Huwebes, Pebrero 27, 2014

Pagninilay minsang dapithapon

PAGNINILAY MINSANG DAPITHAPON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa isyung kuryente, kayraming nakikipaglaban
pagkat ito'y mahalagang isyu ng mamamayan
sa problema ng unyon, tayo lang ang lumalaban
pagkat itong bayan ay di pa natin maasahan

kayraming kumikilos pag ang isyu'y edukasyon
kulang ang guro't klasrum at mahal pa ang tuwisyon
ngunit di sila maasahan sa isyu ng unyon
pagkat manggagawa lang ang nakikibaka roon

kayraming nagrarali dahil nagmahal ang tubig
mga talumpati nila'y sadyang nakakaantig
tinig ng sambayanan ay tinitiyak marinig
ngunit sa karapatan ng obrero'y di makabig

isyu rin ng manggagawa ang isyung kalikasan
polusyon, plastik, nagbabagong klima, basurahan
ngunit isyu ng manggagawa'y di mapag-usapan
sa sirkulo nitong makakalikasang samahan

sa isyung pork barrel, nasa Luneta daw ay milyon
iba't ibang sektor ay nagkaisa'y nagsibangon
ngunit sa isyu ng salot na kontraktwalisasyon
di makasama ang sambayanan sa isyung iyon

ani Lenin, dapat pangunahan ng manggagawa
yaong mga isyu ng bayan tungo sa paglaya
tungkulin nilang ipaliwanag bakit may dukha
tunggalian ng uri sa masa'y mapaunawa

sa lipunan, dalawang uri ang magkatunggali
kapitalismo itong tao'y pinaghati-hati
kaya dapat obrero'y mag-organisang madali
pagkat sila'y pinakarebolusyonaryong uri

manggagawa sa lahat ng bansa na'y magkaisa
kayo ang mapagpalayang babago ng sistema
mga katunggali ninyong uri'y ibagsak nyo na
itayo ang lipunang walang pagsasamantala

Walang komento: