ANG BATANG BABAE AT ANG KURUS-KURUS
(The Girl and the Starfish)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
minsan, isang matanda ang namamaybay sa aplaya
katatapos lang iyon ng unos na nanalanta
doon, isang batang babae ang kanyang nakita
sa ginagawa ng bata, matanda'y nagtataka
bakit binabalik isa-isa sa karagatan
ang mga kurus-kurus na nasa dalampasigan
gayong kayrami nito't animo'y libo ang bilang
kaya batang babae'y dagli niyang pinuntahan
natutuwa ang ibang nakakakita sa bata
ang akala'y naglalaro lamang ito sa tuwa
ngunit iba ang palagay ng nasabing matanda
nagtataka man, bata'y kinausap niyang kusa
"Bakit mo iyan ginagawa, hoy, batang maliit?
Lahat ng iyan ay hindi mo naman masasagip?
Di mo mababago ang kalagayan nila, paslit!
Sa ginagawa mong iyan, di ka ba naiinip?"
napatungo ang bata, animo ito'y nakinig
maya-maya, isang kurus-kurus ang ibinalik
ng bata sa dagat, sa matanda'y di natigatig
ang bata'y nagsalita sa malumanay na tinig:
"sa isa pong iyon, kahit paano'y may nagawa
sa sariling bahay, di na siya mangungulila"
at ang matanda'y di nakahuma, biglang napatda
naisip niyang ito'y di kaya ng isang bata
kaya tinawag ng matanda ang kanyang kanayon
"magtulung-tulong tayong ibalik ang mga iyon"
lahat ng kurus-kurus na tangay ng bagyo't alon
sa aplaya ay naibalik sa dagat nang lumaon
"sa sama-samang pagkilos natin, may magagawa
maraming salamat sa inumpisahan ng bata"
aral iyong nagbigay ng inspirasyon sa madla
upang kapwa'y magtulungan, harapin man ay sigwa
* Ang bituing-dagat, isdang-bituin, at kurus-kurus ang salin ng starfish ayon sa UP Diksyonaryong Filipino (Ikalawang Edisyon, 2010) at sa Tagalog-English Dictionary (Talahulugang Tagalog-Ingles, 1990) ni Fr. Leo James English.
* Maraming salamat kay Ginoong Naderev "Yeb" Saño, commissioner ng Climate Change Commission, sa kanyang palagiang pagkukwento nito sa mga Climate Fair, at nakakadaupang palad sa Climate Walk
- Libmanan covered court, Libmanan, Camarines Sur, Oktubre 17, 2014
* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.