SA ENTABLADO NG PROTESTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
marubdob, maiinit ang mga pananalita
nilang mga nagpoprotestang dukha’t manggagawa
tumataginting ang galit sa tinig nila't mukha
dahil wala pa ring nagbago sa buhay ng madla
sa kabila ng mga pangako ng daang tuwid
na tumatahak sa daang baku-bako't makitid
mga namumuno'y di ka inaaring kapatid
kundi animo'y dayuhan ka't sa bayan ay sampid
tama lang magprotesta, magpahayag at magtanong
at may banat pa sa pamahalaang anong dunong
na promotor ng patakarang kontraktwalisasyong
di masawata dahil sa tiwali't mandarambong
patuloy ang maaanghang na salitang may poot
kung uunawaing mabuti'y di ka mababagot
nananalasa na pala’y imperyalistang salot
na dapat labanan, pati globalisasyong buktot
may nagrarali, ibig ay lipunang makatao
di tulad ng salot na lipunang kapitalismo
na mapangwasak, pakialam ay tubò, di tao
may nagpoprotesta dahil nais ng pagbabago
sa entablado ng protesta'y halina't makinig
ang mga hinaing mo'y iyo na ring isatinig
sa nagkakaisang diwa, tayo'y magkapitbisig
bulok na sistema’y palitan, iya’y ating tindig
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento