan kung para lang sa elitista
di tuwid ang daang para lang sa kapitalista
di tuwid ang daan kung napag-iwanan ang masa
di tuwid ang daan kung trapo lang ang maligaya
di tuwid ang daan kung sa kumunoy tayo'y dala

3
daan ay di tuwid kung gobyerno'y tungong impyerno
daan ay di tuwid kung sistema'y kapitalismo
pagkat walang malasakit pagdating sa obrero
daang di tuwid kung kontraktwalisasyon ang uso
daang di tuwid kung burgesya'y hari pa rin dito



II

ANG ITANONG MO’Y BAKIT WALA PANG TUWID NA DAAN
15 pantig bawat taludtod

4
itanong mo kung bakit wala pang tuwid na daan
batay sa alam mong mga batayang karapatan
batay sa unawa mo anong mabuti sa bayan
batay sa iyong mga nakikitang kalagayan
batay sa gutom, hirap at dusa ng mamamayan

5
tuwid ang daan kung lahat tayo'y nagpapasasa
sa yaman ng daigdig at likha ng manggagawa
kung di iilan lang ang umunlad at natutuwa
kung walang naghahari-hariang trapo't kuhila
kung may katarungang panlipunan para sa madla

6
tuwid ang daan kung ang lipunan ay makatao
tuwid ang daan kung sistema'y nagpapakatao
sa tuwid na daan, walang pansarili’t pribado
pagkat daang tuwid kung lahat ay sosyalisado
at kasama tayong lahat sa pag-unlad ng mundo

Huwebes, Agosto 13, 2015

Si Dian Masalanta


SI DIAN MASALANTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kayrikit ng pangalan ng diyosang anong ganda
sapagkat tinatawag siyang Dian Masalanta
diyosa ng pag-ibig, pagsilang, pagkamabunga
pintakasi ng mga magsing-irog, ng pagsinta

buhay ni Dian Masalanta'y narinig sa kwento
ang tulad niya'y napag-uusapan pa ng tao
mula sinauna hanggang sa panahong moderno 
sa kanya nga'y may dumarakila pa ring totoo

may kakayahan daw siyang sumira at magbuo
ng daigdigang tahanan ng mga katutubo,
ng kalikasan, ng lupain ng ating ninuno
kay Dian Masalanta'y kayraming kwentong nahango

sa kaysarap pakinggang katawagan sa diyosa
ay may mga kahulugang sa isip nanalasa
"Diyan Masalanta" - ay diyan na masasalanta
"Di 'yan Masalanta" - ay di iyan masasalanta

makapangwawasak o hindi makapangwawasak?
di ka gagapang o pagagapangin ka sa lusak?
upang di magalit, mga katutubo'y umindak
at naghandog ng alay huwag lamang mapahamak

pag dumatal ang matinding unos, siya ba'y galit?
ang ating tahanan ba'y winawasak niyang pilit?
matapos ang bagyo'y bubuuin niyang kayrikit
ang kalikasang tahanan ng buong malasakit

anak siya nina Dumakulem at Anagolay
si Apolake naman ang kapatid niyang tunay
nang Kastila'y dumating, iba ang ngalang tinaglay
Maryang Makiling na, mula sa kalikasang bahay

kaya alalahanin nating may isang diyosa
sa katutubong kultura’y di nalimot ng masa
halina't dinggin ang bilin ni Dian Masalanta:
protektahan ang mundong tahanan ng bawat isa!

Mga pinaghalawan:
http://en.wikipilipinas.org/index.php/Dian_Masalanta
http://philippinelegend.blogspot.com/2011/11/diyan-masalanta-dian-masalantatagalogs.html
https://theunicornopal.wordpress.com/blessed-earth-mother-dian-masalanta/
https://en.wikipedia.org/wiki/Philippine_mythology

Miyerkules, Agosto 12, 2015

Sabaw ng alugbati bilang kape sa umaga

SABAW NG ALUGBATI BILANG KAPE SA UMAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

umaga'y namitas na ng talbos ng alugbati
na sa harap ng bahay nagpaparami ng lahi
may bagoong ay inilaga ang ulam kong mithi
ang nasa isip ay kakathaing nasa't lunggati

pinagpilian ang alugbating aking nalikom
saka dinamihan ko ang tubig upang mainom
habang namimitaktak ang hamog at alimuom
alugbati itong diskarteng panlaban sa gutom

matapos kumulo, alugbati'y nilagay ko na
sa platong malukong, kayraming sabaw na kasama
upang di umapaw, sabaw ay sinalin sa tasa
sabaw ng alugbati'y naging kape sa umaga

ang pakiramdam ko'y sumigla, káya nang lumakad
ng ilang milyang layo sa dalawang buwang singkad
pag katawan sa protina't bitamina'y nababad
at may mineral pa'y tiyak na lalakas ka agad

paminsan-minsan, dapat ding mag-isip ng diskarte
nang di na kailangang bumili pa sa palengke
mata'y igala, may makakain sa tabi-tabi
araw ay lilipas din, ngunit buhay ay umigi

Martes, Agosto 11, 2015

Ang ipil at ang ipil-ipil

ANG IPIL AT ANG IPIL-IPIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa biglaang katawagan, tila iisa
ngunit dalawang punong sadyang magkaiba

isang malaking punungkahoy yaong ipil
maliit na punò naman ang ipil-ipil

kapwa punò itong tumutubo sa bansa
na karaniwang di napapansin ng madla

ang ipil ay madaling makilalang tunay
punong anong taas, matigas pa’t matibay

punong ipil, kung ikaw ay may agam-agam
ay Intsia bijuga ang ngalang pang-agham

ipil-ipil nama'y Laucaena glauca
na kilala ring punò ng santa elena

ipil-ipil ay ginagamit na panggatong
panggapi rin ito ng mga damong kugon

gamot ang balakbak, buto at ugat nito
kahoy nama'y ginagamit sa bahay kubo

sa alagang hayop, dahon nito'y pagkain
paboritong ipalamon sa guya’t kambing

kaya upang di malito'y tandaan sana
ang ipil at ipil-ipil ay magkaiba

Lunes, Agosto 10, 2015

Huwag kang magtaka kung bakit dukha'y lumalaban

HUWAG KANG MAGTAKA KUNG BAKIT DUKHA'Y LUMALABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagtataka ka pa? akala'y kung sinong mataray?
ang mga dukha man, may dangal at sariling buhay!
kahit katiting ang masaling ay lalabang tunay
kunwari'y nagtataka, nagtataas pa ng kilay
sige nga? ikaw kaya ang matanggalan ng bahay?

ang dukha'y limot na nitong naghaharing sistema
pag malapit na ang halalan, saka naalala
ang dukha sa lipunang ito'y sadyang etsa-pwera
walang karapatan, sa barung-barong man tumira
ngunit may dignidad silang ipaglalaban nila

sinong natanggalan ng bahay ang di magagalit
at sa malayong pook ay itatapon kang pilit
sa gutom at hirap na nga, dukha'y namimilipit
sa ganyang sitwasyon, baliw lamang ang nanlalait
gurang ka na'y di makaunawa, animo'y paslit

sadya bang nakakaunawa ang pamahalaan
kung bakit kayraming dukha at mayamang iilan
o wala talagang pakiramdam ang lingkodbayan
na pagtaboy sa malayo sa dukha'y kamangmangan
iniisip lang ng trapo'y sariling kapakanan

tanggalan ka ng tahanan, ikaw ba'y matutuwa
tiyak hindi, tulad ng dukhang sa hirap kawawa
na pag dinemolis, umuulan ng bato't pana
sinumang tanggalan ng bahay, mayaman o dukha
pilit ipagtatanggol ang tahanang ginigiba

sa hirap ng buhay, matatanggalan pa ng bahay
pinagkakasya na nga lang ang katiting sa buhay
sangkahig, santuka na nga'y lalo pang mapipilay
lingkodbayan ba'y di ang mga ito naninilay
na ang mga dukha'y kapwa tao rin nilang tunay

Linggo, Agosto 9, 2015

Walang aksaya sa punong akasya


WALANG AKSAYA SA PUNONG AKASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

akasya'y pangkaraniwang punò sa bansa
ang dulot nitong lilim ay nakatutuwa
sa tanghali'y may masisilungan ang madla
upang di magkasakit, buhay pa'y sumigla

abot ng walumpu't dalawang talampakan
samanea saman ang pangalang pang-agham
maraming tudling, may balakbak na magaspang
tila baga isang salakot na luntian

akasya’y kaylaking pakinabang sa tao
sariwang tuyong kahoy ay pakuluan mo
kasama'y balakbak at mga dahon nito
inumin mo't lunas na mabisang totoo

pag ang ugat naman nito'y pinakuluan
ay lunas na panlanggas sa kanser sa tiyan
dahong ibinabad sa tubig ay mainam
sa may tibi't sa pagdumi'y nahihirapan

sa ibang bansa man, kayraming tulong nito
sa Venezuela'y lunas sa sakit ng ulo
sa Colombia, ang bunga nito'y sedatibo
sa Indonesia'y nginangata yaong buto

kahoy ng akasya’y gamit din sa paglilok
inalkoholang katas nito'y tumetepok
ng mga mapanirang anay, pati bukbok
at káya rin umanong sugpuin ang lamok

ang bawat bahagi nitong punong akasya
sa tao'y malaking tulong kung alam nila
di lang lilim, lunas pa sa sakit ng masa
sadyang sa punong akasya'y walang aksaya

ngunit dapat tayong magtanim at magtanim
upang mga punong ito'y magsidami rin
sa kanya'y sanlaksang tulong ang masisimsim
ay huwag mo lang siyang laging sisibakin

Sabado, Agosto 8, 2015

Pagsagip

PAGSAGIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kailangan nila'y tulong, tingnan ang kalagayan
at dapat lang silang sagipin sa kapanganiban
ngunit tila ang iba'y kayraming tinatakasan
anupa’t di madalumat kung anong kalutasan

may mga pamilyang sa kahirapan nagdurusa
iba'y may magulang na walang paki sa kanila
iba'y batang hamog, adik, sanggano sa kalsada
na dapat masagip bago lumala ang problema

tulad ng sunog, huwag maghintay lang ng bumbero
dapat agad kumilos, magtulung-tulong ang tao
upang apoy ay mapatay, bahay ay di maabo
upang di mawala ang pinaghirapang totoo

paano sasagipin ang bayan sa trapong banô
na pulos mga tiwali, ang gawa'y pawang likô
dapat maagap magpasya, kilos ay walang hintô
kalutasan sa problema'y dapat nating matantô

paano natin sasagipin yaong nalulunod
kung paglangoy pa lang, sinasagilahan ng takot
paano lulutasin ang problema nilang dulot
kung di magsusuri, tutungangang animo'y tuod

maraming delubyong nagdaan, panay ang pagbahâ
sa Yolanda'y libu-libong buhay ang nangawalâ
anong dapat gawin pag dumaang muli ang sigwâ
dapat magkapitbisig, magbayanihan ang madlâ

Biyernes, Agosto 7, 2015

Paminsan-minsang pitik

PAMINSAN-MINSANG PITIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

anila, ako raw ay madalas tahimik
ngunit napakadaldal ng aking panitik
sa araw at gabi'y haraya ang katalik
anong nasa ulo'y sa papel isisiksik

mapagmahal nga ba ang mga manunulat
sa akda niya, ang dalaga'y namumulat
manunulat kung torpe'y di nakagugulat
sa diyosang dilag niya'y di nga umangat

tila sibuyas na lumuluha ang akda
gumanda sa salabat ang tinig ng katha
bawang na panakot sa aswang ang nilikha
kamatis ang damdaming walang napapala

tahimik lang sa tabi, subalit kay-ingay
nagsasalimbayan nga yaong naninilay
sinusuri ang lipunan at pamumuhay
nababagabag ang loob, di mapalagay

anila, ako raw ay madalas tahimik
napakadaldal naman ng aking panitik
kinakatha'y tulad ng luyang dinidikdik
nang mapiga ang katas, akda'y may tilamsik

Huwebes, Agosto 6, 2015

Nakakainip ding maghintay

NAKAKAINIP DING MAGHINTAY
ni Greg Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

nakakainip ding maghintay
inaasahan ko ba'y wala
bawat segundo'y lumalatay
dini sa katawan ko't diwa
mabuti pa yatang humimlay
sandali pagkat nanlalata
ang pag-asa ba'y nakaratay
sa banig ng pagbalewala

ngunit dapat pa ring maghintay
nang kahit pa'no'y may mapala
pagkainip ay nangangalay
konting tiis pa't maya-maya
naririyan na't ibibigay
na nila ang inaadhika
nagbunga rin ang paghihintay
kaya't labis ang aking tuwa

- kinatha habang naghihintay ma-release ang passport sa DFA Aseana, Aug. 6, 2015, 6pm
- nasa DFA na ng 9:30 am, nakuha ang passport ng 7pm, Aug. 6, na dapat ay July 29 pa ni-release

Babalikan ko ang dilag

BABALIKAN KO ANG DILAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

babalikan ko ang dilag
may naiwan kasi ako
ang puso kong napapitlag
ay siya ang nakasalo
puso ko'y nababagabag
kung bakit ba naiwan ko
sa napakagandang dilag
yaong puso kong tuliro

ngunit aking naiisip
tila ba nananaginip
noong ako'y makaidlip
saka siya sumisilip

ang puso ko'y tangan niya
kinuha sa kanyang bulsa
aba'y itatago pala
sa loob ng kanyang blusa

Miyerkules, Agosto 5, 2015

Tulad ng larong Chess


TULAD NG LARONG CHESS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tulad ng larong chess, bumabalik tayo sa pwesto
pagkatapos ng bawat laro, kahit tayo'y talo
at magsisimula muli sa digmaang kaygulo
pagsulong ng piyesa'y pinag-iisipang todo

manggagawang piyon versus haring kapitalista
dapat pag-isipan ang istratehiya't taktika
paano gagapiin ang naghaharing burgesya
at paano babaguhin ang bulok na sistema

haring kapitalista versus manggagawang piyon
sinong panalo sa sistemang kontraktwalisasyon
kayrami ng manggagawang dapat magtulong-tulong
upang ang hari, reyna't alagad nila'y malamon

sakaling matalo tayo ngayon, huwag manghina
babalik tayo sa pwesto pagkatapos ng sigwa
sa darating pang mga laban ay dapat maghanda
ipakitang kapitbisig ang uring manggagawa

tulad ng larong chess, bumabalik tayo sa pwesto
upang sa susunod na laban, tiyaking manalo
laban sa hari, reyna, obispo, kapitalismo
at itindig ang dangal ng obrero: sosyalismo!

Martes, Agosto 4, 2015

Pitong tanagà kay kasamang Wowie

PITONG TANAGÀ KAY KASAMANG WOWIE

1
di ka malilimutan
sa ngiting panambitan
adhikang katarungan
nawa'y iyong makamtan

2
pagtangan ng bandila
para sa manggagawa
ay sadya mong ginawa
o, kaygandang adhika!

3
sa anumang labanan
iyong pinaglingkuran
ng buong katapatan
ang obrero't kilusan

4
hinanap ka sa SONA
ng maraming kasama
subalit wala ka na
o, dakilang kasama!

5
anak ka ng Bukluran
sa bawat nitong hakbang
nagsilbi ka sa bayan
obrero'y sinamahan

6
ikaw'y aming kauri
at kaysaya mo lagi
ang matamis mong ngiti
saya ngayong kayhapdi

7
hustisyang hinahanap
ay dapat mahagilap
nawa'y kamtin mong ganap
ang hustisyang pangarap

* tanagà - katutubong tulang may tugmaan na binubuo ng isang saknong na may apat na taludtod at pitong pantig bawat taludtod

Dapat malusog tayong tibak

DAPAT MALUSOG TAYONG TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

pangalagaan ang katawan
pagkat matagal pa ang laban
mahalaga ang kalusugan
na mabuti sa kahandaan

dapat tayo'y pawang malusog
at sa pagkain laging busog
sa rali man tayo'y mabugbog
ay di basta-basta lulubog

tayo'y nakikibakang sadya
upang sa sistema'y lumaya
at itatayo ang adhika
nating lipunang manggagawa

sa laban, di tayo susuko
dapat malusog tayong hukbo
nang di basta maigugupo
ng sistemang dapat maglaho

Lunes, Agosto 3, 2015

Magulong mundo

larawan mula sa google
MAGULONG MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

gulong silang paikot-ikot lang ang buhay
mga gulong na sa pagka-flat nakaratay
at sa malayong pook ngayon nahihimlay
di batid kung magagamit pa silang tunay

wala na, ang buhay nila'y butas-butas na 
silang mga tumanda sa pamamasada
at naglingkod sa masa ng deka-dekada
upang maghatid kung saan dapat pumunta

ang pinakadakilang imbensyon ng tao
at pinakinabangan ng magulong mundo
kapalaran ay gulong ng palad animo
habang binabagtas ang semento't aspalto

kung walang gulong sa mundo'y walang pag-unlad
kalakalan ay tila pagong sa pag-usad
dahil sa gulong, umunlad ang mga syudad
sandali na lang ang di makuha sa lakad

salamat sa gulong, ating mundo'y sumulong
bagamat ang mga dukha'y pagulong-gulong
sa hirap at gulong di sila makaahon
na di pa malutas ng sanlaksang marunong

Linggo, Agosto 2, 2015

Wala iyon sa kulay

WALA IYON SA KULAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

wala iyon sa kulay ng balat
kundi naroon sa pusong iwi
damdamin ma'y magkasugat-sugat
kakamtin din ang nilulunggati

wala iyon sa kulay ng buhok
kahit utak sa ulo'y katabi
kung anong mabuti’y di maarok
at iniisip lang ay sarili

wala iyon sa kulay ng barong
upang igalang ng taumbayan
dahil trapong tiwali'y paurong
at sa kapwa’y walang pakialam

wala iyon sa kulay ng binti
ng dalagang pinakasusuyo
kung pangit yaong kanyang ugali
ay di rin kayo magkakasundo

wala iyon sa kulay ng tinta
upang akda'y kanilang basahin
nasa kathang kahali-halina
itim, asul, pula man ang bolpen

iyon ma'y tulad ng bahaghari
mahalaga'y iwi nitong layon
upang makamit ang minimithi
at magtagumpay sa bawat hamon

Sabado, Agosto 1, 2015

Anong nasa isip ng babae sa rali?

larawang kuha ng may-akda sa isang rali sa Mendiola
ano kayang nasa isip / ng babae sa larawan?
papatinding kahirapan / mas matinding kagutuman?
kung makasal na, paano / ang kanyang kinabukasan?
magbuo ba ng pamilya'y / ganoong kadali lamang?
ang binatang iyon kaya'y / anong pinagninilayan?

maraming ibig sabihin / kung anong nasa litrato
yaong hawak niyang plakard / ay tungkol sa ating mundo
sumama sa rali pagkat / ang klima na'y nagbabago
anong dapat gawin nilang / mga karaniwang tao
mga pinuno ng bansa / lahat tayong naririto

may barbwire sa likod nila / ganyan naman pag may rali
sa mga isyung pambayan / ay hindi ka mapakali 
sa kinabukasan namang / nasa isip ng babae
bata pa'y magpapakasal / tila baga atubili
nasa isip kaya niya'y / baka magsisi sa huli

- gregbituinjr.