Biyernes, Pebrero 28, 2014

Bawal sumingit

BAWAL SUMINGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(May nakahaing panukalang batas sa Kongreso na bawal na ang sumingit sa anumang pila. Ito ang House Bill 3953 o Anti-Singit Bill. Ayon sa nasabing panukala, bawal na ang singitero.)

nakakatawang nakakainis ang gawang ungas
dapat tamang asal ay igagawa pa ng batas
aba'y singit ng singit lagi sa pila ang hudas
sa kapwa nag-aapura'y ayaw nang pumarehas

bakit di agahan ang gising kung nagmamadali
bangon at kilos na agad nang di tinatanghali
dahil may trabaho'y pupungas, tulog ma'y maikli
agad tatayo, katawan ma'y magkabali-bali

at pagdating doon sa terminal, agad pipila
kapag nakalingat ang iba'y sisingitan niya
diskarte'y panay ngiti, makasingit lamang siya
parang siya lang ang nagmamadali, di ang iba

kahit sinong nakapila'y tiyak na magagalit
na ang kararating pa lamang ay biglang sisingit
hoy, pumila ka sa dulo at huwag mong igiit
na sa unahan o sa gitna'y sumingit kang pilit

Huwebes, Pebrero 27, 2014

Pagninilay minsang dapithapon

PAGNINILAY MINSANG DAPITHAPON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa isyung kuryente, kayraming nakikipaglaban
pagkat ito'y mahalagang isyu ng mamamayan
sa problema ng unyon, tayo lang ang lumalaban
pagkat itong bayan ay di pa natin maasahan

kayraming kumikilos pag ang isyu'y edukasyon
kulang ang guro't klasrum at mahal pa ang tuwisyon
ngunit di sila maasahan sa isyu ng unyon
pagkat manggagawa lang ang nakikibaka roon

kayraming nagrarali dahil nagmahal ang tubig
mga talumpati nila'y sadyang nakakaantig
tinig ng sambayanan ay tinitiyak marinig
ngunit sa karapatan ng obrero'y di makabig

isyu rin ng manggagawa ang isyung kalikasan
polusyon, plastik, nagbabagong klima, basurahan
ngunit isyu ng manggagawa'y di mapag-usapan
sa sirkulo nitong makakalikasang samahan

sa isyung pork barrel, nasa Luneta daw ay milyon
iba't ibang sektor ay nagkaisa'y nagsibangon
ngunit sa isyu ng salot na kontraktwalisasyon
di makasama ang sambayanan sa isyung iyon

ani Lenin, dapat pangunahan ng manggagawa
yaong mga isyu ng bayan tungo sa paglaya
tungkulin nilang ipaliwanag bakit may dukha
tunggalian ng uri sa masa'y mapaunawa

sa lipunan, dalawang uri ang magkatunggali
kapitalismo itong tao'y pinaghati-hati
kaya dapat obrero'y mag-organisang madali
pagkat sila'y pinakarebolusyonaryong uri

manggagawa sa lahat ng bansa na'y magkaisa
kayo ang mapagpalayang babago ng sistema
mga katunggali ninyong uri'y ibagsak nyo na
itayo ang lipunang walang pagsasamantala

Miyerkules, Pebrero 26, 2014

Suliranin ba'y paano haharapin?

SULIRANIN BA'Y PAANO HAHARAPIN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit ako magpapatali sa mga problema
aba'y bahala iyang problema sa buhay niya!
basta ako'y magsusulat at magpopropaganda
sa kisame'y nakatunganga't nag-aanalisa

mga problema'y di ko talaga nais isipin
at wala rin akong balak na problema'y dibdibin
wala iyan, problema'y dapat lang balewalain
maging positibo't solusyon ang ating hanapin

tambakan mo ako ng problema't ako na'y lalayo
lalo na't kaugnay iyan ng relasyon at puso
ngunit kung para iyang sudoku, ako'y kikibo
sasagutin tulad ng aldyebrang walang pagsuko

mas maigi pa ang suliraning matematikal
kaysa sa mga problemang, ay naku, emosyonal
pag problema'y pandamdamin, ako'y natitigagal
puso ko'y nadudurog, tila di ako tatagal

sapat ang intelligence quotient, dapat bang matuwa
ngunit ang emotional quotient naman ay kaybaba
paano ko lalabanan ang sanlaksang kuhila
na ang dinulot sa bayan ay pagkapariwara

problema'y huwag dibdibin, suriin natin iyon
isipin natin kung anong mahusay na solusyon
tulad sa ahedres, hanapin ang tamang posisyon
pag nasolusyunan na, halawan ng aral iyon

Pambabarat sa Kababaihang Manggagawa

PAMBABARAT SA KABABAIHANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"The capitalists speculate on the two following factors: the female worker must be paid as poorly as possible and the competition of female labour must be employed to lower the wages of male workers as much as possible." ~ Clara Zetkin

para sa kapitalista'y ito ang tamang gawin:
manggagawang kababaihan ay dapat baratin
nang sahod ng obrerong lalake'y mapababa rin
singlinaw ng tubig ang katusuhan nilang angkin

dahil gastos ang paggawa, tubo'y nabawasan na
dapat nang mambarat ang switik na kapitalista
tila sa bawat pag-akyat ay pababa ang hila
sa obrerong dapat sa pag-unlad nila’y kasama

di patas sa manggagawa ang sistemang kapital
tila mga bibig nila’y pinasakan ng busal
sa paggawa, kanilang buto'y tila napipigtal
di pa ba nauunawa bakit dapat umangal?

tubo ang pangunahin, di karapatan ng tao
pagkat iyan ang kalikasan ng kapitalismo
sa namuhunan, barya lang ang sahod ng obrero
barya na nga lang ngunit binabawasan pa ito

aralin ang lipunan, isyu't nangyayari ngayon
pagsasamantala ba'y bakit laganap na noon?
obrero ba'y mababago ang ganitong sitwasyon?
o kinakailangan na ng isang rebolusyon?

Martes, Pebrero 25, 2014

Bangungot ng Hibakusha

BANGUNGOT NG HIBAKUSHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tila sampung libong uling ang sumunog sa balat
tila lalamunan ay sinakal at nagkalamat
tila diwa't puso'y unti-unti nang nawawarat
tila katawan na'y naputol, sa daan nagkalat

ang nayon nila't daigdig ay bigla nang nag-iba
marahil tanong sa sarili'y nasaan na sila
nasa dagat na ba ng apoy, doon natutusta
patay na ba sila't sa Hades sila napapunta

di madalumat na ito'y epekto ng radyasyon
nang Amerikano'y nagbagsak ng bomba sa Hapon
libong buwitre'y pumuksa sa kanila't lumamon
sa mga biktima'y sadyang bangungot ng kahapon

anila, sinalubong sila ng kayputing langit
kayliwanag, animo'y bahagharing lumalapit
hanggang pumula, rumagasa'y apoy na kumapit
sa katawan, buong puso't diwa nila'y hinaplit

hanggang sila'y maratay sa banig ng karamdaman
higaan nila animo'y larangan ng digmaan
ramdam ay nag-iisa kahit may kasama naman
nais nilang mabuhay kaya pilit lumalaban

karaniwang taong saksi sa bomba atomika
na sadyang binagsak sa Nagazaki't Hiroshima
animo'y bangkay na ang tulad nilang Hibakusha
wala akong masabi kundi Hustisya! Hustisya!

* The surviving victims of the atomic bombings of Hiroshima and Nagasaki are called hibakusha, a Japanese word that literally translates as "explosion-affected people" and is used to refer to people who were exposed to radiation from the bombings. ~ Wikipedia
* Picture from Anti-Nuclear Rally and Walk, from Times Square to UN on May 2, 2010, the day before the NPT Review Conference (Photo from Hidankyo Shimbun, June 6, 2010)

Armas-nukleyar, ayon sa UNHRC, 1984

ARMAS-NUKLEYAR, AYON SA UNHRC, 1984
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 na pantig bawat taludtod

U.N. na ang nagsasabing / krimen sa sangkatauhan
ang produksyon at paggawa, / pag-aari at paglulan
lalo'y paggamit ng armas / na nukleyar sa digmaan
kaya dapat lamang itong / ipagbawal nang tuluyan

pinakamalaki itong / banta sa buhay ng tao
lalo na sa karapatan / nating mabuhay sa mundo
armas-nukleyar ay banta't / pruweba ng mga tuso
na sa anumang digmaan, / tiyak silang mananalo

ngunit maraming sibilyan / ang totoong nadaramay
sa kasaysayan ng mundo'y / kayrami nilang namatay
sanlaksa ang naulila / sa mga mahal sa buhay
nagpakana'y walang paki / may pamilya mang malumbay

sa paggawa ng armas / kaylaki na ng gastos
imbes na sa kalusugan / o edukasyon itustos
mas nais pang mag-alipin, / ibang bansa'y mabusabos
pag nanalo'y pawang kabig / habang iba'y kinakapos

magkaisa bawat bansang / manawagan nang pawiin
lahat ng armas-nukleyar / pagkat ito'y sadyang krimen
sa buong sangkatauhan / na sinabi nga ng U.N.
nawa panawagang ito / ay kanila namang dinggin

halina't tayo'y kumilos / laban sa ganitong armas
makakamtan lamang natin / ang isang magandang bukas
kung walang armas-nukleyar / at may sistemang parehas
at iiral ang hustisya't / pag-ibig na sadyang wagas

* In 1984 the United Nations Human Rights Committee noted that "it's evident that the designing, testing, manifacture, possession and deployment of nuclear weapons are among the greatest threats to the right to life which confront mankind today" and concluded that "the production, testing, possession, deployment and use of nuclear weapon shold be prohibited and recognized as crimes against humanity." ~ from the article "The Effects of nuclear weapons" by www.motherearth.org

Ang kilabot na Lawa Karachay

ANG KILABOT NA LAWA KARACHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Lake Karachay, located in the southern Ural Mountains in eastern Russia, was a dumping ground for the Soviet Union's nuclear weapon facilities. It was also affected by a string of accidents and disasters causing the surrounding areas to be highly contaminated with radioactive waste. Washington, D.C.-based Worldwatch Institute has described it as the "most polluted spot on Earth." - From Wikipedia

nakakakilabot ang tubig sa Lawa Karachay
higit pa sa tapunan ng nabubulok na bangkay
radyoaktibo na ito't isda'y di mabubuhay
di ka makatatagal, amoy na'y nakamamatay

sa timog ng bundok Ural sa Rusya naroroon
basura ng nukleyar ang doon ay tinatapon
mula sa Mayak kaya kaytindi na ng polusyon
radyoaktibo ang lawa, puno, buong rehiyon

likas-yaman na'y nangasira, lahat apektado
di ka makatatagal doon kahit limang minuto
nang magkasakuna sa Lawa Karachay ng todo
tumagos sa kailaliman ang basurang ito

sakuna sa nukleyar ay dusa na't pawang hirap
wala kang maririnig, mata mo'y aandap-andap
nasa iba ka nang mundo, wala ka nang hinagap
doon sa Lawa Karachay ay bangkay ka nang ganap

Linggo, Pebrero 23, 2014

Sa malayong bundok

SA MALAYONG BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ititira kita sa bundok ng luho
doon mawawala ang iyong siphayo
ngunit kaipala yaon ay madugo
kayhirap marating, baka ka maglaho

ililipad kita sa bundok ng ginto
at doon ay damhin ang tibok ng puso
ikaw lang ang diyosang aking sinusuyo
habang pag-ibig mo'y di ko pa makuro

hahanguin kita sa bundok ng tanso
doon ang lahat ay pawang walang kibo
na dinadaana'y pulos baku-bako
at walang patawad sa mga hunyango

ililigtas kita sa bundok ng bungo
halos ang naroon ay pawang tuliro
iyon ang panahon ng kambal na dungo
tayo na, sinta ko, kita na'y lumayo

Ang pananahanan

ANG PANANAHANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

nais kong gumawa ng bahay sa puno
doon matutulog, kakain, uupo
pahingahan yaon ng diwang tuliro
habang umiibig ang naaping puso

nais kong likhain ang bahay sa ulap
habang ang diwata'y aking hinahanap
doon ay malayo sa anumang hirap
habang tinutupad ang bawat pangarap

nais kong buuin ang bahay sa alon
na niroromansa ng bawat pagbangon
pakakasalan ko ang diwata roon
habang nagaganap yaong rebolusyon

nais kong layuan ang bahay sa usok
na mas matayog pa sa sanlaksang bundok
kayhirap tirahan, nakasusulasok
kapag nagkasakit, tumbong ay uumbok

may nais magtayo ng bahay sa araw
pagkat wala roong panahong tagginaw
paano pag ikaw ay may kaulayaw
aba'y tiyak doon kayo'y malulusaw

nais kong itatag ang bahay sa palad
doo'y kayakap ka sa bawat pag-usad
pag-ibig sa iyo'y aking ilalahad
at huwag ka sanang biglang mapaigtad

Trahedya ng Pasong Bungo

TRAHEDYA NG PASONG BUNGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bumagsak na ang bomba nukleyar sa Pasong Bungo
walang malay ang mga taong biglang nangapaso
paningin nila't pandinig, unti-unting naglaho
bawat isa'y di makilala sa pagkatuliro

ang Pasong Bungo'y binusabos na ni Kamatayan
ang lahat na'y sinakop ng kanyang kapangyarihan
iyon na ba ang Hades nitong bagong kasaysayan?
lahat doon ay kinulong sa dusa't kasawian

bakit ba kailangan pang ibagsak yaong bomba?
dahil mga tao doo'y walang pagkakaisa?
paano kung nakatira'y payapa't masasaya?
sa trahedyang nangyari'y sinong mga mapagpasya?

Pasong Bungo ba'y bayan ng tuso't makasalanan?
na tubo ang nasa isip, di kapwa mamamayan
pulitiko'y tiwali, di talaga lingkod-bayan
ang pangunahin lagi'y kita sa pinamuhunan

nakalulungkot, bomba nukleyar pa ang sinapit
isa itong katampalasanang sadyang kaylupit
nagpakana ba nito'y nasisiraan ng bait?
habang nakatanghod lamang ang mahabaging langit?

totoo sa pangalan ng lugar na Pasong Bungo
mga mamamayan nito'y tuluyan nang naglaho
sana'y wala nang iba pang Pasong Bungong guguho
dahil wala nang bomba nukleyar saanmang dako

Isa lang akong bato sa lansangan

ISA LANG AKONG BATO SA LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

isa lang akong bato sa lansangan
kadalasang inaapak-apakan
tila wala raw akong pakinabang
kundi sila'y natitisod ko lamang

ngunit kung sa lansangan, ako'y wala
lulubog ang paa nila sa lupa
sa ulang tikatik, tiyak babaha
alikabok ay tinubigang sutla

bato lang akong aapi-apihin
ngunit kung ikaw'y mamalas-malasin
may bahagi akong nakapupuwing
ingat baka mabulag o maduling

sa lansangan, ako lang ay naroon
ngunit ako'y matatag na pundasyon
sementado't aspaltado man iyon
umasa kang makapaglilimayon

Sabado, Pebrero 22, 2014

Panalangin para sa Kalikasan

PANALANGIN PARA SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Ito ang biglaang tulang nilikha ng makata bilang pagpapaunlak sa kahilingan ng ilang mga dumalo sa talakayang Kamayan para sa Kalikasan nitong Pebrero 21, 2014, araw ng Biyernes, na magbigay ng panalangin matapos ang pag-awit ng Lupang Hinirang. Magsisimula na ang talakayan nang ang tula'y kanilang hiniling. Ang Kamayan para sa Kalikasan ay buwanang talakayan sa Kamayan Restaurant sa Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas na ginaganap tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan. Nagsimula ito noon pang Marso 1990.)

ang kalikasan ay ating kapatid
ang buhay nila'y di dapat mapatid
huwag hayaang sa sama sila'y mabulid
ang kalikasan ay sa buti natin ihatid
na sa kapwa mamamayan ay ating ipabatid
pagkat ang kalikasan ay buhay
at bawat buhay ay ating kapatid

Kung sino ang totoong mabangis

KUNG SINO ANG TOTOONG MABANGIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"A savage is not the one who lives in the forest, but the one who destroys it."

sino nga ba ang tunay na may ugaling mabangis?
yaon bang taong gubat na may sibat na matulis?
o yaong tagalungsod na gubat ay tinitiris?
upang magkamal ng salapi't gubat ang interes?

tahanan ng taong gubat ang buong kagubatan
umano ang diyos nila'y sa puno nananahan
mabangis ba sila dahil walang pinag-aralan?
gayong ang gubat nga'y kanilang pinoprotektahan

taong gubat ba o kapitalista ang mabait
di ba't ang mapanira ng gubat yaong malupit
nang dahil sa tubo'y kayrami nilang ginigipit
puno'y ginawang troso ng mayamang mapanlait

kabangisan ay wala sa anyo ng pamumuhay
naroon iyon sa ugaling mapanirang tunay
taong gubat man kung mapayapa sila sa buhay
daig pa ang sibilisadong tubo lang ang pakay

Biyernes, Pebrero 21, 2014

Kasama ba'y dapat ituring na kapatid?

KASAMA BA'Y DAPAT ITURING NA KAPATID?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 na pantig bawat taludtod

ang kasama ba'y dapat ding ituring na kapatid?
o dapat ituring siyang higit pa sa kapatid?
pagkat ang taya'y buhay na maaaring mapatid
kasamang kaisa sa prinsipyo at diwang hatid

iisa ang adhikang nananalaytay sa dugo
nagkaisa sa simulaing sa puso'y tumimo
mga kasama'y di lang kapatid kundi kadugo
kapwa rebolusyonaryo, kapamilya't kapuso

kung ang kapatid mo'y iyong pinangangalagaan
pagkat isa ang pinanggalingang sinapupunan
mga kasama'y dapat din nating pangalagaan
pagkat iisa ang kinaaanibang kilusan

pag may problema ang kapatid, tinatanong natin
at masinsinang kinakausap upang lutasin
ang bumagabag sa kanyang anumang suliranin
pagkat siya'y kapatid, pinakamamahal natin

pag may problema ang kasama, siya'y tinatanong
paano masagot ang anumang sa kanya'y bugtong
dahil kasama'y bibigyan siya ng payo't dunong
at tutulungan siyang sa problema'y makaahon

ang kasama'y kasama sa sakripisyo ng buhay
buhay na sa rebolusyon ay kanila nang alay
hanggang makamit yaong inaasam na tagumpay
magkasama'y magkapatid hanggang sila'y mamatay

Huwebes, Pebrero 20, 2014

Narito ka sa kilusan dahil...

NARITO KA SA KILUSAN DAHIL...
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 na pantig bawat taludtod

pumasok ka sa kilusan / di dahil galit sa mundo
kundi dahil sa sistemang / dahilan nitong siphayo
narito ka sa kilusan / dahil nais mong mabuo
ang isang bagong sistemang / inalayan mo ng dugo

pumasok ka sa kilusan / dahil ikaw'y nalulugod
na ipagtanggol ang masa / isyu nila'y itaguyod
narito ka sa kilusan / dahil nais mong maglingkod
sa obrero't maitaas / ang karampot nilang sahod

pumasok ka sa kilusan / upang masa'y paglingkuran
at hindi upang layuan / ang mga pananagutan
nasa kilusan ka upang / pag-aralan ang lipunan
at sumama sa obrero / sa pamumuno sa bayan

pumasok ka sa kilusan / hindi upang problema mo
ay iyong makalimutan / hoy, isang kilusan ito
nasa kilusan kang puno / ng hirap at sakripisyo
habang tinataguyod mo'y / kaisipang sosyalismo

hindi ka nasa kilusan / upang tumunga-tunganga
at magbilang lang ng poste / sa harapan nitong madla
narito ka sa kilusang / umaagapay sa dukha
kumikilalang masugid / sa hukbong mapagpalaya

narito ka sa kilusan / upang ialay ang buhay
para sa prinsipyong tangan / nang wala kang hinihintay
na kapalit, maliban sa / inaasam na tagumpay
kamtin ang isang lipunang / sadyang makataong tunay

My pen is my sword

MY PEN IS MY SWORD
by Gregorio V. Bituin Jr.

they thought I'm just an activist, a writer, a poet
that I'm wasting my time looking at the ceiling
that I frequently went to rally lambasting the system
but I chose to be a poet, a writer, an activist
doing what I thought living my life to the fullest
choosing to give this life to the effort of fighting
for a principled cause to change this world
to have a life worth living for fellow human beings

I am a poet for the working class, for the proletarian
showing the system's foolishness thru meter and rhyme
dissent is my passion, decent is my word
living with a fruition, my pen is my sword
I eventually look at the ceiling to think and analyze
and the ceiling sometimes show where the matter lies
when will this moribund anti-people system die?
surely through the proletarian's hand the answer lie

reading books, journals, news and current events
is not my past time but a necessary time spent
the street is our arena of ideas and class war
and poetry is my armory that can be used in afar
my pen is my sword, writing poems in sweat and blood
in times of peace and goodwill, in sorrow and flood
yes, they may think I’m just a poet, a writer, an activist
but to be a man for others is what I'm doing best

Miyerkules, Pebrero 19, 2014

Wala akong kaibigan, ngunit maraming kasama

WALA AKONG KAIBIGAN, NGUNIT MARAMING KASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 na pantig bawat taludtod

tulad ko'y walang totoong / kaibigan sa kilusan
ang meron lang ay kasama / na siyang aming tawagan
kaya kung may suliraning/ dapat lutasing agaran
ako nga'y walang kakampi / na kapatid ang turingan
ang lahat tila'y kalaban / walang mapagsanggunian
walang matinong kausap / kani-kanya ng dahilan

pag mayroong kaguluhan / at matindi ang nangyari
ako'y walang makausap / sino ang aking kakampi
ano bang naganap? bakit? / nagtatanungan lang kami
parang di magkakasama / sa samahan at balwarte
sari-sariling palusot / wala silang nasasabi
ang disiplina ba'y ganyan / ganyan ba'y asal ng kadre

wala sa aking magtanggol / agad lalapit, bubulong
"may naninira sa iyo / pag-ingatan mo ang buhong"
may kalaban nga bang lihim? / na laging nagmamarunong
ngunit dahil wala akong / kaibigang makatulong
ako pala'y sinira na / ng kalabang nabuburyong
ngunit kung may kaibigan / sila'y agad magsusumbong

wala akong kaibigan / iyon na'y ating tanggapin
ngunit maraming kasamang / isa ang prinsipyong angkin
wala akong kaibigan / ngunit ako'y may layunin
tulad ng mga kasamang / iisa ang adhikain
walang kaibigang tunay / na masasabi kong akin
pagkat pawang kasama lang / ang sa bawat isa'y turing

marahil ganyang talaga / yaring buhay naming tibak
maaari tayong iwan / kung sila'y mapapahamak
disiplina ng Partido / itong tangi naming hawak
kung may nagawa kang mali / dapat parusahang tiyak
kung ang dangal mo'y may batik / ay gagapang ka sa lusak
kaya puri'y protektahan / tulad ng mga pinitak

wala akong kaibigan / bagamat may kolektibo
marami akong kasama / sa tinanganang prinsipyo
wala akong kaibigang / kaibigan ngang totoo
ngunit may kasama akong / dilag na kahit buhay ko
ay taos-puso kong alay / ngitian lang niya ako
na siyang tangi kong saya / sa pakikibakang ito

wala akong kaibigang / lagi kong nakakaramay
sa maraming suliraning / nakasusugat ngang tunay
ngunit maraming kasamang / laging aking kaagapay
sa mga pagkilos ngunit / hindi kasama sa lumbay
tanging sa adhikain lang / at prinsipyo magkaugnay
di talaga kaibigang / kasama hanggang mamatay

Martes, Pebrero 18, 2014

Giordano Bruno, Martir ng Malayang Kaisipan

GIORDANO BRUNO, MARTIR NG MALAYANG KAISIPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

i
ang kanyang pangalan ay Giordano Bruno
isa siyang matematiko't astrologo
teorya niya'y lagpas sa Copernicano
sa kanya, araw, bituin at uniberso

ay sadyang kalawak daw at walang hangganan
may buhay pang iba kaysa mundong tahanan
lagpas pa sa Milky Way, may mga nilalang
tulad ng tao'y humihinga't lumalaban

si Giordano'y kinilala ng marami
sa malayang kaisipan, siya'y nagsilbi
ngunit Romano'y tinuring siyang erehe
at sinunog pa ng buhay sa isang poste

ii
naalala ko tuloy yaong pelikula
na "The One" na ang sikat na Jet Li ang bida
sa ibang mundo'y kayraming kakambal niya
na ang paksa'y multi-unibersong teorya

Hustisya kay Tado at sa iba pang nadisgrasya

HUSTISYA KAY TADO AT SA IBA PANG NADISGRASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 na pantig bawat taludtod

namatay sa aksidente'y labing-apat na tao
higit dalawampu ang nasugatang pasahero
kabilang sa mga namatay ang dalawang dayo
nahulog sa bangin ang bus sakay ang mga ito

kasama si Tado, komedyante at aktibista
sa mga pagkilos ay matagal na nakasama
kolorum daw yaong bus, iba ang gamit na plaka
kaya't lagot itong may-ari ng bus na Florida

ayon sa tsuper, nawalan ng preno ang sasakyan
habang palusong sa kurbadang bahagi ng daan
sigaw daw ng ilan, ang bus ay ibangga na lamang
upang malalang disgrasya'y kanilang maiwasan

ngunit tsuper sa payong ito'y di naman nakinig
"magagalit ang may-ari" ang lumabas sa bibig
ang tinuran niyang ito'y sadyang nakayayanig
"magagalit ang may-ari" ang sa kanya'y narinig

di dapat parusa'y makansela lang ang prangkisa
dapat mabayaran din ang lahat ng nadisgrasya
lahat ng bus, inspeksyunin, ayusin ang sistema
at sa lahat ng nangamatay, hustisya! hustisya!

di sapat makulong lang ang tsuper ng nasabing bus
sosyalisadong transportasyon ay gawin nang lubos
bagong sistemang di na naghahabol ng panustos
sistemang ang pasahero'y iniingatang taos

Lunes, Pebrero 17, 2014

Mapanghimagsik din ang mga makata

MAPANGHIMAGSIK DIN ANG MGA MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mga kasama hanggang ngayon ay walang proyekto
sa mga propagandista't manunulang tulad ko
sila'y tila nabababawan sa pagtulang ito
tila ba ito'y di sangkap sa tagumpay ng rebo

tingin nila'y pansarili lang ang aking pagtula
ngunit nang rebo'y niyakap, sarili na'y nawala
pulos pulitika't pagbabago ang inadhika
kitang-kita lahat iyon sa bawat mga katha

tingni, sa tula'y bihirang pansariling hangarin
pagkat bawat tula'y rebolusyon ang diwang angkin
kung minsang may pag-ibig, ito'y mapanghimagsik din
laban sa bulok na sistemang dapat lang baguhin

hindi ba't rebolusyon din ang bawat kong pagtula
sapagkat nakapagmumulat at nakahihiwa
ng may balat-kalabaw at reaksyunaryong diwa
mapanghimagsik din yaring tulad naming makata

Di man natuloy ngayon sa payaw

DI MAN NATULOY NGAYON SA PAYAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 na pantig bawat taludtod

ako'y umuwing lalawigan, nangarap sumama
sa payaw, kahit sa laot ay mag-isang buwan pa
isa iyong misyong noon pa'y pinangarap ko na
buhay sa laot ay maikwento ko't maibida

nais kong lumikha sa laot ng maraming tula
hinggil sa buhay at isyu ng ating mangingisda
habang naroroon sa payaw na malaking bangka
sa tula'y ilarawan ang kanilang ginagawa

mula Batangas, abot ng Palawan, at saanman
pag maalon, may unos, payapa ang karagatan
mga mangingisda ba'y anong naging karanasan
pag may panganib, paano nila nalulusutan

wala pang iskedyul ng payaw, ang sabi sa akin
mahal ang gastos, paano kung ako'y mahiluhin
pag nagkaaberya, baka ako pa'y problemahin
di raw sanay sa laot, baka di ko raw kayanin

takot silang ako'y sumama, di raw mangingisda
sagutin pa raw nila pag may nangyaring di tama
sapat bang doon sa aplaya lang ako kakatha?
di ba't mas maiging sa payaw lilikha ng tula?

ngunit misyon ko'y pangarap na di ako aayaw
lilikhain ko'y mga tula ng danas sa payaw
misyon ko'y tutuparin ko rin pagdating ng araw
at aklat ko mula sa laot, sa madla'y hahataw

Linggo, Pebrero 16, 2014

Huwag kang himatlugin

HUWAG KANG HIMATLUGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kumilos ng kumilos, huwag himatlugin
maging mapanlikha, anong kaya pang gawin
lahat tayo'y tatanda't nagiging ubanin
ngunit kalusugan ay alagaan pa rin

galaw-galaw, baka ma-istrok, ika nila
huwag yaong laging nakahiga sa kama
kung may ramdam na sakit, mag-ehersisyo ka
bakasakaling katawan mo'y lumakas pa

baka manigas kung lalaging nakaupo
mga himatluging lagi nang nakayuko
pakuya-kuyakoy, turo na lang ng turo
ayaw kumilos, sa sakit na'y sumusuko

huwag maging himatluging nakatunganga
na akala mo'y ahas yaong nakatuka
galaw-galaw ka't baka ma-istrok kang bigla
di ka maagapan, tuluyang mamayapa

Paghagulgol ng mga puno

PAGHAGULGOL NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang mga puno'y kaytindi ng daing at hagulgol
kailan matitigil ang sa kanila'y pagputol?
sa pagkalbo ng kagubatan, sila'y tumututol
tanong sa atin: sa kanila ba'y ito ang hatol?

nais ng mga punong magprotesta nang tuluyan
magtungo sa Malakanyang kung kinakailangan
ngunit kung ang pangulo mismo'y walang pakialam
yaong pagputol sa kanila'y di mapipigilan

dagdag na tanong: anong dapat gawin nilang puno?
sila'y umalis sa gubat at tuluyang maglaho?
magbabalik lamang kung ang tao na'y nagtitino?
puno ba'y aalagaan, hahayaang lumago?

ang mga puno'y buháy, kuhanan ng makakain
pananggalang sa baha't unos, sa araw ay lilim
ngunit kung tingin sa puno'y troso ng mga sakim
kawawang puno, lagi na lang silang sisibakin

Sabado, Pebrero 15, 2014

Sa aking amasona (A Valentine's Day poem)

SA AKING AMASONA (A Valentine's Day poem)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasaan ka man, muli't muling iibigin kita
trabaho man natin, aking giliw, ay magkaiba
maselan ang sa iyo, ako'y tula't propaganda
ngunit sa puso't diwa, kita'y laging magkasama

lakambini kitang sa gabi'y napapanagimpan
kailan tayo magkikita, mutya ng kariktan
umabot ba sa inyo ang polyeto't pahayagan
may tula ako roong inalay sa iyo lamang

magkikita kita sa pagitan ng rebolusyon
habang dinadaganan tayo ng globalisasyon
bulok na sistema'y sa manggagawa lumalamon
habang tayo, mahal ko'y patuloy na bumabangon

pagsinta mo'y dumadaloy sa aking mga ugat
na kung papatirin ay mamamatay akong sukat
ang presensya mo sa puso ko'y laging nasasalat
habang diwa ng masa't uri'y ating minumulat

nawa pagkikita nati'y tigib pa ng pag-ibig
labi'y sisiilin, kukulungin kita sa bisig
maligaya akong makasama ka't makaniig
habang tula't awit ko sa iyo'y iparirinig

Biyernes, Pebrero 14, 2014

Ang laot sa isang ibong ligaw

ANG LAOT SA ISANG IBONG LIGAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang tulad ko'y ibong ligaw doon sa kalawakan
naglakbay mula sa malayo upang may gampanan
punuan yaong aklat mula sa sinapupunan
ng sigwang naroroon sa laot ng karagatan

nais kong baybayin ang aplaya patungong laot
upang sa mga katanunga'y hanapin ang sagot
paano ba papaksain ang tiwali't bangungot
paano tutulain ang karanasang kaylungkot

sa malao't madali ako'y biglang magigising
habang nasa laot ng inaadhikaing marating
paano aabutin ang tayog ng toreng garing
at makasama ang dilag na tunay ngang kaylambing

Para sa paglaya

PARA SA PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hindi kami nagpapakamatay lumaban
para lang kamtin ang kakarampot na sahod
para lamang sa masasarap na pagkain
para matungga ang masasarap na alak
para ilan ay makatulog ng mahimbing
habang mga dukha'y nanginginig sa gutom

kaming narito'y handang mamatay sa laban
hindi para sa pansariling kapakanan
hindi para magkaroon ng kayamanan
hindi para sa pagsikat o katanyagan
hindi para lang purihin ng sambayanan
hindi para lang umangat sa katungkulan

handa kaming mamatay para sa paglaya
di sa pagsikat, kabusugan, o pagyaman
kundi kalayaan, oo, paglaya lamang

kalayaan mula sa bulok na sistema
paglaya mula sa pribadong pag-aari
kalayaan mula sa mga pang-aapi
paglaya upang magpantay ang kalagayan
kalayaan mula sa pagsasamantala
paglaya upang ang lahat ay makinabang

Huwebes, Pebrero 13, 2014

Gaano katamis ang luha?

GAANO KATAMIS ANG LUHA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may mga kabiguang sadyang sakdal-tamis
bigo man sa pag-ibig at ramdam ay hapis
dalawang puso ma'y parang tubig at langis
mahalaga'y umibig kahit na magtiis

gunita ng ngiti't aliwalas na mukha
ng dilag na inalayan ng puso't diwa
pag-irog niya'y di tanggap ng minumutya
lumuha siya ngunit kaytamis na luha

luha iyong naibulalas ang pag-ibig
sa dalagang minahal, nais makaniig
pangarap niyang sinta'y kulungin sa bisig
ngunit init niya'y sinuklian ng lamig

nabigo man, ang luha'y walang kasingtamis
lalo't minumutya'y inibig niyang labis

Sa Pebrero ng kasawian

SA PEBRERO NG KASAWIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

noon, kitang dalawa'y lagi nang magkayakap
habang binubuo ang magagandang pangarap
nasa bisig kita, tangay ka sa alapaap
at sa puso ko'y lagi kitang nahahagilap

nang ako'y iyong iwan, puso ko na'y nasawi
hanggang ngayon, kirot niyon pa'y nananatili
di kita malimot pagkat pagsinta'y masidhi
yaon ang Pebrero ng kasawiang kayhapdi

pag-ibig ay isa lang salita, sa wari mo
hanggang bigyang-kahulugan ko ito sa iyo
kahulugan nito'y ikaw, tagos sa puso ko
ikaw ang sinta kong bumuo sa pagkaako

nawa'y dama mo pa gaano kita kamahal
ikaw pa rin ang lakambining nasa pedestal
ng ating pangarap na sa puso'y laging usal
bakit ba ako sa iyo'y nagpapakahangal

Miyerkules, Pebrero 12, 2014

Amoy lapis at papel ang paligid

AMOY LAPIS AT PAPEL ANG PALIGID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Amoy lapis at papel ang paligid
Habang binubura ang pagkainip
Kamay ay nagsisimula nang gumuhit
Upang dalawang puso'y mapaglapit

Martes, Pebrero 11, 2014

Bagay muna bago isip ang mapagpasya

BAGAY MUNA BAGO ISIP ANG MAPAGPASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

“It is not the consciousness of men that determines their being, but, on the contrary, their social being that determines their consciousness.” ~ Karl Marx, A Contribution to the Critique of Political Economy (1859)

busog ka ng dalawang araw ay iyong isipin
at sa loob ng araw na ito'y di ka kakain
kaibigan, makakaya mo kaya itong gawin
isipin mo lang busog ka, umulan ma't arawin

kung sakali mang hamon kong ito'y magagawa mo
aba'y natatangi ka, kami sa iyo'y saludo
ngunit di ito magagawa ng lahat ng tao
pagkat bagay bago isip ang mapagpasya rito

nang sa Edsa mga tao'y sabay-sabay nagtipon
di iyon dahil inisip lang nilang gawin iyon
may nagkakaisa silang karanasan at layon
na nagtulak upang baguhin ang lagay ng nasyon

nag-iisip paanong mawala ang paghihirap
ngunit di naman kumikilos, pulos lang pangarap
bulong lang ng bulong, nais na buhay ay sumarap
ngunit walang ginagawa upang ito'y maganap

di ba't dapat may batayan ang ating pagpapasya?
anong materyal na kondisyon ng bayan, ng masa?
bakit sanlaksa'y dukha, kaunti'y nagtatamasa?
paano tayo kikilos, magagawa'y ano ba?

materyal na kondisyon ay dapat nating mabago
suriin ang lipunan, lagay ng bansa't ng tao
bakit ba laksa-laksa ang naghihirap sa mundo
di ito imahinasyon lamang, ito'y totoo

totoong mapagpasya'y bagay muna bago isip
sige, subukan mong mangarap ng gising, umidlip
magbabago ang lipunan sa iyong panaginip
ngunit paggising mo, hirap pa rin ang halukipkip

kaya kailangang suriin bawat kalagayan
at dito magsisimula ang pagbabagong asam
aralin ang ekonomya, pulitika, lipunan
mula dito'y kumilos tayo't sistema'y palitan

Pumuti na ang buto, huwag lamang ang sakong

PUMUTI NA ANG BUTO, HUWAG LAMANG ANG SAKONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

May kasabihan sa Tausug, "Marayaw pa mutih in bukug ayaw sin tikud-tikud” (It is better to see the white [color] of one’s bones [from a wound] than that of one’s heels) na sa Tagalog ay "Mas mabuti pang pumuti ang buto kaysa pumuti ang sakong." Ang ibig sabihin, mas mabuti nang mamatay kaysa tumatakbo sa laban.

sa labanan ay walang espasyo ang karuwagan
pagkat ang karuwagan ay di dapat sa labanan
mabuti pang mamatay ka sa isang tunggalian
kaysa bahag ang buntot, ito'y walang karangalan

ngunit may labanang di dapat alayan ng buhay
dahil walang prinsipyo, sayang ang buhay na alay
kung kayang mag-usap, mag-usap muna silang tunay
lutasin ang suliranin nang may prinsipyong gabay

ngunit sa isang digmaang ubusan na ng lahi
ang tumakbo sa laban ay duwag, wala nang puri
kahiya-hiya siya, dapat buhay na'y maputi
huwag lang masabing duwag, di baleng mamighati

ah, mabuti pang malagyan ng tingga yaong ulo
kaysa ang mabuhay kang duwag ang turing sa iyo
di makatindig ng taas-noo kahit kanino
pag ganito'y magbigti na o kaya'y mag-seppuku

mas mabuti pang pumuti ang buto kaysa sakong
dahil kumasa ka't sa labanan ay di umurong
bakit ba kailangang maglaban, ang iyong tanong
nararapat lang mag-usap, magkaroon ng bodong

talasalitaan:
* seppuku - ritwal ng pagpapatiwakal, o harakiri
* bodong - usapang pangkapayapaan
* maputi (sa ika-3 saknong) - sa ingles ay "to be killed" (matandang Tagalog)
* pumuti (sa ika-5 saknong) - sa ingles ay "to be white"

Lunes, Pebrero 10, 2014

Maraming salamat, kasamang Tado

MARAMING SALAMAT, KASAMANG TADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nang pumanaw ka patungo sa malayong lupain
dahil sa di inaasahang sakuna sa bangin
kami'y nagitla, kay-aga mong nawala sa amin
tila humagibis sa dibdib ang lamig ng hangin

mula Panday Pira'y pumalaot ka sa Sanlakas
Kamalayan, NFSC'y nakasamang madalas
naging aktibista nang lipunan ay maging patas
naging artista't sa mga pelikula'y lumabas

tatak mo ang pagpapatawa at mahabang buhok
kasamang nangarap na baligtarin ang tatsulok
tulad mo'y dumaan sa mga apoy ng pagsubok
hanggang makilala ng bayan, narating ang tuktok

marami ang sinamahan mo, di ka nakatiis
sa isyung human rights, pork barrel, kuryente'y kaybilis
tulad ng pagtaguyod sa adbokasya ng Greenpeace
Cut 'n Be Just ng Philippine Movement for Climate Justice

sa mga isyu ng bayan, kasamang nagsalita
isa rin sa nag-organisa ng grupong Dakila
sa StrangeBrew at BrewRats ay isa sa nangasiwa
ang t-shirt na LimiTado'y dinisenyo mo't likha

Kongresong Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
ay naging kaisa't kasama mo sa paglilingkod
TDC at Ating Guro'y iyo ring tinaguyod
pati laban ng manggagawang itaas ang sahod

kasama'y Bukluran ng Manggagawang Pilipino
sa pagtataguyod ng kaisipang sosyalismo
iyo ring inilathala ang dyaryong Asintado
habang binasa mo rin ang aming dyaryong Obrero

tumakbo kang konsehal ng lungsod mong Marikina
naging kandidato ng Partido Lakas ng Masa
dalawang ulit ka mang natalo'y nagpatuloy ka
nanguna ring tumulong sa binaha ng Yolanda

pinangarap mong makamit ang malayang lupain
at ang uring manggagawa'y sadyang pagkaisahin
kaya sosyalismo ang niyakap mong adhikain
ngayon, kabilang buhay na ang iyong tatawirin

sa iyo, kasama, taas-kamaong pagpupugay
nawala ka ngunit sa puso'y di ka mawawalay
salamat ng marami sa saya mong ibinigay
muli, kami'y nagpupugay, mabuhay ka, mabuhay!

* Kamalayan - Kalipunan ng Malayang Kabataan
* NFSC - National Federation of Student Councils
* TDC - Teachers' Dignity Coalition


* Si kasamang Arvin "Tado" Jimenez (Marso 24, 1974 - Pebrero 7, 2014) ay kilalang komedyante sa pinilakang tabing at isa ring aktibista. Namatay siya nang mahulog sa bangin ang sinasakyang Florida bus noong Pebrero 7, 2014 ng umaga, araw ng Biyernes, sa Banaue-Bontoc road sa Sitio Panggang, Barangay Talubin, Bontoc, Mountain Province, ayon sa ulat.

Sabado, Pebrero 8, 2014

Pagbaligtad ng sikmura't tatsulok

PAGBALIGTAD NG SIKMURA'T TATSULOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasisikmura mo ba ang mga katiwalian
na talamak na sa maraming ahensya ng bayan
ang mga trapo ba'y sino ang pinaglilingkuran
ang sambayanan, negosyante, o sarili lamang

nakahiga sa pera ng bayan ang mga trapo
ibinubulsa nila pati buwis ng obrero
pangako'y madalas ipako nitong pulitiko
sa halip na maglingkod, serbisyo'y ninenegosyo

tila kaluluwa ng bayan na ang binibili
ng mga kawatang trapong nangangamoy asupre
kung di mo masikmura ang asal nilang buwitre
di ba't mga trapong ito'y dapat lang magarote

nakakabaligtad ng sikmura ang gawa nila
sa bayan pagkat labis silang mapagsamantala
sa lipunang ito'y bulok ang kanilang sistema
mga katiwalian nila'y nakakasuka na

sigaw namin: palitan na itong sistemang bulok
baligtarin na rin ang sa lipunan ay tatsulok
mga trapong ito'y dapat makatikim ng dagok
mga trapong ang bayan na'y kanilang inuuk-ok

tatsulok na itong nasa tuktok ang mayayaman
habang nasa ilalim naman ang nahihirapan
panahon nang tatsulok ay baligtaring tuluyan
upang sikmura naman natin ay gumaan-gaan

Biyernes, Pebrero 7, 2014

Pagtugis kay Prometeo

PAGTUGIS KAY PROMETEO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"As Prometheus, having stolen fire from heaven, begins to build houses and to settle upon the earth, so philosophy, expanded to be the whole world, turns against the world of appearance. The same now with the philosophy of Hegel." ~ Marx, Notebooks on Epicurean Philosophy, (1839)

mga Bathala'y nagalit kay Prometeo
nang kinuha niya ang apoy sa Olimpo
karne'y luto, sa gabi'y may sulo ang tao
kaya sa kanya'y natuwa ang mga ito

siya'y namalagi na sa sandaigdigan
nagtayo ng maayos na masisilungan
apoy niya sa tao'y isang kagalakan
tanda iyon ng sumusulong na lipunan

kapara rin ng kaisipan sa daigdig
umuunlad, pasirit at nakayayanig
nagdudulot ng init sa gabing malamig
nagpapasigla sa mga payat na bisig

may buting dulot sa malikhaing pananaw
mula sa bigas, nagkakanin na at lugaw
mula sa araro'y nalikha ang balaraw
pira-pirasong bakal ay naging batingaw

mula sa maliit, pagiging kabisote
patuloy na ring umuunlad ang kukote
mula ungol, may salita nang sinasabi
tumutula na sa magandang binibini

tulad ng pananaw ng mga palaisip
pinupukaw ng apoy na di pa malirip
sa pag-unlad ba'y di tayo nananaginip
habang sumusulong, may ideyang kalakip

mula sa lipunang primitibo komunal
naglipunang aliping lumugso ng dangal
magsasaka'y tali sa lupa noong pyudal
sa kapitalismo'y tubo lagi ang usal

ideya'y di lang nakulong sa isang nayon
ideya'y umabot ng iba't ibang nasyon
pilosopiya'y inaaral hanggang ngayon
at bagong ideya'y tiyaking makatulong

Huwebes, Pebrero 6, 2014

Ka Popoy

KA POPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Be worthy of the leader who trained you." ~ Trotsky's eulogy to Lenin (Maraming salamat kay kasamang Mike sa pagbahagi ng quotation na ito.)

mapagpalaya ang naiwan niyang mga akda
na pamana sa ngayong mga dukha't manggagawa
sinuri ang lipunang sa masa'y kumakawawa
na sa kapitalismo, obrero'y di pinagpala

magiting siyang lider na nakaharap sa digma
na ang mga pagsusuri'y sadyang lapat sa lupa
may birtud ang panitik, talumpati't mga gawa
laging kausap ang unyon at mga manggagawa

inorganisa niya ang hukbong mapagpalaya
kasama ang mga lider ng unyon ng paggawa
Bukluran ng Manggagawang Pilipino'y sumigla
nanguna sa lansangan, sosyalismo'y binandila

pinaslang siya, bumagsak ang katawan sa lupa
ngunit ang diwa ng rebolusyon ay di nawala
tulad nina Marx, Lenin, at iba pang namayapa
wala na siya, naroon na sa puso ng madla

Pagdatal sa Bundok Apo

PAGDATAL SA BUNDOK APO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakatitig ako sa anyo ng sandaigdigan
habang iniluluha ang danas na kasawian
habang dinarama yaong natamong kabiguan
iyan ang daigdig, puno ng kabalintunaan

bundok na iyon ay kaytagal din naming inakyat
upang matupad na ang inaasahang pangarap
umulan, umaraw, nilandas ang putik, ang lahat
tangan na namin ang tinitingalang alapaap

kaysarap pagmasdan ang mga bituin sa gabi
habang kinukuha sa puno ang tinipong basi
may lumilitaw daw doong diwatang lakambini
na may magandang tugon sa palad mo't nangyayari

tangi kong armas doon ang pitong bolpen at papel
na bawat katha'y babasahin ko sa mga anghel
may ibong nakaisip lagyan ng bato ang pitsel
may mananahi ng salitang talagang kaytabil

yaon ang pinakamataas na bundok sa bansa
na nais akyatin ng mga dumanas ng baha
doon bagong pamayana'y nais nilang makatha
pamayanang walang iringan, may ligaya't tuwa

ilang araw pa ang lilipas, kami'y bababa rin
putik, kadawagan, yungib, ay muling tatahakin
pagkat pawang prutas na lang ang doo'y kinakain
tunay iyong paraisong kaysarap gunitain

Miyerkules, Pebrero 5, 2014

Mamamatay akong malinis ang pangalan

MAMAMATAY AKONG MALINIS ANG PANGALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mamamatay akong malinis ang pangalan
tama lang nasahin ng puso ko't isipan
dahil pagpapakatao'y ginagampanan
dahil dignidad ay laging iniingatan
dahil walang inaagrabyadong sinuman

malinis ang aking pangalan kung mamatay
walang kalokohang sa akin nakaugnay
magtiis man sa dusa kahit nalulumbay
sa pagpapakatao ako nabubuhay
ito ang prinsipyo kong niyakap ng tunay

mamatay man ay malinis ang pangalan ko
di nagsasamantala sa kapwa ko tao
habang tinataguyod ko ang sosyalismo
na isang sistema't lipunang makatao
na siya kong nasa hanggang mamatay ako

nais kong mawalang sa aking kapwa'y "honest"
na ang budhi animo'y malinaw na batis
ginagawa ang tama kahit na magtiis
maghirap man, kahit pa prinsipyo'y matiris
mamamatay akong may pangalang malinis

Walang himala't swerte sa rebolusyon

WALANG HIMALA'T SWERTE SA REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 na pantig bawat taludtod

sa rebo'y di mapagpasya ang anumang himala
di rin dahil sa swerte kung tayo'y pinagpapala
rebo'y mananalo sa sama-sama nating gawa
di dahil sa himala't swerte'y nanalo ng kusa

dahil ang pagrerebo'y may syentipikong batayan
sinusuri natin ang kalagayan ng lipunan
anong sistemang nagdulot ng laksang kahirapan
kung bakit kayraming dukha, mayaman ay iilan

kung nais mong ang lipunan ay tuluyang magbago
huwag kang umasa sa swerte't himala, pare ko
kumilos ka, organisahin ang uring obrero
prinsipyo't tangan, ipalaganap ang sosyalismo

dumaan man tayo sa putik ng unos at baha
daanan man pati apoy ng pagsubok at banta
halina't pagkaisahin ang uring manggagawa
pagkat sila ang tunay na hukbong mapagpalaya

himala't swerte'y ibasura't kalimutan natin
diyalektikong materyalismo'y ating aralin
ang prinsipyong ito'y isapuso't ating angkinin
at sa bawat kusa't pagkilos ay ating gamitin

Martes, Pebrero 4, 2014

Magtiktik ng kalawang o tanikala'y lagutin?

MAGTIKTIK NG KALAWANG O TANIKALA'Y LAGUTIN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

magtiktik ng kalawang o tanikala'y lagutin?
sadyang ito'y isang masalimuot na usapin
sa dalawang iyan, alin ang iyong pipiliin?
kung tao'y nakatanikala sa pagkaalipin

paano kung di niya alam na alipin siya
ng sistemang ang kalawang ang tinitiktik niya
natutuwa sa posas na sa ginto'y tinubog pa
pagkat binusog siya ng niyakap na sistema

di pa alam ng alipin ano ang kalayaan
na pag siya'y nakalaya ay magutom sa daan
mas mabuti pang amo'y balikan at paglingkuran
basta't busugin at huwag lamang siyang sasaktan

sa lipunang alipin lang iyan nangyari noon
o ito ba'y nangyayari pa magpahanggang ngayon
sa manggagawa'y kapitalismo ang nakalulon
manggagawa'y dukha, kapitalista'y nasa mansyon

magtiktik ng kalawang o tanikala'y lagutin?
mahalagang tanong na desisyon ay nasa atin
magtiktik ng kalawang sa tanikala'y alipin
mabuting walang tanikalang sasakal sa atin

Linggo, Pebrero 2, 2014

Kaytayog ng bundok na aking inaakyat

KAYTAYOG NG BUNDOK NA AKING INAAKYAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaytayog ng bundok na aking inaakyat
taas nito'y metro-metrong di ko masukat
di napapagod, tila ako'y may agimat
gayong mukha't kamay ko'y puno na ng sugat

anong naroroon sa matayog na bundok
at ninasa kong abutin ang kanyang rurok
daratnan ko ba'y lantay at wala nang bulok
o pagdatal ko roon, ako'y malulugmok

habang sinisilip ko ang nasa ibaba
tila ako'y nasa ulap, nakalulula
sandaling pahinga sa nahanap na lungga
at minumuni-muni ang sagot sa sumpa

kaylayo na pala nitong aking narating
pag nagkamali, lalaglagan ko'y kaylalim
naroon ba sa bundok ang mutya ng dilim
na hahatiran ko ng liwanag na angkin

ginto sa putikang kayhirap mahagilap
sana'y matagpuan ko ang pinapangarap
salamat ng marami kung ito'y mahanap
pagkat nagbunga rin ang aking pagsisikap

May liwanag din sa karimlan

MAY LIWANAG DIN SA KARIMLAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

may liwanag pa kayang aasahan
ang masang nilukob ng karukhaan?
ang manggagawang aliping sahuran?
ang pesanteng tali sa kabukiran?

ang dukhang dinemolis ang tahanan?
ang mga bilanggong nasa kulungan?
ang mga obrerong nandarayuhan?
ang mga ginigiling ang katawan?

ang mga babaeng may nakaraan?
ang lalaking walang kinabukasan?
ang pulubing walang laman ang tiyan?
ang nagtatakbuhang batang lansangan?

ang ulilang lubos na kabataan?
ang sanggol na iniwan ng magulang?
ang mga hindi pa isinisilang?
ang mamamayang lubog na sa utang?

hangga'y may buhay daw ay may pag-asa
may liwanag na aasahan sila
pagkatapos ng gabi ay umaga
di natutulog ang inang hustisya

mababago ang bulok na sistema
kung masa'y tunay na magkakaisa
kung manggagawa'y magsama-sama
kung walang mga mapagsamantala

kung susundin ng tao ang Kartilya
ng Katipunan na gabay ng masa
kung kikilanlin ang pagkakaiba
at pagkapareho ng bawat isa

kung kolektibong nilulutas nila
ang anumang dumatal na problema
kung sa kapwa'y may pagmamahal sila
tunay ngang pag may buhay, may pag-asa

Kinsenas, katapusan

KINSENAS, KATAPUSAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

karaniwan nang sa mga pinapasukan
opisina man, lansangan, o pagawaan
ang pasahod ay kinsenas at katapusan
natanggap na sweldo'y kayraming kaltas naman

dahil bagong sahod, akala mo na'y paldo
gayong kayraming bayaring babayaran mo
kuryente, tubig, upa sa bahay o kwarto
maniningil ay nakapila na sa iyo

parang balewala ang sahod na kinsenas
pagkat may bayaring awtomatikong kaltas
SSS, Pag-ibig, PhilHealth, kaylaking bawas
pag nagbunganga si misis, aray, kaytalas!

"saan na naman kayo ng inyong barkada?
o baka sweldo mo'y pinambabae mo na?
bakit sa sahod mo'y ito lang ang natira?
malaking parte nito'y saan mo dinala?"

tuwing kinsenas, katapusan, nasasabik
sa bago mong sahod pagkat bulsa na'y tirik
ngunit di ka pala nabunutan ng tinik
kay misis at sa bahay paano babalik

karampot ang sahod sa ganitong lipunan
pagkat isa ka lamang aliping sahuran
sapat para makabalik kinabukasan
upang araw-araw ay alipinin lamang

pagkat ganyan ang sistemang kapitalismo
lakas-paggawa mo'y di-mabayarang wasto
kalagayang ito'y nais mo bang mabago?
aba'y organisahin ang kapwa obrero!

suriin ang sistemang sa inyo'y kumahon
bilang sahurang aliping tila patapon
magkaisa't magsikilos na kayo ngayon!
kapitalismo'y palitan, magrebolusyon!

Sabado, Pebrero 1, 2014

Tayo'y internasyunalista, ani Lenin

TAYO'Y INTERNASYUNALISTA, ANI LENIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Capital is an international force. To vanquish it, an international workers' alliance, an international workers' brotherhood, is needed. We are opposed to national enmity and discord, to national exclusiveness. We are internationalists." ~ Lenin, Letter to the Workers and Peasants of the Ukraine (1919)


isang liham sa manggagawa't pesante sa Ukraine
ang pinadala ng rebolusyonaryong si Lenin

naglalaman ang liham ng mensaheng matalisik
na sa linamnam ay tiyak sa utak nga'y sisiksik:

"ang kapitalismo'y isang pandaigdigang pwersa
na patuloy na yumuyurak sa dangal ng masa

upang pandaigdigang kapitalismo'y mawala
isang pandaigdigang samahan ng manggagawa

ang dapat mabuo bilang matatag na samahan
manggagawang nagkasama sa isang kapatiran

tayo'y laban sa pambansang mga away at alit
at pambansang pagkakabukod na di naman sulit

pagkat tayong rito'y mga internasyunalista
obrero'y walang bansa, daigdig ang bansa nila"

napakagandang mensahe at pamana sa atin
kapwa'y walang limitasyon ng bansa, ani Lenin

sa pinakapayak, di sapat maging makabayan
pagkat bawat tao'y may pakialam kaninuman

kaya makipagkaisa tayo sa manggagawa
sa lahat ng bansa't dapat makipag-isang diwa

at ibagsak ang pandaigdigang kapitalismo
at itayo ng manggagawa ang lipunan nito

isaisip ang pagiging internasyunalista
isapuso rin at sa kapwa'y ating ipakita